Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Ahqâf

46
XLVI – Sûrat Al-Ahqâf
[Kabanata Al-Ahqâf – Mga Kurba Ng Mga Buhangin (o Mga Lambak Na Buhangin)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Ang kapahayagan ng Qur’ân na ito ay mula sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa at sa Kanyang paglikha.

3. Hindi Namin nilikha ang mga kalangitan at ang kalupaan at ang anumang nasa pagitan nitong dalawa kundi bilang katotohanan, hindi panlilibang lamang at walang kabuluhang bagay; sa halip ay upang malaman ng mga alipin ang kadakilaan ng lumikha nito upang Siya lamang ang bukod-tangi nilang sambahin, at matunghayan nila na katiyakang kaya Niyang ibalik muli ang mga tao pagkatapos ng kanilang kamatayan, at upang maisakatuparan nila ang katotohanan, katarungan sa mga pagi-pagitan nila hanggang sa pagdating ng itinakdang panahon ng katapusan nito na Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam. Subali’t ang mga yaong tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I) at tinalikuran ang Banal na Qur’ân bilang babala sa kanila, ay hindi makapupulot ng anumang aral at hindi nila ito mapagtutuunan ng pansin.

4. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga walang pananampalataya: “Isipin na ninyo ang lahat ng inyong mga sinasamba na mga rebulto bukod sa Allâh (I), na ipakita ninyo ang anumang bagay na kanilang nilikha mula sa kalupaan, o mayroon ba silang bahagi (o parte) sa paglikha ng mga kalangitan? Magpakita kayo ng aklat na mula sa Allâh (I) na nauna kaysa sa Banal na Qur’ân o kahit anumang mga nalalabi na mga kaalaman, kung kayo ay totoo sa inyong mga inaangkin.”

5. Wala nang sinuman na hihigit pa sa pagkaligaw at kamangmangan kaysa sa mga yaong nananalangin sa iba na mga diyus-diyosan bukod sa Allâh (I), na kailanman ay hindi matutugunan ang kanilang panalangin; dahil sa ito ay mga patay o di kaya ay mga bato at ang mga puno at ang anuman na mga katulad nito, na walang kamuwang-muwang sa panalangin ng sinumang sumasamba rito, at walang kakayahan na magbigay ng anumang kapakinabangan o di kaya ay kapinsalaan.


6. At kapag tinipon na ang mga tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa pagkukuwenta at pagbabayad ay magiging kalaban nila ang kanilang mga sinamba na mga diyus-diyosan na kanilang pinanalanginan, na isusumpa nila at itatanggi nila, at itatanggi nila ang kanilang kaalaman hinggil sa pagsamba nila sa mga ito.
7-8. At kapag binigkas sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang Aming malilinaw na mga talata, ay sasabihin ng mga di-naniniwala kapag dumating sa kanila ang Qur’ân: “Ito ay malinaw na salamangka,” bukod pa roon ay sasabihin pa nila na mga sumasamba ng iba: “Katotohanan, inimbento ni Muhammad ang Banal na Qur’ân.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Kung ito ay aking inimbento laban sa Allâh (I) ay katiyakang wala kayong kakayahan na iligtas ako sa anumang kaparusahan ng Allâh (I), kung ako ay Kanyang parurusahan batay sa inyong inaangkin. Ang Allâh (I) na Luwalahati sa Kanya na Siya ay Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay hinggil sa inyong mga sinasabi sa Banal na Qur’ân, sapat na ang Allâh (I) bilang testigo sa akin at sa inyo, at Siya ay ‘Al-Ghafour’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya, na ‘Ar-Raheem’ – ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang alipin na mga mananampalataya.”

9. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan: “Hindi ako ang kauna-unahang Sugo na ipinadala ng Allâh (I) sa mga tao, at hindi ko batid kung ano ang gagawin ng Allâh (I) sa akin at sa inyo rito sa daigdig, na wala akong sinusunod sa aking pag-uutos sa inyo at sa aking ginagawa kundi kapahayagan ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa akin, at ako ay walang iba kundi tagapagbabala lamang na malinaw ang aking pagbibigay ng babala.”

10. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan: “Sabihin nga ninyo sa akin, kung ang Qur’ân na ito ay mula sa Allâh (I) at hindi ninyo pinaniwalaan, at tumestigo ang isang testigo mula sa angkan ni Isrâ`îl na katulad ni `Abdullâh Ibnu Salâm para sa Qur’ân, na nasa ‘Tawrah’ ang katibayan at patotoo sa pagiging Propeta ni Muhammad, at kanya itong pinaniwalaan at sinunod, at kayo ay tumanggi bilang pagmamataas, kung gayon, di ba ito ang pinakamatinding kasamaan at di paniniwala? Katiyakan, ang Allâh (I) ay di Niya ginagabayan tungo sa Islâm at sa katotohanan ang mga taong inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng di nila paniniwala sa Allâh (I).”

11. At sinabi ng mga yaong tinanggihan ang pagiging Propeta ni Muhammad sa mga naniwala sa kanya: “Kung ang inyong paniniwala kay Muhammad at sa kanyang dala-dala ay makakabuti ay hindi ninyo kami mauunahan sa paniniwalang ito,” at dahil sa sila ay hindi ginabayan tungo sa Banal na Qur’ân ay tiyak na sasabihin nila: “Ito ay kasinungalingan na ginaya lamang mula sa mga naunang tao.”

12. At bago pa ang Banal na Qur’ân na ito ay nauna nang ipinahayag Namin ang ‘Tawrah’ kay Mousã (u) bilang gabay sa mga angkan ni Isrâ`îl na kanilang susundin, at awa sa sinumang naniwala at sumunod dito, at ang Banal na Qur’ân na ito na Aming ipinahayag sa wikang ‘Arabic’ ay pinatutunayan ang anumang nauna kaysa rito na mga Aklat; upang balaan ang mga yaong inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng di-paniniwala at paglabag, at magandang balita sa mga yaong sumunod sa Allâh (I) at naging matuwid sa kanilang paniniwala at pagsunod, dito sa daigdig.

13. Katiyakan, ang mga yaong nagsabi: “Ang aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I),” pagkatapos ay nagpakatuwid sila sa kanilang paniniwala ay wala silang katatakutan sa anumang kagimbal-gimbal na pangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at wala silang dapat na ipangamba sa anuman na naiwan nila pagkatapos ng kanilang pagkamatay na makamundong kapakinabangan.

14. Sila ang mga yaong maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan bilang awa ng Allâh (I) sa kanila, at dahil sa kanilang nagawang mabuting gawain habang sila ay nasa daigdig.
15. At pinapayuhan Namin ang tao na maging mabuti sa kanyang pakikitungo sa kanyang mga magulang habang ang mga ito ay nabubuhay dito sa daigdig at maging pagkatapos ng kanilang kamatayan, dahil walang pag-aalinlangang ipinagdalang-tao siya ng kanyang ina sa kanyang sinapupunan na nasa paghihirap at kapaguran, at pagkatapos ay isinilang siya na nasa paghihirap at kapaguran pa rin, at ang tagal ng pagdadalang-tao sa kanya at ang pag-aalaga sa kanya hanggang sa siya ay awatin sa pagsususo sa kanyang ina pagkatapos ng tatlumpung buwan. At sa pagbanggit sa kahirapan na dinaranas ng ina na hindi kasama ang ama, ay patunay na ang kanyang karapatan ay mas higit kaysa sa ama. Hanggang sa kapag inabot ng tao ang tugatog ng kanyang kalakasan sa pangangatawan at kaisipan, at inabot niya ang edad na apatnapung taon, siya ay manalangin sa pagsasabi: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipagkaloob Mo ang kapangyarihan at kakayahan na ako ay tatanaw ng utang na loob sa Iyong biyaya na ipinagkaloob Mo sa akin at sa aking mga magulang, at gawin Mo ako na gagawa ng kabutihan na kalugud-lugod sa Iyo, at gawin Mong mabuti para sa akin ang aking pamilya, at katiyakang ako ay nagsisisi sa aking mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Iyo, at katiyakang ako ay kabilang sa mga nagpapasailalim sa pamamagitan ng pagsunod sa Iyo na mga sumusuko sa Iyong kagustuhan na mga ipinag-uutos at mga ipinagbabawal na mga nagpapasailalim sa Iyong batas bilang Muslim.”

16. Sila ang mga yaong naging katanggap-tanggap sa Amin ang kanilang mga kabutihan, mga gawain, at pinatatawad Namin ang kanilang mga kasalanan, na sila ay kabilang sa mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), itong pangako na Aming ipinangako sa kanila ay pangakong katotohanan na walang pag-aalinlangan.

17. At siya naman na kanyang sinabi sa kanyang dalawang magulang noong siya ay inanyayahan tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Kinayayamutan ko kayong pareho, ipinangangako ba ninyo na ako ay bubuhayin na mag-uli mula sa aking libingan, at sa katunayan ay nakalipas na ang mga panahon ng mga naunang tao kaysa sa akin, at sila ay naglaho na at wala namang nabuhay mula sa kanila na kahit isa?” Samantalang ang kanyang mga magulang ay hinihiling sa Allâh (I) na siya ay gabayan, na kanilang sinasabing dalawa sa kanya: “Kapighatian sa iyo, maniwala ka at sumunod at gumawa ka ng mabuti, dahil walang pag-aalinlangang ang pangako ng Allâh (I) na Pagkabuhay na Mag-uli ay katotohanan at walang pag-alinlangan ang hinggil dito,” at kanyang sasabihin sa dalawa: “Ang inyong mga sinasabi ay walang iba kundi mga alamat lamang na walang katotohanan na nagmula sa mga naunang tao, na inyong ginaya sa kanilang mga aklat.”

18. Sila ang mga yaong ganito ang kanilang katangian, ay nararapat sa kanila ang kaparusahan ng Allâh (I), na tiyak na mangyayari sa kanila ang parusa at galit, na sila ay kabilang sa mga yaong nauna sa kanila na mga ‘Jinn’ at mga tao na di-naniwala at tumanggi, katiyakan sila ay mga talunan, dahil sa ipinagpalit nila ang katotohanan sa pagkaligaw at ang kaligayahan sa kaparusahan.

19. At bawa’t grupo sa kanila na mga mabubuti at mga masasama ay mayroon silang kalalagyan sa Allâh (I); dahil sa kanilang mga gawain na ginawa sa daigdig at bawa’t grupo ay batay sa kung ano ang karapat-dapat na kanyang paglagyan; upang ipamalas ng Allâh (I) sa kanila ang kabayaran sa kanilang mga gawain at sila ay hindi dadayain na madaragdagan ang kanilang kasamaan at mababawasan ang kanilang kabutihan.

20. At sa Araw na ilalantad ang mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy upang parusahan at sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Katiyakan, naubos na ninyo ang kabutihan at kagandahan sa buhay ninyo sa daigdig at nakapagsaya na kayo, kung kaya, ngayon ay pagbabayarin kayo ng kahamak-hamak na parusa sa Impiyernong-Apoy; dahil sa inyong pagmamataas sa kalupaan nang wala kayong karapatan at dahil sa inyong paglabag at di-pagsunod sa Allâh (I).”
21. At ipaalaala mo, O Muhammad, ang hinggil sa Propeta ng Allâh (I) na si Hûd na kalahi ni `Ad, noong binalaan niya ang kanyang sambayanan hinggil sa pagdating ng parusa ng Allâh (I) sa kanila habang sila ay nasa kanilang mga tahanan na tinatawag na ‘Ahqâf’ – na maraming mga kurba ng mga buhangin (o mga lambak na buhangin) na malapit o abot-tanaw ang dalampasigan na nasa dakong timog na bahagi ng peninsula ng Arabya, at nakalipas na ang panahon ng mga Sugo na nagbabala sa kanila bago pa kay Hûd at gayundin pagkatapos ni Hûd: “Na huwag kayong sumamba ng anuman na itatambal ninyo sa inyong pagsamba sa Allâh (I), dahil walang pag-aalinlangan, ako ay natatakot na mangyari sa inyo ang parusa ng Allâh (I) sa kagimbal-gimbal na Araw, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay.”

22. Kanilang sinabi: “Dumating ka ba sa amin para linlangin kami; nang sa gayon ay itigil namin ang aming pagsamba sa aming mga diyus-diyosan? Ipakita mo ang parusang ipinangako mo sa amin kung ikaw ay totoo sa iyong sinasabi at pangako.”

23. Sinabi ni Hûd sa kanila: “Katiyakan, ang kaalaman hinggil sa panahon ng pagdating ng ipinangako ko sa inyong parusa ay bukod-tanging nasa Allâh (I) lamang, at ako ay Sugo lamang ng Allâh (I) sa inyo, na ipinararating ko sa inyo ang mensahe na ipinadala sa akin, subali’t nakikita ko na kayo ay mga taong mga mangmang dahil sa inyong pagmamadali na igawad sa inyo ang parusa, at sa inyong katapangan laban sa Allâh (I).”

24. At noong makita nila ang parusa na kanilang ipinamamadali na nakalantad sa kanila sa kalangitan na paparating sa kanilang mga lambak, kanilang sinabi: “Ito ay makakapal na ulap lamang na nagdadala sa atin ng ulan,” at sinabi sa kanila ni Hûd: “Ang nakalantad na di-nakikita kung ano ang nilalaman nito ay hindi ulan at awa na tulad ng inyong iniisip, kundi ito ay isang kaparusahan na ipinamamadali ninyo, na ito ay hangin na kalakip nito ang masidhing kaparusahan.”

25. Na wawasakin nito ang lahat ng bagay na madaraanan nito, na ito ay ipinadala bilang kautusan ng kanyang (hangin) ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa Kanyang kagustuhan, na kung kaya, sila ay wala nang makikita na anuman mula sa kanilang bayan kundi ang kanilang mga tahanan na lamang na kung saan (minsa’y) doon sila nanirahan, ang ganitong pagtutumbas ay bilang kabayaran sa mga masasamang tao; dahil sa kanilang kasamaan at sukdulang pagtanggi!

26. At katiyakan, ginawa Naming madali para sa sambayanan ni `Ad ang mga bagay upang maitatag nila nang ganap ang kanilang mga sarili rito sa kalupaan sa kaparaanan na hindi ipinagkaloob sa inyo, O kayong mga walang pananampalataya na mga Quraysh, at ginawan Namin sila ng kanilang mga pandinig upang sila ay makarinig, at mga paningin upang sila ay makakita, at mga puso upang sila ay makaintindi, subali’t ang mga ito ay kanilang ginamit sa ikamumuhi ng Allâh (I) sa kanila, na kung kaya, ito ay hindi nakapagbigay ng anumang kapakinabangan sa kanila noong tinanggihan nila ang mga katibayan ng Allâh (I), at dumating sa kanila ang parusa na kanilang inaalipusta at ipinamamadali nila. Ito ay babala mula sa Allâh (I) na Pinakadakila, na binabalaan ang mga walang pananampalataya.

27. At katiyakan, winasak Namin ang mga bayan na nasa inyong kapaligiran, O kayong mga taga-Makkah na katulad ng bayan nina `Âd at Thamoud, at ginawa Namin ang mga ito na bayang iniwan (o nilisan) o wala nang naninirahan (o ‘ghost town’) at nilinaw Namin sa kanila ang iba’t ibang uri ng mga katibayan at mga palatandaan; upang sila ay manumbalik mula sa kanilang di-paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga talata.

28. Subali’t nakatulong ba sa kanila na mga winasak mula sa mga naunang sambayanan, ang kanilang mga diyus-diyosan na kanilang sinamba na kanilang kaparaanan na ginawa; upang sila ay mapalapit sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ bilang pagtatambal; na inaakala nilang ito ay mamagitan sa kanila, o ang kanilang mga diyus-diyosan ay lubusang naglaho at hindi natugunan ang kanilang kahilingan at hindi sila naipagtanggol, at ito ang kanilang kamalian, at kinasanayan na pag-imbento sa pamamagitan ng pagsamba ng kanilang mga ginawang diyus-diyosan.


29. At ipaalaala mo, O Muhammad, noong ipinadala Namin sa iyo, ang grupo ng mga ‘Jinn’ na nakinig sila sa iyo ng Banal na Qur’ân, at nang sila ay dumalo, habang ang Sugo ng Allâh ay nagbabasa ng Qur’ân, sinabi nila sa isa’t isa: “Huwag kayong maingay upang marinig ninyo ang Banal na Qur’ân,” at nang matapos na ang Sugo ng Allâh sa kanyang pagbigkas ng Banal na Qur’ân, at naunawaan nila ito at naramdaman nila ito sa kanilang mga kalooban, sila ay bumalik sa kanilang sambayanan upang balaan at takutin sila mula sa galit ng Allâh (I) kung sila ay hindi maniniwala sa Kanya (Allâh I).
30. Kanilang sinabi: “O aming sambayanan! Katiyakan, narinig namin ang Aklat na ipinahayag pagkatapos ni Mousã (u), na pinatutunayan nito ang mga naunang Aklat ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo, na naggagabay tungo sa katotohanan, at tungo sa Matuwid at Tamang Landas.”

31. O aming sambayanan! Tugunin ninyo ang Sugo ng Allâh na si Muhammad tungo sa kanyang iniaanyaya sa inyo, at paniwalaan ninyo siya sa kanyang dala-dala sa inyo na mensahe, upang patawarin kayo ng Allâh (I) sa inyong mga kasalanan at iligtas kayo mula sa masidhing kaparusahan.

32. At ang sinumang hindi tumugon sa Sugo ng Allâh tungo sa kanyang paanyaya ay hindi niya magagapi ang Allâh (I) dito sa kalupaan kung nais Niya siyang parusahan, at wala siyang anumang tagapangalaga bukod sa Allâh (I) upang siya ay iligtas mula sa Kanyang parusa. Ang mga yaong katulad niya ay nasa malinaw na paglayo mula sa katotohanan.

33. Naging abala ba sila at hindi nila nabatid na ang Allâh (I) na Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan na wala Siyang pinaggayahan, at hindi naging mahirap at wala Siyang kapaguran sa paglikha Niya ng mga ito, ay Siya rin kung gayon ang tunay at ganap na may kakayahan na buhayin na mag-uli ang mga namatay na Kanyang nilikha noon sa unang pagkakataon? Walang pag-aalinlangan, ito ay napakadali para sa Allâh (I) na Siyang ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na May Kakayahang gawin ang lahat ng bagay.

34. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay ilalantad ang mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy upang parusahan, at sasabihin sa kanila: “Hindi ba totoo ang parusang ito?” Tutugunan sila, na kanilang sasabihin: “Oo nga, katotohanan, O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha!” At sasabihin sa kanila: “Lasapin ninyo ang parusa dahil sa inyong kinasanayan na pagtanggi at di-paniniwala sa daigdig.”

35. Tiisin mo, O Muhammad (r), ang anumang mga pasakit na nangyari sa iyo mula sa iyong sambayanan na di-naniniwala sa iyo, na katulad ng pagtiis ng mga matatag na Sugo na nauna sa iyo – na sila ay si Nûh (u), si Ibrâhim (u), si Mousã (u) at si `Îsã (u) na ikaw ay kabilang sa kanila – at huwag mong madaliin ang parusa sa iyong sambayanan, dahil kapag ito ay nangyari at nakita nila ay para bagang sila ay hindi nanatili sa daigdig kundi isang oras lamang ng isang araw, na ito ay babala sa kanila at sa iba. At walang mapapahamak sa parusa ng Allâh (I) maliban sa mga yaong mga tao na lumabag sa Kanyang kagustuhan at sa pagsunod sa Kanya.

No comments: