32
XXXII – Sûrat As-Sajdah
[Kabanata As-Sajdah [53] – Ang Pagpapatirapa]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2. Itong Banal na Qur’ân na dala-dala ni Propeta Muhammad (r) na walang pag-aalinlangan sa niloloob nito, ay ibinaba mula sa Allâh (I) na Siyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.
3. O sinasabi ba ng mga walang pananam-palataya: “Inimbento ni Muhammad (r) ang Qur’ân?” Sila ay nagsinungaling, hindi ang kanilang pag-aakala ang siyang katotohanan, kundi ito ay walang pag-aalinlangang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha; upang mabalaan mo sa pamamagitan nito ang mga tao na hindi dumating sa kanila ang babala bago ang pagkakapadala sa iyo, upang sila ay magabayan at mabatid nila ang katotohanan, pagkatapos ay paniwalaan nila at ito ang una nilang pagtuunan ng pansin at maniwala sila sa iyo.
4. Ang Allâh (I) na Siyang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, gayundin ang anuman na nasa pagitan nitong dalawa sa loob ng anim na araw batay sa ‘Hikmah’ (o karunungan) na Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam dahil kung Kanyang nanaisin ay kaya Niyang likhain ito sa pamamagitan lamang ng salitang pag-aatas na ‘kun’ – ‘mangyari’ at ito ay kaagad na mangyayari. Pagkatapos Siya ay nag-‘Istawâ’ – pumaibabaw sa Kanyang `Arsh (na isinaling Trono) na angkop sa Kanyang Kadakilaan, na hindi maaaring tanungin ang pagiging paano nito [54] at hindi rin maaaring itulad ito sa pagtaas ng Kanyang mga nilikha.
Na wala kayong sinuman, O kayong mga tao, bukod sa Kanya bilang Tagapangasiwa o Tagapamagitan; upang maligtas kayo sa Kanyang kaparusahan, kung gayon, hindi ba kayo tatanggap ng paalaala, O kayong mga tao, upang Siya ay Bukod-Tangi na masamba lamang ninyo, na maging taos-puso ang inyong pagsamba sa Kanya?
5. Pinangangasiwaan ng Allâh (I) ang Kanyang mga nilikha mula sa kalangitan tungo sa kalupaan, pagkatapos mula sa kalupaan ay muling aakyat ang mga ito sa Kanya, sa araw na ang haba nito ay katumbas ng isang libong taon sa inyong mga araw na binibilang dito sa daigdig.
6. Siya na Tagapaglikha na Tagapangasiwa sa lahat ng bagay hinggil sa Kanyang mga nilikha ay batid Niya ang anumang di-nakikita ng mga mata mula sa mga kinikimkim ng mga dibdib at itinatago ng mga kalooban, at batid din Niya ang anumang nakikita ng mga mata, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.
7. Ang Allâh (I) ay Siyang nagsagawa sa ganap na kaayusan ng lahat ng bagay, at sinimulan Niya ang paglikha sa tao na ito ay si Âdam mula sa luwad.
8. Pagkatapos ay ginawa Niya na dumami ang lahi ni Âdam mula sa punla na mahina na kakaunti na walang halaga.
9. Pagkatapos ay hinugis Niya sa ganap na kaanyuan ang pagkalikha sa tao at binukod-tangi Niya at pinaganda Niya ang paglikha nito, pagkatapos ay inihinga Niya ang Kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng pagpapadala sa anghel para sa kanya, upang ihinga ang kaluluwa sa sanggol; at pinagkalooban Niya kayo, O kayong mga tao, bilang biyaya ng pandinig, paningin, upang malaman ninyo ang pagkakaiba sa isa’t isa ng mga tinig at kulay, iba’t ibang mga bagay at mga tao, at gayundin ang biyaya ng kaisipan upang mabatid ang pagkakaiba ng mabuti sa masama, nakabubuti at saka nakasisira subali’t kakaunti sa inyo ang tumatanaw ng utang na loob sa anumang ibiniyaya sa inyo.
10. At sinabi ng mga di-naniniwala sa Allâh (I) at pinasinungalingan ang Pagkabuhay na Mag-uli: “Kapag ang ating mga laman, mga buto ay magiging alikabok na sa kalupaan ay bubuhayin pa ba tayong muli bilang panibagong nilikha?” Iniisip nila na ito ay malayong mangyari at wala silang hangarin na marating ang katotohanan, kundi hangad nila’y pagiging masama at pagmamatigas; dahil sila ay hindi naniniwala sa kanilang pagkikipagtagpo sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
11. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga walang pananampalataya: “Ang anghel ng kamatayan ang itinalaga para sa inyong kamatayan at kukunin niya ang inyong kaluluwa kapag natapos na ang inyong buhay, kailanman ay hindi ito maiaantala ng kahit na isang segundo. Pagkatapos kayo ay ibabalik sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang kayo ay papanagutin sa lahat ng inyong ginawa, kung mabuti ay mabuti rin ang itutumbas at kung masama ay masama rin.”
12. At kung makikita mo lamang ang mga masasama na di-naniwala sa Muling Pagkabuhay na katiyakang iyuyuko nila ang kanilang mga ulo roon sa harapan ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na hiyang-hiya, nagmamakaawa, at hamak na hamak, na kanilang sasabihin: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Nakita na namin ang aming kasamaan ngayon at narinig namin mula sa Iyo ang pagpapatunay sa ipinag-utos sa amin ng Iyong mga Sugo sa daigdig, katiyakan, nagsisisi na kami at nagbabalik-loob sa Iyo, na kung kaya, ibalik mo kami sa daigdig upang magawa namin ang pagsunod sa Iyo, dahil katiyakang naseguro na namin ngayon ang anumang hindi namin pinaniwalaan sa daigdig hinggil sa Iyong Kaisahan, at katiyakan, Ikaw ay bubuhayin Mo na mag-uli ang mga nasa libingan.” At kung makikita mo lamang ang lahat ng ito ay walang pag-aalinlangang masasaksihan mo ang matinding pangyayari.
13. At kung nanaisin Namin ay ipagkakaloob Namin sa bawa’t tao ang gabay at patnubay sa paniniwala, subali’t nakatakda na ang Salita mula sa Akin at nakatakda na, na pupunuin Ko ang Impiyernong-Apoy mula sa mga di-naniniwala at lumalabag mula sa mga ‘Jinn’ at mga tao; dahil mas pinili nila pagkaligaw kaysa patnubay.
14. Sasabihin sa kanila na mga walang pananampalataya habang sila ay papasok sa Impiyerno: Lasapin na ninyo ang parusa sa Impiyerno; dahil sa inyong pagbalewala sa Pagkabuhay na Mag-uli at pagkalulong sa sarap ng buhay sa daigdig, at pababayaan Namin kayo ngayon sa parusa, na kung kaya, lasapin ninyo ang parusa sa Impiyernong-Apoy na walang katapusan; dahil sa ginawa ninyo sa daigdig na di-paniniwala sa Allâh (I) at paglabag sa Kanyang kagustuhan.
15. Ang naniniwala lamang sa mga talata ng Banal na Qur’ân at ito ay isinasapamuhay ay ang mga yaong kapag pinaalalahanan hinggil dito at binigkas ito sa kanila, ay nagpapatirapa sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang mga may takot at sumusunod sa Kanya, na kung kaya, purihin ninyo ang Allâh (I) sa inyong pagpapatirapa, at sila ay hindi nagmamataas sa pagpapatirapa at pagpuri, ganoon din sa pagsamba nang bukod-tangi sa Allâh (I) na walang katambal.
16. At ang mga yaong naniwala sa mga talata ng Allâh (I) ay ibinabangon nila ang kanilang mga sarili mula sa kanilang higaan sa pagtulog para magsagawa ng ‘Salâh’ bilang ‘Tahajjud’ na dasal sa gabi alang-alang sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at nananalangin sila sa Kanya na may pagkatakot mula sa parusa at pag-aasam ng gantimpala, at mula sa kabuhayan na ipinagkaloob sa kanila ay gumagasta sila bilang pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Daan.
17. At walang sinumang tao ang nakababatid kung ano ang itinagong lihim para sa kanila na mga mananampalataya na pinakamatinding kaligayahan na kalugud-lugod sa mga mata; bilang gantimpala sa kanilang mga mabubuting gawa.
18. Na kung kaya, siya ba na sumunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na naniniwala sa Kanyang pangako at babala, ay magiging katulad ba lamang sila ng sinumang hindi naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang mga Sugo at hindi naniwala sa Muling Pagkabuhay? Walang pag-aalinlangan, hindi magkaparehas ang dalawang ito sa paningin ng Allâh (I).
19. Subali’t ang para sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at isinagawa ang anumang ipinag-utos sa kanila, ang para sa kanila bilang gantimpala ay ‘Al-Jannât’ (mga Hardin) na kung saan doon sila’y maninirahan at mananatili sila sa kaligayahan na yaon bilang pag-iistima sa kanila, dahil sa kanilang kinagawian na pagsunod dito sa daigdig.
20. At para sa mga yaong naghimagsik sa pagsunod sa Allâh (I) at gumawa ng paglabag sa Kanya, ang kanilang tahanan ay Impiyernong-Apoy, sa tuwing sila ay magnanais na lumabas doon ay ibabalik silang muli roon, at sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Lasapin ninyo ang parusa ng Impiyernong-Apoy na kung saan noon ay hindi ninyo pinaniwalaan sa daigdig.”
21. At katiyakan, ipatitikim Namin sa kanila na mga masasama na mga walang pananampalataya ang may kagaanan na parusa rito sa daigdig na tulad ng mga sakuna, mga kalamidad bago ang masidhing kaparusahan sa Kabilang-Buhay na kung saan parurusahan sila roon sa Impiyernong-Apoy; na baka sakaling sila ay magbalik sa katinuan at pagsisihan ang kanilang mga nagawang kasalanan
22. Mayroon pa bang pinakamatindi ang kanyang kasamaan, sa (harapan ng) kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha kaysa sa isa na kapag pinaaalahanan sa mga palatandaan ng Allâh (I) ay tinatalikuran niya ang lahat ng ito na hindi inuunawa ang mga pagpapayo, sa halip ay nagmataas siya? Katiyakan, Kami ang magbibigay ng sapat na kabayaran sa mga masasama na tinalikuran ang mga talata ng Allâh (I) at Kanyang mga katibayan at hindi ito pinahalagahan.
23. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang ‘Tawrah’ na katulad ng pagkakaloob Namin sa iyo ng Qur’ân, O Muhammad (r), na kung kaya, huwag kang magkaroon ng pag-aalinlangan sa nangyaring pagtagpo ninyo ni Mousâ (u) sa gabi ng ‘Isrâ`’ at ‘Mi`raj,’ at ginawa Namin ang ‘Tawrah’ bilang gabay sa angkan ni Isrâ`îl, na hinihikayat sila tungo sa katotohanan at Matuwid na Landas.
24. At pumili Kami mula sa angkan ni Isrâ`îl ng mga tagapaggabay, mga tagapag-anyaya tungo sa kabutihan na sinusunod sila ng mga tao hinggil (sa bagay na) ito, at naghihikayat sila tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba at pagsunod lamang sa Kanya, na kung kaya, nakamtan nila ang mataas na antas na ito mula sa Allâh (I) noong sila ay nagtiis sa pamamagitan ng pagsagawa ng ipinag-utos ng Allâh (I) at pag-iwas sa Kanyang ipinagbawal, at ang pag-anyaya tungo sa Kanya, ganoon din sa kanilang pagtitiis sa mga pagsubok na dumarating sa kanila habang tinatahak nila ang Daan na ito, at sila ay nakatitiyak sa mga talata ng Allâh (I) at ng Kanyang mga katibayan.
25. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ang maghuhukom sa pagitan ng mga mananampalataya at walang mananampalataya mula sa angkan ni Isrâ`îl at iba pa, sa Araw ng Muling Pagkabuhay nang makatarungang paghuhukom sa anuman na hindi nila pinagkasunduan hinggil sa ‘Deen’ (o Relihiyon), at gagantihan Niya ang bawa’t isang tao ayon sa kanyang gawa sa pamamagitan ng pagpapapasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ng sinumang karapat-dapat na makapasok sa ‘Al-Jannah’ at sa Impiyerno ng sinumang karapat-dapat na makapasok sa Impiyerno.
26. Hindi ba naging malinaw sa kanila na mga hindi naniniwala sa mga Sugo: kung paano Namin pinuksa ang mga nauna kaysa sa kanila na mga henerasyon na ang kanilang tinirhan noon ay kanilang nilalakaran (sa ngayon), na malinaw na nakikita nila sa kanilang mga mata ang mga lugar na ito na tulad ng sambayanan ni Hûd (u), ni Sâleh (u) at ni Lût (u)?
Katiyakan, ang mga ito ay mga palatandaan at mga pagpapayo na nagpapatunay na ang mga Sugo ay totoo sa kanilang mga mensaheng dala-dala, at ang kamalian nila na gumagawa ng pagtatambal. Di ba nila narinig na mga di-naniniwala sa mga Sugo ang mga pagpapayo ng Allâh (I) at ng Kanyang mga katibayan upang ito ay mapakibangan nila?
27. Hindi ba nakikita ng mga hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan, na dinadala Namin ang tubig-ulan tungo sa tuyot na kalupaan na hindi tinutubuan ng anumang pananim, at pagkatapos noon ay pasisibulin Namin ang iba’t ibang uri ng mga pananim na kung saan kumakain mula roon ang kanilang mga hayop, at nakakakuha sila ng kapakinabangan sa pamamagitan nito bilang kabuhayan? Hindi ba nakikita ng kanilang mga mata ang mga biyayang ito, upang mapatunayan nila na ang Allâh (I) na gumawa nito ay Ganap na Makapangyarihan na kaya Niyang buhayin ang mga patay mula sa kanilang mga libingan?
28-29. Minamadali nila na mga di-naniniwala sa Allâh (I) ang parusa at kanilang sinasabi: “Kailan pa ba ang pagpasiya bilang paghuhukom sa pagitan namin at ninyo upang parusahan kami na tulad ng inyong inaangkin kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin?” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Araw ng Pagpasiya na kung saan kayo ay parurusahan doon, na ito ay inyong makikita sa oras ng kamatayan, na sa pagkakataong yaon ay hindi na mapakikinabangan ang paniniwala ng sinumang hindi naniwala, at hindi rin sila bibigyan ng kahit na sandaling palugit upang maiantala ang parusa para sila ay makapagsisi at makapagbalik-loob.”
30. Na kung kaya, pabayaan mo na ang mga walang pananampalataya, O Muhammad (r), at huwag mo nang pansinin ang kanilang pagtanggi, at abangan mo na lamang ang anumang gagawin ng Allâh (I) sa kanila, dahil sila sa katunayan ay nag-aabang din sa inyo sa anumang masamang mangyayari sa inyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment