57
LVII – Sûrat Al-Hadîd
[Kabanata Al-Hadîd – Ang Bakal]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Ang anumang nasa mga kalangitan at kalupaan mula sa lahat ng nilikha ng Allâh (I) ay niluluwalhati ang Allâh (I) na Siya ay malayo sa lahat ng di-kaganapan, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga nilikha, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa sa kanila.
2. Pagmamay-ari Niya ang mga kalangitan at kalupaan at ang anumang mga nakapaloob dito, Siya ay Tagapagmay-ari na Tagapagpasiya sa Kanyang nilikha, Siya ang nagbibigay ng buhay at nagsasanhi ng kamatayan, at Siya ay ‘Qadeer’ – Pinakamakapangyarihan sa lahat ng bagay na kaya Niyang gawin ang anuman na Kanyang nais gawin at kung anuman ang nais Niyang mangyari ay mangyayari at kung anuman ang ayaw Niyang mangyari ay hindi mangyayari.
3. Siya ay ‘Al-Awwal’ – ang Una na walang anumang nauna kaysa Kanya, at ‘Al-Âkhir’ – ang Huli na walang katapusan, Siya ay ‘Adz-Dzâhir’ – ang Kataas-taasan na wala nang tataas pa kaysa sa Kanya, at Siya ay ‘Al-Bâtin’ – ang Pinakamalapit na wala nang mas malapit pa kaysa sa Kanya (sa pamamagitan ng Kanyang ganap na kaalaman sa lahat ng bagay) at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya sa kalupaan at ganoon din sa mga kalangitan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay.
4. Siya ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, at ang anumang nasa pagitan ng dalawang ito sa loob ng anim na araw, pagkatapos ay pumaroon Siya sa Kanyang ‘Arsh (isinaling Trono) na nasa ibabaw ng lahat ng Kanyang nilikha sa kaparaanan na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan, batid Niya kung anuman ang pumapasok sa kalupaan na katulad ng butil, tubig-ulan at iba pa, at ang anumang lumalabas mula rito na katulad ng mga halaman, pananim at mga bunga, at anuman ang bumababa mula sa kalangitan na katulad ng ulan at iba pa; at ang anumang pumapaitaas patungo sa kalangitan na katulad ng mga anghel at ang mga gawain, na Siya ay kasama ninyo kahit saan man kayo naroroon sa pamamagitan ng Kanyang ganap na kaalaman, at ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa inyong mga gawain na inyong ginagawa at ayon dito kayo ay tutumbasan.
5. Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, at sa Kanya magbabalik ang lahat ng Kanyang mga nilikha sa Kabilang-Buhay, at sila ay tutumbasan ayon sa kanilang nagawa.
6. Ipinapasok Niya ang anumang nababawas sa mga oras ng gabi sa araw kaya humahaba ang araw, at ipinapasok Niya ang anumang nababawas sa mga oras ng araw sa gabi na kung kaya humahaba ang gabi, na Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang nasa kalooban ng Kanyang nilikha.
7. Maniwala kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na si Muhammad, at gumasta kayo mula sa anumang ipinagkaloob sa inyo ng Allâh (I) na kabuhayan at kayamanan bilang ipinagkatiwala sa inyo ng Allâh (I). At ang mga katulad nila na naniwala sa Allâh (I) mula sa inyo, O kayong mga tao, at gumasta mula sa kanilang kayamanan ay para sa kanila ang dakilang gantimpala.
8. At ano ba ang katwiran ninyo sa hindi ninyo paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang batas, samantalang ang Sugo ay inaanyayahan kayo tungo sa bagay na ito, at walang pag-aalinlangang tinanggap Niya ang inyong pangako, kung kayo ay talagang naniniwala sa Allâh (I) na Siyang lumikha sa inyo.
9. Walang iba kundi ang Allâh (I) ang nagpahayag sa Kanyang alipin na si Muhammad ng malilinaw na mga talata ng Banal na Qur’ân; upang kayo ay alisin sa pamamagitan nito mula sa Kadiliman ng Di-Paniniwala tungo sa Liwanag ng Paniniwala sa Allâh (I), at katiyakang ang Allâh (I) ay ‘Raouf’ – punung-puno ng kabutihan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa inyo kaya iniaalis kayo mula sa mga Kadiliman tungo sa Liwanag.
10. At ano baga ang pumipigil sa inyo mula sa paggasta sa Daan ng Allâh (I)? Samantalang ang Allâh (I) ay Pagmamay-ari Niya ang lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan, at ang lahat ng nasa loob nitong dalawa, at walang sinuman ang manatili na nagmamay-ari ng anumang nakapaloob dito bukod sa Allâh (I).
Hindi maaaring magkatulad sa gantimpala ang sinuman sa inyo na gumasta bago nangyari ang ‘Fathu Makkah’ – pagbukas ng Makkah o pagpasok sa Makkah ng mga mananampalataya upang ibalik ang lugar na ito sa kadalisayan ng pagsamba sa Allâh (I) – at nakipaglaban sa mga walang pananampalataya, sila ang mas dakila ang antas sa paningin ng Allâh (I) kaysa sa mga yaong gumasta sa Daan ng Allâh (I) pagkatapos ng ‘Fathu Makkah’ at sila ay nakipaglaban din sa mga walang pananampalataya. Ang dalawang grupong ito ay pinangakuan ng Allâh (I) ng ‘Al-Jannah’ (Hardin). At ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Tagapagmasid nang ganap sa mga ginagawa ninyo at walang anumang naililihim sa Kanya at ayon dito kayo ay tutumbasan.
11. Siya na gumasta sa Daan ng Allâh (I) na taos-puso sa kanyang kalooban nang walang panunumbat at walang pag-iimbot, ay pararamihin ng Allâh (I) sa kanya ang gantimpala at para sa kanya ang masaganang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).
12. Sa Araw na makikita mo ang mga mananampalataya na mga kalalakihan at kababaihan na sumusunod sa kanila ang kanilang liwanag habang sila ay nasa ‘Sirât’ (Daan), sa kanilang harapan at sa kanilang gawing kanan ayon sa kung ano ang kanilang kabutihan, at sasabihin sa kanila: “Magandang balita para sa inyo sa Araw na ito! Sa pagpasok ninyo sa mga malalawak na Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, na hindi na kayo paaalisin pa mula rito magpakailanman, at ito ang pagtutumbas sa inyo sa Kabilang-Buhay bilang inyong dakilang tagumpay.”
13. Sa Araw na sasabihin ng bawa’t mapagkunwari na mga kalalakihan at mga kababaihan sa kanila na mga mananampalataya habang sila ay nasa ‘Sirât:’ “Hintayin ninyo kami upang magkaroon kami ng liwanag mula sa inyong liwanag,” at sasabihin sa kanila ng mga anghel: “Bumalik kayo sa pinagmulan ninyo at doon kayo humingi ng liwanag (ito ay bilang pangungutya sa kanila)!” Na kung kaya, lalagyan ng harang (na pader) ang pagitan nila, na sa loob ay mayroong pintuan na malapit sa mga mananampalataya na ang nilalaman ng nasa loob ng pintuang ito ay awa, at ang nasa labas naman nito na nasa gawing malapit sa mga mapagkunwari ay kaparusahan.
14. Tatawagin ng mga mapagkunwari ang mga mananampalataya na kanilang sasabihin: “Hindi ba tayo ang magkasama noon sa daigdig na ginagawa namin ang aming obligasyon sa Islâm na katulad din ninyo?” Sasabihin ng mga mananampalataya sa kanila: “Tunay nga! Magkasama tayo noon subali’t sinira ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong pagiging mapagkunwari at paglabag sa Kautusan, at inaasam ninyo na mamatay kami kasama ang Propeta, at nag-alinlangan kayo hinggil sa pagkabuhay na mag-uli pagkatapos ng kamatayan, at nalinlang kayo ng inyong mga maling hangarin, at nanatili kayo sa gayong kalagayan hanggang sa dumating sa inyo ang kamatayan at nilihis kayo ni ‘Shaytân’ mula sa Allâh (I).”
15. Na kung kaya, sa Araw na ito ay hindi na tatanggapin mula sa sinuman sa inyo, O kayong mga mapagkunwari, ang anumang pantubos upang tubusin kayo mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at ganoon din hindi rin ito tatanggapin sa mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at ang patutunguhan ninyong lahat ay Impiyernong-Apoy at ito ang mas higit na karapat-dapat sa inyo na patunguhan na napakasamang patutunguhan.
16. Hindi pa ba dumating ang panahon para sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang gabay, upang palambutin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pag-alaala sa Allâh (I) at pakikinig ng Qur’ân, at hindi maging matigas ang kanilang mga puso na tulad ng mga pinagkalooban ng Aklat na nauna sa kanila na mga Hudyo at mga Kristiyano na sa paglipas sa kanila ng matagal na panahon ay pinalitan nila ang salita ng Allâh (I) at dahil dito ay tumigas ang kanilang mga puso, at karamihan sa kanila ay hindi sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I)?
Nasa talatang ito ang pag-uutos sa pagiging malambot ng puso at pagkatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang ipinahayag na Aklat at pagkakamit ng karunungan at babala na huwag gumaya sa mga Hudyo at mga Kristiyano sa pagiging matigas ng kanilang mga puso, at sa paglabag nila sa kagustuhan ng Allâh (I).
17. Dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay binubuhay Niya ang kalupaan sa pamamagitan ng ulan pagkatapos nitong maging tuyot at pinasisibol Niya ang mga pananim, na kung kaya, ganoon din ang Kanyang kapangyarihan sa pagbuhay ng mga patay sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at Siya rin ang may Makapangyarihan para palambutin ang mga puso pagkatapos nitong maging matigas. Katiyakan, nilinaw Namin sa inyo ang mga palatandaan ng Aming Kapangyarihan; upang ito ay inyong maintindihan at maging aral sa inyo.
18. Katiyakan, ang mga gumagasta bilang kawanggawa mula sa kanilang mga kayamanan na mga kalalakihan at mga kababaihan, at ginasta nila sa Daan ng Allâh (I) ng bukal sa kanilang mga kalooban; bilang paghahangad nila na makita ang Mukha ng Allâh (I), ay pararamihin sa kanila ang kanilang gantimpala, at para sa kanila na higit pa roon ay masaganang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah.’
19. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo at wala silang ginawang pagtatangi-tangi sa pagitan ng sinuman sa kanila, na sila ay mga matatapat at mga testigo sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na naiparating ng kanilang mga Propeta sa kanilang sambayanan ang mensaheng ipinagkatiwala sa kanila, at ganoon din ang mga namatay nang alang-alang sa Allâh (I) ay para sa kanila ang masaganang gantimpala mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at mayroon silang dakilang liwanag sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Subali’t ang mga yaong hindi naniwala at tinanggihan ang Aming mga palatandaan at mga katibayan, sila ang mga tao ng Impiyerno, na wala silang gantimpala at wala silang liwanag.
20. Dapat ninyong mabatid, O kayong mga tao, na ang buhay sa daigdig ay isang laro lamang at libangan, na laro lamang ng katawan at libingan lamang ng puso at mga palamuti na pinapalamuti ng mga tao, at pagyayabang sa pagitan nila sa mga kasiyahan dito, at pagpaparami ng yaman at mga anak, na ang katulad nito ay parang tubig-ulan na nagagalak ang mga manananim sa pamamagitan nito dahil sa pagsibol ng mga halamanan at pananim, pagkatapos ito ay natutuyo na nakikita ninyo na nagiging kulay dilaw pagkatapos nitong maging luntian, pagkatapos ito ay magiging tangkay na lamang na tuyot.
Subali’t sa Kabilang-Buhay ay mayroong masidhing kaparusahan sa mga walang pananampalataya, at mayroon namang kapatawaran mula sa Allâh (I) at pagmamahal para sa mga mananampalataya. At ang makamundong buhay na ito ay isang panlinlang na libangan lamang sa sinumang gumawa para rito at makalilimutan din niya pagkatapos nito.
21. Mag-unahan kayo, O kayong mga tao, sa pagpupunyagi tungo sa mga mabubuting gawa upang mapatawad ang inyong mga kasalanan at sa taos-pusong pagbabalik-loob sa Allâh (I) at paglayo sa mga kasalanan; upang gantimpalaan kayo ng kapatawaran mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at ang isang ‘Al-Jannah’ (Hardin) na ang lawak nito ay kasinglawak ng kalangitan at kalupaan, na siyang inihanda sa mga yaong sumamba sa Kaisahan ng Allâh (I) at sumunod sa Kanyang mga Sugo. At ito ay kagandahang-loob ng Allâh (I) na ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha, dahil ang ‘Al-Jannah’ ay hindi maaaring makamtan kundi sa Awa lamang ng Allâh (I) at sa Kanyang Kagandahang-loob at sa paggawa ng mabuti. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Dhûl Fadhlil `Adzeem’ – Bukod-Tanging Nagmamay-ari at Tagapagkaloob ng dakilang kagandahang-loob sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.
22. Anuman ang nangyari sa inyo, O kayong mga tao, na sakuna rito sa daigdig at ganoon din sa inyong mga sarili na katulad ng mga sakit, taggutom ay walang iba kundi ito ay itinakda ng Allâh (I) sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ bago pa Niya likhain ang lahat ng may buhay. Katiyakan, ito ay napakadali para sa Allâh (I).
23-24. Upang hindi kayo malungkot sa anuman na hindi ninyo nakamtan na makamundong buhay at hindi kayo lubusan na matuwa sa anumang ipinagkaloob sa inyo, ng tuwa na may pagmamataas. At ang Allâh (I) ay hindi Niya minamahal ang sinumang nagmamayabang sa anumang ipinagkaloob sa kanya na makamundong buhay na ipinagmamayabang niya sa iba. Sila na mapagmataas ay ipinagkakait nila ang kanilang mga yaman, at hindi sila gumagasta sa Daan ng Allâh (I), na kanilang ipinag-uutos sa mga tao na maging maramot dahil sa kanilang pagiging makasarili.
At ang sinumang tatalikod sa pagsunod sa Allâh (I) ay wala siyang pininsala kundi ang kanyang sarili lamang, at hindi Niya mapipinsala ang Allâh (I), dahil ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangan na ‘Al-Ghanee’ – ang Napakayaman na Ganap na walang pangangailangan sa alinman sa Kanyang nilikha, na ‘Al-Hameed’ – Ganap na Kapuri-Puri na nasa Kanya ang lahat at ganap na mabubuting katangian at gawain na karapat-dapat na Siya ay purihin at pasalamatan sa lahat ng pagkakataon.
25. Katiyakan, ipinadala Namin ang Aming mga Sugo na dala-dala nila ang mga malilinaw na katibayan, at ipinahayag Namin kasama sa pagkapadala sa kanila ang Kasulatan na naroroon ang mga alintuntunin at mga batas, at ibinaba Namin ang ‘Mizân’ – Timbangan upang makikitungo ang mga tao sa isa’t isa nang makatarungan, at ibinaba Namin para sa kanila ang bakal na naroroon sa bakal na yaon ang matinding kapangyarihan, at maraming mga kapakinabangan sa tao, upang palitawin ng Allâh (I) sa pamamagitan nito kung sino ang magtataguyod sa Kanyang ‘Deen’ at paniniwala sa Kanyang mga Sugo hinggil sa mga ‘Al-Ghayb’ – mga bagay na hindi nakikita. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Qawee’ – Ganap na Malakas na hindi nagagapi, na ‘`Azeez’ –Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nadaraig.
26. At katiyakan, ipinadala Namin si Nûh at si Ibrûhim tungo sa kanilang sambayanan, at ginawa Namin sa lahi nilang dalawa ang pagka-Propeta at pagpapadala ng Kasulatan, na kung kaya, mayroon sa kanilang lahi ang nagabayan tungo sa katotohanan, at karamihan naman sa kanila ay lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I).
27. Pagkatapos ay sinundan Namin ng pagpapadala ng mga Sugo pagkatapos ni Nûh at Ibrâhim na may na mga malilinaw na mga kapahayagan, at ipinadala Namin pagkatapos nila si `Îsã na anak ni Maryam at ipinagkaloob Namin sa kanya ang ‘Injeel’ (Ebanghelyo), at ipinag-utos Namin sa mga puso ng mga sumunod sa kanya ang pagiging maawain at mahabagin, na kung kaya, sila ay nagmahalan sa isa’t isa, subali’t nag-imbento sila ng paniniwalang monastisismo – ang paglayo sa makamundong buhay bilang pagmamalabis sa pagsamba – na hindi Namin ipinag-utos sa kanila, at sila lamang ang nag-utos nito sa kanilang mga sarili na ang kanilang layunin ay mapamahal sila sa Allâh (I), subali’t hindi nila ito isinagawa ng karapat-dapat na pagsasagawa para rito; dahil binago nila ang katuruan at nilabag nila ang ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I), na kung kaya, ipinagkaloob Namin sa sinumang naniwala sa Allâh (I) mula sa kanila at sa Kanyang mga Sugo ang kanilang gantimpala ayon sa kanilang paniniwala, subali’t ang karamihan sa kanila ay lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at tinanggihan nila ang pagiging Propeta ni Propeta Muhammad, samakatuwid, ito ang naging bunga ng pag-iimbento ng kanilang pagbabago sa ‘Deen’ ng Allâh (I).
28. O kayong mga naniwala kay Mousã (Moises u) at naniwala kay `Îsã (Hesus u) bilang mga Sugo! Katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I) at maniwala kayo sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r), upang ipagkaloob sa inyo ang dobleng gantimpala mula sa Kanyang Awa, at pagkakalooban Niya kayo ng liwanag upang maging gabay ninyo, at patatawarin sa inyo ang inyong mga kasalanan, at ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila
29. Ipinagkaloob ng Allâh (I) para sa inyo ang lahat ng ito; upang mabatid ng lahat ng pinagkalooban ng Allâh (I), na hindi nila pinaniwalaan si Muhammad, na walang pag-aalinlangan na wala silang anumang kakayahan mula sa biyaya ng Allâh (I) upang ito ay kanilang makamtan para sa kanilang mga sarili o di kaya ay kanilang ipagkaloob sa iba, dahil katiyakang ang biyaya at kagandahang-loob ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi na ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, at ang Allâh (I) ay Siyang ‘Dhûl Fadhlil `Adzeem’ – Bukod-Tanging Nagmamay-ari at Tagapagkaloob ng dakilang kagandahang-loob para sa mga Kanyang mga nilikha.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment