78
LXXVIII – Sûrat An-Naba` [Ang Dakilang Balita]
بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-3. Hinggil ba saan ang itinatanong sa isa’t isa ng mga walang pananampalataya na mga Quraysh? Nagtatanungan sila hinggil sa dakilang balita, na ito ay ang dakilang Qur’ân na nagsasaad ng hinggil sa Muling Pagkabuhay na pinagdududahan ng mga walang pananampalatayang mga Quraysh at hindi nila pinaniniwalaan.
4-5. Ang katotohanan ay hindi ang yaong inaangkin ng mga walang pananampalataya, kundi walang pag-aalinlangan, mababatid nila na mga walang pananampalataya ang bunga ng kanilang pagtanggi, at mapatutunayan nila kung ano ang gagawin ng Allâh (I) sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay! Muli, katiyakang mapatutunayan nila ito, at mapatutunayan na katotohanan ang dala-dala ni Muhammad na Qur’ân at ang hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli. At ito ay pagdidiin bilang matinding babala laban sa kanila.
6. Hindi ba ginawa Namin para sa inyo ang kalupaan na palatag na katulad ng higaan?
7. At ang mga kabundukan na nakatalusok; upang hindi yayanig para sa inyo ang kalupaan?
8. At nilikha Namin kayo na mga magkakaparis na lalaki at babae?
9. At ginawa Namin ang inyong pagtulog bilang pamamahinga ng inyong mga katawan, na dahil doon ay nagkakaroon kayo ng kapahingahan at kapanatagan?
10. At ginawa Namin ang gabi na katumbas ng kasuotan na sa pamamagitan nito ay tinatakpan kayo ng kadiliman nito at tinatalukbungan, na katulad ng pagtatakip ng damit kapag nakasuot ito?
11. At ginawa Namin ang araw para sa paghahanap ng inyong kabuhayan, na kayo ay kumakalat sa kalupaan upang makapaghanap-buhay at nagpupunyagi para sa ikabubuti ninyo?
12. At itinayo Namin sa ibabaw ninyo ang pitong kalangitan na matatag at buo ang pagkalikha at pagkasaayos nito, na hindi biyak-biyak at hindi hungkag o butas-butas?
13. At ginawa Namin (doon) ang araw bilang tanglaw na nagniningning at kumikinang ang liwanag nito?
14-16. At ibinaba Namin mula sa ulap ang tubig-ulan na bumubuhos nang masagana; upang sa pamamagitan nito ay sisibol ang butil na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao, at mga damuhan na kumakain mula rito ang inyong mga inaalagaang hayop, at mga hardin na malalago na kumpul-kumpol at maraming sanga?
17-18. Katiyakan, ang Araw ng Pagpapasiya sa pagitan ng mga nilikha, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay, ay isang itinakdang bagay na pagtatagpo ng lahat mula sa kauna-unahan hanggang sa kahuli-hulihang tao, sa Araw na hihipan ng anghel ang trumpeta bilang umpisa ng pagbubuhay na mag-uli, na darating kayo nang dagsaan na iba’t ibang mga nasyon na ang bawa’t nasyon ay kasama nila ang kanilang pinuno.
19. At bubuksan ang kalangitan, na ito ay may mga pintuan na marami, na mula rito ay bumababa ang mga anghel.
20. At mawawala ang katatagan ng mga bundok, na ang mga ito ay maaalis mula sa mga kinalalagyan at magiging parang isang malikmata na lamang.
21-26. Katiyakan, ang Impiyernong-Apoy ay nakaabang sa mga walang pananampalataya dahil sa ito ay inihanda para sa kanila, na ito ang kanilang patutunguhan, at sila ay mananatili roon ng pagkahaba-habang panahon na walang patid at tuluy-tuloy na walang katapusan, at hindi sila makatitikim doon ng anuman na magpapalamig o magpapaginhawa sa kanila mula sa init ng Impiyernong-Apoy, at walang anumang inumin ang ipaiinom sa kanila kundi mainit na tubig na sukdulan ang init nito at nana na nagmumula sa mga tao na nasa Impiyerno, at ito ay bilang kabayaran sa kanila na walang pag-aalinlangang makatarungang pagbabayad; na angkop lamang sa anuman na kanilang ginawa sa daigdig.
27-30. Dahil katiyakan, hindi sila natatakot sa Araw ng Pagtutuos, na kung kaya, hindi nila ito pinaghandaan, at tinanggihan nila ang anumang dala-dala ng mga Sugo bilang pagpapasinungaling, at batid Namin ang lahat ng bagay at ito ay Aming itinala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ (Talaan na Pinangalagaan) na kung kaya, lasapin ninyo, O kayong mga walang pananampalataya, ang kabayaran sa inyong mga ginawa, na wala Kaming mairagdag sa inyo kundi ang patuloy na parusa pagkatapos ng unang parusa.
31-35. Katiyakan, ang para sa mga yaong nagkaroon ng takot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at gumawa ng kabutihan, ay tagumpay sa pamamagitan ng pagpapapasok sa kanila sa ‘Al-Jannah.’ Na katiyakan, ang para sa kanila roon ay dakilang mga hardin at mga ubasan, at para (pa rin) sa kanila roon ay mga asawa na mga dilag na bagong sibol na pareho-pareho ang edad, at para (pa rin) sa kanila roon ay kopita na punung-puno ng alak. Na wala silang maririnig sa ‘Al-Jannah’ na anumang salita na walang kabuluhan, at hindi nila pasisinungalingan ang isa’t isa.
36-39. Na para sa kanila ang lahat ng ito bilang gantimpala at kagandahang-loob mula sa Allâh (I) at masaganang pamamahagi na angkop na angkop sa kanila. Mula sa ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, at sa anumang nasa pagitan ng dalawang ito, na Siya ay Pinakamahabagin sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, na walang sinuman ang mangangahas na magsalita sa Kanya maliban sa kung ito ay Kanyang pahintulutan, sa Araw na tatayo si Jibril at ang mga anghel na nakahanay, na hindi sila maaaring mamagitan maliban sa kung sino ang pinahintulutan ng Allâh (I) na Pinakamahabagin na pamagitanan, at pawang katotohanan lamang ang sasabihin at kung ano ang karapat-dapat na sabihin. Iyan ang Tunay at Totoong Araw, na walang pag-aalinlangang darating, kung gayon, sino man ang nagnanais na mailigtas ang kanyang sarili sa kalagiman nito ay hayaan niyang tahakin ang daan patungo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya sa makamundong buhay na ito; upang ito ang kanyang matagpuan sa Kanya.
40. Katiyakan, binalaan Namin kayo hinggil sa parusa na magaganap sa Araw ng Muling Pagkabuhay na napakalapit nang mangyari, na kung saan doon ay makikita ng bawa’t isa ang anumang kanyang ginawa na mabuti o di kaya ay ang kanyang ginawa na kasamaan, at sasabihin ng walang pananampalataya dahil sa kagimbal-gimbal na pangyayari sa Araw ng Paghuhukom na ito: “Sana ay naging alikabok na lamang ako at hindi na ako binuhay pang mag-uli.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment