Saturday, May 15, 2010

Sûrat Al-Mâ`idah

5
V – Sûrat Al-Mâ`idah
[Ang Hapag-Kainan na may mga Nakalatag na mga Pagkain mula sa Kalangitan]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O kayo na naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), at naniwala sa Kanyang Sugo at sinunod ang kanyang ‘Sunnah!’ Isagawa ninyo ang inyong matitibay na pangako sa Allâh (I) na paniniwala sa mga batas ng Islâm at sa pagsunod nito; at tuparin ninyo ang inyong mga pinagkasunduan sa isa’t isa bilang mga ipinagkatiwala at ganoon din sa pakikipagkalakalan at sa iba pa, na hindi lumalabag sa Aklat ng Allâh (I) at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r).

Katiyakan, ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo ang mga kawan ng hayop na katulad ng kamelyo, baka, kambing at tupa; maliban na lamang sa ipinahayag Niya sa inyo na Kanyang ipinagbabawal na tulad ng ‘Al-Maytah’ – namatay sa hindi tamang pamamaraan ng pagkatay, dugo at iba pa. At ang pagbabawal ng pangangaso habang kayo ay nakasuot ng ‘Ihrâm.’

Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagtatala ng batas na Kanyang ninanais ayon sa Kanyang Karunungan at pagiging Makatarungan.

2. O kayo na naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas! Huwag kayong lumabag sa hangganan ng batas ng Allâh (I) at sa mga palatandaan nito; at huwag ninyong ipahintulot ang patayan sa mga Sagradong Buwan, na ito ay mga buwan ng ‘Dhul Qa`dah,’ ‘Dhul Hijjah,’ ‘Muharram’ at ‘Rajab;’ na ito ay noong umpisa ng Islâm (sa kapanahunan ng Huling Sugo). [34]

At huwag ninyong pakikialaman ang mga hayop na gagamitin sa pagsasakripisyo sa ‘Hajj;’ ganoon din ang mga hayop na sinabitan ng kuwintas sa leeg na gawa sa lana (o ‘wool’) at iba pa bilang tanda na ang hayop na yaon ay isasakarispisyo at ang taong nagmamay-ari nito ay nagnanais magsagawa ng ‘Hajj;’ at huwag din ninyong pahintulutan ang inyong mga sarili na makipaglaban sa mga nagnanais magtungo sa ‘Al-Masjid Al-Harâm’ sa Makkah, na ang kanilang hangarin ay kabutihan mula sa kagandahang-loob ng Allâh (I), na makabubuti sa kanilang buhay at kalugud-lugod sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

At kapag natapos na ninyo ang inyong ‘Ihrâm;’ samakatuwid, ipinahihintulot na sa inyo ang pangangaso. At huwag kayong magpadala sa inyong galit, sa mga tao na minsan ay pinigilan nila kayo na magtungo sa ‘Al-Masjid Al-Harâm’ sa Makkah, na katulad ng nangyari noon sa taon ng ‘Hudaybiyyah,’ dahil baka kayo ay hindi maging makatarungan sa kanila.

Magtulungan kayo, O kayong mga mananampalataya sa isa’t isa, sa pagsasagawa ng kabutihan at pagkatakot sa Allâh (I); at huwag kayong magtulungan sa anumang bagay na kasalanan at paglabag sa batas ng Allâh (I); at ingatan ninyong lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) dahil walang pag-aalinlangan, masidhi ang Kanyang pagpaparusa.

3. Ipinagbawal ng Allâh (I) sa inyo ang pagkain ng ‘Maytah’ – na ito ay hayop na namatay na hindi nakatay sa tamang pamamaraan, at pinagbawal din sa inyo na kainin ang dugong pinatulo mula sa kinatay na hayop; at ganoon din ang laman ng baboy, at ang anumang kinatay bilang pag-aalay sa iba bukod sa Allâh (I); at ganoon din sa mga hayop na binigti hanggang sa ito ay namatay, at saka sa mga yaong pinatay sa pamamagitan ng pagpupukpok o pagpapalo; o di kaya’y paghahampas nito sa bato hanggang sa ito ay namatay; ganoon din sa mga hayop na nahulog mula sa mataas na lugar, o di kaya’y nahulog sa balon at namatay; at ganoon din sa hayop na napatay ng kapuwa nito hayop sa pamamagitan ng pagsuwag o sungay nito; at ipinagbawal din ng Allâh (I) sa inyo yaong mga hayop na nilaplap o kinain ng mababangis na hayop na tulad ng leon, tigre, lobo (‘wolf’) at iba pa na mga katulad nito; maliban na lamang kung inabot ninyo itong buhay pa at nakatay ninyo sa tamang pamamaraan bago ito namatay, dahil ang ganitong paraan ay ipinahintulot sa inyo; at ipinagbawal din sa inyo ang ‘An-Nusub’ – na ito ay ang anumang kinatay na hayop nang hindi sa Pangalan ng Allâh (I) kundi para sa itinayong altar na sambahan na katulad ng bato at iba pa, bilang pag-aalay sa mga diyus-diyosan o sa anumang sinasamba na mga huwad na diyos.

At ipinagbawal din sa inyo na magpasiya sa pamamagitan ng paggamit ng ‘Azlâm’ – na ito ay isang pamahiin na isinasagawa para raw malaman ng isang tao kung ano ang makabubuti at makasasama para sa kanya bago siya magpasiya na gawin ang anuman. [35]

Ito ang mga nabanggit na ipinagbawal, na kapag ito ay nagawa ng isang tao; walang pag-aalinlangan na siya ay nakagawa ng paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at nakagawa siya ng kasalanan.

Sa araw na ito ay natapos na ang pag-aasam ng mga walang pananampalataya laban sa inyong ‘Deen;’ na kayo ay pababalikin nila sa ‘Shirk’ – pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), pagkatapos ninyong magwagi laban sa kanila; na kung gayon ay huwag kayong matakot sa kanila bagkus ay Ako ang inyong katakutan.

Sa araw na ito ay kinumpleto Ko nang ganap para sa inyo, ang inyong ‘Deen,’ na ito ay ‘Deen Al-Islâm,’ sa pamamagitan ng pagkapanalo ninyo sa inyong mga kalaban at pagsasabuo ng batas nito, binuo Ko sa inyo ang Aking biyaya sa pamamagitan ng pag-aalis ninyo sa kadiliman ng kamangmangan patungo sa liwanag ng pananampalataya; at pinili Ko para sa inyo ang Islâm bilang inyong ‘Deen;’ na kung kaya, magpanatili kayo rito at huwag ninyo itong tatalikuran.

Nguni’t ang sinumang napilitan lamang na gawin ito dahil sa matinding kagutuman na ikasasanhi ng matinding kapahamakan o kamatayan at siya ay nakakain ng ‘Maytah’ o anupamang ipinagbawal na wala sa kanyang intensiyon ang magkasala; sa ganitong kadahilanan ay maaari niya itong gawin. At katiyakan na ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kanya, at ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.

4. Tinatanong ka, O Muhammad (r) ng iyong mga ‘Sahâbah,’ kung ano ang ipinahihintulot sa kanila na kainin? Sabihin mo sa kanila: “Ipinahintulot sa inyo ang lahat ng mga malilinis (‘Tayyibât’); at ang mga nahuli ng mga sinanay ninyong mga hayop na tulad ng aso, leopardo at saka mga agila; at iba pa na mga katulad nito na turuan, na itinuro ninyo sa mga ito ang paraan ng pangangaso na itinuro ng Allâh (I) sa inyo; na kung kaya, kainin ninyo kung anuman ang nahuli ng mga ito para sa inyo nguni’t banggitin ninyo ang Pangalan ng Allâh (I) kapag ito ay inyong inutusan na mangaso. Katakutan ninyo ang Allâh (I) sa anumang ipinag-utos at ipinagbawal Niya sa inyo. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Saree`’ – Ganap at Napakabilis Niyang Tumuos.”

5. Kabilang sa mga biyaya ng Allâh (I) sa inyo ngayon, O kayong mga mananampalataya, ay ipinahintulot Niya sa inyo ang lahat ng mga malilinis. At saka yaong mga kinatay ng mga Hudyo at mga Kristiyano, na ito ay ipinahintulot sa inyo kapag ito ay kinatay nila ayon sa kanilang batas. Ipinahintulot din sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang mag-asawa ng mga matutuwid na kababaihan na sila ay mga malalaya, na mga mananampalataya na ligtas at malayo mula sa anumang kahalayan.

At ipinahintulot din sa inyo na mag-asawa ng mga malalayang kababaihan, na ligtas at malayo sa anumang kahalayan, mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano, kapag ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang ‘Mahr;’ at kayo naman sa isang banda ay matutuwid din na malayo sa anumang kahalayan, na hindi gumagawa ng pakikiapid at hindi nakikipag-relasyon sa mga kababaihan (o nakikipag-‘girlfriend’); at kung nakatitiyak kayo na hindi kayo maapektuhan ng kanilang pananampalataya. At sinumang lumabag sa mga batas ng Allâh (I) ay walang pag-aalinlangan na nasira niya ang kanyang gawain; at sa Araw ng Muling Pagkabuhay, siya ay mapapabilang sa mga talunan.

6. O kayong mga naniwala! Kapag kayo ay nagnanais na magsagawa ng ‘Salâh’ (pagdarasal) at wala kayo sa kalagayan ng ‘Tahharah’ (kalinisan), hugasan ninyo ang inyong mga mukha, at ang inyong mga kamay hanggang siko, at pahiran ninyo ng tubig ang inyong ulunan, at hugasan ang inyong mga paa hanggang bukung-bukong.
At kapag nangyari sa inyo ang malaking ‘Hadath’ [36] ay maglinis kayo sa pamamagitan ng pagpapaligo ng buong katawan (‘Ghusl’) bago ninyo isasagawa ang ‘Salâh.’ At kung kayo ay maysakit o di kaya’y nasa paglalakbay at nasa kalusugan naman kayo, o di kaya’y nagbawas kayo (na ang ibig sabihin ay umihi o dumumi kayo), o di kaya ay nakipagtalik kayo sa inyong asawa; at pagkatapos ay wala kayong makitang tubig, samakatuwid sa ganitong kadahilanan ay magsagawa kayo ng ‘Tayammum’ bilang panghalili – ang malumanay na paghahampas o pagdadampi ng inyong mga kamay sa lupa at pagkatapos ay ipapahid sa inyong mga mukha at mga kamay.

Walang hangarin ang Allâh (I) na kayo ay Kanyang higpitan sa Kanyang pag-aatas sa paglilinis; bagkus ay ipinahintulot Niya sa inyo ang pagsasagawa ng ‘Tayammum,’ upang kayo ay luwagan at bilang awa na rin sa inyo; dahil ito ay ginawa Niya bilang panghalili sa tubig sa paglilinis. At ang pagpapahintulot ng ‘Tayammum’ ay mula sa kabuuan ng Kanyang biyaya, nang sa gayon ay tumanaw kayo ng utang na loob sa Kanya na nagbiyaya sa inyo, sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.

7. At alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo sa pamamagitan ng pagtala Niya ng Kanyang batas para sa inyo; at alalahanin din ninyo ang pangako ninyo sa Kanya, na kayo ay maniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r); at kayo ay makikinig at susunod sa kanilang dalawa – sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.

Katakutan ninyo ang Allâh (I) sa anuman na Kanyang mga ipinag-utos at mga ipinagbawal. Katiyakan na ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng anuman na inyong inililihim sa inyong mga sarili.

8. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugong si Muhammad (r)! Maging matatag kayo sa pagpapatupad ng katotohanan bilang paghahangad ninyo sa Mukha ng Allâh (I), sa pamamagitan ng pagtestigo nang makatarungan at huwag hayaang ang galit at poot ng mga tao ang siyang magiging sanhi para kayo ay hindi maging makatarungan.

Na kung kaya, maging makatarungan kayo sa pagitan ng inyong mga mahal sa buhay at sa mga kalaban, na kayo ay maging patas sa paghahatol; dahil ang pagiging makatarungan o patas sa paghahatol ay mas malapit sa pagkatakot sa Allâh (I). At ingatan ninyo na kayo ay makagawa ng pang-aapi. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang lahat ng inyong mga ginagawa at kayo ay Kanyang tutumbasan.

9. At ipinangako ng Allâh (I) sa mga yaong naniwala sa Kanya, sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga kabutihan; na sila ay Kanyang patatawarin sa kanilang mga kasalanan, at gagantimpalaan ng ‘Al-Jannah’ (Hardin). At ang Allâh (I) ay hindi sumisira sa Kanyang pangako.


10. At ang mga yaong hindi naniwala at tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) na nagpapatunay nang malinaw na katotohanan; at pinasinungalingan ang mga talata na dinala ng mga Sugo, sila ang maninirahan sa Impiyernong-Apoy magpasa-walang-hanggan.
11. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo na kapayapaan at sa pagtatanim Niya ng takot sa mga puso ng inyong kalaban, na ninanais nila kayong lusubin na may pagmamalupit, subali’t inilayo sila ng Allâh (I) sa inyo at hinarangan ng Allâh (I) ang pagitan nila at pagitan ninyo para hindi nila maisagawa ang kanilang mga balakin.

Na kung kaya, katakutan ninyo ang Allâh (I) at maging maingat kayo; at sa Allâh (I) lamang ninyo ipaubaya ang inyong mga sarili sa larangan ng inyong ‘Deen’ at sa makamundong buhay; at sa Kanya lamang kayo magtiwala sa tulong at pagtaguyod.

12. At katiyakan, gumawa ang Allâh (I) ng matibay na kasunduan noon sa mga Angkan ni Isrâ`îl na Siya lamang ang kanilang sasambahin; at inutusan ng Allâh (I) si Mousã (u) na pumili ng labindalawang pinuno, na kasingdami ng bilang ng grupo ng kanilang mga angkan; na sila ay gagawa ng pangako sa kanilang mga sarili, na makikinig sila, susunod sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sa Kanyang Aklat.

At sinabi ng Allâh (I) sa mga Angkan ni Isrâ`îl na: “Ako ay kasama ninyo sa pamamagitan ng Aking pangangalaga at tulong; kapag nagsagawa kayo ng ‘Salâh,’ at nagbigay kayo ng ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) sa mga may karapatan nito; at pinaniwalaan ninyo ang Aking mga Sugo sa anuman na kanilang ipinahayag, at ikarangal ninyo sila at tinulungan, at gumasta kayo nang alang-alang sa Aking Daan; na samakatuwid, kapag isinagawa ninyo ang mga ito ay patatawarin Ko kayo sa inyong mga kasalanan; at papapasukin Ko kayo sa ‘Jannât’ (mga Hardin) na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga palasyo.

“Nguni’t sinuman ang lalabag sa kasunduang ito mula sa inyo ay lumihis siya sa Daan ng Katotohanan at nagtungo sa pagkaligaw.”

13. At dahil sa paglabag ng mga Hudyo sa kanilang matibay na pangako ay ipinagtabuyan Namin sila at isinumpa; at ginawa Namin ang kanilang mga puso na matitigas at hindi na lalambot pa sa pamamagitan ng pananampalataya.

Pinalitan nila ang mga salita ng Allâh (I), na inihayag Niya kay Mousâ (u) na ‘Tawrah;’ at tinalikuran nila ang anumang mga paalaala na ibinigay sa kanila at hindi nila ito isinagawa.

At patuloy mong matatagpuan sa mga Hudyo, O Muhammad (r), ang pagiging traydor nila at pagiging hindi matapat; sapagka’t patuloy silang sumusunod sa pag-uugali ng kanilang mga ninuno, maliban na lamang sa mangilan-ngilan sa kanila; na kung kaya, patawarin mo sila sa masamang pakikitungo nila sa iyo at palampasin mo na lamang ang mga nagawa nila.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay minamahal Niya ang mga ‘Al-Muhsinin’ – gumagawa ng mga kabutihan na nagpapatawad sa mga kasalanang nagawa sa kanya at pinalalampas (o pinagbibigyan) niya ang mga masamang nagawa sa kanya.

At sa ganito nakikita ang mga ligaw na pamamaraan tungo sa mga masama nilang layunin, para baguhin ang mga salita ng Allâh (I) at bigyan ito ng ibang pakahulugan. At kapag hindi nila nakayanang baguhin at bigyan ng ibang pakahulugan, nilalabag nila ang anumang hindi sumasang-ayon sa kanilang kagustuhan mula sa batas ng Allâh (I); at walang nananatili sa pagsunod sa batas ng Allâh (I) kundi ang mangilan-ngilan lamang na pinangalagaan ng Allâh (I) mula sa kanila.


14. At gumawa rin kami ng kasunduan sa kanila na tinatawag nila ang kanilang mga sarili na Kristiyano, na sila ay nag-aangkin na tagasunod ni `Îsã Al-Masih (Hesus ang Messiah u) – samantalang hindi naman sila ganoon, – gumawa Kami sa kanila ng tunay na kasunduan na katulad ng ginawa Namin sa mga angkan ni Isrâ`îl, na sundin nila ang Sugo na ipinadala sa kanila, makipag-tulungan sila sa kanya, at itaguyod siya; subali’t pinalitan nila ang kanilang Relihiyon at tinalikuran nila ang anumang ipinaaalaala sa kanila na mga katuruan at hindi nila ito isinagawa; na katulad din ng ginawang pagtanggi at pagba-balewala ng mga Hudyo, at dahil doon ay itinanim Namin sa pagitan nila ang paglalaban-laban at pagkapoot sa isa’t isa hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay; at walang pag-aalinlangan, ihahayag ng Allâh (I) ang anuman na kanilang ginawa sa Araw ng Paghuhukom, at sila ay parurusahan ayon dito.

15. O kayo na mga angkan ng Kasulatan, na mga Hudyo at mga Kristiyano! Katiyakan na dumating sa inyo ang Aming Sugo na si Propeta Muhammad (r); na lilinawin sa inyo ang karamihan na inyong inilihim sa mga tao mula sa ‘Tawrah’ at ‘Injeel;’ subali’t ang iba (mula sa kanilang mga inilihim) ay pinabayaan na lamang na hindi na inilantad dahil sa hindi na kailangan pa batay sa karunungan ng Allâh (I).

Katiyakan, dumating sa inyo mula sa Allâh (I) ang isang liwanag at malinaw na Aklat, na ito ay ang Banal na Qur’ân.

16. Ginagabayan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng malinaw na Aklat na ito, ang sinumang sumunod sa Kanyang kagustuhan tungo sa daan ng kaligtasan at kapayapaan; at dahil sa Kanyang kagustuhan, sila ay inialis mula sa kadiliman ng pagtanggi at di-paniniwala tungo sa liwanag ng paniniwala; at sila ay ginabayan Niya sa Kanyang Matuwid na Relihiyon.

17. Katiyakan, tumanggi at hindi mananampalataya ang mga Kristiyanong nagsasabi; na ang Allâh (I) ay si ‘Al-Masih Ibnu Maryam.’ Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga Kristiyano na hindi inabot ng tunay na kaalaman: “Kung si Al-Masih ay ‘Ilâh’ (diyos na sinasamba) [37] na katulad ng kanilang pag-aangkin, samakatuwid ay kaya niyang pigilin ang anumang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na kamatayan kapag ito ay dumating sa kanya, ganoon din sa kanyang ina at sa lahat ng mga tao sa daigdig, subali’t walang pag-aalinlangan, namatay na ang kanyang ina at hindi man lamang niya napigilan ang kamatayang dumating sa kanyang ina; at ganoon din, na kapag dumating sa kanya ang kamatayan ay hindi rin niya ito mapipigilan; dahil silang dalawa ay mga alipin lamang na kabilang sa mga alipin ng Allâh (I), na walang kakayahan na ilayo ang kanilang mga sarili sa kamatayan; at ito ang katibayan na siya ay tao [38] na katulad din ng mga anak ni Âdam (u).”

Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga Kristiyano: “Sino kung gayon ang magkakaroon ng kahit na katiting na kapangyarihan laban sa Allâh (I) kapag winasak Niya ang Messiah na anak ni Maryam (na si Hesus), ang kanyang ina at ang lahat ng mga yaong nasa kalupaan nang magkakasabay?”

At Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng mga nilikha sa mga kalangitan at ang mga nasa kalupaan, nililikha Niya ang anuman na Kanyang nais, at Siya ay ‘Qadeer’ – ang Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.

Na kung gayon, ang tunay na paniniwala sa nag-iisang Tagapaglikha ay pagpapatunay na ang Allâh (I) ay Nag-iisa at Namumukod-Tangi sa lahat ng Kanyang katangian bilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at ‘Ilâh’ – Diyos na sinasamba; at sa bagay na ito ay wala Siyang katambal na sinuman mula sa Kanyang nilikha.

At karamihan sa mga nangyayaring ‘Shirk’ (pagtatambal o pagsamba ng iba) at pagkaligaw ng mga tao, ay dahil sa kanilang labis na paggalang sa mga Propeta at mga taong mabubuti; na katulad ng ginawa ng mga Kristiyano kay `Îsã (Hesus u).

At dahil sa ang buong sanlibutan ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) at ang paglikha ay bukod-tangi na para lamang sa Kanya; na kung kaya, ang anumang lumilitaw na mga himala at mga palatandaan ay nagmula sa Allâh (I), sapagka’t nilikha at ginagawa Niya ang anuman na Kanyang ninanais, at Siya ay Ganap na Makapangyarihan sa lahat.


18. Inangkin ng mga Hudyo at mga Kristiyano, na sila ay mga anak ng Allâh (I) at Kanyang mga minamahal; sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kung gayon, bakit kayo parurusahan ng Allâh (I) sa inyong mga kasalanan? At kung kayo nga ay Kanyang mga minamahal ay hindi Niya kayo parurusahan, bagkus ang Allâh (I) ay hindi Siya nagmamahal maliban sa sinumang sumunod lamang sa Kanya.” At sabihin mo sa kanila: “Hindi kayo mga anak ng Allâh (I) at hindi rin kayo ang mga minamahal Niya! Kundi kayo ay mga nilikha lamang na katulad din ng sinumang nagmula sa mga angkan ni Âdam (u).”
Kapag kayo ay nakagawa ng kabutihan, ang igaganti sa inyong pagiging mabuti ay kabutihan din (magandang gantimpala), at kapag kayo naman ay nakagawa ng kasamaan ang igaganti rin sa inyo ay kasamaan; subali’t pinatatawad Niya at pinarurusahan ang sinuman na Kanyang nais.

At Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng kaharian sa mga kalangitan, at sa kalupaan at sa anuman na nasa pagitan ng mga ito; at sa Kanya magbabalik ang lahat. At maghuhukom sa pagitan ng Kanyang mga alipin, at tutumbasan Niya ang bawa’t isa ng anumang karapat-dapat na para sa kanya.

19. O kayo na mga Hudyo at mga Kristiyano! Katiyakan na dumating sa inyo ang Aming Sugong si Muhammad (r), upang linawin sa inyo ang katotohanan at gabay, pagkatapos ng pansamantalang pagkakatigil sa ipinadalang magkakasunod na mga Sugo – na ito ay pagitan niya (Muhammad r) at ni `Îsã (u); nang sa gayon ay hindi ninyo ikakatwiran na hindi dumating sa amin ang tagapagdala ng magandang balita at tagapagbabala, wala kayong ikakatwiran pagkatapos siyang naipadala sa inyo; at katiyakan na dumating sa inyo mula sa Allâh (I) ang Sugong nagbibigay ng magandang balita sa sinumang naniwala sa Kanya at nagbibigay (din) ng babala sa sinumang lumabag sa Kanya.

At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, na kaya Niyang parusahan ang sinumang lumabag, at gantimpalaan ang sinumang sumunod.
20. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong sinabi ni Mousâ (Moises u) sa kanyang sambayanan: “O kayong mga angkan ni Isrâ`îl! Alalahanin ninyo ang kagandahang-loob sa inyo ng Allâh (I), noong Siya ay nagpadala mula sa inyo ng mga Propeta at ginawa Niya kayong mga hari, na nangangasiwa sa inyo pagkatapos ng pagiging alipin ninyo kay Fir`awn (Pharaon) at sa kanyang mga tauhan, at katiyakan na pinagkalooban Niya kayo ng iba’t ibang biyaya na hindi pinagkaloob kaninuman sa inyong kapanahunan.

21. “O aking sambayanan, pumasok kayo sa banal na kalupaan – na ito ay ang ‘Baytul Maqdis’ at ang mga nakapalibot doon, na siyang ipinangako ng Allâh (I) sa inyo na ito ay inyong mapapasok; at makipaglaban sa sinuman na mga walang pananampalataya na naroroon at huwag kayong aatras sa pakikipaglaban sa mga taong malalakas na yaon; kung hindi ay wala kayong mapapalang kabutihan dito sa daigdig at sa kabilang buhay.”

22. Sinabi nila: “O Mousâ (u), walang pag-aalinlangan na naroroon ang mga matatapang at malalakas na tao; na kung kaya, hindi namin kayang makipaglaban sa kanila; at kailanman ay hindi kami papasok doon hangga’t naroroon pa rin sila, at kapag umalis na sila ay saka pa lamang kami papasok.”

23. Sinabi ng dalawang kalalakihang kabilang sa kanila na mga may takot sa Allâh (I) na sila ay biniyayaan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya at sa Kanyang Propeta, mula sa mga angkan ni Isrâ`îl: “Lusubin na ninyo ang mga matatapang at malalakas na tao sa pamamagitan ng pagpasok sa pintuan ng kanilang lunsod para maisagawa ninyo ang ipinag-utos, at kapag kayo ay nakapasok na sa pintuan ay matatalo na ninyo sila; at sa Allâh (I) lamang kayo magtiwala kung kayo ay tunay na naniniwala sa Kanyang Sugo, sa anumang dala-dala niya sa inyo; at kung kayo ay sumusunod sa Kanyang batas.”


24. Sinabi ng sambayanan ni Mousã (u): “Kailanman ay hindi kami papasok sa lunsod na yaan hangga’t nandiyan pa ang matatapang na mga tao; na kung kaya, ikaw ang pumunta at ang iyong ‘Rabb’ – at kayong dalawa ang makipaglaban; at kami ay uupo na lamang dito at di makikipaglaban.” At ito ay pagpupumilit mula sa kanila sa paglabag kay Mousâ (u).
25. At humarap si Mousã (u) sa kanyang ‘Rabb’ na nananalangin: “O aking ‘Rabb!’ Ang kaya ko lamang ay ang aking sarili at ang aking kapatid; na kung kaya, ihiwalay Mo kami mula sa mga naghimagsik at sumuway sa Iyo.”

26. At sinabi ng Allâh (I) sa Kanyang Propeta na si Mousã (u): “Katiyakan, ang pagpasok sa banal na lugar ay ipagbabawal sa kanila na mga Hudyo, sa loob ng apatnapung taon; na sila ay gagala-gala sa kalupaan na walang patutunguhan. Na kung gayon, huwag kang malungkot, O Mousâ (u), sa mga taong lumabag at naghimagsik sa Aking kagustuhan.”

27. Isalaysay mo, O Muhammad (r) sa mga angkan ni Isrâ`îl, ang kuwento hinggil sa dalawang anak ni Âdam (u) na sina Qabîl (Cain) at si Hâbîl (Abel); at ito ang makatotohanang pangyayari, noong nag-alay ang bawa’t isa sa kanila para ihandog sa Allâh (I); at tinanggap ng Allâh (I) ang alay ni Hâbîl dahil sa malinis ang kanyang kalooban, samantalang hindi Niya tinanggap ang kay Qabîl dahil hindi malinis ang kalooban nito. Sa ganito, kinainggitan at kinamuhian ni Qabîl ang kanyang kapatid at kanyang sinabi: “Papatayin kita!” At tumugon naman si Hâbîl: “Ang tinatanggap lamang ng Allâh (I) ay alay mula sa sinumang natatakot sa Kanya.”

28. At sinabi ni Hâbîl bilang pagpapayo sa kanyang kapatid: “Kapag nagbuhat ka ng kamay laban sa akin upang ako ay iyong patayin, kailanman ay hindi mo ako makikitang gagawin yaon sa iyo, dahil ako ay may takot sa Allâh (I) na Siyang ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”

29. “Katiyakan, nais ko na ikaw ang magpapasan ng kasalanan ng pagpatay sa akin ganoon din ang iyong mga kasalanan, pagkatapos ay magiging kabilang ka sa mananatili sa Impiyerno, at yaon ang kabayaran ng mga mapang-api, kriminal.”

30. Samakatuwid, naging kaiga-igaya kay Qabîl na patayin niya ang kanyang kapatid, na kung kaya, napatay niya ito at naging kabilang siya sa mga talunan, na ipinagpalit niya ang Kabilang-Buhay sa makamundong buhay.

31. Noong napatay ni Qabîl ang kanyang kapatid, hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin sa bangkay nito; kaya nagpadala ang Allâh (I) ng uwak, na kinahig ang lupa at pagkatapos ay inilibing ang isang uwak na namatay; nang sa gayon ay maituro kay Qabîl kung paano niya ililibing ang bangkay ng kanyang kapatid; at namangha si Qabîl at kanyang sinabi: “Hindi ko ba kayang gawin ang katulad ng ginawa ng uwak na ito para itago ang bangkay ng aking kapatid?” At doon inilibing ni Qabîl ang kanyang kapatid, at pinarusahan siya ng Allâh (I) ng pagdadalamhati, pagkatapos siya ay bumalik na dala-dala ang kapighatian.


32. At dahil sa krimen ng pagpatay na ito ay ipinag-utos Namin sa mga angkan ni Isrâ`il bilang batas, na ang sinumang makapatay ng tao nang walang sapat na kadahilanan na katulad ng ‘Qisas’ o hindi kaya’y magkakalat ng kasamaan sa kalupaan sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa batas ng Allâh (I); ang katumbas nito ay para siyang pumatay ng lahat ng sangkatauhan dahil sa idudulot nitong malaki at masidhing kaparusahan mula sa Allâh (I).
At katiyakan ang sinumang nagligtas ng isang buhay ay para siyang nagligtas ng buong sangkatauhan, dahil ang pangangalaga sa karapatan at sa karangalan ng isang tao ay katumbas ng pangangalaga sa mga karapatan at karangalan ng lahat ng sangkatauhan.

At katiyakan, dumating sa mga angkan ni Isrâ`il ang Aming mga Sugo kalakip ang mga katibayan at mga palatandaan na nagpapatunay sa pagiging totoo ng kanilang panawagan tungo sa paniniwala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at pagsasakatuparan ng anumang ipinag-utos sa kanila.

Subali’t ang karamihan sa kanila na mga pinadalhan ng mga Sugo ay sadyang nilabag ang batas ng Allâh (I) pagkatapos dumating sa kanila ang mga ito, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinagbawal ng Allâh (I) at di-pagsunod sa Kanyang mga ipinag-utos.

33. Ang kaparusahan sa mga naghimagsik laban sa Allâh (I), at lantaran ang kanilang paghahamon ng labanan sa Allâh (I), at sinasalungat nila ang batas ng Allâh (I) at batas ng Kanyang Sugo, at gumagawa sila ng mga kasamaan sa kalupaan sa pamamagitan ng pagpatay ng may buhay at pangangamkam sa mga pagmamay-ari ng iba. Ang kaparusahan sa kanila ay kamatayan o di kaya’y pagpako sa kanila kasama ang pagpatay; o di kaya ay puputulin ang kanilang kanang kamay at kaliwang paa na magkabila, at kapag hindi siya nagbago at nagpatuloy pa rin siya sa kanyang pamiminsala, samakatuwid pagkatapos nito ay puputulin naman ang kanyang kaliwang kamay at kanang paa; o di kaya sila ay palalabasin sa kanilang bansa at ikukulong sa piitan pagdating nila sa bayan na kanilang patutunguhan hanggang sa mapatunayang sila ay nagsisi.

At ito ang kaparusahan na inihanda ng Allâh (I) sa mga naghihimagsik laban sa Kanya, na ito ay pagpapahamak dito sa daigdig, at ang para sa kanila sa Kabilang Buhay ay masidhing kaparusahan kapag sila ay hindi nakapagsisi.

34. Maliban sa sinumang sumuko mula sa mga naghimagsik laban sa Allâh (I), bago ninyo siya nahuli o nahulog sa ilalim ng inyong kapangyarihan na hindi ninyo siya tinutugis at napaliligiran, kundi siya ay dumating nang kusa at nagsisisi, kung gayon, mapapawalang-sala siya sa anumang kasalanan na kanyang nagawa sa Allâh (I).

Samakatuwid, dapat ninyo mabatid, O kayong mga naniniwala, na ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

35. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Katakutan ninyo ang Allâh (I), at magsumamo kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya at pagsasagawa ng anumang kalugud-lugod sa Kanya; at makipaglaban kayo sa mga kumakalaban sa Relihiyon ng Allâh (I) (I) nang sa gayon ay makamtan ninyo ang tagumpay na Kanyang mga Hardin (‘Al-Jannat’).

36. Katiyakan, ang mga yaong tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas; kahit na mapasakanila pa ang lahat ng nasa kalupaan at ang iba pa na katumbas nito; at pagkatapos ay ipangtutubos nila ang mga ito sa kanilang mga sarili sa Araw ng Muling Pagkabuhay mula sa kaparusahan ng Allâh (I), hindi ito tatanggapin ng Allâh (I) sa kanila; at ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan.


37. Aasamin ng mga walang pananampalataya na sana ay makalabas sila sa Impiyerno dahil sa kalagiman na kanilang natatamasa roon; subali’t walang anumang kaparaanan upang ito ay mangyari sa kanila (na sila ay makalabas doon); at ang para sa kanila ay kaparusahang walang katapusan.
38. Ang nagnakaw na lalaki at nagkanaw na babae, putulin ninyo, O kayong mga namumuno, ang kanilang kamay ayon sa batas bilang parusa sa kanila sa nagawa nilang pagnakaw sa kayamanan ng mga tao na wala silang karapatan, at bilang kaparusahan upang pigilin ng Allâh (I) sa pamamagitan nito ang iba pa sa kanila na gagawa ng katulad ng kanilang ginawa. Ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Azeez’ – Kataas-taasan at Punung-puno ng Karangalan na Makapangyarihan sa Kanyang mga Kaharian, at ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pag-aatas at pagbabawal.

39. At sinuman ang nagsisi pagkatapos niyang magnakaw at itinuwid niya ang lahat ng kanyang mga gawain; walang pag-aalinlangan, tatanggapin ng Allâh (I) sa kanya ang kanyang pagsisisi. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

40. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), na ang Allâh (I) ang Lumikha ng lahat ng mga bagay at Nangangasiwa at Nagmamay-ari nito; at katiyakan, na ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais, pinarurusahan Niya ang sinuman na Kanyang nais at pinatatawad Niya ang sinuman na Kanyang nais, at Siya ay ‘Qadeer’ –Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay?

41. O Sugo ng Allâh! Huwag kang magdalamhati sa mga nag-uunahan sa pagtanggi sa iyong pagiging Propeta mula sa mga mapagkunwari – na sila ay ang mga yaong ipinakikita sa panlabas ang Islâm samantalang walang paniniwala ang kanilang mga puso; dahil walang pag-aalinlangan, Ako ang tutulong sa iyo laban sa kanila.

At huwag ka ring magdalamhati sa mabilis na pagtanggi ng mga Hudyo sa iyong pagiging Propeta, dahil sila ay mga tao na nakikinig lamang sa kasinungalingan at ang tinatanggap lamang nila ay ang pagsisinungaling ng kanilang mga Paham; at ang sinusunod nila ay ibang mga tao na hindi dumalo sa pagpupulong at pagbibigay ng mga katuruan mo, at sila ang mga yaong nagbago o nagpalit ng mga salita ng Allâh (I) pagkatapos nila itong maintindihan, at kanilang sinasabi:

“Kapag dumating sa inyo ang katuruan mula kay Muhammad (r) na sinasang-ayunan ang anumang aming binago at pinalitan na nagmula sa batas ng ‘Tawrah,’ ay sundin ninyo ito; subali’t kapag ang dumating sa inyo na nagmula sa kanya ay salungat doon sa aming binago at pinalitan ay iwasan ninyo ito at huwag ninyo itong tanggapin at huwag ninyo itong susundin.”

At sinuman ang ninais ng Allâh (I) na maligaw, [39] kailanman ay hindi mo magagawa, O Muhammad (r), na maialis siya mula roon (sa pagkaligaw na yaon) at hindi ka na magkakaroon pa ng kakayahan na siya ay mapatnubayan.

Katiyakan, hindi ninais ng Allâh (I) na linisin ang kanilang mga puso, sila na mga mapagkunwari at mga Hudyo, mula sa dungis ng pagtanggi at di-paniniwala; at ang para sa kanila ay kapahamakan at kahihiyan dito sa daigdig at sa kabilang buhay na para sa kanila ay masidhing kaparusahan.


42. Sila na mga Hudyo, pinagsama nila ang pakikinig sa kasinunga-lingan at ang pagkain ng mga ipinagbabawal; at kapag sila ay dumating sa iyo para magsakdal, alinman sa dalawa, hatulan mo sila o di kaya ay pabayaan mo sila; at kapag hindi mo sila hinatulan, kailanman ay hindi ka nila maipapahamak, subali’t kung ikaw ay maghahatol sa kanila, hatulan mo sila nang makatarungan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga makatarungan.
43. Nakagugulat ang ginagawa ng mga Hudyo, dahil sa sila ay nagpapasakdal sa iyo, O Muhammad (r), gayong hindi naman sila naniniwala sa iyo at maging sa Aklat na dala-dala mo; samantalang sa ‘Tawrah’ na pinaniniwalaan nila ay nandoroon ang batas ng Allâh (I); magkagayunpaman pagkatapos mo silang hatulan ay tumatalikod sila kapag hindi sila nasiyahan sa ginawa mong paghatol – pinagsama nila ang ginawa nilang pagtanggi sa kanilang batas at pagtanggi sa iyong paghatol. Gayong hindi ganoon ang pag-uugali at katangian ng mga naniniwala sa Allâh (I), sa iyo at sa anuman na ipinasiya mo sa kanila.

44. Katiyakan, Kami ang nagpahayag ng ‘Tawrah,’ na kung saan nakapaloob doon ang gabay mula sa pagkaligaw; at mga paliwanag sa mga batas na pinaniwalaan at isinakatuparan ng mga Propetang nagpasailalim sa batas ng Allâh (I), na sila (Sugo) ay ipinadala sa mga Hudyo at hindi sila lumabas sa batas nito at hindi nila ito binago.

At isinakatuparan din ito ng mga relihiyosong Hudyo at ng kanilang mga Paham sa pamamagitan ng pagpapangaral nila nito sa mga tao ayon sa batas ng Allâh (I), dahil ipinagkatiwala sa kanila ng kanilang mga Propeta ang pagpapahayag (pagpapalaganap) ng ‘Tawrah’ at pagkaunawa sa Aklat ng Allâh (I) at pagpapatupad nito.

At ang mga relihiyosong Hudyo at mga Paham ang mga testigo sa kanilang mga Propeta, na ipinatupad nila sa mga Hudyo ang Aklat ng Allâh (I). At sinasabi ng Allâh (I) sa mga paham na mga Hudyo at sa mga relihiyoso mula sa kanila: “Huwag kayong matakot sa mga tao sa pagpapatupad ng Aking batas, dahil sila ay walang kakayahan na mabigyan kayo ng kapakinabangan o di kaya ay ipahamak kayo; sa halip ay Ako ang inyong katakutan dahil Ako ang nagbibigay ng kapakinabangan at nagsasanhi rin ng kapahamakan. Huwag ninyong ipagbili ang aking mga talata sa napakaliit na halaga sa pamamagitan ng pagtanggap ng suhol bilang kapalit ng pag-iwas ninyo sa pagpapatupad ng Aking ipinahayag.”

At ang mga yaong pinalitan nila ang batas ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Kanyang Aklat, inilihim, tinanggihan at sa halip ay nagpatupad sila ng ibang batas ay sila ang mga walang pananampalataya.

45. At ipinag-utos Namin sa kanila sa ‘Tawrah:’ ang batas ng buhay sa buhay, mata sa mata, ilong sa ilong, tainga sa tainga, ngipin sa ngipin, at mga sugat katumbas ng mga sugat; subali’t ang sinumang nagpatawad at ipinagsawalang-bahala na lamang niya ang kanyang karapatan na ganti sa taong nakapinsala sa kanya, (na samakatuwid) yaon ay nakabubura sa ilang mga kasalanan ng pininsala (biktima).

At sinuman ang hindi humatol ayon sa inihayag ng Allâh (I) na batas ng ‘Qisas’ at iba pa, sila samakatuwid ay mga ‘Dzâlimûn’ – lumabag sa hangganang batas na itinakda ng Allâh (I).


46. Sa mga magkakasunod na mga Propeta mula sa angkan ni Isrâ`il ay ipinadala Namin si `Îsã bin Maryam (Hesus anak ni Maria u), na pinaniniwalaan niya kung ano ang nasa ‘Tawrah,’ na pinatutupad niya ang anuman na naroroon na hindi nabago, sa pamamagitan ng kanyang Aklat; at ipinahayag Namin sa kanya ang ‘Injeel’ (Ebanghelyo) bilang patnubay tungo sa katotohanan; at pagpapahayag sa mga bagay na hindi pa batid ng mga tao mula sa batas ng Allâh (I); at nagpapatotoo sa ‘Tawrah’ at sa anuman na niloloob nito na mga batas; na ito ay ginawa Namin bilang pagpapahayag sa mga yaong mayroong takot sa Allâh (I) at bilang babala na rin sa kanila upang hindi sila magsagawa ng mga ipinagbabawal.
47. Hayaan ng mga taong tagasunod ng ‘Injeel,’ na kung saan sa kanila’y ipinadala si `Îsã (Hesus u), na ipatupad ang batas ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Aklat na yaon. At sinuman ang hindi makapagpapatupad ng batas na ipinahayag ng Allâh (I), sila sa katotohanan ang mga lumabag sa Kanyang kautusan at naghimagsik.

48. Ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang Banal na Qur’ân, na ang lahat ng niloloob nito ay makatotohanan; at tumitestigo at pinapatotohanan nito ang mga naunang Aklat, na ang mga ito ay nagmula sa Allâh (I); at (ang Qur’ân na) ito ay nangingibabaw sa naunang mga Aklat at nagpapatotoo at bilang tagapangalaga sa mga naunang kasulatan.

Kung gayon, ipatupad mo sa mga nagpapasakdal sa iyo mula sa mga Hudyo, ang anumang ipinahayag sa iyo ng Allâh (I), na nasa Banal na Qur’ân; at huwag kang lumihis sa katotohanang ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo tungo sa kanilang mga pagnanasa at sa kanilang mga maling kinaugalian.

Walang pag-aalinlangan, gumawa Kami sa bawa’t sambayanan ng kanilang batas, at malinaw na pamamaraan na kanilang sinusunod. At kung ninais lamang ng Allâh (I) ay gagawin Niya ang mga batas ninyo na isa lamang; subali’t pinag-iba-iba Niya ang mga ito upang subukin kayo at palitawin sa pamamagitan nito ang tunay na sumusunod mula sa lumalabag.
Kung gayon, mag-unahan kayo sa pagsagawa ng anumang bagay na makabubuti sa inyo dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, sa pamamagitan ng pagpapatupad sa anumang nasa Banal na Qur’ân. At walang pag-aalinlangan, kayo ay patungo sa Allâh (I), at Kanyang isasaysay sa inyo ang anumang hindi ninyo pinagkasunduan. At tutumbasan Niya ang bawat isa ayon sa kanyang nagawa.

49. Na kung kaya, hukuman mo ang mga Hudyo, O Muhammad (r), ayon sa kung ano ang ipinahayag sa iyo na Qur’ân; at huwag mong sundin ang pagnanasa ng mga nagpapahatol sa iyo, at balaan mo sila hinggil sa pagharang na ginawa nila sa ilang mga ipinahayag sa iyo ng Allâh (I), para hindi mo ito maisagawa; at kapag sila ay tumanggi sa anumang inihatol mo, dapat mong mabatid na ang Allâh (I) ay Siyang nagnais na ilayo sila sa patnubay dahil sa kanilang mga nagawang kasalanan. At katiyakan, karamihan sa mga tao ay lumabag at hindi sumusunod sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

50. Inaasam-asam ba nila na mga Hudyo, na ipatupad mo sa kanila ang batas na nakaugalian ng mga ‘Mushrikun’ (naglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh o sumasamba sa mga rebulto, santo, imahen at iba pa bukod sa Allâh) mula sa kanilang pagkaligaw at mga kamangmangan? Sino pa ba kung gayon ang higit na makatarungan kaysa sa Allâh (I) sa Kanyang binalangkas o isinagawang batas, para sa sinumang nakaiintindi ng batas mula sa Allâh (I) at kanyang pinaniniwalaan at siya ay nakatitiyak.

51. O kayong mga naniwala! Huwag ninyong ituring ang mga Hudyo at mga Kristiyano bilang kaanib at tagapag-tanggol laban sa mga mananampalataya; dahil sila ay walang pagmamalasakit sa mga mananampalataya, sapagka’t sila lamang na mga Hudyo ang mga nagma-mahalan sa isa’t isa at ganoon din ang mga Kristiyano, at ang dalawang grupo ay nagkakasundo sa pakikipag-laban sa inyo, gayong kayo, O mga mananampalataya, ang higit na karapat-dapat na nagtutulungan sa isa’t isa. At sinuman sa inyo, samakatuwid, ang makipag-tulungan sa kanila, siya na nakipagtulungan ay magiging kabilang sa kanila at ituturing siyang katulad nila. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan ang mga tao na mga masasama na nakiki-pagtulungan sa mga walang pananampalataya.

52. Ikinukuwento sa inyo ng Allâh (I) ang tungkol sa grupo ng mga mapagkunwari, na sila ay nagmamadali sa pakikipagkaibigan sa mga Hudyo dahil sa pag-aalinlangan at pagbabalatkayo sa kanilang mga puso, na kanilang sinasabi: “Kaya lamang naman kami nakipagkaibigan sa kanila dahil nangangamba kami na malupig nila ang mga Muslim at madadamay kami.”

Sinabi ng Allâh (I) bilang pagpapayo: “Maaaring ipagkakaloob Niya ang tagumpay na tulad ng pagkapanalo nila sa Makkah; at tutulungan Niya ang Kanyang Propeta, at papapanalunin Niya ang Islâm at ang mga Muslim, laban sa mga walang pananampalataya; o di kaya ay magtatakda Siya ng mga pangyayari na magpapahina sa mga Hudyo at mga Kristiyano upang sila ay mapasailalim sa mga Muslim, at sa pagkakataong yaon ay magdurusa ang mga mapagkunwari dahil sa kinimkim nila sa kanilang mga puso na pakikipagsabwatan sa kanila (na mga Hudyo).”

53. At doon, sasabihin ng ilan sa mga mananampalataya sa iba, bilang pagtataka sa mga nangyari sa mga mapagkunwari kapag nalantad na ang kanilang mga ginawa: “Sila ba ang yaong sumumpa ng mabigat na sumpaan na sila ay kabilang sa atin?” Nawalan ng saysay ang mga nagawang kabutihan ng mga mapagkunwari dito sa daigdig, at wala rin silang gantimpala dahil sa ang kanilang gawain ay hindi nagmula sa tamang paniniwala; na kung kaya, sila ay naging mga talunan dito sa daigdig at ganoon din sa Kabilang-Buhay.

54. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Sinuman sa inyo ang tatalikod sa kanyang ‘Deen’ (na ‘Al-Islâm’) at ito ay papalitan niya ng Judaismo o di kaya ay Kristiyanismo o di kaya ay iba pa. Kailanman ay hindi nila makakanti ang Allâh (I) at walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay lilikha ng panibagong mga tao na higit pa kaysa sa kanila, na sila ay mamahalin ng Allâh (I) at mamahalin (din) nila ang Allâh (I), at sila ay maawain at mapagkumbaba sa mga mananampalataya, at mga matatag laban sa mga walang pananampalataya, at makikipaglaban sa mga kalaban ng Allâh (I) at wala silang katatakutan na sinuman bukod sa Allâh (I).

Ganito ang pagbibiyaya ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob, na ito ay ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais; at ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang kagandahang-loob sa mga pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, at ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang karapat-dapat sa mga ito mula sa Kanyang mga alipin.

55. Ang inyong tagapagtanggol, O kayo na mga mananampalataya, ay ang Allâh (I), ang Kanyang Sugo; at ang mga mananampalataya na pinangangalagaan nila ang kanilang mga obligadong ‘Salâh,’ at nagbibigay ng ‘Zakâh’ na bukal sa kanilang kalooban, at sila na mga isinusuko ang kanilang buong sarili sa Allâh (I).

56. At sinuman ang nagtiwala sa Allâh (I) – na ginawa niyang tagapangalaga at tagapagtaguyod ang Allâh (I), ang Kanyang Sugo at ang mga mananampalataya; samakatuwid, siya ay magiging kabilang sa grupo ng Allâh (I), at ang grupo ng Allâh (I) ay siyang magtatagumpay at magwawagi.

57. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong ituring na mga kaibigan, tagapagtanggol at tagapangalaga ang mga yaong nangungutya at nagtatawa sa inyong ‘Deen’ mula sa mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) at sa mga ‘Kuffar’ (walang pananampalataya). Katakutan ninyo ang Allâh (I), kung kayo ay talagang tunay na naniniwala sa Kanya at sa Kanyang batas.


58. At kapag nanawagan na ang tagapagtawag ng ‘Salâh,’ kayo, O mga naniniwala ay kinukutya at hinahamak nila ang pagtawag ninyo tungo sa pagsasagawa ng ‘Salâh’ – na sila ay yaong mga Hudyo, mga Kristiyano at mga pagano; at ito ay ginagawa nila dahil sa kanilang kamangmangan, at sa hindi nila pagkakakilala sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at dahil sa hindi nila naiintidihan ang batas ng Allâh (I) hinggil sa pagsamba sa Kanyang Kaisahan.
59. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na nanglalait mula sa mga angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at mga Kristiyano): “Ang anumang nakikita ninyo sa amin na (akala ninyo ay) kapintasan o kakulangan ay sa katotohanan ito ay kapurihan para sa amin dahil sa ito ay nagmula sa aming paniniwala sa Allâh (I), sa Kanyang mga Aklat na ipinahayag sa amin at sa sinuman na nauna sa amin na mga mananampalataya; at sa aming paniniwala na ang karamihan sa inyo ay nasa labas ng Matuwid na Landas dahil sa kanilang paghihimagsik at pagsuway sa Allâh (I).”

60. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga mananampalataya: “Gusto ba ninyong sabihin ko sa inyo kung sino ang kabilang sa makalalasap ng matinding kaparusahan, nang higit pa kaysa sa kanila na mga ‘Fâsiq’ (naghimagsik at sumuway sa Allâh) sa Araw ng Muling Pagkabuhay? Sila ay ang mga yaong nauna sa inyo (na mga tao) na isinumpa at inilayo ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa; at kinamuhian sila at ginawang mga hayop ang kanilang mga anyo, na sila ay ginawang mga unggoy at mga baboy; dahil sa kanilang paglabag, pagsisinungaling at pagmamataas; at ganoon din, ang ilan sa kanila ay mga sumasamba sa mga ‘Tâghût’ (mga huwad na sinasamba, lahat ng mga sinasamba bukod sa Allâh), at walang pag-aalinlangan, napakasama ng kanilang magiging katayuan sa Kabilang-Buhay, at naligaw ang kanilang landas dito sa daigdig mula sa Matuwid at Tamang Landas.”

61. At kapag dumating sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang mga mapagkunwari na mga Hudyo, kanilang sinasabi: “Naniwala kami,” samantalang patuloy pa rin sila sa kanilang paglabag. Katiyakan, pumasok sila sa inyo na walang paniniwala sa Allâh (I) sa kanilang mga puso at lumabas din sila nang ganoon; at ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang kanilang mga inililihim kahit iba ang kanilang ipinakikita sa panlabas.

62. At nakikita mo, O Muhammad (r), ang karamihan sa mga Hudyo na nagmamadali sa kanilang paglabag at pagsasagawa ng mga kasalanan, na tulad ng pagsisinungaling, paghihimagsik laban sa batas ng Allâh (I), at pangangamkam sa mga kayamanan ng mga tao nang hindi makatarungan; walang pag-aalinlangan, napakasama ng kanilang nagawa at ang kanilang paghihimagsik.

63. Bakit hindi pagbawalan ng kanilang mga pinuno at ng kanilang mga paham ang mga yaong nagmamadali sa pagsasagawa ng mga kasalanan at paglabag; ganoon din sa kanilang pagsisinungaling at pangangamkam ng mga kayamanan ng tao nang hindi makatarungan, katiyakan na napakasama ng kanilang nagawa noong umiwas sila sa pagbabawal ng masama?

64. Ipinakikita ng Allâh (I) sa Kanyang Propeta ang ilan sa mga pagkakasala ng mga Hudyo, na sinasabi nila nang palihim lamang sa kanilang mga sarili na: “Ang dalawang Kamay ng Allâh (I) ay nakatali sa pagsagawa ng kabutihan; at nagmaramot sa amin sa pagbigay ng kabuhayan at kasaganaan nito, na ito ay yaong nangyari noon na tagtuyot at taggutom.” Nawa’y ang kanilang mga kamay ang nakatali sa paggawa ng kabutihan, at isinumpa sila ng Allâh (I) at inilayo mula sa Kanyang awa dahil sa kanilang sinabi. At ang katotohanan ay hindi ang katulad ng kanilang ibinibintang laban sa Allâh kanilang ‘Rabb,’ bagkus ang Kanyang dalawang Kamay ay nakalahad nang malawak at walang sinuman ang kumukontrol nito upang pigilin sa Kanyang pamamahagi) dahil Siya ay ganap ang Kanyang Kabaitan na namamahagi o nagkakaloob Siya ayon sa Kanyang ‘Hikmah’ (karunungan) at sa anumang nakabubuti sa Kanyang mga alipin.

Ang ‘Âyah’ (o talatang) ito ay pagpapatunay, na ang Allâh (I) ay mayroong dalawang kamay na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan at Kadakilaan, na wala itong kahalintulad na alinman (o tinatawag na ‘Tasbih’) at pati sa kung papaano ang pagiging gayon nito [40] (o tinatawag na ‘Takiyif’).

Subali’t patuloy lamang na nadaragdagan ang kanilang paglabag at pagtanggi dahil sa kanilang panibugho at pagkainggit, sapagka’t pinili ka ng Allâh (I) (O Muhammad (r) sa paghahayag ng Kanyang mensahe. At ipinapahayag ng Allâh (I) na ang mga grupo ng mga Hudyo ay patuloy na maglalaban-laban sa isa’t isa hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay; at sa tuwing sila ay magpapakana laban sa mga Muslim sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ‘Fitnah’ (paninira) at pagsisiklab ng apoy ng paglalaban-laban ay ibinabalik ito sa kanila ng Allâh (I), at pinagwawatak-watak sila; at magpapatuloy ang mga Hudyo sa paggawa ng mga paglabag sa Allâh (I) na magdudulot ng mga katiwalian at pagkasira sa ibabaw ng kalupaan. At ang Allâh (I), hindi Niya naiibigan ang mga gumagawa ng kasamaan.

65. At kung ang mga Hudyo at mga Kristiyano ay naniwala lamang sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at umiwas sa ipinagbabawal ng Allâh (I); ay patatawarin sila ng Allâh (I) sa kanilang mga kasalanan at papapasukin sila sa mga Hardin ng kaligayahan sa Kabilang-Buhay.
66. At kung sinunod lamang nila at isinagawa ang anumang niloloob ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel, ’ at ang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r) na Banal na Qur’ân; ay bibiyayaan sila sa lahat ng pagkakataon at ibababa Namin sa kanila ang ulan at patutubuin Namin ang mga butil, na ito ay gantimpala rito sa daigdig. Subali’t mayroon sa mga nagtatangan ng kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano, ang grupo na mga matutuwid at matatag sa katotohanan, nguni’t ang karamihan sa kanila ay masasama ang mga ginagawa at ligaw mula sa Matuwid na Landas.

67. O ikaw, Muhammad na Sugo ng Allâh! Iparating mo ang rebelasyon na ipinahayag sa iyo mula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kapag ikaw ay nagkulang sa iyong pagpaparating ng mensahe at inilihim mo ang ilan sa mga ito; samakatuwid, hindi mo talagang naiparating ang mensahe ng iyong ‘Rabb.’

Subali’t katiyakan, ipinarating ni Muhamamad ang kabuuan ng mensahe ng kanyang ‘Rabb,’ at sinuman ang nagbibintang na inilihim niya ang ilan sa anumang ipinahayag sa kanya; walang pag-aalinlangan, siya na nagbibintang ay nakagawa ng matinding pagsisinungaling laban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.

At ang Allâh (I) ay pinangangalagaan ka, O Muhammad (r); at tinutulungan ka laban sa iyong mga kalaban at wala kang tungkulin kundi iparating lamang ang mensahe. Katiyakan, ang Allâh (I), hindi Niya ginagabayan ang sinumang lumihis sa Daan ng Katotohanan at tumanggi sa anuman na iyong dinala mula sa Allâh (I).
68. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga Hudyo at mga Kristiyano: “Katiyakan, wala kayong mapapala na anuman mula sa ‘Deen’ hangga’t hindi ninyo sinusunod ang anumang nilalaman ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ at ang dala sa inyo ni Muhammad (r) na Qur’ân. At katiyakan, karamihan sa mga nagtatangan ng kasulatan (na mga Hudyo at mga Kristiyano) ay walang napala sa pagkakapahayag ng Qur’ân kundi pagmamataas at pagtanggi, at kinainggitan ka nila dahil sa ipinadala ka ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagkapahayag Niya sa iyo ng kahuli-hulihang mensahe, na siyang naglantad ng kanilang mga kasiraan; na kung kaya, huwag kang magdalahamti sa kanilang di-paniniwala sa iyo.”

69. Katiyakan, ang mga yaong naniwala, at saka yaong mga Hudyo, at saka yaong mga ‘Sabi`in’ – na ang ibig sabihin ng mga ‘Sabi`in’ ay yaong mga tao na nasa kalagayan ng ‘Fitrah’ (na tama ang kanilang paniniwala subali’t wala silang partikular o natatanging relihiyon na sinusunod), at saka yaong mga Kristiyano na tunay na sumusunod kay `Îsã (Hesus u); na sinumang naniwala sa Allâh (I) mula sa kanila nang buong paniniwala, na ito ay ang paniniwala kay Muhammad (r) at sa kung ano ang kanyang dala-dala at naniwala sa Kabilang-Buhay, gumawa ng mabuting gawa; ay wala silang katatakutan sa Araw ng Muling Pagkabuhay at wala silang dapat ipangamba sa anuman na kanilang naiwan sa daigdig.

70. Katiyakan, gumawa Kami ng matibay na kasunduan sa mga angkan ni Isrâ`îl ayon sa ‘Tawrah’ ng pakikinig at pagsunod, at nagpadala Kami ayon sa kasunduang yaon ng Aming mga Sugo, subali’t sinira nila ang kasunduang yaon, at sa halip ang sinunod nila ay ang kanilang mga sariling pagnanasa.

At sa tuwing may darating sa kanila na Sugo, na ayaw nila ang dala-dala nitong katuruan ay kakalabanin nila ito. Na kung kaya, hindi nila pinaniniwalaan ang iba sa kanilang mga Sugo at ang iba naman ay pinapatay nila.


71. At iniisip ng mga lumabag na sila ay hindi parurusahan ng Allâh (I) bilang kabayaran ng kanilang pagsuway at pagtanggi; na kung kaya, patuloy sila sa pagsunod sa kanilang pagnanasa. Samakatuwid, sila ay binulag mula sa patnubay at naging bingi na walang kakayahang marinig ang katotohanan, na kung kaya, hindi nila ito napakinabangan; na dahil sa ganoong kadahilanan ay ipinadala ng Allâh (I) ang Kanyang kaparusahan sa kanila at saka pa lamang sila nagsisi pagkatapos noon, at pinatawad naman sila ng Allâh (I) nguni’t pagkatapos muli noon ay naging bulag at naging bingi na naman ang karamihan sa kanila pagkatapos na maging malinaw sa kanila ang katotohanan.

At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita na Nababatid Niya ang lahat ng kanilang mga ginagawa, na walang anuman ang naililihim sa Kanya, mabuti man ito o masama. At sila ay tutumbasan Niya ayon sa pagkakabatid na ito.

72. Sumusumpa ang Allâh (I) na ang mga yaong nagsasabing: “Ang Allâh (I), Siya ay si Al-Masih (ang Messiah – Kristo Hesus u) na anak ni Maryam (Maria), ay walang pag-aalinlangan, sila ay lumabag at naging walang pananampalataya dahil sa mga salita nilang ito.”

Gayong ipinahayag ng Allâh (I) na sinabi ni ‘Al-Masih’ sa mga angkan ni Isrâ`îl: “Sambahin ninyo ang Allâh (I) na Nag-iisa at Bukod-tangi, na Siya ay walang katambal, na ako at kayo ay pareho sa pagiging alipin at pagsamba sa Allâh (I).”

Katiyakan, ang sinumang sasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay ipinagbawal sa kanya ng Allâh (I) ang ‘Al-Jannah’ (Hardin), at inilaan sa kanya ang Impiyerno na kanyang patutunguhan, at walang sinuman ang makatutulong sa kanya para makaligtas mula roon (sa Impiyernong yaon) .

73. Katiyakan, itinuturing na hindi mananampalataya mula sa mga Kristiyano ang sinumang nagsabing: “Ang Allâh (I) ay kabilang sa tatlong persona: na ito ay ang ama, ang anak at ang banal na espiritu.” Hindi ba alam ng mga Kristiyano na walang sinuman ang nararapat sambahin ng mga tao kundi ang Bukod-Tangi at Nag-iisa lamang, na hindi nanganak at hindi ipinanganak.

At kapag hindi tumigil ang mga nagsasabi nito sa kanilang pag-aangkin at pagsisinungaling ay darating sa kanila ang masidhing kaparusahan dahil sa paglabag nila sa Allâh (I).

74. Hindi ba sila na mga Kristiyano ay nagnanais na manumbalik sa Allâh (I), at magsisi sa kanilang maling pag-aangkin, at hilingin nila ang kapatawaran sa Allâh (I)? Sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga nagsisisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

75. Si ‘Al-Masih’ (ang Messiah – Kristo Hesus u) na anak ni Maryam (Maria) ay hindi hihigit sa pagiging Sugo, at maraming mga Sugo ang nauna kaysa sa kanya. At ang kanyang ina ay naniwala nang may ganap na pagtitiwala, at silang dalawa ay katulad ng sinumang tao na nangangailangan ng pagkain, at hindi kailanman maaaring maging ‘ilâh’ (diyos na sinasamba) ang sinumang nangangailangan ng pagkain para mabuhay. Na kung gayon, pagmasdan mo, O Muhammad (r), ang katayuan nila na mga walang pananampalataya.

Walang pag-aalinlangan, ipinaliwanag Namin ang mga palatandaan na nagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I); at walang saysay ang kanilang inaangkin laban sa mga Propeta ng Allâh. At bukod pa roon, sila ay naligaw mula sa katotohanan na iginagabay Namin sa kanila,

Na kung kaya, pagmasdan mong muli kung papaano silang lumihis mula sa katotohanan pagkatapos ng pagkakapahayag na ito?

76. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga walang pananampalataya: “Paano ninyo sinasamba ang iba bukod sa Allâh (I), na hindi man lang kayo kayang ipahamak, at lalong hindi niya kayo kayang bigyan ng kapakinabangan? At ang Allâh (I), Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa sinasabi ng Kanyang mga alipin, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng kanilang mga kalagayan.”


77. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga Kristiyano: “Huwag kayong magmalabis sa katotohanan hinggil sa inyong paniniwala kay Al-Masih `Îsã Ibnu Maryam (Kristo Hesus na Anak ni Maria u), huwag ninyong sundin ang inyong pagnanasa na katulad ng pagsunod ng mga Hudyo sa kanilang pagnanasa hinggil sa kanilang relihiyon, na dahil doon ay napunta sila sa pagkaligaw at itinulak nila ang karamihan na mga tao tungo sa paglabag sa Allâh (I), at lumabas sila sa Matuwid na Landas patungo sa Daan ng Pagkaligaw.”
78. Ipinapahayag ng Allâh (I), na Kanyang isinumpa at inilayo sa Kanyang awa ang mga walang pananampalataya mula sa angkan ni Isrâ`îl, na ito ay nakasaad sa Aklat na Kanyang ipinahayag kay Dâwood (Propeta David u) na ‘Az-Zabour’ at ganoon din sa Aklat na Kanyang ipinahayag kay `Îsã (Hesus u) na ‘Al-Injeel’ (Ebangheliyo), dahil sa kanilang katapangan na lumabag at gawin ang mga ipinagbabawal ng Allâh (I).

79. Sila na mga Hudyo ay inilalantad nila ang kanilang paglabag at ito ay kanila pang ikinasisiya; at hindi nila pinagbabawalan sa isa’t isa ang kanilang mga sarili hinggil sa mga masasama na kanilang ginagawa, at ito ang napakasama nilang pag-uugali at dahil dito sila ay karapat-dapat sa sumpa ng Allâh (I).

80. Makikita mo, O Muhammad (r), na karamihan sa kanila na mga Hudyo ay itinuturing ang mga ‘Mushrikin’ bilang kanilang kaanib. At napakasama ang pakikipag-anib na ginawa nila sa mga ‘Mushrikin,’ na naging sanhi ng pagkapoot ng Allâh (I) laban sa kanila; at pagpapanatili nila sa kaparusahan ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

81. At kung sila na mga Hudyo na nakikipagtulungan sa mga ‘Mushrikin’ ay naniwala lamang sa Allâh (I), at sa Kanyang Propetang si Muhammad (r) at pinaniwalaan ang anumang ipinahayag sa kanya na Banal na Qur’ân; ay hindi nila maituturing ang mga walang pananampalataya bilang kaanib at tagapagtaguyod; subali’t ang karamihan sa kanila ay naghimagsik at lumabag sa Allâh (I), at sa Kanyang Sugo.

82. Walang pag-aalinlangan na makikita mo, O Muhammad (r), ang taong napakatindi ang kapootan sa mga mananampalataya ay ang mga Hudyo; na kinakalaban nila ang mga yaong naniniwala sa iyong pagka-Propeta at sumusunod sa iyo; dahil sa kanilang paghihimagsik, pagmamatigas at pagtanggi sa katotohanan.

At ganoon din ang mga yaong nagtatambal o sumasamba sa iba bukod sa Allâh (I) – ‘Mushrikin,’ na tulad ng mga sumasamba sa mga rebulto at iba pa.

At makikita mo naman ang pinakamalapit sa kanila na mga mananampalataya, sa pagmamahal ay ang mga yaong nagsasabing: “Kami ay mga Kristiyano,” dahil mayroon sa kanila ang maalam sa kanilang Relihiyon, na hindi nila labis na pinapahalagahan ang makamundong buhay, at tapat na sumasamba sa kanilang mga bahay-dalanginan, at sila ay mapagkumbaba at hindi nagmamataas sa pag-amin ng katotohanan; at sila ang mga yaong tinanggap ang mensahe ni Propeta Muhammad (r) at kanilang pinaniwalaan.
83. At ang tanda ng kanilang pagmamahal sa mga mananam-palataya ay noong mayroong isang grupo mula sa kanila na taga-Abyssinia na narinig ang Banal na Qur’ân, ay umapaw ang kanilang mga luha sa kanilang mga mata; na tiniyak nila na ang kapahayagang yaon ay katotohanang nagmula sa Allâh (I).

At sila ay naniwala, sumuko sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo; at hiniling nila ang karangalan sa pamamagitan ng pagtestigo na kasama ang sambayanan ni Propeta Muhammad (r) sa mga sambayanan sa Araw ng Muling pagkabuhay.

84. At kanilang sinabi: “Paano tayo sisisihin sa ating paniniwala sa Allâh (I) at sa paniniwala natin sa katotohanang dinala sa atin ni Muhammad (r) mula sa Allâh (I) at sa pagsunod natin sa kanya. At hinihiling natin sa ating ‘Rabb’ na tanggapin Niya tayo sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin), kasama ng mga yaong sumunod sa Kanya, sa Araw ng Muling Pagkabuhay?”

85. Na kung kaya, ginantimpalaan sila ng Allâh (I) ng mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga puno, dahil sa ikinararangal nilang sabihin ang kanilang paniniwala sa Islâm, at sa kanilang paghiling na mapabilang sila sa mga taong mabubuti, na sila ay mananatili roon, na hindi na sila lalabas pa roon magpakailanman at hindi na sila aalisin pa roon, at ito ang naging kapalit ng kanilang pagiging mabuti sa salita at gawa.

86. At sa mga yaong tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) at pinasinungalingan ang Kanyang mga talata na ipinahayag sa mga Sugo, sila ang mga taong maninirahan sa Impiyerno at doon sila mananatili magpasawalang-hanggan.

87. O kayong mga naniwala sa Allâh (I)! Huwag ninyong ipagbabawal ang mga mabubuting ipinahintulot sa inyo ng Allâh (I) na mga pagkain, mga inumin at pag-aasawa ng mga kababaihan; dahil mahihigpitan ninyo ang anumang niluwagan ng Allâh (I) para sa inyo. At huwag kayong magmamalabis sa pamamagitan ng paglabag sa hangganang pagbabawal na itinakda ng Allâh (I); dahil ang Allâh (I), hindi Niya naiibigan ang mga nagmamalabis.

88. Magsaya kayo, O kayong mga mananampalataya sa pamamagitan ng mga mabubuti (malilinis) at mga ipinahihintulot sa inyo mula sa mga ipinagkaloob ng Allâh (I); katakutan ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal, dahil ang paniniwala sa Allâh (I) ay magdudulot sa inyo ng tunay na pagkatakot.

89. Hindi kayo parurusahan ng Allâh (I), O kayong mga Muslim, sa mga hindi ninyo sinasadyang panunumpa na katulad ng pagsabi ng iba sa inyo na: “Hindi! Sumusumpa ako sa Allâh (I)” o “Oo! Sumusumpa ako sa Allâh (I),” subali’t parurusahan kayo sa mga sinadya ninyong panunumpa na totoo sa inyong mga puso.

Kapag hindi ninyo natupad ang pangako na may kasamang panunumpa, mapatatawad ito ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ipinag-utos sa inyo ng Allâh (I) bilang panghalili na kabayaran: na pagpapakain ng sampung mahihirap, na sa bawa’t mahirap ay kalahating salop (isa’t kalahating kilo) mula sa pangkaraniwang kinakain sa inyong lugar; o di kaya ay damitan ninyo ang bawa’t isa nang sapat na kasuotan; o di kaya ay magpalaya kayo ng isang alipin. Sa tatlong bagay na ito pipili ang isang nangako na may kasamang panunumpa na hindi niya natupad. At sinuman ang hindi makakayanan na gawin ang kahit na ano sa mga ito, ay obligado sa kanya ang mag-ayuno ng tatlong araw. Ito ang mga panghalili sa di-natupad na mga sinumpaang pangako.

Pangalagaan ninyo, O kayong mga Muslim, ang inyong mga sinumpaang pangako: sa pamamagitan ng pag-iwas ng panunumpa; o di kaya ay pagtupad nito kapag kayo ay sumumpa; o di kaya ay pagsagawa ng panghalili nito kapag ito ay hindi ninyo natupad.

At katulad ng ginawang pagpapahayag ng batas ng Allâh (I) sa inyo hinggil sa sinumpaang pangako at sa pagkalas mula rito; ay ipinapahayag Niya sa inyo ang mga batas ng Kanyang Relihiyon upang magpasalamat kayo sa Kanya sa Kanyang paggabay sa inyo tungo sa Matuwid na Landas.


90. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Katiyakan, ang ‘Al-Khamr’ na ito ay ang lahat ng mga nakalalasing na bagay na sinasarahan ang pag-iisip; at ang ‘Al-Maysir’ – pagsusugal na kasama rito ang lahat ng uri ng pustahan at ang katumbas ng lahat ng ginagawa na may pustahan sa magkabilang panig; at hina-hadlangan ang mga tao sa pagpuri sa Allâh (I).
Ganoon din ang ‘Al-Anzab’ – isang altar na bato na itinuturing na sagrado na kung saan doon nila isinasagawa ang pagkatay ng mga hayop bilang pagdakila sa altar na yaon, at ang lahat ng uri ng mga inanyuang bagay na itinayo para sambahin.

At ang ‘Al-Azlâm’ – mga uri ng pana na itinuturing na sagrado ng mga walang pananampalataya, na bago sila magpasiya ng isang bagay o bago nila itigil ang isang bagay ay isinasagawa muna nila ito. Isusulat nila sa bawa’t pana ang kanilang mga ipapasiya, at pagkatapos ay pipili sila ng isa mula rito, at kung ano ang nakasulat doon sa napili nilang pana ay yaon ang ipapasiya nila.

Katiyakan, ang lahat ng mga bagay na ito ay kasalanang mula sa mga panghalina ni ‘Shaytân,’ na kung kaya, layuan ninyo ang mga kasalanang ito nang sa gayon ay magtagumpay kayo ng ‘Al-Jannah’ (Hardin).

91. Katiyakan, ang nais lamang ni ‘Shaytân’ ay pagandahin sa inyo ang mga kasalanan, upang pukawin ang inyong poot sa isa’t isa, at maglaban-laban kayo sa pamamagitan na mga nakalalasing na inumin, at paglalaro ng mga sugal; at ilalayo kayo sa pagpuri sa Allâh (I) at sa pagsa-‘Salah,’ dahil sa pagkasara ng inyong mga kaisipan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga nakakalasing at sa walang kabuluhan na pagkakaabala ninyo sa pagsusugal; na kung kaya, itigil ninyo ang mga ito.

92. Sumunod kayo, O kayong mga Muslim sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r), sa lahat ng inyong mga gawain at saka sa dapat ninyong iwasan; at katakutan ninyo ang Allâh (I) at maging maingat kayo sa inyong mga ginagawa, at kapag kayo ay tumalikod sa pagsunod at ginawa ninyo ang mga ipinagbabawal sa inyo, dapat ninyong mabatid na ang tungkulin lamang ng Aming Sugo na si Muhammad (r) ay magpahayag sa pinakamalinaw na pamamaraan.

93. Walang kasalanan ang mga may pananampalataya na nakainom ng mga nakalalasing bago ito ipinagbawal, at pagkatapos ay iniwasan nila ito at natakot sila sa pagkapoot ng Allâh (I) at naniwala sila sa Kanya; at gumawa sila ng mga mabubuting gawa na nagpapatunay ng kanilang paniniwala, at sa kanilang pag-aasam na mahalin sila ng Allâh (I); na hinigitan pa nila ang kanilang pagiging maingat nang alang-alang sa Allâh (I) at ang kanilang paniniwala sa Kanya, hanggang sa sambahin nila ang Allâh (I) sa pamamaraan na may katiyakang paniniwala sa kanilang isipan na parang nakikita nila ang Allâh (I) dahil sa labis nilang pagsunod sa lahat ng Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa lahat ng Kanyang mga ipinagbabawal. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga yaong umabot ang antas ng kanilang paniniwala sa ‘Ihsan,’ na ang kanilang paniniwala sa di-nakikita ay naging katulad ng paniniwala sa nakikita

94. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Walang pag-aalinlangan na susubukin kayo ng Allâh (I) habang kayo ay nakasuot ng ‘Ihrâm’ sa isang bagay na katulad ng pangangaso – lumalapit sa inyo nang hindi inaasahan ang maiilap na hayop, o di kaya ay mga ibon na kaya ninyong hulihin ang mga maliliit nito kahit na wala kayong sandata at ang mga malalaki nito sa pamamagitan ng paggamit ng sandata; nang sa gayon, maipabatid ng Allâh (I) sa mga tao ang sinumang natatakot sa kanyang ‘Rabb’ nang lihim, dahil sa kanilang tiyak na paniniwala na ang Allâh (I) sa kabuuan ay katiyakang Nakababatid ng lahat; na dahil dito ay iiwasan nila ang pangangaso sapagka’t sila ay nasa kalagayan ng ‘Ihrâm.’

At sinuman ang lalabag sa batas ng Allâh (I) pagkatapos itong maipaliwanag na ito ay ipinagbabawal at gumawa pa rin ng pangangaso, walang pag-aalinlangan siya ay karapat-dapat sa masidhing kaparusahan.

95. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag kayong pumatay ng mga maiilap na hayop habang kayo ay nasa kalagayan ng ‘Ihrâm,’ sa ‘Hajj’ man o `Umrah. At sinuman ang pumatay ng kahit na anong uri ng maiilap na hayop, na ito ay sinadya; ang kabayaran na kanyang gagawin ay mag-aalay siya ng katulad ng bilang na kanyang napatay na mailap na hayop mula sa mga sumusunod na hayop: kamelyo, baka o kaya ay kambing, na ito ay pagpapasiyahan ng dalawang matutuwid na tao mula sa inyo, at ito ay ipamamahagi niya sa mga mahihirap sa ‘Haram’ (sa Makkah o kaya ay sa mga lugar na nasasakupan nito).

At kapag wala siyang matagpuan na kahit na alinman sa mga nabanggit na hayop ay nararapat sa kanya na bumili ng pagkain na ang halaga ay katumbas ng isa sa mga nabanggit na hayop, at pagkatapos ito ay kanyang ipamamahagi sa mga mahihirap sa ‘Haram;’ o di kaya ay mag-ayuno siya bilang panghalili roon, na sa bawa’t kalahating salop ay isang araw na pag-aayuno.

Ito ang ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo bilang kabayaran, nang sa gayon ay matamo ng sinuman sa inyo na nakagawa nito ang kabayaran sa kanyang ginawa. At sinuman ang nakagawa ng alinman sa mga nabanggit bago ito ipinagbawal ng Allâh (I) ay pinatawad na sila, at sinuman ang sadyang lalabag nito matapos itong ipinagbawal; walang pag-aalinlangan, haharap siya sa paghihiganti ng Allâh (I). At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian at kabilang sa Kanyang kapangyarihan ay ang paghihiganti Niya sa sinuman na lalabag sa Kanya batay sa Kanyang kagustuhan at walang sinuman ang makapipigil sa Kanya.


96. Ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo, O kayong mga Muslim, habang kayo ay nasa kalagayan ng ‘Ihrâm,’ ang mangisda o manghuli ng mga anumang nabubuhay sa karagatan at pagkain mula sa mga anumang namatay mula rito; na ito ay para sa kapakinabangan ninyo sa inyong mga sarili, nasa sa inyu-inyo man kayong mga bayan o kayo ay nasa paglalakbay; magkagayunpa-man, ipinagbabawal sa inyo ang pangangaso sa kalupaan habang kayo ay nasa kalagayan ng ‘Ihrâm,’ ‘Hajj’ man ito o ‘`Umrah.’
At katakutan ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod o pagsagawa sa lahat ng Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa lahat ng Kanyang ipinagbabawal, hanggang sa makamtan ninyo ang Kanyang dakilang gantimpala at maligtas kayo mula sa Kanyang matinding kaparusahan sa Araw na kayo ay titipunin upang hukuman at pagbabayarin.

97. Pinagkalooban ng Allâh (I) ng kagandahang-loob ang Kanyang mga alipin sa pamamagitan ng pagsagawa ng ‘Ka`abah’ bilang Sagradong Tahanan (ng pagsamba sa Allâh I), na ito ay kabutihan sa kanilang Relihiyon at kaligtasan sa kanilang pamumuhay dahil sa naniwala sila sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at isinagawa nila ang mga kautusan, at sa pagbabawal ng Allâh (I) ng paglalaban-laban at pagpapatayan sa mga Sagradong Buwan (na ito ay ang mga buwan ng ‘Dhul Qa`dah,’ ‘Dhul Hijjah,’ ‘Muharram’ at ‘Rajab’).

Na kung kaya, hindi maaaring galawin o saktan ng sinuman ang mga naroroon (sa ‘Haram’ na yaon), at ipinagbabawal din na pakialaman ang mga dinalang hayop na inilaan para sa pag-aalay sa lugar ng ‘Haram;’ at ganoon din sa mga hayop na may mga nakasabit na kuwintas sa mga leeg nito bilang tanda na ito ay inihahanda para katayin bilang ‘Hadi’ o pag-aalay (sa Allâh I);

At ito ay upang mabatid ninyo na ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam ng mga nasa kalangitan at ng nasa kalupaan, at kabilang dito ay ang Kanyang pag-aatas ng pangangalaga sa Kanyang nilikha at pagiging maingat sa isa’t isa. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay at walang anuman ang maililihim sa Kanya.

98. Dapat ninyong mabatid, O kayong mga tao, na ang Allâh (I) ay matindi sa Kanyang pagpaparusa sa sinumang lalabag sa Kanya; at katiyakan din na ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang nagsisi at nagbalik-loob.

99. Ipinaliliwanag ng Allâh (I), na ang tungkulin ng Kanyang Sugo na si Muhammad (r) ay pagpaparating lamang ng mensahe at paghahayag, at nasa Kamay ng Allâh (I) na Nag-iisa ang paggagabay; at kung anuman ang nasa kalooban ng mga tao na kanilang inililihim o inilalantad na gabay o pagkaligaw, ay ganap ito na Nababatid ng Allâh (I).

100. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Hindi maaaring magkatulad ang mga maruruming bagay at saka ang mga malilinis na bagay sa lahat ng pagkakataon. Na kung kaya, hindi maaaring magkatulad ang mananampalataya at ang walang pananampalataya; at ang sumusuway ay hindi maaaring maging katulad ng sumusunod; ang mangmang ay hindi maaaring maging katulad ng marunong; ang gumagawa ng ‘Ka-bid`ah-an’ ay hindi maaaring kaparehas ng sumusunod sa ‘Sunnah;’ at ang yaman na mula sa ilegal ay hindi maaaring kaparehas ng yaman na kinita mula sa tamang pamamaraan; kahit na kaiga-igaya sa iyo, O tao, ang dami ng masasama at ang mga gumagawa nito.”

Na kung kaya, katakutan ninyo ang Allâh (I), O kayo na mga nagtatangan ng mga matitinong pag-iisip sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kasamaan at pagsasagawa ng mga kabutihan, nang sa gayon makamit ninyo ang dakilang tagumpay na inyong hinahangad, na ito ay ang pagmamahal ng Allâh (I) at pagkakamit ng Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin).

101. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag na ninyong itanong ang mga bagay na tungkol sa ‘Deen’ kung walang anumang ipinag-utos hinggil dito; katulad ng pagtatanong sa mga bagay na hindi pa nangyari, o di kaya ay ang mga bagay na kapag nangyari ay magiging dahilan ng paghihigpit sa batas, na kung ito ay iuutos sa inyo ay mahihirapan kayo, na kung ito ay itinanong ninyo noong kapanahunan ng Propeta, sa panahong ipinapahayag pa ang Banal na Qur’ân, ay katiyakang ipaliliwanag ito sa inyo; at maaaring ito ay iutos sa inyo subali’t ito ay hindi ninyo makakayanan, na kung ito ay pinabayaan na ng Allâh (I) ay sa kadahilanang bilang awa Niya sa Kanyang mga alipin.

At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin kapag sila ay nagsisi, na ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa at hindi Siya nagpaparusa kapag sila ay nanumbalik sa Kanya.
102. At ang katulad ng mga ganitong katanungan ay naitanong na ng mga naunang tao sa kanilang mga Sugo, subali’t noong sila ay inutusan, ay tumanggi sila at hindi sila sumunod; na kung kaya, maging maingat kayo upang hindi kayo mapatulad sa kanila.

103. Hindi iniutos ng Allâh (I) sa mga ‘Mushrikin’ ang ginawa nilang pagbabago sa ‘Deen’ o Relihiyon, hinggil sa mga hayop na hindi nila pinakikinabangan ang mga bahagi nito at ito ay iniaalay nila sa mga rebulto, na tulad ng ‘Bahĩrah’ (na ito ay isang babaing kamelyo na pinuputulan ng tainga kapag ito ay nanganak nang marami at ang gatas nito ay iniaalay sa mga idolo at walang sinuman ang pinahihintulutan na maggatas nito); at ang ‘Sã-`i-bah’ (na ito ay isang babaing kamelyo na malayang pinakakawalan sa pastulan na inilalaan para sa pag-aalay sa mga idolo, at hindi ito pinahihintulutan na magpasan o magkarga ng kahit na ano); at ang ‘Wasĩlah’ (na isang babaing kamelyo na pinakawalan para sa mga idolo dahil sa nanganak ito ng dalawang magkakasunod na panganganak na babaing kamelyo); at ang ‘Hãm’ – (na ito naman ay isang lalaking kamelyo na bibigyang-laya at hindi na gagamitin sa mga gawain, kapag nakapagpanganak ito ng maraming kamelyo batay sa itinakda nilang bilang para rito).

Subali’t ang mga walang pananampalataya, inaangkin nila na ito ay mula sa Allâh (I) bilang pagsisinungaling laban sa Kanya, at karamihan sa mga walang pananampalataya ay hindi nila nakikilala ang katotohanan mula sa kasinungalingan.
104. At kapag sinabi sa kanila, na mga walang pananampalataya na nagbabawal sa mga ipinahintulot ng Allâh (I): “Halina sa ipinahayag ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo nang sa gayon ay maging malinaw sa inyo ang ipinahintulot sa ipinagbawal.” Kanilang sasabihin, “Sapat na sa amin ang anumang natutunan namin sa aming mga magulang na mga salita at gawa, sinasabi ba nila ito kahit na ang kanilang mga magulang ay walang kaalam-alam, na ang ibig sabihin ay hindi nila naintindihan ang katotohanan, hindi nila ito alam at hindi sila nagabayan tungo rito? At paano nila sinusunod ang kanilang magulang kung ganito ang situwasyon (o kalagayan)? Kung gayon, walang sinuman ang sumusunod sa kanila (na ligaw) kundi siya na higit pa ang pagiging kamangmangan at pagkaligaw kaysa sa kanila.”

105. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Panatilihin ninyo ang inyong mga sarili sa pagsagawa ng ipinag-utos ng Allâh (I) at pag-iwas sa paglabag sa Kanya; at kayo ay manatili rito kahit na ang mga tao ay hindi maniniwala (o susunod) sa inyo; at kung ito ay inyong nagawa ay hindi kayo mapapahamak sa pagkaligaw ng mga naligaw, kung kayo ay nanatili sa Matuwid na Landas at ipinag-utos ninyo ang pagsagawa ng mabuti at ipinagbawal ang pagsagawa ng masama. Kayong lahat ay patungo sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, at sasabihin ng Allâh (I) sa inyo kung anuman ang inyong nagawa at ayon dito (sa inyong ginawa) kayo ay tutumbasan.

106. O kayo na naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag malapit na ang kamatayan ng isa sa inyo, ay magpatestigo siya sa kanyang habilin sa pamamagitan ng dalawang mapagkakatiwalaan mula sa mga Muslim o kaya ay dalawang di-Muslim kung kinakailangan dahil sa walang sinumang Muslim ang nandoroon na maaaring tumestigo; patestiguhin ninyo silang dalawa kapag kayo ay nasa paglalakbay at nangyari sa inyo ang pagkamatay, at kung nag-aalinlangan kayo sa kanilang testigo ay patayunin ninyo sila pagkatapos ng ‘Salâh’ (dasal), lalung-lalo na pagkatapos ng ‘Salâtul `Asr’ at pasusumpain silang dalawa sa Allâh (I) nang taimtim na hindi sila tatanggap ng anuman bilang kapalit ng makamundong bagay, at hindi papanig ang sinuman sa kanilang dalawa dahil sa pagiging kamag-anak at hindi nila ililihim ang testigong ginawa nila sa harapan ng Allâh (I); at kapag nagawa o nilabag nilang dalawa ito, sila kung gayon ay mapapabilang sa mga makasalanan.

107. At kapag napag-alaman ng pamilya ng namatay, na ang dalawang nabanggit ay nagkasala dahil sa pagsira nila sa kasunduan na kanilang pinagtestiguhan o di kaya ay sa habilin; maglagay ng panibagong testigo na ipapalit sa kanilang lugar (puwesto) mula sa pamilya noong namatay at pasumpain ang dalawang yaon nang ganito: “Ang testigo namin ay totoo at karapat-dapat na tanggapin kaysa sa testigo na kasinungalingan noong dalawa, at hindi namin lalampasan ang katotohanan sa aming pagtestigo, kung kami ay lalampas at titestigo kami nang wala sa katotohanan ay magiging kabilang kami sa mga ‘dzâlimin’ na lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I).”

108. Ito ang batas na panunumpa na ginagawa pagkatapos ng ‘Salâh’ kapag may pag-aalinlangan sa pagtestigo ng dalawang nauna na hindi tinanggap ang kanilang pagtestigo, ang pinakamalapit sa pagsasagawa ng pagtestigo sa katotohanan sa sinumang natatakot sa kaparusahan sa Kabilang-Buhay, o di kaya ay nangangamba na baka tanggihan ng mga may karapatan ang di-totoong panunumpa ng mga sumumpa at mapahiya ang nagsinungaling kapag tinanggihan ang kanyang panunumpa sa oras na ibinunyag ang kanyang pandaraya.

Katakutan ninyo ang Allâh (I), O kayong mga tao at maging maingat kayo sa Kanya sa pamamagitan ng di-panunumpa ng kasinungalingan, dahil baka makakuha kayo ng kayamanan na ‘Haram’ [41] sa pamamagitan ng inyong panunumpa, pakinggan ninyo samakatuwid, ang mga ipinayo sa inyo. At ang Allâh (I), hindi Niya ginagabayan ang mga taong ‘Fâsiqin’ (mga sumuway at naghimagsik).


109. At alalahanin ninyo, O kayong mga tao ang Araw ng Muling Pagkabuhay, ang Araw na kung saan titipunin Niya ang lahat ng mga Sugo at tatanungin sila kung ano ang naging tugon ng kanilang mga sambayanan, noong sila ay hinikayat nila sa Kaisahan ng Allâh (I). At sila ay sasagot: “Wala kaming alam dahil kami, hindi namin batid kung ano ang nasa kalooban ng mga tao at kung ano ang kanilang ginawa pagkatapos namin. Katiyakan! Ikaw, O Allâh (I), ang Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, nakalantad man ito o lihim.”
110. (Tandaan) kapag sasabihin ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O `Îsã (Hesus u) na anak ni Maryam (Maria)! Alalahanin mo ang Aking kagandahang-loob sa iyo, noong nilikha kita na walang ama at noong pinili Ko ang iyong ina kaysa sa lahat ng mga kababaihan sa buong sangkatauhan, at siya ay ipinagtanggol Ko laban sa anumang ibinibintang sa kanya;

“At kabilang sa mga kagandahang-loob na ito kay `Îsã (u) ay ang pagkakaloob sa kanya ng lakas at tulong sa pamamagitan ni Anghel Jibril (u), ang pagsasalita niya sa mga tao noong siya ay isang batang sanggol pa lamang; at noong siya ay nasa husto nang gulang, na sila ay hinikayat niya tungo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng anumang inihayag sa kanya ng Allâh (I) na hinggil sa ‘Tawheed’ (Kaisahan ng Allâh I);

“At kabilang din (sa kagandahang-loob na ito), ay tinuruan siya ng Allâh (I) ng pagsulat nang walang (taong) tagapagturo, at pinagkalooban siya ng lakas (o kakayahan) sa pagkakaintindi at sa pagkakaunawa, at itinuro rin sa kanya ang ‘Tawrah’ na ipinahayag kay Mousâ (u) at ang ‘Injeel’ na ipinahayag sa kanya bilang gabay sa mga tao;

“At kabilang din sa mga kagandahang-loob na ito, siya ay humuhulma ng hugis ibon mula sa luwad (‘clay’) at pagkatapos ay hinihingahan niya ito at ito ay naging tunay na ibon sa kapahintulutan ng Allâh (I);
“At kabilang pa sa kagandahang-loob na ito, siya ay gumagamot ng mga ipinanganak na bulag at ito ay nakakikita; at naggagamot din siya ng sakit na ketong at nanunumbalik ang balat nito na walang maipipintas na anuman, sa kagustuhan ng Allâh (I); at kabilang din sa mga ito ay ang paghihiling niya sa Allâh (I) na bubuhayin ang anuman na nais niya na mga namatay at pagkatapos ay tumatayo ang mga ito mula sa kanilang mga libingan na mga buhay, sa kapahintulutan ng Allâh (I).

“At ang lahat ng mga bagay na ito ay pinagpasiyahan at kagustuhan ng Allâh (I), na ito ay mga maliwanag na mga himala na nagpapatunay ng pagiging Propeta ni `Îsã (u), pagkatapos ay ipinaaaalaala rin ng Allâh (I) sa kanya ang mga biyaya noong siya ay pinangalagaan ng Allâh (I) mula sa mga angkan ni Isrâ`îl noong nagpakana sila na siya ay papatayin.

“At walang pag-aalinlangan, dala-dala niya sa kanila ang mga maliwanag na mga katibayan na nagpapatunay ng kanyang pagiging Propeta; at sinabi nila na mga walang pananampalataya mula sa kanila (na mga Hudyo): “Katiyakan, ang dinala sa amin ni `Îsã (u) na mga malinaw na mga tanda ay isang malinaw na ‘Sihr’ (salamangka).”

111. At alalahanin mo pa rin ang mga biyaya Ko sa iyo (O `Îsã u), noong nagpahayag Ako sa iyo at inilagay Ko sa mga puso ng ‘Hawâriyyûn’ – piling-piling mga tao na grupo ng mga matatapat na tagasunod mo, na sila ay maniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa iyong pagiging Propeta, na sinabi nila: “Naniwala kami, O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at tumestigo Ka na kami ay sumusuko sa Iyo at nagpapasailalim sa kagustuhan Mo bilang mga Muslim.”

112. At alalahanin mo pa rin noong sinabi ng mga ‘Hawâriyyûn:’ “O `Îsã (u) na anak ni Maryam, kaya ba ng iyong ‘Rabb,’ kapag hiniling mo sa Kanya, na magpababa sa amin ng ‘Al-Mâ`i-dah’ – lamesa na may mga nakalatag na mga pagkain mula sa kalangitan?” At ang naging tugon niya ay inutusan sila na maging matakot sa parusa ng Allâh (I) kung sila ay tunay na naniniwala.

113. Sinabi ng mga ‘Hawâriyyûn:’ “Nais namin na kumain mula sa ‘Al-Mâ`i-dah’ na ito at nang sa gayon ay mapanatag ang kalooban namin kapag ito ay nakita namin at mabatid namin bilang katiyakan na totoo ka sa iyong pagiging Propeta; at kami ay magiging testigo sa palatandaang ito ng Allâh (I), na Siyang nagpadala nito bilang Kanyang katibayan para sa amin sa Kanyang Kaisahan at Kanyang Kapangyarihan, at kakayahan sa anuman na Kanyang nais; at iyong katibayan sa pagiging totoo ng iyong pagka-Propeta.”


114. Tumugon si `Îsã (u) na anak ni Maryam sa mga ‘Hawâriyyûn’ at nanalangin siya sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at nagsasabi: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb,’ padalhan Mo kami ng ‘Mâ`i-dah’ na nakahandang pagkain mula sa kalangitan; na ipagdiriwang namin ang araw ng pagbaba nito at dadakilain namin, kami at ang mga susunod pa sa amin; at ang ‘Mâ`i-dah’ ay maging tanda at katibayan mula sa Iyo, O Allâh (I), sa Iyong Kaisahan at sa pagiging totoo ng Aking pagka-Propeta; at pagkalooban Mo kami ng masaganang kabuhayan mula sa Iyo, sapagka’t Ikaw ay ‘Khayrur Râziqeen’ – ang Ganap at Pinakamabuting Tagapagkaloob ng mga kabuhayan.”
115. Sinabi ng Allâh (I): “Ako ay magpapadala sa inyo ng ‘Mâ`i-dah,’ at sinuman ang lalabag at hindi maniniwala mula sa inyo sa Aking Kaisahan at pagiging Propeta ni `Îsã (u) pagkatapos bumaba ng ‘Mâ`i-dah,’ ay walang pag-aalinlangan na parurusahan Ko siya ng masidhing kaparusahan na hindi Ko iginawad sa sinuman sa sangkatauhan.”

At walang pag-aalinlangan, ay bumaba nga ang ‘Mâ`i-dah’ na tulad ng ipinangako ng Allâh (I).

116. Alalahanin mo na sasabihin ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O `Îsã (u) na anak ni Maryam, ikaw ba, sinabi mo sa mga tao na: ‘Ituring ninyo ako at ang aking ina na dalawang sinasamba bukod sa Allâh (I)?’” Tumugon si `Îsã (u) bilang pagluwalhati sa Allâh (I): “Hindi maaaring sasabihin ko sa mga tao ang hindi totoo. Kung sinabi ko man ito, tiyak na ito ay batid Mo, dahil Ikaw ay walang maililihim sa Iyo na anuman, alam Mo kung ano ang kinikimkim ko, na kung ano ang nasa aking sarili at hindi ko alam kung ano ang nasa Iyo. Katiyakan, Ikaw ay ‘`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay na nakalantad o lihim.”

117. Sinabi ni `Îsã (u): “O Allâh na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Wala akong sinabi sa kanila kundi ang kung ano lamang ang ipinahayag Mo sa akin, at kung ano ang iniutos Mo sa akin na iparating sa kanila na paniniwala sa Kaisahan Mo at pagsamba sa Iyo, at ako ay testigo sa kanila habang ako ay kasama pa nila, tumitestigo sa kanilang mga ginagawa at kanilang mga sinasabi, subali’t noong kinuha Mo ako mula sa kalupaan at iniangat Mo ako patungo sa kalangitan na buhay, Ikaw lamang ang Nakamamasid ng anumang inililihim nila at Ikaw ay ‘Shaheed’ – Ganap na Saksi at Tagapagmatyag ng lahat ng bagay at walang anuman ang maililihim sa Iyo dito sa kalupaan at ganoon din sa kalangitan.

118. “Kung parurusahan Mo sila, O Allâh (I), sila ay mga alipin Mo, at Ikaw ang Nakaaalam ng mga katayuan nila, ginagawa Mo ang anuman na Iyong nais sa kanila, sa Iyong pagiging makatarungan; at kung magpapatawad Ka dahil sa Iyong awa sa sinuman humarap (dumulog) sa Iyo na dala-dala niya ang lahat ng kadahilanan upang siya ay mapatawad. Walang pag-aalinlangan, Ikaw ay ‘Al-`Azeez’ - ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makagagapi sa Iyo, ang ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Iyong panukala at sa Iyong pag-aatas.”

Ang ‘Âyah’ o talatang ito ay papuri sa Allâh (I) sa Kanyang pagiging Ganap na Maalam, sa Kanyang pagiging Ganap na Makatarungan, sa pagiging Kaganapan ng Kanyang Kaalaman.

119. Sasabihin ng Allâh (I) kay `Îsã (u) sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “Ito ang Araw ng Pagbabayad na makikinabang ang mga naniwala sa Kaisahan ng kanilang ‘Rabb;’ at nagpasailalim sa Kanyang batas na mga naging tapat sa kanilang layunin, mga salita at mga gawa. Para sa kanila ay mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga Palasyo nito, mananatili sila roon magpasawalang-hanggan. Kinalugdan sila ng Allâh (I) at tinanggap ang kanilang kabutihan, at (gayundin din sila) kinalugdan nila ang Allâh (I) dahil sa Kanyang pagkaloob sa kanila ng masaganang gantimpala. Ang kabayarang ito at ang pagmamahal na ito ng Allâh (I) sa kanila ay siyang dakilang tagumpay.”

120. Pagmamay-ari ng Allâh (I) na Nag-iisa na walang katambal ang mga kalangitan at ang kalupaan at ang mga nilalaman nito; at Siya, ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ang May Kakayahan na gawin ang lahat ng bagay.

No comments: