Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Hajj

22
XXII – Sûrat Al-Hajj
[Kabanata Al-Hajj –
Ang Paglalakbay (sa Banal na Tahanan ng Pagsamba sa Allâh I)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O kayong mga tao! Katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal! Katiyakan, ang mangyayari sa oras ng pagkagunaw ng daigdig ay isang matinding pagkayanig ng kalupaan na isang malagim na pangyayari at kagimbal-gimbal na pangingisay ng kalupaan dahil mabibiyak ang mga duluhan nito at ito ay isang bagay na napakasidhi na hindi kayang abutin ng sinuman kung gaano ito katindi at hindi kayang abutin ng kaisipan ang pagiging totoo nito na pangyayari.

2. Sa Araw na makikita ninyo ang pangyayaring ito, na ang isang ina na nagpapasuso ng sanggol ay makalilimutan niya ang kanyang pinasususong anak; dahil sa sidhi ng pangyayari, at mailalaglag ng nagdadalang-tao ang kanyang dala-dala dahil sa tindi ng takot, at mawawala sa sariling katinuan ang tao na iisipin mo na para silang nasa lubos na kalasingan dahil sa malagim na pangyayari at pagkatakot, gayong hindi naman sila mga lasing kundi ang nagpaalis sa kanila sa kanilang sariling katinuan ay ang sidhi ng kaparusahan.

3. Ilan sa mga namumuno sa mga tao na mga walang pananampalataya ay nagtatalu-talo at nagdududa sa kakayahan ng Allâh (I) sa pagbuhay na mag-uli; dahil sa kanilang kamangmangan sa tunay na kapangyarihan ng Allâh (I), at sa kanilang pagsunod sa mga pinuno ng pagkaligaw na mga ‘Shaytân’ na lumabag sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.
4. Pinagpasiyahan ng Allâh (I) at itinakda sa ‘Shaytân’ na ito, na katiyakang maliligaw ang sinumang susunod sa kanya at hindi Niya gagabayan sa katotohanan, sa halip siya ay kakaladkarin tungo sa kaparusahan sa Impiyerno na sinisilaban bilang kabayaran sa kanyang pagsunod kay ‘Shaytân.’

5. O sangkatauhan! Kung kayo ay nag-aalinlangan na ang Allâh (I) ay bubuhayin Niya na mag-uli ang mga namatay, samakatuwid, walang pag-aalinlangang nilikha Namin ang inyong ama na si Âdam (u) mula sa alabok, pagkatapos ay dumami ang kanyang lahi na nagmula sa ‘Nutfah,’ na ito ay semilya na nagmumula sa lalaki na nakapapasok sa sinapupunan ng babae, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Allâh (I) ito ay magiging isang ‘`Alaqah’ – mamumuo itong dugo, na isang pulang dugo na malapot, pagkatapos ang namuong dugong ito ay magiging ‘Mudhghah’ – isang laman, na ito ay isang pirasong laman na kasingdami ng isang subo na parang may mga kagat sa tagiliran – at minsan ay buo ang pagkalikha rito na magpapatuloy ito sa paglago (o paglaki) hanggang sa ito ay lalabas na isang buhay na sanggol at minsan naman ay hindi buo ang pagkalikha rito, na kung kaya, ito ay malalaglag – na sa ganito Namin nililinaw sa inyo ang kabuuan ng Aming kapangyarihan sa pagkakasunud-sunod na mga yugto ng pagkakalikha nito.

At sinanhi Namin na manatili ang mga ito sa mga sinapupunan sa anumang itinakdang panahon na Aming nais, na ito ay nabuo bilang isang nilikha hanggang sa ito ay ipanganak, na mabubuo naman ang mga yugto nito pagkasilang ng mga sanggol na magsisimula bilang mga maliliit na mga bata na unti-unting lumalaki hanggang sa maabot niya ang edad ng katatagan, na ito ay panahon ng kabataan, kalakasan at tamang pagkahubog sa kaisipan.

At mayroon sa mga sanggol ang namamatay bago pa dumating sa kanila ang ganitong kalagayan, at mayroon naman sa kanila ang lumalaki hanggang sa umabot sa matinding katandaan at pagiging ulyanin (o kahinaan ng kaisipan); na hindi na alam ng sinumang inabot ng katandaan ang mga bagay na dati niyang alam (na upang pagkatapos niyang magkaroon ng kaalaman noon ay ibinabalik siyang muli sa pagiging walang kaalaman).

At makikita mo ang kalupaan na tuyot na walang buhay na walang anumang pananim na sumisibol, subali’t kapag binuhusan Namin ng tubig-ulan ay nabubuhay na gumagalaw sa pamamagitan ng pagsibol ng mga pananim mula rito, na ito ay lumalaki at nagiging masagana ang paglago nito, at nagpapatubo ng bawa’t mabubuti’t magagandang pananim na kanais-nais sa mga paningin.

6. Ang mga nabanggit na ito ay kabilang sa mga palatandaan ng kapangyarihan ng Allâh (I), na naririto ang tiyak na katibayan ng Allâh (I) bilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na karapat-dapat na sambahin, na hindi maaaring ituon kahit kaninuman ang pagsamba kundi para sa Kanya lamang, dahil Siya ang bumubuhay ng mga namatay at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.
. At katiyakan na ang Oras ng pagkagunaw ng sandaigdigan ay darating, na ito ay walang pag-aalinlangan; at katotohanan, ang Allâh (I) ay bubuhayin Niya na mag-uli ang mga namatay mula sa kanilang mga libingan para sa paghuhukom at pagbabayad.

8-9. At mayroon mula sa mga walang pananampalataya ang nakikipagtalo hinggil sa Allâh (I), sa Kanyang Kaisahan, sa pagpili Niya sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r) at sa pagpapababa Niya ng Banal na Qur’ân; bilang kamalian ng mga yaong walang anumang kaalaman o patnubay, o isang Aklat na nagbibigay ng liwanag mula sa Allâh (I), na itinutungo niya ang kanyang leeg bilang pagmamataas, na pagtanggi sa katotohanan; upang harangan ang iba na pumasok sa ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I).

Walang pag-aalinlangan, ang para sa kanya ay kapahamakan dito sa makamundong buhay dahil sa paglantad ng kanyang kamangmangan at pagkapahiya sa kanya, at susunugin Namin siya sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa Impiyernong-Apoy.

10. Ito ang kaparusahan na para sa iyo dahil sa ginawa mong paglabag at pagkakasala, at katiyakang ang Allâh (I) ay hindi Niya parurusahan ang sinuman na walang kasalanan.

11-13. Mayroon sa mga tao na pumapasok sa Islâm na mahina at may pag-aalinlangan, na kung kaya, sinasamba niya ang Allâh (I) nang walang katiyakan, ang katulad niya ay isang tao na tumayo sa gilid ng bangin o sumandal sa pader na hindi matatag ang pagkakatayo nito, na iniugnay niya ang kanyang paniniwala sa kanyang makamundo: na kapag siya ay nabuhay na nasa kalusugan at kaginhawahan ay magpapatuloy siya sa kanyang pagsamba, at kapag nangyari naman sa kanya ang pagsubok sa mga bagay na di-kanais-nais at mga kahirapan ay isisisi niya ito sa katotohanang Relihiyon na kanyang sinunod, at siya ay tumalikod na tulad ng isang nagpakabuti at pagkatapos ay nagpakasama.

Na kung kaya, dahil sa ganitong gawain ay naging talunan siya sa makamundong buhay, dahil hindi mababago ng kanyang di-paniniwala ang anumang nakatakda sa kanya na makamundong buhay; at magiging talunan naman siya sa Kabilang-Buhay dahil sa kanyang pagpasok sa Impiyernong-Apoy. Ito ang malinaw at katiyakang pagkatalo.

Sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang talunang ito, na hindi man lamang siya maipapahamak nito kung ito ay kanyang tatalikuran, at wala rin naman siyang anumang kapakinabangan kung siya ay sasamba rito.

Ito ang napakalayong pagkakaligaw mula sa katotohanan. Nananalangin siya rito na ang kapahamakan ay mas malapit kaysa sa kanyang kapakinabangan; at katiyakan na ito ang napakasama na itinuturing na makatutulong at katiyakan na napakasamang kaibigan.

14. Walang pag-aalinlangan, papapasukin ng Allâh (I) ang mga yaong naniwala sa Kanya, sa Kanyang Sugo at nagpanatili sa ganitong paniniwala at gumawa ng mga kabutihan, sa mga hardin sa ‘Al-Jannah’ na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito.

Katiyakan, ginagawa ng Allâh (I) ang anumang Kanyang nais na gantimpala sa sinumang sumunod sa Kanya bilang kagandahang-loob, at pinarurusahan Niya ang sinumang lumabag bilang makatarungang paghatol.

15. Sinumang naniwala na ang Allâh (I) ay hindi Niya matutulungan ang Kanyang Sugo na si Muhammad (r) dito sa daigdig upang mangibabaw ang Kanyang Relihiyon, at sa Kabilang-Buhay upang iangat ang kanyang antas, at parusahan ang sinumang hindi naniwala, sinuman na ganito ang panuntunan ay hayaan niyang magsabit siya ng lubid sa itatas ng kisame ng kanyang tahanan at hayaan niyang bigtihin ang kanyang sarili. Pagkatapos ay putulin niya ang lubid na ito, at pagkatapos ay tingnan niya kung mayroon pang matitirang galit sa kanyang sarili! Katiyakan, ang Allâh (I) ay tutulong sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r), na ito ay katiyakan na walang pag-aalinlangan.

16. At kung paano itinatag ng Allâh (I) ang Kanyang mga katibayan laban sa mga walang pananampalataya na kaya Niyang buhayin na mag-uli ay ganoon din Niya ibinaba ang Banal na Qur’ân, bilang malinaw na mga palatandaan, sa mga salita at sa mga kahulugan nito.

Walang pag-aalinlangan, ginagabayan ng Allâh (I) sa pamamagitan nito ang sinuman na Kanyang nais na gabayan; dahil walang sinumang nakagagabay bukod sa Kanya.
17. Walang pag-aalinlangan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r), at ang mga yaong Hudyo, at saka mga ‘Saba`in’ – na sila ang yaong nanatili sa kanilang ‘Fitrah’ (o likas na pagkakalikha sa kanila) na wala silang natatanging sinunod na Relihiyon, ganoon din ang mga Kristiyano, at ang mga ‘Majûs’ – na sila ang mga sumasamba sa apoy, at ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na sila ang yaong sumasamba sa mga diyus-diyosan; katotohanan, ang Allâh (I) ay pagbubukud-bukurin silang lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na papapasukin Niya ang mga mananampalataya sa ‘Al-Jannah’ at ang mga walang pananampalataya naman ay sa Impiyernong-Apoy.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Shaheed’ – Saksi sa lahat ng bagay, Nakaaalam kung ano ang karapat-dapat sa bawa’t isa sa kanila na kabayaran ayon sa kanilang nagawa na Kanyang itinala para sa kanila at pinagtibay laban sa kanila.

18. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), na nagpapatirapa sa Kanya bilang pagpapakumbaba at pagsunod ang anuman na nasa kalangitan na mga anghel at ang nasa kalupaan na mga nilikha, at ang araw, buwan at ang mga bituin, mga bundok, mga puno at ang lahat ng mga gumagapang? At para sa Allâh (I) lamang nagpapatirapa ang maraming mga tao bilang pagsunod at pagkukusa, na sila ay yaong mga mananampalataya, subali’t marami sa mga tao na makatarungan ang paggagawad ng parusa sa kanila, at ang sinumang tao na ipapahamak ng Allâh (I) ay wala nang magpaparangal sa kanya. Katiyakan ang Allâh (I) ay ginagawa Niya sa Kanyang nilikha ang anumang Kanyang nais ayon sa Kanyang ‘Hikmah’ (o karunungan)
19-22. Ang dalawang grupong ito ay nagtatalu-talo hinggil sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya, ang bawa’t panig ay nag-aangkin na siya ay tama; samakatuwid ang mga yaong walang pananampalataya ay pagsusuotin sila bilang parusa ng kasuotan na gawa sa Apoy na masusunog ang kanilang mga katawan, at pagkatapos ay ibubuhos sa kanilang mga ulunan ang tubig na napakasidhi sa init, na aabot hanggang sa kaloob-looban nila na ikatutunaw ng lahat ng nasa loob nito, hanggang makarating sa kanilang mga balat at ito ay maluluto at magkakandalaglagan, at papaluin sila ng mga anghel sa kanilang mga ulo ng pamukpok na gawa sa bakal.

Sa tuwing nanaisin nilang lumabas sa Impiyerno dahil sa sidhi ng kanilang paghihirap at sa kalagiman nito ay kakaladkarin silang pabalik doon, at sasabihin sa kanila: ‘Lasapin ninyo ang masidhing parusa ng Impiyerno na nakasusunog.’

23. Katiyakan, ang Allâh (I) ay papapasukin Niya ang mga mananampalataya at gumawa ng kabutihan sa mga hardin sa ‘Al-Jannah’ na ang kanilang kasiyahan doon ay patuloy magpasawalang-hanggan, na kung saan doon ay may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, at papalamutian sila sa pamamagitan ng pagpapasuot sa kanila ng mga pulseras na gawa sa ginto at perlas, at ang kanilang mga kasuotan sa ‘Al-Jannah’ ay mga sutla, na magkatulad sa kalalakihan at mga kababaihan.
24. At sila ang tiyak na ginabayan ng Allâh (I) dito sa daigdig tungo sa mabuting salita; hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I), pagpuri at pagdakila sa Kanya, at sa Kabilang-Buhay naman ay tungo sa pagpuri sa Kanya dahil sa maganda ang pinatunguhan nila, na kung paano sila ginabayan noon tungo sa Daan ng Islâm na sila ay pinupuri, na ito ang nagdala sa kanila tungo sa ‘Al-Jannah.’

25. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala sa Allâh (I), at tinanggihan ang anumang dala-dala sa kanila ni Muhammad (r), at pinagbawalan nila ang iba na yumakap sa Relihiyon ng Allâh (I), at pinigilan nila ang Sugo ng Allâh at ang mga mananampalataya noong taon na nangyari ang usapin sa ‘Hudaybiyyah,’ na sila ay pinigilan na makarating sa ‘Masjid Al-Harâm,’ gayong ginawa Namin ang lugar na ito para sa lahat ng mga mananampalataya, na pareho sa mga naninirahan dito at sa mga panauhin na nagtutungo rito, para sa kanila na pumigil sa mga yaon ay masidhing kaparusahan, at sinuman ang magnais ng masamang balakin at lumihis sa katotohanan bilang pagiging masama at lalabagin niya ang Allâh (I) dito sa lugar na ito (‘Masjid Al-Harâm’), ipatitikim Namin sa kanya ang masidhing kaparusahan.

26. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong ipinakita Namin kay Ibrâhim (u) ang ‘Baytullâh’ – ang lugar ng Tahanan ng pagsamba sa Allâh (I), at ito ay Aming inihanda para sa kanya, gayong noon ay hindi ito kilalang lugar, at inutusan Namin siya na ito ay itayo batay sa pagkatakot sa Allâh (I) at sa Kanyang Kaisahan at linisin mula sa dungis ng di-paniniwala, anumang pagbabago ng katuruan (‘bid`ah’) at kadumihan; upang maging kaaya-aya sa mga nagsasagawa ng ‘tawâf,’ at tumitindig para (sa pagsa-‘Salâh’) bilang pagsamba sa Allâh (I) dito sa lugar na ito.

27-28. At ipaalam mo, O Ibrâhim (u), sa sangkatauhan ang kautusan sa kanila na magsagawa ng Hajj, na sila ay tutungo sa iyo batay sa antas ng kani-kanilang kalagayan, may naglalakad, at may nakasakay sa mga payat na kamelyo, na darating ito sa iyo na nagmula sa mga malalayong lugar upang dumalo sa mga gawain na kapaki-pakinabang sa kanila bilang pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, at gantimpala sa pagsagawa nila ng kanilang mga pag-aalay (ng mga hayop) at pagsunod, at ganoon din sa kanilang kikitain sa kanilang mga kalakal, at iba pa; at upang purihin nila ang Pangalan ng Allâh (I) sa kanilang pagkatay ng kanilang mga pang-alay na mga kamelyo, baka at kambing sa mga nabibilang na mga araw, na ito ay sa ika-sampu ng ‘Dhul-hijjah’ at ang sumunod na tatlong araw pagkatapos nito; bilang pasasalamat sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya, at sila ay inutusan na kumain mula sa mga kinatay na ito bilang kalugud-lugod na gawain sa paningin ng Allâh (I) at ipakain nila ang iba sa sinumang mahirap na matindi ang kahirapan nito.

29. Pagkatapos ay ipagpapatuloy ng mga nagsasagawa ng Hajj ang pagsagawa ng iba pang mga gawain at ng mga sakripisyo upang mabuo nila ang kanilang Hajj, pagkatapos ng kanilang pag-alis sa kalagayan ng ‘Ihrâm,’ na ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang sarili, at pagputol ng mga kuko at pag-aahit ng ulo (mga kalalakihan), at upang maisakatuparan nila ang anumang inubliga nila sa kanilang mga sarili na gawain ng Hajj, ‘`Umrah’ at pagkakatay ng hayop, at upang sila ay makapag-‘Tawâf’ sa Sinaunang Tahanan [ng pagsamba sa Allâh (I)] na ito ay pinalaya ng Allâh (I) mula sa pangunguntrol ng mga masasama, na ito ay ang ‘Ka`bah.’

30. Na itong ipinag-utos ng Allâh (I) na paglilinis, pagpapatupad ng mga sakripisyo o mga pangako at pagsasagawa ng ‘tawâf’ sa Tahanan ng (pagsamba sa) Allâh (I), na ang mga ito ay ipinag-utos sa inyo ng Allâh (I), na kung kaya, pahalagahan ninyo ang mga gawaing ito, samakatuwid, ang sinumang igagalang niya ang mga sagradong gawain na ito na para lamang sa Allâh (I), na kabilang dito ay ang mga gawain sa Hajj sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kabuuan nito ng taos-puso nang alang-alang sa Allâh (I), na ito ay higit na nakabubuti sa kanya rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

At ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo na kumain ng (karne ng) mga hayop maliban sa Kanyang ipinagbawal ayon sa binanggit sa inyo sa Banal na Qur’ân na katulad ng ‘Maytah’ at iba pa, na kung kaya, ito ay iwasan ninyo, at ito ay pagwawalang-bisa sa anumang ginagawa ng mga Arabo na pagbabawal sa ibang mga uri ng hayop, na kung kaya, layuan ninyo ang anumang maruruming bagay sa paningin ng Allâh (I) na katulad ng mga diyus-diyosan at pagsisinungaling laban sa Allâh (I).
31. Na sila ay mga matutuwid na sumusunod sa Allâh (I) na taos-puso sa kanilang gawain na para lamang sa Kanya, na sila ay humaharap sa pagsamba lamang sa Kanyang Kaisahan at pagsunod lamang sa Kanya, na sila ay tumatalikod sa anumang maling sinasamba bukod dito sa pamamagitan ng paglalayo nila sa ‘Shirk’ dahil sa katunayan, ang sinumang nagtambal ng anuman sa pagsamba sa Allâh (I), ang katulad niya – dahil sa kanyang paglayo sa patnubay, at sa kanyang pagkawasak bilang pagguho mula sa tugatog ng tamang paniniwala tungo sa kababa-babaan ng di-paniniwala, at paghatak ni ‘Shaytân’ sa kanya sa lahat ng dako (ng kamalian) – ay katulad ng sinumang nahulog mula sa kalangitan; na siya ay pinag-agawan ng mga mababangis na ibon habang siya ay nasa himpapawid na nagkapira-piraso ang kanyang mga katawan, o di kaya, siya ay tatangayin ng malakas na malakas na hangin upang siya ay itapon sa malayung-malayong lugar.

32. Ito ang ipinag-utos ng Allâh (I) na paniniwala sa Kanyang Kaisahan at taos-pusong pagsamba lamang sa Kanya. Na kung kaya, sinuman ang susunod sa ipinag-utos ng Allâh (I) at igagalang ang anumang mga palatandaan ng Allâh (I), sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinag-utos ng Allâh (I), na kabilang dito ang gawain ng Hajj at pagsasakripisyo ng mga kinakatay na hayop, na ito ay sa mabuting pag-aalaga sa mga hayop at pagpapakain sa mga ito, at itong paggalang sa ganitong pamamaraan ay kabilang sa mga gawain ng mga nagtatangan ng mga mabubuting kalooban at pusong natatakot sa Kaisahan ng Allâh (I).

33. Para sa inyo mula sa mga hayop na ito na iniaalay, ang kapikanabangan na katulad ng balahibo nito, gatas at pagsakay dito at iba pa na hindi nakapagpapahirap sa hayop hanggang sa itinakdang panahon ng pagkatay nito, at kapag ito ay nakatay na, dadalhin ito sa ‘Baytul `Atiq’ – Sinaunang Tahanan ng pagsamba sa Allâh (I) na ang tinutukoy dito ay ang lahat ng lugar na nasasakupan ng ‘Haram’ (Makkah).

34. At sa bawa’t sambayanan ng mga naunang mananampalataya ay Aming itinakda ang mga ganitong pamamaraan na mga gawain bilang pagsasakripisyo at pagkatay ng mga hayop; upang maalaala nila ang Allâh (I) sa oras ng pagkatay sa anuman na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na biyaya na katulad ng mga hayop na ito at pasalamatan Siya. Na kung kaya, ang inyong ‘Ilâh’ (Diyos na karapat-dapat sambahin), O kayong mga tao, ay bukod-tanging Nag-iisa, Siya ang Allâh (I), na kung kaya, isuko ninyo ang inyong sarili sa Kanya lamang bilang Muslim, sundin ninyo ang Kanyang ipinag-uutos at ang Kanyang Sugo.

At ibigay mo, ang magandang balita, O Muhammad (r), sa mga mapagkumbaba at nagpapasailalim sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang mabuting gantimpala rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

35. Na sila na mga mapagkumbaba at matatakutin ay isa sa mga katangian nila ay kapag binanggit at pinuri ang Kaisahan ng Allâh (I) ay natatakot sila sa Kanyang parusa at umiiwas sila sa paglabag sa Kanya, at kapag nangyari sa kanila ang kagipitan ay nagtitiis sila na naghahangad sila ng gantimpala mula sa Allâh (I) na Dakila at Kataas-Taasan, at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh’ nang ganap, at kalakip noon, sila ay gumagasta mula sa anumang kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na ito ay bilang tungkulin, na nagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) o ang anumang kanilang tungkulin sa kanilang mga pamilya na obligasyon nilang tustusan, at sa Daan ng Allâh (I), at sa anuman na kanilang tinutustusan na kaaya-aya sa paningin ng Allâh (I).

36. At ipinag-utos Namin sa inyo ang pagkatay ng mga hayop, na ito ay kabilang sa tanda ng ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I); upang kayo ay magkapag-alay bilang tanda ng inyong pagmamahal sa Allâh (I), at para sa inyo sa ganitong gawain, O kayo na mga nagsipag-alay, ang mabuting pakinabang, katulad ng pagkain mula rito, o pagbibigay ng kawanggawa mula rito at ang gantimpala ng ganitong gawain, na kung kaya, bigkasin ninyo habang kayo ay nagkakatay; ang ‘Bis-mil-lâh’ – sa Ngalan ng Allâh (I). At kakatayin ang kamelyo na nakatayo na nakahelera ang tatlong paa at nandoroon ang tali sa isa nitong paa, at kapag bumagsak na ang tagiliran nito sa lupa ay maaari na itong ipahintulot na kainin, na kung kaya, maaaring kumain mula rito ang sinumang nag-alay nito bilang isang uri ng pagsamba at ipakain niya ang ibang bahagi sa mga mahihirap na hindi namamalimos at ganoon din sa mahihirap na namamalimos dahil sa tindi ng kanilang pangangailangan, at sa ganito ginawa ng Allâh (I) na mapasailalim nang madali sa inyong pangangasiwa ang mga ito upang magpasalamat kayo sa Allâh (I) sa ganitong pagkakaloob sa inyo.

37. Hindi ang mga laman ng hayop at dugo ang tinitingnan ng Allâh (I) bilang katanggap-tanggap sa Kanya kundi ang pagkatakot ninyo sa Kanya at kadalisayan ng inyong mga puso, na ito lamang ang dapat na inyong maging layunin para makatagpo ninyo ang Allâh (I) na Bukod-Tangi, na kung kaya, ganoon ginawa ng Allâh (I) na ito ay madali para sa inyo upang dakilain ninyo Siya at pasalamatan sa Kanyang patnubay sa inyo ng katotohanan, dahil Siya ay karapat-dapat lamang sa ganitong pagdakila at pagpapasalamat. Na kung kaya, ibigay mo ang magandang balita, O Muhammad (r), sa mabubuti ang kanilang pagsamba sa Kaisahan lamang ng Allâh (I) at mabubuti sa kanilang kapwa, na mapapasakanila ang lahat ng kabutihan at tagumpay.

38. Katiyakan, ang Allâh (I) ay pangangalagaan Niya ang mga mananampalataya sa pakikipaglaban sa mga walang pananampalataya at sa masamang balakin ng sinumang masama; dahil ang Allâh (I) na Pinakadakila at Kataas-Taasan ay hindi Niya ninanais ang sinumang traydor na hindi nito pinangangalagaan ang ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at binabalewala nito ang Kanyang mga biyaya.
39. (Ang Muslim sa Makkah noon sa unang pagkakataon ay pinagbawalan sila na makipaglaban sa mga walang pananampalataya at inutusan silang magtiis sa anumang pasakit, at noong umabot na sa sukdulan ang pagmamalupit ng mga walang pananampalataya at umalis na ang Propeta mula sa Makkah at nangibang-bayan sa Madinah, at nagkaroon na ng lakas ang Islâm) ay saka pa lamang ipinahintulot ng Allâh (I) sa mga Muslim ang makipaglaban; dahil sa matinding pang-aapi na nangyari sa kanila; at katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na may kakayahan na sila ay tulungan at pagwagiin, at ipahamak naman at abahin ang kanilang mga kalaban.

40. At ang mga yaong puwersahang pinaalis sa kanilang mga tahanan na walang anumang kadahilanan maliban sa ginawa nilang pagyakap sa katotohanan na sila ay nag-Muslim at kanilang sinabi: “Ang Aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi.”

At kung hindi lang itinala ng Allâh (I) na ihiwalay ang pang-aapi at kasinungalingan sa pamamagitan ng pakikipaglaban ay matatalo ang katotohanan sa bawa’t Nasyon, at mawawasak ang kalupaan at masisira ang anumang lugar ng sambahan na katulad ng mga monasteryo, simbahan, sinagoga at mga ‘Masjid’ ng mga Muslim na kung saan doon sila nagsasagawa ng ‘Salâh’ at doon nila pinupuri ang Pangalan ng Allâh (I) nang paulit-ulit.

At sinuman ang nagsumikap na itaguyod ang Rellihiyon ng Allâh (I), walang pag-aalinlangan na tutulungan siya ng Allâh (I) laban sa kanyang kalaban. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Qawee’ – Pinakamalakas na hindi nagagapi, na ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punong-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi natatalo, na walang pag-aalinlangan, kontrolado Niya sila sa kanilang mga ‘Nâsiyah’ (noo).

41. Ang mga yaong pinangakuan Namin ng Aming tulong ay sila ang mga yaong pinatatag Namin sa kalupaan, at ipinamahala Namin sa kanila ito sa pamamagitan ng pagkakagapi nila sa kanilang mga kalaban, na kung kaya, isinagawa nila ang kanilang ‘Salâh’ ayon sa itinakdang oras nito, at ibinigay nila ang obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) mula sa kanilang mga yaman sa sinumang karapat-dapat na pagbigyan nito, at ipinag-utos nila ang lahat ng ipinag-utos ng Allâh (I) na anuman na Kanyang karapatan at karapatan ng Kanyang mga alipin, at ipinagbawal nila ang lahat ng ipinagbawal ng Allâh (I). Sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi ang patutunguhan ng lahat ng bagay, at mabuting hantungan sa mga natatakot sa Kanya.

42-44. At kapag ikaw ay tinanggihan at di-pinaniwalaan ng iyong sambayanan, O Muhammad (r), ay walang pag-aalinlangang nauna na ang pagtanggi at di paniniwala sa mga Sugo ng mga sambayanan ni Nûh (u), ni `Âd (u), ni Thamoud (u), sambayanan ni Ibrâhim (u) at sambayanan ni Lût (u), at ang mga nanirahan sa Madyan na pinasinungalinangan nila si Shu`ayb (u), at pinasinungalingan ni Fir`âwn at ng kanyang sambayanan si Mousâ (u), magkagayunpaman ay hindi Ko minadali ang pagparusa sa mga sambayanang yaon bagkus ay pinaginhawa Namin sila nang pansamantala, at pagkatapos nito ay pinuksa Ko silang lahat sa pamamagitan ng masidhing pagpaparusa, na kung kaya, pagmasdan kung paano ang Aking ginawang matinding paninisi sa kanila sa kanilang di-paniniwala at pagpapasinungaling, at pinalitan ang anumang biyayang natatamasa nila ng kaparusahan at pagkawasak?

45. Na karamihan sa bayan ng mga masasama ay pinuksa Namin ang mga naninirahan doon dahil sa kanilang di-paniniwala, na kung kaya, ang kanilang mga tahanan ay nawasak at naglaho ang mga nanirahan doon, at ang kanilang mga balon ay wala ka nang makukuhang tubig at ang kanilang mga nagtataasang palasyo na mga magagara ay hindi man lamang nagsanhi na mapigilan ang matinding parusa na iginawad sa kanila.

46. Na kung kaya, hindi ba sila nakapaglakbay na mga tumanggi at mga walang pananampalataya na mga Quraysh sa kalupaan upang masaksihan nila ang bakas ng mga winasak na mga pamayanan, upang mapag-isipan at mapag-aralan nila, at marinig ang tunay na kuwento hinggil sa kanila na may kasamang malalim na pang-unawa at pagkuha ng aral?

Dahil sa katotohanan, ang pagkabulag ay hindi ang pagkabulag ng mata, kundi ang nakapipinsala ay ang pagkabulag ng puso dahil sa hindi pagkakaintindi ng mga katotohanan at mga aral.
47. At minamadali ka, O Muhammad, ng mga walang pananampalataya na mga Quraysh, dahil sa tindi ng kanilang kamangmangan sa parusa na ibinababala mo sa kanila, noong sila ay nagpumilit sa pagtanggi, at kailanman ay hindi babaguhin ng Allâh (I) ang anuman na ipinangako Niya na parusa sa kanila at ito ay walang pag-aalinlangan na mangyayari, at katiyakan, na ito ay nangyari nang mas maaga sa kanila rito sa daigdig noong naganap sa kanila ang pagkatalo sa Labanan sa Badr. At katiyakan, ang isang araw sa paningin ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay katumbas ng isang libong taon sa mga araw na binibilang ninyo rito sa daigdig, at ito ay hindi imposible sa Allâh (I).

48. At marami sa mga bayan ng mga masasama na nagpumilit ang mga nanirahan doon sa pagtanggi at di-paniniwala, ay inantala Ko pansamantala sa kanila na hindi Ko muna minadali sa kanila ang parusa upang sila ay magpabaya na may pagmamataas. Pagkatapos ay pinuksa Ko sila sa pamamagitan ng Aking parusa rito sa daigdig, at sa Akin din sila magbabalik pagkatapos nilang mawasak at parurusahan Ko sila ng anuman na karapat-dapat sa kanila.

49-51. Sabihin mo, O Muhammad (r): “O kayong mga tao, ako ay hindi hihigit na tagapagbabala lamang sa inyo, na ipinararating ko ang mensahe na mula sa Allâh (I).” Na kung kaya, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at ito ay kanilang isinapuso at gumawa sila ng mga mabubuting gawa, ang para sa kanila ay kapatawaran mula sa Allâh (I), upang pagtakpan ang kanilang mga nagawang kasalanan, at mabuting biyaya na walang katapusan na ito ay ang ‘Al-Jannah.’

At ang mga yaong nagsumikap sa kanilang masamang balakin upang pawalan ng bisa ang mga talata ng Banal na Qur’ân sa pamamagitan ng kanilang pagpapasinungaling na may kalupitan at upang biguin ang mga mananampalataya, sila ay mananatili sa Impiyernong-Apoy.

52. At walang sinuman ang ipinadala, Sugo man o Propeta na nauna sa iyo, O Muhammad (r), kundi kapag binasa niya ang Aklat ng Allâh (I) ay mambubuyo si ‘Shaytân’ ng mga salitang panlilinlang at panliligáw habang ito ay binibigkas; upang pigilin ang mga tao sa pagsunod sa anumang binabasa at binibigkas sa kanila, subali’t ang Allâh (I) ay pinawalan Niya ng bisa ang pambubuyo at panlilinlang ni ‘Shaytân’ at pinatatag Niya ang mga talata ng mga malilinaw na katuruan. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang nangyari at mangyayari pa, na walang anumang naililihim sa Kanya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pagtatakda at pag-uutos.

53. At hindi nangyari ang ganitong gawain ni ‘Shaytân’ kundi upang gawin ng Allâh (I) na pagsubok sa mga yaong may pag-aalinlangan at may pagkukunwari sa kanilang mga puso, at sa mga yaong matitigas ang kanilang mga budhi na mga walang pananampalataya na walang anumang babala ang tumatalab sa kanila.

At katotohanan na ang mga masasama mula sa dalawang uri ng taong ito ay nasa matinding pakikipaglaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at pagsalungat sa katotohanan na malayo sa anumang tamang paniniwala.

54. At dapat na mabatid ng mga may kaalaman na pinaghihiwalay nila sa pagitan ng kanilang kaalaman ang katotohanan sa kamalian, na walang pag-aalinlangang ang Banal na Qur’ân ay tunay na ibinaba sa iyo mula sa Allâh (I), O Muhammad (r), na walang pag-aalinlangan sa mga niloloob nito at walang kaparaanan para ito ay marating ni ‘Shaytân,’ nang sa ganoon ay madaragdagan sa pamamagitan nito ang kanilang paniniwala at magpasailalim dito ang kanilang mga puso. At katiyakan, ang Allâh (I) ay Tagagabay ng mga yaong naniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo tungo sa Tama at Malinaw na Daan, na ito ay Islâm, na iniligtas sila sa pamamagitan nito mula sa pagkaligáw.

55. At patuloy ang mga walang pananampalataya at tumanggi sa katotohanan sa kanilang pag-aalinlangan sa anumang dala-dala mo sa kanila na Banal na Qur’ân hanggang sa dumating sa kanila ang oras ng pagkagunaw ng daigdig nang biglaan habang sila ay nasa kalagayan ng pagtanggi, o di kaya ay darating sa kanila ang kaparusahan sa Araw na wala silang anumang maaasahan na kabutihan, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay.

56-57. Ang kapangyarihan at pangunguntrol sa Araw na yaon ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, at Siya ang maghuhukom sa pagitan ng mga mananampalataya at walang pananampalataya.
Na kung kaya, ang mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa, para sa kanila ang walang-hanggang kaligayahan sa mga hardin ng ‘Al-Jannah.’ At ang mga yaong tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I) at pinasinungalingan ang Kanyang Sugo at tinanggihan ang mga talata ng Banal na Qur’ân, para sa kanila ay masidhing kaparusahan na magpapahamak at magpapahiya sa kanila sa Impiyernong-Apoy.

58. At ang mga yaong nangibang-bayan bilang paghahangad ng pagmamahal ng Allâh (I) at pagtataguyod sa Kanyang Relihiyon, pagkatapos ay namatay ang sinuman sa kanila habang siya ay nakikipaglaban sa mga walang pananampalataya at ganoon din ang namatay sa kanila sa hindi labanan, ay walang pag-aalinlangang pagkakalooban sila ng Allâh (I) ng hardin sa ‘Al-Jannah’ at ang anumang mga kaligayahan doon na walang katapusan at walang pagmamaliw. At walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I), Siya sa katotohanan ay ‘Khayrur Râziqeen’ –Pinakamabuting Tagapagkaloob ng kabuhayan.

59. Walang pag-aalinlangan, papapasukin sila ng Allâh (I) sa lugar na kalugud-lugod sa kanila na ito ay ang ‘Al-Jannah,’ at walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang naglakbay nang alang-alang sa Kanyang Daan at sa sinumang naglakbay sa paghahangad lamang ng makamundong buhay, na ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa sa sinumang lumalabag sa Kanya na hindi Niya sila kaagad pinarurusahan.

60. Itong isinalaysay Namin sa iyo, O Muhammad (r), na pagpapapasok sa Hardin ng mga nangibang-bayan, at ang sinumang inapi at pinarusahan ay walang pag-aalinlangang pinahintulutan siya na gumanti sa sinumang umapi sa kanya na katulad ng ginawa sa kanya, at wala siyang pananagutan hinggil dito, at kapag ginantihan siya at mas hinigitan pa ang ginawang pagpinsala sa kanya, walang pag-aalinlangang tutulungan siya ng Allâh (I); dahil hindi makatarungan na siya ay gantihan o apihin sapagka’t kinukuha lamang niya ang kanyang karapatan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang ‘`Afouwun Ghafourun’ – Ganap na Mahinahon at Ganap na Mapagpatawad dahil sa Kanyang pagiging Mapagpasensiya ay hindi Niya kaagad minamadali ang parusa ng sinumang nagkakasala at pinatatawad Niya sila sa kanilang mga kasalanan.

61. Itong batas na itinala sa inyo ay mga makatarungang batas na makatotohanan, na Siya ay Tagapagtangan ng Dakilang Kapangyarihan na ibinibigay Niya ito sa sinuman na Kanyang nais at kinukuha Niya ito sa sinuman na Kanyang nais, at kabilang sa Kanyang kapangyarihan ay idinaragdag Niya ang anumang nababawas na oras sa gabi sa mga oras sa araw, at ganoon din, idinaragdag Niya ang anumang nababawas na oras sa araw sa mga oras sa gabi.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig ng lahat ng mga tinig, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita ng lahat ng mga pagkilos at walang anuman ang naililihim sa Kanya.

62. Sa kadahilanang ang Allâh (I) – Siya ay mananatiling katotohanan na walang sinuman ang karapat-dapat at may karapatang sambahin kundi Siya, at ang anumang sinasamba ng mga walang pananampalataya bukod sa Allâh (I) ay pawang kamalian na hindi nakapagdudulot ng anumang kapakinabangan ni kapinsalaan.

Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-Taasan na nasa ilalim ng Kanyang pagtatangan ang lahat ng Kanyang nilikha at malayo sa anumang katulad o katambal, ang Kataas-Taasan na walang sinuman ang mas mataas kaysa sa Kanya, na ‘Al-Kabeer’ – ang Pinakadakila na walang anumang makapapantay sa Kanya at walang sinuman ang mas dakila pa kaysa sa Kanya.

63. Hindi mo ba napagtanto, O Muhammad (r), na ang Allâh (I) ay Siya ang nagbaba mula sa kalangitan ng ulan, at sa pamamagitan nito ay naging luntian ang kalupaan sa pagsibol ng mga pananim mula rito? Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Lateef’ – Pinakadalubhasa at Pinakamabuti na Ganap na Tagapangalaga sa Kanyang mga alipin dahil sa pinasisibol Niya ang mga pananim mula sa kalupaan sa pamamagitan ng tubig, na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa anuman na kanilang ikabubuti.

64. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan bilang Kanyang mga alipin na Siya ay Tagapaglikha, Tagapagmay-ari at Tagapangasiwa nito, ang lahat ay nangangailangan ng Kanyang pangangasiwa at kagandahang-loob. At katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Al-Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na nagtataglay ng lahat-lahat na hindi nangangailangan ng kahit na anumang bagay, na ‘Al-Hameed’ – ang Karapat-Dapat sa lahat ng papuri na Ganap na Pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.
65. Hindi mo ba nakita na ang Allâh (I) na Kataas-Taasan ay sinanhi Niya para sa inyo na magpasailalim ang anumang nasa kalupaan na mga gumagapang, mga hayop, pananim, mga bunga, at iba pang mga bagay-bagay para inyong masakyan at ikabubuhay, at lahat ay para sa kapakinabangan ninyo, na katulad din ng paglagay Niya sa inyong pangunguntrol ang sasakyang pandagat na lumalayag sa karagatan dahil sa Kanyang Kapangyarihan at Kagustuhan, na dinadala kayo kasama ang inyong mga dalahin tungo sa mga lugar na nais ninyong marating, at Siya rin ang kumukuntrol ng kalangitan, na ito ay Kanyang pinangangalagaan; upang ito ay hindi babagsak sa kalupaan na mawawasak at masisira ang anumang nasa ibabaw nito (kalupaan), maliban sa anumang ninais Niya na mangyari?

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan sa sangkatauhan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila, sa pagsanhi Niya para sa kanila na magpasailalim ang mga bagay-bagay, na ito ay para sa kanila at sa iba pa.

66. At walang iba kundi ang Allâh (I) ang Siyang nagbigay ng buhay sa inyo na nilikha Niya kayo mula sa wala, at pagkatapos ay sasanhiin Niya na kayo ay mamatay kapag natapos na ang nakatakda ninyong buhay, at pagkatapos ay bubuhayin kayo na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay upang hukuman kayo sa inyong mga gawain.

Katiyakan, ang tao ay matindi ang kanyang pagtanggi sa anumang ipinamalas na mga palatandaan na nagpapatunay sa Kapangyarihan at Kaisahan ng Allâh (I).

67. Sa bawa’t sambayanan mula sa mga naunang sambayanan ay nagtala Kami ng batas at pamamaraan ng pagsamba na ipinag-utos Namin sa kanila at ito ay kanilang ipinatupad, na kung kaya, huwag mong hayaang makipagtalo sila sa iyo, O Muhammad (r), na mga walang pananampalataya na mga Quraysh hinggil sa batas na ibinigay sa iyo, at sa anuman na ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo na mga alitutunin at sa lahat ng mga uri ng pagsamba, kundi bagkus ay hikayatin mo sila tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at taos-puso na dalisay na pagsamba lamang sa Kanya at pagsunod sa Kanyang kagustuhan.
Walang pag-aalinlangan, ikaw ay nasa Matuwid na Relihiyon na walang anumang kabaluktutan o kamalian sa loob nito.

68. At kapag sila ay nagpatuloy sa maling pakikipagtalo sa iyo, O Muhammad (r), sa paghikayat mo sa kanila ay huwag kang makipagtalo sa kanila, sa halip sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa anumang inyong ginagawa na di-paniniwala at pagtanggi,” sa kadahilanang sila ay mga mapagmatigas at mapagmataas.

69. Ang Allâh (I) ay Siyang maghuhukom sa pagitan ng mga Muslim at ng mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa anuman na kanilang pinagkasalungatan hinggil sa ‘Deen’ (Relihiyon).

Dito sa talatang ito ang magandang pakikitungo sa pagsagot sa sinumang nakikipagtalo bilang pagmamatigas at pagmamataas.

70. Hindi mo ba batid, O Muhammad (r), na walang pag-aalinlangang ang Allâh (I) ay Nagmamay-ari ng ganap na kaalaman ng anumang nasa kalangitan at kalupaan, na katiyakang ito ay Kanyang itinala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh?’ Katiyakan, ang Kaalaman na ito ay napakadali lamang sa Allâh (I), dahil ang anumang bagay na nais Niya para sa Kanya ay napakadaling lahat.

71. At nagpumilit ang mga walang pananampalataya na mga Quraysh sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), kahit na malinaw pa ang kamalian na kanilang kinalalagyan na sila ay sumasamba ng mga diyus-diyosan, na walang anumang katibayan na ibinaba sa anumang Aklat na nagmula sa Allâh (I) na ang mga ito ay karapat-dapat na sambahin, at wala silang anumang kaalaman sa mga inimbento nilang ito at sila ay nagsinungaling laban sa Allâh (I); na kung kaya, ito ay gawain na sinunod lamang nila na kanilang kinagisnan sa kanilang mga ninuno na wala silang anumang katibayan.

At kapag dumating ang Araw ng Paghuhukom sa Kabilang-Buhay ay walang sinuman ang makatutulong sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila mula sa masidhing kaparusahan.

72. At kapag binigkas ang mga malilinaw na mga talata ng Banal na Qur’ân sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), ay nakikita mo ang galit at pagkunot ng kanilang mga noo! Halos handa na nilang lusubin nang may karahasan ang mga mananampalataya na siyang nag-aanyaya sa kanila tungo sa Allâh (I) na binibigkas sa kanila ang talata ng Allâh (I).

Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Nais ba ninyong sabihin ko sa inyo ang mas matindi pa kaysa poot na inyong nararamdaman sa pagkarinig ninyo ng katotohanan at pagkakita ng mga nag-aanyaya tungo rito (sa katotohanan)? Ang Impiyernong-Apoy na inihanda ng Allâh (I) para sa mga walang pananampalataya sa Kabilang-Buhay na ito ang pinakamasama na kanilang patutunguhan.”

73. O sangkatauhan! Ang parabola ay ibinigay, na kung kaya, makinig kayo at intindihin ninyong maigi: “Ang mga diyus-diyosan at ang mga sinasamba ninyo na iba bukod sa Allâh (I) ay hindi man lamang makalilikha ng kahit na isang langaw kahit na sila pa ay magsama-samang lahat para sa ganitong layunin, samakatuwid, paano pa kaya sila makalilikha ng mas malaki pa kaysa rito?”
At kapag inagaw ng langaw ang anumang bagay sa kanila ay hindi sila magkakaroon ng anumang kakayahan na kuning muli ang anumang inagaw ng langaw sa kanila, kung gayon, mayroon pa bang hihigit dito na kahinaan at kawalan ng kakayahan. Samakatuwid, napakahina nilang pareho: ang humihingi at ang hinihingian, na ang tinutukoy na ‘humihingi’ rito ay ang kanilang sinasamba bukod sa Allâh (I) na sinisikap na mailigtas nito ang anumang inagaw ng langaw, at ang ‘hinihingian’ na tinutukoy dito ay ang yaong langaw na nang-agaw, na kung kaya, paano mo ituturing ang mga diyus-diyusan na mga sinasamba kung ganito ito kawalan ng halaga at kahina.

74. Sila na mga sumasamba ng iba ay hindi nila iginalang ang Allâh (I) ng tamang paggalang sa Kanya, dahil sila ay nagsagawa ng mga katambal ng Allâh (I) na kanilang sinamba, samantalang Siya ay ‘Qawee’ – Pinakamalakas na naglikha ng lahat ng bagay, na ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi.

75-76. Ang Allâh (I) ay pumipili mula sa Kanyang mga anghel ng mga Sugo tungo sa Kanyang mga Propeta, at pumipili rin ng tao bilang Kanyang mga Sugo; upang iparating ang Kanyang mga mensahe tungo sa mga tao. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa mga sinasabi ng Kanyang mga Alipin, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakababatid sa lahat ng bagay at sa sinuman na Kanyang pinili para sa mensahe mula sa Kanyang mga nilikha. At Siya, luwalhati sa Kanya, ang Nakaaalam sa anumang mangyayari sa Kanyang mga anghel at sa Kanyang mga Sugo bago Niya pa sila likhain, at alam Niya kung ano ang mangyayari pagkawala nila. At sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi bumabalik ang lahat ng bagay.
77-78. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r), yumuko kayo at magpatirapa sa inyong pagsa-‘Salâh,’ at sambahin ninyo ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Bukod-Tangi na walang katambal, at gumawa kayo ng mabuti upang kayo ay magtagumpay.

Magpunyagi kayo sa Daan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga walang pananampalataya na kumakalaban sa Islâm, magpunyagi rin kayo laban sa mga masasama, maging sa inyong mga sarili at kay ‘Shaytân’ ng dakilang pagpupunyagi, taos-puso at dalisay ang inyong layunin na para lamang sa Allâh (I) na Napakadakila at Kataas-Taasan, na isinusuko ninyo ang inyong buong puso at pangangatawan sa Kanya, Siya ang pumili sa inyo upang taglayin ang Relihiyon na ito.

At katiyakan, nagmagandang-loob Siya sa inyo noong ginawa Niya para sa inyo ang makatarungan at ganap na batas, na walang anumang pagmamalupit at pagpapahirap sa anumang ipinag-uutos at mga alintuntunin nito, na di-tulad sa batas ng ilan sa mga nauna sa inyo: itong makataong Relihiyon na ito ang siyang Relihiyon ng inyong ama na si Ibrâhim (u), na ang Allâh (I) ang nagpangalan sa inyo na mga Muslim noon pa man, na ito ay nasasaad sa mga naunang Kasulatan na mga ipinahayag, at gayundin sa Banal na Qur’ân na ito, at walang pag-aalinlangan na natatangi kayo sa ganitong pagpili; upang maging testigo ang pinakahuli o nagtapos (nagselyado) ng mga Sugo na si Muhammad (r) na nagmula mismo sa inyo, na katiyakang naiparating niya sa inyo ang mensahe ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kayo naman ay maging testigo laban sa mga naunang sambayanan, na katiyakan, ang kanilang mga Sugo ay naiparating sa kanila ang ipinahayag ng Allâh (I) sa inyo sa Kanyang Aklat.

Samakatuwid, dapat ninyong mabatid na ang parangal na ito ay bilang biyaya at kagandahang-loob sa inyo, na kung kaya, magpasalamat kayo at pangalagaan ninyo ang mga palatandaan ng Relihiyon ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpapatupad ninyo ng ‘Salâh’ sa kabuuan ng mga haligi at mga kondisyon nito, at ibigay ninyo ang obligadong ‘Zakâh’ o kawanggawa, at magbalik-loob kayo sa Allâh (I) at sa Kanya lamang ninyo ipaubaya ang inyong mga sarili dahil Siya ay Pinakamabuting Tagapangalaga sa sinumang ipinauubaya niya ang kanyang sarili sa Kanya, at Pinakamabuting Tagapagtulong sa sinumang humihingi ng tulong sa Kanya.

No comments: