Sunday, May 16, 2010

Sûrat Ad-Dukhân

44
XLIV – Sûrat Ad-Dukhân
Ad-Dukhân Ang Usok

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2-8. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân na malinaw ang salita nito at kahulugan. Katiyakan, ibinaba Namin ito sa mabiyayang gabi ng ‘Qadar’ na sagana sa kabutihan, na ito ay sa buwan ng Ramadhan. Katiyakan, binabalaan Namin ang tao hinggil sa kung ano ang makabubuti at kung ano ang makapipinsala sa kanila, sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Sugo at pagpapababa ng mga Aklat; upang maitatag ang katibayan ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin. Na sa gabing yaon ay idedeklara (o ihahayag) ang anumang pinagpasiyahan ng Allâh (I) mula sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ tungo sa mga tagapagtala na mga anghel, ang lahat ng bagay bilang pagtitiyak, na ito ay ang mga pagtatakda ng mga buhay at mga kabuhayan doon sa taon na yaon, at iba pa na mangyayari doon hanggang sa dulo ng taong yaon, at ito ay hindi na mababago pa at mapapalitan. Itong matatag na bagay na ito ay mula sa Amin, na kung kaya, ang lahat ng nangyayari na itinatakda ng Allâh (I) at Kanyang ipinapahayag ay dahil sa Kanyang kagustuhan, pagpapahintulot at kaalaman.

Katiyakan, Kami ay nagpadala sa mga tao ng mga Sugo na si Muhammad at ang mga nauna pa kaysa sa kanya; bilang awa sa mga pinadalhan ng Sugo mula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad. Katiyakan, Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig na naririnig niya ang lahat ng tinig, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay hinggil sa Kanyang nilikha, lantad man ito o lihim, na Lumikha ng mga kalangitan, kalupaan at ang nasa pagitan nito na lahat ng mga bagay, kung kayo ay nakatitiyak sa bagay na ito ay dapat ninyong mabatid na ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng nilalang na Siya ay ‘Ilâh’ – Diyos na sinasamba, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na Bukod-Tangi na walang katambal, Siya ang nagbibigay ng buhay at nagsasanhi ng kamatayan, ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang lumikha sa inyo at sa inyong mga ninuno na nauna kaysa sa inyo, na kung kaya, Siya lamang ang inyong sambahin at hindi ang inyong mga diyus-diyosan na walang kakayahan na magdulot ng anumang kapinsalaan ni anumang kapakinabangan.

9. Subali’t sila na mga sumasamba ng iba ay nasa pag-aalinlangan hinggil sa katotohanan, na kung kaya, sila ay naglalaro at hindi sila naniwala.

10-12. Na kung kaya, hintayin mo, O Muhammad, para sa kanila na mga sumasamba ng iba ang Araw na ang kalangitan ay magdadala ng mga malinaw na usok na darating ito sa lahat ng tao, na sasabihin sa kanila: “Ito ang masidhing kaparusahan,” pagkatapos sasabihin nila bilang kahilingan na mahinto ito sa kanila: “O aming ‘Rabb!’ Alisin Mo na sa amin ang kaparusahan, dahil kapag inialis Mo ito sa amin, kami sa katotohanan ay maniniwala na sa Iyo.”

13-14. Paano magiging aral sa kanila ito pagkatapos dumating sa kanila ang masidhing kaparusahan samantalang tunay na dumating na sa kanila ang malinaw na Sugo na ito ay si Muhammad pagkatapos sila ay tumalikod at kanilang sinabi: “Ang nagturo sa kanya ay tao na isang ‘Kahnah’ (mga manghuhula na mga tagapagpayo) o di kaya ay mga ‘Shaytân,’ na siya ay nasiraan ng bait at hindi Sugo?”

15. Katiyakan, aalisin Namin sa kanila pansamantala ang kaparusahan, at tiyak na makikita ninyo na sila ay babalik sa dati nilang kinagawian na di-paniniwala, pagkaligaw at pagtanggi.

16. Sa Araw na parurusahan Namin ang lahat ng mga hindi naniwala nang matinding parusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay na ito ay Araw na Aming pagtutuos sa kanila.

17. At katiyakan, sinubok Namin sila na mga nauna na mga sumasamba ng iba mula sa sambayanan ni Fir`âwn, at dumating sa kanila ang kagalang-galang na Sugo na ito ay si Mousâ, subali’t tinanggihan nila, na kung kaya, pinuksa sila, samakatuwid, ganoon ang gagawin Namin sa mga kalaban mo, O Muhammad, kung sila ay hindi maniwala.

18. At sinabi sa kanila ni Mousâ: “Hayaan ninyo na mapasaakin ang mga alipin ng Allâh na mula sa angkan ni Isrâ`il at pasamahin ninyo sila sa akin, upang masamba nila ang Allâh (I) na Bukod-Tangi at walang katambal, dahil katiyakang ako ay Sugo sa inyo na pinagkatiwalaan sa rebelasyon ng Allâh (I) at ng Kanyang mensahe.”

19-21. “At huwag kayong magmataas laban sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagtanggi sa Kanyang mga Sugo, dahil katiyakang dala-dala ko sa inyo ang malinaw na katibayan na nagpapatunay sa aking mensahe. Katiyakan, hinihiling ko ang kalinga ng Allâh (I) na aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha mula sa pagpatay ninyo sa akin sa pamamagitan ng pagbabato, at kapag hindi kayo naniwala sa akin sa anuman na dala-dala ko sa inyo na mensahe ay pabayaan na ninyo ako at huwag na ninyo akong gambalain pa.”

22. At doon nanalangin si Mousâ sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha noong tinanggihan siya ni Fir`âwn at ng kanyang sambayanan at hindi naniwala sa kanya, na kanyang sinabi: “Katiyakan, sila ay mga tao na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mga walang pananampalataya.”

23. (Sinabi ng Allâh I): “Lumisan kayo sa gabi, ikaw, O Mousã, at ang Aking mga alipin na naniwala at sumunod sa iyo, maliban sa mga hindi naniwala sa iyo, katiyakan, kayo ay susundan ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo, na maliligtas kayo at malulunod naman si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo.

24. “At lisanin mo ang karagatan samanatalang ito ay nasa banayad, payapa at pagkakabiyak na kalagayan, at panatag kayong dumaan dito, katiyakan, si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo ay malulunod sa karagatan.”

25-27. Gaano karami ang naiwan ni Fir`âwn at ng kanyang sambayanan pagkatapos nilang mawasak at lunurin ng Allâh (I), na mga hardin na mga luntian, at mga bukal na mga tubig na umaagos, at mga pananim at mga magagandang tahanan, at ang mga kasiyahan na kaaya-ayang kabuhayan na kung saan doon sila ay nagpapasarap.

28. Katulad ng ganitong parusa ay parurusahan din ng Allâh (I) ang sinumang hindi naniwala na tinumbasan ang biyaya ng Allâh (I) ng pagtanggi, at ipinamana Namin ang mga biyayang yaon pagkatapos ni Fir`âwn at ng kanyang mga sambayanan sa ibang sambayanan na naiwan nila mula sa angkan ni Isrâ’il.
29. Subali’t hindi man lang umiyak sa kanila ang kalangitan at ang kalupaan bilang pagdadalamhati sa nangyari kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan, at hindi na naantala ang parusa na nangyari sa kanila.

30. At katiyakan, iniligtas Namin ang angkan ni Isrâ`il mula sa parusa na nagpapahamak sa kanila na pagpatay ng kanilang mga anak na kalalakihan at pag-alipin sa kanilang mga kababaihan.

31. Mula sa kagagawan ni Fir`âwn, na katiyakang siya ay mapagmataas na kabilang sa mga hindi naniwala, na lumabag sa hangganan sa pamamagitan ng pagmamataas laban sa mga alipin ng Allâh.

32. At katiyakan, pinili Namin ang mga angkan ni Isrâ`il nang higit kaysa sa ibang mga tao sa kanilang kapanahunan, na may ganap na kaalaman mula sa Amin ang pagpili sa kanila.

33. At pinagkalooban Namin sila ng mga himala at mga di-pangkaraniwang katibayan sa pamamagitan ni Mousã (u) na ang nasa loob nito ay pagsubok sa kanila na pagpapaluwag at paghihigpit upang palitawin kung sino ang pinatnubayan sa hindi.

34-35. Katiyakan, sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, O Muhammad, ay walang pag-aalinlangang sasabihin nila: “Itong buhay na ito ay walang ibang duluhan kundi ang ating kamatayan kapag tayo ay namatay, na ito ang una at pinakahuling kamatayan, at hindi na tayo bubuhayin pa na mag-uli pagkatapos ng ating kamatayan para sa pagtutuos, pagbibigay ng gantimpala at pagpaparusa.”

36. At sasabihin pa rin nila: “Samakatuwid, ibalik mo, O Muhammad, ikaw at ang sinuman na iyong kasamahan, ang aming mga ninuno na mga namatay na, kung kayo ay totoo sa pagsasabi na ang Allâh (I) ay bubuhayin Niya na mag-uli ang sinuman na mga nasa libingan.”

37. Sila ba na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay mas nakahihigit o ang sambayanan ni Tubba` al-Himyari na kung saan sila noon at ang iba pang mga sambayanan na nauna sa kanila ay hindi naniwala sa kanilang Tagapaglikha? Pinuksa Namin sila dahil sa kanilang pagiging masama at di paniniwala, na kung kaya, hindi sila – ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ang mas nakahigit kaysa sa mga yaon para sila ay Aming patawarin at hindi Namin puksain, dahil sila ay hindi naniniwala sa Allâh (I).
38-39. At hindi Namin nilikha ang mga kalangitan, kalupaan at ang anuman na nasa pagitan nitong dalawa bilang paglalaro lamang, hindi Namin nilikha ang dalawang bagay na ito kundi bilang katotohanan na ito ang kaparaanan ng Allâh (I) sa Kanyang paglikha at pangangasiwa, subali’t ang karamihan na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay hindi nila ito batid, na kung kaya, hindi nila ito pinagtutuunan ng pansin; dahil hindi sila naghahangad ng gantimpala at hindi sila natatakot sa kaparusahan.

40. Katiyakan, sa Araw ng Pagpapasiya sa pagitan ng mga nilikha sa anuman na kanilang nagawa sa daigdig na mabuti man o masama ay ito ang itinakdang hahantungan nilang lahat.

41-42. Ang Araw na hindi maipagtatanggol ng kaibigan ang kanyang kaibigan, at wala nang pakikipagtulungan sa isa’t isa, maliban sa sinumang kinaawaan ng Allâh (I) na mga mananampalataya, dahil katiyakang maaari siya na makapamagitan sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos Niya itong pahintulutan. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa mga kumakalaban sa Kanya, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin na pinakamamahal Niya na mga sumusunod sa Kanya.

43-44. Katiyakan, ang puno ng ‘Zaqqum’ na ito ay puno na sumisibol sa pinakailalim ng Impiyerno, na ang bunga nito ay pagkain ng mga sukdulan ang kasalanan, at ang pinakasukdulan sa lahat ng kasalanan ay ang ‘Shirk’ – paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).

45-46. Ang bunga ng puno ng ‘Zaqqum’ ay parang lusaw na bakal na kumukulo sa tiyan ng mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na katulad ng pagkakakulo ng tubig na umabot sa pinakasukdulang init nito.

47. (At sasabihin:) “Dakmain ninyo ang makasalanan na masamang ito at itulak ninyo at kaladkarin ninyo nang may pagmamalupit tungo sa kalagitnaan ng naglalagablab na Impiyernong-Apoy,” na ito ay sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

48. “Pagkatapos ay ibuhos ninyo sa ibabaw ng ulo ng makasalanang ito ang tubig na kumukulo na sukdulan ang init nito, na kung saan, doon ay hindi na siya mawawalalay pa sa kaparusahan.”

49. Sasabihin sa makasalanan na masamang ito: “Lasapin mo ang parusa na ipinaparusa sa iyo, ngayon, dahil walang pag-aalinlangang ikaw ay makapangyarihan sa iyong sambayanan na kagalang-galang sa kanila.” Ito ay bilang matinding pag-aalipusta sa kanya.

50. “Katiyakan, ang parusang ito na iginagawad sa inyo ngayon ay ito ang parusang inyong kinaugalian na pagdudahan sa daigdig at hindi ninyo pinaniwalaan!”

51. Katiyakan, ang mga yaong may takot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbawal sa daigdig ay nasa mapayapang kinalalagyan mula sa anumang kapinsalaan, kalungkutan at iba pa.

52. Na nasa mga Hardin at mga Ilog na umaagos,

53. Na ang kanilang kasuotan ay mula sa pino na maninipis at makapal na sutla (‘silk’), na magkakaharap sila sa isa’t isa at hindi sila nagtatalikuran, na ang kanilang upuan ay umiikot at sumusunod kahit saanman sila naroroon.

54. At kung paano Namin ipinagkaloob sa kanila na mga matatakutin sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay ang pagpaparangal sa pamamagitan ng pagpapapasok sa kanila sa mga Hardin (‘Al-Jannât’) at pagpapasuot sa kanila ng mga sutla na mga maninipis at mga makakapal ay ganoon din, pinarangalan din Namin sila sa pamamagitan ng pagkakaloob Namin sa kanila ng mga asawa na mga magagandang kababaihan na mga maluluwang ang kanilang mga mata at magaganda, at hinihiling nila na mga matatakutin sa Allâh (I) sa Hardin (‘Al-Jannah’) ang lahat ng uri ng prutas na nais nila batay sa kanilang kagustuhan, na sila ay mapayapa roon na tuluy-tuloy na wala nang katapusan.

56-58. Hindi na mararanasan pa ng mga matatakutin sa Allâh (I) sa Hardin (‘Al-Jannah’) ang kamatayan pagkatapos ng unang kamatayan na nangyari sa kanila sa daigdig, at ililigtas ng Allâh (I) sila na mga matatakutin sa Allâh (I) sa kaparusahan sa Impiyerno; bilang kagandahang-loob at kabutihan na mula sa Kanya, at itong pagkakaloob Namin sa mga matatakutin sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay ng mga karangalan, ay ito ang pinakadakilang tagumpay na wala nang tagumpay na hihigit pa kaysa rito pagkatapos nito. Na kung kaya, ginawa Naming madali ang bigkas sa salita ng Banal na Qur’ân at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng iyong wika, O Muhammad; upang sila ay mapangaralan at mabigyan ng babala.

59. Na kung kaya, hintayin mo, O Muhammad, ang anumang ipinangako Namin sa iyo na tagumpay laban sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), at anumang mangyari sa kanila na kaparusahan, dahil sila ay walang pag-aalinlangang nag-aabang din ng iyong kamatayan at paggapi nila sa iyo, at walang pag-aalinlangang mababatid nila kung sino ang magtatagumpay at mangingibabaw ang kanyang salita rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, ito ay katiyakang para lamang sa iyo, O Muhammad, at sa sinumang susunod sa iyo na mga mananampalataya.

No comments: