18
XVIII – Surat Al-Kahf
[Kabanata Al-Kahf – Ang Yungib]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allâh (I), na Siyang nagbaba bilang kagandahang-loob sa Kanyang alipin at Sugo na si Muhammad (r) ng Banal na Qur’ân, at kailanman ay walang nakalagay dito na kahit na anuman na lihis sa katotohanan.
2-3. Sinanhi ng Allâh (I) ang Qur’ân bilang Matuwid na Aklat, na walang pagkakasalungatan sa nilalaman nito at walang kabaluktutan; upang balaan ang mga di-naniwala hinggil sa matinding parusa mula sa Kanya, at upang ibigay ang magandang balita sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na sila ay ang mga yaong gumagawa ng mabubuti, na para sa kanila ang masaganang gantimpala na ito ay Hardin, na mananatili sila sa kasiyahang yaon magpasawalang-hanggan.
4. At bilang babala rin sa mga gumagawa ng pagtambal sa pagsamba sa Allâh (I) na sila ay nagsabi na: “Ang Allâh (I) ay nagkaroon ng anak.”
5. Ang mga nagtatambal na yaon sa pagsamba sa Allâh (I) ay walang anumang kaalaman hinggil sa kanilang mga inaangkin na ang Allâh (I) ay nagkaroon daw ng anak, at gayon din ang mga nauna sa kanila na ginaya nila sila, isang napakalaking kalapastanganan ang salitang ito na lumalabas sa kanilang mga bibig, na wala silang sinasabi kundi pawang kasinungalingan.
6. Marahil, O Muhammad (r), na maipahamak mo ang iyong sarili dahil sa pagdadalamhati mo at kalungkutan pagkatapos tumalikod at umayaw sa iyo ang iyong sambayanan sa pamamagitan ng di nila paniniwala sa kapahayagan ng Qur’ân na ito.
7. Katiyakan, ginawa Namin sa ibabaw ng kalupaan ang mga nilikha bilang palamuti at kapaki-pakinabang sa mga naninirahan dito; upang subukin Namin sila: kung sino sa kanila ang gagawa ng mabuti sa pamamagitan ng pagsunod sa Amin, at kung sino sa kanila ang gagawa ng masama sa pamamagitan ng paglabag, at gagantihan Namin ang bawa’t isa ng anumang karapat-dapat na para sa kanila.
8. At katiyakan, gagawin Naming alikabok ang mga palamuti sa ibabaw ng kalupaan sa katapusan ng daigdig, na magiging ilang na walang anumang kalaman-laman.
9. Huwag mong isipin, O Muhammad (r), na ang kuwento hinggil sa mga tao na nasa yungib (o kuweba) (‘Ashâbul Kahf’) at ang Lapida o Talaan na roo’y naisulat ang kanilang mga pangalan at kasaysayan, na ito ay kabilang sa mga kamangha-manghang palatandaan na nagmula sa Amin; dahil walang pag-aalinlangan, ang paglikha ng mga kalangitan at kalupaan at ang mga niloloob nito ay lalong kamangha-mangha kaysa rito.
10. Alalahanin mo, O Muhammad (r), noong nagtago ang mga mananampalatayang kabataan sa kuweba; dahil sa pagkatakot nila sa ‘Fitnah’ (o pagpapahirap) na gagawin ng kanilang sambayanan at pagpilit sa kanila na sumamba sa mga rebulto, ay kanilang sinabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipagkaloob Mo sa amin mula sa Iyo ang habag, na siyang magpapatatag sa amin, at pangalagaan Mo kami mula sa anumang kasamaan, at gawin mong madali para sa amin ang Daan ng Matuwid na magpaparating sa gawaing kalugud-lugod sa Iyo, nang sa gayon ay mapatnubayan kami na hindi maliligaw.”
11. Na kung kaya, tinakpan Namin ang kanilang pandinig noong sila ay pumasok sa kuweba at sinanhi Namin na sila ay makatulog nang mahimbing, na sila ay nanatili sa kuweba nang pagkarami-raming taon.
12. Pagkatapos ay sinanhi Namin na sila ay magising mula sa kanilang pagkatulog; upang malaman kung sino sa dalawang grupo na hindi nagkakasundo, ang pinakamagaling sa pagkalkula ng panahon na kanilang itinagal doon, na kung sila ba ay nanatili roon ng isang araw o kabahagi lamang ng araw o di kaya ay mahabang panahon.
13. Kami ang nagsalaysay sa iyo, O Muhammad (r), ng makatotohanang kuwento hinggil sa kanila: tunay, na ang mga nanirahan sa kuweba ay mga mananampalatayang kabataan na tapat sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at tumugon sa kautusan, at dinagdagan Namin sa kanila ang patnubay at pagiging matatag sa katotohanan.
14. At pinatatag Namin ang kanilang mga puso sa paniniwala, at pinalakas din Namin ang kanilang paniniwala at layunin, noong sila ay humarap sa hari na hindi naniniwala sa Allâh (I), na sinusumbatan sila sa hindi nila pagsamba sa mga rebulto at kanilang sinabi sa kanya: “Ang ‘Rabb’ na sinasamba ay Siyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, na kailanman ay hindi kami sasamba bukod sa Kanya ng mga diyus-diyosan, at kapag nagsabi kami ng iba bukod dito, ay katiyakang nakagawa kami ng isang mabigat na pagsisinungaling na malayo sa katotohanan.”
15. Pagkatapos ay sinabi ng ilan sa kanila sa kanilang mga kasamahan: “Sila ba na ating sambayanan na sumamba ng mga diyus-diyosan bukod sa Allâh (I) ay maaaring makapagpakita ng malinaw na katibayan para sa kanilang ginawang pagsamba, dahil wala nang hihigit pa na lalong matindi ang pagiging kasamaan kaysa sa sinumang nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) sa pamamagitan ng paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Kanya.”
16. At dahil sa kayo ay tumanggi sa kanilang relihiyon at sa maling pinaniniwalaan ng inyong sambayanan at sa kanilang sinasamba bukod sa Allâh (I) ay magtago kayo sa kuweba na nasa bundok upang masamba ninyo ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang bukod-tangi, gagawin ng inyong ‘Rabb’ para sa inyo na madaling makamtan ang Kanyang Habag at Biyaya na magiging sapat sa inyo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, na gagawin Niyang madali para sa inyo ang inyong mga pangangailangan sa kabuhayan dito sa daigdig.
17. At nang kanilang ginawa yaon ay tinakluban sila ng matinding pagtulog at pinangalagaan sila ng Allâh (I). Na kung kaya, makikita mo, O ikaw na nakakita sa kanila, ang araw na kapag sumikat mula sa silangan ay lilihis mula sa kanilang kinaroroonan tungo sa gawin kanan, at kapag lulubog naman ay lilihis mula sa kanila tungo sa kaliwa, at habang sila naman ay nasa kalagitnaan na nasa loob ng kuweba, na kung kaya, hindi sila naapektuhan ng init ng araw at hindi naman nawawala sa kanila ang hangin, ito ang ginawa Namin sa kanila na mga kabataan ay kabilang sa mga tanda ng Aming kapangyarihan. Sinuman ang ginabayan ng Allâh (I) tungo sa patnubay at pagkakaintindi sa mga palatandaan at mga talata ng Allâh (I) ay siya ang tunay na napatnubayan tungo sa katotohanan, subali’t sinuman ang hindi ginabayan nang ganito, kailanman ay hindi na siya makatatagpo ng makatutulong na gagabay sa kanya para sa katotohanan; dahil ang gabay at kabiguan ay nasa ilalim ng kamay ng Allâh (I) na Bukod-Tangi.
18. At iisipin mo na ang mga taga-yungib na sila ay mga gising, subali’t sila sa katotohanan ay tulog, at patuloy ang Aming pangangalaga sa kanila, at ibinabaling Namin sila habang sila ay natutulog minsan sa gawing kanan, minsan naman ay sa gawing kaliwa; upang hindi sila kainin ng kalupaan, samantalang ang kanilang aso na isinama nila ay nakaunat ang dalawang kamay nito sa labas ng bunganga ng kuweba, at kung makikita mo sila ay tatakas ka mula sa kanila na may pagkatakot at katiyakan na kikilabutan ka sa takot.
19. At kung paano Namin sila pinatulog at pinangalagaan nang ganito katagal at sinanhi Namin na magising sila mula sa kanilang pagtulog sa pareho pa rin nilang kaanyuan na walang pagbabago; upang magtanungan sila sa isa’t isa, na sinabi ng isa sa tagapagsalita mula sa kanila: “Gaano na katagal tayo nanatiling natutulog dito?” At sabi naman ng iba: “Nanatili tayo rito ng isang araw o bahagi ng isang araw lamang,” samantalang yaong iba naman ay medyo hindi sila tiyak sa pangyayari, na kanilang sinabi: “Ipaubaya na lamang ninyo sa Allâh (I) ang hinggil dito, dahil ang inyong ‘Rabb’ ay Ganap na Nakaaalam kung gaano katagal ang pagtigil ninyo, na kung kaya, utusan ninyo ang isa sa inyo na dala-dala niya ang inyong salapi na gawa sa pilak patungo sa siyudad at upang tumingin kung saan sa siyudad mayroong mabuti at masarap na pagkain. At magdadala siya sa inyo ng makakain mula roon, subali’t kinakailangang maging maingat siya sa kanyang pagbili dahil baka matuklasan tayo ng nagbebenta at magiging lantad na malalaman ang hinggil sa atin, at huwag na huwag niyang sabihin kahit kaninong tao ang patungkol sa atin.
20. “Dahil katiyakang kapag nalaman kayo ng ating sambayanan ay parurusahan kayo sa pamamagitan ng pagbabato, at papatayin kayo, o di kaya ay ibabalik kayo sa kanilang relihiyon, at mapapabilang kayo sa mga hindi naniwala, at kailanman ay hindi na ninyo makakamtan ang inyong hangarin na makapasok ng Hardin kapag yaon ay ginawa ninyo.”
21. At kung paano Namin sila pinatulog nang maraming taon at sinanhi Namin pagkatapos noon na sila ay magising, na sa ganito Namin ipinaalam sa mga tao ang pangyayari pagkatapos matuklasan ng tagapagbenta ng pagkain ang uri ng salapi (na gawa sa pilak), nang sa gayon ay malaman ng mga tao na ang pangako ng Allâh (I) na Pagkabuhay na Mag-uli ay katotohanan, na ito ay tiyak na darating at walang pag-aalinlangan, na noon ay pinagtatalunan ng mga yaong nakakita sa mga nasa kuweba ang hinggil dito, na mayroon sa kanila ang naniwala at mayroon din naman ang hindi, at sinanhi ng Allâh (I) ang pagkakita nila sa pangyayari sa mga nasa kuweba na naging katibayan ng mga naniwala laban sa mga di-naniwala.
At pagkatapos matuklasan ang hinggil sa kanila ay namatay sila at sinabi ng isang grupo na nakakita sa kanila: “Magtayo kayo sa bungad ng kuweba ng isang gusali bilang pantakip sa kanila at pagkatapos ay pabayaan na ninyo sila dahil ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam hinggil sa kanilang kalagayan,” at sinabi naman noong mga pinakikinggan ang kanilang mga salita mula sa kanila: “Gagawa tayo sa lugar na kinaroroonan nila ng Masjid bilang sambahan,” gayong walang pag-aalinlangan na ipinagbawal ng Sugo ng Allâh na gawing Masjid ang libingan ng mga Propeta at ng mga mabubuting tao, at isinumpa niya ang sinumang gumawa nito, sa kanyang pinakahuling habilin sa kanyang sambayanan, na katulad ng kanyang pagbabawal na magtayo ng gusali (o mausoleo) sa mga libingan kailanman, at pinagbawal niya ang paglalagay ng lapida at ang pagsulat sa mga ito; dahil ito ay kabilang sa mga pagmamalabis na gawain na maaaring maging sanhi ng pagsamba sa sinumang nasa libingan.
22. Sinasabi ng ilan sa mga nag-uusap-usap hinggil sa kanila mula sa mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano): “Sila ay tatlo at ang pang-apat ay ang kanilang aso,” sabi naman ng iba: “Sila ay lima at ang pang-anim ay ang kanilang aso,” at ang sinasabi ng dalawang grupo ay pawang haka-haka na walang katibayan, at sinasabi naman ng pangatlong grupo: “Sila ay pito at pang-walo ang kanilang aso,” sabihin mo, O Muhammad (r): “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam hinggil sa kanilang bilang, at walang sinuman ang nakaaalam hinggil sa kanilang bilang kundi kakaunti lamang mula sa nilikha ng Allâh (I).
Na kung kaya, huwag kang makipagtalo sa mga ‘Ahlul Kitâb’ hinggil sa kanilang bilang maliban na lamang sa matibay at malinaw na katibayan na Aming inihayag sa iyo, na katulad ng pagpapaliwanag mo sa kanila hinggil sa kung ano ang sinabi sa iyo sa kapahayagan, at huwag kang sumangguni sa kanila o huwag mo silang tanungin hinggil sa kung ilan ang kanilang bilang at ang naging kalagayan, dahil walang pag-aalinlangan na sila ay walang kaalaman hinggil doon.
23-24. At huwag mong sasabihin kailanman na nais mong gawin ang anumang bagay: “Na ako ay tiyak na gagawin ko ang bagay na ito bukas,” maliban na lamang kung isasa-alang-alang mo na ito ay sa kagustuhan ng Allâh (I), na iyong sasabihin: “Kung ninais ng Allâh (I).” At alalahanin mo rin ang iyong ‘Rabb’ sa oras na ikaw ay nakalimot sa pagsasabi ng: “Kung ninais ng Allâh (I),” at sa tuwing ikaw ay makakalimot ay alalahanin mo ang Allâh (I); dahil katiyakan, ang pag-alaala sa Allâh (I) ay inaalis nito ang pagiging malilimutin, at sabihin mo: “Na sana gabayan ako ng aking ‘Rabb’ sa pinakamalapit na daan patungo sa Kanyang Patnubay at Gabay kaysa rito.”
25. At nanatili ang mga kabataan na yaon na natutulog doon sa kuweba ng tatlong daang taon at siyam.
26. At kapag tinanong ka, O Muhammad (r), hinggil sa tagal ng kanilang pananatili sa kuweba, na wala kang kaalaman hinggil dito maliban sa kung ano lamang ang nagmumula sa Allâh (I), at huwag kang magbigay ng kahit na anumang kasagutan bagkus ay sabihin mo: “Ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam kung gaano sila katagal na nanatili roon, dahil Siya ang Nakaaalam ng lihim sa mga kalangitan at kalupaan. Anong linaw ang tindi ng kaganapan ng Kanyang paningin at pandinig na batid Niya nang ganap ang lahat ng bagay. At walang sinuman sa Kanyang nilikha na higit na nangangasiwa sa kanilang kalagayan bukod sa Kanya, at ginawa Niya na wala Siyang kabahagi sa Kanyang Pagpanukala, Pagpasiya at Pagsasaayos ng Batas, Luwalhati sa Kanya na Kataas-Taasan.”
27. At bigkasin mo, O Muhammad (r), ang anumang ipinahayag sa iyo na Banal na Qur’ân na Aklat ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil katiyakan, walang sinuman ang makapagbabago ng Kanyang mga Salita sa pagiging makatotohanan at makatarungan nito, at kailanman ay hindi ka makatatagpo bukod sa iyong ‘Rabb’ ng tagapagkalinga na kukublihan ng iyong sarili.
28. At magtiis ka, O Muhammad (r), kasama ang iyong mga tagasunod na mga mananampalatayang mahihirap na ang sinasamba lamang nila nang bukod-tangi ay ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; at nananalangin sila sa umaga’t hapon, na hinahangad nila na makita ang Kanyang Mukha sa Kabilang-Buhay; at makisama ka sa kanila at huwag mo silang maliitin na ipagpapalit mo sila sa iba na mga walang pananampalataya upang makamtan mo ang pansamantalang kaligayahan ng kinang ng makamundong buhay; at huwag mong sundin ang sinumang sinanhi Namin na makalimot sa Amin ang kanyang puso na mas pinili niya ang kanyang pagnanasa kaysa sa pagsunod niya sa Allâh (I) na Tagapaglikha, at ang kanyang katayuan sa lahat ng kanyang gawain ay pagkaligaw at pagkahamak.
29. Sabihin mo sa kanila na mga nakalimot: “Anuman ang dala-dala ko sa inyo ay katotohanan na nagmula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha,” na kung kaya, ang sinumang magnais sa inyo na maniwala at sumunod dito, ay hayaan niyang gawin ito sapagka’t ito ang makabubuti para sa kanya, at sinuman naman ang magnais na tumanggi ay hayaan niyang tanggihan ito, dahil wala siyang dinaya kundi ang sarili lamang niya.
Katiyakan, inihanda Namin para sa mga di-naniwala ang Apoy na ang mga haligi nito (na gawa rin sa Apoy) ang nakapalibot sa kanila. At kapag sila na mga walang pananampalataya na nasa Impiyerno ay humingi ng saklolo na hihingi ng tubig dahil sa tindi ng kanilang pagkauhaw, ay pagkakalooban sila ng tubig na parang mantika sa pagkakakulo nito at sa tindi ng init ay malalapnos ang kanilang mga mukha. Anong napakasamang inumin na hindi man lamang napawi ang kanilang uhaw sa halip ito ay naragdagan pa, at napakasamang Impiyerno na kanilang tinutuluyan na roon sila ay mananatili magpakailanman.
At dito sa talatang ito ay bilang paghamon at matinding babala sa sinumang tumanggi sa katotohanan at di-naniwala sa mensahe ni Propeta Muhammad (r) at hindi ito sinunod.
30. Katiyakan, yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa, ang para sa kanila ay dakilang gantimpala, at kailanman ay hindi Namin pahihintulutang mabalewala ang kanilang gantimpala, at hindi Namin binabawasan mula sa anuman na karapat-dapat ang kabutihan na kanilang nagawa.
31. Sila na mga naniwala, ang para sa kanila ay mga Hardin na roon sila ay mananatili magpakailanman, at umaagos ang mga ilog sa ilalim ng kanilang mga silid at mga tahanan, na sila ay sinusuotan ng mga palamuti na mga ginto, at dinadamitan sila ng mga damit na kulay berde na ginawa mula sa mga maninipis at makakapal na mga sutla (o ‘silk’), at sila ay nakasandal sa kanilang mga matataas na trono na ang kanilang mga inuupuan ay magagandang alpombra. Anong ganda ng gantimpala na para sa kanila, at anong ganda ng Hardin na kanilang tinutuluyan bilang pahingahan!
32. At magbigay ka, O Muhammad (r), sa mga di-naniwala mula sa iyong sambayanan ng halimbawa ng dalawang lalaki mula sa mga naunang tao: Ang isa sa kanila ay mananampalataya at ang isa naman ay walang pananampalataya, at katiyakan na pinagkalooban Namin ang walang pananampalataya ng dalawang hardin ng mga ubas na napalilibutan ito ng maraming punong palmera ng datiles, at nagpasibol Kami sa pagitan ng dalawang hardin na ito ng mga iba’t ibang pananim na kapaki-pakinabang.
33. At katotohanang nagkaroon ang bawa’t isa sa mga hardin ng sapat na mga bunga, at kailanman ay hindi nakulangan sa pamumunga nito, at sinanhi Namin na magkaroon ng ilog na umaagos sa pagitan nito upang maging madali ang pagpapatubig nito.
34. At maliban sa mga hardin na ito ay mayroon pa siyang ibang pagmamay-ari na mga prutasan at kayamanan, at kanyang sinabi sa kanyang kasama na mananampalataya habang sila ay nag-uusap at nagkukuwentuhan, na kuwento na punung-puno ng pagmamayabang: “Higit na marami akong kayamanan kaysa sa iyo at nakahihigit ako sa lakas at sa rami ng tauhan.”
35-36. At siya ay pumasok sa kanyang hardin, na nasa kalagayan ng pandaraya ng kanyang sarili dahil sa hindi siya naniniwala sa Muling Pagkabuhay, at may pag-aalinlangan siya sa pagkagunaw ng daigdig, na siya ay labis na natutuwa sa mga bunga ng kanyang mga hardin at kanyang sinabi: “Hindi ako naniniwala na ang hardin na ito ay maglalaho at masisira magpakailanman, at hindi ako naniniwala na ang pagkagunaw ng daigdig ay magaganap, at kung katotohanan nga na ito ay magaganap – batay sa iyong pag-aangkin – ikaw na mananampalataya at ako ay babalik sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ay katiyakang matatagpuan ko sa Kanya ang higit pa kaysa sa hardin na ito, na roon ako ay patutungo at babalik; dahil sa aking karangalan at antas doon sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha.”
37. Sinabi ng kanyang kasama na mananampalataya habang siya ay nakikipag-usap sa kanya bilang pagpapayo: “Paano mo hindi pinaniniwalaan ang Allâh (I) na Siyang lumikha sa iyo mula sa alabok, pagkatapos ay mula sa ‘Nutfah’ (nagsamang semilya ng iyong mga magulang), pagkatapos ay hinugis ka Niya sa ganap na kaayusan at angkop na pagkalikha sa iyo?”
At dito sa pag-uusap na ito ang katibayan na ang sinuman na Kanyang nilikha sa simula ay kaya Niya ring ibalik ito na tulad ng dati.
38. “Subali’t hindi ko ito sinasabi dahil sa mga pinagsasabi mo na nagpapatunay ng iyong di-paniniwala, bagkus sa aking sarili ay naniniwala ako na: Ang nagbibigay ng biyaya at kagandahang-loob ay ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Bukod-Tangi, na kung kaya, hindi ako naglalagay ng katambal sa pagsamba ko sa Kanya.
39-41. “At hindi ba karapat-dapat na sa pagpasok mo sa iyong hardin na labis mong kinalulugdan ay purihin mo ang Allâh (I), at sabihin mo: ‘Ito ang ninais ng Allâh (I) sa akin, na wala akong lakas na ito ay makamtan maliban sa kagustuhan ng Allâh (I)?’ Kung nakikita mo ako na kakaunti ang yaman at mga anak kaysa sa iyo, ay baka sakali, ang aking ‘Rabb’ ay pagkalooban ako ng higit pa kaysa sa iyong hardin, at bawiin Niya sa iyo ang biyaya dahil sa iyong di-paniniwala sa Kanya at magpadala siya sa iyong hardin ng parusa mula sa kalangitan hanggang sa ito ay magiging putikan na kalupaan na madulas at hindi na tutubuan ng anumang pananim, o di kaya ay matutuyot na hindi ka magkakaroon ng kakayahan na magpalabas ng anumang tubig.”
42. At nagkatotoo ang sinabi ng mananampalataya at nangyari ang pagkasira sa hardin at nasira ang lahat ng naroroon, at ipinalo niya ang mga palad ng kanyang mga kamay sa isa’t isa bilang pagdadalamhati at pagsisisi dahil sa kanyang nagasta, na wala nang natira dahil sa labis na pagkaubos nito, habang kanyang sinasabi: “Sana ay nalaman ko ang hinggil sa mga Biyaya ng Allâh (I) at Kanyang kapangyarihan at nang sa gayon ay hindi ako nakasamba ng iba bukod sa Kanya.”
At ang pagsisising ito ay naganap sa panahon na ang pagsisisi ay walang anumang kapakinabangan.
43. At walang sinuman mula sa kanyang grupo na kanyang pinagyabangan ang nakapigil sa parusa ng Allâh (I) na nangyari sa kanya, at kahit na siya mismo ay hindi niya ito napigilan at maging ang kanyang lakas.
44. Sa ganitong katulad na matinding pangyayari, ang pangangalaga at pagtulong lamang ng Allâh (I) ay sa sinumang nasa katotohanan, na ito ang pinakamabuting gantimpala at pinakamabuting hantungan sa sinumang Kanyang pinangalagaan mula sa Kanyang alipin na mga mananampalataya.
45. At magbigay ka, O Muhammad (r), sa mga tao ng halimbawa – lalung-lalo na sa mga nagmamataas sa kanila – hinggil sa katangian ng daigdig na nalinlang sila sa kinang nito at sa bilis ng paglalaho nito, na ito ay katulad ng tubig na ibinababa ng Allâh (I) mula sa kalangitan na sumisibol sa pamamagitan nito ang mga pananim sa Kanyang kapahintulutan, at nagiging luntian, subali’t di naglalaon ang mga pananim na ito ay natutuyot at nadudurog nang pira-piraso na tinatangay ng hangin sa kung saan-saan nito nais tangayin. At ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang Kanyang Kapangyarihan ay Napakadakila at higit sa anumang bagay.
46. Ang mga kayamanan at ang mga anak ay palamuti at kapangyarihan dito sa buhay sa daigdig na may katapusan, subali’t ang mga mabubuting gawa – lalung-lalo na ang pagluluwalhati, pagpupuri, pagdadakila at pagsasaksi sa Kaisahan ng Allâh (I) – ang pinakamabuting gantimpala mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha kaysa kayamanan at mga anak na kalalakihan, at ang mabubuting gawa na ito ay higit na hinahangad ng tao (mananampalataya) ang gantimpala nito sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang makamtan niya sa Kabilang-Buhay ang anuman na kanyang inasam sa daigdig.
47. At ipaalaala mo sa kanila ang Araw na sasanhiin Namin na maglalaho ang mga bundok sa mga kinaroroonan nito, at makikita mo ang kalupaan na patag na patag na walang anumang nilikha ang nasa ibabaw nito, at pagsasama-samahin Namin ang lahat ng mga nauna hanggang sa lahat ng mga huling namuhay dito sa daigdig sa lugar na kung saan doon gaganapin ang paghuhukom, at wala Kaming makalilimutan na kahit na sinuman.
48. At sila ay haharap sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nakahanay na walang sinuman ang hindi maihaharap, at katiyakan na bubuhayin Namin kayong mag-uli at darating kayo sa Amin nang nag-iisa na wala kayong yaman at walang anak, na tulad ng pagkalikha Namin sa inyo sa una. Sa halip ay iniisip ninyo na hindi Kami makapagtatakda ng isang panahon para sa inyo na kung saan doon ay bubuhayin kayo na mag-uli, na roon ay papagbabayarin kayo sa anuman na inyong nagawa.
49. At ilalagay ang talaan ng gawain ng bawa’t isa sa kanyang kanang kamay o sa kaliwa, at makikita mo ang mga makasalanan na mangangamba sa anuman na niloloob nito dahil sa kanilang mga nagawang pagkakasala, at kanilang sasabihin habang ito ay nakikita nila: “Kapighatian para sa amin, anong uri ng talaan ito na walang anumang kinaligtaan na kahit na maliit mula sa aming mga nagawa, ganoon din ang mga malalaki kundi naitalang lahat?” At matatagpuan nila na ang lahat ng nagawa nila rito sa daigdig ay ihaharap sa kanila roon. At walang sinuman ang dadayain ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang kahit na katiting, at hindi mababawasan ang gantimpala ng sinumang sumunod at hindi madaragdagan ang parusa ng sinumang lumabag.
50. At ipaalaala mo, noong inutusan Namin ang mga anghel na magpatirapa kay Âdam (u) bilang paggalang at parangal at hindi pagsamba, at inutusan (din) Namin si Iblees na katulad ng pagkakautos Namin sa kanila, at nagpatirapa ang lahat ng mga anghel subali’t si Iblees na kabilang sa mga ‘Jinn’ ay hindi sumunod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at hindi nagpatirapa bilang pagmamataas at panibugho.
Kung gayon, ituturing ba ninyo siya, O kayong mga tao, at ang kanyang lahi bilang inyong tagapangalaga at kaagapay, na susundin sila at hindi kayo susunod sa Akin, samantalang sila ang pinakamatindi ninyong kalaban? Napakasama ng pagsunod ng mga makasalanan kay ‘Shaytân’ na sa halip ay sa Allâh (I) na Pinakamaawain lamang sila susunod.
51. At hindi ko pinasaksi kay Iblees at sa kanyang lahi, na siyang sinunod ninyo, ang paglikha sa mga kalangitan at kalupaan, upang matulungan nila Ako sa paglikha nito, at hindi Ko (rin) pinasaksi ang iba sa kanila sa paglikha ng iba, kundi Ako lamang mismo ang Bukod-Tangi na Lumikha sa lahat ng mga ito, na walang katulong at walang kaagapay, at kailanman ay hindi ko itinuring ang mga tagapagligaw na mga ‘Shaytân’ at iba pa sa kanila bilang mga kaagapay. Kung gayon, bakit ninyo itinutuon sa kanila ang anumang bagay na Aking karapatan, at itinuturing ninyo sila bilang inyong sinasandalan bukod sa Akin, samantalang Ako ang naglikha sa lahat ng bagay?
52. At ipaalaala mo sa kanila ang pagdating ng Araw ng Muling Pagkabuhay na sasabihin ng Allâh (I) sa mga nagtambal sa pagsamba sa Kanya: “Tawagin ninyo ang mga itinambal ninyo sa pagsamba sa Akin na mga inaangkin ninyo bilang Aking mga katambal sa pagsamba; upang tulungan kayo ngayon mula sa anumang gagawin Ko sa inyo,” at sila ay hihingi ng saklolo sa kanila subali’t sila ay hindi tutugunan, at ginawa Namin sa pagitan ng mga sumamba ng iba at ng kanilang mga sinamba ang Impiyerno bilang lugar ng pagwasak na kung saan doon sila ay wawasaking lahat.
53. At makikita ng mga masasama ang Impiyerno, na kung kaya, natitiyak na nila na walang pag-aalinlangang sila ay ilulublob doon, at kailanman ay hindi sila makatatagpo sa anumang kaparaanan upang sila ay makatakas mula roon patungo sa iba.
54. At katiyakan, ipinaliwanag Namin sa iba’t ibang pamamaraan ang mga halimbawa at mga parabola rito sa Qur’ân na ito para sa mga tao; upang maging aral sa kanila at maniwala sila. Subali’t ang tao ang siyang pinakamaraming pagtatalu-talo at pag-aaway-away mula sa mga nilikha ng Allâh (I).
55. At walang humahadlang sa mga tao upang maniwala nang dumating sa kanila ang Sugo na si Propeta Muhammad na dala niya ang Qur’ân, at upang humingi ng kapatawaran mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, kundi paghamon sa Sugo ng Allâh (r) sa pamamagitan ng kahilingan na mangyari sa kanila ang katulad ng nangyari na pagpuksa ng Allâh (I) sa mga nauna sa kanila, o di kaya ay dumating sa kanila ang parusa ng Allâh (I) nang harap-harapan.
56. At hindi Kami nagpapadala ng mga Sugo sa mga tao kundi bilang tagapagdala ng magandang balita hinggil sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) para sa sinumang naniwala at gumawa ng kabutihan, at babala hinggil sa Impiyerno para sa sinumang lalabag at hindi maniniwala.
Subali’t kahit napakalinaw na ang katotohanan ay nakikipagtalo pa rin ang mga hindi naniwala sa mga Sugo na ipinadala sa kanila sa pamamagitan ng mga maling katwiran bilang pagmamatigas; upang burahin (alisin) nila sa pamamagitan ng kanilang katwiran ang katotohanan na dala-dala sa kanila ng Sugo. At itinuring nila ang Aking Aklat at mga palatandaan at ang anuman na ibinababala sa kanila na parusa bilang biro at pangungutya!
57. At wala nang hihigit pa sa tindi ng pagiging masama kaysa sa isa na kapag binigyan ng payo hinggil sa mga talata at mga malinaw na katibayan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay nagagawa pa rin niyang tanggihan at ipagpalit ito ng kanyang mga kamalian, at nakalimutan na niya ang anumang pinauna ng kanyang dalawang kamay na mga masama niyang gawain na hindi niya itinigil.
Katotohanan, isinara Namin ang kanilang mga puso na kung kaya hindi na nila maiintindihan ang Qur’ân at hindi na rin maabot ng kanilang kaisipan ang anumang niloloob nito na kabutihan, at naglagay Kami sa kanilang mga tainga ng tabing, na kung kaya, hindi na nila ito maririnig at hindi nila ito mapapakinabangan; at kahit na hikayatin mo pa sila tungo sa Tamang Paniniwala ay hindi na sila makikinig sa iyo, at kailanman ay hindi na sila magagabayan pa tungo rito.
58. At ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Mapagpatawad sa mga pagkakasala ng Kanyang mga alipin kapag sila ay nagsisi, na Nagmamay-ari ng Habag na Pinakamahabagin sa kanila, at kung parurusahan lamang Niya ang mga yaong tinalikuran ang Kanyang mga palatandaan dahil sa kanilang mga nagawang kasalanan ay kaagad Niya silang parurusahan, subali’t ang Allâh (I) ay Napakamaunawain na hindi Siya kaagad nagpaparusa, sa halip ay mayroong panahong itinakda para sa kanila na kung saan doon sila ay papagbabayarin sa kanilang mga nagawa, na kailanman ay hindi na sila makatatakas pa.
59. At yaong mga lunsod na malalapit sa inyo – na katulad ng lunsod ng sambayanan ni Propeta Hûd (u), ni Propeta Sâleh (u), ni Propeta Lût (u) at ni Propeta Shu`ayb (u) – ay pinuksa Namin sila bilang parusa noong naging sukdulan ang pagiging masama ng mga di-naniwala mula sa kanila, at nagtakda Kami ng panahon ng pagkapuksa sa kanila, at noong dumating na ang itinakdang panahong yaon ay naganap sa kanila ang parusa at winasak sila ng Allâh (I).
60. At ipaalaala mo noong sinabi ni Mousâ (u) sa kanyang katu-katulong na lalaki na si Yusha` Ibn Nûn (u): “Ako ay magpapatuloy sa aking paglalakbay hanggang ako ay makarating sa pinagsangahan ng dalawang karagatan, o di kaya kahit na maging matagal ang aking paglalakbay ay gagawin ko hanggang sa ako ay makarating sa mabuting alipin ng Allâh; nang sa gayon ay matutunan ko sa kanya ang anumang kaalaman na hindi ko alam.”
61. At nagpatuloy sila sa paglalakbay, at noong dumating sila sa pinagsangahang karagatan, ay umupo silang dalawa sa malaking bato, at nakalimutan nila ang kanilang dala-dalang isda na ipinag-utos ni Mousâ, na dadalhin nila ito bilang baon nilang dalawa, na ito ay dala-dala ni Yusha` Ibn Nûn, at biglang nabuhay ang isda at tumalon patungo sa karagatan, at ang nilalanguyan nito ay nagkakaroon ng daan na parang tunnel o parang naghuhugis butas o lagusan.
62. At nang napalayo na sila sa lugar na kung saan doon nila naiwanan ang isda ay nakaramdam si Mousâ ng pagkagutom, sinabi niya sa kanyang katu-katulong na lalaki: “Dalhin mo sa akin ang ating agahan; katotohanan, nakaranas tayo ng labis na kapaguran dahil sa ating paglalakbay.”
63. Sinabi sa kanya ng kanyang katu-katulong na lalaki: “Naalaala mo ba noong tayo ay tumungo sa malaking bato na ating pinagpahingahan? Katiyakang nakalimutan kong sabihin sa iyo ang nangyari sa isda, at ang nagpalimot sa akin ay walang iba kundi si ‘Shaytân.’ Katotohanan, ang isda na patay ay nabuhay at tumalon sa karagatan, at nagkaroon ito ng daanan, na parang butas o lagusan sa ilalim ng karagatan na pinaglalanguyan nito, at ang pangyayaring ito ay isang kamangha-mangha.”
64. Sinabi ni Mousâ: “Kung gayon, ang pinangyarihan niyon ang siyang tunay nating hinahanap, dahil katiyakan, yaon ang palatandaan ng lugar na kung saan makatatagpo natin ang mabuting alipin, at sila ay naglakad at bumalik sa kanilang pinanggalingan hanggang sa sila ay nakarating sa malaking bato.”
65. At doon natagpuan nila ang mabuting alipin na kabilang sa Aming mga alipin na ito ay si Khidr (u) – na siya ay Propeta na kabilang sa mga Propeta ng Allâh (I) na siya ay namatay na – pinagkalooban Namin siya ng Awa mula sa Amin, at tinuruan Namin siya mula sa Amin ng Dakilang Kaalaman.
66. Bumati ng ‘Salâm’ sa kanya si Mousâ, at kanyang sinabi sa kanya: “Pahihintulutan mo ba ako na sumunod sa iyo, upang maituro mo sa akin ang kaalaman na itinuro sa iyo ng Allâh (I) nang sa gayon ay magiging gabay ito at mapapakinabangan?”
67. Sinabi sa kanya ni Khidr: “Katiyakan, O Mousâ, kailanman ay hindi mo makakayanan na makapagtiis kapag nakisama ka sa akin.
68. “At paano mo matitiis ang anumang bagay na gagawin ko gayong wala ka namang kaalam-alam mula sa itinuro sa akin ng Allâh (I)?”
69. Sinabi sa kanya ni Mousâ: “Walang pag-aalinlangan, sa kapahintulutan ng Allâh (I) ay makikita mo ako na magiging matiisin sa kung anumang makikita ko mula sa iyo, at hindi ko lalabagin ang anumang ipag-uutos mo sa akin.”
70. At dahil doon ay pumayag si Khidr at sinabi niya sa kanya: “Kung ikaw ay sasama sa akin ay huwag mo akong tatanungin sa anumang bagay na hindi mo magugustuhan, hanggang sa maipaliwanag ko sa iyo ang anumang bagay na lihim sa iyong kaalaman, na kahit na hindi mo na itatanong.”
71. Na kung kaya, nagpatuloy na sila sa paglalakad sa dalampasigan, at dumaan sa kanilang harapan ang isang bangka at pinakiusapan nila ang may-ari nito na sila ay makisakay sa kanila, at noong nakasakay na sila ay inialis ni Khidr ang isang kahoy na nakatagpi sa bangka na naging sanhi ng pagkaroon ng butas, at sinabi sa kanya ni Mousâ: “Binutasan mo ang bangka; upang malunod ang mga nakasakay dito, samantalang pinasakay nila tayo nang walang bayad? Katiyakang nakagawa ka ng hindi katanggap-tanggap na gawain.”
72. Sinabi sa kanya ni Khidr: “Katotohanan na sinabi ko na sa iyo sa una pa lamang, na hindi mo makakayanang tiisin ang pakikisama sa akin.”
73. Sinabi ni Mousâ bilang pangangatwiran: “Huwag mo na akong papanagutin sa pagkalimot ko sa kundisyong ibinigay mo sa akin, at huwag mo na akong pahirapan sa pag-aaral ng kaalaman sa iyo at dahan-dahanin mo ako.”
74. At tinanggap ni Khidr ang kanyang katwiran: Pagkatapos sila ay umalis sa bangka (dumaong na sila), at habang sila ay naglalakbay sa dalampasigan ay nakakita silang dalawa ng isang batang lalaki na naglalaro kasama ang mga kabataan, at pinatay siya ni Khidr, at sinabi ni Mousâ na may matinding pagsalungat: “Bakit mo pinatay ang isang inosenteng tao na hindi pa umabot sa hustong gulang, at hindi naman siya nakapatay ng iba, para karapat-dapat na patayin? Katiyakan, nakagawa ka ng isang bagay na matinding pagkakamali.”
75. Sinabi ni Khidr kay Mousâ bilang paninisi at pagpapaalaala: “Hindi ko ba sinabi sa iyo, na ikaw, kailanman ay katiyakang hindi makatitiis sa pakikisama sa akin sa mga nakikita mo na aking mga ginagawa, na wala kang anumang kaalam-alam?”
76. Sinabi ni Mousâ sa kanya: “Kung tatanungin pa kita ng anuman pagkatapos ng pangyayaring ito ay iwan mo na ako at huwag mo na akong isama, dahil katotohanan kung gayon ay inabot mo na ang sapat na katwiran patungkol sa akin at wala ka nang pagkukulang; dahil sinabi mo hindi ko kayang magtiis sa pakikisama sa iyo.”
77. At nagpatuloy na si Mousâ at si Khidr hanggang sa sila ay makarating sa isang bayan, at humingi sila ng makakain, subali’t tumanggi ang mga tao roon na sila ay pagsilbihan bilang panauhin. Pagkatapos ay nakakita sila roon ng pader na patumba na at itinuwid ito ni Khidr hanggang sa maituwid ang pagkakatayo nito. Sinabi ni Mousâ sa kanya: “Kung nais mo lamang ay makahihingi ka ng bayad dahil sa nagawa mo upang magkaroon tayo ng pagkain dahil hindi nila tayo tinanggap bilang panauhin.”
78. Sinabi ni Khidr kay Mousâ: “Ito na ang paghihiwalay nating dalawa, at sasabihin ko sa iyo ang kahulugan ng mga pangyayari na aking ginawa na hindi mo sinang-ayunan, na hindi mo natiis na hindi magtanong sa akin at hindi ako pagbawalan sa aking nagawa.”
79. “Ang patungkol sa bangka na aking binutas ay walang pag-aalinlangan na pagmamay-ari ito ng mga taong mahihirap na naghahanap-buhay sa karagatan upang sila ay mabuhay, na ninais ko na magkaroon ng kapintasan ang kanilang bangka sa pagsagawa ko ng butas; dahil sa ang patutunguhan nila ay mayroong isang hari na kinukuha niya nang sapilitan ang anumang magagandang bangka na walang kasiraan.
80. “At ang hinggil naman sa batang lalaki na aking pinatay ay isang walang pananampalataya sa Allâh (I), samantalang ang kanyang mga magulang ay mananampalataya sa Allâh (I), na kung kaya, nangangamba kami na kung siya ay mananatiling buhay ay aapihin niya ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng paghihimagsik at di-paniniwala, at madadala niya ang mga ito sa pagtanggi at paglabag; dahil sa kanilang matinding pagmamahal sa kanya o di kaya ay sa matinding pangangailangan nila sa kanya.
81. “Na kung kaya, inasam namin na ang kanilang ‘Rabb’ ay palitan siya para sa kanila ng isang mabuting anak sa kanyang Relihiyon at pagiging mabait sa kanyang mga magulang.
82. “Hinggil naman sa pader na itinayo ko na halos matutumba na ay sa katotohanan ito ay pagmamay-ari ng dalawang batang ulila na nandoroon sa bayan na yaon, at sa ilalim noon ay kayamanan na pagmamay-ari nilang dalawa na ginto at pilak, at ang kanilang ama ay mabuting tao, na kung kaya, ninais ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na sila ay lumakí at magkaroon ng lakas, upang mailabas nila ang kanilang kayamanan, bilang awa ito na nagmula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa kanilang dalawa, at ang lahat ng ginawa ko, O Mousâ, na nakita mong ginawa ko ay hindi nagmula sa aking sariling kagustuhan, kundi ito ay ginawa ko dahil sa utos ng Allâh (I), na ito ang mga kapaliwanagan ng aking mga ginawa at ito ang bunga ng mga bagay na hindi mo nakayanang tiisin na di-magtanong at harangan ako at pagbawalan.”
83. At tinatanong ka, O Muhammad (r) – ng mga ‘Mushrikûn’ – mula sa iyong sambayanan hinggil sa kuwento ni Dhul Qarnain na isang mabuting hari, sabihin mo sa kanila: “Walang pag-aalinlangan, ikukuwento ko sa inyo ang hinggil sa kanya bilang aral at paalaala upang mapag-isipin ninyo ang mga bagay na ito at mapagkunan ng aral.”
84. Katiyakang pinagkalooban Namin siya ng kapangyarihan sa ibabaw ng kalupaan at ipinagkaloob Namin sa kanya ang mga kadahilanan at kaparaanan sa lahat ng bagay, upang marating niya ang anuman na kanyang nais, nang sa gayon ay mapasailalim sa kanyang pamumuno ang mga bayan at mapasuko niya ang mga kalaban at iba pa.
85. At ginawa niya ang lahat ng kaparaanan na may pagpupunyagi upang makamit niya ang kanyang minimithi.
86. Hanggang sa nang umabot si Dhul Qarnain sa lugar na nilulubugan ng araw ay nakita niya mismo sa pamamagitan ng kanyang mga mata na parang siya ay lumulubog na nasa mainit na ilog na may putik na maitim, at natagpuan niya roon ang mga tao. At sinabi Namin: “O Dhul Qarnain, maaaring sila ay iyong parusahan sa pamamagitan ng pagpatay o di kaya ay sa ibang pamamaraan, kung sila ay di-naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), o maaari ka rin namang makitungo nang mabuti sa kanila, upang ituro sa kanila ang gabay at ipakita sa kanila ang patnubay.”
87. Sinabi ni Dhul Qarnain: “Ang sinuman sa kanila na naging masama sa kanyang sarili sa pamamagitan ng di-niya paniniwala sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, walang pag-aalinlangan, parurusahan namin siya rito sa daigdig, pagkatapos, siya ay ibabalik sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, upang siya ay parusahan ng matinding pagpaparusa sa Impiyernong-Apoy.”
88. Subali’t ang para sa kanya na naniwala sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pinaniwalaan niya na Siya lamang ang kanyang sasambahin at sumunod sa Kanya, at pagkatapos ay gumawa ng kabutihan, ang para sa kanya bilang gantimpala na mula sa Allâh (I) ay ‘Al-Jannah’ (Hardin); at pakikitunguhan namin siya nang mabuti at magiging malumanay ang aming pananalita at magiging madali ang Aming pakikitungo sa kanya.
89. Pagkatapos ay bumalik si Dhul Qarnain tungo sa silangan upang isagawa ang mga kaparaanan na itinuro ng Allâh (I) sa kanya.
90. Hanggang sa siya ay umabot sa lugar na kung saan doon sumisikat ang araw at doon natagpuan niya ang mga tao na walang mga tahanan na tinitirhan at puno na lumililim sa kanila mula sa araw.
91. Ganoon nga samakatuwid! At batid Namin ang anuman na nasa kanya na mga mabubuti at mga dakilang kaparaanan, kung saan man siya patutungo at kung saan man siya maglalakbay.
92. Pagkatapos, muling naglakbay si Dhul Qarnain na sinusunod niya ang mga kaparaanan at mga kadahilanan na Aming ipinagkaloob sa kanya.
93. Hanggang sa siya ay makarating sa pagitan ng dalawang bundok na nahaharangan nito ang magkabila (duluhan) dahil sa laki at taas nito, at natagpuan niya roon ang mga tao na halos hindi nila maintindihan ang mga salita ng iba.
94. Kanilang sinabi kay Dhul Qarnain: “Katiyakan, ang ‘Ya`jûj’ at ‘Ma`jûj’ (Gog at Magog) – na ito ay dalawang dakilang sambayanan na mula sa angkan ni Âdam na sila ay namiminsala sa kalupaan sa pamamagitan ng pagsira ng mga pananim at lahi, na kung kaya, maaari bang bayaran ka namin, na kami ay mag-iipon ng kayamanan, upang makagawa ka ng magsisilbing harang sa pagitan namin at nila?”
95. Sinabi ni Dhul Qarnain: “Kung anuman ang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa akin na kaharian at kapangyarihan dito sa daigdig ay mas higit kaysa sa inyong kayamanan na tinataglay, na kung tutulungan na lamang ninyo ako ng inyong mga lakas ay gagawa ako sa pagitan ninyo at nila ng harang.”
96. “Bigyan ninyo ako ng mga bakal,” hanggang sa dinala nila ang bakal, pagkatapos ay sinaraduhan nila ang magkabilang lagusan ng bundok sa pamamagitan ng paglalagay ng maraming bakal, at sinabi niya sa mga manggagawa, “Hipan ninyo ng apoy,” noong nagbaga na ang bakal, sinabi niya: “Bigyan ninyo ako ng lusaw ng tanso at ibubuhos ko roon.”
97. At dahil doon ay hindi na nakayanan ng mga ‘Ya`jûj’ at ‘Ma`jûj’ na umakyat sa ibabaw ng harang; dahil sa taas at pagiging madulas nito, at hindi rin nila nakayanan na humukay dahil sa lalim ng pagkakabaon at pagiging tibay nito
98. Sinabi ni Dhul Qarnain: “Ang pagtatayo ko ng harang na ito upang hindi makagawa ng pamiminsala ang mga ‘Ya`jûj’ at ‘Ma`jûj’ ay bilang awa mula sa aking ‘Rabb’ sa sangkatauhan, subali’t kapag dumating na ang ipinangako ng aking ‘Rabb’ na Araw ng Pagkagunaw ng Daigdig ay sasanhiin Niya na ito ay mawasak na papatag sa kalupaan, at ang pangako ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay isang katotohanan.”
99. At pansamantalang iniwanan Namin ang ‘Ya`jûj’ at ‘Ma`jûj’ sa ganoong kalagayan – hanggang sa kapag dumating ang araw na Aming ipinangako – ay pahihintulutan na makalabas ang mga ‘Ya`jûj’ at ‘Ma`jûj’ na para silang mga alon sa karagatan na nagsisiksikan at nagkukumpulan sa rami nila, at hihipan ang Trumpeta para sa Pagkabuhay na Mag-uli at pagsasama-samahin Namin ang lahat ng mga nilikha para sa paghuhukom at pagbabayad.
100. At ilalantad Namin ang Impiyerno sa mga di-naniwala, at harapan Namin itong ipakikita sa kanila upang mapagtanto nila ang bunga ng kasamaan na kanilang ginawa.
101. Sa mga yaong natakpan ang kanilang mga mata rito sa daigdig upang hindi nila Ako maalaala at hindi nila makita ang Aking mga palatandaan, at hindi nila nakayanan na pakinggan ang Aking mga katibayan na magdudulot sa kanila tungo sa paniniwala sa Akin at sa Aking mga Sugo.
102. Iniisip ba ng mga yaong hindi naniwala sa Akin na maaari nilang ituring ang Aking mga alipin bilang mga ‘ilâh’ (diyos na karapat-dapat sambahin) bukod sa Akin; upang sila ay kanilang maging tagapangalaga? Katiyakan, inihanda Namin ang Impiyernong-Apoy bilang patutunguhan ng mga walang pananampalataya.
103. Sabihin mo, O Muhammad (r) – sa mga tao bilang babala – : “Nais ba ninyong sabihin Namin sa inyo kung sino ang pinakatalunan na tao kung patungkol sa kanyang gawain?”
104. Katiyakan, sila ay ang mga yaong naligaw ang kanilang mga gawain dito sa daigdig – na sila ang mga yaong sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mula sa iyong sambayanan at iba pa na mga naligaw sa Tamang Landas, na hindi na sila magagabayan pa at makagagawa ng anumang tama – na iniisip nila na sila ay mga mabubuti sa kanilang mga gawain.
105. Sila ang mga yaong naging talunan sa kanilang mga gawain, na mga tinanggihan ang palatandaan at mga talata ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at hindi pinaniwalaan, at tinanggihan ang pakikipagharap sa Kabilang-Buhay, na kung kaya, nawalan ng saysay ang kanilang gawain; dahil sa kanilang di-paniniwala, samakatuwid, walang anumang pagpapahalaga ang ibibigay sa kanila sa Kabilang-Buhay.
106. Ang nabanggit na ito na pagkawala ng saysay sa kanilang gawain ay bilang kabayaran, na ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy; dahil sa kanilang hindi paniniwala sa Allâh (I), panlalait at pang-iinsulto sa mga palatandaan at katibayan na dala-dala ng Kanyang mga Sugo.
107. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Akin at naniwala sa Aking mga Sugo, at gumawa ng mga kabutihan, para sa kanila ang pinakamataas na antas ng Hardin at pinakamabuting patutunguhan.
108. Mananatili sila roon magpasawalang-hanggan, na hindi na nila nanaisin pa na makaalis doon; dahil sa matindi nilang pagmamahal sa lugar na yaon.
109. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Kung ang karagatan ay magiging tinta na mga panulat upang isulat ang mga Salita ng Allâh (I), ay katiyakan na unang mauubos ang karagatan subali’t ang mga Salita ng Allâh (I) ay mananatili, kahit na maglagay pa Kami ng panibagong karagatan bilang pantulong.” Na sa talatang ito ang pagpapatunay hinggil sa katangian ng Salita ng Allâh (I) bilang makatotohanan ayon sa kung ano ang karapat-dapat sa Kanyang Kadakilaan at Kaganapan.
110. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I): “Ako sa katotohanan ay tao lamang na katulad din ninyo, pinagkalooban ako ng kapayahagan ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na walang pag-aalinlangan na Siya lamang ang Bukod-Tanging Nag-iisang ‘Ilâh’ na karapat-dapat sambahin, na kung kaya, sinuman ang natatakot sa parusa ng kanyang ‘Rabb’ at naghahangad ng gantimpala sa Araw ng kanyang pakikipagtagpo sa Kanya ay hayaan niyang gumawa ng kabutihan nang alang-alang sa Allâh (I) ayon sa Kanyang batas, at hindi siya maglalagay ng anumang katambal sa kanyang pagsamba sa Allâh (I) nang kahit na sino.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment