Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-A`râf

7
VII – Sûrat Al-A`râf
[Ang Mataas na Lugar]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm-Sãd – ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa umpisa pa lamang ng Sûratul Baqarah.

2. Ang Banal na Qur’ân na ito ay isang dakilang Aklat na ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r); na kung kaya, huwag kang mag-alinlangan sa iyong kalooban hinggil (sa Aklat na) ito, dahil sa katiyakang ito ay ibinaba mula sa Allâh (I); at huwag kang magdadalawang-isip sa pagpa-pahayag nito at sa pagbibigay ng babala sa pamamagitan nito, dahil ito ay ibinaba Namin para sa iyo; upang balaan ang mga walang pananampalataya at paala-lahanan ang mga mananam-palataya.

3. Sundin ninyo, O kayong mga tao! Ang anumang ibinaba sa inyo mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Qur’ân at ‘Sunnah,’ sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal; at huwag kayong sumunod sa mga ‘Awliyâ`’ bukod sa Allâh (I), (na inuutusan kayong maglagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) na katulad ng mga ‘Shaytân,’ ‘Rabbi,’ ‘Monks’ (mga monghe) at mga pari. Katiyakan, kung susunod kayo sa kanila ay kakaunti lamang ang paalaala na inyong makukuha na hindi man lamang maglalagay sa inyo sa katotohanan.

4. At karamihan sa mga bayan na Aming winasak ay dahil sa kanilang pagsuway sa mga Sugo na Aming ipinadala sa kanila at sa pagpapasinungaling nila sa kanila; na kung kaya, pinarusahan Namin sila ng kahihiyan dito sa daigdig at tuluy-tuloy na kapahamakan sa Kabilang-Buhay; at dumating sa kanila ang Aming kaparusahan, minsan noong sila ay natutulog sa gabi at minsan naman ay habang sila ay nagpapahinga sa araw (na ito ay sa tanghali pagkatapos ng ‘Dhuhr’).

Paliwanag: pinili ng Allâh (I) ang dalawang pagkakataong ito, dahil sa ito ang mga oras ng kanilang pamamahinga nang sa gayon ay mas maging matindi ang pagdating ng kaparusahan sa kanila.

5. Na kung kaya, wala silang nasabi nang dumating ang kaparusahan sa kanila kundi aminin ang kanilang mga pagkakasala at kanilang kasamaan na sila ay karapat-dapat sa parusa na ipinataw ng Allâh (I) sa kanila.

6. Katiyakan, tatanungin Namin ang mga tao na sa kanila’y ipinadala ang mga Sugo: “Anong itinugon ninyo sa ipinadala Naming mga Sugo sa inyo?” At walang pag-aalinlangan na tatanungin (din) Namin ang mga Sugo hinggil sa pagpaparating nila sa mga mensahe ng Allâh (I), at hinggil sa kung paano tumugon sa kanila ang kanilang mga sambayanan.

7. Katiyakan, Aming isasalaysay sa lahat ng mga nilalang ang anuman na kanilang nagawa dito sa daigdig ayon sa tunay na kaalaman mula sa Amin, hinggil sa anumang ipinag-utos Namin at ipinagbawal, ni minsa’y hindi Kami nawala sa kanila anumang sandali.

8. At ang pagtitimbang sa gawain ng mga tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang tunay na makaturungang pagtitimbang at walang pandaraya; na kung kaya, sinuman ang naging mas mabigat ang kinalabasan na timbang ng kanyang mabuting gawa ay sila sa katotohanan ang magtatagumpay.

9. At sino naman ang naging magaan ang timbang sa kanyang kabutihan dahil sa dami ng nagawa niyang kasamaan, sila kung gayon, ang mga yaong sinayang nila ang kanilang bahagi (parte) mula sa pagmamahal ng Allâh (I); dahil sa kanilang paglabag sa hangganan ng Allâh (I) at sa pagtanggi sa mga talata ng Allâh (I) at hindi pagsunod sa mga ito, kaya naging kabilang sila sa mga talunan.

10. At katiyakan, ibinigay Namin sa inyo ang pangingibabaw dito sa kalupaan at ginawa Namin ito sa inyo bilang kapanatagan, at naglikha Kami para sa inyo ng inyong mga ikabubuhay: mga pagkain, mga inumin, subali’t pagkatapos ng lahat ng ito, ay kakaunti lamang ang pasasalamat na inyong itinutugon sa mga biyayang ipinagkaloob sa inyo.

11. At katiyakan na biniyayaan Namin kayo sa pamamagitan ng paglikha sa inyong lahi mula sa inyong ama na si Âdam (u) na nagmula sa wala, at pagkatapos ay hinugis Namin kayo sa anyo na nakahihigit kaysa sa maraming mga nilikha, pagkatapos ay inutusan Namin ang mga anghel na magpatirapa sa kanya (Âdam u) bilang paggalang at pagpaparangal sa kanyang kakaibang katangian. Na samakatuwid ay nagpatirapa silang lahat maliban kay ‘Iblees’ na kasama nila noon, na siya ay hindi nagpatirapa kay Âdam dahil sa panibugho sa dakilang pagpaparangal sa kanya (Âdam u).


12. Sinabi ng Allâh (I) upang sisihin si ‘Iblees’ sa hindi niya pagpapatirapa: “Ano ang pumigil sa iyo na magpatirapa noong inutusan kita?” Sinabi ni ‘Iblees:’ “Nakahihigit ang paglikha sa akin kaysa sa kanya, dahil sa ako ay nilikha mula sa apoy samantalang siya naman ay nilikha mula sa alabok.” Na sa kanyang paningin ay nakahihigit ang apoy kaysa sa alabok.
13. Sinabi ng Allâh (I) kay ‘Iblees:’ “Bumaba ka mula sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), dahil ikaw ay hindi nararapat na magmataas dito, at lumabas ka mula sa ‘Al-Jannah,’ dahil ikaw ay kabilang sa mga hinamak.”

14. Sinabi ni ‘Iblees’ sa Allâh (I), noong nawalan na siya ng pag-asa mula sa Kanyang (Allâh I) awa: “Pahintulutan Mo akong manatili hanggang sa Araw na kapag sila ay binuhay na mag-uli upang mailigaw ko ang sinuman na makakayanan kong iligaw mula sa lahi ni Âdam.”

15. Sinabi ng Allâh (I): “Katiyakan, ikaw ay kabilang sa Aking itinakda na mananatiling buhay hanggang sa unang pag-ihip ng trumpeta, na sa araw na yaon ay mamamatay ang lahat ng mga nilikha.”

16. Sinabi ni ‘Iblees,’ na isinumpa ng Allâh (I): “Dahil sa pagligaw Mo sa akin, gagawin ko ang lahat ng makakayanan ko upang iligaw ko ang mga lahi ni Âdam mula sa Matuwid Mong Landas, at haharangan ko sa kanila ang Islâm na kanilang ‘Fitrah’ (o likas na katangian).

17. “Pagkatapos ay pupuntahan ko sila sa lahat ng dako, at haharangan ko sila sa katotohanan, at pagagandahin ko sa kanila ang kamalian, at tutuksuhin ko sila na mahumaling sa makamundong bagay, at papagdududahin ko sila hinggil sa Kabilang-Buhay, at hindi Mo makikita ang karamihan sa kanila na tatanaw ng utang na loob sa Iyong mga biyaya.”

18. Sinabi ng Allâh (I) kay ‘Iblees:’ “Lumabas ka mula sa Hardin, na kinapopootan at ipinagtatabuyan; na walang pag-aalinlangan na pupunuin Ko ang Impiyernong-Apoy mula sa iyo, at sa lahat ng susunod sa iyo mula sa lahi ni Âdam.”

19. “O Âdam (u), manirahan ka sa Hardin, ikaw at iyong asawa na si Hawwa` (Eva), at kumain kayong dalawa mula sa anuman na inyong nais sa mga bungang naririto; subali’t huwag ninyong kakainin ang bunga ng punong iyon, kung sakaling ito ay inyong gagawin, magiging kabilang kayo sa mga masasama na lumabag sa batas ng Allâh (I).”

20. Pagkatapos ay tinukso ni ‘Shaytân’ (‘Iblees’) sina Âdam at Hawwa` upang sila ay mahumaling sa paglabag sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagkain mula sa punong yaon, na ipinagbabawal sa kanila ng Allâh (I); na ang magiging bunga ng paglabag na ito ay makikita nila ang kanilang ‘Awrah’ (pribadong bahagi) at sinabi sa kanilang dalawa bilang panlilinlang: “Katiyakan, ipinagbawal lamang sa inyo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang pagkain sa bunga ng punong ito, upang kayo ay hindi maging anghel, at upang kayo ay hindi manatili magpasawalang-hanggan.”

21. At sumumpa si ‘Shaytân’ kina Âdam at Hawwa` sa Pangalan ng Allâh (I), na siya ay nagpapayo lamang sa kanila, at nagmumungkahi na kumain mula sa punong iyon, subali’t siya sa katotohanan ay sinungaling.

22. Na kung kaya, nailigaw at nalinlang sila ni ‘Shaytân,’ at sila ay kumain mula sa punong ipinagbabawal ng Allâh (I) na lapitan, at noong sila ay nakakain ay lumantad ang kanilang mga pribadong bahagi at natanggal ang itinakip ng Allâh (I) dito na pantakip bago sila lumabag. At pagkatapos ay nagsimula nilang takpan ang kanilang mga pribadong bahagi ng mga dahon mula sa Hardin, at tinawag sila ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Hindi ba pinagbawalan ko kayo na kumain mula sa punong iyan, at sinabi Ko sa inyong dalawa: Walang pag-aalinlangan, si ‘Shaytân’ ay malinaw ninyong kaaway?”

At ang talatang ito ay nagpapatunay na ang paglantad ng ‘Awrah’ ay isang matinding bagay, na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin na hindi katanggap-tanggap; at kinamumuhian ng mga may matitinong kaisipan.


23. At sinabi nina Âdam at Hawwa`: “O Aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Hinamak namin ang Aming mga sarili sa pamamagitan ng pagkain mula sa punong yaon, at kung hindi Mo kami patatawarin at kaaawaan ay mapapabilang kami sa mga talunan, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.” [At ito ang mga salita na natagpuan ni Âdam mula sa kanyang ‘Rabb’ at kanyang ipinanalangin upang mapatawad sila ng Allâh (I)].
24. Sinabi ng Allâh (I) bilang pakikipag-usap kina Âdam, Hawwa` at ‘Iblees:’ “Bumaba kayo mula rito patungo sa kalupaan at upang kayo ay mag-away-away sa isa’t isa, at doon sa kalupaan ay mayroon kayong tirahan para sa inyo at doon kayo magpakaligaya hanggang sa matapos ang inyong pagkakatakda.”

25. Sinabi ng Allâh (I) kay Âdam, kay Hawwa` at sa kanyang pamilya: “Sa kalupaan kayo ay mabubuhay, na dito ninyo gugugulin ang inyong makamundong buhay at sa kalupaan ding ito kayo ay mamamatay at ibabalik, at mula rito kayo ay bubuuing (o bubuhaying) mag-uli ng inyong ‘Rabb’ at titipunin kayo sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”

26. O mga angkan ni Âdam! Katiyakan, Lumikha Kami para sa inyo ng kasuotan na inyong itatakip sa inyong mga ‘Awrah’ (o pantakip sa mga katawan lalung-lalo na sa mga maseselan na bahagi nito) na ang kasuotang ito ay napakahalaga at magsisilbi rin ito bilang palamuti at nabibilang sa bahagi ng mga kabuuan sa inyong buhay at kasiyahan. At ang kasuotan ng pagkatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal ang siyang tunay na nakahihigit na kasuotan ng isang mananampalataya.

At ganito ang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo, ang mga palatandaan sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ at Kaisahan, at sa Kanyang kagandahang-loob, at pagkaawa sa Kanyang mga alipin; nang sa gayon ay maalaala ninyo ang mga biyayang ito upang Siya ay mapasalamatan ninyo dahil dito. Naririto ang pagsasaad ng Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya sa Kanyang mga nilikha.

27. O mga angkan ni Âdam! Huwag ninyong hayaan na malinlang kayo ni ‘Shaytân,’ na pinagaganda sa inyo ang kasalanan, na katulad ng kanyang ginawa sa inyong mga magulang na sina Âdam at Hawwa`, na sila ay inilabas niya mula sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), na dahil doon ay inialis niya sa kanila ang kanilang damit na bilang pantakip ng Allâh (I) sa kanila upang lumantad ang kanilang ‘Awrah.’ Katiyakan, si ‘Shaytân’ ay nakikita niya kayo, siya at ang kanyang pamilya at kalahi, samantalang kayo ay hindi ninyo sila nakikita, na kung kaya, maging maingat kayo sa kanila.

Katiyakan, Kami, ginawa Namin ang mga ‘Shaytân’ na tagapagtaguyod ng mga walang pananampalataya na hindi nila pinaniniwalaan ang Kaisahan ng Allâh (I), at hindi nila pinaniniwalaan ang Kanyang mga Sugo at hindi sinusunod ang Kanyang patnubay.

28. At kapag nakagawa ang mga walang pananampalataya ng masamang gawain, ay nangangawitran sila sa pagsagawa nila nito na ito raw ay namana nila sa kanilang mga ninuno, at ito raw sa katunayan ay ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nag-uutos sa Kanyang alipin ng mga masasamang gawain at mga kasalanan, kung gayon, nagsasabi ba kayo, O kayong mga ‘Mushrikûn’ ng mga bagay na hindi ninyo alam, bilang kasinungalingan at pag-aangkin laban sa Allâh (I)?”

29. Sabihin mo, sa kanila na mga ‘Mushrikin,’ O Muhammad (r): “Iniutos ng Aking ‘Rabb’ ang pagiging makatarungan, at inutusan kayo na maging dalisay ang inyong pagsamba sa Kanya sa anumang uri ng pagsamba, at lalung-lalo na sa mga ‘Masjid,’ at manalangin kayo sa Kanya bilang taimtim na pagsunod at pagsamba, at maniwala kayo sa pagkabuhay na mag-uli pagkatapos na mamatay, na katulad ng paglikha ng Allâh (I) sa inyo mula sa wala ay walang pag-aalinlangan ang Kanyang kakayahan na ibalik muli ang inyong buhay sa ikalawang pagkakataon.”

30. Ginawa ng Allâh (I), ang Kanyang mga alipin na dalawang grupo: grupo na ginabayan Niya at pinatnubayan tungo sa Matuwid na Landas, at grupo na karapat-dapat maligaw mula sa matuwid na landas dahil sa pagturing nila sa mga ‘Shaytân’ bilang ‘awliyâ`’ (tagapagtaguyod) bukod sa Allâh (I), at sila ang sinunod nila bilang kamangmangan at pag-aakalang sila ay sumunod sa daan ng patnubay.


31. O mga angkan ni Âdam! Sa tuwing kayo ay magsasagawa ng ‘Salâh’ ay maging malinis kayo at magsuot ng mga malilinis na kasuotan bilang pantakip sa inyong ‘Awrah’ at kumain kayo at uminom mula sa mga malilinis na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo, at huwag kayong magsayang sa pama-magitan ng pagiging mapag-aksaya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya naiibigan ang mga mapag-aksaya sa pagkain, sa inumin at sa iba pa.
32. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na mga mangmang mula sa mga ‘Mushrikin’ [nagtatambal o sumasamba sa iba bukod sa Allâh (I)]: “Sino ba ang nagbabawal sa inyo ng mga magagandang kasuotan na siyang ginawa ng Allâh (I) bilang palamuti ninyo? At sino ang nagbabawal sa inyo na kainin ang mga malilinis na ipinahintulot ng Allâh (I) mula sa Kanyang mga ipinagkaloob?”

Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila ng mga ‘Mushrikin:’ “Katiyakan, ang anumang ipinahintulot ng Allâh (I) na mga kasuotan at mga malilinis na pagkain at inumin, ay karapatan nila na mga naniwala sa Allâh (I) dito sa buhay sa daigdig na karapatan din ng iba, subali’t ito ay bukod-tangi na para sa kanila na mga mananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Ang katulad ng paghahayag na ito ay kapahayagan ng Allâh (I) sa Kanyang talata para sa mga tao na nakaaalam kung ano ang ipinapahayag sa kanila at ito ay kanilang nauunawaan.”

33. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga ‘Mushrikin:’ “Ang ipinagbabawal lamang ng Allâh (I) ay mga ‘Al-Fawâhish’ (mga malalaswang gawain), lantad man ito o lihim, lahat ng uri ng kasalanan at kabilang sa mga matitinding kasalanan mula rito ay ang pang-aapi sa mga tao dahil ito ay pagtapak ng karapatan, at pinagbawalan din kayo na sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na kailanman ay hindi Siya nagbigay na pahintulot, at ipinagbawal din Niya ang pagsasabi ng mga bagay hinggil sa Kanya na wala kayong kaalaman, na tulad ng pag-aangkin na ang Allâh (I) ay mayroong anak o pagbabawal ng mga ipinahintulot ng Allâh (I) na hindi naman Niya ipinag-utos na katulad ng sa kasuotan o sa pagkain.”

34. At ang bawa’t grupo na nagsasama-sama sa paglabag sa Allâh (I) at pagtanggi sa Kanyang mga Sugo ay mayroong nakatakdang oras ng pagdating ng parusa sa kanila, at kapag dumating ang oras na itinakda ng Allâh (I) upang sila ay puksain ay hindi nila ito maaantala nang kahit sandali at hindi nila ito maisusulong (o maiuusad).

35. O mga angkan ni Âdam! Kapag dumating sa inyo ang mga Sugo na mula sa inyo, na bibigkasin sa inyo ang mga talata ng Aking Aklat, at lilinawin sa inyo ang mga palatandaan na nagpapatotoo sa anuman na kanilang dala-dala sa inyo na mensahe, ay sundin ninyo sila, na samakatuwid, ang sinumang iiwas sa Aking poot at itinuwid niya ang kanyang gawa, ay wala siyang dapat na ipangamba sa araw ng Muling Pagkabuhay na anumang kaparusahan ng Allâh (I), at hindi sila manghihinayang sa anumang hindi nila nakamtan na makamundong buhay.

36. At ang mga walang pananampalataya na tinanggihan ang mga palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I) at itinuring ito na may pagmamataas, sila ang mga maninirahan sa Impiyernong-Apoy na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan na kailanman ay hindi na sila makalalabas pa roon.

37. Sino pa ba ang higit na matindi ang kanyang kasamaan, kaysa sa isa na nagbintang ng mga kasinungalingan laban sa Allâh (I), o di kaya ay pinasinungalingan niya ang mga talata na ipinahayag ng Allâh (I)? Sa kanila ay darating ang anumang nakatakdang parusa na nakatala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ hanggang sa kapag dumating na sa kanila ang anghel ng kamatayan at ang mga kasamahan nito upang kunin ang kanilang mga kaluluwa ay sasabihin nila (na mga anghel) sa kanila: “Nasaan na ang mga yaong sinamba ninyo bukod sa Allâh (I), na mga katambal, mga ‘awliyâ`’ [mga sinunod nila bukod sa Allâh (I) na tulad ng mga imahen] at saka mga rebulto upang iligtas kayo sa anumang katayuan ninyo ngayon?” At sila ay tutugon: “Sila ay naglaho at nawala na sa amin,” at aaminin na nila sa kanilang mga sarili sa Araw na yaon na sila ay mga lumabag sa Kaisahan ng Allâh (I) noong sila ay nasa daigdig.
38. Sasabihin ng Allâh (I), sa kanila na mga ‘Mushrikin’ na sinungaling: “Pumasok na kayo sa Impiyerno na kabilang sa mga grupo na katulad ninyo sa paglabag sa Allâh (I), katiyakan, nauna na ang mga nauna sa inyo na mga ‘Jinn’ at mga tao,” na tuwing makapasok ang isang grupo sa Impiyerno mula sa inyo, isinumpa niya ang kapareha niya, na siya ay naligaw dahil sa pagsunod niya rito, hanggang sa sila ay pinagsama-sama na sa Impiyernong-Apoy, ang naunang walang pananampalataya at ang mga huli, lahat sila, sasabihin ng mga nahuli na mga tagasunod: “O aming ‘Rabb!’ Sila ang mga nagligaw sa amin mula sa katotohanan, na kung kaya, parusahan Mo sila nang dobleng parusa sa Impiyernong-Apoy.” Sasabihin ng Allâh (I) sa kanila: “Kayo at sila ay papatawan nang dobleng kaparusahan sa Impiyerno, subali’t hindi ninyo naiintindihan kayo na mga tagasunod ang anumang parusa at mga paghihirap na tatamasahin ng bawa’t grupo sa inyo.”

39. At sasabihin ng mga pinuno sa kanilang mga tagasunod: “Kami at kayo ay magkakatulad sa parusa at hindi kayo lalamang sa amin.” Sasabihin ng Allâh (I) sa kanilang lahat: “Lasapin ninyo ang parusa sa Impiyerno; dahil sa inyong nagawang mga kasalanan.”

40. Katiyakan, ang mga walang pananampalataya, na hindi pinaniwalaan ang Aming mga katibayan at mga palatandaan na nagpapatunay hinggil sa Aking Kaisahan, at hindi nila sinunod ang Aming batas bilang pagmamataas, ay hindi bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan, para sa kanilang mga mabubuting gawa na ginawa rito sa daigdig; at ganoon din, hindi rin bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan para sa kanilang mga kaluluwa kapag sila ay namatay na, at kailanman, ang mga walang pananampalataya ay hindi maaaring makapasok ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Araw na kapag sila ay binuhay nang mag-uli, maliban na lamang kung makapapasok ang kamelyo sa butas ng karayom at ito ay di-maaari. At sa ganito ginagantihan ang sinumang sukdulan ang kanyang pagkakasala at matindi ang kanyang paglabag.
41. Sila na mga walang pananampalataya ay mananatili sa Impiyerno, at doon sa Impiyerno ay mayroong sapin (higaan) para sa kanila na gawa sa Impiyernong-Apoy at para sa kanila pa rin bilang panaklob ay Apoy din. At ang ganitong matinding parusa ang ipinapataw ng Allâh (I) sa mga ‘Dzâlimin’ – mga lumabag sa hangganang itinakda ng Allâh (I) na sila ay hindi naniwala.

42. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at gumawa ng mga mabubuting gawa ayon sa kanilang nakayanan – hindi Namin inuutusan ang sinuman ng mga gawain maliban lamang sa kanyang kakayahan – sila ang mga tao ng Hardin, at doon sila’y mananatili magpasawalang-hanggan.

43. At inalis Namin sa mga dibdib nilang mga nasa Hardin ang inggit at poot, at kabilang sa kabuuan ng kanilang kasiyahan doon ay mga ilog na umaagos sa ilalim ng mga Hardin. Sasabihin ng mga tao ng Hardin, kapag sila ay nakapasok na roon:

“Ang papuri ay sa Allâh (I) lamang na Siyang naggabay sa amin sa paggawa ng mabuti na naging sanhi ng patnubay namin dito, na ngayon ay natatamasa namin ang kaligayahan dito, at kailanman ay hindi kami magagabayan tungo sa Matuwid na Landas kung hindi kami ginabayan ng Allâh (I) tungo rito at ginabayan kami na maging matatag sa Landas na ito! Katiyakan, dumating ang mga Sugo ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang katotohanan na dala nila ang magandang balita sa mga tagasunod ng Allâh (I) at babala sa mga lumalabag.”

At tatawagin sila bilang pagbati sa kanila at paggalang o pagpaparangal: “Katiyakan, ang mga Harding ito ay nakamtan ninyo dahil sa awa ng Allâh (I), at dahil sa inyong nagawa na paniniwala sa Allâh (I) at mabuting gawa.”
44. At mananawagan ang mga naninirahan sa Hardin pagkatapos nilang makapasok sa mga naninirahan sa Impiyerno, at kanilang sasabihin sa kanila: “Katiyakan, natagpuan na namin ang katotohanan na ipinangako ng aming ‘Rabb’ sa amin ayon sa sinabi ng Kanyang mga Sugo na gagantimpalaan Niya ang sinumang susunod sa Kanya, kung gayon, natagpuan na ba ninyo ang ipinangako sa inyo ng inyong ‘Rabb’ na totoo ang sinabi ng Kanyang Sugo na parusa sa sinumang lalabag sa Kanya?” Sasagutin sila ng mga naninirahan sa Impiyerno na kanilang sasabihin: “Oo, katiyakan, natagpuan namin na totoo ang anumang ipinangakong kaparusahan sa amin ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha.” At doon ay mananawagan ang tagapagpanawagan sa pagitan ng mga naninirahan sa Hardin at sa Impiyerno: “Katiyakan, ang sumpa ng Allâh (I) ay sa mga ‘Dzâlimin’ na yaon ay sila na mga lumabag sa batas ng Allâh (I) at hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.”

45. Sila ang mga walang pananampalataya, na noon ay tinatanggihan nila ang Matuwid na Landas ng Allâh (I), at pinagbabawalan ang mga tao na ito ay kanilang sundin at hinahanapan nila ng paraan para baluktutin ang katuruan upang hindi maging malinaw sa sinumang (naghahangad ng katotohanan), at sila hinggil sa Kabilang-Buhay at ang anuman na nandoroon ay hindi nila pinaniniwalaan.

46. At sa pagitan ng mga nanirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at sa mga nanirahan sa Impiyerno ang dakilang harang na tinatawag na ‘A`raf,’ at nandoroon sa harang na yaon ang mga kalalakihan na kilala nila kung sinuman ang maninirahan sa ‘Al-Jannah’ at ang maninirahan sa Impiyerno dahil sa mga tanda nito, na katulad ng pagiging maputi ang mukha ng mga maninirahan sa Hardin at pagiging maitim naman ng mukha ng mga maninirahan sa Impiyerno. At ang mga kalalakihang ito ay nagpantay ang kanilang mga kabutihan at mga kasamaan na naghahangand sila ng awa ng Allâh (I). Mananawagan ang mga kalalakihan sa ‘A`araf’ na ito sa mga naninirahan sa Hardin (‘Al-Jannah’) bilang pagbati na kanilang sasabihin: “Salâmun `alaykûm – kapayapaan ay sumainyo,” at ang mga nasa ‘A`araf’ na ito ay hindi pa sila nakakapasok ng ‘Al-Jannah,’ subali’t sila’y naghahangad na makapasok doon.

47. At kapag nabaling ang paningin ng mga tao na ito, sa mga nanirahan sa Impiyerno, kanilang sasabihin: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Huwag mo kaming gawin na mapabilang sa mga taong ‘dzâlimin’ dahil sa kanilang pagtambal o pagsamba ng iba (bukod sa Allâh) at sa kanilang paglabag.”

48. At tatawagin ng mga nasa ‘A`raf ’ na ito ang mga kalalakihan na kabilang sa mga pinuno ng mga walang pananampalataya na nasa Impiyerno, at ito ay nakikilala nila dahil sa mga namumukod-tanging tanda, na kanilang sasabihin: “Hindi naging kapaki-pakinabang sa inyo ang inyong mga inipon na mga kayamanan at mga tagasunod na mga kalalakihan sa daigdig, at hindi rin naging kapaki-pakinabang sa inyo ang inyong pagmamataas para hindi paniwalaan ang Allâh (I) at hindi tanggapin ang katotohanan.”

49. Di ba sila na mga mahihina at mga mahihirap, na mga naninirahan sa Hardin, na kung saan ay sumumpa kayo noong kayo ay nasa daigdig pa, na ang Allâh (I) ay hindi sila ibibilang sa Kanyang awa sa Araw ng Muling Pagkabuhay at hindi sila makapapasok sa Hardin kailanman?

(Sasabihin ng Allâh [I] sa mga yaon): “Pumasok na kayo sa Hardin, O kayo na mga nasa ‘A`raf’ dahil katiyakang kayo ay pinatawad na ng Allâh (I), na kayo ay walang dapat na katakutan sa parusa ng Allâh (I) at wala rin kayong dapat na ikalungkot sa anumang hindi ninyo nakamtan na makamundong buhay.”

50. At hihingi ng saklolo ang mga naninirahan sa Impiyerno sa mga naninirahan sa Hardin na kanilang sasabihin: “Bahaginan ninyo kami ng tubig o anumang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo na mga pagkain,” At sasagutin sila: “Walang pag-aalinlangan, ipinagbawal pareho ng Allâh (I) ang inumin at pagkain sa mga hindi naniwala sa Kanyang Kaisahan at tumanggi sa Kanyang mga Sugo.”

51. “Ang mga yaong ipinagbawal ng Allâh (I) sa kanila ang anumang kasiyahan sa Kabilang-Buhay dahil sa pagturing nila bilang laruan at libangan sa Relihiyon na ipinag-utos ng Allâh (I), at hindi nila ito pinahalagahan, at nilinlang sila ng makamundong buhay at naging abala sila dahil sa kinang nito na nakalimutan nila ang gawain para sa Kabilang-Buhay.”

Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay pababayaan sila ng Allâh (I) at sila ay itatapon sa masidhing kaparusahan, na katulad ng pagpapabaya nila sa gawain para sa pakikipagtagpo sa Araw na ito, at dahil sa kinagawian nilang pagtanggi sa mga katibayan at mga palatandaan ng Allâh (I).


52. At katiyakan, dinala Namin sa mga walang pananampalataya ang Banal na Qur’ân na Aming ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), na ipinaliwanag Namin ito nang ganap na may kasamang dakilang kaalaman, na bilang gabay mula sa pagkaligaw tungo sa patnubay at awa sa mga taong naniniwala sa Allâh (I) at isinasagawa ang Kanyang batas.
Paliwanag: Binukod-Tangi ng Allâh (I) ang pagturing sa mga mananampalataya rito sa kadahilanang sila lamang ang makikinabang nito.

53. May hinihintay ba ang mga walang pananampalataya maliban sa kung saan ano ang ipinangako sa kanila sa Banal na Qur’ân na parusa na walang pag-aalinlangang maisasakatuparan sa kanila? Sa Araw na mangyayari ang paghuhukom, pagbabayad at pagpaparusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sasabihin ng mga walang pananampalataya na tinalikuran nila ang Banal na Qur’ân, na hindi nila pinaniwalaan sa daigdig: “Tunay na maliwanag na sa amin ngayon, na ang mga Sugo ng aming ‘Rabb’ ay sila ang nagdala ng katotohanan, at pinayuhan nila kami, na kung kaya, mayroon ba kaming mga kaibigan at tagapamagitan na mamagitan sa amin sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha o di kaya ay muli kaming ibabalik sa mundo upang matupad namin ang gawain na kasiya-siya sa Allâh (I) mula sa amin?”

Katiyakan, winasak nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpasok nila sa Impiyerno at pananatili nila roon, at naglaho na ang sinumang sinamba nila bukod sa Allâh (I), at mga kasinungalingan sa daigdig na mga ipinangako sa kanila ni ‘Shaytân.’

54. Katiyakan, ang inyong ‘Rabb,’ O kayong mga tao ay ang Allâh (I) na Siyang Lumikha ng mga kalangitan at ang kalupaan mula sa wala sa loob ng Anim na Araw, pagkatapos Siya ay nag-‘Istawâ’ – pumaroon sa ibabaw ng Kanyang ‘Arsh’ (isinaling Trono) na angkop-na-angkop sa Kanyang Kadakilaan at Kamaharlikaan, ipinapasok Niya ang gabi sa araw hanggang sa ito ay sumanib sa araw hanggang sa mawala ang liwanag nito, at ipinapasok Niya ang araw sa gabi upang mawala ang kadiliman nito, at bawa’t isa rito ay nangyayari nang napakadali, Siya ang Allâh (I), ang Lumikha ng araw at ng buwan at mga bituin at ipinapasailalim Niya ang mga ito sa Kanyang pag-aatas, na ipinasusunod Niya sa kung ano ang Kanyang nais, at ang mga ito ay kabilang sa mga dakilang palatandaan ng Allâh (I). Na kung kaya, dapat ninyong mabatid na Siya lamang ang Bukod-Tanging Lumikha ng lahat at ganoon din ang lahat ng Pag-aatas. Luwalhati sa Allâh (I), ang Napakadakila na Siya ay malayo sa anumang pagkukulang, na Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.

55. Manalangin kayo sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayong mga mananampalataya, nang buong kataimtiman at kapakumbabaan at palihim, at maging ang inyong panalangin ay may ‘khushoo’ na malayo sa pagpapakitang-tao o pagkukunwari. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya naiibigan ang sinumang lumalabag sa Kanyang batas, at ang pinakamatindi sa lahat ng paglabag ay ang ‘Shirk’ (pagtatambal sa pagsamba sa Allâh o pagsamba ng iba bukod sa Allâh) na tulad ng panalangin sa mga namatay, mga rebulto at iba na mga kapareho nito.

56. At huwag kayong gumawa ng kapinsalaan sa kalupaan, kahit anumang uri nito, at pagkatapos itong mailagay sa kaayusan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Sugo at pagtaguyod nito sa pamamagitan ng pagsunod sa Allâh (I), at manalangin kayo sa Kanya nang taimtim na panalangin; bilang pagkatakot sa Kanyang kaparusahan at paghahangad ng Kanyang gantimpala. Katiyakan, ang awa ng Allâh (I) ay malapit sa mga mabubuti.

57. At Siya ang Allâh (I), ang nagpapadala ng mga banayad na hangin na nagpapahiwatig ng pagdating ng ulan sa kagustuhan ng Allâh (I), na siyang nagpapagalak sa mga tao ng pagdating nito, na kung kaya, nasisiyahan ang mga nilikha ng Allâh (I) dahil sa Kanyang habag. Hanggang kapag dinala na ng hangin ang ulap na nagdadala ng ulan para buhayin ang kalupaan na tuyot, mga puno at pananim na natuyo; at pagkatapos ay sinanhi na ng Allâh (I) na ibaba ang ulan, na sa pamamagitan nito ay nagsisisibol ang mga damuhan, mga puno at mga pananim, at nagkakaroon ng mga bunga ang mga punungkahoy at mga pananim.

Samakatuwid, ganoon Namin bubuhayin na mag-uli ang mga patay mula sa kanilang libingan na sila ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nilang maagnas; na katulad ng pagbuhay Namin sa tuyot na kalupaan upang ito ay maging aral at maging tanda sa inyo hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang Ganap na Kapangyarihan sa pagbuhay na mag-uli ng mga namatay.
58. At ang mga masaganang kalupaan kapag nabuhusan ng ulan ay sumisibol mula roon ang mga pananim sa kapahintulutan ng Allâh (I), bilang mga magaganda at malalago, at ganoon ang isang mananampalataya kapag ipinahayag ang mga talata ng Allâh (I) ay nagiging kapaki-pakinabang ito sa kanya at magkakabunga ng mabuting pamumuhay, subali’t ang hindi mabuting kalupaan ay hindi nagpapasibol ng mga pananim kundi bibihira lamang at hindi pa magaganda at wala pang pakinabang at hindi nagpapasibol ng mga magagandang pananim, ganoon din ang walang pananampalataya kung gayon, di naging kapaki-pakinabang sa kanya ang mga talata ng Allâh (I).

Ang pagpapaliwanag ng mga katulad nito, na iba’t ibang magagandang parabola ay ipinakikita ng Allâh (I) ang mga katibayan at palatandaan upang patunayan ang katotohanan sa mga taong nagpapasalamat sa mga biyaya ng Allâh (I) at sumusunod sa Kanya.

59. Katiyakan, ipinadala Namin si Nûh (u) sa kanyang sambayanan upang hikayatin sila tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at taos-puso na pagsamba lamang sa Kanya, na kanyang sinabi: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang Nag-iisa, magpasailalim kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod, dahil wala kayong ‘Ilâh’ o Diyos na dapat sambahin bukod sa Kanya, at kapag hindi kayo sumunod at nanatili kayo kung gayon sa pagsamba sa mga rebulto, katiyakan, natatakot ako na mangyari sa inyo ang kaparusahan sa Dakilang Araw, na roon ay mayroong masidhing paghihirap para sa inyo, na ito ay sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”

60. Sinabi sa kanya ng kanilang mga pinuno at mga matataas na antas na mga tao mula sa kanila: “Katiyakan, nakikita namin na kayo ay nasa malinaw na pagkaligaw mula sa Tamang Daan.”
61. Sinabi ni Nûh (u): “O aking sambayanan! Walang kamalian sa akin at hindi ako ligaw sa anumang kaparaanan, kundi ako ay Sugo na mula sa Allâh (I) – na Siyang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha at inyong ‘Rabb’ at Siyang ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”

62. “Ipinararating ko sa inyo ang mensahe na ipinarating sa akin mula sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at pinapayuhan ko kayo nang taos-puso at binabalaan mula sa parusa ng Allâh (I) at ibinabalita ang Kanyang gantimpala, at batid ko ang Kanyang batas subali’t kayo ay hindi ninyo ito batid.”

63. “At kataka-taka ba sa inyo, na magpadala ang Allâh (I) ng magpapaalaala hinggil sa anumang makabubuti sa inyo, sa pamamagitan ng isang tao na mula sa inyo, na kilala ninyo ang kanyang lahi at kanyang katapatan; upang mabalaan kayo sa kaparusahan ng Allâh (I) at upang ilayo kayo sa Kanyang poot sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at pag-asam na makamtan ninyo sa pamamagitan ng Kanyang awa ang Kanyang masaganang gantimpala? ”

64. Subali’t pinasinungalingan nila si Nûh (u), na kung kaya, iniligtas Namin siya at ang ilan na naniwala sa kanya sa Arka (‘Safeenah’– malaking sasakyang pantubig), at nilunod Namin ang mga walang pananampalataya na tinanggihan ang Aming mga malinaw na katibayan. Katiyakan, bulag ang kanilang mga puso sa pagkakakita ng katotohanan.

65. At katiyakan, ipinadala Namin sa sambayanan ni `Âd ang kanilang kapatid na si Hud (u), noong sila ay sumamba sa mga rebulto bukod sa Allâh (I), at sinabi niya sa kanila: “Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang Bukod-Tangi, dahil wala kayong ‘Ilâh’ o Diyos na karapat-dapat sambahin bukod sa Kanya, na kung kaya, hindi ba kayo natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) at sa Kanyang galit sa inyo?”

66. Sinabi ng mga pinuno na hindi naniwala mula sa sambayanan ni Hûd (u): “Katiyakan, nakikita namin na ikaw ay may kakulangan sa pag-iisip sa pamamagitan ng paghikayat mo sa amin na umiwas sa mga diyus-diyosan na aming sinasamba at sambahin lamang ang Allâh (I) nang Bukod-Tangi, at walang pag-aalinlangang iniisip namin na ikaw ay kabilang sa mga sinungaling na nagsisinungaling laban sa Allâh (I).”

67. Sinabi ni Hûd (u): “O aking sambayanan! Walang pagkukulang sa aking kaisipan kundi ako ay Sugo sa inyo mula sa Allâh (I) na Siyang ‘Rabb’ ng lahat ng nilikha.”


68. “Ipinararating ko sa inyo ang mensaheng ipinag-utos ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na iparating sa inyo, at katiyakang sa paghihikayat ko sa inyo hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang batas ay bilang tagapagpayo na pinagkatiwalaan ng rebelasyon ng Allâh (I).”
69. “At kataka-taka ba sa inyo ang pagpapadala ng Allâh (I) ng Tagapagpaalaala ng kabutihan, na ang nagpapahayag nito ay tao na mula rin sa inyo, na kilala ninyo ang kanyang lahi at kanyang katapatan, upang mabalaan kayo hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I)? At alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo, na ginawa Niya kayo bilang kahalili (ng mga naunang henerasyon) na nauna sa inyo sa mangangasiwa rito sa kalupaan pagkatapos puksain ng Allâh (I) ang sambayanan ni Nûh (u), at ginawa Niya kayong malalakas, matataas at matitipuno sa pangangatawan, at alalahanin ninyo ang mga masasaganang biyaya ng Allâh (I) sa inyo, nang sa gayon ay makamtan ninyo ang dakilang tagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”

70. At sinabi ng sambayanan ni `Âd kay Hûd (u): “Hinihikayat mo ba kami na sambahin ang Allâh (I) nang Bukod-Tangi at ipinaiiwas mo na ipasamba sa amin ang mga rebulto na siyang natutunan naming sambahin ito sa aming mga magulang? Kung gayon, dalhin mo ang ipinanakot mong parusa sa amin kung ikaw ay totoo sa iyong mga sinasabi.”

71. Sinabi ni Hûd (u) sa kanyang sambayanan: “Katiyakan, naganap na ang parusa at galit sa inyo mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Kataas-taasan, na kung kaya, makikipagtalo pa ba kayo sa akin hinggil sa mga diyus-diyosang ito na kayo lamang ang nagbigay ng mga pangalan, kayo at ang inyong mga ninuno, na kailanma’y hindi nagpadala ang Allâh (I) ng anumang katibayan at kapahintulutan para ito ay inyong sambahin; dahil sa ito ay nilikha lamang na hindi makapipinsala at hindi makapagbibigay ng anumang kapakinabangan? Gayong ang dapat ninyong sambahin ay ang Allâh (I) na Bukod-Tanging Tagapaglikha, kaya hintayin ninyo ang pagbaba ng parusa sa inyo dahil kami rin ay kasama ninyo sa paghihintay, at ito ang pinakamatinding babala at paghamon.”

72. At nangyari sa kanila ang kaparusahan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng malakas na hangin, iniligtas ng Allâh (I) si Hûd (u) at ang mga yaong naniwala na kasama niya bilang dakilang awa mula sa Kanya, at pinuksa ang mga walang pananampalataya mula sa kanyang sambayanan, lahat sila ay winasak hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila, at hindi sila kailanman naniwala dahil sabay ang kanilang pagtanggi sa mga talata ng Allâh (I) at pag-iwas sa mabuting gawa.

73. At katiyakan, ipinadala Namin sa sambayanan ni Thamoud ang kanilang kapatid na si Sâleh (u), noong sila ay sumamba ng mga rebulto bukod sa Allâh (I), at sinabi ni Sâleh (u) sa kanila:

“O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi! Wala kayong ‘Ilâh’ (o Diyos na karapat-dapat sambahin) bukod sa Kanya. Katiyakan, dala-dala ko sa inyo ang katibayan na totoo ang aking hinihikayat sa inyo, noong ako ay nanalangin sa Allâh (I) sa harap ninyo, at pinalitaw Niya sa inyo mula sa malaking bato ang dakilang kamelyo na katulad ng inyong hiniling, na kung kaya, pabayaan ninyo siya na kumain sa ibabaw ng kalupaan mula sa pastulan, at huwag ninyo itong pinsalain, dahil tatamaan kayo ng matinding kaparusahan mula sa Allâh (I) kung ito ay inyong gagawin.”


74. “At alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo, na ginawa Niya kayo bilang kahalili ng mga nauna, upang mangasiwa dito sa kalupaan pagkatapos ng sambayanan ni `Âd at pinag-kalooban kayo ng magandang kabuhayan at tirahan dito sa kalupaan, na nagtatayo kayo sa inyong mga sarili ng mga magagarang palasyo sa kapatagan, at iniuukit ninyo ang mga batong bundok upang gawin ninyong tahanan, na kung kaya, alalahanin ninyo ang mga biyaya ng Allâh (I) sa inyo at huwag kayong magsitungo sa mga kalupaan upang magsagawa ng mga kasiraan.”
75. Sinabi ng mga pinuno at mga matataas mula sa mga yaong nagmamataas sa sambayanan ni Sâleh (u), sa kanila na mga mananampalataya na kanilang minamaliit at hinahamak: “Alam ba ninyo kung si Sâleh ay tunay na ipinadala ng Allâh (I) sa inyo?” Sinabi ng mga mananampalataya: “Katiyakan, kami ay naniniwala sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanya, na kami ay sumusunod sa Kanyang batas.”

76. Sinabi ng mga nagmataas: “Walang pag-aalinlangang tinatanggihan namin ang hinggil sa kung ano ang inyong pinaniniwalaan at sinusunod na pagiging Propeta ni Sâleh.”

77. Na samakatuwid ay pinatay nila ang babaing kamelyo bilang pagmamaliit sa ibinigay na babala sa kanila ni Propeta Sâleh (u), at nagmataas sila sa pamamagitan ng pagtanggi sa anunmang ipinag-utos ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kanilang sinabi bilang pangungutya at bilang di-paniniwala sa kaparusahan: “O Sâleh! Dalhin mo sa amin ang ipinapanakot mong kaparusahan, kung ikaw ay kabilang sa mga Sugo ng Allâh.”

78. Kaya, pinuksa ang mga walang pananampalataya sa pamamagitan ng matinding paglindol na naging kasindak-sindak sa kanilang mga puso, na kung kaya, sila ay namatay na nakasubsob ang kanilang mga mukha sa kalupaan at walang sinuman ang nakaligtas sa kanila.
79. At pagkatapos ay iniwanan ni Sâleh ang kanyang sambayanan, noong pinatay nila ang babaing kamelyo at noong natiyak na niya ang pagpuksa sa kanila at kanyang sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Katiyakang naiparating ko sa inyo ang anumang inatas ng aking ‘Rabb’ na iparating sa inyo na mga pag-uutos at pagbabawal, at ginawa ko sa abot ng aking kakayahan ang pagpapayo sa inyo upang maibigan ninyo ang Islâm at matakot kayo sa ipaparusa sa mga tatanggi rito, subali’t ayaw ninyo sa mga nagbibigay ng payo at ibinabalik ninyo sa kanila ang kanilang mga ipinapayo at sa halip ang sinunod ninyo ay ang lahat ng pagbubuyo ni Satanas na isinumpa.”

80. At alalahanin mo, O Muhammad (r), si Lût (u), noong sinabi niya sa kanyang sambayanan: “Gumagawa ba kayo ng mga karumal-dumal na kasalanan na sukdulan ang pagiging nakadidiri nito na walang sinuman ang nakagawa nito sa mga nauna sa inyo na mga nilikha?”

81. “Dahil sa walang pag-aalinlangan na kayo ay gumagawa ng mga pagnanasa sa inyong kapuwa kalalakihan na wala kayong pakialaman sa kadirihan nito, at binabalewala ninyo ang ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo na inyong mga asawa at sa halip ay lumalabag kayo sa batas ng Allâh (I).”

Paliwanag: Dahil ang pagsagawa ng kahalayan ng mga kalalakihan sa kanilang kapuwa kalalakihan sa halip na sa mga asawa nilang kababaihan ay kabilang sa mga karumal-dumal na kasalanan na sinimulan ng sambayanan ni Lût (u) na walang sinuman na nakagawa nito sa mga nauna sa kanila.


82. At walang anumang naisagot ang sambayanan ni Lût (u) noong pinagbawalan sila sa mga karumal-dumal na gawain, kundi sinabi ng ilan sa kanila sa iba: “Palayasin ninyo si Lût (u) at ang kanyang pamilya sa inyong bayan, dahil sila ay mga taong malilinis na inaayawan ang mga nakadidiring bagay.”
83. Na kung kaya, iniligtas ng Allâh (I) si Lût (u) at ang kanyang pamilya mula sa parusa noong siya ay inutusan na umalis sa bayan na yaon maliban sa kanyang asawa, dahil siya sa katunayan ay naging kabilang sa mga pinuksa na pinanatili sa kaparusahan ng Allâh (I).

84. At pinarusahan ng Allâh (I) ang mga walang pananampalataya mula sa sambayanan ni Lût (u) sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng ulan na mga bato at itinaob ang kanilang bayan na ang ibabaw nito ay napunta sa ilalim, na kung kaya, pagmasdan, O Muhammad, kung ano ang naging kinahinatnan ng mga yaong malalakas ang loob sa pagsagawa ng kasalanan sa Allâh (I) at pagtanggi sa mga Sugo.

85. At katiyakan, ipinadala Namin sa sambayanan ni Madyan ang kanilang kapatid na si Shu`ayb (u) at sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi na walang katambal; dahil wala kayong ‘Ilâh’ (Diyos na karapat-dapat sambahin) bukod sa Kanya! Katiyakan, dumating sa inyo ang malinaw na palatandaan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na totoo ang hinihikayat ko sa inyo, na kung kaya, ibigay ninyo sa mga tao ang kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng pagbigay ng tamang sukat at tamang timbang at huwag ninyong dayain ang kanilang mga karapatan, dahil maaapi ninyo sila, huwag kayong magkalat ng kasiraan dito sa kalupaan sa pamamagitan ng pagtanggi at pang-aapi, pagkatapos ilagay ito sa tamang kaayusan sa pamamagitan ng mga kautusan at batas na ibinigay sa mga naunang mga Propeta.

“Dahil ang pagpapahayag na ito sa inyo ay nakabubuti sa inyo dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, kung kayo ay naniniwala sa aking pagpapahayag at sumusunod sa batas ng Allâh (I).”

86. “At huwag mag-abang sa bawa’t daan upang pagbantaan ang mga tao ng kamatayan, kung hindi nila ibibigay sa inyo ang kanilang mga kayamanan, at huwag ninyong harangan ang Matuwid na Daan ng Allâh (I) sa sinumang naniniwala sa Allâh (I) at gumagawa ng kabutihan, at naghahangad kayo na baluktutin ang Matuwid na Daan tungo sa Allâh (I), na ito ay inililihis ninyo upang masunod ang inyong kagustuhan upang ilayo ang mga tao sa pagsunod nito. At alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo noong kakaunti pa lamang ang inyong bilang, at pagkatapos ay pinarami Niya kayo at naging mga malalakas kayo na mga makakapangyarihan. At tingnan ninyo kung ano ang naging kinahinatnan ng mga gumagawa ng kasamaan dito sa kalupaan, at kung paano ang pagkawasak at kapahamakan na nangyari sa kanila?”

87. “At kapag may isang grupo na naniwala sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) na mensahe sa akin at ang isang grupo naman ay hindi naniwala, samakatuwid ay magtiis kayo at abangan ninyo, O kayong mga hindi naniniwala sa paghuhukom ng Allâh (I), ang paghahatol sa pagitan namin at sa pagitan ninyo, sa oras na mangyari ang Kanyang parusa sa inyo na siyang aking ibinabala. At ang Allâh (I), Siya ay ‘Khayrul Hâkimeen’ – ang Pinakamagaling sa mga hukom na Siyang maghuhukom sa pagitan ng Kanyang mga alipin.”

88. Sinabi ng mga pinuno at mga matataas mula sa sambayanan ni Shu`ayb (u) na mga nagmataas, upang tanggihan ang paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang Sugo na si Shu`ayb: “Walang pag-aalilangan, itataboy ka namin, O Shu`ayb at ang mga kasama mo na naniwala mula sa ating bayan, maliban na lamang kung sasama kayo sa aming relihiyon.” Sinabi ni Shu`ayb bilang pagtanggi at pagka-mangha sa kanilang sinabi: “Susunod ba kami sa inyong relihiyon na kamalian kahit kami ay napipilitan lamang dahil sa alam naming ito ay mali?”

89. At sinabi pa ni Shu`ayb (u) sa kanyang sambayanan: “Kung gayon, walang pag-aalinlangan, ay nag-imbento kami ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) kung kami ay bumalik sa inyong relihiyon pagkatapos kaming iligtas ng Allâh (I) mula rito. At hindi kami maaaring lumipat sa ibang relihiyon bukod sa Relihiyon ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, maliban na lamang kung ito ay nanaisin ng Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At katiyakan, saklaw ng kaalaman ng Allâh (I) ang lahat ng bagay, na kung kaya, alam Niya kung ano ang makabubuti sa Kanyang mga alipin, samakatuwid, sa Allâh (I) lamang namin inilalalagay ang aming pagtitiwala na Siya ay Bukod-Tangi sa Kanyang gabay at tulong. O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Hukuman mo kami (na mga naniwala) at sila (na mga hindi naniwala) nang makatarungan, dahil Ikaw ay ‘Khayrul Fâtiheen’ – ang Pinakamagaling sa mga nagbibigay ng paghahatol.”

90. At sinabi sa kanila ng mga pinuno at mga matataas na mga tumatanggi sa paanyaya sa Kaisahan ng Allâh (I) bilang pagpupumilit sa paglabag at pagtanggi at bilang pagbabala na huwag sumunod kay Shu`ayb: “Kapag sinunod ninyo si Shu`ayb ay walang pag-aalinlangang mapapabilang kayo sa mga mapapahamak.”

91. Na kung kaya, pinuksa sila sa pamamagitan ng kasindak-sindak na lindol, kaya sila ay nangamatay na nakahandusay sa kanilang mga tahanan.

92. Yaong mga tumanggi kay Shu`ayb (u) ay para bagang hindi sila nanatili sa kanilang tahanan at parang hindi man lamang sila nakapagsaya noon dahil sila ay pinuksa na walang anumang nalabing bakas sa kanila, at dumating sa kanila ang pagkatalo at pagkawasak dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

93. Na kung kaya, pinabayaan na sila ni Shu`ayb (u) noong nakatiyak siya na darating ang kaparusahan sa kanila at kanyang sinabi: “O aking sambayanan! Katiyakang naiparating ko sa inyo ang mga mensahe ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at pinagpayuhan ko kayo na pumasok sa ‘Deen’ (Relihiyon) ng Allâh (I) at umalis sa kung ano ang relihiyon na kinaroroonan ninyo, subali’t hindi kayo nakinig at hindi kayo sumunod, na kung kaya, paano pa ako malulungkot at maaawa sa mga tao na nilabag nila ang Kaisahan ng Allâh (I) at tinanggihan nila ang mga Sugo?”

94. At walang sinumang Propeta na Aming ipinadala sa bawa’t sambayanan upang sila ay hikayatin sa pagsamba sa Allâh (I) at pagbawalan sa anumang pagsamba na kanilang ginagawa bilang pagtatambal sa Allâh (I) at pagkatapos Siya ay kanilang tinanggihan, kundi susubukin Namin sila na dumanas ng matinding sakuna, mga sakit sa kanilang mga katawan, mga kalamidad, at mga paghihirap bilang kawalan ng kayamanan, nang sa gayon ay maliitin nila ang kanilang mga sarili at magbalik-loob sila sa Allâh (I) nang nagsisisi at magbalik sa katotohanan.

95. Pagkatapos, noong pinalitan Namin ng magandang kalagayan ang kanilang kahirapan, at nagkaroon sila ng kalusugan sa kanilang pangangatawan, at kaluwagan sa kanilang pamumuhay bilang pagpapaluwag sa kanila upang sila ay magpasalamat, subali’t walang pagbabagong nangyari sa kanila sa lahat ng ito, dahil hindi pa rin ito naging aral sa kanila at hindi pa rin sila tumigil sa kanilang maling pinaggagawa, at kanilang sinabi “Ganito na ang takbo ng panahon, minsan ay mabuting panahon at minsan naman ay hindi, kaya ganoon ang nangyari sa aming mga ninuno noon,” na kung kaya, pinarusahan Namin sila nang biglaan habang sila ay namumuhay nang nasa kahibangan, at hindi man lamang nila naisip na ito’y mangyayari sa kanila.

96. At kung ang lahat ng mga tao sa bawa’t bayan ay naniwala, pinaniwalaan nila ang mga Sugo na ipinadala sa kanila at nagkaraoon sila ng ‘Taqwâ’ – sinunod nila ang ipinag-utos at iniwasan ang anumang ipinagbawal ng Allâh (I) sa kanila, walang pag-aalinlangang bubuksan Namin sa kanila ang mga pintuan ng mga biyaya mula sa kalangitan at kalupaan, subali’t pinasinungalingan nila (ang mga Sugo). Na kung kaya, pinarusahan Namin sila nang masidhing kaparusahan dahil sa kanilang pagtanggi at paglabag.
97. Iniisip ba ng mga tao sa bawa’t bayan na sila ay ligtas mula sa pagdating ng kaparusahan ng Allâh (I) sa gabi habang sila ay natutulog?

98. O nakatitiyak ba ang mga tao sa bawa’t sandali na sila’y ligtas sa pagdating ng kaparusahan ng Allâh (I) sa umaga habang sila ay walang kamalay-malay na abalang-abala sa makamundong buhay?

Paliwanag: Itinangi ng Allâh (I) ang pagbanggit sa dalawang panahong ito: dahil sa lalong matindi ang kawalang-malay ng tao sa dalawang pagkataong ito, kaya kapag dumating ang parusa sa ganitong mga pagkakataon ay nagiging lalong matindi.

99. Nakatitiyak ba ang mga taong hindi naniwala sa bawa’t bayan na sila ay ligtas sa Panukala (Plano) ng Allâh (I); na niluluwagan sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng makamundong buhay bilang parusang pinaplano sa kanila? Subali’t walang sinuman ang nakararamdam na ligtas sila sa gayong kalagayan mula sa kaparusahan ng Allâh (I) maliban doon sa mga taong talunan.

100. Hindi ba napatunayan ng mga taong humalili rito sa kalupaan pagkatapos wasakin ang mga naunang mga tao sa kanila dahil sa kanilang mga kasalanan, na kung kaya, ginawa pa rin nila kung ano ang ginawa ng nauna sa kanila, na kung nanaisin Namin ay parurusahan Namin sila dahil sa kanilang mga kasalanan, na katulad ng ginawa Namin sa mga nauna sa kanila, at isasara Namin ang kanilang mga puso kaya ito ay hindi na tatanggap ng katotohanan at hindi na makikinig sa mga payo at pag-alaala?

101. Yaong mga bayan na nabanggit ay sambayanan nina Nûh, Hûd, Sâleh, Lût at Shu`ayb, na ikinukuwento Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang mga pangyayari sa kanila, at kung ano ang nangyari sa mga Sugo ng Allâh (r) na ipinadala sa kanila, upang ito ay maging aral sa mga nakaiintindi at babala sa mga ‘dzâlimin’ – (mga masasama at tumanggi). At katiyakan, dumating sa mga tao sa mga bayang yaon ang Aming Sugo na dala-dala nila ang mga malilinaw na mga palatandaan na nagpapatunay sa kanila, subali’t hindi sila naniwala sa anumang dala-dala ng mga Sugo; dahil sa kanilang matinding paglabag at pagtanggi sa katotohanan, na kung kaya, kung paano isinara ng Allâh (I) ang mga puso nila na mga hindi naniwala ay ganoon ding isasara ng Allâh (I) ang mga puso ng mga hindi naniwala kay Propeta Muhammad.

102. At wala Kaming nakita sa karamihan sa mga naunang mga tao na yaon, na pagiging tapat at pagtupad sa kasunduan, at wala Kaming nakita sa karamihan sa kanila kundi naghimagsik at lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa Kanyang kautusan.

103. Pagkatapos ng mga Sugong yaon ay ipinadala Namin si Mousâ (u) na anak ni `Imrân na kasama ang mga malilinaw na Himala tungo kay Fir`âwn (Pharaon) at sa kanyang sambayanan, subali’t tinanggihan nila at hindi sila naniwala bilang sukdulang kasamaan at matinding pagtanggi, na kung kaya, pagmasdan mo, O Muhammad, kung ano ang ginawa Namin sa kanila, kung paano sila nalunod hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila sa harapan ni Mousâ at ng kanyang mga tagasunod? At ganoon ang katapusan ng mga naghimagsik.

104. At sinabi ni Mousâ (u) kay Fir`âwn, sa kanyang pakikipag-usap sa paghatid ng mensahe: “Katiyakan, ako ay Sugo na mula sa Allâh (I), na Siyang Lumikha ng lahat ng mga nilikha, Nangangasiwa sa kanila sa lahat ng kanilang mga pangangailangan at sa kanilang patutunguhan.”

105. “Kaya nararapat lamang na ako’y hindi magsalita ng anumang hinggil sa Allâh (I) kundi pawang katotohanan lamang, at nararapat lamang na ito ay aking panindigan. Katiyakang dala-dala ko sa inyo ang palatandaan at malinaw na katibayan mula sa inyong ‘Rabb’ na Taga-paglikha na nagpapatunay sa anumang sinasabi ko sa inyo, na kung kaya, palayain mo, O Fir`âwn, na kasama ko, ang mga angkan ni Isrâ`îl mula sa iyong pang-aalipin at palayain mo sila upang masamba lamang nila ang Allâh (I) nang Bukod-Tangi.”
106. Sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ (u): “Kung ikaw ay may katibayan, na katulad ng inaangkin mo ay ipakita mo, at iharap mo sa akin upang mapatunayan ang inyong inaangkin, kung ikaw ay totoo na Sugo ng ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”

107. Na kung kaya, binitiwan ni Mousâ (u) ang kanyang tungkod, na ito ay naging dambuhalang ahas na kitang-kita mismo ng kanilang mga mata.

108. At hinugot ni Mousâ (u) ang kanyang kamay mula sa kanyang kili-kili na ito ay maputing-maputi samantalang ito ay hindi sakit na katulad ng ketong bilang katibayan para kay Fir`âwn, at kapag ito ay kanyang isinukbit (ipinasok muli sa loob ng kanyang kasuotan) ay bumabalik ito sa tunay nitong kaanyuan na katulad ng kulay ng kanyang katawan.

109. Sinabi ng mga matataas mula sa sambayanan ni Fir`âwn: “Katiyakan, si Mousâ ay salamangkero at nililinlang niya ang mga mata ng tao, hanggang sa isipin nila na ang tungkod ay ahas at ang bagay ay nababago niya mula sa tunay nitong anyo, na siya ay may malawak at magaling ang kanyang kaalaman sa salamangka.”

110. “Nais niya na alisin kayong lahat mula sa inyong bayan,” sinabi ni Fir`âwn: “Kung gayon, ano ang maipapayo ninyo sa akin, O kayong mga tao, hinggil kay Mousâ?”

111. Sinabi ng sinumang nakadalo sa pakikipagtunggali ni Mousâ mula sa mga pinuno ng mga tauhan ni Fir`âwn at ang kanilang mga matataas: “Panatilihin mo muna si Mousâ (u) at si Hâroun (u), at mag-utos ka sa bawa’t lunsod ng mga kawal (sundalo), upang tipunin ang mga tao.

112. “At dadalhin nila sa iyo ang bawa’t salamangkero na may malawak na kaalaman sa salamangka.”

113. At dumating ang mga salamangkero kay Fir`âwn at kanilang sinabi: “Katiyakan, kung gayon, ay mayroon ba kaming magandang gantimpala bilang kabayaran kung matatalo namin si Mousâ?”

114. Sinabi ni Fir`âwn: “Oo, mayroon kayong gantimpala at kayo ay magiging malapit sa akin kung matatalo ninyo siya.”

115. Sinabi ng mga salamangkero ni Fir`âwn kay Mousâ, bilang pagmamataas at walang pasubali: “O Mousâ! Pumili ka, ikaw ang unang magbitiw ng iyong tungkod o di kaya ay kami ang unang magbitiw ng aming mga salamangka.”

116. Sinabi ni Mousâ (u) sa mga salamangkero: “Kayo muna ang unang maghagis ng inyong mga salamangka.” Na kung kaya, noong inihagis nila ang kanilang mga lubid at mga tungkod ay nalinlang nila ang mga mata ng mga tao, kaya naisip ng mga tao na ang nakikita ng kanilang mga mata ay katotohanan, subali’t wala silang ginawa kundi panlilinlang lamang, at tinakot nila nang matinding pananakot ang mga tao, at nagdala sila ng matitindi at maraming salamangka.

117. At ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang alipin at Sugo na si Mousâ (u) roon sa dakilang pangyayaring yaon na kung saan inihiwalay ng Allâh (I) ang tama sa kamalian na inutusan siya na ihagis ang kanyang hawak-hawak na tungkod na nasa kanyang kanang kamay, na kung kaya, ito ay kanyang inihagis at kaagad nitong nilamon ang anuman na kanilang mga pinaghahagis, na nilinlang nila ang mga tao na ito ay totoo samantalang hindi naman.

118. Na kung kaya, lumitaw ang katotohanan at naging malinaw sa sinumang naging testigo at dumalo roon sa pangyayari kay Mousâ (u), at katiyakang siya ay Sugo ng Allâh (I) na nag-aanyaya tungo sa katotohanan, at nawalan ng saysay ang kanilang mga kasinungalingan na pinaggagawa.

119. Na kung kaya, natalo ang lahat ng mga salamangkero doon sa lugar na kanilang pinagtipunan, at umalis si Fir`âwn at ang kanyang tagasunod na mga talunan at abang-aba.

120. At nagpatirapa ang mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang mga mukha bilang pagsuko sa Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha, dahil kanilang napatunayan na Dakila ang Kapangyarihan ng Allâh (I).


121. At kanilang sinabi: “Naniwala na kami sa ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”
122. Na siyang ‘Rabb’ nina Mousâ (u) at Hâroun (u), at Siya ay Bukod-Tangi at Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin at wala nang iba pa.

123. Sinabi ni Fir`âwn sa mga salamangkero: “Pinaniwalaan ba ninyo ang Allâh (I) bago ko kayo pinahintulutang maniwala sa Kanya? Katiyakan, ang inyong paniniwala sa Allâh (I) at paniniwala kay Mousâ (u) at pag-tanggap sa kanyang pagiging Propeta ay isang pakana na binalak ninyo, kayo at saka si Mousâ; upang paalisin ninyo ang mga nanirahan sa inyong bayan tungo sa disyerto para kayo ang makinabang sa mga kabuhayan sa bayang ito, na kung kaya, walang pag-aalinlangang malalaman ninyo, O kayong mga salamangkero, ang anumang mangyayaring kaparusahan sa inyo.

124. “Walang pag-aalinlangan, puputulin ko ang magkabila ninyong mga kamay at mga paa – na puputulin ang kamay na kanan at kaliwang paa o di kaya ay ang kabaligtaran nito – pagkatapos ay ibibitin ko kayong lahat sa mga puno ng palmera bilang parusa sa inyo at pananakot sa mga tao.”

125. Sinabi ng mga salamangkero ni Fir`âwn: “Walang pag-aalinlangan, nakatitiyak kami na magbalik-loob sa Allâh (I), at ang Kanyang parusa ay mas matindi kaysa sa iyong parusa, na kung kaya, walang pag-aalinlangan, titiisin namin ang iyong parusa upang kami ay makaligtas sa parusa ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

126. “At wala kang karapatan na paghigantihan kami, O Fir`âwn, dahil lamang sa kami ay naniwala at tinanggap namin ang mga katibayan ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na siyang dala ni Mousâ, noong ito ay dumating sa amin, samantalang ikaw ay hindi mo kayang tapatan, at kahit na sinuman bukod sa Allâh (I), na Siyang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan! O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pagkalooban Mo kami ng matinding pagtitiis at pagiging matatag dito, at gawin Mo kami na mamatay bilang mga Muslim – na sumusunod o nagpapasailalim sa Iyong kagustuhan at sumusunod sa Iyong Sugo.”

127. At sinabi ng mga pinuno at matataas na mga tauhan ni Fir`âwn kay Fir`âwn: “Pababayaan mo ba si Mousâ at ang kanyang mga tagasunod mula sa
angkan ni Isrâ`îl upang maipahamak ang mga tao dito sa bayan ng Ehipto dahil sa pagbabago ng kanilang Relihiyon, upang masamba lamang nila ang Allâh (I) nang bukod-tangi na walang katambal, at itigil ang pagsamba sa iyo at pagsamba sa iyong mga diyus-diyosan?” Sinabi ni Fir`âwn: “Walang pag-aalinlangan, papatayin namin ang mga anak na kalalakihan ng mga angkan ni Isrâ`îl, at pananatilihin naming buhay ang kanilang mga kababaihan upang manilbihan, at walang pag-aalinlangan, kami ay mangingibabaw sa kanila sa pamamagitan ng aming mahigpit na kapangyarihan.”

128. Sinabi ni Mousâ sa kanyang mga tagasunod mula sa angkan ni Isrâ`îl: “Humingi kayo ng tulong sa Allâh (I) laban kay Fir`âwn at sa kanyang mga tagasunod, at tiisin ninyo ang parusa na ginagawa ni Fir`âwn sa inyo at sa inyong mga anak. Dahil katiyakan, ang buong kalupaan ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Kanyang ipinagkakatiwala sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin. Subali’t ang pinakamagandang huling hantungan ay para lamang sa sinumang natatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-utos at pag-iwas sa mga ipinagbawal.”

129. Sinabi ng mga tagasunod ni Mousa (u) na mga angkan ni Isrâ`îl sa kanilang Propeta na si Mousa: “Sinubok na kami at pinarusahan sa pamamagitan ng pagpatay sa aming mga anak na kalalakihan at pagpapanatili sa aming mga kababaihan sa pamamagitan ni Fir`âwn at ng kanyang mga tagasunod noong bago ka pa dumating sa amin at ngayon pagdating mo sa amin.” Sinabi ni Mousâ sa kanila: “Maaari na ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay pupuksain Niya ang inyong kalaban na si Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod, at kayo ang hahalili sa kanila na mangangasiwa sa kalupaan pagkawasak nila, upang sa pamamagitan nito ay palitawin ng Allâh (I) kung ano ang inyong gagawin at kung kayo ba ay tatanaw ng utang na loob sa Kanya o lalabag?”

130. At katiyakan, sinubok Namin si Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod ng maraming tagtuyot at kakulangan sa mga bunga at mga pananim; upang sila ay makaalaala, at upang sila ay magising sa kanilang pagkaligaw at upang pagsisihan nila ang kanilang mga ginawa.


131. At kapag may dumating na kabutihan sa kanila at biyaya, kanilang sasabihin: “Ito ay karapat-dapat na para sa amin,” at kapag sila naman ay sinalanta ng tagtuyot at taggutom ay kanilang sinasabing ito ay dahil kay Mousâ (u) at sa kanyang tagasunod. Dapat ninyong mabatid! Walang pag-aalinlangan na ang anumang pangyayari na katulad ng tagtuyot ay mula sa itinakda ng Allâh (I), at dahil sa kanilang kasalanan at pagtanggi subali’t karamihan sa mga tagasunod ni Fir`âwn ay hindi nila ito batid, dahil sa kanilang matinding pagkalulong sa kamangmangan at pagkaligaw.
132. At sinabi ng mga tagasunod ni Fir`âwn kay Mousâ (u): “Anuman ang mga tanda na dala-dala mo sa amin, bilang katibayan at palatandaan na ipinamalas mo sa amin upang alisin mo kami sa aming kinatatayuan na relihiyon ni Fir`âwn ay hindi mo kami mapaniniwala sa iyo.”

133. Na kung kaya, ipinadala Namin sa kanila ang baha na nilunod ang kanilang mga pananim at ang kanilang mga halaman; at ganoon din ang mga tipaklong na kinakain ang kanilang mga pananim, halamanan at mga bunga, ang kanilang pintuan, mga bubungan at mga damit; nagpadala rin Kami ng mga kulisap na sinisira ang mga bunga ng kanilang mga pananim at pinapatay ang kanilang mga hayop at mga halamanan; nagpadala rin Kami ng mga palaka na pinupuno ang kanilang mga lalagyan, mga pagkain at mga tulugan; at ganoon din nagpadala rin Kami ng mga dugo na ang kanilang mga ilog at balon ay nagiging dugo na kung kaya wala na silang tubig na maaaring inumin.

Kaya ito ay mga palatandaan na mula sa mga palatandaan ng Allâh (I) na walang sinuman ang makagagawa nito kundi Siya lamang. At ito ay magkakasunod na mga palatandaan, subali’t magkagayunpaman ay nagmataas pa rin ang mga tagasunod ni Fir`âwn at tumanggi na maniwala sa Allâh (I), kaya sila ang mga tao na sukdulan ang kasamaan at paghihimagsik

134. At noong naganap ang kaparusahan kay Fir`âwn at sa kanyang mga tagasunod ay agad-agad silang nagtungo kay Mousâ (u) at sinabi: “O Mousâ, idalangin mo sa Allâh na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa amin ayon sa ipinahayag sa iyo na hindi parurusahan ang sinumang nagsisi, dahil kapag nawala ang kaparusahang ito sa amin, ay katiyakan na maniniwala kami sa dala-dala mong mensahe at susunod kami sa iyong paanyaya, at palalayain namin kasama sa iyo ang mga angkan ni Isrâ`îl, na kung kaya, hindi na namin sila pagbabawalang magtungo kung saan nila nais.”

135. Subali’t noong inalis Namin sa kanila ang parusa batay sa itinakdang panahon, na walang pag-aalinlangang ito ay umabot ayon sa pagkakatakdang yaon, gayon pa man ay hindi pa rin naging kapaki-pakinabang sa kanila ang ibinigay sa kanilang palugit at pag-alis sa kanila ng parusa, dahil sinira pa rin nila ang kanilang mga pangako na ipinangako nila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at kay Mousâ (u), at nanatili pa rin sila sa kanilang paglabag at pagkaligaw.

136. Na kung kaya, ginantihan Namin sila at pinarusahan noong dumating ang nakatakdang pagpuksa sa kanila, kaya nangyari ang sumpa sa kanila, na ito ay pagkalunod nila sa karagatan; dahil sa kanilang pagtanggi sa mga himala ni Mousâ, at ito ay kanilang binalewala sa pamamagitan ng pagpapasinungaling (sa mga himalang) ito.

137. At ipinamana Namin sa mga angkan ni Isrâ`îl na kung saan sila’y inaapi sa pamamagitan ng pang-aalipin sa kanila, ang silangan at kanlurang bahagi na kalupaan, na ang tinutukoy dito ay yaong lugar ng ‘Sham,’ na ito ay Aming biniyayaan sa pagsibol ng mga pananim at mga bunga, pagdaloy ng mga ilog, at natupad ang mabuting pangako ng iyong ‘Rabb,’ O Muhammad u, sa mga angkan ni Isrâ`îl sa pamamagitan ng pangingibabaw nila sa kalupaan dahil sa kanilang pagtitiis sa mga pang-aapi ni Fir`âwn at ng kanyang mga tagasunod, at winasak Namin ang mga nagawa ni Fir`âwn at ng kanyang mga tauhan, na mga gusali at mga pananim, at ang anuman na kanilang naitayo na mga palasyo at iba pa.


138. At dinala Namin ang mga angkan ni Isrâ`îl na ligtas na nakatawid sa karagatan, at napadaan sila sa mga tao na patuloy na isinasagawa ang pagsamba sa kanilang mga rebulto, kaya sinabi ng mga angkan ni Isrâ`îl: “Igawa mo kami, O Mousâ, ng rebulto na sasambahin namin na katulad ng mga rebulto na kanilang sinasamba.” Sinabi ni Mousâ (u) sa kanila: “Katiyakan, kayo ay mga tao na hindi nakaiintindi sa Kadakilaan ng Allâh (I), at hindi ninyo alam na ang tunay na pagsamba ay hindi maaari para kaninuman kundi para lamang sa Allâh (I) na Bukod-Tangi na Ganap na Makapangyarihan.”
139. (Idinagdag ni Mousâ): “Katiyakan, sila na mga iniuukol ang pagsamba sa kanilang mga rebulto ay mawawasak ang kanilang ginawang pagsamba bilang ‘Shirk’ at ang kanilang mga sinasambang mga rebulto ay mawawalan ng saysay, na hindi sila ililigtas sa kaparusahan ng Allâh (I) kapag ito ay naganap sa kanila.”

140. Sinabi ni Mousâ (u) sa kanyang sambayanan: “Maghahangad pa ba ako para sa inyo ng ibang sasambahin bukod sa Allâh (I), samantalang ang Allâh (I) ang Siyang Lumikha sa inyo, at itinangi Niya kayo sa ibang sangkatauhan sa inyong kapanahunan sa dami ng mga Propeta na ipinadala sa inyo, at sa pagkawasak ng inyong kalaban, at iba pang mga palatandaan at mga himala na para lamang sa inyo?.”

141. At alalahanin ninyo, O kayong mga angkan ni Isrâ`îl, ang Aming mga biyaya sa inyo at kagandahang-loob, noong iniligtas Namin kayo mula sa paglupig ni Fir`âwn at ng kanyang pamilya (mga tagasunod), at mula sa paghamak at pang-aapi na ginagawa sa inyo, na pinapatay ang inyong mga anak na kalalakihan at pinananatili ang inyong mga anak na kababaihan upang manilbihan, at sa pag-ahon sa inyo mula sa matindi at malupit na pagpaparusa, na pagkatapos ay iniligtas kayo mula rito, at ang mga ito ay isang pagsubok na mula sa Allâh (I) para sa inyo at dakilang biyaya.

142. At Aming itinalaga kay Mousâ na siya ay makipag-usap sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang tatlumpung gabi at karagdagan pa na sampung gabi, at natupad ang itinalaga ng Allâh (I) kay Mousâ (u) na kanyang pakikipag-usap nang apatnapung gabi. At sinabi ni Mousâ (u) sa kanyang kapatid na si Hâroun (u), noong nais na niyang gawin ang pakikipag-usap: “Halinhinan mo ako sa pangangasiwa sa aking sambayanan hanggang sa ako ay makabalik, at dalhin mo sila sa pagsunod sa Allâh (I) at pagsamba sa Kanya nang bukod-tangi, at huwag ninyong sundin ang daan ng mga masasama, na nagkakalat ng kasamaan sa kalupaan.”

143. At nang dumating si Mousâ (u) sa nakatakdang oras na pagkabuo ng apatnapung gabi at nakipag-usap sa kanya ang Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ng pakikipag-usap bilang rebelasyon, at pagbibigay ng utos at pagbabawal, ay naghangad siya na makita niya ang Allâh (I), na kung kaya, hiniling niya ito sa Kanya, sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Hindi mo Ako makikita (na ang ibig sabihin ay hindi mo makakayanang makita Ako rito sa daigdig), subali’t masdan mo ang bundok, at kapag nanatili ito sa kinalalagyan nito ay katiyakang makikita mo Ako.”

Noong nagpakita ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa bundok ay pumatag ito sa kalupaan na naging alikabok, at nawalan ng malay si Mousâ, at noong siya ay nagkamalay (mula sa kanyang pagkahilo) ay sinabi niya: “Luwalhati sa iyo, O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Dakila Ka at malayo Ka sa anumang hindi karapat-dapat sa Iyong Kamaharlikaan, katiyakan, ako ay humihingi ng kapatawaran sa Iyo, sa paghiling ko na Ikaw ay makita ko rito sa daigdig, at ako ang kauna-unahan sa mga mananampalataya mula sa aking sambayanan.”


144. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ (u): “Katiyakang pinili kita higit sa ibang sangkatauhan sa Aking mga mensahe tungo sa Aking mga nilikha, na kung saan, sa kanila kita ay ipinadala, at pinili rin kita sa pamamagitan ng tuwirang pakikipag-usap Ko sa iyo nang walang tagapamagitan. Na kung kaya, panghawakan mo ang anumang Aking ibinigay sa iyo na utos at pagbabawal, at ito ay iyong sundin at isagawa, at maging kabilang ka sa mga tumatanaw ng utang na loob sa Aking ipinagkaloob sa iyo na mensahe at sa pagpili Ko sa iyo bilang Aking kausap.”
145. At isinulat Namin kay Mousâ (u) sa ‘Tawrah’ ang lahat ng kanyang kakailanganin hinggil sa kanyang ‘Deen’ (Relihiyon) na mga panuntunan bilang pagpapayo upang maging maingat at mapagkunan ng mga aral at ganap na mga kapaliwanagan hinggil sa mga ‘halal’ (pagpapahintulot), ‘haram’ (pagbabawal), pag-uutos, pagbabawal, mga kuwento, kapahayagan, paniniwala at mga ‘ghayb’ (mga kapahayagan hinggil sa mga bagay na di-nakikita), na sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Hawakan mo ito nang mahigpit, na ang ibig sabihin ay ipatupad mo ang ‘Tawrah’ nang ganap at iutos mo sa mga tao na sundin nila ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) (sa Aklat na) ito; at kung sinuman ang sumamba ng iba mula sa kanila at sa iba pang mga tao, walang pag-aalinlangan, ipakikita Ko sa kanila sa Kabilang-Buhay ang tahanan ng mga ‘Fâsiqin’ – mga masasama, naghimagsik – na ito ay Impiyerno na inihanda ng Allâh (I) sa sinumang lumabag sa Kanya at hindi sumunod.

146. Ilalayo Ko sa pagkakaunawa ng mga palatandaan, mga katibayan, na nagpapatunay sa Aking Kadakilaan; at sa Aking batas at alituntunin, ang mga puso ng mapagmataas sa pagsunod sa Akin, at mapagmataas sa sangkatauhan nang wala silang karapatan, na kung kaya, hindi na sila susunod pa sa kaninumang Propeta at hindi na nila ito pakikinggan dahil sa kanilang pagmamataas, at kahit pa makita ng mga mapagmataas na yaon ang lahat ng palatandaan ay hindi pa rin nila ito paniniwalaan dahil sa kanilang pagtalikod at pagbabalewala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at kahit na makita pa nila ang Daan ng Kabutihan ay hindi nila ito susundin, subali’t kapag nakita nila ang daan ng pagkaligaw na daan ng paglabag, ito ang kanilang susundin at ituturing na tunay na Relihiyon; dahil sa kanilang pagpapasinungaling sa mga talata ng Allâh (I) at sa pagbabalewala nila nito at sa di nila pagtutuon ng pansin at di pinag-iisipan ang kahulugan nito.

147. At yaong pinasinungalingan ang mga talata ng Allâh (I) at ang Kanyang mga katibayan, at ang pakikipagharap sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, ay mawawalan ng saysay ang kanilang mga mabuting gawa; dahil nawala ang pangunahing panuntunan nito; na ito ay paniniwala sa Allâh (I) at paniniwala sa Kanyang gantimpala, samakatuwid, hindi sila gagantimpalaan sa Kabilang-Buhay kundi ang anuman na karapat-dapat para sa kanilang nagawa dito sa daigdig na pagtanggi at paglabag; na ito ay ang pananatili sa Impiyernong-Apoy.

148. At nagsagawa ang mga tauhan ni Mousâ (u) ng ibang sinasamba mula sa gawang inanyuang baka na mula sa kanilang pinagsama-samang mga ginto, pagkatapos niyang mapalayo sa kanila sa pagtungo sa kanyang pakikipag-usap sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay anyo lamang na walang kaluluwa subali’t nagbibigay ng tinig. Hindi ba nila alam na ito ay hindi nakikipag-usap, at hindi sila ginagabayan tungo sa kabutihan? Na kung kaya, ginawa nila ang ganitong karumal-dumal na gawain, na ipinapahamak nila ang kanilang mga sarili sa pagsagawa ng bagay na hindi karapat-dapat.

149. At noong nagsisi ang mga yaong sumamba sa inanyuang baka bukod sa Allâh (I), pagkabalik ni Mousâ (u) sa kanila at pagkakita nila na sila ay naligaw sa tamang daan at napalayo sila sa Relihiyon ng Allâh (I), ay saka lamang nila napagtanto ang bukod-tanging pagsamba sa Allâh (I) at paghingi ng kapatawaran, na sinabi nila: “Kung hindi tayo kaaawaan ng ating ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at tanggapin ang ating pagsisisi, at pagtakpan ang ating mga pagkakasala ay magiging kabilang tayo sa mga napahamak at mga talunan.”

150. At noong bumalik si Mousâ sa kanyang sambayanan, na mula sa angkan ni Isrâ`îl na may galit at lungkot; dahil sa ipinaalam sa kanya ng Allâh (I) na ang kanyang sambayanan ay nalinlang at naligaw, at katiyakang, si As-Sâmiri ang nagligaw sa kanila, sinabi ni Mousâ (u): “Anong sukdulang kasamaan ang inyong nagawa pagkatapos ko kayong pagka-tiwalaan, minamadali ba ninyo at pinangungunahan ang hinggil sa bagay na patungkol sa Allâh (I), na ang ibig sabihin ay nagmadali ba kayo na ako ay makarating sa inyo samantalang ito ay itinatakda ng Allâh (I)?” At itinapon ni Mousâ (u) ang mga Tableta ng ‘Tawrah’ dahil sa kanyang galit sa kanyang sambayanan na sumamba sa inanyuang baka at sa kanyang kapatid na si Hâroun (u) at hinawakan niya ito sa noo at kanyang hinila, at sinabi naman ni Hâroun bilang pagmamakaawa: “O anak ng aking ina! Katiyakan, minaliit ako ng mga tao at itinuring na mahina at muntik na nila akong patayin, na kung kaya, huwag mong pahintulutan na pagtawanan tayo ng ating mga kalaban dahil sa ginagawa mo sa akin, at huwag mo akong idamay sa galit mo sa sambayanan na lumabag sa iyo sa pamamagitan ng pagsamba nila sa bakang inanyuan.”

151. Sinabi ni Mousâ (u) noong napatunayan niya ang katwiran ng kanyang kapatid at napatunayan din niya na ang kanyang kapatid ay hindi nagkulang sa anumang tungkulin niya sa Allâh (I): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Patawarin Mo ako dahil sa aking pagkagalit, at patawarin Mo ang aking kapatid sa anumang nangyari sa kanya, sa pagitan niya at sa mga angkan ni Isrâ`îl, at ipasakop Mo kami sa Iyong malawak na awa, dahil katiyakang Ikaw ay Ganap na Maawain sa amin sa lahat ng maawain.”

152. Katiyakan, ang mga yaong sumamba sa inanyuang baka, walang pag-aalinlangang mangyayari sa kanila ang matinding sumpa mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagkapahamak dito sa daigdig; dahil sa kanilang pagtanggi sa kanilang ‘Rabb,’ at kung anuman ang Aming parusa na ginawa sa kanila ay gagawin din Namin sa mga gumagawa ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pag-iimbento ng anumang patungkol sa Relihiyon ng Allâh (I), na kung kaya, mapapahamak ang sinumang gagawa nito.

153. At yaong mga gumawa ng kasamaan bilang pagtanggi sa Allâh (I) at gumawa ng mga kasalanan, pagkatapos sila ay nagbalik-loob sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsagawa ng kabutihan, katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos ng makatotohanang pagsisisi ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa anuman na kanilang nagawa at hindi sila ipapahiya, at ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila at sa lahat ng katulad nila na mga nagsisisi.

154. At noong huminahon na ang galit ni Mousâ (u), ay kinuha niya ang mga Tableta na kanyang itinapon sa lupa, na niloloob noon ang mga kapaliwanagan sa katotohanan at awa sa mga yaong natatakot sa Allâh (I) at sa Kanyang kaparusahan.

155. At pumili si Mousâ (u) ng pitumpumg kalalakihan (na pinakamagaling) mula sa kanyang sambayanan, at sila ay inilabas niya patungo sa bundok ng Tûr sa Sinai para sa itinakdang oras na kanyang ipinangako sa Allâh (I) na siya ay makikipagtagpo kasama sila upang mapatawad ang anumang ginawa ng mga may kakulangan sa pag-iisip mula sa angkan ni Isrâ`îl na pagsamba sa inanyuang baka, at noong sila ay nakarating na roon sa lugar, kanilang sinabi: “Hindi kami maniniwala sa iyo, O Mousâ, hangga’t hindi namin makikita ang Allâh (I) nang harapan, dahil ikaw ay nakipag-usap sa Kanya, kaya ipakita mo Siya sa amin.” Na kung kaya, tinamaan sila ng matinding pagyanig kaya namatay silang lahat, sa ganitong kadahilanan ay tumayo si Mousâ, na nagsusumamo na nananalangin sa Allâh (I) at kanyang sinasabi:

“O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ano ang aking sasabihin sa mga angkan ni Isrâ`îl kapag ako ay dumating sa kanila, dahil sa pinatay Mo ang mga piling-piling tao mula sa kanila? Kung ninais Mo lamang ay pinatay Mo na silang lahat bago pa dumating sa ganitong pagkakataon na kasama ako, dahil katiyakang mas magaan ang ganoon sa akin, kaya pupuksain Mo ba kami dahil sa ginawa ng mga may kakulangan sa pag-iisip mula sa amin?

“Gayunpaman, ang anumang kasalanan na nagawa ng aking sambayanan na pagsamba nila sa inanyuang baka ay pagsubok lamang, na naliligaw sa pamamagitan nito ang sinuman na Iyong nais mula sa Iyong nilikha at napapatnubayan ang sinumang Iyong nais na mapatnubayan, Ikaw ang aming Tagapangalaga na Tagapagtulong sa amin, na kung kaya, patawarin Mo ang aming mga pagkakasala at ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong awa, dahil Ikaw ay Ganap na Mapagpatawad sa anumang kasalanan at Mapagtakip ng anumang mga pagkakamali.”

156. “At gawin Mo kami na kabilang sa sinumang itinala sa kanila ang pagsagawa ng kabutihan dito sa daigdig at gantimpala sa Kabilang-Buhay dahil katiyakang nanumbalik na kami sa Iyo.” Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ (u): “Ang Aking parusa ay iginagawad Ko sa sinuman na Aking nais sa Aking mga nilikha, na katulad ng Aking iginawad sa kanila o sa mga yaong mula sa iyong sambayanan, subali’t ang Aking habag ay saklaw nito ang lahat ng Aking nilikha, na kung kaya, itatala Ko ito (ang Kanyang awa) sa mga yaong natatakot sa Allâh (I), sa Kanyang kaparusahan, at kaya isinagawa nila ang mga kautusan at iniiwasan nila ang mga kasalanan, at sa mga yaong naniniwala sa mga palatandaan at mga katibayan ng Kaisahan ng Allâh (I).

157. Ang Aking Awa na ito ay Aking itatala sa mga yaong may takot [sa Allâh (I)] at umiwas sa mga kasalanan, at sumunod sa Sugo, ang Propetang hindi marunong bumasa’t sumulat at siya ay si Muhammad (r), na kanilang matatagpuan ang kanyang mga katangian at mga bagay na patungkol sa kanya, na naipahayag sa Aklat ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ – at inuutusan sila ng paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsunod sa Kanya at sa lahat ng mga nakabubuti, at pinagbabawalan sila ng ‘Shirk,’ pagkakasala at lahat ng karumal-dumal na bagay; at ipinahihintulot sa kanila ang lahat ng mga malilinis na mga pagkain, mga inumin at mga mabubuting gawain na katulad ng tamang pamamaraan sa pag-aasawa; at ipinagbabawal sa kanila ang lahat ng marurumi na katulad ng laman ng baboy at lahat ng ipinahintulot nila na mga pagkain at inumin na ipinagbabawal naman ng Allâh (I), at inialis sa kanila ang anumang mahihirap na dating ipinag-utos sa kanila na katulad ng pagputol sa narumihang damit o ng pagsunog sa mga bagay na nakuha sa labanan [43] at pagpatay sa sinumang nakapatay, sinadya man o hindi.

Na kung kaya, sinumang naniwala sa kanya, ang Propetang hindi marunong bumasa’t sumulat na ito ay si Propeta Muhammad (r) at tinanggap ang kanyang pagiging Propeta, na kanilang iginalang, dinakila at tinulungan, at sumunod sila sa Banal na Qur’ân na ipinahayag para sa kanila, at sumunod sila sa kanyang ‘Sunnah’ o pamamaraan, sila ang mga yaong magkakamit ng tagumpay na ipinangako ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.

158. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga tao, lahat sila: “Katiyakan, ako ay Sugo ng Allâh (I) sa inyong lahat, na ito ay para sa lahat-lahat at hindi sa iilan lamang – na Siya, ang Allâh (I) ang Nagmamay-ari ng buong kalangitan at ng kalupaan at ng anumang mga niloloob nito. Walang sinuman ang nararapat na pag-ukulan ng bukod-tanging pagsamba kundi Siya lamang, ang Kapuri-puri at Kataas-taasan, na Makapangyarihan sa pagsagawa ng Kanyang nilikha, na Siya ang nagbibigay ng buhay at nagsasanhi ng kamatayan at magbubuhay na mag-uli (sa lahat).

“Na kung kaya, maniwala kayo sa Allâh (I) at tanggapin ninyo ang Kanyang Kaisahan sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya nang bukod-tangi at sundin ninyo ang Kanyang Sugo na si Muhammad (r), ang Propetang hindi marunong bumasa’t sumulat, na siya (Muhammad r) ay naniwala sa Allâh (I) at sa anumang ipinahayag Niya sa kanya, at sa anumang ipinahayag sa mga Propeta na nauna kaysa sa kanya, at sundin ninyo ang Sugong ito at ipatupad ninyo ang pagsagawa ng lahat ng anumang ipinag-utos niya sa inyo bilang pagsunod sa Allâh (I); at paghahangad na kayo ay gabayan sa Matuwid na Landas.”

159. At sa angkan ni Isrâ`îl na sambayanan ni Mousâ (u) ay mayroong grupo na nagpapatupad ng katotohanan at ginabayan nila tungo rito ang mga tao at itinatag nila ang katarungan sa kanilang paghahatol at sa anumang pangyayari sa kanilang sambayanan.


160. At pinaghiwa-hiwalay Namin ang sambayanan ng mga angkan ni Isrâ`îl na labingdalawang angkan, na tulad ng bilang ng labingdalawang anak ni Ya`aqub (u) at bawa’t angkan ay nakikilala sa pangalan ng kanilang pinuno. At ipinahayag Namin kay Mousâ (u) na kapag hiniling sa kanya ng kanyang sambayanan ang tubig-inumin kapag sila ay nauhaw noong sila ay gagala-gala at nasa pagkaligaw: “Na ihampas niya ang kanyang tungkod sa bato,” at bumulwak mula roon ang labingdalawang bukal na tubig, at katiyakang nalaman ng bawa’t angkan sa labingdalawang angkan kung saan sila iinom, na hindi mapapakialaman ng bawa’t angkan ang iinuman ng iba, at nililiman Namin sila ng ulap, at nagbaba Kami sa kanila ng ‘Al-Manna,’ na ito ay parang ‘gum’ na lasang pulut-pukyutan at ganoon din ang ‘As-Salwa’ na ito ay katulad ng pugo, at sinabi Namin sa kanila: “Kumain kayo mula sa mga malilinis na Aming ipinagkaloob sa inyo bilang inyong kabuhayan,” subali’t ito ay kanilang pinagsawaan dahil sa ito lamang ang kanilang patuloy na kinakain, at kanilang sinabi: “Kailanman ay hindi namin matitiis na isang uri lamang ang aming kinakain,” kaya hiniling nila na ito ay palitan ng mababang uri. At kailanman, ay hindi Namin sila inapi o dinaya noong sila ay hindi nagpasalamat sa Allâh (I) at hindi nila ginawa ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila, subali’t sila mismo ang naminsala sa kanilang mga sarili; dahil sa sinayang nila ang lahat ng kabutihan at ipinahamak nila ang kanilang sarili sa kasamaan at parusa.

161. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang paglabag ng mga angkan ni Isrâ`îl sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa kanilang Propeta na si Mousâ (u), at sa pagpapalit nila ng salita na ipinag-utos sa kanila, na kanilang sinabi noong sinabi ng Allâh (I) sa kanila: “Manirahan kayo sa bayan na ito, na ang tinutukoy ay ang ‘Baytul Maqdis’ at kumain kayo mula sa mga bunga, mga butil at anumang mga sumisibol na luntian mula rito, saan man at kailan ninyo gusto, at sabihin ninyo, ‘Patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan;’ at pumasok sa pinto na nakayuko na may kasamang pagpapakumbaba, upang pagtakpan Namin ang inyong mga pagkakasala, at hindi na Namin kayo parurusahan, at bukod pa rito ay patuloy Naming daragdagan ang mga mabubuting tao ng kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”

162. Subali’t pinalitan ng mga walang pananampalataya mula sa kanila ang anumang ipinag-utos sa kanila, at sila ay pumasok nang pasadsad, at sinabi nila: “Isang butil sa isang hiblang buhok,” na kung kaya, pinuksa Namin sila sa pamamagitan ng kaparusahan mula sa kalangitan dahil sa kanilang paghihimagsik at paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I).

163. At tanungin mo sila na mga Hudyo, O Muhammad (r), hinggil sa bayan na malapit sa tabi ng dagat, noong lumabag sila sa araw ng ‘Sabbath’ (Sabado), nilabag nila sa araw ng ‘Sabbath’ ang mga hangganang itinakda ng Allâh (I) na Kanyang ipinagbawal, dahil inutusan sila na igalang ang araw ng Sabado (‘Sabbath’) at huwag silang manghuhuli ng isda, subali’t sinubukan sila ng Allâh (I); kaya dumarating ang napakarami at malalaking isda na lumulutang sa karagatan sa araw ng Sabado, at kapag lumipas na ang araw ng Sabado ay nawawala naman ang mga ito at wala na silang nakikita (mula sa mga isda), na kung kaya, sila ay nagpakana na mahuli nila sa araw ng Sabado ang mga isda sa pamamagitan ng paglalagay nila ng lambat bago mag-Sabado at saka nila kukunin pagkatapos ng Sabado.

At katulad ng pagsasalarawan Namin nito ay ganoon Namin sila sinubok sa pagpapalitaw ng isda na lumulutang sa ibabaw ng tubig sa araw na ipinagbabawal sa kanila ang mangisda at nawawala naman sa araw na ipinahihinutlot sa kanila ang pangigisda, sa ganito Namin sila sinubukan dahil sa hindi nila pagsunod sa Kautusan ng Allâh (I) at paglabag sa Kanyang kagustuhan.

164. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), noong sinabi ng isang grupo sa ibang grupo na nagpapayo roon sa mga lumalabag sa araw ng Sabado at tagapangaral na huwag gumawa ng paglabag sa Allâh (I) sa araw na yaon: “Bakit pa ninyo pinapayuhan ang mga tao na tiyak namang pupuksain ng Allâh (I) dito sa daigdig dahil sa kanilang paglabag sa Allâh (I) o di kaya ay parurusahan din naman sila ng Allâh (I) ng matinding parusa sa Kabilang-Buhay?” Sinabi ng mga yaong tagapangaral: “Pinapayuhan namin sila at pinipigilan upang maging ligtas kami sa pananagutan sa kanila, at maisagawa namin ang ipinag-utos ng Allâh (I) sa amin na pag-uutos ng kabutihan at pagbabawal ng kasalanan, at naghahangad kami na manumbalik sila at magkaroon ng takot sa Allâh (I). At pagsisihan nila ang kanilang nagawang kasalanan sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at paglabag sa Kanyang mga ipinagbawal.”

165. At noong kinalimutan ng grupo ng mga lumabag sa araw ng ‘Sabbath’ ang paalaala sa kanila, at nagpatuloy sila sa kanilang pagkaligaw at paglabag, at hindi pinakinggan ang payo ng mga grupong nagpapayo, iniligtas ng Allâh (I) ang mga yaong nagbabawal ng paglabag sa Allâh (I), at pinuksa ang mga yaong lumabag sa araw ng ‘Sabbath’ ng matinding kaparusahan dahil sa kanilang pagsalungat sa Kautusan ng Allâh (I) at hindi pagsunod sa Kanya.

166. At noong naghimagsik ang grupo na yaon, at sinuway nila ang pagbabawal ng Allâh (I) na huwag mangisda sa araw ng ‘Sabbath,’ sinabi sa kanila ng Allâh (I): “Maging unggoy kayo, hinamak at malayo sa anumang kabutihan,” kaya ito ay nangyari sa kanila (na naging mga unggoy sila).

167. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong inihayag ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, nang tuwirang pagpapahayag, na Siya ay walang pag-aalinlangan na patuloy na magpapadala sa mga Hudyo ng magpaparanas sa kanila ng masidhing kaparusahan at kapahamakan hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ay ‘As-Saree`ul Iqâb’ – Mabilis ang Kanyang pagpaparusa sa sinumang karapat-dapat dahil sa pagtanggi at paglabag nito [sa Allâh (I)], at walang pag-aalinlangan, Siya naman ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng mga nagsisisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

168. At pinagwatak-watak Namin na mga grupu-grupo ang mga angkan ni Isrâ`îl dito sa kalupaan, mayroon sa kanila ang mga matatapat na sumusunod na isinasagawa nila ang kanilang tungkulin sa Allâh (I) at kanilang tungkulin sa mga tao, mayroon naman sa kanila ang malayo sa ganoon na hinahamak nila ang kanilang mga sarili.

At sinubok Namin sila ng maluluwag na pamumuhay at mga biyaya, at sinubok din Namin sila ng kahirapan sa pamumuhay at mga kalamidad; upang sila ay manumbalik sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagsisihan ang kanilang mga nagawang kasalanan.

169. Pagkatapos nila ay humalili ang panibagong henerasyon na ang mga uri ng tao ay masasama, na kanilang minana ang Aklat mula sa kanilang mga ninuno at ito ay kanilang binasa at natutunan, subali’t nilabag nila ang batas nito at tumatanggap sila ng anumang iniaalok sa kanila na makamundong kasiyahan na mababang uri na pinagkakakitaan na katulad ng suhol at iba pa; dahil sa tindi ng kanilang pagiging gahaman, at magkagayunpaman ay kanilang sinasabi: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay patatawarin kami sa aming mga kasalanan,” na ito ay maling paghahangad sa Allâh (I), at kapag dumating naman sa kanila ang makamundong kasiyahan na mga ipinagbabawal ay tatanggapin nila ito at pakikinabangan at kanilang ipahihintulot, dahil sa kanilang pagdidiin sa paggawa ng pagkakasala at pagsagawa ng mga ipinagbabawal.

Hindi ba mayroon silang binitiwan na kasunduan na sila ay nangako na susundin nila ang ‘Tawrah’ at kanilang ipatutupad ang anumang niloloob nito, at hindi sila magsasabi ng anuman patungkol sa Allâh (I) kundi pawang katotohanan lamang at hindi sila magsisinungaling, at batid nila kung ano ang nasa loob ng Aklat nguni’t binalewala nila ito na hindi nila ipinatupad, at nilabag nila ang kanilang pangako sa Allâh (I)?

Subali’t ang tahanan sa Kabilang-Buhay ay higit na nakabubuti sa mga yaong natatakot sa Allâh (I), na sinusunod ang Kanyang ipinag-utos at iniiwasan ang Kanyang ipinagbawal. Hindi ba naisip ng mga yaong tumatanggap ng mababang uri na pinagkakakitaan, na ang anumang nasa Allâh (I) ay higit na nakabubuti at nananatili para sa mga yaong may takot [sa Allâh (I)]?

170. At yaong mga pinanghahawakan ang Aklat at ipinatutupad ang niloloob nito na mga paniniwala at batas, at pinangangalagaan ang pagsasagawa ng ‘Salâh’ sa tamang kaparaanan nito at hindi nila pinababayaan na isagawa sa takdang oras nito, katiyakang ang Allâh (I) ay gagantimpalaan sila sa kanilang mga mabubuting gawa at hindi ito babalewalain sa kanila.
171. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong itinaas Namin ang bundok sa ibabaw ng ulunan ng mga angkan ni Isrâ`îl na parang mga ulap na nililiman sila at natiyak nila na walang pag-aalinlangang ito ay babagsak sa kanila kung hindi nila tatanggapin ang batas ng ‘Tawrah,’ at sinabi Namin sa kanila: “Tanggapin ninyo ang anumang ibinigay Namin sa inyo at panghawakan nang mahigpit, na ibig sabihin ay isagawa ninyo ang utos na ibinigay sa inyo nang buo ninyong lakas, at alalahanin ninyo ang niloloob sa Aklat na mga pangako na inyong binitiwan sa Amin na ito ay inyong ipatutupad; upang kayo ay magkaroon ng takot sa inyong ‘Rabb’ na Tagapag-likha at mailigtas kayo sa Kanyang kaparusahan.

172. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong inilabas ng iyong ‘Rabb’ ang mga anak ni Âdam (u) mula sa ‘sulb’ (o gulugod ng mga kalalakihan) ng kanilang mga ama at pinasaksi sila sa Kanyang Kaisahan, na ito itinanim (o inilagay) sa kanilang mga likas na katangian (na tinatawag na ‘Fitrah’), at pinatestigo sila sa pamamagitan ng kanilang mga sarili na Siya [ang Allâh (I)] ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Nagmamay-ari sa kanila, na sinabing: “Hindi ba Ako ang inyong Rabb?” Sila ay tumugon: “Oo, kami ay tumitestigo,” na baka ito ay itatanggi ninyo sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na sasabihin ninyong: “Katiyakan, hindi namin batid ang hinggil diyan,” – na hindi nila ito aaminin at aangkinin nila na walang katibayan sa kanila ang Allâh (I) at wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, na ito ay hindi nila nababatid.

173. O di kaya ay sasabihin ninyo: “Dahil sa sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang aming mga ninuno na nauna kaysa sa amin, at nilabag nila ang kasunduan, na kami ay mga salinlahi lamang pagkatapos nila, na kung kaya, sinunod namin sila, dahil ba rito ay parurusahan Mo kami sa ginawa ng mga yaong sinira nila ang kanilang mga gawain sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba bilang pagtatambal [sa Allâh (I)]?”
174. Kung paano Namin ipinaliliwanag ang mga talata at isinasalaysay ang Aming ginawa sa mga naunang sambayanan, ay ganoon din Namin ipinaliliwanag ang mga talata at nililinaw Namin sa iyong sambayanan, O Muhammad (r); upang sila‎ ay umiwas sa pagsamba ng iba at sila ay magbalik-loob sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

175. At isalaysay mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan ang kuwento ng isang tao na mula sa angkan ni Isrâ`îl, na Aming pinagkalooban ng mga katibayan at mga palatandaan, ito ay kanyang napag-aralan, at pagkatapos ito ay kanyang nilabag at kanyang itinapon sa kanyang likuran (winalang-halaga niya), na kung kaya, nalinlang siya ni ‘Shaytân,’ kaya siya ay naging kabilang sa mga ligaw na nangapahamak; dahil sa kanyang paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at pagsunod niya kay ‘Shaytân.’

176. At kung ginusto Naming maiangat ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng ipinagkaloob Namin sa kanya na mga talata ay gagawin Namin, subali’t siya ay nagpakalulong sa makamundo at sinunod niya ang kanyang pagnanasa at ipinagpalit niya ang buhay sa Kabilang-Buhay sa sarap ng buhay dito sa daigdig at kanyang pagnanasa, kaya nilabag niya ang kagustuhan ng Allâh (I).

Na kung kaya, ang katulad ng taong ito ay parang aso, na kahit ipagtabuyan mo pa o pabayaan mo lang ay patuloy pa ring nakalaylay ang dila nito bilang pagkasabik (na parang walang kakuntentuhan), kaya ganoon din ang katulad ng taong tinanggihan ang mga talata ng Allâh (I), na nananatili sa kanyang paglabag at pagtanggi, na kahit gawin mo pa ang makakaya mo para siya ay hikayating bumalik o di kaya ay pababayaan mo na lamang siya ay ganoon pa rin – walang pagkakaiba kahit alin ang piliin mo sa dalawa, hindi pa rin siya maniniwala.

Ang paglalarawang ito, O Muhammad (r), ay paglalarawan sa mga tao na ligaw, bago mo ipinarating sa kanila ang patnubay o mensahe, kaya isalaysay mo, O Muhammad (r), ang mga kuwento ng mga naunang tao, dahil sa ang pagsasalaysay mo ay isang dakilang tanda, na ang ibig sabihin ay upang ang iyong sambayanan ay magkakaroon ng aral sa dala-dala mong mensahe at ito ay kanilang paniwalaan.

177. Napakasama ng halimbawa na inihalintulad ang mga yaong tinanggihan ang mga katibayan at mga palatandaang mula sa Allâh (I), at kanilang hinamak ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagtanggi at pagpapasinungaling sa mga katibayan at mga palatandaan.

178. Na sinuman ang gagabayan ng Allâh (I) sa paniniwala at pagsunod sa Kanya, siya samakatuwid ang napatnubayan, at sino man ang Kanyang pabayaan at hindi gagabayan ay siya kung gayon ang magiging talunan at hamak, dahil ang gabay at pagkaligaw ay mula lamang sa Allâh (I) na Nag-iisa.
179. At katiyakan, Lumikha Kami ng mga mapupunta sa Impiyerno – ang parurusahan ng Allâh (I) sa Impiyerno ay ang sinuman na karapat-dapat parusahan sa Kabilang-Buhay – maraming mga ‘jinn’ at tao, na sila ay mayroong mga puso subali’t hindi nila ito ginagamit sa pang-unawa, kaya hindi sila naghahangad ng gantimpala at hindi rin sila natatakot sa parusa; at mayroon silang mga mata subali’t hindi nila ginagamit sa pagmamasid sa mga palatandaan ng Allâh (I) at ng Kanyang mga katibayan; at mayroon silang mga tainga subali’t hindi nila ito ginagamit sa pakikinig sa mga talata ng Banal na Qur’ân para ito ay unawain, sila ay katulad ng mga hayop na hindi nakaiintindi sa anumang sinasabi at hindi rin nakaiintindi sa anuman na kanyang nakikita, at hindi rin nauunawaan ng kanyang puso ang mabuti at masama para mabatid niya ang pagkakaiba nito o di kaya sila ay mas ligaw pa kaysa sa hayop; dahil ang mga hayop ay nakikita ng mga ito kung ano ang napapakinabangan at kung ano ang nakapipinsala kaya sumusunod ang mga ito sa kanilang tagapag-alaga, subali’t ang mga tao na katulad nila ay wala silang mga katangian na ganoon, kaya sila ang mga pabaya na hindi nila pinagtutuunan ng pansin ang paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya.

180. At ang Allâh (I) ay nagtataglay ng mga Pinakamamagandang Pangalan na nagpapatunay sa pagiging ganap ng Kanyang Kadakilaan, at lahat ng Pangalan ng Allâh (I) ay mabubuti, na kung kaya, humiling kayo sa Kanya ng anuman na inyong nais sa pamamagitan ng mga Pangalan na ito, at iwasan ninyo ang mga yaong binabago nila ang mga Pangalan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagdaragdag, pagbabawas o pagbibigay ng ibang pakahulugan nito, na katulad ng pagbibigay ng pangalan na hindi angkop sa Kanya, na tulad ng mga ipinapangalan ng mga ‘Mushrikin’ sa kanilang mga sinasamba, o di kaya ay pagbibigay ng kahulugan na hindi ito pakahulugan sa ipinahayag ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At walang pag-aalinlangan, sila ay mananagot sa kanilang mga masamang nagawa na ginawa nila rito sa daigdig na paglabag at pagtanggi sa Allâh (I) at pagbago sa Kanyang mga Pangalan at pagpapasinungaling sa Kanyang Sugo.
181. At kabilang sa mga yaong nilikha Namin ay mga mabubuting grupo na sila ay ginabayan sa katotohanan at hinihikayat din ang iba para rito; at sa pamamagitan ng katotohanang ito, sila ay makatarungan na nakikitungo sa mga tao, na sila ang mga nangunguna sa pamamatnubay na biniyayaan ng Allâh (I) ng tamang paniniwala at mabuting gawa.

182. At ang yaong pinasinungalingan ang Aming mga talata at mga palatandaan at hindi tinablan ng paalaala, walang pag-aalinlangang bubuksan Namin sa kanila ang mga pintuan ng biyaya at iba’t ibang kasaganaan ng pamumuhay dito sa daigdig; na sila ay luluwagan upang sila’y malinlang sa kanilang kalagayan, na iisipin nila na sila ay nasa tama o magandang kinalalagyan, pagkatapos ay parurusahan Namin sila nang biglaan nang hindi nila namamalayan. At ganito ang parusa ng Allâh (I) sa nagpasinungaling sa Kanyang mga katibayan at mga palatandaan.

183. At pababayaan Ko ang mga yaong tinanggihan ang Aking mga palatandaan hanggang sa iisipin nila na sila ay hindi parurusahan, kaya mas lalo pa nilang daragdagan ang kanilang pagtanggi at pagmamalabis, at nang sa gayon ay maging doble para sa kanila ang parusa, dahil walang pag-aalinlangang ang Aking Panukala ay matibay, na ang ibig sabihin ay matatag na walang sinuman ang makakasalag nito nang kahit anumang lakas at pamamaraan.

184. O di kaya, hindi ba naisip ng mga yaong pinasinungalingan at tinanggihan ang mga talata ng Allâh (I) na ito ay kanilang pag-aralan para maisaalang-alang ng kanilang mga kaisipan, at mabatid nila na si Muhammad (r) ay hindi nasiraan ng bait? Kundi siya ay tagapagbabala lamang sa kanila at malinaw na tagapayo mula sa kaparusahan ng Allâh (I) sa kanilang pagtanggi at hindi paniniwala sa Allâh (I).

185. O di kaya, hindi ba nakikita ng mga yaong pinasinungalingan ang mga palatandaan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang dakilang kaharian at pagiging Ganap na Makapangyarihan na kumukuntrol sa mga kalangitan at kalupaan at anumang nilikha ng Allâh (I) na nasa pagitan ng mga ito, na kusang nagpapasailalim sa Kanya ang lahat, sa Kanyang Kapangyarihan, Kadakilaan at Kataas-Taasan, para ito ay kanilang isaalang-alang at pagkunan ng aral; at pag-isipan nila na baka ang katapusan ng kanilang buhay ay nalalapit na, na sila ay mamamatay na tumanggi at walang pananampalataya, at sila ay mapupunta sa parusa ng Allâh (I) at Kanyang masidhing pagpapahirap? Sa anong pananakot o babala ang paniniwalaan nila at tumugon pagkatapos nito sa babala ng Banal na Qur’ân?

186. Ang sinumang inilihis ng Allâh (I) mula sa Daan ng Patnubay ay wala nang makagagabay pa sa kanya, na kung kaya, pababayaan Niya sila na gumagala-gala na bulag sa kanyang pagtanggi at pagmamalabis.
187. Tinatanong ka, O Muhammad (r), ng mga walang pananampalataya sa Makkah hinggil sa ‘As-sa`ah’ (Pagkagunaw ng sandaigdigan) kung kailan ito mangyayari? Sabihin mo sa kanila: “Ang kaalaman hinggil dito ay sa Allâh (I) lamang na walang sinuman ang makapagpapahayag nito bukod sa Kanya, na dahil sa bigat ng kaalamang ito ay hindi ito kayang arukin ng anumang nasa kalangitan at kalupaan, na kung kaya, walang sinuman ang nakaaalam ng oras ng pagdating nito, kahit na ang pinakamalapit na anghel at kahit na sinumang Propeta na Sugo, na hindi darating ang ‘As-sa`ah’ kundi ito ay biglaan.”

Tinatanong ka nila hinggil dito na parang sa iyo nagmumula ang kaalaman, sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, ang kaalaman hinggil dito ay sa Allâh (I) lamang na Siyang Ganap na Nakaaalam ng anumang lihim sa mga kalangitan at kalupaan, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila batid na ang bagay na ito ay walang sinuman ang Nakaaalam kundi ang Allâh (I) lamang.”

188. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Hindi ako nagtataglay ng kapangyarihan na magdudulot ng kabutihan sa aking sarili o ilayo ang kapahamakan na mangyayari maliban na lamang sa kagustuhan ng Allâh (I), at kung ako ay may kaalaman sa lihim na bagay ay gagawin ko ang lahat ng kaparaanan na alam ko upang ito ay makapagdulot ng maraming kabutihan at kapakinabangan sa akin, at maiiwasan ko ang anumang kapahamakan bago ito mangyari sa akin, na kung kaya, ako ay Sugo lamang ng Allâh (I) na ipinadala sa inyo, binabalaan ko kayo mula sa Kanyang kaparusahan, at ibinabalita ko ang gantimpala sa mga taong naniniwala na ako ay Sugo ng Allâh (I) at sumunod sa Kanyang batas.”

189. Siya ang Lumikha sa inyo, O kayong mga tao, mula sa isang tao lamang, na ito ay si Âdam (u), at mula sa kanya ay nilikha ng Allâh (I) ang kanyang asawa na si Hawwa` (Eva); upang madama niya ang kaligayahan at kapanatagan, at noong nakipagtalik ang sinumang mag-asawa mula sa angkan ni Âdam at nadala ng babae ang kaunting punla (semilya), at nang naglaon siya ay nagdalang-tao, noong malapit na ang kanyang pagsilang at malaki na ang kanyang dinadala, nanalangin silang mag-asawa sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na: “Kapag pinagkalooban Mo kami ng mabuting sanggol ay pasasalamatan Ka namin nang lubusan sa anumang ipinagkaloob Mo sa amin na mabuting anak.”

190. Nang pinagkalooban sila ng Allâh (I) ng mabuting anak ay nagkaroon sila ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) sa katauhan ng kanilang anak na Bukod-Tangi lamang ang Allâh (I) sa paglikha nito, kaya ito ay sinamba nila bukod sa Allâh (I) sa pamamagitan ng labis-labis nilang pagmamahal sa sanggol, na nakalimutan nila ang kanilang tungkulin sa Allâh (I). Napakataas ng Allâh (I) at napakalayo Niya sa anumang uri ng pagtatambal.

191. Nagtatangi ba ang mga walang pananampalataya ng katambal sa kanilang pagsamba sa Allâh (I) mula sa Kanyang mga nilikha, samantalang ito ay wala ni katiting na kapangyarihan na lumikha ng anumang bagay kundi siya mismo ay nilikha lamang?

192. At hindi nito kayang itaguyod o tulungan ang sinumang sumasamba sa kanya o ilalayo ang sarili nito sa anumang kapahamakan, na kung kaya, kung ito ay hindi nakalilikha ng anumang bagay kundi bagkus siya ay nilikha lamang at hindi mailalayo sa anumang kapahamakan ang sinumang sumasamba sa kanya ni maging ang kanyang sarili mismo, samakatuwid, paano ituturing ang mga ito na sinasamba bilang katambal ng Allâh (I)? Samakatuwid, ito ay isang sukdulang kasamaan at kasiraan sa pag-iisip.

193. At kung aanyayahan ninyo, O kayong mga nagtatambal, ang mga rebultong ito na inyong sinasamba bukod sa Allâh (I), tungo sa patnubay ay hindi nila maririnig ang inyong paanyaya, na kung kaya, hindi sila susunod sa inyo, samakatuwid, walang pagkakaiba ang inyong paanyaya o inyong pananahimik dahil ito ay hindi nakaririnig at hindi nakakikita, at hindi nakagagabay at hindi nagagabayan.

194. Katiyakan, ang mga yaong sinasamba ninyo bukod sa Allâh (I), O kayong mga walang pananampalataya, ay pagmamay-ari lamang ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na katulad din ninyo na pagmamay-ari kayo ng inyong ‘Rabb.’ Na kung kaya, kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin na ang mga ito ay may karapatang sambahin, manalangin kayo sa kanila upang tugunan kayo, kung tutugunan nga kayo at mangyari ang inyong kahilingan ninyo, kung hindi ay napatunayan na kayo ay mga sinungaling na nag-aangkin, na nagkasala ng matinding pagsisinungaling laban sa Allâh (I).

195. Ang mga diyus-diyosan bang ito ay mayroong mga paa para asikasuhin ang inyong mga pangangailangan na kasama kayo? O mayroon ba silang mga kamay bilang panangga alang-alang sa inyo at tutulong sa inyo laban sa sinuman na naghahangad ng masama sa inyo? O di kaya ay mayroon ba silang mga mata na nakakikita para malaman nila kung ano ang nasa harap nila at makita nila ang anumang inilihim sa inyo na hindi ninyo nakikita? O di kaya ay mayroon ba silang mga tainga na nakaririnig para iparating sa inyo ang anuman na hindi ninyo naririnig?

Samakatuwid, kung ang sinasamba ninyo na mga diyus-diyosan ay wala sa kanila ang mga ganitong katangian, ano ang dahilan ng pagsamba ninyo sa kanila, samantalang wala sa kanila ang mga bagay na ito upang magdulot ng kapakinabangan o ilayo ang kapahamakan? Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga nagtatambal na sumasamba ng mga diyus-diyosan: “Tawagin ninyo ang inyong mga sinasamba na itinuturing ninyong katambal sa pagsamba sa Allâh (I), pagkatapos ay magsama-sama kayong lahat upang ako ay inyong ipahamak, at huwag ninyo itong ipagpaliban pa at madaliin ninyo, dahil ako ay walang pakialam sa inyong mga diyus-diyosan; dahil ako ay ganap na nagtitiwala sa bukod-tanging Pangangalaga ng Allâh (I).”


196. Katiyakan, ang aking ‘Walee’ (Tagapangalaga) ay ang Allâh (I), na Siya ang nangangalaga at tumutulong sa akin, na Siya rin ang nagpahayag sa akin ng Banal na Qur’ân bilang katotohanan, at Siya ay Tagapangalaga ng mga mabubuting tao mula sa Kanyang mga alipin at tinutulungan laban sa kanilang mga kalaban at hindi Niya sila binibigo.
197. At yaong mga dinada-langinan ninyo, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na mga diyus-diyosan ay hindi nila kayang tumulong sa inyo ni wala silang kapangyarihan na ipagtanggol mismo ang kanilang mga sarili.

198. At kung kayo ay manawagan sa kanila, O kayong mga nagsasagawa ng pagtatambal sa pagsamba, tungo sa pagpapatnubay at pagpapakatuwid ay hindi nila maririnig ang inyong panalangin, na kung kaya, makikita mo, O Muhammad (r), ang mga sinasamba nila bukod sa Allâh (I), na ito ay nakaharap sa iyo na parang nakatitig o tumitingin sa iyo subali’t sa katotohanan ay hindi naman talaga ito nakakikita; dahil ang mga ito ay walang paningin at walang pag-iisip.

199. Magpatawad ka, O Muhammad (r), at tanggapin mo, ikaw at ang iyong mga tagasunod ang mabuting inaasal ng mga tao at ginagawa nang tapat, at huwag mong hilingin sa kanila ang anumang bagay na mahirap upang hindi nila layuan ang Islâm, at ipag-utos mo ang lahat ng mabubuting salita at magagandang gawa, at iwasan mo ang pakikipagtalo sa mga mangmang na may kakulangan sa pag-iisip.

200. At kapag dumating sa iyo, O Muhammad (r), mula kay ‘Shaytân’ ang galit o di kaya nakaramdam ka ng pambubuyo at pagpipigil sa pagsagawa ng kabutihan, o di kaya ay pag-uutos sa pagsagawa ng kasamaan ay humarap ka sa Allâh (I) upang hingin ang Kanyang kalinga, dahil katiyakang Siya ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa lahat ng salita, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng gawa.
201. Katiyakan, ang mga yaong natatakot sa Allâh (I) mula sa Kanyang mga nilikha, na natakot sa Kanyang kaparusahan kaya ipinatutupad nila ang Kanyang mga ipinag-utos at iniiwasan ang Kanyang mga ipinagbawal, na kapag dumating sa kanila ang pambubuyo ni ‘Shaytân’ na magsagawa ng masama ay naaalaala nila ang ipinag-utos ng Allâh (I) na pagsunod at pagbabalik-loob sa Kanya, na kung kaya, sila ay umiiwas sa paglabag sa Allâh (I) dahil nakikita nila ang pagkatuwid, at sinusunod nila ang kagustuhan ng Allâh (I), na kung kaya nilalabag nila si ‘Shaytân.’

202. At ang mga kapatid ng mga ‘Shaytân’ na sila ay ang mga yaong masasama, na inilulubog sila ng mga ‘Shaytân’ na mula sa mga ‘jinn,’ sa pagkaligaw at pagkatukso, at walang sinasayang na panahon ang mga ‘Shaytân’ na mga ‘jinn’ sa anuman na kanilang kakayahan sa pagtukso sa mga tao, at ganoon din ang mga masasamang tao ay wala rin silang sinasayang na panahon, na ginagawa nila ang lahat ng kanilang kakayahan, masunod lamang ang mga panlilinlang o pambubuyo ni ‘Shaytân’ na mula sa mga ‘jinn.’

203. At kung wala kang maipakita, O Muhammad (r), sa mga ‘Mushrikin’ [na sila ay ang mga yaong naglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I)] na anumang palatandaan ay kanilang sasabihin: “Bakit hindi ka na lamang mag-imbento mula sa iyong sarili?” Sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, ito ay wala sa aking karapatan at ito ay hindi ko maaaring gawin; dahil ang ipinag-utos lamang sa akin ng Allâh (I) ay sundin kung ano ang ipinahayag Niya sa akin mula sa Kanya, at ito ay ang Banal na Qur’ân na binabasa ko sa inyo bilang mga katibayan at mga palatandaan na ito ay mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at ang pagpapahayag na ito ay upang gabayan ang mga mananampalataya tungo sa Matuwid na Landas, at awa na ipinagkakaloob ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.”

204. At kapag binigkas ang Banal na Qur’ân ay pakinggan ninyo, O kayong mga tao at maging tahimik kayo; upang ito ay inyong maintindihan sa paghahangad na kaawaan kayo ng Allâh (I) sa pamamagitan nito.

205. At alalahanin (purihin at dakilain) mo, O Muhammad (r), ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa iyong sarili na may pagkatakot at pagpapakumbaba, at manalangin ka sa Kanya nang katamtaman ang lakas ng mga salita, sa umaga at hapon, at huwag kang pabibilang sa mga yaong naging pabaya sa pag-aalaala sa Allâh (I) na naglilibang lamang sa buong oras nila.

206. Katiyakan, ang mga yaong nasa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na mga anghel ay hindi sila nagmamataas upang hindi sumamba sa Allâh (I), kundi sila ay buong katapatan na sumusunod sa Kanyang mga ipinag-utos, at sila ay pumupuri sa Kanya sa gabi at araw, at niluluwalhati nila ang Kanyang Kapurihan at inilalayo sa anumang hindi karapat-dapat sa Kanyang Kadakilaan, at Bukod-Tangi na sa Kanya lamang na walang katambal sila ay nagpapatirapa.

No comments: