Sunday, May 16, 2010

Sûrat An-Nâzi`ât

79
LXXIX – Sûrat An-Nâzi`ât [Yaong Mga Humahablot (Ng Mga Kaluluwa)]

بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-7. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga anghel na humahablot sa mga kaluluwa ng mga walang pananampalataya nang masidhing paghahablot sa oras ng kanilang kamatayan, at sa mga anghel na malumanay na may pag-iingat na kinukuha ang mga kaluluwa ng mga mananampalataya, at sa mga anghel na lumulutang (lumalangoy) habang sila ay bumababa mula sa kalangitan o umaakyat patungo roon, at kasunod kaagad nito ay sumumpa rin ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga anghel na nakikipag-unahan sa mga ‘Shaytân’ sa pagdala ng kapahayagan tungo sa mga Propeta; upang ito ay hindi manakaw sa kanila, at pagkatapos kasunod kaagad din nito ang panunumpang muli ng Allâh (I) sa pamamagitan ng mga anghel na nagpapatupad sa utos ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ipinagkatiwala sa kanila na pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha – at hindi maaaring manumpa ang sinumang nilikha sa ibang pangalan maliban sa Pangalan ng ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Allâh (I), na kung kaya, sinuman ang nakagawa nito ay nagkasala ng pagtatambal (‘shirk’) – samakatuwid, walang pag-aalinlangan, kayong lahat na mga nilikha ay bubuhayin na mag-uli at huhukuman, sa Araw na yayanig nang napakasidhi ang kalupaan at ang mga kabundukan sa unang pag-ihip ng ‘Sur’ (trumpeta) upang sanhiin na mamatay ang lahat ng may buhay, at susundan ito ng pangalawang pag-ihip ng trumpeta upang buhayin naman na mag-uli ang mga namatay.

8-9. Ang mga puso ng mga walang pananampalataya sa Araw na yaon ay kakaba nang labis-labis dahil sa tindi ng pagkatakot, ang kanilang mga mata naman ay nakatungo na abang-aba dahil sa kagimbal-gimbal na nakikita nito.

10-12. Sasabihin nila na hindi naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Maibabalik pa ba kaming muli pagkatapos ng aming kamatayan tungo sa dati naming kalagayan na katulad nang kami ay nabubuhay sa kalupaan? At maibabalik pa ba kami samantalang ang aming mga buto ay nadurog na at naging alikabok?” Sasabihin nila: “Kung gayon, ang aming pagbabalik sa ganoong kalagayan ay kapighatian at pagiging talunan!”

13-14. Walang pag-aalinlangan, sa pamamagitan lamang ng isang pag-ihip ng trumpeta ay kaagad na matatagpuan nila ang kanilang mga sarili na mga buhay na nasa ibabaw ng kalupaan pagkatapos nilang manatili na mga patay sa ilalim nito.

15. May dumating ba sa iyo, O Muhammad, na kuwento hinggil kay Mousã (Moises u)?

16-19. Noong tinawag siya ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, doon sa dalisay at mabiyayang lambak ng Tuwâ, na sinabi sa kanya: “Magtungo ka kay Fir`âwn, dahil walang pag-aalinlangan, lumampas na sa hangganan ang kanyang paghihimagsik.” At sabihin mo sa kanya: “Nagnanais ka pa ba na linisin ang iyong sarili mula sa mga kasalanan upang pasukin ang iyong puso ng tamang paniniwala, at ginagabayan kita tungo sa pagsunod sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang magkaroon ka ng takot sa Kanya at mapag-ingatan ang Kanyang kaparusahan?”

20-22. Ipinakita ni Mousã (u) kay Fir`âwn ang dakilang palatandaan: ang tungkod at ang kamay, subali’t pinasinungalingan ni Fir`âwn ang Propeta ng Allâh na si Mousã (u), at nilabag niya ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang Allâh (I) na Kataas-taasan, pagkatapos ay tumalikod na tinanggihan ang tamang paniniwala na siya ay nagsumigasig sa paglabag kay Mousã (u).

23-26. At kaagad na tinipon niya ang mga tao sa kanyang kaharian at siya ay nanawagan sa kanila, at kanyang sinabi: “Ako ang inyong ‘rabb’ na kataas-taasan na wala nang hihigit pa kaysa sa akin,” na kung kaya, ginantihan siya ng Allâh (I) ng kaparusahan mula sa Kanya rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at ginawa siya bilang aral at paalaala at babala sa mga katulad niya na naghimagsik. Katiyakan, si Fir`âwn at ang anumang nangyari sa kanya na parusa ay aral sa sinumang naghahangad ng pagpapayo at lumalayo sa anumang makapagpapahamak sa kanya.

27-33. Ang inyo bang pagkabuhay na mag-uli, O kayong mga tao, ay mas mahirap sa inyong paningin kaysa paglikha ng kalangitan? Na iniangat ito sa inyong itaas na katulad ng pagkakatayo ng matatag na gusali, na nakataas na bubong na nasa himpapawid na nilikha nang ganap na walang pagkakabaluktot at walang kapuwang-puwang, at pinadilim Niya ang gabi nito sa pamamagitan ng paglubog ng araw, at pinalitaw naman Niya ang liwanag nito sa pamamagitan ng pagsikat ng araw.

At ang kalupaan pagkatapos ng pagkalikha ng kalangitan ay ginawa Niyang palatag, at iniimbak Niya roon ang anumang kapaki-pakinabang, at pinabubulwak Niya ang mga bukal ng tubig, at pinasibol Niya ang anumang pananim na ipinakakain sa anumang alagang hayop, at itinalusok Niya sa ilalim nito ang mga kabundukan upang maging matatag at di-yumanig ang kalupaan. Nilikha Niya ang lahat ng mga biyayang ito upang maging kapakinabangan ninyo at ng inyong mga inaalagang hayop.

[Katiyakan, ang paglikha o pagbuhay na mag-uli sa inyong lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay kung tutuusin ay mas madali sa paningin ng Allâh (I) kaysa sa unang paglikha ng mga ito, subali’t ang lahat ng ito ay napakadali sa paningin ng Allâh (I), pare-pareho na walang mahirap likhain.]

34-36. Subali’t kapag dumating ang kagimbal-gimbal na pangyayari, na ito ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay sa Ikalawang Pag-ihip, at doon ay maalaala ng tao kung ano ang kanyang pinagpunyagian, ipakikita sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa, mabuti man o masama, na ito ay kanyang mapagtatanto at aaminin, at ilalantad ang Impiyernong-Apoy na makikita ito nang harapan ng sinumang karapat-dapat na makakita nito.

37-39. Samakatuwid, sinuman ang naghimagsik laban sa kautusan ng Allâh (I), at mas ninais niya ang makamundong buhay kaysa sa Kabilang-Buhay, walang pag-aalinlangang ang kanyang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy.

40-41. Subali’t sa kanya na nagkaroon ng takot sa pakikipagharap sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa paghuhukom, at pinigilan niya ang kanyang sarili sa lahat ng masamang pagnanasa, walang pag-aalinlangan, ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang kanyang magiging tahanan.

42-46. Tinatanong ka ng mga walang pananampalataya, O Muhammad – bilang pagmamaliit – hinggil sa Oras ng pagdating ng pagkagunaw ng daigdig, na sila ay binabalaan mo hinggil sa bagay na ito. Wala sa iyo ang kahit na anumang kaalaman hinggil sa bagay na ito, bagkus ang kaalaman hinggil dito ay bukod-tanging nasa Allâh (I) lamang, at walang pag-aalinlangan, ang tungkulin mo lamang hinggil sa Oras ng pagkagunaw ng daigdig ay balaan ang sinumang natatakot hinggil dito, na sa Araw na makikita nila ang pagkagunaw ng daigdig na para bagang sila ay hindi nanatili sa buhay sa daigdig; dahil sa tindi ng Oras na ito kundi parang katulad lamang ng pagitan ng ‘Dhuhr’ (tanghali) at ‘Maghreb’ (paglubog ng araw), o di kaya ay sa pagitan ng pagsikat ng araw hanggang tanghaling tapat.

No comments: