Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-`Ankabût

29
XXIX – Sûrat Al-`Ankabût
[Kabanata Al-`Ankabût – Ang Gagamba]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Iniisip ba ng mga tao na kapag sinabi nilang: “Naniwala kami,” ay pababayaan na lamang sila ng Allâh (I) at hindi magkakaroon ng pagsubok sa kanila?

3. At katiyakan, sinubok Namin ang mga naunang tao kaysa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala Namin ng mga Sugo, upang sa pamamagitan nito ay walang pag-aalinlangang palilitawin ng Allâh (I) kung sino ang tapat at totoo sa kanilang paniniwala, gayundin ang mga hindi totoo.

4. O iniisip ba ng mga yaong gumagawa ng mga kasalanan na katulad ng pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at iba pa, na mahihigitan nila Kami, na maililigtas nila ang kanilang mga sarili na hindi Namin sila magagapi? Napakasama sa katotohanan ang kanilang ginawang paghuhusga!

5. Ang sinumang naghahangad na makatatagpo niya ang Allâh (I) at umaasam ng Kanyang gantimpala, samakatuwid, walang pag-aalinlangan na ang itinakda ng Allâh (I) na Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang mga nilikha para sa pagbabayad at pagpaparusa ay malapit na malapit nang mangyari, at Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa kanilang mga sinasabi, at ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanilang mga ginagawa.

6. At ang sinumang magpunyagi para sa daan ng pag-aangat ng Batas ng Allâh (I) at magpunyagi para mapasunod ang kanyang sarili, walang pag-aalinlangan, ang ganitong pagpupunyagi ay para rin lamang sa kanyang sarili; dahil ito ay ginagawa niya para sa paghahangad ng gantimpala sa kanyang gawain. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan sa anumang gawain ng kahit na sinuman mula sa Kanyang nilikha, Siya ang Nagmamay-ari, Tagapaglikha, Tagapag-atas at Tagapangasiwa ng lahat.


7. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa, walang pag-aalinlangang buburahin Namin ang kanilang mga pagkakasala at gagantimpalaan Namin sila sa anumang kanilang nagawang kabutihan nang higit pa sa anuman na kanilang ginawa
8. At ipinag-utos Namin sa tao na maging mabuti at maging masunurin sa kanyang mga magulang sa pananalita at gawa; at kapag pinilit ka nilang dalawa, O ikaw na tao, na sumamba ng iba bilang katambal sa pagsamba sa Akin, ay huwag mo silang sundin hinggil dito. At kalakip sa pagbabawal sa pagsunod sa kanila sa ‘Shirk’ ay lahat ng uri ng kasalanan, nangangahulugan na hindi maaaring sundin ng sinuman ang sinuman sa anumang labag sa kautusan ng Allâh (I) na katulad ng sinabi ng Sugo ng Allâh (r).

Sa Akin ang inyong pagbabalik lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay at isasaad Ko sa inyo ang anuman na inyong ginawa sa daigdig na mga mabubuting gawa, gayundin ang masama at ayon dito kayo ay Aking tutumbasan.

9. At para sa mga yaong naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa, walang pag-aalinlangan, papapasukin Namin sila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), kabilang sa mabubuti na mga alipin ng Allâh (I).

10. At mayroon sa tao na nagsasabi: “Naniwala kami sa Allâh (I),” subali’t kapag sila ay nakaranas ng paghihirap mula sa mga walang pananampalataya at nakaranas ng pagsubok ay isisisi nila ang pangyayaring ito na ituturing nilang kaparusahan ng Allâh (I) at hindi sila magtitiis at tatalikuran nila ang tamang pananampalataya; at kapag dumating naman, O Muhammad (r), ang tulong na mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga mananampalataya ay sasabihin nila na mga tumalikod sa kanilang pananampalataya: “Katiyakan, kami ay kasama ninyo (na magkakasama tayong lahat), O kayong mga mananampalataya, na tinutulungan namin kayo laban sa inyong mga kalaban.” Di ba ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang nilolob ng Kanyang mga nilikha?

11. At walang pag-aalinlangan, palilitawin ng Allâh (I) kung sinuman ang naniwala sa Kanya at sumunod sa Kanyang Sugo, at walang pag-aalinlangang palilitawin din Niya ang mga mapagkunwari; upang maihiwalay sa pamamagitan nito ang bawa’t uri sa iba.

12. At sinabi ng mga yaong tumanggi sa Allâh (I) na mga Quraysh, na hindi naniwala sa babala at pangako ng Allâh (I), sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) mula sa kanila: “Iwan na ninyo ang ‘Deen’ ni Muhammad at sumunod kayo sa aming ‘deen,’ dahil aakuin namin sa inyo ang inyong mga kasalanan,” gayong sa katotohanan wala naman talaga silang naaako na kahit na anumang kasalanan, dahil sila ay mga sinungaling sa kanilang mga sinasabi.

13. At walang pag-aalinlangan, ipapapasan sa kanila na mga walang pananampalataya ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng mga iniligaw nila na hinarangan nila sa Daan ng Allâh (I), na kasamang ipapapasan ang mga ito sa kanilang mga kasalanan nang hindi mababawasan ang kasalanan ng sinumang sumunod sa kanila; at walang pag-aalinlangan, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay tatanungin sila hinggil sa kinaugalian nilang kasinungalingan na kanilang inimbento.

14. At katiyakan, isinugo Namin si Nûh (u) tungo sa kanyang sambayanan, na nanatili siya sa kanila ng limampung taon na lamang ay magiging isang libong taon na, na sila ay hinihikayat niya tungo sa Kaisahan ng Allâh (I), at pinagbawalan sila na gumawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) subali’t hindi sila sumunod, na kung kaya, pinuksa Namin sila sa pamamagitan ng delubyo (o malaking baha), dahil sa inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggi nila sa Allâh (I) at kanilang pagmamalabis sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasalanan.

15. At iniligtas Namin si Nûh (u) kasama ang sumunod sa kanya na sumakay sa Arka, at ginawa Namin ito bilang aral at pagbibigay-babala sa sangkatauhan.

16. At alalahanin mo, O Muhammad (r), si Ibrâhim (u) noong hinikayat niya ang kanyang sambayanan, na maging taos-puso sa pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I), na kanyang sinabi: “Sambahin ninyo nang bukod-tangi ang Allâh (I), at katakutan ninyo ang Kanyang galit sa pamamagitan ng pagsagawa ninyo sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal, at ito ang higit na nakabubuti para sa inyo, kung batid lamang ninyo kung ano ang nakabubuti sa inyo at kung ano ang nakasasama.”

17. Ang sinasamba ninyo bukod sa Allâh (I) ay mga idolo lamang na inyong inimbento bilang kasinungalingan, dahil sa ang inyong sinasamba na mga rebulto bukod sa Allâh (I) ay walang kakayahan na magbigay sa inyo ng anumang kabuhayan, na kung kaya, humingi kayo ng kabuhayan sa Allâh (I) at hindi sa mga idolo na inyong sinasamba, at maging taos-puso kayo sa inyong pagsamba sa pamamagitan ng pasasalamat sa kabuhayang ipinagkaloob sa inyo, dahil sa Allâh (I) lamang kayo ibabalik pagkatapos ng inyong kamatayan at kayo ay tutumbasan ayon sa inyong mga ginawa.

18. At kapag tinanggihan ninyo, O kayong mga tao, ang Aming Sugo na si Muhammad (r), sa kanyang paanyaya sa inyo na pagsamba lamang nang bukod-tangi sa Allâh (I), ay walang pag-aalinlangang tinanggihan din ng maraming grupo mula sa mga sambayanan na nauna kaysa inyo ang mga Sugo na naghikayat sa kanila tungo sa katotohanan, na kung kaya, natupad sa kanila ang parusa ng Allâh (I). At ang tungkulin lamang ng Sugo na si Muhammad (r) ay iparating sa inyo ang mensahe na nagmula sa Allâh (I) nang malinaw na pagpaparating at katiyakang ito ay kanyang isinakatuparan.

19. Hindi ba nila batid kung paano nilikha ng Allâh (I) ang Kanyang mga nilikha mula sa wala, at pagkatapos ay ibabalik Niya na mag-uli pagkatapos nitong maglaho (o mawala) na katulad ng pagkalikha Niya sa una ay ganoon din Niya bubuin o lilikhaing muli ang mga ito at hindi ito magiging mahirap para sa Kanya? Katiyakan, ito ay napakadali sa Allâh (I) na katulad din ng kung gaano kadali ang paglikha Niya nito sa una.

20. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na di naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Maglakbay kayo sa kalupaan at pagmasdan kung paano sinimulan ng Allâh (I) ang mga paglikha at hindi naging mahirap sa Kanya ang paglikha ng mga ito sa una, na kung kaya, gayundin, hindi rin magiging mahirap sa Kanya na ibalik ito sa panibagong pagkakataon, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, na hindi mahirap sa Kanya ang anuman na Kanyang nais, na Siya ang may kakayahan na gawin ang lahat ng bagay.”

21. Pinarurusahan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha batay sa kung ano ang kasalanan nito na nagawa noong ito ay buhay pa, at kinaaawaan niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa sinumang nagsisi, naniwala at gumawa ng kabutihan; at sa Kanya kayo ay babalik at tutumbasan kayo batay sa inyong nagawa.

22. At kailanman ay hindi kayo makaliligtas, O kayong mga tao, sa Allâh (I) dito sa kalupaan ni sa kalangitan man, kung Siya ay inyong nilabag. At bukod sa Allâh (I) ay wala kayong matatagpuang sinumang tagapangasiwa para sa inyo at walang sinumang makatutulong sa inyo kung nais ng Allâh (I) na kayo ay parusahan.

23. At ang mga yaong tinanggihan ang mga palatandaan ng Allâh (I) at hindi naniwala sa pakikipagharap sa Kanya sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ay wala na silang pag-asa pa sa Aking Awa sa Kabilang-Buhay kapag nakita na nila ang anumang inihanda sa kanila na parusa: at para sa kanila ay isang masidhing kaparusahan.

24. At walang anumang naitugon ang sambayanan ni Ibrâhim (u) sa kanya kundi sabihin ng isa’t isa sa kanila: “Patayin ninyo siya o di kaya ay sunugin sa pamamagitan ng pagtapon sa kanya roon (sa apoy na yaon),” subali’t iniligtas siya ng Allâh (I) mula sa kapahamakang ito, na ginawa itong malamig at mapayapa para sa kanya. Katiyakan, ang pagkaligtas kay Ibrâhim mula sa apoy ay kabilang sa patunay at katibayan sa mga tao na naniniwala at sumusunod.
25. At sinabi ni Ibrâhim sa kanyang sambayanan: “O aking sambayanan, ang sinamba ninyo bukod sa Allâh (I) ay walang iba kundi pawang kasinungalingan na mga diyus-diyosan lamang, na nagmamahalan kayo dahil doon ng pagmamahalan na hanggang dito lamang sa daigdig dahil sa pagsisilbi ninyo sa mga diyus-diyosan na yaon, pagkatapos sa Kabilang-Buhay ay itatanggi na ninyo at isusumpa na ninyo ang isa’t isa, at ang inyong patutunguhan lahat ay Impiyernong-Apoy at wala na kayong sinumang makatutulong upang iligtas kayo mula rito.”

26. At naniwala si Lût kay Ibrâhim at sumunod siya sa kanyang ‘Deen.’ At sinabi ni Ibrâhim: “Katiyakan, iniwan ko ang bayan ng aking sambayanan nang alang-alang sa Allâh (I) tungo sa biniyayaang bayan, na ito ay ‘Sham’ – na ito ay ang kabuuan ng Falisteen, Syria, Lebanon at Jordan. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa.

27. At ipinagkaloob Namin sa kanya si Ishâq (u) bilang kanyang anak at pagkatapos niya ay si Ya`qûb (u) bilang kanyang inapo, at ginawa Namin sa kanilang pamilya ang pagka-Propeta at pagkakaloob ng Kasulatan, at ipinagkaloob Namin sa kanya (Ibrâhim) ang kanyang gantimpala rito sa daigdig dahil sa pagsubok sa kanya nang alang-alang sa Amin, na siya ay dadakilain at magkakaroon ng mabuting anak; at katiyakang sa Kabilang-Buhay naman ay walang pag-aalinlangang kabilang siya sa mga matatapat.

28-29. At alalahanin mo, O Muhammad (u), si Lût (r) noong sinabi niya sa kanyang sambayanan: “Katiyakan, kayo ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain, na walang sinuman ang gumawa ng katulad nito na nauna sa inyo na sangkatauhan, dahil ginagawa ninyo ang inyong pagnanasa sa kapwa ninyo kalalakihan, at tinatambangan ninyo ang mga manlalakbay sa kanilang mga dinaraanan na ninanakawan ninyo sila at isinasagawa ninyo sa kanila ang mga ganitong karumal-dumal, at isinasagawa rin ninyo ito sa lugar na kung saan kayo ay nagtitipun-tipon bilang pag-iinsulto sa mga tao at sa mga dumaraan, at pang-aapi sa kanila ng mga hindi karapat-dapat na mga salita at mga gawa.”

Sa talatang ito ay bilang pagpapabatid na hindi maaaring magsama-sama ang mga tao sa masamang gawain na ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At walang itinugon ang sambayanan ni Lut kundi sabihin nila sa kanya: “Dalhin mo sa amin ang parusa ng Allâh (I) na iyong ibinababala kung ikaw ay kabilang sa mga nagsasabi ng katotohanan sa iyong sarili at mga tagapagpatunay sa iyong ipinapangako.”

30. Kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Tulungan Mo ako laban sa mga masasama sa pamamagitan ng pagbaba ng parusa sa kanila; dahil sa katotohanan, nag-imbento sila ng karumal-dumal na gawain na ipinagpipilitan nila sa kanilang sarili,” at tinugunan ng Allâh (I) ang kanyang panalangin.

31. At nang dumating ang Aming mga Sugo na mga anghel kay Ibrâhim na dala-dala ang magandang balita mula sa Allâh (I) na siya ay magkakaroon ng anak na si Ishâq at magmumula naman kay Ishâq ay ang kanyang anak na si Ya`qûb, sinabi ng mga anghel kay Ibrâhim: “Katiyakan, pupuksain namin ang mga nanirahan sa bayan ni Lût, na ito ay Sodom; katotohanan, ang mga nanirahan doon ay mga masasama na inapi nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang paglabag sa Allâh (I).”
32. Sinabi ni Ibrâhim sa mga anghel: “Katiyakan, nandoroon si Lût na hindi kabilang sa mga masasama,” sinabi naman ng mga anghel sa kanya: “Kami ay higit na nakababatid kung sino ang mga nandoroon, walang pag-aalinlangan, ililigtas Namin siya at ang kanyang pamilya mula sa kapahamakan na mangyayari sa mga naninirahan sa kanyang bayan maliban sa kanyang asawa dahil kabilang siya sa mga mawawasak.”

33. At nang dumating ang Aming mga Sugo na mga anghel kay Lût ay nangamba siya para sa kanila dahil iniisip niya na sila ay kanyang mga panauhin na mga tao, at siya ay nalungkot dahil sa pagdating nila; dahil alam niya ang karumal-dumal na gawain ng kanyang sambayanan, sinabi nila sa kanya: “Huwag kang matakot hinggil sa amin dahil hindi kami makakanti (o mapipinsala) ng iyong sambayanan, at huwag kang malungkot sa anumang ibinalita namin sa iyo na pagwawasak sa kanila, dahil katiyakang ililigtas ka namin mula sa parusa na mangyayari sa iyong sambayanan at ililigtas din namin ang iyong pamilya na kasama mo maliban sa iyong asawa dahil siya ay kabilang mula sa mga mawawasak na wawasakin sa iyong sambayanan.”

34. Katiyakan, Kami ay magbababa sa mga tao ng bayang ito ng masidhing kaparusahan mula sa kalangitan; dahil sa kanilang pagsuway at pagsagawa ng kahalayan.

35. Katiyakan, nag-iwan Kami mula sa sambayanan ni Lût ng mga malilinaw na bakas bilang pagpupulutan ng aral ng mga taong umiintindi at ito ay kanilang mapakikinabangan.

36. At ipinadala Namin tungo sa Madyan ang kanilang kapatid na si Shu`ayb (u), at kanyang sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi at maging dalisay na taos-puso kayo sa inyong pagsamba sa Kanya, dahil wala kayong dapat na sambahin bukod sa Kanya, at hangarin ninyo sa inyong pagsamba ang gantimpala sa Kabilang-Buhay, at huwag kayong magkalat ng kapinsalaan at kasamaan sa ibabaw ng kalupaan, at huwag kayong gumawa ng anumang kasalanan sa ibabaw nito, sa halip ay magbalik-loob sa Allâh (I) at humingi kayo ng kapatawaran sa Kanya.”

37. At tinanggihan ng mga nanirahan sa Madyan si Shu`ayb sa kanyang dala-dalang mensahe mula sa Allâh (I), na kung kaya, pinuksa sila sa pamamagitan ng matinding lindol, kaya sila ay mga nakahandusay na mga patay sa kanilang mga tahanan.

38. At winasak Namin ang sambayanan ni `Âd at ni Thamûd, at katiyakang nakita ninyo nang maliwanag ang pagkawasak ng kanilang mga tirahan at pagkawala nila mula rito nang dumating ang Aming parusa sa kanilang lahat, dahil sa hinikayat sila ni ‘Shaytân’ sa kanilang karumal-dumal na gawain at hinarangan sila sa Daan ng Allâh (I) na ito ang Daan ng Paniniwala sa Kanya at sa Kanyang mga Sugo, samantalang sila ay matatalino na naiintindihan nila ang mensahe na kanilang nilabag, at sila ay naligaw na iniisip nilang sila ay nasa gabay at katotohanan gayong walang pag-aalinlangang sila ay nasa pagkalayung-layong pagkakaligaw.
39. At winasak Namin si Qâroun, si Fir`âwn at si Hâmân. At katiyakang dumating sa kanilang lahat si Mousâ (u) na dala-dala niya ang mga malilinaw na katibayan samantalang sila ay nagmayabang at nagmataas sa ibabaw ng kalupaan, at kailanman ay hindi nila Kami mahihigitan sa halip Kami ay Makapangyarihan laban sa kanila.

40. Na kung kaya, pinuksa Namin ang bawa’t isa sa kanila na nabanggit sa pamamagitan ng Aming parusa dahil sa kasalanan na ginawa ng bawa’t isa sa kanila; mayroon sa kanila na pinaulanan Namin ng bato mula sa pinatuyong luwad, na sila ay yaong sambayanan ni Lût, at mayroon naman sa kanila ang pinuksa Namin sa pamamagitan ng malakas na ingay na sila ay yaong sambayanan ni Sâleh at sambayanan ni Shu`ayb, at mayroon naman sa kanila ang ipinalamon Namin sa kalupaan na katulad ni Qâroun, at mayroon naman sa kanila na nilunod Namin na katulad ng sambayanan ni Nûh at sambayanan ni Fir`âwn. At kailanman ay hindi sila pinuksa dahil sa kasalanan ng iba upang sila ay dayain na wawasakin sila nang hindi karapat-dapat para sa kanila, kundi inapi nila ang kanilang mga sarili at dinaya dahil sa kanilang pagpapakasaya sa biyaya ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha subali’t iba naman ang sinamba nila (at pinagpasalamatan).

41. Ang kahalintulad ng mga yaong itinuring nila na mga diyos na sinamba bukod sa Allâh (I) na sinasandalan na pinagkakatiwalaan na naghahangad sila ng tulong mula rito, ay katulad lamang ng isang gagamba na gumawa ng kanyang tahanan upang mapangalagaan niya ang kanyang sarili, subali’t hindi niya ito napakinabangan noong siya ay nangailangan, na kung kaya, katulad nito ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na walang naidudulot na kapakinabangan ang kanilang mga niyuyukuran, sinasandalan, sinasamba bukod sa Allâh (I); at katiyakan, ang pinakamahina sa mga bahay ay ang bahay ng gagamba, kung ito lamang ay batid nila, hindi nila pipiliin ang mga ito na sasandalan na pakasasambahin dahil sa ang mga ito ay hindi man lamang makapagdudulot ng kahit na anumang kapakinabangan, ni makapagsasanhi ng anumang kapinsalaan.

42. Katiyakan, ang Allâh (I) ay batid Niya ang inyong sinasamba na mga diyus-diyosan, na sa katotohanan ito ay walang kabuluhan, bagkus ito ay mga pangalan lamang na ipinangalan ninyo sa mga ito na walang anumang kapakinabangan at wala ring magagawang kapinsalaan. At ang Allâh (I) ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang paghihiganti sa sinumang hindi naniwala, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at paglikha.

43. At ito ang mga parabola na Aming ibinibigay bilang halimbawa sa sangkatauhan; nang sa gayon ay mapakinabangan nila at matutunan, subali’t walang sinuman ang makaiintindi nito maliban sa kanila na nakakikilala sa Allâh (I), sa Kanyang mga talata at batas.

44. Nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan nang makatotohanan at makatarungan. At katiyakan, sa Kanyang paglikha ay walang pag-aalinlangang niloloob nito ang katibayan at palatandaan sa sinumang pinaniniwalaan ang mga katibayan kapag ito ay iniharap sa kanya, at mga talata kapag ito ay kanyang nakita.

45. Bigkasin mo, O Muhammad (r), ang anumang ipinahayag sa iyo na Banal na Qur’ân, at isagawa mo at ipatupad mo ang ‘Salâh’ sa ganap na kaparaanan at kaayusan nito. Katiyakan, ang pangangalaga sa ‘Salâh’ sa pamamagitan ng pagsagawa nito nang ganap ay pumipigil sa pagsagawa ng mga kasalanan at ipinagbabawal; dahil ang gumagawa nito na binubuo ang mga haligi at mga kondisyon nito ay naliliwanagan ang kanyang puso at nadaragdagan ang kanyang pananampalataya, at lumalakas ang pagkahilig na gumawa ng kabutihan at nababawasan ang kanyang kagustuhan na gumawa ng kasamaan, at walang pag-aalinlangang ang papuri sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ‘Salâh’ at iba pa ay higit na mas dakila at mas nakabubuti kaysa sa anupaman. At ang Allâh (I) ay Ganap na Nakababatid sa inyong ginagawa mabuti man ito o masama, ginagantimpalaan Niya kayo ng ganap na gantimpala at pagtutumbas.
46. At huwag kayong makipagtalo, O kayong mga naniwala, sa mga Hudyo at mga Kristiyano maliban na lamang sa pinakamagandang kaparaanan at mabuting pananalita, at ang pag-anyaya tungo sa katotohanan ay sa pinakamadaling pamamaraan upang ito ay kaagad na makarating sa kanila at maunawaan; maliban sa mga masasama na naghahamon sa katotohanan na mga nagmatigas, nagmataas at naghayag ng pakikipaglaban sa inyo, na kung kaya, makipagdigma kayo sa kanila hanggang sa sila ay maniwala, o di kaya ay makapagbigay ng ‘Jizyah’ na ibibigay nila ito sa inyo bilang kanilang pagpapasailalim, at sabihin ninyo: “Naniwala kami sa Qur’ân, na ito ay ipinahayag sa amin, at naniwala kami sa ‘Tawrah’ at sa ‘Injeel’ na ito ay mga ipinahayag sa inyo, ang aming ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) at ang inyong ‘Ilâh’ ay nag-iisa na bukod-tanging walang katambal sa pagsamba sa Kanya, gayundin sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Tagapangasiwa, Tagapagtustos at Tagapangalaga, gayundin sa Kanyang mga Pangalan at Katangian, na kami ay ganap na sumusuko at nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya sa anumang Kanyang ipinag-uutos sa amin at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal bilang mga Muslim.”

47. At kung paano Kami nagpahayag ng mga Aklat sa mga nauna sa iyo, O Muhammad (r), na mga Sugo, ay ganoon din Kami nagpahayag ng Aklat sa iyo, na pinatutunayan nito ang mga naunang Aklat, na kung kaya, ang mga pinagkalooban Namin ng Aklat mula sa angkan ni Isrâîl ay batid nila ito ng tunay na pagkakabatid, na kung kaya, pinaniwalaan nila (na mga matapat at dalisay ang puso mula sa kanila) ang Banal na Qur’ân, na katulad din ng mga Arabo mula sa Quraysh at iba pa na naniwala rito, at walang sinuman ang tatanggi sa Banal na Qur’ân o magdududa sa mga katibayan at malilinaw na palatandaan nito maliban sa mga walang pananampalataya na ang kanilang likas na pag-uugali ay pagtanggi at pagmamatigas.

48. At kabilang sa malilinaw na iyong himala, O Muhammad (r), ay hindi ka kailanman nakabasa ng anumang aklat at hindi nakasulat ng anumang titik sa pamamagitan ng iyong kanang kamay bago ipinahayag sa iyo ang Banal na Qur’ân, na sila ay batid nila ito. At kung ikaw ay nakababasa o di kaya ay nakasusulat bago ito ipinahayag sa iyo, ay magdududa sa iyo ang mga masasama at kanilang sasabihin: “Napag-aralan niya ito mula sa mga naunang aklat o di kaya ay kinopya niya mula roon.”

49. Bagkus ang Banal na Qur’ân ay malilinaw na mga talata sa pagpapatunay nito sa katotohanan na naisaulo ng mga paham na pinagkalooban ng kaalaman, at walang sinuman ang makapagpapasinungaling ng mga talatang ito at tatanggihan maliban sa mga masasama na mga nagmamatigas na hindi sumusunod sa katotohanan na lumalayo mula rito.

50. At sinabi ng mga ‘Mushrikun’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Bakit hindi nagpababa para kay Muhammad ng mga palatandaan, mga katibayan mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na makikita mismo natin na tulad ng kamelyo ni Sâleh at tungkod ni Mousâ (u)!” Sabihin mo sa kanila: “Ang anumang patungkol sa mga talatang ito ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), nasa Kanya ang pagpapasiya na kung ang nais Niya ba ay magpababa at kung ang nais Niya ay hindi ito gawin, samantalang ako ay tagapagbabala lamang sa inyo na binabalaan ko kayo sa tindi ng Kanyang galit at parusa, na nililinaw ko sa inyo ang Daan ng Katotohanan mula sa kamalian.”

51. Hindi pa ba sapat sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh na malaman nila ang pagiging totoo mo, O Muhammad (r), na Kami ay nagpahayag sa iyo, ng Banal na Qur’ân na binibigkas sa kanila? Katiyakan, ang Banal na Qur’ân na ito ay habag sa mga mananampalataya rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at mga paalaala na naaalaala nila sa pamamagitan nito ang anumang aral at pagpapayo.

52. Sabihin mo: “Sapat na ang Allâh (I) bilang testigo sa pagitan ko at sa inyo na ako ay walang pag-aalinlangan na Kanyang isinugo at sa inyong pagpapasinungalaing sa akin at sa inyong pagtanggi sa katotohanan na aking dala-dala mula sa Allâh (I).” At batid ng Allâh (I) ang mga nasa kalangitan at kalupaan, na wala anuman ang naililihim sa Kanya. At ang mga yaong naniwala sa kamalian at tumanggi sa Allâh (I) – kahit ganap at malinaw nang naitatag ang mga katibayang ito – sila ang mga talunan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

53. Minamadali ka, O Muhammad, ng mga ‘Mushrikun’ mula sa iyong sambayanan na kaagad na iparating ang parusa sa kanila bilang pag-iinsulto, kung hindi lamang naitakda na ng Allâh (I) ang ganap na oras ng pagdating ng parusa sa kanila rito sa daigdig, na ito ay hindi mapapaaga o maaantala ay tiyak na darating sa kanila mismo sa oras na ito ang kanilang hinihiling, at walang pag-aalinlangang ito ay darating sa kanila nang biglaan habang ito ay hindi nila namamalayan.
54. Minamadali ka nila sa parusa rito sa daigdig samantalang ito ay darating sa kanila na walang pag-aalinlangan, at katiyakang ang parusa sa kanila na mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy sa Kabilang-Buhay ay nakapalibot sa kanila at wala na silang matatakasan pa.

55. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay mahihilo ang mga walang pananampalataya sa igagawad na parusa sa kanila sa Impiyerno na ito ay nasa ibabaw na kanilang mga ulunan at nasa ilalim ng kanilang mga paanan, at tatakluban sila ng apoy na nagmumula sa lahat ng dako, at sasabihin ng Allâh (I) sa kanila sa oras na yaon: “Lasapin ninyo ang kabayaran sa anuman na kinaugalian ninyo na gawin sa daigdig na pagtatambal at pagsamba ng iba at pagsagawa ng mga krimen at mga kasalanan.”

56. O Aking mga alipin na naniwala! Kung kayo ay nahihirapan na ilantad ang inyong pananampalataya at bukod-tanging pagsamba lamang sa Akin ay mangibang-bayan kayo tungo sa Aking malawak na kalupaan at sambahin ninyo Ako nang bukod-tangi.

57. Lahat ng may buhay ay makatitikim ng kamatayan pagkatapos ay sa Amin kayo ay magbabalik para sa paghuhukom at pagbabayad.

58. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga ipinag-uutos sa kanila na mga mabubuting gawa ay walang pag-aalinlangang patutuluyin Namin sila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa mga matataas na mga tahanan na sa ilalim nito ay umaagos ang mga ilog na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, napakaganda at napakadakila ang mga gantimpala sa mga nagpapatupad ng pagsunod sa Allâh (I) na ito ay tahanan sa mga Hardin ng Kaligayahan.

59. Katiyakan, ang mga Hardin na nabanggit ay para sa mga naniwala na nagtiis sa kanilang pagsamba sa Allâh (I) at pinanghawakan nila ang ‘Deen’ (o Relihiyon) na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila, at ipinaubaya nila ang kanilang mga sarili sa Allâh (I) hinggil sa kanilang mga kabuhayan at pakikipaglaban sa kalaban na kumakalaban sa kanila bilang ganap na pagtitiwala sa Allâh (I).

60. Napakarami ng mga nilikha na gumagapang sa kalupaan na hindi nito naiiimbak o naitatabi ang kakainin nito kinabukasan na katulad ng ginagawa ng anak ni Âdam, subali’t pinagkakalooban ito ng Allâh (I) ng kabuhayan na katulad din ng pagkakaloob Niya sa inyo. At Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa inyong mga sinasamba, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong mga ginagawa at sa pagtibok ng inyong mga puso.

61. At kapag tinanong mo, O Muhammad (r), ang mga walang pananampalataya: “Sino ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan sa napakagandang kaayusan nito at inilagay Niya sa ilalim ng Kanyang pangangasiwa ang araw at buwan?” Katiyakan, kanilang sasabihin: “Nilikha ang mga ito ng Allâh (I) na Bukod-Tangi.” Kung gayon, paano sila naligaw na tumalikod sa paniniwala sa Allâh (I) na lumikha ng lahat ng bagay at nangangasiwa nito, at sa halip ay sumamba sila ng iba bukod sa Kanya? Nakapagtataka ang kanilang inimbento at kasinungalingan.

62. Pinaluluwag ng Allâh (I) ang kabuhayan ng sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha at hinihigpitan Niya ang iba mula sa kanila, dahil Siya ay Ganap na Nakababatid sa anumang ikabubuti ng Kanyang mga alipin. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa bawa’t kalagayan nila, mga nangyari sa kanila at walang anumang naililihim sa Kanya.

63. At kapag tinanong mo, O Muhammad (r), ang mga walang pananampalataya: “Sino ang nagpababa mula sa ulap ng tubig-ulan na naging sanhi ng pagsibol ng mga pananim sa kalupaan pagkatapos nitong maging tuyot?” Katiyakan, sasabihin nila sa iyo bilang pag-amin: “Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay Siyang nagpababa nito.” Sabihin mo: “Ang lahat ng papuri ay sa Allâh (I) lamang na Siyang naglantad ng Kanyang katibayan sa kanila, subali’t ang karamihan sa kanila ay hindi nakaiintindi kung ano ang nakabubuti at nakasasama sa kanila, kung ito ay batid lamang nila ay hindi sila sasamba ng iba bilang pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I).”

64. Ang buhay dito sa daigdig ay walang iba kundi libangan at paglalaro lamang, nililibang nito ang mga puso at nilalaro ang mga katawan; dahil sa nandirito ang mga palamuti at pagnanasa, pagkatapos ito ay mabilis na nawawala, samantalang ang buhay sa Kabilang-Buhay ay siyang tunay na buhay na walang katapusan na walang kamatayan, kung batid lamang ng mga tao ang mga bagay na ito ay hindi nila pipiliin ang buhay na may hangganan kaysa buhay na walang hanggan.

65-66. Kapag nakasakay ang mga walang pananampalataya sa sasakyang pandagat, at natakot sa pagkalunod, ang kanilang paniniwala sa Allâh (I) ay nagiging bukod-tangi na para lamang sa Kanya at nagiging taos-puso ang kanilang panalangin habang sila ay nasa ganitong kagipitan, subali’t kapag sila ay ligtas nang nakadaong sa kalupaan at nawala na sila sa kagipitan ay bumabalik sila sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), na kung kaya, sa pamamagitan nito ay sinalungat nila ang kanilang mga sarili, pinaniwalaan nila ang Kaisahan ng Allâh (I) sa oras ng kagipitan at sumamba naman sila ng iba sa oras ng kaginhawahan.

At ang kanilang pagsamba ng iba pagkatapos ng pagkakaloob Namin sa kanila ng kaligtasan mula sa karagatan na ito ang naging kapalit sa ipinagkaloob Naming mga biyaya sa kanilang mga sarili at kayamanan, at upang makamit nila ang kanilang kasiyahan dito sa daigdig, subali’t walang pag-aalinlangang mababatid nila ang kasiraan ng kanilang ginawa at ang anumang inihanda ng Allâh (I) sa kanila sa Kabilang-Buhay na matinding parusa. Dito sa talatang ito ang paghamon at babala sa kanila.

67. Hindi ba nakita ng mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang ginawa Niya ang Makkah para sa kanila na sagradong lugar na mapayapa, na ligtas ang mga naninirahan dito sa kanilang mga sarili at kayamanan, samantalang ang mga tao na naninirahan sa labas ng ‘Haram’ (Makkah –Sagradong Lugar) ay hindi ligtas na pagsamantalahan ang kanilang buhay, kayamanan at iba pa? Kung gayon, tinatanggap ba nila ang kamalian na pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), at binabalewala at tinatanggihan nila ang biyaya sa kanila ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, at Siya ay hindi nila sinamba nang bukod-tangi na wala silang itinambal na iba sa Kanya?

68. At sino pa ba ang mas matindi sa kanyang kasamaan kaysa sa kanya na pinasinungalingan ang Allâh (I) at itinatanggi niya sa Allâh (I) ang kanyang pagkaligaw at maling gawain, o di kaya ay tinanggihan niya ang katotohanan na ipinadala ng Allâh (I) sa pamamagitan nito ang Kanyang Sugo na si Muhammad? Hindi ba walang pag-aalinlangang Impiyernong-Apoy ang inihanda ng Allâh (I) bilang tahanan ng sinumang hindi naniwala sa Kanya at tumanggi sa Kanyang Kaisahan at pinasinungalingan ang Kanyang Sugo na si Muhammad?

69. Para sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) na nagpunyagi sa pakikipaglaban sa kumakalaban sa Allâh (I), at sa kanya mismong sarili at kay ‘Shaytân,’ at sila ay nagtiis sa mga kahirapan at pagsubok alang-alang sa Allâh (I), walang pag-aalinlangang gagabayan sila ng Allâh (I) sa Daan ng Kabutihan, patatatagin sila sa Matuwid na Landas, at sinuman ang may ganitong katangian ay siya ang tunay na mabuti sa kanyang sarili at sa iba. At katotohanan, ang Allâh (I) ay kasama ng sinumang mabuti mula sa Kanyang nilikha sa pamamagitan ng pagtataguyod, pagsusuporta, pangangalaga at gabay sa kanila.

No comments: