48
XLVIII – Sûrat Fath
[Kabanata Al-Fath – Ang Tagumpay o Pangingibabaw]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Katiyakan, ipinagkaloob Namin sa iyo, O Muhammad, ang malinaw na tagumpay, na pangingibabawin ng Allâh (I) ang iyong ‘Deen,’ at tutulungan ka Niya laban sa iyong kalaban, na ito ay ang kasunduang pagtigil ng digmaan (‘ceasefire’) na naganap sa ‘Hudhaybiyyah,’ na naging mapayapa ang mga tao sa isa’t isa dahil dito, at lumaganap at lumawak ang pag-aanyaya tungo sa ‘Deen’ ng Allâh (I), at nagkaroon ng pagkakataon ang sinumang naghahangad na makita ang katotohanan hinggil sa Islâm at ito ay matutunan, at pumasok ang mga tao sa ‘Deen’ na ito ng Allâh (I) nang grupo-grupo; na kung kaya, ito ay pinangalanang malinaw na tagumpay dahil sa ito ay napakalinaw.
2-3. Ipinagkaloob Namin sa iyo ang tagumpay na ito at ginawa Namin na madali ito sa iyo; upang patawarin ng Allâh (I) sa iyo ang anumang nagawa mong kasalanan at ang darating pa; dahil sa nangyari sa pagpanalong ito, marami ang naganap na pagsunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa iyong pagtitiis sa mga kahirapan, at upang buuin ng Allâh (I) ang Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pangingibabaw ng iyong ‘Deen’ sa pagpanalo mo sa iyong mga kalaban, at gagabayan ka sa Matuwid na Landas na Kanyang ‘Deen’ na walang kabaluktutan, at tutulungan ka nang malakas na tulong na hindi manghihina sa pamamagitan nito ang Islâm.
4. Walang iba kundi ang Allâh (I) ang nagbaba ng kapanatagan sa mga puso ng mga naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa araw ng ‘Hudhaybiyyah,’ na kung kaya, naging panatag at naging tiyak sila sa kanilang mga puso; upang maragdagan ang paniniwala nila sa Allâh (I) at pagsunod nila sa Kanyang Sugo ng karagdagang paniniwala at pagsunod. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga sundalo sa mga kalangitan at kalupaan na tinutulungan Niya sa pamamagitan nila ang Kanyang mga alipin na mananampalataya. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa ikabubuti ng Kanyang mga nilikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at paglikha.
5. Upang papapasukin ng Allâh (I) ang mga mananampalatayang kalalakihan at kababaihan sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno at mga palasyo nito at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at buburahin sa kanila ang kanilang mga nagawang kasalanan na hindi na sila parurusahan pa, at ang ganitong gantimpala mula sa Allâh (I) ay kaligtasan mula sa anumang suliranin, at pagkakamit ng dakilang tagumpay.
6. At parurusahan ng Allâh (I) ang mga mapagkunwari na mga kalalakihan at mga kababaihan, at ang mga sumasamba sa iba bukod sa Allâh (I) na mga kalalakihan at mga kababaihan na nag-isip ng masama laban sa Allâh (I) na inisip nilang ang Allâh (I) ay hindi Niya tutulungan kailanman ang Kanyang Propeta at ang mga mananampalataya na kasama niya laban sa kanilang mga kalaban, at hindi Niya pangingibabawin ang Kanyang ‘Deen,’ na kung kaya, ang para sa kanila ay kahiya-hiya at masidhing kaparusahan, at maging ang Pagkamuhi ng Allâh (I) sa kanila, at pagtataboy sa kanila mula sa Kanyang awa, at inihanda ng Allâh (I) para sa kanila ang Impiyernong-Apoy na napakasamang tirahan na kanilang patutunguhan.
7. At pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga sundalo sa mga kalangitan at kalupaan na pinalalakas Niya sa pamamagitan nila ang Kanyang mga alipin na mga mananampalataya. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan at Dakila sa Kanyang paglikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.
8-9. Katiyakan, ipinadala ka Namin, O Muhammad, bilang testigo sa iyong ‘Ummah’ [58] sa pagparating ng mensahe, sa paglilinaw ng anumang mensahe na dala-dala mo sa kanila at pagbibigay ng magandang balita hinggil sa Hardin (‘Al-Jannah’) sa sinumang susunod sa iyo, at pagbabala sa sinumang lalabag sa iyo ng maagang parusa rito sa daigdig at parusa sa Kabilang-Buhay; upang sila ay maniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at tulungan ng Allâh (I) na ang ibig sabihin ay pagtataguyod at pagsunod sa Kanyang ‘Deen,’ at Siya ay dakilain at purihin sa umaga at hapon.
10. Walang pag-aalinlangan, ang mga yaong nangako ng pagsunod sa iyo, O Muhammad, sa ‘Hudhaybiyyah’ sa pakikipaglaban, katiyakang ang pinangakuan nila ay ang Allâh (I), at nakipagkasundo sila ng kasunduan sa Kanya na paghahangad ng Kanyang ‘Jannah’ (Hardin) at Kanyang pagmamahal, ang Kamay ng Allâh (I) ay nasa ibabaw ng kanilang mga kamay, at Siya ay kasama nila sa pamamagitan ng Kanyang Pandinig at Paningin na narinig Niya ang kanilang mga salita at nakikita Niya ang kanilang kinaroroonan at batid Niya ang kanilang kinikimkim at inilalantad, at sinumang sisira sa kanyang pangako ay sarili niya lamang ang kanyang pinipinsala, at sinumang tutupad ng kanyang pangako sa Allâh (I) ng pagiging matatag sa pakikipagharap sa kalaban sa Daan ng Allâh (I) at pakikiisa sa Kanyang Propeta na si Muhammad, walang pag-aalinlangang ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanya ang masaganang gantimpala, na ito ay ang ‘Al-Jannah’ (Hardin). Nandirito sa talatang ito ang pagpapatunay hinggil sa katangian ng Allâh (I) na Siya ay nagtataglay ng Kamay na angkop na angkop sa Kanyang Kadakilaan at Kamaharlikaan, na walang paghahambing at walang pagtatanong ang pagiging paano nito.
11. Walang pag-aalinlangang sasabihin sa iyo, O Muhammad, ng mga nagpaiwan na mga bedouin na hindi sila lumabas kasama ka sa pagpunta sa Makkah kapag pinuna mo sila: “Naging abala kami sa aming mga kayamanan at mga pamilya, na kung kaya, hilingin mo sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na patawarin kami sa aming ginawang pagpapaiwan,” sinasabi nila ito sa kanilang mga dila, subali’t ito ay walang katotohanan sa kanilang mga puso, sabihin mo sa kanila: “Sino sa inyo kung gayon ang may kakayahan na mamagitan sa Allâh (I) para sa inyo kapag hinangad ng Allâh (I) sa inyo ang kapinsalaan o kapakinabangan? Ang katotohanan ay hindi ang yaong iniisip nila na mga mapagkunwari na ang Allâh (I) ay hindi Niya batid ang anuman na kanilang kinikimkim sa kanilang mga sarili na pagkukunwari, kundi walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang anuman na kanilang ginagawa, at walang anumang naililihim sa Kanya sa mga ginagawa ng Kanyang mga nilikha.
12. “At ang pangyayari ay hindi ang katulad ng inyong inaangkin na kayo ay naging abala sa mga kayamanan at pamilya, kundi ang katotohanan ay iniisip ninyo na ang Sugo ng Allâh at ang Kanyang mga kasamahan ay mawawasak at mamamatay, at hindi na sila makababalik pa kailanman, at pinaganda ni ‘Shaytân’ sa inyo ang ganitong pag-iisip sa inyong mga puso, at nag-isip kayo ng masama na ang Allâh (I) ay hindi Niya tutulungan kailanman ang Kanyang Propeta na si Muhammad at ang kanyang mga kasamahan laban sa kanilang mga kalaban, at kayo ay naging mga walang-kabuluhang tao na patungo sa pagkawasak.”
13. At ang sinumang hindi naniwala sa Allâh (I) at sa anumang mensahe na dala-dala ng Kanyang Sugo at hindi sumunod sa Kanyang batas, walang pag-aalinlangang siya ay walang pananamapalataya na karapat-dapat sa kaparusahan, at katiyakang inihanda Namin sa mga walang pananampalataya ang napakainit na naglalabgablab na Apoy ng Impiyerno.
14. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga kalangitan at ang kalupaan at ang anuman na nilalaman nito, at pinatatawad Niya dahil sa Kanyang awa ang sinuman na Kanyang nais at pinagtatakpan Niya ang kanyang kasalanan, at pinarurusahan Niya dahil sa Kanyang makatarungang hatol ang sinuman na Kanyang nais, ang Allâh (I) ay Siyang ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanya.
15. Walang pag-aalinlangan, sasabihin ng mga nagpaiwan, kapag ikaw ay tumungo, O Muhammad, at ang iyong mga kasamahan sa mga ‘Ghanâim’ sa Khaybar na ipinangako ng Allâh (I) sa inyo: “Hayaan ninyo kaming sumama sa inyo na magtungo sa Khaybar.” At hangad nila sa pamamagitan nito na baguhin ang pangako ng Allâh (I) sa inyo. Sabihin mo sa kanila: “Hindi kayo makasasama sa amin tungo sa Khaybar; dahil sinabi na ito ng Allâh (I) sa amin bago pa kami bumalik sa Madinah: ‘Na katotohanan, ang mga ‘Ghanâim’ ng Khaybar ay para lamang sa sinumang kasama namin na pumunta sa Hudhaybiyyah,’” walang pag-aalinlangan, sasabihin nila: “Ang pangyayari ay hindi ang mga yaong inyong sinasabi, dahil katiyakang ang Allâh (I), ay hindi ganoon ang iniutos sa inyo, at katiyakang pinipigilan ninyo kami na sumama sa inyo dahil sa inyong panibugho; upang wala kaming makamtan na anumang ‘Ghanimah’ na kasama sa inyo.” Subali’t ang pangyayari ay hindi ang yaong kanilang inaangkin, kundi hindi nila naiintindihan ang anuman na mula sa Allâh (I) na para sa kanila at kung anuman ang tungkulin nila hinggil sa alintuntunin ng ‘Deen,’ bagkus ay kakaunti lamang ang kanilang naiintindihan mula rito.
16. Sabihin mo sa mga yaong nagpaiwan sa pakikipaglaban na mga bedouin: “Katiyakan, kayo ay tatawagin tungo sa pakikipaglaban sa mga magigiting na mga tao sa labanan, na makipaglaban kayo sa kanila o di kaya ay susuko sila bilang mga Muslim na wala nang labanan na magaganap, at kapag kayo ay sumunod sa Allâh (I) tungo sa paanyaya sa inyo na pakikipaglaban sa kanila ay ipagkakaloob sa inyo ang ‘Al-Jannah’ (Hardin), at kapag lumabag kayo na katulad ng inyong ginawang pagpapaiwan na hindi pagsama sa Sugo ng Allâh sa pagpunta sa Makkah ay parurusahan kayo nang masidhing kaparusahan.”
17. Walang kasalanan sa hindi pagsama sa inyo sa pakikipaglaban ng bulag o di kaya ay ng pilay, at ganoon din wala ring kasalanan ang may sakit kapag sila ay hindi sumama sa pakikipaglaban kasama ang mga mananampalataya; dahil sa wala silang kakayahan. At sinuman ang susunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay papapasukin siya ng Allâh (I) sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno at mga palasyo nito, at ang sinumang lalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at hindi sumama sa pakikipaglaban kasama ang mga mananampalataya ay parurusahan siya nang masidhing kaparusahan.
18-19. Katiyakan, kinalugdan ng Allâh (I) ang mga mananampalataya nang sila ay nangako ng sumpaan sa iyo, O Muhammad, sa ilalim ng puno (ito ay ang sumpaang pangako na tinatawag na ‘Bay`at Ar-Ridwân’ sa ‘Hudhaybiyyah’). At batid ng Allâh (I) kung ano ang nasa puso ng mga mananampalataya na paniniwala, katapatan, pagtupad sa ipinangako, na kung kaya, ibinaba ng Allâh (I) sa kanila ang kapanatagan na ito ay tumanim sa kanilang mga puso, at pinalitan ng Allâh (I) sa kanila ang anumang hindi nangyari noong sila ay nakipagkasundo sa ‘Hudhaybiyyah’ ng malapit na tagumpay, na ang kapalit ay pagkapanalo nila sa Khaybar, at maraming ‘Ghanâim’ na kanilang nakuha na mga kayamanan ng mga Hudyo sa Khaybar. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa mga kumakalaban sa Kanya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.
20-22. Ipinangako ng Allâh (I) sa inyo ang masaganang ‘Ghanâim’ na inyong makakamtan sa iba’t-ibang panahon na itinakda ng Allâh (I) para sa inyo at pinauna na Niya bilang patibay ang mga ‘Ghanâim’ sa Khaybar, at pinigilan ng Allâh (I) ang mga kamay ng inyong mga kalaban sa inyo at walang nangyari sa inyo na masama, na kung saan, nililihim na balakin ng inyong mga kalaban na pakikipaglaban at pakikipagpatayan sa inyo, at ang kanilang pamiminsala sa anumang inyong iniwan sa Madinah, upang mangyari ang kanilang pagkatalo at ang inyong pagkaligtas at pagkaroon ng ‘Ghanimah’ ay palatandaan na dapat maging aral sa inyo, na nagpapatunay para sa inyo na ang Allâh (I) ay pinangangalagaan kayo at tinutulungan, at ginagabayan kayo tungo sa Matuwid sa Landas na walang kabaluktutan.
At katiyakan, ipinangako rin ng Allâh (I) sa inyo ang iba pang ‘Ghanimah’ na wala pa sa kakayahan ninyo na makamtan; at katiyakang ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan na walang pag-aalinlangang ito ay magaganap, at ito ay nasa ilalim ng Kanyang Pangangasiwa at Kaharian, at ito sa katotohanan ay ipinangako sa inyo, at walang pag-aalinlangang mangyayari ang anuman na Kanyang ipinangako.
At ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay at walang makapipigil sa Kanya kung ito ay Kanyang nanaisin. At kung nakipaglaban lamang sa inyo ang mga walang pananampalataya na mga Quraysh sa Makkah ay matatalo sila na sila ay tatakas, na tulad ng nangyayari sa sinumang natatalo sa labanan, pagkatapos ay wala na silang matatagpuan bukod sa Allâh (I) na magiging kaagapay nila na tutulong sa kanila sa pakikipaglaban sa inyo.
23. Ito ay pamamaraan ng Allâh (I) na Kanyang ginagawa noon sa Kanyang mga nilikha na pagpapanalo Niya sa Kanyang mga sundalo at pagpapatalo Niya sa sinumang kumakalaban sa Kanya, at kailanman hindi ka na makakatagpo, O Muhammad, ng pagbabago sa pamamaraan ng Allâh (I).
24. At Siya ang pumigil sa mga kamay ng mga ‘Mushrikûn’ para sa inyo, at ang inyong mga kamay para sa kanila sa loob ng Makkah pagkatapos ng inyong pagsakop sa kanila at sila ay nasa ilalim na ng inyong kapangyarihan. (At sila ang mga yaong sumasamba ng iba bukod sa Allâh na kung saan tumungo at nakipagharap sa mga sundalo ng Sugo ng Allâh sa ‘Hudhaybiyyah,’ nadakip sila ng mga Muslim pagkatapos ay pinabayaan sila at hindi sila pinatay, na ang bilang nila ay mga walumpung kalalakihan). At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa inyong mga ginagawa at walang anumang naililihim sa Kanya.
25. Sila ang mga walang pananamapalataya sa Allâh (I) na mga Quraysh na tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I), at pinigilan kayo noong araw ng ‘Huhdaybiyyah’ na pumasok sa ‘Masjid Al-Haram,’ at pinigilan nila ang pag-aalay ninyo sa mga hayop upang ito ay hindi makarating sa lugar na kung saan doon nag-aalay, na ito ay ang ‘Al-Haram.’ At kung hindi lamang sa mga kalalakihan na mga mananampalataya na mga mahihina at mga kababaihan na naninirahan sa ilalim ng pangunguntrol ng mga walang pananampalataya sa Makkah na inililihim nila ang kanilang paniniwala dahil sa kanilang pagkatakot sa anumang mangyayari sa kanilang mga sarili na hindi ninyo sila kilala, na baka mapatay ninyo sila, na kapag ganoon ang nangyari ay malaking kasalanan at kapinsalaan at pananagutan na wala kayong kaalam-alam, subali’t Kami ay sinanhi Namin na masakop ninyo sila; upang papasukin ng Allâh (I) sa Kanyang Awa ang sinuman na Kanyang nais na pagkalooban Niya ng paniniwala pagkatapos ng pagtanggi, at kung nakabukod lamang sila na mga mananampalataya na mga kalalakihan at mga kababaihan mula sa mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah at sila ay ligtas mula sa mga taga-Makkah ay parurusahan Namin ang mga walang pananampalataya mula sa kanila nang matinding pagpaparusa.
26. Nang inilagay ng mga walang pananampalataya sa kanilang mga puso ang pagmamataas at pagiging makasarili na kamangmangan, upang hindi nila maamin at paniniwalaan ang mensahe ni Muhammad, at kabilang dito ay ang kanilang pagtanggi na isulat sa kasunduan sa ‘Hudhaybiyyah’ ang katagang ‘Bis-mil-lâ-hir Rah-mâ-nir Ra-heem,’ at tinanggihan nila na kanilang maisulat ang katagang ito na siyang pinagpasiyahan ni Muhammad na Sugo ng Allâh, at doon ibinaba ng Allâh (I) ang kapanatagan sa puso ng Sugo ng Allâh at sa mga mananampalataya na kasama niya, at pinatatag Niya sa kanila ang pagsasabi ng ‘Lâ i-lâ-ha il-lal-lâh,’ na kung saan ito ang pinakamataas na antas ng ‘Taqwâ’ (pagkatakot), at ang Sugo ng Allâh at ang mga kasama niya na mga mananampalataya ay higit na may karapatan sa katagang ito kaysa sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), at sila ang naniniwala sa katagang ito at hindi ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I). At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay na walang anumang naililihim sa Kanya.
27. Katiyakan, tinupad ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo na si Muhammad ang panaginip na kanyang nakita bilang katotohanan, na siya at ang kanyang mga tagasunod ay papasok sa ‘Baytullâhil Haram’ na tahanan ng pagsamba sa Allâh (I) na Sagrado, na sila ay ligtas at mapayapa, na hindi sila natatakot sa mga ‘Mushrikûn,’ na sila ay nag-aahit ng kanilang buhok o nagpuputol nito, at batid ng Allâh (I) ang mabuti at nakabubuti (sa pagpigil sa kanila noon sa pagpasok sa Makkah noong panahon na nais nilang pumasok at ang pagpasok nila pagkatapos noon) na ito ay hindi ninyo batid, at ginawa Niya sa inyo noong kayo ay hindi nakapasok sa Makkah ang pangako na papalapit na tagumpay at pagkapanalo, na ito ay pagtigil ng labanan na pinagkasunduan sa ‘Hudhaybiyyah’ at pagkapanalo sa Khaybar.
28. Siya ang nagpadala ng Kanyang Sugo na si Muhammad na may malilinaw na mga katuruan na ito ay ang Islâm upang ito ay mangingibabaw sa lahat ng relihiyon, at sapat na sa iyo, O Muhammad, ang Allâh (I) bilang testigo na Siya ang tutulong sa iyo at magpapangibabaw sa iyong ‘Deen’ sa lahat ng ‘deen’ (o relihiyon) na gawa ng tao.
29. Si Muhammad ay Sugo ng Allâh, at ang mga yaong kanyang kasamahan sa kanyang ‘Deen’ ay mga matatapang laban sa mga walang pananampalataya na kumakalaban sa kanila at mga maawain sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa na makikita mo sila, na mga nakayuko, nakapatirapa sa Allâh (I) sa kanilang pagsasagawa ng ‘Salâh,’ na hinihiling nila sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang Kanyang kagandahang-loob sa Kanya na sila ay papasukin sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at kalulugdan sila, at ang mga palatandaan ng kanilang pagsunod sa Allâh (I) ay nakikita sa kanilang mga noo bilang bakas ng pagpapatirapa at pagsamba, at ganito rin ang kanilang katangian na nabanggit sa ‘Tawrah.’
At ang kanilang katangian na nabanggit sa ‘Injeel’ ay katulad ng butil ng pananim na pagkatapos sumibol ng tangkay nito at sanga, at pagkatapos ay dumami ang mga ito, at kumapal ang pananim at tumatag ang pagkakakapit nito sa puno nito na naging maganda ang pagkakatindig nito at nagugustuhan ng mga tagapagtanim, upang magkaroon ng poot ang mga walang pananampalataya sa mga mananampalataya dahil sa dami nila at ganda ng kanilang pagsibol.
Dito ay katibayan bilang palatandaan na ituturing na mga walang pananampalataya ang sinumang may galit o nagkaroon ng poot sa mga ‘Sahabah’ (o kasamahan ng Propeta) dahil ang Allâh (I) ay nagagalit para sa mga ‘Sahabah’ at ang sinumang tao na nagagalit sa mga ‘Sahabah’ ay nagkaroon siya ng katangiang ‘Kufr’ o pagiging walang pananampalataya.
Ipinangako ng Allâh (I) sa mga naniwala sa inyo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at isinagawa ang anumang ipinag-uutos ng Allâh (I) at iniwasan ang anumang ipinagbawal ng Allâh (I), ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at masaganang gantimpala na walang katapusan na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin). [Ang pangako ng Allâh (I) ay totoo at ito ay mangyayari na walang pag-aalinlangan, at sinuman ang susunod sa mga bakas ng mga ‘Sahabah’ na kinalugdan sila ng Allâh (I) ay magiging katulad siya ng mga ‘Sahabah,’ at mayroon silang katangian at pagiging una at pagkabuo o ganap ng kanilang paniniwala na hindi sila maaabot ng sinuman sa sambayanang ito, na kinalugdan sila ng Allâh.]
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment