Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Jumu`ah

62
LXII – Sûrat Al-Jumu`ah
[Kabanata Al-Jumu`ah – Ang (Araw ng) Jumu`ah (Biyernes)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Pinuri ang Allâh (I) at inilayo sa anumang bagay na hindi karapat-dapat para sa Kanyang Kamaharlikaan, ng lahat ng mga nasa kalangitan at mga nasa kalupaan, na Siya ay ‘Al-Malik’ – Bukod-Tanging Hari at Tagapagmay-ari ng lahat ng bagay, na wala Siyang kahati ni kabahagi ni katambal man, at ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais na walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, na Siya ay ‘Al-Quddus’ – Banal, Ganap ang mga Katangian, at Malaya at Ligtas sa lahat ng pangangailangan at anumang kakulangan, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nadaraig, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa lahat ng Kanyang Pagpapanukala, Pangangasiwa at Paglikha.

2-3. Walang iba kundi ang Allâh (I) ang nagpadala sa mga Arabo ng Sugo na hindi marunong bumasa, na nagmula mismo sa kanila tungo sa lahat ng sangkatauhan, na walang anumang (Banal na) Kasulatan ni bakas ng mensahe ang nakarating sa kanila, na binibigkas sa kanila ang Qur’ân, at nililinis sila mula sa mga maling paniniwala at mga masasamang pag-uugali, at itinuturo sa kanila ang Qur’ân at ang ‘Sunnah.’

At katiyakan, sila bago ang pagkakapadala ng Sugong ito ay nasa malinaw na pagkaligaw mula sa katotohanan. At ipinadala rin siya sa ibang mga sambayanan, at maging sa mga darating pang henerasyon na hindi pa lumilitaw, na ito ay magmumula sa mga Arabo at mga hindi Arabo, na siya ay ipinadala bilang Sugo sa lahat ng sangkatauhan. At ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan, Bukod-Tangi at Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga sinasabi at ginagawa.
4. Itong pagkakapadala sa Sugo na si Muhammad para sa sambayanan ng mga Arabo at hindi Arabo ay bilang kagandahang-loob na mula sa Allâh (I), na ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, na Siya ay Dhûl Fadhlil `Adzeem’ – Bukod-Tanging Nagmamay-ari at Tagapagkaloob ng dakilang kagandahang-loob at masaganang biyaya.

5. Ang kahalintulad ng mga Hudyo na inutusan na ipatupad ang ‘Tawrah’ subali’t pagkatapos ay hindi naman nila ito isinagawa, ay katulad ng isang asno na pasan-pasan nito ang mga aklat subali’t hindi nito alam kung ano ang nasa loob nito, napakasama ang ginawang paghahalintulad sa mga tao na tinanggihan ang mga talata ng Allâh (I), at hindi naging kapaki-pakinabang sa kanila ang mga ito.

At hindi ginagabayan ng Allâh (I) ang mga masasama na lumalabag sa Kanyang hangganang itinatakda at hindi sumusunod sa Kanyang kagustuhan.

6. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad, na sumusunod sa binago at sinirang katuruan ng mga Hudyo: “Kung inaangkin ninyo – bilang kasinungaliangan – na kayo ay mga minamahal ng Allâh (I) kaysa sa ibang mga tao ay hangarin ninyo ang kamatayan kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin na mahal kayo ng Allâh (I).”

7. At kailanman ay hindi nila aasamin na mga Hudyo ang kamatayan dahil sa mas nanaig sa kanila ang makamundong buhay kaysa sa Kabilang-Buhay, at pagkatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) sa kanila dahil sa kanilang nagawang di-paniniwala at masamang gawain! At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga masasama, at walang anuman ang naililihim sa Kanya sa kanilang pagiging masama.

8. Sabihin mo: “Katiyakan, ang kamatayan na inyong tinatakasan ay walang pag-aalinlangang makahaharap ninyo, dahil katotohanang ito ay darating sa inyo sa katapusan ng inyong buhay, pagkatapos kayo ay ibabalik sa Araw ng Muling Pagkabuhay tungo sa Allâh (I) na Siyang ganap na Nakababatid ng anumang lihim at anumang nakikita, at ipababatid Niya sa inyo ang inyong mga kinagawian na gawin, at ayon dito kayo ay tutumbasan.”

9. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag nanawagan ang tagapagtawag ng ‘Salâh’ sa araw ng Jumu`ah samakatuwid ay magsitungo kayo sa ‘Khutbah’ bilang pakikinig sa pagpapayo at sa pagsagawa ng papuri o pag-alaala sa Allâh (I), at pansamantalang iwanan ninyo muna ang pakikipagkalakalan, at gayundin ang pamimili at ang lahat ng anumang makaaabala sa inyo. At itong ipinag-utos sa inyo ay mas higit na nakabubuti para sa inyo; dahil naririto ang kapatawaran ng mga kasalanan at gantimpala ng Allâh (I) sa inyo, kung batid ninyo (na ito) ay nakakabuti sa inyong mga sarili ay gawin ninyo ito. Nasa talatang ito ang katibayan sa pag-uutos na dumalo sa ‘Salâh’ ng ‘Jumu`ah’ at pakikinig ng ‘Khutbah’ (o pagpapayo).
10. At kapag nakapakinig na kayo ng ‘Khutbah’ at naisagawa na ninyo ang pagsa- ‘Salâh’ ay magsihayo kayo sa kalupaan, at hingin ninyo ang kabuhayan mula sa Allâh (I) sa pamamagitan ng inyong pagpupunyagi at sambitin ninyong madalas ang mga papuri sa Allâh (I) sa lahat ng inyong katayuan; upang makamtan ninyo ang tagumpay sa daigdig at Kabilang-Buhay.

11. At kapag nakita nila na mga Muslim ang ilang mga kalakal (paninda) o anumang bagay na nakatatawag pansin na makamundo at mga palamuti nito ay nagkakawatak-watak sila patungo roon, at iniwanan ka nila, O Muhammad, na nakatayo sa iyong ‘mimbar’ o pulpito na nagbibigay ng pagpapayo. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Anuman ang nasa Allâh (I) na gantimpala at kasiyahan ay mas higit na kapaki-pakinabang sa inyo kaysa sa mga palamuti at kalakal na inyong hinahangad! At ang Allâh (I) ay ‘Khayrul Râziqeen’ – Bukod-Tanging Pinakamabuting Tagapagbigay ng kabuhayan at Tagapagkaloob, na kung kaya, sa Kanya lamang kayo humingi, at hingin ninyo sa Kanya ang tulong sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa Kanya upang makamtan ninyo mula sa Kanya ang anumang mas nakabubuti sa inyo rito daigdig at sa Kabilang-Buhay.”

No comments: