68
LXVIII – Sûrat Al-Qalam
[Kabanata Al-Qalam – Ang Panulat]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Nũn. Ang katulad nitong titik ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng ‘Qalam’ na ipinanunulat ito ng mga anghel at mga tao, at ang anuman na kanilang isinusulat na kabutihan, kapakinabangan at mga kaalaman. Ikaw, kailanman, O Muhammad, sa pamamagitan ng Biyaya ng Allâh (I) sa pagiging Propeta mo at pagiging Sugo ay hindi mahina ang iyong kaisipan at hindi ka nasisiraan ng bait.
At katiyakan, para sa iyo, sa anumang natatagpuan mo na mga paghihirap dahil sa iyong pagpaparating ng mensahe, ang dakilang gantimpala na walang kabawasan at walang katapusan. At katiyakang ikaw, O Muhammad, ay nasa pinakadakilang pag-uugali, na ito ay ang anumang nasa loob ng Qur’ân na mga mabubuting pag-uugali; dahil walang pag-aalinlangan, ang ipinag-utos sa Banal na Qur’ân ay ito mismo ang pag-uugali niya na ginagawa niya ang anumang ipinag-uutos (sa Kasulatang) ito at iniiwasan niya ang anumang ipinagbabawal.
5-6. Malapit na malapit mo nang makita at nila, O Muhammad, kung sino sa inyo ang nasapian ng kasamaan at nasiraan ng bait.
7. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang Ganap na Nakababatid kung sino man ang masama na ligaw mula sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at sa Daan ng Patnubay, at Siya ang Ganap na Nakaaalam ng may takot na pinatnubayan tungo sa katotohanan.
8. Kaya, magpakatatag ka sa iyong kinaroroonan, O Muhammad, sa pagsalungat sa mga tumatanggi at hindi naniwala, na sila ay huwag mong sundin.
9. Inasam nila at ninais na sana ay makiayon (o makipag-‘compromise’) ka sa kanila, sumunod ka sa ilan sa mga nais nila, upang sila ay makiayon (o makipag-‘compromise’) rin sa iyo.
10-15. Huwag mong sundin, O Muhammad, siya na palaging sumusumpa na sinungaling na hamak, na sinisiraan niya ang mga tao, at nagkakalat siya ng mga balita upang siraan niya ang mga pagitan ng mga tao, na maramot sa mga kayamanan, tagapagharang ng katotohanan, matindi ang kanyang pagpigil sa kabutihan, na lumalabag sa hangganang itinakda sa pamamagitan ng pagiging masama sa mga tao, at pagsagawa ng mga ipinagbabawal na maraming kasalanan, matindi ang kanyang pagtanggi sa Allâh (I) at sukdulan ang kanyang pagiging masama na nais niya palaging makalamang, at anak sa pagkakasala; dahil sa siya ay maraming yaman at mga anak. Kapag binigkas sa kanya ang isa sa mga talata ng Banal na Qur’ân ay tinatanggihan niya ito, at kanyang sinabi: “Ito ay kathang-isip at mga haka-haka na alamat ng mga naunang tao.” Ito ang masidhing babala sa sinumang Muslim na sasang-ayon sa ganitong pag-uugali.
16. Katiyakan, magtatatak Kami ng tanda sa kanyang ilong na mananatili ito na hindi na mawawala pa sa kanya; upang sa pamamagitan nito ay mapahiya siya sa harapan ng mga tao.
17-18. Walang pag-aalinlangan, sinubok Namin ang mga taga-Makkah ng taggutom at tagtuyot, na tulad ng pagsubok Namin sa mga tao na nagmamay-ari ng hardin, noong sila ay nagsumpaan sa isa’t isa, na pipitasin nila ang mga bunga ng kanilang hardin nang maagang-maaga kinabukasan; upang hindi makakain mula rito ang iba, at hindi sila nagsabi ng: “Insha`Allâh,” – na ang ibig sabihin ay sa kapahintulutan ng Allâh (I).
19-20. At doon ay nagbaba ang Allâh (I) sa hardin na yaon ng apoy sa gabi, na ito ay nasunog habang sila ay natutulog, na kung kaya, ito ay nasunog na nangitim na tulad ng gabing madilim.
21-22. At nagtawagan sila sa isa’t isa pagkasapit na pagkasapit ng umaga: “Pumunta na kayo ng maaga sa inyong mga pananim kung talagang hangad ninyo na pitasin ang mga bunga nito.”
22-24. At tumungo sila roon nang mabilisan, habang sila ay nag-uusap nang palihim sa isa’t isa: “Huwag ninyong hayaan ngayon na makapasok ang kahit isa man lamang na mahirap sa inyong hardin.”
25. At sa pinakaumpisa pa lamang ng umaga ay nagtungo na sila sa kanilang hardin na ang kanilang masamang layunin ay ipagkait sa mga mahihirap ang anumang bunga ng hardin, na sila ay umaasam na kayang-kaya nila itong gawin.
26-33. At nang nakita nila ang kanilang hardin na nasunog ay tinanggihan nila at hindi sila makapaniwala at kanilang sinabi: “Katiyakan, nagkamali tayo ng daan tungo sa hardin,” subali’t nang mapatunayan nila na ito talaga ang kanilang hardin, kanilang sinabi: “Ang katotohanan, tayo ay pinagkaitan ng kapakinabangan sa hardin na ito; dahil sa ating layunin na ipagkait at pagbawalan ang mga mahihirap mula rito.”
Sinabi ng isa sa mabuti sa kanila: “Hindi ba sinabi ko sa inyo na nararapat na magsabi kayo ng Insha`Allâh?” Kanilang sinabi noong sila ay bumalik na sa kanilang katinuan: “Luwalhati sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siya ay ligtas sa pagsasagawa ng pandaraya sa atin na hindi Niya tayo dinaya sa nangyari sa atin, bagkus tayo ay masasama na inapi natin ang ating mga sarili sa hindi pagsasabi ng ‘Insha`Allâh (I)’ at sa ating masamang layunin.”
At pagkatapos ay nagharap-harap sila sa isa’t isa na sinisisi nila ang bawa’t sarili nila dahil sa kanilang masamang layunin, na kanilang sinabi: “Kapighatian sa atin dahil nilabag natin ang hangganan na itinakda ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagkakait natin sa mga mahihirap at paglabag natin sa Kautusan ng Allâh (I), na pagkalooban nawa tayo ng Allâh (I) ng higit pa kaysa sa ating hardin; dahil sa ating pagsisisi at pag-amin natin na ating kasalanan. At tayo sa katotohanan, sa ating ‘Rabb’ na Tagapaglikha lamang na Bukod-Tangi tayo humahangad, na inaasam natin ang Kanyang kapatawaran at humihingi tayo ng biyaya.”
Ang katulad nito na pagpaparusa na Aming ipinarusa sa mga nagmamay-ari ng hardin ay ganito rin ang Aming igagawad na parusa rito sa daigdig sa sinumang lalabag sa kautusan ng Allâh (I), at ipinagkait ang anumang pinagkaloob ng Allâh (I) na biyaya, subali’t katotohanang ang parusa sa Kabilang-Buhay ay mas masidhi kaysa sa parusa rito sa daigdig, na kung batid lamang nila ito ay iiwasan nila ang anumang magiging sanhi ng ganitong kaparusahan.
34. Katiyakan, ang mga yaong natakot sa parusa ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at umiwas sa Kanyang ipinagbabawal, ay para sa kanila mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kabilang-Buhay ay mga Hardin na nandoroon ang patuloy at walang hanggang kaligayahan.
35-36. Ituturing ba Namin ang mga napapasailalim sa kagustuhan sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya na katulad ng mga walang pananampalataya? Paano kayo naghuhusga nang ganitong maling paghuhusga, na pinagpantay ninyo ang kabayaran para sa kanila?
37-38. O mayroon ba kayong Aklat na ipinahayag mula sa kalangitan na nakasaad doon na ang sumusunod ay katulad ng lumalabag, na pinag-aralan ninyo roon ang anuman na inyong sinasabi? Na nagagawa ninyo sa Aklat na yaon ang anuman na inyong nais? Hindi ito kailanman nangyari sa inyo.
39. O gumawa ba kayo ng mga kasunduan na kayo ay nakipagkasundo sa Amin, na habang panahon hanggang sa Araw ng Paghuhukom, na walang pag-aalinlangang mangyayari ang anuman na inyong nais?
40-41. Tanungin mo ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), O Muhammad: “Sino sa kanila ang matatag na magtitiyak na mangyayari ang kanyang inaangkin? O mayroon ba silang mga diyus-diyosan na tinitiyak sa kanila ang anuman na kanilang sinasabi, na tumutulong sa kanila upang mangyari ang anuman na kanilang nais, magpakita sila ng katibayan kung sila ay totoo sa kanilang pag-aangkin?”
42. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay maging kagimbal-gimbal ang pangyayari, at darating ang Allâh (I) upang pagpasiyahan ang Kanyang itinakda sa pagitan ng Kanyang mga nilikha, at palilitawin Niya ang Kanyang kagalang-galang na ‘Sâq.’ [61] Sinabi ng Propeta: “Ipakikita ng Allâh (I) na ating ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang Kanyang ‘Sâq,’ at doon magsu-‘Sujûd’ (o magpapatirapa) sa Kanya ang lahat ng mga mananampalataya lalaki man o babae, at mananatiling nakatayo ang sinumang nag-‘Sujûd’ (o nagpatirapa) sa daigdig bilang pakitang-tao lamang na sila ay tutungo upang magpatirapa subali’t titigas ang kanilang mga likuran na hindi nila maibabaluktot ang kanilang mga buto sa gulugod (o ‘vertebral column’ sa wikang Ingles).”
43. Nakatungo ang kanilang mga paningin na hindi nila maiaangat, na sila ay pinagtakluban ng kaabahan at kapahamakan dahil sa tindi ng parusa ng Allâh (I); katiyakang sila noon ay hinihikayat tungo sa pagsasagawa ng ‘Salâh’ para sa Allâh (I) at pagsamba sa Kanya, at sila noon ay kayang-kaya nilang gawin ito subali’t sila ay hindi nagpatirapa; dahil sa kanilang pagmamataas.
44-45. Na kung kaya, hayaan mo, O Muhammad, Ako at siya na tinanggihan ang Banal na Qur’ân na ito, dahil katiyakang nasa Akin ang pagbabayad at pagpaparusa sa kanila, na pagkakalooban Namin sila ng mga kayamanan, mga anak at mga biyaya bilang pagpapaluluwag sa kanila na hindi nila namamalayan na ito ang dahan-dahan na pagpapahamak sa kanila, at bibigyan Namin sila ng sandaling ginhawa at pahahabain Namin ang kanilang buhay upang mas lalong maragdagan ang kanilang mga kasalanan. Katiyakan, ang Aking Panukala na pagpaparusa sa mga walang pananampalataya ay matatag (o matibay).
46-47. O sinisingil mo ba, O Muhammad, sila na mga walang pananampalataya ng makamundong kabayaran bilang kapalit sa iyong pagpaparating ng mensahe, na sila sa ganoong paniningil ay nabibigatan at nahihirapan? O mayroon ba silang kaalaman hinggil sa mga bagay na di-nakikita, na sila ang nag-aatas ng pagtatakda para sa kanilang sarili na mas nakahihigit (daw) ang kanilang antas sa paningin ng Allâh (I) kaysa sa mga naniwala sa Allâh (I)?
48-50. Tiisin mo, O Muhammad, ang anumang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglika at Kanyang itinakda, na kabilang dito ay pagbibigay ng palugit sa kanila at pag-aantala ng iyong pagkapanalo laban sa kanila, at huwag mong hayaan na maging katulad ka ng nilamon ng malaking isda na si Yûnus sa pagmamadali at pagkagalit, noong siya ay nanawagan sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na siya ay punung-puno ng pagdadalamhati na hinihiling niya na madaliin ang pagparusa sa kanila, na kung hindi lamang umabot sa kanya ang biyaya ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na siya ay ginabayan para magsisi at ito ay tinanggap sa kanya, ay iluluwa siya ng isda sa dalampasigan na pababayaan at sisisihin, dahil sa siya ay nakagawa ng isang bagay na karapat-dapat sisihin, subali’t dahil sa siya ay pinili ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa Kanyang mensahe, na kung kaya, siya ay ibinilang sa mga mabubuti na mabuti ang mga layunin, mga gawain at mga salita.
51. At halos maitumba ka sa iyong kinaroroonan, O Muhammad, ng mga walang pananampalataya dahil sa kanilang matinding pagtingin sa iyo bilang poot at galit noong narinig nila ang Qur’ân, na kanilang sinasabi: “Katunayan, ikaw ay nasisiraan ng bait.”
52. Subali’t ang Qur’ân ay walang iba kundi pagpapayo, paalaala sa mga tao at mga ‘jinn.’
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment