2
II – Sûrat Al-Baqarah
[Kabanata Al-Baqarah – Ang Baka]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm - Ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ at iba pang mga katulad nito ay kadalasang makikita bilang panimula sa ilang mga ‘sûrah’ o kabanata ng Banal na Qur’ân, ang Allâh (I) lamang ang Bukod-Tanging Nakaaalam ng mga kahulugan nito; na ito ay nagsasaad ng himala ng Qur’ân.
Ang mga titik na ito ang isa sa naging paghamon noon sa mga paganong sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), subali’t hindi nila ito nakayanang pantayan, samantalang ito ay binubuo ng mga salitang ‘Arabic.’ Na kung kaya, pinatunayan ng pagiging kabiguan nila ang gumawa ng katulad nito – gayong sila na ang pinakamagaling at dalubhasa sa pagsasalita – na ang Banal na Qur’ân ay mula sa Allâh (I) at hindi galing kay Propeta Muhammad (r) (na tulad ng paninira ng iba).
2. Ang Qur’ân na ito ay isang dakilang Aklat na katiyakang nagmula sa Allâh (I), na kung kaya, huwag ninyong pag-alinlanganan ang mga nasa loob nito, na ang tanging makikinabang lamang ng patnubay nito ay ang mga ‘Al-Muttaqun’ (ang mga may takot sa Allâh I) na mga sumusunod sa Kanyang batas.
3. At sila na naniniwala sa mga ‘Al-Ghayb’ --- ang mga bagay na hindi nakikita, hindi naaabot ng pangkaraniwang pakiramdam at kaisipan; kundi ito ay mababatid lamang sa pamamagitan ng mga rebelasyon ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo, kabilang din sa mga malawak na kahulugan nito ay ang paniniwala sa mga anghel, ‘Al-Jannah’ [5] (Hardin), ‘An-Nâr’ (Impiyernong-Apoy) at iba pang ipinahayag ng Allâh (I) o di kaya ay isinalaysay ng Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r).
At sila na pinangangalagaan ang pagsa-Salâh, ginagawa ito nang ganap at sa tamang oras, batay sa pagkakautos ng Allâh (I) sa Kanyang Propetang si Propeta Muhammad (r), at sila na nagbibigay ng kawanggawa mula sa mga biyayang ipinagkaloob Namin sa kanila, ito man ay ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) o ‘Sadaqah’ (pangkaraniwang kawanggawa).
4. At sila na naniniwala sa kung ano ang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r) na Qur’ân at gayundin ang ‘Hikmah’ (karunungan), na ito ay ang ‘Sunnah,’ at sa lahat ng mga ipinahayag sa mga Sugong nauna sa iyo na mga Aklat, na katulad ng ‘Tawrah’ (Torah), ‘Injeel’ (Ebanghelyo) at iba pa; at pinaniniwalaan din nila ang buhay pagkatapos ng kamatayan at ang anumang mangyayari roon na pagkukuwenta at pagbabayad.
Sa talatang ito, pinahahalagahan ang hinggil sa Araw ng Muling Pagkabuhay sapagka’t ang paniniwala rito ay kabilang sa mga dakilang bagay na nagtutulak sa mga tao para sundin ang mga ipinag-uutos at iwasan ang mga ipinagbabawal; at maglimi-limi sa sarili, na palagi itong pinapanagot at palaging may pagmamatyag sa sarili.
5. Yaong mga nagtatangan ng ganitong katangian ay nasa liwanag at gabay mula sa Lumikha at Nagpatnubay sa kanila, at sila ang magkakamit ng tagumpay na maaabot nila ang kanilang mga kahilingan at makaliligtas mula sa masama na kanilang tinatakasang kaparusahan.
6. Katiyakan, yaong mga hindi naniwala sa anumang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r) mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil sa kanilang pagmamataas at paglabag; takutin mo man sila at balaan, O Muhammad (r) hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) o di kaya ay pabayaan mo na lamang sila, kailanman ay hindi na tatalab pa sa kanila ang Pananampalataya; dahil sa kanilang pagpupumilit sa kanilang kamalian.
7. Isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso, ang kanilang mga pandinig at tinakpan ang kanilang mga paningin, dahil sa kanilang di-pagsunod at pagmamatigas pagkatapos maipaliwanag sa kanila ang katotohanan, na kung kaya, hindi na sila hinayaang mapatnubayan, at ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.
8. At mayroon sa mga tao ang grupo na nag-aalinlangan at hindi alam kung kanino sila papanig: sa mga mananampalataya ba o sa mga walang pananampalataya, at sila ay yaong mga mapagkunwari (Munâfiq) na binibigkas ng kanilang mga labi at sinasabing: ‘Kami ay naniwala sa Allâh at sa Kabilang-Buhay,’ gayong sa katotohanan, ang nasa kanilang mga kalooban ay kasinungalingan at di-paniniwala.
9. Iniisip nila na dahil sa kanilang kamangmangan ay malilinlang nila ang Allâh (I) at ang mga mananampalataya, sa pamamagitan ng kanilang pagkukunwa-kunwarian na pagpapakita ng panlabas nilang pagtanggap sa pananampalataya at inililihim nila ang pagtanggi, gayong sa paggawa nila nito ay wala silang nililinlang kundi ang kanilang mga sarili lamang dahil ang bunga ng kanilang panlilinlang ay bumabalik sa kanilang mga sarili. Hindi nila ito nararamdaman dahil sa kasukdulan ng kanilang kamangmangan at pagkasira ng kanilang mga puso.
10. Sa kanilang mga puso at kalooban ay pag-aalinlangan at pagkasira, na kung kaya, mas lalo silang nalulong sa kasamaang nagdudulot ng masidhing kaparusahan, dahil sa ganitong kadahilanan, lalo pang dinagdagan ng Allâh (I) ang kanilang pag-aalinlangan, at ang para sa kanila ay matinding kaparusahan dahil sa kanilang kasinungalingan at pagkukunwari.
11. At kapag pinayuhan sila, na huwag silang gagawa ng kapinsalaan at katiwalian sa ibabaw ng kalupaan sa pamamagitan ng pagtanggi, paggawa ng mga kasalanan, pagsisiwalat sa mga lihim ng mga mananampalataya at pagpanig sa mga walang pananampalataya, sasabihin nila bilang pagsisinungaling at pakikipagtalo: ‘Kami ay mga taong mabubuti.’
12. Ang ginagawa nilang ito at pag-aangking sila ay mabubuti, ay sa katunayan ito ay masamang gawain, subali’t dahil sa kanilang kamangmangan at pagtanggi, hindi nila ito namamalayan.
13. At noon, kapag sinabi sa mga mapagkunwari: “Maniwala kayo na tulad ng paniniwala ng mga Sahâbah.” Nakipagtalo sila at sinabi nila: “Maniniwala ba kami sa katulad nilang may kakulangan sa pag-iisip at mahihina, na pagkatapos ay magiging katulad din kami nilang magkakaroon ng kakulangan sa pag-iisip?” Sinagot sila ng Allâh (I): “Sila lamang ang may kakulangan sa pag-iisip at hindi nila nababatid na sila ay nasa pagkaligaw at pagkatalo.”
14. Kapag nakaharap ng mga mapagkunwari ang mga may pananampalataya noon, sinabi nila: ‘Kami ay naniwala sa Islâm na katulad ninyo,’ at kapag sila ay tumalikod na at tumalilis patungo sa kanilang mga pinunong walang pananampalataya, na kumakalaban sa Allâh (I), tiniyak nilang sila ay magkakasama sa kanilang pagtanggi na hindi nila ito kinaliligtaan; na nililinlang at kinukutya lamang nila ang mga may pananampalataya.
15. Samakatuwid, dahil sa ginawa nilang pangungutya at pagwawalang-bahala sa mga mananampalataya, ay minaliit at pinabayaan sila ng Allâh (I), nang sa gayon ay lalo pang tumindi ang kanilang pagkaligaw at pagdududa, at sila ay pagbabayarin sa kanilang pangungutya sa mga mananampalataya.
16. Sila ang mga mapagkunwari na ipinagbili ang kanilang mga sarili sa isang talunang pakikipagkasunduan, mas pinili pa nila ang di-maniwala at iniwanan nila ang tunay na pananampalataya, na kung kaya, wala silang napalang kahit na kaunti at hindi nila nakamtan ang patnubay. At ito ang talagang tunay na pagkatalo.
17. Ang katulad ng mga mapagkunwari na nagpanggap na sila ay naniwala sa mensahe ni Propeta Muhammad (r), subali’t inilihim nila ang pagtanggi sa kanya at pagkatapos sila ay lumabag, at nalilito’t nangangapa sila sa kadiliman at pagkaligaw nang hindi nila namamalayan, at wala na silang pag-asa pang makaalis (sa pagkaligaw na) ito, ang katulad nila ay isang grupo ng mga taong nagtungo sa disyerto sa kadiliman ng gabi at pagkatapos ay nagsilab ang isa sa kanila ng malaking apoy upang mapawi ang lamig at makakita ng liwanag, subali’t nang lumiwanag na nang lubusan ang buong kapaligiran dahil sa silab ng apoy, ay bigla na lamang itong namatay, sa ganitong kadahilanan, ay lalo pang tumindi ang kadiliman sa kanilang kapaligiran at wala na silang makita, at wala na silang gabay at hindi na nila alam kung saan sila patutungo at kung paano sila makaliligtas.
18. Sila ay mga bingi sa pakikinig ng katotohanan na hindi umuunawa, mga pipi sa pagbigkas nito at mga bulag na di-nakikita ang liwanag ng patnubay; na kung gayon ay hindi na sila makababalik pa kailanman sa Tamang Paniniwala na kanilang tinalikuran, na sa halip ay pagkaligaw ang ipinalit nila.
19. O di kaya’y inihahambing ang katayuan ng ibang grupo ng mga mapagkunwari, na minsan ay nakikita nila ang katotohanan at minsan naman ay bumabalik sila sa pagdududa.
Ang katulad nila ay parang isang grupo ng mga taong naglalakad sa ilang na lugar at pagkatapos ay bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan at nagkaroon ng matinding kadiliman, kumulog at kumidlat ng mga nakasusunog na mga kidlat, dahil sa nakasisindak na pangyayari ay inilalagay nila ang kanilang mga daliri sa kanilang mga tainga sa pagkatakot nila sa kamatayan. Samakatuwid, ang Allâh (I), batid Niya nang ganap ang mga walang pananampalataya, na wala silang maililihim na anuman sa Kanya at hindi nila mauunahan ang Allâh (I) sa lahat ng bagay.
20. Halos alisin sa kanila ang kanilang mga paningin sa pamamagitan ng tindi ng liwanag ng kidlat, na sa tuwing ito ay lumiwanag, sila ay napapalakad sa liwanag nito, at kapag dumilim na naman, sila ay napapahinto sa kanilang mga kinaroroonan. At kung gugustuhin lamang ng Allâh (I) na alisin sa kanila ang kanilang pandinig at paningin, ito ay kaya Niyang gawin anumang sandali, subali’t pinagbibigyan pa rin sila ng Allâh (I), samakatuwid, katiyakang ang Allâh (I) ay Siyang ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.
21. Ito ay panawagan mula sa Allâh (I) para sa sangkatauhan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) na Siyang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang Nangangalaga sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang mga biyaya at kagandahang-loob. Katakutan ninyo Siya at huwag ninyong labagin ang Kanyang ‘Deen’ (isinaling ‘Relihiyon’ na ito ay tumutukoy sa Batas o Uri ng Pamumuhay na mula sa Allâh para sa lahat ng Kanyang mga nilikha sa lahat ng larangan ng kanilang pamumuhay), na katotohanang nilikha Niya kayo mula sa wala at gayundin ang mga nauna sa inyo, nang sa gayon ay mapabilang kayo sa mga ‘Al-Muttaqîn,’ na kinalugdan ng Allâh (I), dahil mahal nila ang Allâh (I).
22. Siya ay inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na lumikha ng kalupaan nang palatag upang maging madali para sa inyo ang inyong pamumuhay sa ibabaw nito, gayundin ang mga kalangitan, ginawa Niya ito nang pagkatatag-tatag at ibinababa Niya ang tubig-ulan mula sa mga ulap at sa pamamagitan nito ay pinasibol Niya ang iba’t-ibang uri ng mga bunga at mga pananim bilang kabuhayan para sa inyo, kung kaya, huwag kayong maglagay ng mga katambal sa pagsamba sa Allâh (I) gayong alam ninyong Siya lamang ang Nag-iisa sa paglikha, at sa pagkakaloob ng kabuhayan, at sa pagiging may karapatan bilang Bukod-Tanging sinasamba.
23. Kung kayo na mga walang pananampalataya ay may pag-aalinlangan hinggil sa Qur’ân na Aming inihayag sa Aming alipin na si Muhammad (r) at inaangkin ninyong ito ay hindi nagmula sa Allâh (I), kung gayon ay gumawa kayo ng isang kabanata na katulad ng kabanata sa Banal na Qur’ân, at tawagin ninyo ang sinumang makakayanan ninyong tawagan bukod sa Allâh (I) upang tumulong sa inyo, kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan sa inyong pag-angkin.
24. Subali’t kung hindi ninyo ito makakayanang gawin, at bilang katiyakan, ngayon at kahit na magpakailanman ay hindi ninyo ito makakayanang gawin, samakatuwid, katakutan ninyo ang Impiyernong-Apoy sa pamamagitan ng paniniwala kay Propeta Muhammad (r) at pagsunod sa Allâh (I), sapagka’t ang panggatong sa Impiyerno ay mga tao at mga bato, na inihanda para sa mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.
25. At ipamalita mo, O Muhammad (r) sa mga naniwala at gumagawa ng kabutihan, ang magandang balita na magpapasaya sa kanilang kalooban, na ang nakalaan sa kanila sa Kabilang-Buhay ay magagandang Hardin at mga ilog na umaagos sa ilalim ng mga nagtataasang palasyo at ng mga punong may mga lilim.
Sa tuwing bibigyan o pagka-kalooban sila ng Allâh (I) ng isang uri ng prutas na napakasarap, sasabihin nila: ‘Ganito rin ang ibinigay ng Allâh (I) sa amin noon,’ subali’t kapag ito ay natikman nila, matutuklasan nila na ito pala ay kaiba sa lasa at sarap, gayong ito ay magkatulad sa kulay, anyo at pangalan.
At ang para pa rin sa kanila sa ‘Al-Jannât’ (mga Hardin), ay mga dalisay na asawa na malilinis mula sa lahat ng uri ng pisikal na karumihan (na tulad ng ihi at regla); at malilinis din sa espirituwal na karumihan, na katulad ng pagsisinungaling at masasamang pag-uugali.
At sila sa ‘Al-Jannah’ at sa kasiyahan na buhay doon ay mananatiling walang hanggan, na hindi na sila mamamatay pa roon at hindi na sila lalabas pa roon magpakailanman.
26. Katiyakan na hindi nahihiya ang Allâh (I) sa katotohanan na Kanyang ipinahayag, kakaunti man ito o marami; o kahit na sa pagbibigay ng isang maliit na halimbawa na katulad ng isang lamok, langaw at iba pa; mula sa ibinigay ng Allâh (I) na halimbawa sa mga walang kakayahang sinasamba nila bukod sa Kanya.
Subali’t sa mga may pananampalataya, batid nila ang tunay na karunungan ng Allâh (I) sa pagbibigay Niya ng mga maliliit na halimbawang ito o maging ito man ay malaki, mula sa Kanyang mga nilikha.
Bagama’t sa mga walang pananampalataya ay minamaliit nila ito at kanilang sinasabi: “Ano kaya ang nais ng Allâh (I) (na ipakahulugan) sa pagbibigay Niya ng mga halimbawang ito, na katulad ng kulisap na walang halaga sa paningin ng tao?” Sasagutin sila ng Allâh (I): “Ang dahilan ay pagsubok, upang mapahiwalay ang sinumang naniwala mula sa hindi naniwala.”
Pagkatapos ay inilalayo ng Allâh (I) ang maraming tao mula sa katotohanan dahil sa pagmamaliit nila (sa mga halimbawang ito), at ginagabayan Niya naman ang iba tungo sa karagdagang paniniwala at patnubay dahil (din sa mga halimbawang ito). Sa bagay na ito, ang Allâh (I) ay walang dinaraya na kahit na sinuman, sapagka’t ang mga inilalayo lamang Niya sa katotohanan ay ang mga taong lumayo sa pagsunod sa Kanya.
27. Yaong mga sumisira sa kasunduan nila sa Allâh (I), na ang kasunduang ito ay hinggil sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya. At ito ay pinatunayan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Sugo at pagpapahayag ng mga Aklat sa kanila. Magkagayon pa man ay nilabag nila ang ‘Deen’ ng Allâh (I) katulad ng pagsira sa ugnayan ng mga magkakamag-anak, pagkalat ng mga kapinsalaan at katiwalian sa ibabaw ng kalupaan; samakatuwid sila ang talunan dito (sa daigdig) at sa Kabilang-Buhay.
28. Paano ninyo tinatanggihan, O kayong mga ‘Mushrikûn’ ang Kaisahan ng Allâh (I), at kayo ay sumasamba ng iba bukod sa Kanya; gayong ang mga palatandaan sa inyong mga sarili ay malinaw na malinaw? Na kayo ay walang mga buhay (noon) --- nilikha Niya kayo mula sa wala at pagkatapos ay binigyan Niya kayo ng buhay, at pagkatapos nito ay mamamatay kayo pagdating ng hangganang itinakda para sa inyo. At pagkatapos ninyong mamatay ay bubuhayin kayong muli sa Araw ng Muling Pagkabuhay at pagkatapos ay babalik kayo sa Kanya para sa pagkukuwenta (pagtutuos) at pagbabayad.
29. Ang Allâh (I), Siya lamang ang lumikha para sa inyo ng lahat ng mga nasa kalupaan, na mga biyayang kapaki-pakinabang para sa inyo. Pagkatapos ay pinagpasiyahan Niyang likhain ang mga kalangitan at ginawa Niya itong pitong kalangitan. Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat at sakop ng Kanyang Kaalaman ang lahat ng Kanyang mga nilikha.
30. At ipaalaala mo sa mga tao, O Muhammad (r), na noon ay sinabi ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga anghel na: “Ako ay lilikha ng isang nasyon (mga tao) na magsasalit-salitan sa pamamahala sa kalupaan.”
Subali’t sinabi ng mga anghel: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ituro Mo sa amin ang karunungan sa paglikha Mo sa kanila, sapagka’t ang kanilang kaugalian ay maminsala lamang sa kalupaan at magpadanak ng dugo sa pamamagitan ng pang-aapi at paglalaban-laban sa isa’t isa; gayong kami ay (walang ginagawa kundi) ang sumunod lamang sa Iyong kagustuhan, at ang pinakatungkulin namin ay ang patuloy na pagsa-‘Salâh’ na para lamang sa Iyo, at pinupuri Ka namin nang lubus-lubusan; sapagka’t wala Ka ni kaunti mang di-kaganapan at pinupuri Ka namin sa lahat ng Iyong mga ganap na katangian at ikinararangal Ka namin.”
Na kung kaya, sinabi ng Allâh (I) sa kanila: “Ako ang Nakaaalam ng mga bagay na hindi ninyo alam na nakabubuti, na siyang naging dahilan ng Aking paglikha sa kanila (tao).”
31. At bilang paglalahad sa katangian ni Âdam, itinuro sa kanya ng Allâh (I) ang lahat ng pangalan ng mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ipinakita Niya sa mga anghel (ang mga bagay na yaon) at Kanyang sinabi sa kanila: “Sabihin ninyo (nga) sa Akin kung ano ang mga pangalan ng mga bagay-bagay na ito, kung totoong kayo ang may karapatang mamahala sa kalupaan? ”
32. Sinabi ng mga anghel: “Luwalhati sa Iyo, O aming ‘Rabb! ’ Wala kaming kaalaman maliban sa ipinagkaloob Mo sa amin. Ikaw lamang ang tanging Nakaaalam ng kalagayan ng Iyong mga nilikha at Nangangasiwa sa kanila nang buong karunungan.”
33. Sinabi ng Allâh (I): “O Âdam, sabihin mo (nga) sa kanila ang mga pangalan ng mga bagay-bagay na ito na bigo nilang mabatid.” Nang ipinahayag sa kanila ni Âdam, sinabi ng Allâh (I) sa mga anghel: “Katiyakan, sinabi Ko sa inyo na Ako lamang ang Nakaaalam ng lahat ng mga hindi ninyo alam na nasa mga kalangitan at kalupaan, at batid Ko rin ang lahat ng inyong mga inihahayag at inililihim.”
34. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), sa mga tao ang pagpaparangal ng Allâh (I) kay Âdam, noong sinabi ng Allâh (I) sa mga anghel: “Magpatirapa kayo kay Âdam bilang paggalang at pagpapakita sa kanyang kakaibang katangian.” Ito ay sinunod nilang lahat maliban kay Iblees (ang pinuno ng mga ‘Shaytân’), na dahil sa kanyang pagmamataas at panibugho, ay tinanggihan niyang magpatirapa. Dahil doon, naging kabilang siya sa mga lumabag sa Allâh (I) at hindi sumunod sa Kanyang kagustuhan.
35. At sinabi ng Allâh (I): “O Âdam, manirahan ka at ang iyong asawang si Hawwa` (Eba) sa ‘Al-Jannah’ at malaya kayong kumain ng mga bunga rito nang sa gayon ay masiyahan kayo, at manirahan kayo sa malawak na kapaligiran nito, nguni’t huwag ninyong lalapitan ang punong ito upang hindi kayo magkasala o hindi kayo mapabilang sa mga lumalabag sa kautusan ng Allâh (I).”
36. Hinikayat sila ni ‘Shaytân’ sa pagkakasala sa pamamagitan ng panunukso sa kanila, hanggang sa sila ay makakain ng bungangkahoy sa punong yaon, na samakatuwid, yaon ang naging dahilan ng kanilang paglabas sa masaya nilang paninirahan sa ‘Al-Jannah.’
At sinabi ng Allâh (I) sa kanila (kina Âdam, Hawwa` at Iblees): “Bumaba kayo patungo sa kalupaan at doon, kayo ay maglalaban-laban sa isa’t isa, at kayo ay mananatiling maninirahan doon at makikinabang sa anumang naroroon hanggang sa katapusan ng inyong buhay.”
37. Kung kaya, nakatanggap si Âdam nang tuwirang kapahayagan na mga salita (Ilhâm – Inspirasyon) mula sa Allâh (I) bilang paraan ng pagsisisi at paghingi ng kapatawaran sa Kanya. Ito ang ibinigay ng Allâh (I) kay Âdam na mga panalangin: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Nadaya namin ang aming mga sarili at kung hindi Mo kami patatawarin at kaaawaan ay magiging kabilang kami sa mga talunan.”
Samakatuwid ay pinatawad siya ng Allâh (I) sa kanyang pagkakasala sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘At-Tawwâb’ – ang Tagapagtanggap ng sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran mula sa Kanyang alipin, na Siya ay ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
38. Sinabi ng Allâh (I) sa kanila: “Bumaba kayong lahat mula sa ‘Al-Jannah’ at makararating sa inyo at sa inyong magiging salinlahi ang patnubay patungo sa katotohanan. Sinuman ang susunod sa (katotohanang) ito, wala silang katatakutan sa anuman na kanilang kahihinatnan at hindi nila pagsisisihan ang kanilang nakaraan, kundi ang sa kanila’y kapanatagan dito sa mundo at sa Kabilang-Buhay.”
39. At yaong mga lumabag at pinasinungalingan ang mga talata ng Allâh (I) at ang mga palatandaan ng Kanyang Kaisahan, sila ang mga yaong mananatili sa Impiyernong-Apoy at hindi sila makalalabas doon magpasawalang-hanggan.
40. O mga angkan ni Ya`qûb (Jacob – Isrâ`îl)! Alalahanin ninyo ang mga kagandahang-loob at maraming biyayang ipinagkaloob Ko sa inyo at magpasalamat kayo sa Akin.
Sundin ninyo ang Aking tagubilin na kayo ay maniwala sa lahat ng Aking mga Aklat, sa lahat ng Aking mga Sugo, at isagawa ninyo ang Aking batas. At kapag ito ay inyong ginawa, tutuparin Ko sa inyo ang Aking pangako, na Ako ay magiging Maawain sa inyo rito sa kalupaan at maliligtas kayo sa kaparusahan sa Kabilang-Buhay. Ako lamang ang inyong katakutan --- matakot kayo sa Aking galit kapag nilabag ninyo ang inyong pangako sa Akin at hindi kayo naniwala sa Akin.
41. Maniwala kayo, O mga angkan ni Isrâ`îl sa Banal na Qur’ân na Aking ipinahayag kay Propeta Muhammad (r) na Aking Propeta at Sugo, na sinasang-ayunan ang kaalamang tinataglay ng tunay na katuruan ng ‘Tawrah.’ At huwag ninyong gawin, na kayo pa ang kauna-unahang lalabag mula sa nagtatangan ng mga Kasulatan. At huwag ninyong ipagpalit ang Aking mga palatandaan o mga salita sa napakaliit na halaga ng makamundong bagay. Dapat ninyong mabatid, na Ako ang nararapat ninyong sundin at iwasan ang paglabag sa Akin.
42. At huwag ninyong haluan ang katotohanang ipinahayag sa inyo ng kamaliang inyong inimbento at gawa-gawa lamang. At iwasan ninyo ang paglilihim sa malinaw na katotohanan hinggil sa katangian ng Propeta ng Allâh at Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r) na nakasaad sa inyong kasulatan, at huwag na kayong magmaang-maangan, dahil batid ninyo ang ginawa ninyong paglilihim na ito.
43. Magsipasok kayo sa ‘Deen’ ng Islâm, isagawa ninyo ang pagsa-‘Salâh’ sa tamang pamamaraan na katulad ng pagsasagawa ng Propeta ng Allâh at Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r). Ibigay ninyo ang karapatan mula sa inyong mga kayamanan, na isinaad ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang Sugo (ang tinatawag na ‘Zakâh’) at yumuko kayong kasama ng mga yaong yumuyuko mula sa ‘Ummah’ (sambayanan) ni Propeta Muhammad (r).
44. Napakasama ng inyong kalagayan at maging ng inyong mga Pantas (Iskolar o Paham), nang inutusan ninyo ang mga taong gumawa ng mga kabutihan at pinabayaan ninyo ang inyong mga sarili, na hindi ninyo iniutos sa inyong mga sarili ang dakilang kabutihan, na ito ay Al-Islâm;’ samantalang binabasa ninyo ang ‘Tawrah,’ na nakasaad doon ang mga katangian ni Muhammad (r), na siya ang karapat-dapat na paniwalaan. Samakatuwid, hindi ba ninyo ginagamit ang inyong kaisipan sa tamang pamamaraan?
45-46. At humingi kayo ng tulong sa lahat ng inyong gawain sa bawa’t katayuan ninyo o kalagayan, sa pamamagitan ng lahat ng uri ng pagtitiis at gayundin sa pagsa-‘Salâh.’ Gayunpaman, ito’y magiging mahirap para sa inyo maliban lamang sa mga yaong matatakutin (‘Al-khâsi`in’), sapagka’t sila ay natatakot sa Allâh (I); at naghahangad ng kabutihan mula sa Kanya, at nakatitiyak na makakatagpo nila ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos nilang mamatay, at nakababatid na sila ay babalik sa Kanya para sa Pagtutuos at Paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
47. O mga angkan ni Ya`qûb! Alalahanin ninyo ang mga kagandahang-loob at maraming biyaya ng Allâh (I) sa inyo at ito ay inyong pasalamatan sa Kanya. At alalahanin ninyo na itinuring Ko kayong bukod-tangi sa sangkatauhan noong kapanahunan ninyo, sa pamamagitan ng pagpapadala Ko ng maraming Propeta at mga Aklat sa inyo na tulad ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel.’
48. At katakutan ninyo ang Araw ng Muling Pagkabuhay, ang Araw na wala nang pakinabang ang sinuman sa isa’t isa, at hindi tatanggapin ang gagawing pamamagitan para sa mga walang pananampalataya, ni ang ipantutubos para sa kanila, kahit buong kayamanan ng mundo ang ipantubos para sa kanila ay hindi pa rin ito tatanggapin.
At walang sinuman ang may kakayahan sa Araw na yaon na gumawa ng tulong para iligtas sila mula sa kaparusahan.
49. At alalahanin ninyo ang Aming biyaya sa inyo sa pamamagitan ng pagliligtas sa inyo mula sa kalupitan ni Fir’âwn (Pharaon) at ng kanyang mga tauhan. At pinarusahan nila kayo ng masidhing parusa --- pinapatay ang inyong mga anak na lalaki at inilalaan ang inyong mga kababaihan, inaalipin at pinahihirapan. Ito ay pagsubok sa inyo mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
Na ang kaligtasan ninyong ito ay isang dakilang kagandahang-loob para sa inyo, na karapat-dapat na kayo ay tumanaw ng utang na loob sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon at sa bawa’t henerasyon ninyo.
50. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya sa inyo, noong hinati Namin ang karagatan para sa inyo at gumawa kami rito ng mga daang pinatuyo upang kayo ay makatawid. Iniligtas Namin kayo mula kay Fir`âwn at sa kanyang mga sundalo at mula sa kamatayan ng pagkalunod. At noong sinundan kayo ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo ay nalunod sila sa karagatan at ito ay inyong nasaksihan.
51. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya sa inyo at patnubay, noong itinalaga Namin kay Mousã (Moises u) ang apatnapung gabi upang ihayag sa kanya ang ‘Tawrah’ bilang gabay at liwanag sa inyo. Subali’t sinamantala ninyo ang pagkawala ni Mousã (u) nang ganoong katagal at gumawa kayo ng inanyuang baka (‘`ijil’ - عجل) at ito ay inyong sinamba bukod sa Allâh (I). Katiyakan, ito ang pinakamatinding paglabag sa Allâh (I), kayo ang naging pinakamasama sa Kanyang paningin nang sinamba ninyo ito.
52. Pagkatapos ay pinalampas pa rin Namin itong masama ninyong ginawa. Tinanggap pa rin Namin ang inyong pagsisisi at paghingi ng kapatawaran, pagkatapos bumalik ni Mousã (I), nang sa gayon ay tumanaw kayo ng utang na loob sa Allâh (I), sa Kanyang biyaya at pamamatnubay, upang hindi na kayo magpatuloy pa sa inyong paglabag at paghihimagsik.
53. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya at kagandahang-loob sa inyo, noong ipinagkaloob Namin kay Mousã (u) ang Aklat na hinihiwalay ang katotohanan sa kamalian --- yaon ay ang ‘Tawrah,’ nang sa gayon ay matutuhan ninyo ang patnubay mula sa pagkaligaw.
54. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya at kagandahang-loob sa inyo, noong sinabi ni Mousã (u) sa kanyang mga tauhan: “Kayo ay nagkasala nang matindi laban sa inyong mga sarili, nang gumawa kayo ng inanyuang baka para sambahin, samakatuwid ay manumbalik kayo sa inyong Tagapaglikha. At upang mapatawad kayo sa inyong mga pagkakasala ay patayin ninyo ang inyong mga sarili --- (na ang ibig sabihin ay) papatayin ng mga inosente (o ng mga hindi nagkasala) mula sa inyo ang mga gumawa ng kasalanan. Ito ang makabubuti sa inyo mula sa inyong Tagapaglikha kaysa mapunta pa kayo sa Impiyerno magpasawalang-hanggan.” Nang sinunod ninyo ang kautusang yaon ay pinagpala kayo ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagtanggap Niya ng inyong pagsisisi. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘At-Tawwâb’ – ang Tagapagtanggap ng sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran mula sa Kanyang alipin, na Siya ay ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
55. At alalahanin pa rin ninyo, noong sinabi ninyo: “O Mousã (u)! Hindi kami naniniwala na ang mga salitang naririnig namin ay salita ng Allâh (I) hanggang hindi namin nakikita ang Allâh (I) sa aming harapan.” Kaya’t bumaba ang apoy sa kalangitan at ito ay nakita ng inyong mga mata at pinatay kayo nito dahil sa inyong kasalanan at sa inyong katapangang lumabag sa Allâh (I).
56. Pagkatapos ay binuhay Namin kayong muli pagkatapos ninyong mamatay sa pamamagitan ng kidlat, nang sa gayon ay magpasalamat kayo sa mga biyaya at kagandahang-loob ng Allâh (I) sa inyo. Ang kamatayang yaon ay parusa sa inyo, subali’t pagkatapos noon ay binuhay Namin kayong muli upang mabuo pa ninyo ang itinakdang buhay para sa inyo (rito sa daigdig).
57. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya at kagandahang-loob sa inyo, noong kayo ay naligaw ng apatnapung taon sa kalupaan. Pagkatapos ay nililiman Namin kayo sa pamamagitan ng ulap, nang sa gayon ay hindi kayo maarawan, at ibinaba Namin sa inyo ang ‘Al-Manna’ (isang uri ng matamis na ‘gum’ na katulad ng ‘Honey’ o pulot-pukyutan) at ganoon din ang ‘As-Salwa’ (isang uri ng ibon). Sinabi Namin sa inyo na kumain kayo ng mga malilinis na pagkaing Aming ipinagkaloob sa inyo at huwag ninyong lalabagin ang inyong ‘Deen,’ subali’t hindi kayo sumunod.
Hindi Kami ang inapi nila sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala nila sa mga biyaya kundi sila mismo ang nang-api sa kanilang mga sarili, dahil sa kabayaran ng kasamaang ipapataw sa kanila.
58. At alalahanin pa rin ninyo ang Aming biyaya at kagandahang-loob, noong sinabi Namin sa inyo: “Pumasok kayo sa lunsod na ito (ng ‘Baytul Maqdis’) at kumain kayo ng masasaganang pagkain na may kagalakan saan mang lugar doon, at magpakumbaba kayo sa Allâh (I) habang kayo ay pumapasok sa anumang pintuan na inyong nais ay sabihin ninyo: ‘Patawarin [Mo po] kami sa aming mga pagkakasala,’ nang sa gayon ay Amin kayong patatawarin at pagtatakpan Namin ang inyong mga kasalanan, at bukod pa rito ay patuloy Naming daragdagan ng kabutihan at gantimpala ang mga mabubuti sa kanila.”
59. Subali’t pinalitan ng mga mapang-aping ligaw mula sa angkan ni Isrâ`îl ang salita ng Allâh (I), at binago nila ang salita at gawa nang magkasabay, na sa halip na magpatirapa sila ay pasadsad ang kanilang ginawa, at kanilang sinabi: ‘Isang butil sa isang hiblang buhok.’ At hinamak nila ang ‘Deen’ ng Allâh (I), kaya’t pinuksa sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng kaparusahan mula sa kalangitan dahil sa kanilang paghihimagsik at paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I).
60. At alalahanin pa rin ninyo, O mga angkan ni Isrâ`îl, ang mga biyaya at kagandahang-loob Namin sa inyo, noong kayo ay uhaw na uhaw at naghahanap ng tubig dahil sa inyong pagkaligaw at pagkatapos ay nanalangin si Mousã (u) sa Allâh (I) na pagkalooban ng maiinom ang kanyang mga tauhan.
Kung kaya’t sinabi Namin: “Hampasin mo ang bato sa pamamagitan ng iyong tungkod.” At ito ay kanyang ginawa, at sa ganitong kadahilanan ay bumulwak doon ang labindalawang bukal para sa labindalawang angkan ni Isrâ`îl. Nabatid din ng bawa’t angkan ni Isrâ`îl kung aling bukal ang para sa isa’t isa sa kanila, nang sa gayon ay hindi na sila mag-aagawan (pa). At sinabi Namin sa kanila: “Kumain at uminom kayo mula sa biyayang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo at huwag kayong magkalat ng katiwalian at kasamaan sa ibabaw ng kalupaan.”
61. Alalahanin pa rin ninyo, noong Aming ibinaba sa inyo ang matamis na pagkain at masarap na ibon, subali’t pagkatapos nito ay nagmataas pa rin kayo sa biyayang ito na inyong tinamasa. Talagang naging ugali na ninyo ang ganito, kung kaya’t dumating sa inyo ang paghihikahos at kawalan ng gana (sa lahat).
Dahil dito, sinabi ninyo: “O Mousã (u)! Hindi kami makatatagal sa iisang uri ng pagkain, na pawang ganito na lamang at walang pagbabago. Samakatuwid, hilingin mo sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh) na magpasibol mula sa kalupaan ng mga makakain, na katulad ng mga ‘baql’ (mga dahong gulay), mga pipino, mga ‘fum,’ mga ‘lentil’ at mga sibuyas.”
Kung kaya sinabi ni Mousã (u) na may pagkagulat: “Humihingi kayo ng pagkain na mas mababang uri kaysa sa inyong kinakain (sa ngayon) at inaayawan ninyo ang biyaya ng Allâh (I) na Kanyang pinili para sa inyo? Kaya’t umalis kayo sa bayang ito at magtungo kayo sa alinmang bayan at makikita ninyo roon ang anumang inyong hinahanap sa mga bukirin at pamilihan! ”
At noong sila ay umalis at nagtungo roon, napatunayan nila na ang palagi na lamang nilang inuuna ay ang kanilang mga sariling pagnanasa kaysa sa kung ano ang napili ng Allâh (I) para sa kanila. Kaya, sila ay nalipos ng paghamak at kahirapan. Inilagay nila ang kanilang mga sarili sa pagkapoot ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagtalikod sa ‘Deen’ ng Allâh (I), at dahil sa kanilang paglabag sa mga talata at mga palatandaang nagmula sa Allâh (I), at pinapatay nila ang mga Propeta dahil sa kanilang sukdulang kasamaan at matinding pagmamatigas, at paglabag sa itinakdang hangganan ng Allâh (I).
62. Katiyakan, ang mga naniwala mula sa sambayanan na ito: na sila ay yaong naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang mga Sugo, at sinunod nila ang Kanyang batas; at saka sa mga yaong naniwala bago ipinadala si Propeta Muhammad (r) --- mula sa mga naunang nasyon ng mga Hudyo, mga Kristiyano; at mga ‘Sâbi-în’ --- na sila ang mga yaong nanatili sa kanilang ‘Fitrah’ na wala silang nata-tanging relihiyon na sinusunod.
Kung silang lahat ay naniwala sa Allâh (I) --- tunay at taimtim na paniniwala, at naniwala (rin) sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Araw ng Paghuhukom, at gumawa sila ng mga mabubuting gawa na kalugud-lugod sa paningin ng Allâh (I). Samakatuwid, nanatiling naka-tala ang kanilang gantimpala mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at wala silang dapat ipangamba hinggil sa kanilang kahihinatnan at hindi nila pagsisisihan ang kanilang nakaraan.
Subali’t pagkatapos na maipadala si Propeta Muhammad (r), bilang kahuli-hulihan sa lahat ng mga Propeta at mga Sugo para sa sangkatauhan [na ang pagkakasugo sa kanya ay upang ibalik muli ang lahat sa tunay na katuruan ng mga naunang Propeta at Sugo na dinumihan at binago], ay wala nang maaari pang tatanggaping ‘Deen’ kaninuman sa paningin ng Allâh (I) kundi ang kanyang dinalang ‘Deen,’ [na siya ring katuruan ng lahat ng mga Propeta at Sugo] --- ang tinatawag na Relihiyong Islâm o ‘Deen Al-Islâm.’
63. At alalahanin pa rin ninyo, O kayo na mga angkan ni Isrâ`îl, noong kayo ay sumumpa ng kasunduan, na tanging ang Allâh (I) lamang ang inyong paniniwalaan at sasambahin. Aming itinaas sa ibabaw ninyo ang bundok ng ‘Tûr’ at sinabi Namin sa inyo: “Kunin ninyo ang Aklat na Aming ipinagkaloob sa inyo at panghawakan ninyo ito nang buong pagsisikap at katapatan, at huwag na huwag ninyo itong kalilimutan na bigkasin at sundin; nang sa gayon ay magkaroon kayo ng ‘Taqwâ’ sa Akin (sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinag-utos at pag-iwas sa ipinagbawal) at matakot sa Aking kaparusahan.”
64. Pagkatapos ay sumalungat kayo at muling lumabag sa kautusan pagkatapos ninyong mangako noong itinaas ang bundok sa ibabaw ninyo. Ganoon talaga ang inyong pag-uugali, na kung hindi lamang dahil sa kagandahang-loob at mga biyaya ng Allâh (I) at Kanyang awa sa inyo, na kayo ay patawarin sa inyong mga kasalanan; ay mapapabilang kayo sa mga talunan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
65. At walang pag-aalinlangan, batid ninyo ang masidhing pagkakasala ng inyong mga ninuno, noong nilabag nila ang itinakdang hangganan o kagustuhan ng Allâh (I) bilang matinding kasamaan at paghihimagsik. Ipinagbawal sa kanila noon, dahil sa kanilang pagkakasala, ang pangingisda sa araw ng Sabado (‘Sabbath’), gayon pa man ay naglagay pa rin sila ng lambat sa araw na yaon at nanghuli sila ng mga isda. Na kung kaya, dahil sa paglabag nila, sinabi Namin sa kanila: “Maging mga unggoy kayo, na kahamak-hamak at tinanggihan.” Kaya’t sila ay naging mga unggoy.
66. Samakatuwid, ginawa Namin ang kaparusahan sa bayang yaon bilang aral sa mga bayang nakapalibot sa kanila, at upang maiparating din sa iba ang kuwento hinggil sa nangyari sa kanila, at maging aral din kung gayon sa sinumang gagawa (pagkatapos nila) ng katulad ng pagkakasalang ito na kanilang ginawa. At isang aral para sa mga mabubuti, nang sa gayon ay mapatunayan nilang sila ay nasa katotohanan at sila ay manatili rito.
67. At alalahanin pa rin ninyo, O mga angkan ni Isrâ`îl, ang nagawang kasalanan ng inyong mga ninuno at ang kanilang pagmamatigas at matinding pakikipagtalo kay Mousã (u), noong sinabi sa kanila ni Mousã (u): “Ang Allâh (I) ay nag-utos sa inyong magkatay ng baka.”
Sinabi nila bilang pagmamataas: “Niloloko mo ba kami at minamaliit, O Mousã?” Sinagot sila ni Mousã (u) at sinabi: “Hinihiling ko ang kalinga ng Allâh (I) para ako ay hindi mapabilang sa mga nangungutya.”
68. Sinabi nila: “Hilingin mo para sa amin sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Mousã, na linawin sa amin kung anong uri ng baka ang aming kakatayin.” Sinagot sila ni Mousã (u): “Katiyakan, sinabi ng Allâh (I) sa inyo, na ang katangian ng bakang yaon ay hindi matanda at hindi naman masyadong bata, kundi nasa pagitan nito. Samakatuwid, madaliin ninyo ang pagsunod sa kagustuhan ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha. ”
69. Subali’t nakipagtalo silang muli at kanilang sinabi: “Hilingin mo para sa amin sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na linawin sa amin kung ano ang kulay nito,” na kung kaya, sinabi niya: “Katiyakan, sinabi ng Allâh (I), na ito ay kulay dilaw, matindi ang katingkaran ng kadilawan nito at kaiga-igaya sa paningin ng tao.”
70. Sinabi ng mga angkan ni Isrâ`îl kay Mousã (u): “Idalangin mo para sa amin sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na linawin ang iba pang katangian nito maliban sa nabanggit, dahil maraming baka na ganito ang katangian at hindi namin alam kung ano ang pipiliin namin? At katiyakan, sa kapahintulutan ng Allâh (I) ay mapatnubayan at maipakita sa amin kung anong uri ng baka ang aming kakatayin.”
71. Sinabi sa kanila ni Mousã (u): “Katiyakang ang Allâh (I) ay nagsabi: ‘Katiyakan, ang bakang ito ay hindi ginagamit sa pagbubungkal ng kalupaan, sa pagdidilig ng mga halamanan, at wala itong kapintasan --- wala kayong makikitang katulad ng kulay ng balat ng bakang ito, kundi ito lamang ang nagtataglay ng ganoong uri ng kulay, na kakaiba at natatangi.’”
Sinabi nila: “Ngayon! Sinabi mo na sa amin ang katotohanan hinggil sa katangian nito,” na kung kaya, napilitan silang katayin ito pagkatapos ng mahabang panlilinlang at halos ayaw pa nila itong gawin dahil sa kanilang pagmamatigas. Kaya’t dahil sa kanilang panggigiit ay naging mahigpit sa kanila ang Allâh (I).
72. At alalahanin pa rin ninyo, noong kayo ay pumatay ng isang tao at kayo ay nagtalu-talo hinggil dito at nagsisihan sa isa’t isa, na walang umamin sa inyo kung sino ang gumawa nito. Subali’t ibinunyag ng Allâh (I) ang inyong itinago kung sino talaga ang tunay na pumatay.
73. Kaya’t sinabi Namin: “Ipalo ang bahagi ng bakang ito na inyong kinatay sa taong namatay,” nang sa gayon ay bubuhayin ng Allâh (I) ang namatay at sasabihin sa inyo kung sino ang pumatay sa kanya. Kung kaya, ipinalo nila ang bahaging ito sa namatay at binuhay ito ng Allâh (I) at sinabi niya kung sino ang pumatay sa kanya.
Ganoon ang Allâh (I) kapag binuhay Niya na mag-uli ang mga namatay sa Araw ng Muling Pagkabuhay at ipakikita Niya sa inyo, O kayong mga angkan ni Isrâ`îl, ang Kanyang mga kapangyarihang nagpapatunay ng Kanyang ganap na kakayahan, nang sa gayon ay mapag-isipan ninyo ito nang mabuti at para maitigil ninyo ang pagsasagawa ng mga kasalanan.
74. Subali’t hindi ito naging kapaki-pakinabang sa inyo, dahil kahit na napakarami na ng mga himala ang ipinakita sa inyo (ay hindi kayo napagbago nito, bagkus) ay mas lalo pang tumindi ang katigasan ng inyong mga puso at hindi na tumalab sa inyo ang anumang kabutihan.
Hindi ito lumambot sa dami ng kapangyarihang inyong tinamasa bagkus ay naging katulad pa ng matigas na bato ang inyong mga puso o naging mas higit pa kaysa rito. Dahil minsan ang bato ay nabibiyak at bumubukal mula rito ang tubig at nagiging mga ilog na umaagos. Mayroon din sa mga batong ito na nabibiyak at lumalabas mula rito ang maraming bukal. Ang iba naman ay naglalaglagan mula sa mga tuktok ng bundok dahil sa pagkatakot sa Allâh (I) at pagdakila sa Kanya. Hindi kailanman nakaliligtaan ng Allâh (I) kung ano ang inyong mga ginagawa.
75. O kayong mga Muslim, nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ng mga angkan ni Isrâ`îl at inaasam-asam ninyong sila ay maniwala sa inyong ‘Deen,’ gayong naririnig ng kanilang mga Paham (Iskolar) ang mga salita ng Allâh (I) mula sa ‘Tawrah,’ pagkatapos ay binago at inilayo nila ito mula sa tamang kahulugan pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan hinggil dito, o di kaya ay binago nila ang mga kataga nito kahit na batid pa nilang ang kanilang ginawa ay paglilihis sa salita ng ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng sangkatauhan, na sinasadya at bilang pagsisinungaling.
76. Silang mga Hudyo, kapag nakatatagpo nila ang mga naniwala, sasabihin nila: “Naniwala kami --- naniwala kami sa inyong ‘Deen’ at sa inyong Sugo na inihayag sa ‘Tawrah.’”
Subali’t kapag sila-sila na lamang ang magkakasama na kapuwa mapagkunwari mula sa mga Hudyo, sasabihin nila nang may panlilibak at hindi pagsang-ayon: “Isasalaysay ba ninyo sa mga mananampalataya kung ano ang sinabi ng Allâh (I) sa inyo sa ‘Tawrah’ hinggil sa katangian ni Muhammad (r) upang magkaroon sila ng katibayan laban sa inyo, sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay? Hindi ba kayo nakaiintindi, na kung gayon ay maging maingat kayo sa inyong mga pananalita?”
77. Ginagawa ba nila ang kasalanang ito dahil sa hindi nila alam na batid ng Allâh (I) kung ano ang kanilang inililihim at inilalantad?
78. Mayroong grupo na kabilang sa mga Hudyo, na mangmang, na walang nalalaman hinggil sa ‘Tawrah’ at sa mga nilalaman nito tungkol sa mga katangian ng Propeta ng Allâh at Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r). Na ang alam lamang nila ay ang kasinungalingan at pagsalig sa kanilang maling pag-aakala at sila ay nanghuhula lamang.
79. Kapighatian at kapahamakan para sa mga masasama mula sa mga Maalam (Paham) ng mga Hudyo, na nagbibigay ng maling katuruan, na kanilang isinusulat ang Aklat sa pamamagitan ng kanilang mga sariling kamay at pagkatapos ay sinasabi nila: “Ito ay nagmula sa Allâh (I) na nakasulat sa ‘Tawrah;’ upang ipagpalit ito sa napakaliit na halaga ng makamundong bagay.” Ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan dahil sa kanilang pagsulat ng mga kamaliang ito sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at para pa rin sa kanila ang matinding pagpapahirap dahil sa tinanggap nilang kaunting halaga mula sa kasamaang kanilang kinita, katulad ng suhol at iba pa upang baguhin nila ang mga salita ng Allâh (I).
80. At sinabi ng mga angkan ni Isrâ`îl: “Hindi kami parurusahan sa Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay kundi sa iilang araw lamang.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r) bilang pagsalungat sa kanilang pag-angkin: “Mayroon ba kayong ginawang kasunduan sa Allâh (I) hinggil sa mga sinasabi ninyo, dahil ang Allâh (I) ay hindi sumisira sa Kanyang kasunduan? O kayo lamang ang nagsasabi ng mga bagay-bagay na wala kayong alam at pawang kasinungalingan lamang?”
81. Ang batas ng Allâh (I) ay hindi nababago; samakatuwid, ang sinumang gumawa ng pagkakasala na nag-aakay patungo sa di-paniniwala, at pagkatapos nito ay nalulong siya sa lahat ng uri ng mga kasalanan --- ang mga katulad nila ang mananatili sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan.
82. Gayundin sa kabilang dako, (kailanman) ang batas ng Allâh (I) ay hindi nababago; samakatuwid, ang sinumang naniwala sa Kanya nang taos-puso at naniwala sa Kanyang mga Sugo, gumawa ng kabutihan ayon sa Kanyang batas na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo --- sila ang mananatili sa ‘Al-Jannah’ sa Kabilang-Buhay magpasawalang-hanggan.
83. At alalahanin pa rin ninyo, O mga angkan ni Isrâ`il, noong kayo ay sumumpa ng kasunduan, na ituturing ninyo ang Allâh (I) bilang Nag-iisa at Siya lamang ang bukod-tangi ninyong sasambahin, at magiging masunurin at magiging mabuti kayo sa inyong mga magulang at sa mga kamag-anak, at sa mga ulilang namatayan ng magulang bago nila sinapit ang hustong gulang, at sa mga mahihirap. At kapag kayo ay nagsalita sa mga tao ay pawang mabubuting salita lamang ang inyong sasabihin, kasama ang pagsasagawa ng pagsa-‘Salâh,’ pagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’). Subali’t tumalikod kayo at hindi ninyo sinunod ang mga ito. Sinira ninyo ang kasunduan at nagpatuloy kayo sa inyong pagtanggi, maliban na lamang sa mangilan-ngilan sa inyo.
84. At alalahanin pa rin ninyo, O mga angkan ni Isrâ`il, noong sumumpa kayo ng kasunduan ayon sa ‘Tawrah,’ na ipinagbawal sa inyo ang pagdanak ng dugo sa isa’t isa at pagpapalayas sa iba (na mga kalahi ninyo) mula sa kani-kanilang tahanan. At inamin ninyo ang bagay na ito, at sinaksihan ninyo ito na kayo ay nakipagkasundo sa Allâh (I).
85. Pagkatapos ay nagpatayan kayo sa isa’t isa at pinalayas ninyo ang inyong mga kapwa mula sa kani-kanilang tahanan. Nagpatulong ang bawa’t grupo sa inyo, sa inyong mga kaaway laban sa inyong mga kapatid bilang pagtataksil at pag-aalipusta. At kapag nakabibihag mula sa inyong mga kapatid ang inyong kalaban, ay gumagawa kayo ng paraan para mapalaya sila sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila, gayong ipinagbabawal sa inyo na palayasin sila mula sa kani-kanilang mga tahanan. Napakasama ng inyong ginawa, nang ang pinaniwalaan lamang ninyo ay ang iilan sa mga batas ng ‘Tawrah’ at tinanggihan ang iba.
Kaya walang nararapat sa sinumang gumawa nito mula sa kanila kundi kapahamakan at pagkapahiya rito sa daigdig, at sa Kabilang-Buhay ay itatapon sila ng Allâh (I) sa pinakamatinding kaparusahan sa Impiyerno, sapagka’t ang Allâh (I), hindi Niya nakaliligtaan ang anumang inyong ginagawa.
86. Sila ang mga yaong ipinagpalit nila ang Kabilang-Buhay sa napakaliit na halaga ng buhay dito sa daigdig. Kailanman ay hindi gagaan ang kaparusahan para sa kanila at walang makatutulong sa kanila para iligtas sila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
87. At katiyakan, ibinigay Namin kay Mousã (u) ang ‘Tawrah,’ pagkatapos ay nagpadala Kami ng mga Sugo kasunod niya mula sa mga angkan ni Isrâ`il. At ipinagkaloob Namin kay `Îsã (Hesus u), na anak ni Maryam (Maria) ang mga himalang malilinaw na palatandaan at tinulungan siya ni anghel Jibrîl (Gabriel u) --- ang ‘Rûhul Qudus’ (Banal na Espiritu).
Sa tuwing may dumating ba sa inyong Sugo na may dala-dalang kapahayagan mula sa Allâh (I) na hindi sumasang-ayon sa inyong kagustuhan ay nagmamataas kayo, kung kaya, tinatanggihan ninyo ang ilan sa kanila at pinapatay ang iba?
88. At sinabi nila sa Propeta ng Allâh (I) at Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r): “Ang aming mga puso ay nakabalot na kaya’t hindi na tumatalab ang iyong salita.” Sa katunayan, mali ang kanilang pag-angkin, ang totoo ay isinumpa ng Allâh (I) ang kanilang mga puso kaya ito ay nakasara na. Samakatuwid, malayo sila sa awa ng Allâh (I), dahil sa kanilang pagmamatigas at iilan lamang sa kanila ang naniwala.
89. At noong dumating sa kanila ang Qur’ân mula sa Allâh (I), na nagpapatotoo sa Aklat ng ‘Tawrah’ na nasa kanila, ito ay kanilang tinanggihan at hindi sila naniwala sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r), gayong bago siya ipinadala ay nanalangin sila laban sa mga Arabong Mushrikûn, na nagsasa-bing: “Malapit na ang pagdating ng Huling Sugo sa dulo ng panahon at susunod kami sa kanya at makikipaglaban kami na kasama niya laban sa inyo.”
Subali’t nang dumating ang Sugo sa kanila at nakilala nila ito sa pamamagitan ng kanyang mga katangiang batid nila at ang kanyang pagiging totoo, gayon pa man kahit na nakilala na nila ito ay tinanggihan pa rin nila at pinasinungalingan. Kung kaya, isinumpa ng Allâh (I) ang lahat ng mga hindi naniwala sa Propeta ng Allâh at Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r) at sa Aklat ng Allâh (I) na ipinahayag sa kanya – ang Qur’ân.
90. Anong sama ng napiling pasya ng mga angkan ni Isrâ`il para sa kanilang mga sarili, noong ipinagpalit nila ang tamang paniniwala sa pagtanggi bilang paglabag at panibugho, sa ipinadala ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob sa Kanyang Propeta at Sugong si Propeta Muhammad (r) – ito ay ang Qur’ân. Kung kaya, sila ay nabigo at napahamak. Ang para sa kanila ay sumpa ng Allâh (I) dahil sa pagmamatigas at pagtanggi nila kay Propeta Muhammad (r) pagkatapos silang isumpa ng Allâh (I) dahil sa pagbago nila sa ‘Tawrah.’ Kaya’t ang sinumang tumanggi sa pagiging Propeta ni Muhammad (r) ay kaparusahan at kapahamakan ang para sa kanila
91. At noong sinabi ng ilan sa mga Muslim sa mga Hudyo: “Maniwala kayo sa ipinahayag ng Allâh (I) na Banal na Qur’ân,” sinabi nila: “Ang pinaniniwalaan lamang namin ay ‘yung kung ano lamang ang ipinahayag ng Allâh (I) sa aming mga propeta.” Sa ganitong kadahilanan ay tinanggihan nila ang mga ipinahayag ng Allâh (I) (sa Huling Sugo) pagkatapos ng naunang mga Propeta. Gayong sa katotohanan, ito ay tumutugma at nagpapatotoo sa anumang kasulatan na pinanghahawakan nila. Kung talagang tunay silang naniniwala sa kanilang Aklat, dapat ay paniwalaan nila ang Banal na Qur’ân, dahil ito ang nagpatunay kung ano ang nasa kanila.
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kung kayo ay tunay na naniniwala sa ipinahayag ng Allâh (I) sa inyo, bakit ninyo pinatay noon ang mga naunang propeta ng Allâh (I)?”
92. At katiyakan, dumating sa inyo ang Propeta ng Allâh na si Mousã (u) na dala-dala niya ang mga malinaw na mga himala at mga palatandaang nagpapatunay ng kanyang pagiging Propeta, katulad ng baha, mga tipaklong, mga kuto (lahat ng uri ng ‘Qummal’), mga palaka at iba pang nabanggit sa Banal na Qur’ân.
Magkagayunpama’y sinamba pa rin ninyo ang bakang inanyuan noong umalis si Mousã (u) patungo sa itinalagang pakikipag-usap niya sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. Samakatuwid, kayo ay lumabag sa hangganang itinakda ng Allâh (I).
93. At alalahanin pa rin ninyo, noong kayo ay sumumpa ng kasunduan na tatanggapin ninyo ang anumang dala-dala ni Mousã (u) na ‘Tawrah.’ Subali’t sinira ninyo ang kasunduang ito, na kung kaya, itinaas Namin sa inyong mga ulunan ang bundok ng ‘Tûr,’ at sinabi Namin sa inyo: “Pangalagaan ninyo nang lubusan ang ibinigay Namin, makinig at sumunod kayo, kundi ay ibabagsak Namin ang bundok sa inyo.” Subali’t sinabi ninyo: “Narinig namin ang sinabi mo (O Mousã u) pero nilalabag namin ang utos mo; ang pagsamba ninyo sa inanyuang baka ang siyang naikintal sa inyong mga kalooban dahil sa patuloy ninyong paglabag.”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sa katotohanan, napakasama ng ipinag-uutos ng inyong paniniwala sa inyo na paglabag at pagkaligaw, kung kayo nga ay tunay na naniniwala sa kung ano ang ipinahayag ng Allâh (I).”
94. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga Hudyo na nag-aangkin na ang ‘Al-Jannah’ ay para lamang sa kanila, sa pag-angkin nilang sila lamang ang malalapit sa Allâh (I) at hindi ang ibang mga tao, at sila ay mga anak ng Allâh (I) at mga minamahal. Samakatuwid, kung gayon: “Hilingin ninyo ang Sumpa na Pagkamatay, sa mga nagsisinungaling mula sa inyo at sa iba pa, kung kayo ay totoo sa inyong pag-angkin.”
95. At kailanman ay hindi nila ito gagawin, sa kadahilanang alam nila ang pagiging totoong Propeta ni Propeta Muhammad (r) at sila ay nagsisinungaling. Na kung kaya, dahil sa kanilang paglabag at di-paniniwala, ito ang magiging sanhi ng pagbabawal sa kanila ng ‘Al-Jannah’ at magiging dahilan ng pagpasok nila sa Impiyernong-Apoy. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid kung sino ang masasama sa Kanyang mga alipin at ito ay Kanyang pagbabayarin.
96. At mababatid mo, O Muhammad (r), na ang mga Hudyo ay siyang pinakasakim sa sangkatauhan, hinggil sa pagnanasang humaba ang kanilang buhay dito sa daigdig, kahit na ito pa ang magpapahamak sa kanila. Higit pa ang kanilang kagustuhang humaba ang kanilang buhay kaysa sa mga ‘Mushrikîn.’ Sapagka’t inaasam-asam nila ang mabuhay ng isang libong taon; gayong ang ganito katagal ay hindi pa rin maglalayo sa kanila sa kaparusahan ng Allâh (I). Siya ang Allâh (I), walang maililihim sa Kanya na kahit na anuman mula sa kanilang mga ginagawa.
97. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga Hudyo, noong sinabi nila na: “Si Anghel Jibrîl (Gabriel u) ay aming kalaban mula sa mga Anghel.” “Sinuman ang kalaban ni Jibrîl (u) (hayaan siyang mamatay sa matinding galit), dahil walang pag-aalinlangan, siya ang nagbaba ng Banal na Qur’ân sa iyong puso, O Muhammad (r), sa kapahintulutan ng Allâh (I), na nagpapatunay sa mga Aklat na nauna kaysa rito, at bilang gabay patungo sa katotohanan at nagbibigay ng magandang balita para sa mga naniwala rito, na ang para sa kanila ay kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”
98. Sinuman ang kalaban ng Allâh (I), ng Kanyang mga anghel, ng Kanyang mga Sugo, lalung-lalo na ng dalawang anghel na sina Jibrîl (u) at Mikâil (u); katiyakan, ang Allâh (I) ay kalaban ng lahat ng mga walang pananampalataya.
99. At katiyakan, ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang mga dakilang talata na malilinaw na mga palatandaan, na nagpapatunay ng iyong pagiging Propeta at walang sinuman ang tatanggi rito kundi yaong mga lumalabag at mga lumabas sa ‘Deen’ ng Allâh (I).
100. Napakasama ang naging kalagayan ng mga angkan ni Isrâ`il, noong nilabag nila ang kasunduan, na sa tuwing nakikipagkasundo sila ay isinasaisang-tabi ito ng isa sa mga grupo nila at ito ay kanilang nilalabag. Makikita mong makikipagkasundo sila sa ngayon subali’t kinabukasan ay sisirain nila ito. Sapagka’t, ang nakararami sa kanila ay hindi naniniwala sa mensaheng dinala ni Propeta Muhammad (r).
101. Noong dumating sa kanila si Muhammad (r), ang Sugo ng Allâh na dala ang Banal na Qur’ân, na tumutugma sa anumang pinanghahawakan nilang ‘Tawrah.’ Ang ilan sa kanila na pinagkalooban ng kasulatan ay isinaisang-tabi ang Aklat ng Allâh (I), inilagay nila ang Aklat sa kanilang mga likuran --- itinago nila ang kasulatan, na parang ito ay hindi nila alam. Ang katulad nila ay mga mangmang na walang kaalam-alam sa katotohanan.
102. Sinunod ng mga Hudyo ang iniudyok sa kanila ng mga ‘Shaytân’ (Satanas) bilang ‘Sihr’ (pagsasala-mangka) noong kapanahunan ni Haring Sulaymân (Solomon u) na anak ni Dâwood (David u). Sa katunayan, hindi si Sulaymân (u) ang lumabag at hindi siya ang nag-aral ng ‘Sihr.’ Walang iba kundi ang mga ‘Shaytân’ ang siyang tunay na lumabag sa kautusan ng Allâh (I) noong itinuro nila sa mga tao ang ‘Sihr’ upang masira ang kanilang ‘Deen.’
At ganoon din, ang mga Hudyo ay sinunod nila ang ‘Sihr’ na ibinaba sa dalawang anghel na sina ‘Hârut’ at ‘Mârut’ na nasa lupain ng Babylon (na sakop ng Iraq sa ngayon) bilang pagsubok mula sa Allâh (I) para sa Kanyang mga alipin, hindi ito itinuturo ng dalawang anghel kaninuman nang hindi sila nagbibigay ng payo at babala mula sa pag-aaral ng ‘Sihr,’ na sinasabi nilang dalawa: “Huwag kang lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-aaral ng ‘Sihr’ at pagsunod sa mga Shaytân.”
Ang mga natutunan ng mga tao sa mga anghel na ito ay kung papaano nila lagyan ng pagkamuhi ang kalooban ng mag-asawa upang sila ay magkahiwalay, subali’t hindi magagawa ng mga nagsasagawa ng salamangka na ipahamak ang sinuman, maliban na lamang kung ito ay nanaisin ng Allâh (I) at Kanyang ipapasiya. At walang sinuman ang natuto ng ‘Sihr’ nang hindi nakasira sa kanila at wala itong ibinigay na anumang pakinabang sa kanila.
Samakatuwid, ito ang dinala ng mga ‘Shaytân’ sa mga Hudyo, hanggang sa ito ay naging laganap sa kanila. Sa katunayan, mas inuna pa nila ito kaysa sa Aklat ng Allâh (I); at katiyakan, kahit na alam pa ng mga Hudyo na ang pagpili sa ‘Sihr’ at pagtalikod sa katotohanan ay walang mapapalang anumang kabutihan sa Kabilang-Buhay.
At napakasama ang ginawa nilang pagbenta sa kanilang mga sarili bilang kapalit ng ‘Sihr’ at paglabag. Ipinagpalit nila ito sa tamang pananampalataya at pagsunod sa Sugo, kung nababatid lamang nila ang mga pagpapayo sa kanila ay hindi nila ito ipagpapalit.
103. Kung ang mga Hudyo ay naniwala lamang at nagkaroon ng takot sa Allâh (I), mapatutunayan nilang ang gantimpala ng Allâh (I) ay higit na nakabubuti kaysa sa ‘Sihr’ at sa kung anu-anuman na kanilang natamo sa pamamagitan nito. Kung batid lamang nila ang gantimpala ng Allâh (I) sa sinumang susunod sa Kanya.
104. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), huwag ninyong sabihin sa Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r) na “Râ`ina” (na ang ibig sabihin nito ay pangalagaan mo kami at maging dahan-dahan ka sa pagsasalita sa amin hanggang sa maintindihan namin ang iyong sinasabi); bagkus ay sabihin ninyong “Un-dzur-na” (na ang ibig sabihin ay matyagan mo kami bilang pangangalaga); dahil nagbibigay din ito ng ganoong kahulugan, sapagka’t ang mga Hudyo noon ay sinasabi nila sa Propeta Muhammad (r) na “Râ`ina” (na ang ibig nilang sabihin ay paghamak); samakatuwid, ang para sa mga lumalabag ay makatitikim ng matinding kaparusahan.
105. Hindi nais ng mga walang pananampalataya mula sa ‘Ahlul Kitâb’ – mga taong nagtatangan ng mga naunang Kasulatan, na mga Hudyo at mga Kristiyano; at sa mga ‘Mushrikîn,’ na dumating sa inyo ang kahit na anumang kabutihan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na tulad ng Banal na Qur’ân o anumang kaalaman, o di kaya ay tulong o magandang balita. Subali’t ang awa ng Allâh (I) ay namumukod-tangi sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, sa pagbibigay ng pagka-Propeta at pagbibigay ng mensahe. At ang Allâh (I) ay Siyang Nagmamay-ari ng mga Dakilang Biyaya at Kagandahang-Loob.
106. Ang anumang talata (o rebelasyon) na Aming pinalitan at aalisin sa mga puso at isipan, ay Amin itong pinapalitan nang higit pa kaysa rito o di kaya ay muli Kaming nagbibigay ng kapareho nito, bilang kautusan at gantimpala, na ang bawa’t isa sa mga talatang ito ay may sapat na karunungan.
Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ikaw at ang iyong sambayanan, na ang Allâh (I) ay Siyang ‘Qadeer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Makapangyarihan na may kaka-yahang gawin ang lahat ng bagay at walang anumang makapipigil sa Kanya?
107. Hindi mo (rin) ba alam, O Muhammad (r) at ng iyong sambayanan, na ang Allâh (I) ay tanging Nagmamay-ari at Nangangasiwa sa mga kalangitan at kalupaan? Ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais, Nagpapasiya Siya ng batas na anuman na Kanyang nais, Nag-aatas Siya sa Kanyang mga alipin at Nagbabawal sa pamamaraan na Kanyang nais; samakatuwid, tungkulin nila ang sumunod at tanggapin ang mga ito. Nguni’t kapag sila ay tumanggi, dapat nilang mabatid, na wala silang maaaring maging tagapagtaguyod bukod sa Allâh (I) at walang sinumang maaaring makatulong upang pigilin ang kaparusahan ng Allâh (I).
108. O sangkatauhan! Nais ba ninyong hilingin sa inyong Sugong si Propeta Muhammad (r) ang mga bagay, na ang inyong layunin ay paglabag at pagmamataas, na tulad ng ginawang paghiling ng mga Hudyo kay Mousã (u)? Kung gayon, sinuman ang tatanggi at hindi maniniwala pagkatapos nito ay malilihis sa Matuwid na Landas ng Allâh (I) at mapupunta sa kamangmangan at pagkaligaw.
109. Inaasam-asam ng karamihan sa mga taong nagtatangan ng mga naunang Kasulatan, na mga Hudyo at mga Kristiyano, na bumalik kayo, O mga mananampalataya, sa di-paniniwala pagkatapos ninyong maniwala, na makabalik kayo sa dati ninyong kinagawian na pagsamba sa mga rebulto. Ang dahilan kung bakit gusto nilang matulad kayo sa mga ito, sapagka’t ang kanilang kalooban ay punung-puno ng kapootan at panibugho nang mapatunayan nilang si Propeta Muhammad (r) ay totoong Propeta at Sugo ng Allâh ayon sa kanyang dinalang Aklat.
Kaya’t hayaan ninyo sila sa kanilang pagkakamali at nagawang kasamaan. Patawarin ninyo sila sa kanilang kamangmangan hanggang sa dumating ang kautusan ng Allâh (I) hinggil sa kanila upang sila ay kalabanin at patayin (at ito ay nangyari na sa kanila).
At walang pag-aalinlangan, parurusahan sila ng Allâh (I) sa kanilang mga maling gawain. Katiyakan, magagawa ng Allâh (I) ang anumang Kanyang nais na gawin at walang sinumang makapipigil sa Kanya.
110. Magpatuloy kayo, O kayong mga mananampalataya, sa pagsasagawa ng ‘Salâh’ sa tamang pamamaraan, at sa pagbibigay ng mga obligadong kawanggawa (‘Zakâh’). At sa bawa’t kabutihang inyong gagawin ay para rin lamang sa inyong sariling kapakinabangan. Matatagpuan ninyo ang gantimpala ng Allâh (I) sa paggawa ninyo nito, roon sa Kabilang-Buhay. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Siya ay Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa na walang anuman ang naililihim sa Kanya at Siya rin ang magkakaloob ng gantimpala nito sa inyo.
111. Inaangkin ng mga Hudyo at mga Kristiyano na ang ‘Jannah’ (Hardin isinaling Paraiso) ay para lamang sa kanila at walang sinumang maaaring makapasok (sa ‘Al-Jannah’ na ito) kundi sila lamang. Yaon ay kanilang maling pag-aakala. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): ‘Magpakita kayo ng inyong katibayan kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan sa inyong pag-aangkin.’
112. Sapagka’t walang pag-aalinlangang mali ang kanilang pag-aakala na ang ‘Al-Jannah’ ay para sa mga natatanging grupo at ipinagbabawal sa iba.
Samakatuwid, ang makapapasok lamang sa ‘Al-Jannah’ ay ang sinumang nag-‘Muslim,’ na ang ibig sabihin ay ang sinumang isinuko ang kanyang sarili sa Nag-iisang Allâh (I) na walang katambal, na siya ay dalisay sa kanyang kalooban at maingat sa lahat ng kanyang mga salita at gawa nang alang-alang sa Allâh (I).
Kung kaya, sinuman ang gumawa nito ay makakamtan niya ang gantimpala mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kabilang-Buhay, na ito ay ang pagpasok sa ‘Al-Jannah,’ at doon ay wala silang dapat na ipangamba sa kanilang kahihinatnan, at wala rin silang dapat na ipangamba sa anumang naiwan nila o anumang bagay na hindi nila naranasan dito sa mundo.
113. At sabi ng mga Hudyo: “Ang mga Kristiyano ay wala ni katiting sa tamang ‘Deen.’” Ganoon din ang sinasabi ng mga Kristiyano sa mga Hudyo: “Ang mga Hudyo ay wala ni katiting sa tamang ‘Deen.’” Gayong sa katotohanan, pareho nilang binabasa ang ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ at nakasaad doon na nararapat silang maniwala sa lahat ng mga Propeta.
Maging ang mga mangmang mula sa mga paganong Arabo at iba pa ay ganoon din ang sinasabi na: “Ang bawa’t mayroong ‘Deen’ ay wala ni katiting sa tama.”
Subali’t huhukuman sila ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga hindi nila pinagkasunduan hinggil sa ‘Deen’ at matatamo ng sinuman ang kabayaran ayon sa kanyang nagawa.
114. At walang sinuman ang hihigit sa pagiging di-makatarungan kaysa sa mga yaong nagbabawal na luwalhatiin ang mga Pangalan ng Allâh (I) sa mga ‘Masjid (tahanan ng pagsamba sa Allâh I), ipinagbawal ang pagsa-‘Salâh’ at pagbabasa ng Qur’ân mula rito at iba pa; at mas lalong naging matindi ang kanilang pagsusumigasig na wasakin ito, o di kaya’y ipasara ito, o di kaya’y pagbawalan ang mga mananampalataya mula rito. Sila (na mga nagbabawal) ang tunay na masasama na hindi sila maaaring pumasok sa mga ‘Masjid’ nang walang pangamba at pagkatakot mula sa parusang maaaring mangyari sa kanila.
Ang para sa mga gumagawa ng mga hindi makatarungan ay pagkahamak dito sa daigdig at masidhing pagpaparusa sa Kabilang-Buhay.
115. Ang Allâh (I) ay Nagmamay-ari ng sinisikatan ng araw at ang nilulubugan nito, at maging ang nasa pagitan ng dalawang ito, sapagka’t Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng mga kalupaan, na samakatuwid, kahit saan man kayo humarap habang kayo ay nagsa-‘Salâh’ bilang kautusan ng Allâh (I) sa inyo; at walang pag-aalinlangan, na dahil sa kayo ay naghahangad na makaharap ang Mukha ng Allâh (I), ay hindi pa rin kayo nakalalabas sa Kanyang kaharian at sa pagsunod sa Kanya.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Sapat at Ganap na Tagapagtustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha na napakalawak ng Kanyang awa sa Kanyang mga alipin, na Siya ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid ng lahat ng kanilang mga ginagawa at walang anuman ang maililihim sa Kanya.
116. At sinabi ng mga Hudyo, mga Kristiyano at mga pagano: “Ang Allâh (I) ay nagkaroon ng bugtong na anak.” Luwalhati sa Allâh (I) at Napakadakila Niya laban sa mga maling paratang nila sa Kanya! Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng mga nasa kalangitan at nasa kalupaan, at ang mga ito ay Kanyang mga alipin, at silang lahat ay nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan at gumagalaw ayon sa Kanyang Pangangasiwa.
117. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, na walang pinagkunan ng anumang katulad. At kapag Siya ay nagtakda o nagpasiya ng isang bagay, sinasabi Niya lamang dito, ‘kun’ (maging gayon o maganap) ‘fa yakun’ (at ito ay kaagad na magaganap).
118. At sinabi ng mga mangmang mula sa mga taong nagtatangan ng mga naunang Kasulatan, na mga Hudyo at mga Kristiyano; at ng iba pa kay Propeta Muhammad (r) bilang kanilang pagmamatigas: “Ano kaya kung tuwirang makipag-usap sa amin ang Allâh (I) upang sabihin sa aming ikaw ay Kanyang Sugo o di kaya ay darating sa amin ang isang himala mula sa Allâh (I) na magpapatunay na ikaw ay totoo sa iyong sinasabi.”
Ang mga ganitong salita ay sinabi na rin ng naunang mga nasyon sa mga Sugong ipinadala sa kanila, bilang pagmamatigas at pagmamataas. Dahil magkahawig ang mga puso ng mga naunang (nasyon) [6] at saka ang sumunod (na nasyon) [7] hinggil sa paglabag at pagkaligaw. Walang pag-aalinlangan, ginawa Naming malinaw ang mga palatandaan para sa mga taong naniniwala nang may katiyakan.
119. Ipinadala ka Namin, O Muhammad (r), na kasama ang ‘Deen’ ng katotohanan, na pinatunayan ito sa pamamagitan ng mga katibayan at ng mga himala. Kung kaya, ipamalita mo sa mga tao, na ang sinumang maniwala sa iyong dinala ay mapapasakanila ang kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. At balaan mo naman yaong mga hindi naniwala hinggil sa kaparusahan na nakaabang sa kanila. Pagkatapos nito ay wala ka nang pananagutan pa sa sinumang lalabag mula sa kanila. Samakatuwid, sila ay mananatili sa Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
120. At kailanman ay hindi masisiyahan sa iyo, O Muhammad (r), ang mga Hudyo at mga Kristiyano maliban na lamang kung iiwanan mo ang iyong ‘Deen’ at sumunod sa kanila. Sabihin mo sa kanila: “Ang Islâm ang Tunay na ‘Deen’ [8] (batas o pamamaraan ng pamumuhay) mula sa Allâh (I).” At kapag ikaw ay sumunod sa kagustuhan nila pagkatapos dumating sa iyo ang Rebelasyon ay wala kang makikita bukod sa Allâh (I) na tagapagtaguyod ni makatutulong.
121. Yaong mga pinagkalooban Namin ng Aklat na mga Hudyo at mga Kristiyano, at kanilang binabasa yaon sa tamang pamamaraan, at sinusunod nila nang tamang pagsunod, at pinaniniwalaan nila ang anuman na isinasaad sa Aklat na yaon hinggil sa paniniwala sa mga Sugo ng Allâh na kabilang sa kanila ang pinakahuling Sugo na siyang Propeta natin at Sugong si Propeta Muhammad (r), at hindi nila binago at hindi nila pinalitan ang anumang nilalaman niyaon, samakatuwid, sila ang nasa katotohanan, ang naniwala kay Propeta Muhammad (r) at sa Aklat na ipinahayag sa kanya.
At sa mga yaong binago ang ilan sa mga nilalaman ng Aklat at itinago ang iba --- sila ang tumanggi sa Propeta ng Allâh na si Propeta Muhammad (r) at sa anuman na ipinahayag sa kanya. Samakatuwid, ang sinumang hindi naniwala hinggil (sa bagay na) ito, sila sa katotohanan ang nasa pinakamatinding pagkatalo sa paningin ng Allâh (I).
122. O mga angkan ni Isrâ`il! Alalahanin ninyo ang napakarami Kong biyaya sa inyo at kagandahang-loob, na Kayo ay ginawa Kong bukod-tangi sa mga nasyon noong kapanahunan ninyo, sa pamamagitan ng pagkakapadala Ko sa inyo ng maraming Propeta at mga Aklat.
123. Katakutan ninyo ang nakapangingilabot na Araw ng Paghuhukom, na sa Araw na yaon ay wala nang pakinabang ang isa’t isa, hindi tatanggapin ng Allâh (I) ang anumang ipangtutubos sa mga kasalanan, walang maaaring mamagitan at walang sinuman ang makatutulong.
124. At alalahanin mo, O Muhammad (r), nang sinubok ng Allâh (I) si Ibrâhim (u) sa pamamagitan ng mga kautusan at batas. Ito ay kanyang isinagawa sa pinakamagandang kaparaanan, na kung kaya, sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Gagawin kitang huwaran sa sangkatauhan na sila ay iyong pamumunuan.” Sinabi ni Ibrâhim (u): “O ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin Mo ring mamuno ang ilan sa aking salinlahi bilang kagandahang-loob na nagmumula sa Iyo.” Sinagot siya ng Allâh (I): “Hindi maaaring mamuno sa ‘Deen’ ang mga hindi makatarungan.”
125. At alalahanin mo rin, O Muhammad (r), nang ginawa Namin ang Tahanan (ang ‘Ka`bah’ sa Makkah) na isang lugar na pupuntahan ng mga tao at pagkatapos ay babalik sila sa kanilang pamilya, pagkatapos ay aasamin nilang muling makabalik doon, magsasama-sama sila tuwing ‘Hajj’ at ‘`Umrah’ sa pagsasagawa ng ‘Tawâf’ at ‘Salâh,’ isang lugar na ligtas at hindi nilulusob ng mga kaaway.
At sinabi Namin: “Gawin ninyo ang ‘Maqâm’ ni Ibrâhim (u) bilang lugar ng ‘Salâh’-an, na ito ay bato na pinagtungtungan ni Ibrâhim habang itinatayo niya ang Ka`bah.” At nagpahayag Kami kay Ibrâhim (u) at sa kanyang anak na si Ismâ`il (u), na linisin ang Aking Tahanan (ang Tahanan ng pagsamba) sa anumang karumihan at dungis ng maling pagsamba para sa mga nagsasagawa rito ng ‘Tawâf,’ ‘I`itikâf ’at pagsa-‘Salâh.’
126. At alalahanin mo rin, O Muhammad (r), nang sinabi ni Ibrâhim (u) bilang panalangin: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin Mo ang Makkah na mapayapang lunsod at pagkalooban Mo ang mga tao rito ng iba’t ibang uri ng kabuhayan at mga bunga, na ito ay bukod-tangi lamang na para sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay.”
Tumugon ang Allâh (I) at Kanyang sinabi: “Maging ang sinuman na hindi naniwala ay pagkakalooban Ko rin ng kabuhayan dito sa daigdig at pagkakalooban Ko rin ng pansamantalang kaligayahan. Subali’t pagkatapos nito ay sapilitan Ko siyang kakaladkarin tungo sa pagpaparusa sa Impiyernong-Apoy. At ito ang pinakamasamang huling hantungan.”
127. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), nang itinayo nina Ibrâhim (u) at Ismâ`il (u) ang mga pundasyon ng Tahanan (ng Pagsamba sa Allâh I --- ang ‘Ka`bah’ sa Makkah), na silang dalawa ay nanalangin na may kasamang pagkatakot at sinabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Tanggapin Mo mula sa amin ang paglilingkod na ito, dinggin Mo ang aming panalangin sapagka’t Ikaw ay ‘As-Samee`’ – ang Walang-Hanggan at Ganap na Nakaririnig ng mga hinaing ng Iyong mga alipin, na ‘Al-`Aleem’ – ang Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid ng kanilang mga kalagayan.”
128. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin Mo kaming matatag sa Islâm, sumusunod sa Iyong batas at ganoon din ang aming salinlahi, na maging isang nasyon itong susunod sa Iyo sa paniniwala. At ituro Mo sa amin ang mga gawain (Manâsik) at pamamaraan ng pagsamba sa Iyo at patawarin Mo kami sa aming mga pagkakasala. Sapagka’t katotohanan, Ikaw ay ‘At-Tawwâb’ – ang Tagapagtanggap sa sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran mula sa Kanyang alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at ganap na Mapagmahal sa Iyong mga alipin.”
129. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Padalhan Mo ang sambayanang ito ng Sugo mula sa angkan ni Ismâ`il na bibigkas sa kanila ng Iyong mga talata, at tuturuan sila ng Qur’ân at ‘Sunnah,’ at linisin (Mo) sila mula sa ‘Shirk’ at masamang pag-uugali, sapagka’t Ikaw ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang maaaring makatanggi sa nais Mong mangyari at walang anuman ang maaaring makapigil sa Iyong kapangyarihan, na ‘Al-Hakeem’ – ang Walang-Hanggan at Ganap na Maalam sa paglalagay ng mga bagay sa tamang dapat nitong paglagyan.”
130. At walang sinumang tatanggi sa ‘Deen’ ni Ibrâhim (u) na ‘Islâm’ maliban sa may kakulangan sa pag-iisip na mangmang. Katotohanan, pinili Namin siya rito sa daigdig bilang Propeta at Sugo, at katotohanang sa Kabilang-Buhay, siya ay kabilang sa mga mabubuti na nasa matataas na antas.
131. Ang dahilan kung bakit siya ang napili (Namin), ay dahil sa kanyang mabilisang pagtanggap ng katotohanan, na walang pag-aalinlangan, noong sinabi sa kanya ng Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: ‘Aslim’ – mag-Muslim ka (na ang ibig sabihin ay ‘isuko mo nang taimtim at ganap ang iyong buong sarili sa kagustuhan ng Allâh’)!” Kaagad siyang tumugon at nagsabi: ‘As-lam-tu Li-rab-bil `Â-la-meen’ – Isinuko ko nang taimtim at ganap ang aking buong sarili bilang Muslim sa Allâh na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang, sa Kanyang Kaisahan bilang pagmamahal sa Kanya.”
132. At inutusan ni Ibrâhim (u) at ni Ya`qûb (Jacob u), ang kanilang mga pamilya, na maging matatag sa Islâm at sinabi nila: “O aming mga anak! Katiyakan, pinili ng Allâh (I) ang ‘Deen’ na ito para sa inyo. Kaya’t huwag kayong lumayo sa ‘Deen’ na ito sa lahat ng pagkakataon at huwag kayong mamamatay kundi sa Pananampalatayang Islâm lamang bilang mga Muslim – taimtim at ganap na isinusuko ang buong sarili sa kagustuhan ng Allâh.” Ito ang ‘Deen Al-Islâm’ na siyang dala-dala rin ni Propeta Muhammad (r).
133. Saksi ba kayo nang dumating ang kamatayan kay Ya`qûb (u), nang kanyang tinipon ang kanyang mga anak at tinanong sila: “Sino ang inyong sasambahin kapag namatay na ako?” Sinabi nila sa kanya: “Sasambahin namin ang iyong ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba --- ang Allâh I), ang ‘Ilâh’ ng iyong mga magulang na sina Ibrâhim, Ismâ`il, at Ishâq; ang nag-iisang ‘Ilâh’ at sa Kanya lamang kami susunod at susuko bilang mga Muslim.”
134. Sila ang mga naunang Nasyon. Ang para sa kanila ay kung ano ang kanilang nagawa at ang para naman sa inyo ay kung ano ang inyong nagawa, at hindi kayo mananagot sa anumang kanilang nagawa at hindi sila mananagot sa anumang inyong nagawa. At ang bawa’t isa ay gagantimpalaan batay sa kanyang mga ginawa. Samakatuwid, hindi mananagot ang sinuman sa kasalanan ng iba at hindi makikinabang ang sinuman sa paniniwala at pagiging matatakutin (sa Allâh I) ng iba.
135. At sinabi ng mga Hudyo sa mga tagasunod (sambayanan) ni Propeta Muhammad (r): “Pumasok kayo sa ‘Deen’ ng mga Hudyo sapagka’t nandoroon ang patnubay;” at gayundin ang sinabi ng mga Kristiyano. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang talagang patnubay ay ang pagsunod natin sa ‘Deen’ ni Ibrâhim (u). Ito ang Matuwid na Landas at malayo sa anumang kamalian. Kailanman, si Ibrâhim (u) ay hindi naging kabilang sa mga ‘Mushrikîn,’ hindi siya sumamba ng iba bukod sa Allâh ni naglagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I).”
136. O kayong mga mananam-palataya! Sabihin ninyo sa mga Hudyo at mga Kristiyano: “Naniwala kami sa Allâh (I) na Nag-iisa at Bukod-Tangi, at sa anumang ipinahayag sa amin na Banal na Qur’ân, na ito ay ipinahayag ng Allâh (I) kay Muhammad (r) na Kanyang Propeta at Sugo, at sa anumang ipinahayag kay Ibrâhim (u) na ‘Suhûf,’ at sa kanyang dalawang anak na sina Ismâ`il (u) at Ishâq (u), at gayundin kay Ya`qûb (u) at sa mga anak ni Ya`qûb na tinatawag na ‘Al-Asbât’ – na sila ang mga Propeta na galing sa lahi ni Ya`qûb na nagmula sa labingdalawang angkan ni Isrâ`il. At naniwala rin kami sa anumang ipinagkaloob kay Mousã (u) na ‘Tawrah’ at sa ipinagkaloob kay `Îsã (Hesus u) na ‘Injeel’ at sa lahat ng ipinagkaloob sa mga Propeta bilang Rebelasyon mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. Wala kaming ginawang pagtatangi hinggil sa paniniwala sa sinuman sa kanila at kami ay mga Muslim --- taimtim at ganap na sumusuko sa Allâh (I) bilang pagsunod at pagsamba.
137. Kapag naniwala ang mga walang pananampalataya mula sa mga Hudyo, mga Kristiyano at iba pa, sa katulad ng inyong pinaniniwalaan mula sa dinala ng Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r), sila ang napatnubayan tungo sa katotohanan, subali’t kapag sila ay tumalikod, sinasalungat lamang nila ang kanilang mga sarili sa isa’t isa. Samakatuwid, ganap na ganap ang pangangalaga ng Allâh (I) sa iyo, O Muhammad (r), mula sa kanilang kasamaan. Siya ang tutulong sa iyo laban sa kanila, sapagka’t Siya ay ‘As-Samee`’ – ang Ganap at Walang-Hanggang Nakaririnig ng lahat ng inyong mga sinasabi, na ‘Al-`Aleem’ – ang Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid ng lahat ng inyong mga katayuan.
138. Kung gayon, maging matatag kayo, O mga mananampalataya, sa Relihiyon o ‘Deen’ ng Allâh (I) na likas sa inyong katauhan, sapagka’t wala nang hihigit pa kaysa sa ‘Fitrah’ ng Allâh (I) na inilagay Niya sa bawa’t tao. Kaya’t kami ay lubos na nagpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod namin sa ‘Deen’ ni Ibrâhim (u).
139. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga ‘Ahlul Kitâb’ --- mga Hudyo at mga Kristiyano: “Nakikipagtalo ba kayo sa amin hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa taos-pusong pagsamba lamang namin sa Kanya; at Siya lamang ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng ‘Al-`Âlamin,’ na wala Siyang ginawang pagtatangi sa pagitan ng bawa’t isang Nasyon at ng iba; na samakatuwid, ang para sa amin ay ang aming ginawa at ang para sa inyo ay ang inyong ginawa, at kami ay taos-pusong sumasamba at sumusunod sa Allâh (I) at hindi kami nagtatambal ng iba sa pagsamba sa Kanya at Siya lamang ang tangi naming sinasamba?”
140. O sinasabi ba ninyo bilang pagtatalo hinggil sa Allâh (I): “Katiyakan, sina Ibrâhim (u), Ismâ`il (u), Ishâq (u), Ya`qûb (u) at ang mga Al-Asbât; na ang kanilang ‘Deen’ ay Judaismo at Kristiyanismo? Ito ay pawang kasinungalingan, sapagka’t ipinadala sila bilang mga Sugo at namatay sila noon, nang hindi pa ipinadala ang ‘Tawrah’ at ‘Injeel.’”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kayo ba ang nakaaalam hinggil sa kanilang ‘Deen’ o ang Allâh (I) ang Nakaaalam nito? Dahil nabanggit sa Banal na Qur’ân na sina (Ibrâhim, Ismâ`il, Ishâq, Ya`qûb at ang mga ‘Al-Asbât’) ay mga dalisay na mga Muslim. Kung kaya, wala nang hihigit pa sa inyo sa pagiging hindi makatarungan, noong itinago ninyo ang matibay na katibayan na nasa inyo mula sa Allâh (I) at nag-aangkin kayo ng mga bagay na salungat bilang pagsisinungaling sa Allâh (I).” Samakatuwid, ang Allâh (I) ay walang Nakaliligtaan na anuman mula sa inyong mga ginagawa, kundi ito ay batid na batid Niyang lahat at katiyakan na tatanggapin ninyo ang kabayaran mula rito.
141. Sila ang mga naunang Nasyon sa inyo. Ang para sa kanila ay kung ano ang kanilang nagawa at ang para naman sa inyo ay kung ano ang inyong nagawa, at hindi kayo mananagot sa anumang kanilang nagawa at hindi sila mananagot sa anumang inyong nagawa. Sa talatang ito, pinipigilan ang (sinuman na) sumalig sa mga nilikha at hindi nararapat magmayabang sa pag-angkin na siya ay nagmula sa ganito’t ganoong angkan, sapagka’t ang pinakabatayan ay ang paniniwala sa Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga Sugo. Kung kaya, ang sinumang hindi naniwala sa sinumang Sugo ng Allâh, ay nangangahulugang nilabag niya ang lahat ng mga Sugo ng Allâh.
142. Sasabihin ng mga mangmang at may kakulangan sa pag-iisip mula sa mga Hudyo at sa mga katulad nila, na may kasamang panlalait, pangungut-ya at pangmamata: “Ano baga ang nagtulak sa mga Muslim, upang ibaling nila ang kanilang hina-harapang ‘Qiblah,’ na nakasanayan na nilang harapan sa tuwing sila ay magsasagawa ng ‘Salâh?’” [9] Dahil sa simula pa lamang na kayayakap nila ng Islâm noong kapanahunan ni Propeta Muhammad (r) ay ‘Baytul Maqdis’ sa Falisteen ang kanilang hinaharapang dako (o direksiyon) sa tuwing sila ay magsa-‘Salâh.’
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang silangan at kanluran at ang nasa pagitan ng mga ito ay Pagmamay-ari ng Allâh (I). Sa katunayan, walang anumang sulok sa mundo nang hindi Siya ang Nagmamay-ari. Pinapatnubayan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin tungo sa Matuwid na Landas.” Ang pamamahayag na ito ay pagpapatunay na ang lahat ng pangyayari ay nasa pagtatangan ng Allâh (I) sa pagsasagawa ng Kanyang ipinag-uutos. Samakatuwid, kung saan Niya nais na kayo ay paharapin mula sa inyong kinagawian na ‘Qiblah,’ ay doon kayo humarap.
143. At katulad ng pag-akay Namin sa inyo, O mga Muslim, patungo sa Matuwid at Tamang ‘Deen,’ ay ginawa Namin kayong isang matuwid at pinakamabuting sambayanan, nang sa gayon ay maging saksi kayo sa Kabilang-Buhay sa mga naunang sambayanan sa inyo, na naipaabot sa kanila ng kanilang mga Sugo ang mga mensahe mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At sa Kabilang-Buhay (din), ang Sugo ng Allâh ay siya namang magiging saksi sa inyo, na naiparating niya ang mensahe sa inyo mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At hindi Namin ginawa ang ‘Qiblah’ sa ‘Baytul Maqdis’ (Falisteen) na nakasanayan mo na harapan, O Muhammad (r), at pagkatapos ay ibinaling Namin ang direksiyon nito patungo sa ‘Ka`bah’ na nasa Makkah, kundi upang palitawin lamang kung sino ang tunay na susunod at magpapasailalim sa kautusang dala mo, na haharap kasama ka, sa ‘Qiblah’ na haharapan mo. At upang lumitaw din kung sino ang mahina ang ‘Eemân’ (Pananampalataya), na kung kaya siya ay babaligtad at tatalikuran niya ang kanyang ‘Deen’ dahil sa pagdududa at pagiging mapagkunwari.
At katiyakang ang paglipat ng ‘Qiblah’ mula sa ‘Baytul Maqdis’ (Falisteen) patungo sa ‘Ka`bah’ ay magiging mahirap at mabigat para sa mga naligaw, subali’t magiging madali naman ito para sa mga pinatnubayan ng Allâh (I). At hindi binalewala ng Allâh (I) ang inyong paniniwala sa Kanya at ang inyong pagsunod sa Kanyang Sugo.
At hindi Niya pinawawalang-saysay ang mga nauna ninyong mga ‘Salâh’ na iniharap ninyo sa naunang ‘Qiblah.’ Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan at Napakalawak ng Kanyang Awa, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin.
144. Katiyakan, Aming nakikita ang pagbaling ng iyong mukha, O Muhammad (r) sa kalangitan nang paulit-ulit, dahil sa inaabangan mo ang pagbaba ng kapahayagan sa iyo hinggil sa ‘Qiblah.’ Walang pag-aalinlangan, ihaharap ka Namin mula sa ‘Baytul Maqdis’ tungo sa ‘Qiblah’ na kalugud-lugod sa iyo at ito ay sa ‘Masjid Al-Harâm’ sa Makkah, kaya’t iharap mo ang iyong mukha patungo roon. At kahit saan man kayo naroroon, O kayong mga Muslim, at nais ninyong magsagawa ng ‘Salâh,’ ay humarap kayo sa ‘Masjid Al-Harâm.’
At walang pag-aalinlangan na ang mga pinagkalooban ng Allâh (I) ng kaalaman hinggil sa mga Aklat mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano ay batid na batid nila ang hinggil sa paglipat ng ‘Qiblah’ patungo sa ‘Ka`bah’ (na nasa Makkah). Tunay na ang tungkol sa bagay na ito ay nakatala sa kanilang mga Aklat. At hindi nakaliligtaan ng Allâh (I) ang ginawa nilang pagsasalungat at pagdududa, na samakatuwid ay tutumbasan ito ng Allâh (I) sa kanila.
145. At kahit na dalhin mo pa, O Muhammad (r), sa mga taong nagtatangan ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel’ – mga Hudyo at mga Kristiyano, ang lahat ng katibayan hinggil sa pagharap sa ‘Ka`bah’ sa tuwing magsa-‘Salâh,’ na yaon ang katotohanan mula sa Allâh (I) ay hindi pa rin sila susunod sa ‘Qiblah’ na iyong hinaharapan, dahil sa kanilang paglabag at pagmamataas. At hindi maaari sa iyo na sumunod kang muli sa kanilang ‘Qiblah’ at (dapat na mabatid mo na) hindi rin sinusunod ng ilan sa kanila ang ‘Qiblah’ ng iba. At (samakatuwid) kapag sinunod mo ang kanilang kagustuhan hinggil sa ‘Qiblah’ at iba pa, pagkatapos dumating sa iyo ang kaalamang ikaw ay nasa katotohanan at sila ay nasa kamalian; kung gayon, ikaw ay mapapabilang sa mga ‘Dzâlimîn’ – mga hinamak ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang pagiging masama. Ito ay bilang babala sa sinumang susunod sa sarili niyang kagustuhan at lumalabag sa batas ng Islâm.
146. Ang mga pinagkalooban Namin ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel’ --- ang mga Paham (o Iskolar) ng mga Hudyo at ang mga Paham ng mga Kristiyano ay kilala si Propeta Muhammad (r) ayon sa mga katangian niyang nabanggit sa kanilang mga Aklat, na tulad ng pagkakakilala nila sa kani-kanilang mga sariling anak. At katiyakan, ang isang grupo sa kanila ay itinago ang katotohanan, kahit na alam pa nila ang katibayan at katunayan ng kanyang mga katangian.
147. Ang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), ay katotohanan na nagmula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, huwag na huwag kang pabibilang sa mga nag-aalinlangan.
148. At sa bawa’t sambayanan ay mayroon silang ‘Qiblah’ na hinaharapan sa tuwing sila ay magsa-‘Salâh.’ Kaya madaliin ninyo, O mga mananampalataya, magsipag-unahan kayo sa pagsasagawa ng mga mabubuting gawa na ipinag-utos sa inyo ng ‘Deen Al-Islâm,’ at walang pag-aalinlangan, titipunin kayong lahat ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay mula sa inyong kinaroroonan. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Qadeer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Makapangyarihan na May Kakayahang gawin ang lahat ng bagay.
149. At kahit saan ka man magsimula para sa iyong paglalakbay, O Muhammad (r), at nais mong isagawa ang pagsa-‘Salâh,’ iharap mo kung gayon ang iyong mukha sa ‘Masjid Al-Harâm.’ At katiyakan, ang pagharap mo roon ay siyang katotohanan mula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
At hindi nakaliligtaan ng Allâh (I) ang inyong ginagawa at gagantihan Niya kayo batay sa anuman na inyong mga ginawa.
150. At kahit saan ka man magsimula, O Muhammad (r), ay humarap ka sa ‘Masjid Al-Harâm;’ at gayundin kayong mga Muslim, kahit saan man kayo naroroon na sulok ng daigdig, ay iharap ninyo ang inyong mga mukha sa ‘Masjid Al-Harâm’ sa inyong pagsa-‘Salâh,’ nang sa gayon ay hindi magkakaroon ng katwiran ang mga taong lumalabag kapag sila ay nakipagtalo sa inyo pagkatapos ninyong humarap doon. Maliban lamang sa mga masasama at tumanggi mula sa kanila, mananatili pa rin sila sa pakikipagtalo sa inyo subali’t huwag kayong matakot sa kanila.
Ako lamang ang dapat ninyong katakutan sa pamamagitan ng pagsunod sa Aking mga ipinag-uutos, pag-iwas sa Aking mga ipinagbabawal; at nang sa gayon ay mabuo Ko ang Aking mga biyaya at kagandahang-loob sa inyo sa pagpili ng ganap na batas at nang kayo ay mapatnubayan tungo sa katotohanan.
151. Katulad ng pagbibigay Namin ng biyaya sa inyo sa pamamagitan ng pagharap ninyo sa ‘Ka`bah,’ nagpadala kami ng Sugo mula sa inyo upang bigkasin ang mga malinaw na Salita, na isinasaad ang pagkakaiba ng katotohanan mula sa kamalian. At upang linisin din kayo mula sa dungis ng pagtatambal at masasamang pag-uugali; at ituro sa inyo ang Qur’ân, ang ‘Sunnah’ at mga alituntunin ng batas.
Gayundin ang mga kuwento tungkol sa mga Propeta at sa mga naunang mga tao na wala kayong kaalaman hinggil sa mga ito.
152. Kaya’t alalahanin ninyo Ako sa pamamagitan ng pagsunod at pagsamba sa Akin, nang sa gayon ay aalalahanin Ko (rin) kayo sa pamamagitan ng pagpapatawad at labis na pagmamahal. Ako lamang ang dapat ninyong pasalamatan sa salita at gawa. Huwag ninyong ipagsasawalang-bahala ang Aking mga biyaya sa inyo.
153. O kayong mga naniwala! Humingi kayo ng tulong mula sa Allâh (I) sa lahat ng inyong mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagtitiis sa mga nangyayaring sakuna sa inyo, sa mga pagsubok na inyong mga nararanasan, at pag-iwas sa mga kasamaan at sa mga kasalanan; at pagtitiis habang gumagawa ng mga ipinag-uutos at mga kabutihan; at pagsa-‘Salâh’ bilang kapanatagan ng kalooban; at pagbabawal sa lahat ng mga imoral na gawain na tulad ng pakikiapid at iba pang kasamaan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay kasama ng mga matiisin sa pamamagitan ng Kanyang tulong at gabay.
Sa talatang ito, isinasaad na ang pagiging bukod-tanging pakikisama ng Allâh (I) ay para lamang sa mga mananampalataya na katulad ng naipaliwanag. Magkagayunpaman, ang pangkalahatang pakikisama ng Allâh (I) ay nangangahulugan ng Kanyang malawak at walang hangganang kaalaman at pagmamatyag sa Kanyang mga nilikha.
154. At huwag ninyong sabihin, O mga mananampalataya, na yaong mga namatay sa ‘Jihâd,’ pakikipag-punyagi sa Daan ng Allâh (I), na “Sila ay mga patay.” Hindi sila mga patay, bagkus sila’y mga buhay, nguni’t ito’y hindi ninyo nararamdaman. Namumukod-tangi ang kanilang pagiging buhay sa kanilang mga libingan, na walang sinuman ang Nakaaalam nito kundi ang Allâh (I) lamang. Ito ang katibayan na mayroong magandang buhay sa libingan.
155. At sinusubukan Namin kayo sa mga pangkaraniwang bagay na tulad ng pagkatakot sa inyong mga kalaban, kagutuman o kakulangan sa pagkakamit ng yaman --- na bagama’t hirap na hirap na’y hindi pa sapat ang nakakamit o di kaya’y pagkawala nito, pagkasawi ng mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pangkaraniwan na kamatayan o di kaya’y pagka-‘Shaheed’ ng isa sa Daan ng Allâh (I); at kakulangan sa inaaning mga bungang-kahoy (na tulad ng ‘tamr’ o datiles), mga prutas, at sa inaaning mga butil (na tulad ng mga mais, ginagapas na palay at iba pa) o di kaya’y pagkasira ng mga ito. Subali’t ibigay mo sa kanila, O Muhammad (r), ang magandang balita sa mga nagtataglay ng katangiang pagtitiis, na nakakayanan nila ang mga nabanggit at iba pang mga pagsubok. Ibigay mo sa kanila ang balitang magpapagalak sa kanila hinggil sa kanilang magandang kahihinatnan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
156. Kabilang sa mga katangian ng mga yaong matiisin, ay kapag dumating sa kanila ang mga bagay na hindi nila nagugustuhan, sinasabi nila: “Kami ay mga aliping pagmamay-ari ng Allâh (I), Siya ang Namamahala sa lahat ng bagay para sa amin, ginagawa Niya ang anumang Kanyang nais, at katiyakang babalik kami sa Kanya kapag kami ay namatay na, at pagkatapos nito ay bubuhayin kaming mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa paghuhukom at pagbabayad.”
157. Sila ang mga matiisin, na ang para sa kanila ay papuri at dakilang awa mula sa Kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At sila ang mga ginabayan tungo sa Patnubay.
158. Katiyakan, ang ‘As-Safa’ at ‘Al-Marwah’ – ang dalawang maliit na bundok na malapit sa ‘Ka`bah’ sa gawing silangan – ay kabilang sa maliwanag na mga palatandaan ng ‘Deen’ ng Allâh (I). Itinuturing na ‘Ibâdah’ (pagsamba) sa Allâh (I) ang paglalakad sa pagitan ng mga ito, kaya’t sinuman ang magnais na magsagawa ng ‘Hajj’ o di kaya ay ‘`Umrah,’ ay hindi magiging kasalanan para sa kanya ang paglalakad sa pagitan nito, bagkus ito ay magiging obligado pa sa kanya, at sinuman ang gumawa ng mga kautusang ito, na bukal sa kanyang kalooban, na ito ay para lamang sa Allâh (I), dapat niyang mabatid na ito ay tinatangkilik ng Allâh (I) at ginagantimpalaan Niya ang mabuting gawa nang masagana maging ito man ay kakaunti. Nababatid Niya ang lahat ng gawang mabuti ng Kanyang mga alipin at hindi Niya ito kinaliligtaan at wala Siyang ipinagkakait na kahit na katiting na katiting na bagay.
159. Katiyakan, yaong mga naglilihim ng mga ipinahayag ng Allâh (I) na mga malinaw na palatandaan, bilang katibayan sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r) at sa kanyang dinalang Aklat --- sila ay yaong mga Pantas (Iskolar) ng mga Hudyo, mga Pantas ng mga Kristiyano at iba pa, na naglihim ng mga ipinahayag ng Allâh (I), pagkatapos Niya itong ilantad sa mga tao sa pamamagitan ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel.’ Samakatuwid, ilalayo ng Allâh (I) ang Kanyang awa sa kanila at isusumpa sila ng lahat ng mga nilikha.
160. Maliban doon sa mga nanumbalik at humingi ng kapatawaran sa Allâh (I) sa kanilang mga kamalian, at itinuwid nila ang kanilang pagkakamali at isiniwalat nila ang kanilang mga itinago. Na kung kaya, sila ang mga yaong tatanggapin Ko ang kanilang pagsisisi at susuklian Ko sila ng kapatawaran, dahil Ako ay ‘At-Tawwâb’ – Tagapagtanggap sa sinumang humihingi ng kapatawaran mula sa Aking mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila sa pamamagitan ng paggabay Ko sa kanila tungo sa paghingi nila ng kapatawaran at pagtanggap Ko nito sa kanila.
161. Katiyakan, ang mga tumanggi sa paniniwala at inilihim ang katotohanan, at nanatili sila sa ganoong kalagayan hanggang sa sila ay mamatay, isusumpa sila ng Allâh (I), ng mga anghel at ng lahat ng tao at ipagkakait sa kanila ang awa ng Allâh (I).
162. Mananatili sila sa sumpa at sa Impiyerno, ang kaparusahan doo’y hindi mapapagaan at hindi sila bibigyan ng pagkakataon upang mangatwiran.
163. Ang inyong ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba), O kayong mga tao, ay Nag-iisang ‘Ilâh’ – ang Allâh (I) – sa Kanyang ‘Dhãt’ (ang Kanyang pagiging Kaisahan sa Kanyang Sarili ayon sa Kanyang Kamaharlikaan at Kadakilaan), sa Kanyang mga Pangalan, sa Kanyang mga Katangian, at sa Kanyang mga Gawa, at sa pagiging alipin ng lahat ng Kanyang mga nilikha at ang pagsamba nila sa Kanya. Walang sinuman ang bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya lamang, namumukod-tanging Mahabagin sa lahat ng Kanyang mga nilikha, sa Kanyang ‘Dhãt’ at sa Kanyang mga Gawa, Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa mga mananampalataya.
164. Katiyakan, sa paglikha ng mga kalangitan, at sa pag-aangat at sa pagpapalawak nito; at sa kalupaan kasama ang mga bulubundukin nito, ang mga kapatagan nito, at ang mga karagatan; at sa mga pagbabagu-bago ng gabi at araw, na ang mga ito’y humahaba at umiikli, dumidilim at lumiliwanag, at ang pagsasalit-salitan ng mga ito.
At sa mga sasakyang pandagat na pinalalayag Niya sa karagatan upang maihatid at madala ang mga pangangailangan ng tao; at sa pagpapababa ng Allâh (I) mula sa kalangitan ng tubig-ulan, na pagkatapos ay nagbibigay-buhay sa kalupaan at ginagawang luntian ang mga pananim at halamanan, na siya namang nagpapaginhawa sa inyong mga paningin pagkatapos mabigyan ng buhay ang kalupaan sa pagiging tuyot nito; ang pagpapakalat ng Allâh (I) sa lahat ng mga uri ng gumagapang na mga buhay na bagay sa kalupaan, ang pagbibigay Niya ng biyaya sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang Pangangasiwa sa mga hangin kung saan ito pipihit (o tutungo) na dako, at sa mga ulap na gumagalaw sa pagitan ng kalangitan at kalupaan; katiyakan, ang mga bagay na ito ay malalaking palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I), mga masasaganang biyaya at kagandahang-loob para sa mga taong may pang-unawa at nakaiintindi ng anumang katibayan hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I), na Siya lamang ang bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin.
165. Gayunpaman, kahit ganito na katibay ang mga palatandaan, mayroon pa ring grupo ng mga taong nagsasagawa ng pagsamba sa iba bukod sa Allâh (I), na tulad ng mga inanyuang rebulto at iba’t ibang sinasamba bukod sa Allâh (I). Ito ay kanilang itinatambal sa Allâh (I), minamahal, iginagalang at sinusunod nila; gayong ang mga ganitong pagtangi ay hindi karapat-dapat kundi sa Allâh (I) lamang. Nguni’t ang mga mananampalataya ay mas higit ang ginawang pagmamahal sa Allâh (I) kaysa sa ginawang pagmamahal ng mga walang pananampalataya sa kanilang mga diyus-diyosan. Ito’y sa kadahilanang ang mga mananampalataya ay itinutuon nila ang taimtim na kabuuang pagmamahal sa Allâh (I); samantalang sila --- ang mga walang pananampalataya ay tinatambalan sa pagmamahal ang Allâh (I).
At kung batid lamang ng mga taong ito, na dinadaya lamang nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglalagay nila ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I), habang sila ay naririto at nabubuhay sa daigdig. Kung makikita lamang nila, sa oras na ihaharap na sa kanila ang kaparusahan sa Kabilang-Buhay, mapatutunayan nila, na ang Allâh (I) lamang ang Bukod-Tanging Makapangyarihan sa lahat at matindi ang Kanyang parusa; (kung makikita lamang nila ito) ay hindi sila maglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) --- hindi sila gagawa ng mga diyus-diyosang sasambahin nila bilang katambal ng Allâh (I) at hindi nila gagawing tagapamagitan ang mga ito para mapalapit sa Kanya.
166. Sa oras na makita nila ang kaparusahan sa Kabilang-Buhay, ipagkakaila ng mga taong sinunod nila sa maling gawa, ang sinumang sumunod sa kanila sa pagsasagawa ng ‘Shirk.’ [10] At mapuputol ang lahat ng uri ng ugnayang nangyari rito sa mundo, katulad ng relasyon sa pagiging magkamag-anak, sa pagsunod at sa ‘Deen’ at iba pa.
167. At sinabi ng mga sumunod sa kanila: “Kung mabibigyan lang sana kami ng pagkakataong makabalik sa daigdig, upang maitatwa namin ang mga taong aming sinunod at namuno sa amin; na tulad ng ginawa nilang pagtatatwa sa amin sa ngayon.” At katulad ng gagawing pagpapakita ng Allâh (I) sa kanila ng masidhing kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ay ipakikita rin ng Allâh (I) ang kanilang maling nagawa upang lalo silang manghinayang, sapagka’t hindi na sila makalalabas pa sa Impiyernong-Apoy magpakailanman.
168. O sangkatauhan! Kumain kayo mula sa mga biyaya ng Allâh (I), na ipinahintulot sa inyo rito sa kalupaan --- lahat ng malilinis, mabubuti at kapaki-pakinabang at hindi nakapipinsala. At huwag ninyong sundin ang mga daan ni ‘Shaytân’ (Satanas) sa kanyang sariling pagpapahintulot at sa kanyang sariling pagbabawal, at sa pagsasagawa ng mga bid`ah (o pagbabago sa katuruan) at mga kasalanan. Huwag ninyo siyang sundin sapagka’t siya ang malinaw at lantaran ninyong kaaway.
169. Ang ipinag-uutos lamang ni ‘Shaytân’ sa inyo ay ang lahat ng uri ng mga kasalanang makasisira sa inyo, mga karumal-dumal na mga gawain at mga imoral, nang sa gayon ay makapagsalita kayo ng kasinungalingan laban sa Allâh (I). Gagawin ninyong ‘Harâm’ (bawal) ang ‘Halâl’ (ang ipinahihintulot) at iba pa; gayong wala naman kayong kaalaman hinggil sa mga bagay na ito.
170. At kapag sinabi ng mga naniwala sa mga naligaw ng landas bilang pagpapayo na: “Sumunod kayo sa ipinahayag ng Allâh (I) na Qur’ân at patnubay,” magpupumilit pa rin sila na gayahin ang mga nauna sa kanila na mga ‘Mushrikin.’ Sinasabi nila: “Hindi kami susunod sa inyong ‘Deen,’ bagkus ang susundin namin ay kung ano ang nakagisnan naming ginagawa ng aming mga ninuno.” Kahit pa ang kanilang mga ninuno ay mangmang hinggil sa kaalaman tungkol sa Allâh (I) at hindi nakaiintindi ng patnubay, ay susundin pa rin ba nila?
171. At ang halimbawa ng mga di-naniwala at ang mga nananawagan upang hikayatin ang mga walang pananampalataya tungo sa patnubay at paniniwala, ay katulad ng nag-aalaga ng hayop na sumisigaw upang pigilin ang kanyang mga inaalagaang hayop, subali’t hindi naiintindihan ng mga hayop ang kanyang sinasabi at ang pawang naririnig ng mga ito ay ang kanyang sigaw at tunog lamang ng kanyang salita. Ganito samakatuwid, ang katulad ng mga tumanggi at naghimagsik. Sila ay hindi nakaririnig, tinatakpan nila ang kanilang mga tainga sa katotohanan; mga pipi, pinipigilan nila ang kanilang mga bibig na bigkasin ang mga salita; mga bulag na hindi nakikita ng kanilang mga mata ang mga malilinaw na mga palatandaan, at hindi nila ginagamit ang kanilang mga kaisipan sa mga nakabubuti sa kanila.
172. O kayong mga naniwala! Kumain kayo mula sa mga ipinahintulot (‘Halâl’) na masasarap na pagkaing ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo. Huwag kayong tumulad sa mga taong tumanggi sa katotohanan, na ipinagbabawal (ang kumain ng) malilinis at pinahihintulutan (ang pagkain) ng mga marurumi, at magpasalamat kayo sa Allâh (I) sa Kanyang mga dakilang biyaya at kagandahang-loob na ibinigay sa inyo, sa pamamagitan ng inyong kalooban, mga bibig at buong katawan; kung kayo nga ay talagang tunay na nagpapasakop sa Kanyang kagustuhan, nakikinig at sumusunod sa Kanya, at kung talagang sinasamba ninyo Siya na bukod- tangi at walang itinatambal sa Kanya.
173. Ang mga ipinagbabawal lamang ng Allâh (I) sa inyo ay ang lahat ng mga nakapipinsala na katulad ng: ‘Al-Maytah’ – hindi nakatay sa pamamaraan na ipinag-utos ng Islâm, dugo, mga karne ng baboy at ang lahat ng kinatay bilang pag-aalay sa iba bukod sa Allâh (I). Gayunpaman, dahil sa labis na pagmamahal ng Allâh (I) sa inyo at bilang pagpapagaan na rin, ay ipinahintulot Niya ang mga bagay na ito sa oras ng matinding pangangailangan. [11] Samakatuwid, kung sinuman ang napilitang gawin ito dahil sa matinding pangangailangan, ay maaari siyang kumain mula roon (sa ipinagbabawal na yaon), kaya nga lamang ay hindi niya hihigitan ang naaayon sa kanyang pangangailangan at hindi niya lalampasan ang hangganan ng Allâh (I) na ipinahintulot sa kanya, nang sa gayon ay hindi siya magkasala. Katotohanan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.
174. Katiyakan, yaong mga inililihim nila kung ano ang ipinahayag ng Allâh (I) na nasa Kanyang mga Aklat hinggil sa katangian ni Propeta Muhammad (r) at iba pang katotohanan, at nagsusumigasig na ipagbili nila ito bilang kapalit sa napakaliit na halaga ng makamundong bagay sa pamamagitan ng paglihim nito --- wala silang kinakain at ikinabubuhay kundi panay ‘Harâm’ (bawal), na magiging sanhi ng pagkakabulid nila sa Impiyernong-Apoy at hindi makikipag-usap sa kanila ang Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay dahil sa Kanyang poot at pagkamuhi sa kanila, at hindi sila lilinisin ng Allâh (I) mula sa dungis ng kanilang pagkakasala at pagtanggi, ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan.
175. Sila na mga nagtangan ng ganitong pag-uugali --- ipinagpalit nila ang Patnubay sa pagkaligaw at ang Kapatawaran sa kaparusahan ng Allâh (I). Napakalakas ng kanilang loob na harapin ang Impiyerno sa pamamagitan ng kanilang masasamang gawa. Namamangha ang Allâh (I) sa katapangan ng kanilang paglabag. Di ba kayong mga tao ay nararapat ding magulat sa kanilang katapangan at sa matinding kaparusahang kanilang iindahin sa Impiyerno? Kaya’t ito ang mga salita ng Allâh (I) bilang pag-aalipusta at paghamak sa kanila.
176. Ang kaparusahang yaon ang naging karapat-dapat sa kanila, dahil nang nagpadala ang Allâh (I) ng mga Aklat para sa Kanyang mga Sugo, na nagsasaad ng malinaw na katotohanan, ay tumanggi pa rin sila pagkatapos nito. At katiyakan, yaong mga hindi nagkasundo hinggil sa Aklat, na ang ibang bahagi ay pinaniwalaan nila at ang ibang bahagi naman ay tinanggihan nila, ay nasa matinding pagtatalo sa isa’t isa at di-pagkakasundo na malayo mula sa patnubay at katotohanan.
177. Hindi kabutihan sa paningin ng Allâh (I) ang ilingon ang inyong mga mukha sa silangan o sa kanluran sa tuwing magsa-‘Salâh,’ kung hindi lamang ito mula sa Kautusan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas. Subali’t ang tunay na kabutihan ay ang gawain ng sinumang naniwala sa Allâh (I) – na Siya lamang ang nararapat na sinasamba, bukod-tangi at walang katambal; at naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Araw ng Paghuhukom, at naniwala sa lahat ng mga anghel, at sa lahat ng mga ipinahayag na mga Aklat, at sa lahat ng mga Propeta at Sugo nang walang pagtatangi, at nagbibigay ng kawanggawa kahit na ito ay labis pa niyang minamahal – sa mga kamag-anak at sa mga ulilang nanga-ngailangan, na sila ay ang mga yaong namatayan ng magulang bago dumating sa kanila ang hustong gulang, at sa mga mahihirap na naghihikahos, at sa mga manlalakbay na nangangailangan ng panggastos dahil sa nalayo sila sa kanilang pamilya at kayamanan, at sa mga namamalimos na napilitang gumawa ng ganitong bagay dahil sa tindi ng pangangailangan, at paggasta sa pagpapalaya ng alipin at mga bihag; at taimtim na nagsasagawa ng ‘Salâh,’ at nagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’), at yaong mga tumutupad sa kanilang pangako, at nagtitiis dahil sa kahirapan, karamdaman at gayundin sa mga matitinding labanan (sa Daan ng Allâh I).
Ang mga nagtatangan ng ganitong katangian o pag-uugali, sila ang matatapat sa kanilang paniniwala at sila ang natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I), na kung kaya, iniiwasan nila ang mga pagkakasala.
178. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at gumawa ng anumang ipinag-utos ng Allâh (I)! Iniatas ng Allâh (I) sa inyo ang ‘Al-Qisâs’ (ang paglapat ng sapat na kaparusahan sa pumatay nang sadya) sa kondisyong ito ay magkakaparehas: ang malayang tao para sa kapuwa niya malaya, ang alipin para sa alipin, ang kababaihan para sa kababaihan. Nguni’t sinuman ang nakapatay at pagkatapos ay pinatawad ng namatayan at hindi na nila hiningi ang paghihiganti, at naging sapat na sa kanila ang pagkuha ng ‘Diyah’ – na ito ay kaukulang halaga na ibibigay ng nakagawa ng krimen bilang kapalit ng pagpapatawad sa kanya, – ang magkabilang panig ay nararapat na manatili sa maayos at mabuting pag-uugali: sisingilin ng namatayan ang ‘Diyah’ nang walang pagmamalupit at pagmamalabis, na nararapat naman sa nakapatay na magbayad sa maayos at magandang pamamaraan, at hindi niya ito aantalahin ni babawasan.
Ang pagpapatawad at pagtanggap ng ‘Diyah’ ay isang pagpapagaan at habag para sa inyo ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil sa kapakinabangan nito at hindi na paggawad ng karampatang kaparusahan. Kung kaya, ang sinuman ang pumatay sa nakapatay, matapos siyang mapatawad at matanggap ang ‘Diyah’ mula sa kanya, ang gagawa nito ay papatawan ng kaparusahang kamatayan dito sa daigdig o di kaya ay ipalalasap sa kanya sa Kabilang-Buhay ang matinding pagpapahirap sa Impiyernong-Apoy.
179. At ang makakamit ninyo sa pagpapatupad ng ‘Al-Qisâs’ ay mapayapang pamumuhay, O kayong nagtatangan ng matinong pag-iisip na naghahangad ng pagkatakot sa Allâh (I) at patuloy na pagsunod sa Kanyang kautusan.
180. Ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo, na kapag may palatandaan na malapit nang mamatay ang isa sa inyo at mayroon siyang maiiwang mga kayamanan, marapat na mag-iwan siya ng Testamento o Huling Habilin, sa bahagi ng kanyang kayamanan para sa kanyang magulang at sa kanyang mga kamag-anak, nang sa gayon ay mapanatili ang katarungan; (sa habiling ito) hindi nararapat na kaligtaan niya ang mahihirap at ang mga maykaya sa buhay lamang ang kanyang hahabilinan. At ang paghahabiling ito ay hindi hihigit sa ikatlong bahagi ng kanyang buong kayamanan na maiiwan, samakatuwid, yaon ang nananatiling karapatan na ipinatutupad ng mga ‘Al-Muttaqûn’ – may takot sa Allâh (I).
Ito ang batas na itinalaga ng Allâh (I) bago ipinahayag ang mga talata ng Qur’ân patungkol sa paghahati-hati ng kayamanan bilang karapatan ng bawa’t tagapagmana.
181. At sinuman ang bumago sa Habilin ng namatay pagkatapos itong marinig sa kanya bago siya namatay, ang kasalanan ay (mapupunta) sa yaong gumawa ng mga pagbabago nito. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaririnig ng inyong habilin at ng inyong mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid kung ano ang kinikimkim ng inyong mga puso, na kung nais ba ninyong ipatupad ang katotohanan o gusto ba ninyo itong labagin o dayain, magkagayunpaman, ito ay inyong pagbabayaran.
182. At sinuman ang nakaaalam, na ang habilin ay wala sa tamang kaparaanan, sinadya man ito o hindi, at pagkatapos ay pinag-ayos niya ang lahat ng mga tagapagmana at binago niya ang habilin upang ito ay sumang-ayon sa batas, hindi siya ituturing na nagkasala, dahil sa ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.
183. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo at tumupad sa Kanyang batas! Ang pag-aayuno ay ipinag-utos Niya sa inyo, na tulad ng Kanyang pagkakautos sa mga nauna sa inyo, nang sa gayon ay magkaroon kayo ng takot sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, maglagay kayo ng harang sa pagitan ninyo at ng pagkakasala sa pamamagitan ng pagsunod at bukod-tanging pagsamba lamang sa Allâh (I).
184. Ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo ang pag-aayuno sa mga bilang na araw. Ito ay sa mga araw sa buwan ng Ramadhan. Gayunpaman, kung sinuman sa inyo ang maysakit at mahihirapan siyang mag-ayuno o di kaya siya ay isang manlalakbay ay maaari niyang itigil muna pansamantala ang kanyang pag-aayuno, nguni’t ito ay nararapat niyang palitan sa ibang araw, na kung gaano karami ang hindi niya naisagawang pag-aayuno (sa buwan ng Ramadhan) ay ganoon din ang kanyang ipapalit.
At para naman sa mga mahihirapang mag-ayuno, na dahil sa hirap na mararanasan nila ay baka hindi nila makayanan ito, na tulad ng mga matatanda na o mga maysakit na wala nang pag-asa pang gumaling, ang kailangan lamang nila ay ang magbigay ng ‘fidyah’ araw-araw --- isang hapunan sa isang araw, na ito ay pagpapakain ng ‘Miskin’ (mahirap na tao), subali’t kung lalampasan o hihigitan niya ang ‘fidyah’ na itinakda at nagpakain siya nang higit pa kaysa rito at ito ay kusang-loob, ay mas makabubuti ito para sa kanya, at kung matitiis naman ninyo ang kahirapan ay mas makabubuti ang pag-aayuno para sa inyo kaysa sa pagbibigay ninyo ng ‘fidyah,’ kung batid lamang ninyo ang napakagandang idinudulot ng pag-aayuno at gantimpala nito mula sa Allâh (I).
185. Sa buwan ng Ramadhan, sinimulan ng Allâh (I) ang paghahayag ng Banal na Qur’ân sa ‘Laylatul Qadr’ (isinalin na Gabi ng Dakilang Karangalan) bilang patnubay sa mga tao tungo sa katotohanan, inilahad sa gabing yaon (ng ‘Laylatul Qadr’) ang malinaw na mga palatandaan hinggil sa patnubay ng Allâh (I), at ang mga pamantayan sa pagitan ng katotohanan at kamalian. Kung kaya, sinuman sa inyo ang inabot ng buwan ng Ramadhan, na nasa malusog na kalagayan at nakatigil lang siya sa kanyang bayan, nararapat sa kanya na mag-ayuno sa mga araw na ito. Magkagayunpaman, pinahihintulutan sa mga maysakit at manlalakbay na kumain at hindi mag-ayuno, nguni’t pagkatapos ay babayaran na lamang nila ang mga bilang ng araw na kanilang itinigil (o hindi ipinag-ayuno).
Hangad ng Allâh (I) na maging madali para sa inyo ang Kanyang batas. Hindi Niya nais na kayo ay pahirapan, kundi ang nais (lamang) Niya ay mabuo ninyo ang buwan ng pag-aayuno ng isang buwan at pagkatapos ay magtapos kayo sa pamamagitan ng pagbibigkas ng ‘Takbir’ – pagsasabi ng ‘Allâhu Akbar’ (ang Allâh ay Pinakadakila) sa araw ng ‘`Eid’ (Pagdiriwang), at Siya ay inyong dakilain dahil sa Kanyang patnubay sa inyo, at tumanaw kayo ng utang na loob sa Kanya sa lahat ng mga biyaya at kagandahang-loob na ipinagkaloob sa inyo, bilang gabay at pagpapagaan ng mga bagay para sa inyo.
186. Kapag tinanong ka, O Muhammad (r), ng Aking mga alipin hinggil sa Akin, sabihin mo sa kanila: “Ako ay malapit sa kanila (sa pamamagitan ng ganap na kaalaman), dinirinig Ko ang panalangin ng sinumang nananalangin (nang hindi gumagamit ng tagapamagitan) kapag siya ay nananalangin sa Akin, kung kaya sundin nila Ako sa lahat ng Aking mga ipinag-uutos at iwasan ang Aking mga ipinagbabawal, at maniwala sila sa Akin, nang sa gayon ay magabayan Ko sila tungo sa mabubuting bagay sa kanilang ‘Deen’ at sa makamundong buhay.”
Sa talatang ito, isinasaad ng Allâh (I) ang pagiging malapit sa Kanya ng Kanyang mga alipin, na ito ay ayon sa Kanyang Kamaharlikaan.
187. Sa gabi ng Ramadhan, ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo ang makipagtalik sa inyong mga asawa, sila ay bilang pantakip at pangangalaga sa inyo at ganoon din kayo sa kanila bilang pantakip at pangangalaga sa kanila.
Batid ng Allâh (I) na noon ay dinaraya ninyo ang inyong mga sarili, sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ipinagbawal ng Allâh (I) sa inyo – ang pakikipagtalik sa inyong mga asawa sa gabi ng pag-aayuno, [12] – noong sila ay bago pang Muslim – subali’t pinatawad kayo ng Allâh (I) at pinaluwag Niya sa inyo ang mga bagay. Kung kaya, maaari na kayong makipagtalik sa kanila at hilingin ninyo ang anumang itinakda ng Allâh (I) sa inyo na pagkakaroon ng mga anak, at kumain at uminom kayo hanggang hindi pa lumilitaw ang liwanag ng ‘Fajr’ (madaling-araw) na makikita sa kalawakan na naghihiwalay sa dilim ng gabi, pagkatapos ay buuin ninyo ang inyong pag-aayuno sa araw at itigil ninyo ito kapag pumasok na ang gabi sa pamamagitan ng paglubog ng araw.
Subali’t kapag kayo ay nasa kalagayan ng ‘I`itikâf’ – na ito ay ang pagtigil o pananatili sa loob ng ‘Masjid’ nang ilang takdang panahon na ang layunin ay para mapalapit sa Allâh (I), – huwag kayong makikipagtalik sa inyong mga asawa dahil sa ito ay nakasisira sa ‘I`itikâf.’ Ito ang mga alituntuning ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo bilang Kanyang hangganang itinakda at batayan sa pagitan ng mga ipinahihintulot at ipinagbabawal. Kaya’t huwag ninyong lapitan ang hangganang ito, nang sa gayon ay hindi kayo makagawa ng mga ipinagbabawal. Dahil sa ganitong malinaw na kapahayagan, ipinahayag ng Allâh (I) ang Kanyang mga talata at batas para sa mga tao upang sila ay magkaroon ng takot sa Kanya.
188. At huwag kainin at angkinin ng ilan sa inyo ang kayamanan ng iba sa pamamagitan ng maling pamamaraan, na katulad ng panunumpa ng kasinungalingan, pangangamkam, pagnanakaw, pagsusuhol at pagpapataw ng patubo at iba pang mga katulad nito, at huwag kayong magbigay ng suhol sa mga hukom para makapagsakdal, nang sa gayon ay maangkin ninyo ang kayamanan ng tao sa pamamagitan ng panlalamang at hindi makatarungang pamamaraan, sapagka’t batid ninyo kung gaano ito ipinagbabawal.
189. Tinatanong ka ng iyong mga tagasunod, O Muhammad (r) hinggil sa ‘Al-Ahillah’ – mga bagong buwan (‘new moons’), kung paano ito nababago, sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ginawa ng Allâh (I) ang mga buwang ito bilang mga palatandaan, nang sa gayon ay maging malinaw sa mga tao ang mga nakatakdang panahon para sa kanilang pagsamba na katulad ng pag-aayuno, pagsasagawa ng ‘Hajj’ at sa kanilang mga transaksiyon.”
At hindi naging mabuti ang nakaugalian ninyo noong panahon ng kamangmangan at sa simula ng pagiging Muslim ninyo. Ang ginagawa ninyong pagpasok sa likuran ng inyong mga tahanan kapag kayo ay nakasuot ng ‘Ihrâm’ para sa pagsasagawa ng ‘Hajj’ o di kaya ay ‘`Umrah,’ inaakala ninyong ganito ang paraan upang kayo ay mapalapit sa Allâh (I), subali’t ang tunay na kabutihan ay sa pamamagitan ng pagiging matatakutin sa Allâh (I) at pag-iwas sa mga kasalanan, na kung kaya, kapag kayo ay nagsuot ng ‘Ihrâm’ upang isagawa ang ‘Hajj’ o di kaya ay ‘`Umrah,’ pumasok kayo sa inyong mga tahanan mula sa mga pintuan nito.
At katakutan ninyo ang Allâh (I) sa lahat ng bahagi ng inyong pamumuhay, nang sa gayon ay makamtan ninyo ang lahat ng inyong ninanais na kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
190. At makipaglaban kayo, O kayong mga naniniwala sa Allâh (I), upang maitaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh (I), sa mga taong nakikipaglaban sa inyo at huwag kayo ang magpapasimuno ng gulo. Katiyakan, hindi naiibigan ng Allâh (I) ang mga lumalabag sa Kanyang itinakdang hangganan at nagpapasimuno ng gulo, at pinahihintulutan nila ang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo.
191. At patayin ninyo ang mga nakikipaglaban sa inyo na mga ‘Mushrikin,’ saan man ninyo sila matagpuan at palabasin ninyo sila sa lugar na kung saan kayo ay pinalabas nila (na ito ay Makkah), sapagka’t ang ‘fitnah’ [13] ay mas masidhi kaysa sa pagpatay ninyo sa kanila.
At huwag kayo ang magpasimuno ng pakikipaglaban sa kanila sa ‘Masjid Al-Harâm’ (ang tahanan ng pagsamba sa Allâh [I] sa Makkah) bilang pagdakila sa karangalan (ng lugar na) yaon, hanggang hindi sila ang nagpapasimuno (nag-uumpisa) ng pakikipaglaban doon, subali’t kapag sila ang nag-umpisa ng pakikipaglaban sa lugar na yaon, ay makipaglaban kayo sa kanila. Ganito ang karapat-dapat na paghihiganti sa mga walang pananampalataya.
192. Kapag itinigil nila ang paglabag at pakikipaglaban sa ‘Masjid Al-Harâm’ at pumasok sila sa Islâm, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.
193. At ipagpatuloy ninyo, O mga sumasampalataya sa Allâh (I), ang pakikipaglaban sa mga ‘Mushrikin,’ na nagpapasimuno ng gulo, hanggang sa mawala ang ‘Fitnah’ sa ‘Deen’ ng mga Muslim at mawala ang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), at ang ‘Deen’ ay mananatili na para na lamang sa Allâh (I) –na wala nang ibang sasambahin bukod sa Kanya. Subali’t kapag itinigil nila ang paglabag sa Allâh (I) at pakikipaglaban, itigil din ninyo ang pakikipaglaban sa kanila; ang kaparusahan ay para lamang sa nagpapatuloy ng kanilang paglabag at pakikipaglaban.
194. Ang pakikipaglabang ginawa ninyo sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa sagradong buwan na ipinagbabawal ng Allâh (I) ang pakikipaglaban, ay bilang kabayaran lamang ng kanilang pakikipaglaban sa inyo.
Samakatuwid, sinuman ang lalabag sa ipinagbawal ng Allâh (I), maging ito man ay tumutukoy sa lugar o panahon, ay parurusahan ayon sa kanyang ginawa, na ang kabayaran ay katumbas ng kanyang nagawa. Subali’t sinuman ang nag-umpisa ng pakikipaglaban sa inyo o sa iba pang bagay, parusahan ninyo siya na tulad ng kanyang masamang nagawa at wala kayong dapat ipangamba hinggil dito, dahil sila ang nagpasimuno ng laban.
At katakutan ninyo ang Allâh (I) at huwag magmalabis sa paghihiganti, at dapat (ding) mabatid na ang Allâh (I) ay nasa mga taong may takot sa Kanya at sumusunod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinag-uutos Niya at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya.
195. At ipagpatuloy ninyo, O mga sumasampalataya sa Allâh (I), ang paggugol (paggasta) ng inyong mga kayamanan sa pagtaguyod sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at pakikipaglaban sa Kanyang Daan. At huwag ninyong ilagay ang inyong mga sarili sa kapahamakan, sa pamamagitan ng pagtalikod sa ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) at sa pag-iwas sa paggugol ng kayamanan para rito, at pagbutihin ninyo ang paggugol at pagsunod, at taimtim ninyong gampanan ang lahat ng inyong mga gawain para sa Allâh (I). Katiyakan, minamahal ng Allâh (I) ang mga dalisay at mga mabubuti ang layunin.
196. At isagawa ninyo ang ‘Hajj’ at ‘`Umrah’ nang ganap at taos-puso na para lamang sa Allâh (I). Subali’t kapag may humadlang sa inyong maisagawa ito gayong naisuot na ninyo ang ‘Ihrâm,’ na tulad (halimbawa) ng pagbabawal ng kalaban o may karamdamang dumapo sa inyo, (kung sakaling ganito man ang nangyari) ay mag-alay na lamang kayo ng anumang bagay na inyong makakayanan, na gaya ng kamelyo, baka o kambing; nang sa gayon ay mapalapit kayo sa Allâh (I), at upang maialis ninyo ang inyong mga sarili sa kalagayan ng ‘Ihrâm’ sa pamamagitan ng pag-aahit o di kaya ay paggugupit ng mga buhok sa inyong mga ulo.
At hindi kayo maaaring makapag-ahit sa inyong mga ulo kung kayo ay natigil (sa ganitong kalagayan), nang hindi muna kayo nag-aalay ng hayop sa lugar na kung saan kayo natigil, nang sa gayon ay maialis ninyo ang inyong mga sarili sa kalagayan ng ‘Ihrâm, na tulad ng ginawa ng Propeta (r) na pagkatay ng hayop sa ‘Hudhaybiyyah’ at pagkatapos ay saka pa lamang siya nagpaahit ng buhok. Gayunpaman, sa sinumang hindi mahahadlangan (ang isinasagawa niyang ‘Hajj’ o di kaya ay ‘`Umrah,’ at naipagpatuloy niya ito), ang pagkakatay ay talagang isinasagawa sa lugar ng ‘Haram’ (Makkah) sa Araw ng ‘`Eid’ na ika-10 ng ‘Dhul Hijjah’ hanggang sa ikalabintatlong araw nito.
At sinuman sa inyo ang nakasuot ng ‘Ihrâm’ at pagkatapos ay nagkasakit o di kaya ay mayroong mga bagay na nangyari sa kanyang ulo na magiging sanhi ng pagkakaahit nito, ito ay magagawa niya subali’t kinakailangang mag-alay siya ng ‘fidyah’ na pag-aayuno ng tatlong araw, o di kaya ay pagbibigay ng ‘Sadaqah’ (kawanggawa) sa anim na mahihirap o di kaya ay pagkatay ng kambing para sa mga mahihirap na taga-Makkah.
At kung sakaling nasa ligtas na kalagayan ang sinuman at nasa hustong kalusugan, pagkatapos ay nais na gawin ng sinuman sa inyo ang ‘`Umrah’ sa buwan ng ‘Hajj’ at nais na rin niyang isagawa ang ‘Hajj,’ maaari niyang piliin ang (isang uri ng ‘Hajj’ na) ‘Hajj Tamattu`,’ na ito ay ang pagbabalik niya sa normal na kalagayan (o pamumuhay) sa pamamagitan ng pagtatanggal niya ng kanyang ‘Ihrâm’ pagkatapos niyang maisagawa ang ‘`Umrah’ at saka siya muling bumalik sa kalagayan ng ‘Ihrâm’ para sa ‘Hajj’ kapag sumapit na ang araw ng ‘Hajj’ (na kung kaya, ipahihintulot na sa kanya ang lahat ng mga ipinagbawal noong siya ay nakasuot o nasa kalagayan ng ‘Ihrâm’).
Subali’t kinakailangan nga lamang niyang mag-alay ng ‘Hadî.’ At kung sakali namang hindi niya ito makakayanan, maaari siyang mag-ayuno ng tatlong araw sa buwan ng ‘Hajj’ at pitong araw pagkatapos ng mga gawaing pang-‘Hajj,’ kapag siya ay nakabalik na sa kanyang pamilya, na ang kabuuan ng lahat ay sampung araw.
Gayunpaman, ang mga alituntuning nabanggit ay para lamang sa mga taong nakatira sa labas ng Makkah (at hindi mga residente o nakatira roon).
At katakutan ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal. At dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay matindi sa pagpaparusa sa mga lumalabag sa Kanyang mga kautusan at sa gumagawa ng mga ipinagbabawal.
197. Ang ‘Hajj’ ay isinasagawa sa mga kilalang panahong ito, buwan ng ‘Shawwal,’ ‘Dhul Qa`dah’ at sa mga unang sampung araw ng buwan ng ‘Dhul Hijjah.’
Sinuman ang may hangaring magsa-gawa ng ‘Hajj’ sa mga buwang ito at pagkatapos ay nakapagsuot ng ‘Ihrâm,’ magiging bawal na sa kanya kung gayon, ang pakikipagtalik sa kanyang asawa, kahit pa ang simula lamang nito, sa salita man o sa gawa. At magiging bawal din sa kanya ang paglabag sa anumang ipinag-uutos, pagsasagawa ng masama at pakiki-pagtalo sa panahon na isinasagawa ang ‘Hajj’ na magdudulot ng galit sa isa’t isa o pagkamuhi.
Ang lahat ng inyong ginagawa na kabutihan ay katiyakang batid ng Allâh (I) at ginagantimpalaan Niya ang bawa’t isa ayon sa kanyang gawa.
At magdala kayo ng iyong panustos (o baon – pagkain at inumin) para sa inyong ‘Hajj’ at mga mabubuting gawa para sa Kabilang-Buhay; gayunpaman ang pinakamabuting baon ay ang pagkatakot (‘Taqwâ’ – ang pagiging ‘Al-Muttaqûn’) sa Allâh (I), kaya’t katakutan ninyo Ako, O kayong mga nagtatangan ng matitinong pag-iisip!
198. Hindi pagiging kasalanan para sa inyo kung maghahangad kayo ng kabuhayan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng anumang legal na pagkakakitaan, katulad (halimbawa) ng pagnenegosyo, sa mga araw ng ‘Hajj,’ at kapag lumisan na kayo ng ‘`Arafat’ – na ito ay lugar na tinitigilan o pinananatilihan ng mga nagsasagawa ng ‘Hajj’ sa ika-9 na araw ng ‘Dhul Hijjah’ – pagkalubog ng araw pabalik sa Makkah, alalahanin ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagluluwalhati sa Kanya – sa pamamagitan ng pagbibigkas ng ‘Talbiyah’ at manalangin sa ‘Mas`har Al-Harâm’ (lugar sa ‘Muzdalifah’).
At purihin ninyo ang Allâh (I) sa tamang pamamaraan na Kanyang itinuro sa inyo, dahil bago dumating ang patnubay Niya sa inyo ay nasa pagkaligaw kayo, na hindi ninyo alam ang katotohanan.
199. Ang paglisan ninyo sa lugar na yaon ng ‘`Arafat’ na tulad ng ginawa ni Ibrâhim (u), ay bilang pagsalungat sa ginawa noon ng mga paganong mangmang na hindi tumigil sa lugar na yaon, kaya’t hilingin ang Kanyang kapatawaran sa inyong mga kasalanan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga aliping humihingi ng kapatawaran at nagsisisi, na Siya ay ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
200. Kapag nabuo ninyo ang uri ng pagsambang ito at natapos ninyo ang mga gawain sa ‘Hajj,’ dalasan ninyo ang pag-aalaala at pagpupuri sa Allâh (I) na katulad ng pag-aalaala at pagpupuring ginagawa ninyo sa inyong mga ninuno at higit pa ang gawin ninyo kaysa rito.
Mayroong grupo ng mga paganong ang hangarin lamang nila ay makamundo at sila ay nananalangin at nagsasabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipagkaloob Mo sa amin ang kalusugan dito sa daigdig, kayamanan at mga supling.” Subali’t sa Kabilang-Buhay ay wala silang mapapala at mapapakinabangan dahil sa hindi nila pagkakagusto nito, na ang tanging hangarin lamang nila ay makamundo.
201. At mayroong grupo ng mga taong sumasampalataya na nagsasabi sa kanilang panalangin: “Ipagkaloob Mo sa amin, O aming ‘Rabb’ dito sa mundo, ang kalusugan, kabuhayan, kapaki-pakinabang na kaalaman, mabubuting gawa at iba pang mga bagay hinggil sa ‘Deen’ at makamundong bagay; at sa Kabilang-Buhay ay ipagkaloob Mo (rin) sa amin ang ‘Al-Jannah’ at iligtas Mo kami sa Impiyernong-Apoy.” [14] Samakatuwid, ito ang pangkalahatang panalangin dahil sa ito ay palaging idinadalangin ni Propeta Muhammad (r) ayon sa ‘Sahih Al-Bukhâri’ at ‘Sahih Muslim.’
202. Yaong mga nananalangin nang ganito, ang para sa kanila na makakamit ay dakilang gantimpala, dahil sa kanilang mabubuting gawa. At ang Allâh (I) ay mabilis sa Kanyang pagtutuos, bilang Niya ang lahat ng mga gawa ng Kanyang mga alipin at sa ganito Niya sila ginagantihan.
203. At alalahanin ninyo ang Allâh (I), dakilain at luwalhatiin sa mga nabibilang na mga araw na tinatawag na ‘Ay-yam At-Tash-riq’ (ang ika-11, ika-12, ika-13 ng buwan) ng ‘Dhul Hijjah.’ Magkagayunpaman, sino man ang nagmamadali (kung sakali) at pagkatapos ay umalis siya ng ‘Mina’ sa ika-12 bago lumubog ang araw, matapos niyang bumato sa ‘Jamarat’ ay wala siyang pagkakasala.
Subali’t sinuman ang nais na magpaiwan at matutulog pa rin (sa gabi) roon (sa ‘Mina’) hanggang sa siya ay makapagbato (kinabukasan) sa ‘Jamarat’ – ang ika-13 ng ‘Dhul Hijjah,’ ay wala siyang kasalanan, bagkus ito ay gawain lamang ng sinumang natatakot sa Allâh (I) sa kanyang pagsasagawa ng ‘Hajj.’
Ito ay para lamang sa nagsasagawa ng kanyang ‘Hajj’ na natatakot sa Allâh (I). Ang gagawing pagpapahuli ay makabubuti nang labis, dahil sa ito ay makadaragdag sa ‘Ibâdah’ (pagsamba) at bilang pagsunod (na rin) sa ginawa ni Propeta Muhammad (r). At kung kaya, katakutan ninyo ang Allâh (I), O kayong mga Muslim, bantayan ninyo ang inyong mga sarili at ilayo sa pagkakasala sa lahat ng inyong mga gawain. At dapat ninyong malaman na pagkatapos ninyong mamatay ay titipunin Niya kayo sa Araw ng Pagtutuos at Paghuhukom.
204. Mayroong ilan sa mga taong mapagkunwari na maiibigan mo, O Muhammad (r), ang kanilang mga magagaling na pananalita, gayong ang hinahangad lamang nila ay ang makamundong kapakinabangan at hindi ang Kabilang-Buhay.
At sumusumpa at tumitestigo sa Allâh (I) na ang niloloob ng kanyang puso ay pagmamahal sa Islâm – ang mga ganitong pamamaraan ay siyang sukdulang katapangan laban sa Allâh (I) at ito ay matinding pakikipaglaban sa Islâm at sa mga Muslim.
205. At kapag siya ay tumalikod na sa iyo, O Muhammad (r), ang kanyang pagpapakalakas at pagpupunyagi sa kalupaan ay upang gumawa ng kapinsalaan, pagsisirain ang mga pananim ng tao, at pagpapatayin ang kanilang mga alagang hayop. At ang Allâh (I), hindi Niya nagugustuhan ang mga gumagawa ng kapinsalaan.
206. At kapag pinayuhan ang masama na mapagkunwaring ito at sinabi sa kanyang, “Matakot ka sa Allâh (I), ingatan mo ang Kanyang kaparusahan, at itigil mo ang pamiminsala sa kalupaan;” ay hindi siya tatanggap ng payo bagkus ay matatangay pa siya ng kanyang pagmamataas at pagkagalit na kamangmangan, nang sa gayon ay makagawa pa siya ng maraming pagkakasala. Kaya’t sapat na para sa kanya ang Impiyerno at ang kaparusahan doon. Ito ang pinakamasamang paroroonan at pinakamasamang lugar na hantungan.
207. Mayroon namang mga taong nagsasakripisyo ng kanilang mga sarili sa paghahangad nila ng pagmamahal ng Allâh (I), sa pamamagitan ng ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) at pagiging masunurin sa Kanya. At ang Allâh (I) ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan para sa Kanyang mga alipin at Napakalawak ang Kanyang Awa sa mga sumasampalataya sa Kanya, rito sa daigdig; at sa Kabilang-Buhay ay gagantimpalaan sila ng kabutihan.
208. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) bilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kay Propeta Muhammad (r) bilang Propeta at Sugo, at sa Islâm bilang ‘Deen;’ pumasok (sumunod) kayo sa kabuuang batas ng Islâm --- ito ay gampanan ninyo nang maigi at huwag kayong mag-iiwan (ng anuman sa Kanyang ipinag-utos). At huwag ninyong sundin ang mga daan ni ‘Shaytân’ na magtutulak sa inyo tungo sa daan ng mga pagkakasala dahil sa siya ay tunay ninyong kaaway. Kaya’t maging maingat kayo sa kanya.
209. At kapag lumihis kayo sa Matuwid na Landas pagkatapos na dumating sa inyo ang mga malinaw na katibayan na Qur’ân at ‘Sunnah,’ dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang ipinag-uutos at ipinagbabawal. Inilalagay Niya ang lahat ng bagay sa tama at dapat nitong paglagyan at wala Siyang nakaliligtaan na anupaman.
210. Ano pa ba ang hinihintay ng mga yaong lumabag at tumanggi pagkatapos maitatag ang mga malinaw na katibayan? Kinakailangan pa bang ang Allâh (I) ay dumating [15] sa kanila sa pamamagitan ng mga anino ng ulap ayon sa Kanyang kadakilaan sa Araw ng Muling Pagkabuhay upang maghukom ng makatarungang paghuhukom sa kanila; na maging ang mga anghel ay darating din sa Araw na yaon? At doon ipapasiya ng Allâh (I) ang Kanyang paghuhukom sa kanila at wala silang magagawa (sa Araw na yaon) sapagka’t ang lahat ng mga nilikha ay sa Allâh (I) lamang nagbabalik (para sa pagpapasiya).
211. Tanungin mo, O Muhammad (r) ang mga angkan ni Isrâ`il na nagmamatigas sa iyo: “Ilan ba ang ibinigay ng Allâh (I) sa kanilang mga malinaw na palatandaan sa kanilang Aklat bilang gabay tungo sa katotohanan? Subali’t ang lahat ng ito ay hindi nila pinaniwalaan – tinalikuran nila at binago ito mula sa pagiging totoo nito.”
Samakatuwid, ang sinumang mag-bago ng kagandahang-loob at biyaya ng Allâh (I) (na ito ay ang Kanyang ‘Deen’); at tumanggi pagkatapos itong mabatid at naging malinaw sa kanya ang mga katibayan hinggil dito, katiyakang matindi ang gagawing pagpaparusa ng Allâh (I) sa kanya.
212. Pinaganda sa mga di-naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) ang makamundong buhay na may kalakip na pagnanasa at pagpapasarap. At kinukutya nila ang mga naniwala sa Allâh (I). Subali’t yaong mga may takot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sila ang labis na makahihigit sa Kabilang-Buhay kaysa sa mga walang pananampalataya, dahil sa sila ay papapasukin ng Allâh (I) sa matataas na antas ng Hardin (‘Al-Jannah’), at ilulugmok naman ang mga walang pananampalataya sa kaila-ilaliman ng Impiyernong-Apoy. At ang Allâh (I) ay magkakaloob ng Kanyang biyaya sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga nilikha nang walang hangganan.
213. Ang mga tao ay nagmula lamang sa iisang komunidad na nagkakaisa sa paniniwala sa Allâh (I), pagkatapos nito ay nagkasalungatan sila sa kanilang ‘Deen,’ na kung kaya, nagpadala ang Allâh (I) ng mga Propeta upang ibahagi ang ‘Deen’ ng Allâh (I) at dinala (nila) ang magandang balita hinggil sa ‘Al-Jannah’ para sa sinumang susunod sa Allâh (I); at nagbigay ng babala sa sinumang lalabag at hindi maniniwala, na ang para sa kanila ay Impiyernong-Apoy.
At kasama na ipinadala ng Allâh (I) sa kanila ay mga Aklat mula sa kataas-taasan, na nagsasaad ng katotohanan bilang panuntunan ng mga tao sa anumang bagay na hindi nila pinagkasunduan.
At walang sinuman ang hindi nagkasundo hinggil kay Propeta Muhammad (r) at sa Aklat na kanyang dinala, kundi ang mga pinagkatiwalaan ng Allâh (I) ng ‘Tawrah;’ bilang paglabag, pagkapoot at panibugho, gayong nalaman na nila rito ang lahat ng mga katibayan at batas.
Samakatuwid, ginabayan ng Allâh (I) ang mga sumampalataya sa Kanya bilang biyaya at kagandahang-loob, tungo sa pagkakakilala ng katotohanan mula sa kamalian; at pagkakaunawa sa anumang bagay na hindi nila pinagkasunduan.
At ang Allâh (I) ay nagpapatnubay sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin tungo sa Matuwid na Landas.
214. Iniisip ba ninyo, O kayong nananampalataya sa Allâh (I), na kayo’y makapapasok ng ‘Al-Jannah’ nang walang anumang pagsubok na darating sa inyo, na katulad ng mga pagsubok sa mga mananampalatayang nauna sa inyo, na mga kahirapan, mga sakit, pagkatakot, mga paglindol at iba pang mga uri ng mga nakatatakot?
Hanggang sa sinabi ng isa sa Sugo ng Allâh para sa kanila at ng mga naniwala, bilang pag-aasam na paratingin nang madali ang tulong mula sa Allâh (I): “Kailan darating ang tulong ng Allâh (I)? Walang pag-aalinlangan! Katiyakang malapit na ang tulong ng Allâh (I) sa mga mananampalataya.”
215. Tinatanong ka ng iyong mga ‘Sahâbah’ (kasamahan), O Muhammad (r), kung alin sa kanilang mga yaman ang kanilang gugugulin nang sa gayon ay mapalapit sila sa Allâh (I) at kung sino ang kanilang tutustusan?
Sabihin mo sa kanila: “Gugulin nila ang pinakamabuti mula sa kanilang kinitang ‘Halâl’ at malinis; at ito ay gastusin nila para sa kanilang mga magulang, kamag-anak, mga ulila, mga mahihirap, sa naglalakbay na nangangailangan ng panustos dahil sa napalayo siya sa kanyang pamilya at yaman.” Katiyakan, lahat ng mabuting inyong ginagawa ay ganap na Nababatid ng Allâh (I).
216. Ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo, O kayong naniwala sa Kanya, na makipaglaban sa mga walang pananampalataya. Ang pakikipagla-bang ito ay ayaw na ayaw ninyo – likas na hindi ninyo ito nagugustuhan dahil sa hirap na nararanasan dito at sa dami ng kapinsalaan; magkagayunpaman, maaaring ang bagay na inaayawan ninyo sa katunayan ay makabubuti para sa inyo. At maaari namang ang isang bagay na gusto ninyo, na katulad ng pamamahinga at panandaliang kaligayahan, ay makasasama para sa inyo. Ang Allâh (I), Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam kung ano ang makabubuti para sa inyo subali’t kayo ay hindi ninyo alam. Kung gayon, mag-‘Jihâd’ kayo sa Kanyang Daan.
217. Itinatanong sa iyo ng mga Mushrikûn, O Muhammad (r), ang hinggil sa pakikipaglaban sa Sagradong Buwan, [16] kung ito ba ay ipinahihintulot? Sabihin mo sa kanila: “Ang pakikipaglaban sa Sagradong Buwan ay isang malaking paglabag sa paningin ng Allâh (I), maging ang paggawa ng anumang kasalanan at pagdanak ng dugo sa mga sagradong buwan na yaon.
“Gayunpaman, ang pagbawalan ninyo ang tao na pumasok ng Islâm sa pamamagitan ng pagpaparusa at pananakot sa kanila; ang tanggihan ninyo ang Allâh (I), ang Kanyang Sugo at ang Kanyang ‘Deen;’ at ang pagbawalan ang mga Muslim na pumasok sa ‘Masjid Al-Harâm’ (sa Makkah); at ang palabasin ang Propeta at ang mga ‘Muhâjirin’ mula rito, na sila ay ang mga yaong pamilya at mga kamag-anak ng Propeta: ang lahat ng ito ay mas malaking kasalanan at sukdulan na paghihimagsik laban sa Allâh (I) kaysa sa pakikipaglaban sa Sagradong Buwan. At ang ‘Shirk’ (din) na inyong ginagawa ay mas nakahihigit na malaking kasalanan kaysa sa pakikipaglaban sa Sagradong Buwan.”
At yaong mga walang pananampalataya ay hindi titigil sa kanilang paggawa ng kasamaan, bagkus ay magpapatuloy pa rin sila at kailanman ay hindi sila titigil sa pakikipaglaban sa inyo hanggang sa maibalik nila kayo sa pagiging Kufr – maialis kayo sa Islâm, kung ito ay kaya nilang gawin.
Subali’t sinuman sa inyong mga Muslim ang susunod sa kanila at tatalikod sa Kanyang ‘Deen’ – sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at pagkatapos ay namatay na walang pananampalataya, walang pag-aalinlangan, mawawalan ng saysay ang lahat ng kanyang mga gawa rito at sa Kabilang-Buhay, at magiging kabilang siya sa mga mananatili sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan.
218. Katiyakan, yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa batas, at yaong iniwanan nila ang kanilang mga tahanan at nagsagawa ng ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) – sila ang labis na naghahangad ng kagandahang-loob ng Allâh (I) at ng Kanyang gantimpala. At ang Allâh (I), Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang mga aliping naniniwala sa Kanya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain na napakalawak ng Kanyang Awa at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
219-220. Tinatanong ka ng mga Muslim, O Muhammad (r), kung ano ang batas hinggil sa mga nakalalasing na inumin, sa paggawa nito, sa pag-inom nito, sa pagbili at pagtinda nito. Ang ‘Khamr’ ay tumutukoy sa lahat ng uri ng mga nakalalasing, nakasasara at nakasisira ng matinong pag-iisip – maging ito man ay isang uri ng inumin o pagkain.
At tinatanong ka rin nila hinggil sa pagsusugal – ito ay ang anumang bagay na may kinalaman sa pagkuha o pagbibigay ng salapi bilang pagtaya, na ito ay pakikipagpustahan ng dalawang panig o higit pa.
Sabihin mo sa kanila: “Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng kapinsalaan at malaking kasiraan sa ‘Deen’ at sa makamundong kabuhayan, gayundin sa mga kaisipan at mga kayamanan, bagama’t may kaunting pakinabang dito ang mga tao dahil sa kumikita sila ng salapi at iba pa; gayunpaman, ang kasalanan sa pagsagawa nito ay mas nakahihigit kaysa sa ibinibigay nitong kapakinabangan, dahil sa ito ay nakapipigil sa pag-alaala sa Allâh (I), sa pagsa-‘Salâh’ at nagdudulot din ito ng paglalaban-laban sa isa’t isa at poot sa pagitan ng mga tao, at nakasisira ng kayamanan.” Ito ang unang talata hinggil sa pagbabawal sa dalawang bagay na ito.
At tinatanong ka nila, kung gaano kalaki ang halagang maaari nilang gugulin sa kanilang mga kayamanan bilang kusang pagsasagawa ng kawanggawa. Sabihin mo sa kanila: “Gugulin ninyo ang halagang lumabis sa inyong panga-ngailangan.”
Sa pamamagitan ng Kanyang mga talata, ginawang malinaw ng Allâh (I) sa inyo ang Kanyang mga batas, nang sa gayon ay mapag-isipan ninyo kung ano ang makabubuti sa inyo (rito sa daigdig) at sa Kabilang-Buhay.
At tinatanong ka rin nila, O Muhammad (r), hinggil sa mga ulila kung paano nila pakikitunguhan ang mga ito sa kanilang pamumuhay at (kung papaano iingatan ang) kanilang mga kayamanan. Sabihin mo sa kanila: “Ang tanging makabubuti ay ang pagiging matapat ninyo sa kanila, na kung kaya, gawin ninyo palagi kung ano ang nakabubuti.
Subali’t kapag isinama na ninyo sila (o naging bahagi na sila) ng inyong pang-araw-araw na pamumuhay, ang (unang) dapat ninyong isaalang-alang, ay sila ay inyong mga kapatid sa Islâm.” Kaya’t tungkulin ng kapatid na pangalagaan niya ang anumang makabubuti para sa kanyang kapatid.
At ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakababatid kung sino ang nakialam sa mga kayamanan o pagmamay-ari ng ulila at kung sino ang naging matiyaga sa pamamagitan ng kanyang katapatan, dahil kung nanaisin lamang ng Allâh (I), ay kaya Niya kayong ilagay sa paghihirap at ipagbawal ang pagsama (o paghalo) ng kanilang kayamanan sa inyong kayamanan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga Kaharian, na Siya ay ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga nilikha, sa pangangasiwa nito at sa pagsasagawa ng batas.
221. At huwag kayong magsipag-asawa, O kayong mga Muslim, ng mga ‘Mushrikât’ – mga kababaihang sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), hanggang sa tanggapin nila ang Islâm nang buong puso. Dapat ninyong mabatid na ang isang babaing alipin, walang yaman, walang halaga sa lipunan, na sumasampalataya sa Allâh (I) ay higit na nakabubuti kaysa sa isang ‘Mushrikah’ --- isang babaing nagtatambal sa pagsamba o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I); kahit na ang isang malayang ‘Mushrikah’ na ito (na ang ibig sabihin ay hindi siya alipin) ay kalugud-lugod sa inyong paningin.
At huwag ninyong ipakasal ang inyong mga kababaihang naniniwala sa Allâh (I) – alipin man ito o isang malaya, sa mga ‘Mushrikîn’ (nagtatambal sa pagsamba o sumasamba ng iba), hanggang sa sila ay maniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo. At dapat ninyong mabatid na ang aliping lalaking mananampalataya, kahit na siya ay isang mahirap ay higit na nakabubuti kaysa sa isang ‘Mushrik,’ na kahit na ang ‘Mushrik’ na ito ay kalugud-lugod pa sa inyong paningin.
Silang mga ‘Mushrikûn,’ kalalakihan man o mga kababaihan, ay nag-aanyaya sa sinuman na kanilang makakapiling (o magiging kabiyak) patungo sa Impiyerno, subali’t ang Allâh (I), inaanyayahan Niya ang Kanyang mga alipin sa Kanyang ‘Deen’ ng katotohanan, na magdadala sa kanila patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at pagpapatawad sa kanila ng kanilang pagkakasala ayon sa kagustuhan ng Allâh (I). At ipinaliwanag Niya ang Kanyang mga talata at mga batas sa mga tao, nang sa gayon ay makaalaala sila at ito ay maging aral sa kanila.
222. At tinatanong ka nila, O Muhammad (r), hinggil sa ‘Al-Haydh’ – likas na dugo na lumalabas sa mga kababaihan sa takdang panahon (buwanang dalaw o regla ng kababaihan), – sabihin mo sa kanila, “Ito ay nakasisira sa sinumang lalapit dito at marumi para sa inyo. Kaya’t iwasan ninyo ang makipagtalik sa inyong mga asawa habang sila ay nasa gayong kalagayan hanggang sa tumigil ang kanilang buwanang dalaw (regla). Kapag natigil na ang kanilang buwanang dalaw at nakapaligo na sila, ay makipagtalik na kayo sa kanila sa bahagi na ipinahintulot ng Allâh (I) sa inyo. Ito ay sa harapan na pribadong bahagi at hindi sa likuran.”
Ang Allâh (I), samakatuwid, ay nagmamahal sa Kanyang mga alipin, na palaging humihingi ng kanilang kapatawaran at pagsisisi, at nagmamahal sa Kanyang mga aliping malilinis, na lumalayo sa lahat ng mga kahalayan at karumihan.
223. Ang inyong mga asawa ay katulad ng mga tinataniman (taniman) dahil sa inilalagay ninyo ang mga punla (semilya) sa kanilang sinapupunan, na sa kapahintulutan ng Allâh (I) ay nabubuo roon ang mga sanggol.
Kaya’t makipagtalik kayo sa kanila sa tamang bahagi lamang na ipinahintulot, sa anumang pamamaraang inyong nais – ito ay sa harapan na pribadong bahagi. Gawin ninyo sa inyong mga sarili ang mga mabubuting gawain at matakot kayo sa Allâh (I) bilang pagsunod sa Kanyang mga kautusan. At dapat ninyong mabatid na walang pag-aalinlangan na makatatagpo ninyo ang Allâh (I) sa paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Ipamalita mo sa mga naniwala sa Allâh (I), O Muhammad (r), ang mga bagay na ikagagalak nila na mabuting gantimpala sa Kabilang-Buhay.
224. At huwag ninyong gawing dahilan, O kayong mga Muslim, ang inyong panunumpa sa Allâh (I), na ito ang magiging hadlang sa inyo sa pagsasagawa ng kabutihan, at pakikitungo sa inyong mga kamag-anak, pagkatakot sa Allâh (I) at pagsasaayos ng hidwaan sa pagitan ng mga tao; kapag kayo ay inanyayahan sa paggawa ng mabuting bagay ay mangangatwiran kayo, na kayo ay sumumpa sa Allâh (I) na hindi ninyo ito gagawin.
(Hindi dapat ganito ang katwiran), ang nararapat gawin ng sinumang sumumpa ay kalimutan [17] niya ang kanyang sinumpaan, pagkatapos ay gumawa siya ng kabutihan at pagpunan na lamang niya ang hindi niya natupad na panumpaan sa Allâh (I) at mangako siya na ito ay hindi na niya babalikan pa. [18]
At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Naririnig Niya ang anuman na inyong sinasabi, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nababatid Niya ang lahat ng mga pangyayari sa inyo.
225. Hindi kayo parurusahan ng Allâh (I) sa inyong panunumpang walang kasamang intensiyon, subali’t parurusahan Niya kayo kapag ito ay ginawa ninyo mula sa inyong mga puso. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi, na ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa sa sinumang lumalabag sa Kanya at hindi Siya kaagad nagpaparusa.
226. At ang para sa mga sumumpa sa Allâh (I), na sila ay hindi makikipagtalik sa kanilang mga asawa, nararapat sa kanila na maghintay muna ng apat na buwan, subali’t kung sila ay nanumbalik (o nagbago ang kanilang isip sa mga panahong yaon) bago matapos ang apat na buwan; walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang gumawa ng ganitong panunumpa dahil sa kanyang panunumbalik, na Siya ay ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
227. At kapag naging buo ang kanilang desisyon na sila ay makikipaghiwalay at nagpatuloy sila sa kanilang sinumpaan at nakaiwas sa pagtatalik; samakatuwid, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig ng lahat ng kanilang mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng kanilang mga layunin at gagantihan sila ayon dito.
228. At ang mga kababaihang malaya (na ang ibig sabihin ay hindi sila mga alipin) na patuloy pang dumarating ang kanilang buwanang-dalaw (o nireregla pa sila), na hiniwalayan ng kanilang mga asawa, ay kinakailangang maghintay sila ng tatlong buwan o tatlong ‘menstruation period’ bilang ‘id-dah’ bago sila maaaring makapag-asawang muli (kung sakaling nais nila), nang sa gayon ay makatiyak na walang sanggol sa sinapupunan. At hindi sila maaaring magpakasal o makapag-asawa ng ibang lalaki sa panahon ng kanilang ‘id-dah’ hanggang sa ito ay matapos. At hindi (rin) nila maaaring ilihim ang nilikha ng Allâh (I) na sanggol na nasa kanilang mga sinapupunan o ang kanilang mga buwanang-dalaw (o regla), kung sila – ang mga hiniwalayan na mga kababaihang ito ay tunay na naniniwala sa Allâh (I) at sa Huling Araw.
Ang kanilang mga asawa ang mas higit na may karapatan na makipagbalikan sa kanila habang sila ay nasa panahon ng ‘id-dah.’ At nararapat na ito ay nasa layunin na pakikipag-ayos at pakikipagmabutihan, at hindi upang ipahamak at parusahan ang kanilang mga asawa at pahahabain ang ‘id-dah.’
At ang para sa mga kababaihan ay mga karapatan sa kanilang mga asawa na katulad din ng mga karapatan ng kanilang mga asawa sa kanila, sa tamang pamamaraan. Subali’t nakahihigit ng isang antas ang mga kalalakihan sa kanilang mga asawa dahil sa tungkuling iniatas sa kanila na tulad ng magandang pakikisama, tamang pakikisalamuha at pamumuno sa tahanan.
At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa lahat, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam, na inilalagay ang lahat ng bagay sa dapat nitong kalagyan.
229. Maaari lamang magkabalikan ang mag-asawa kung ang paghihiwalay o diborsiyo ay nangyari nang dalawang beses.
Ang batas ng Allâh (I) pagkatapos ng bawa’t paghihiwalay: maaaring panatilihin niya ang kanyang asawa sa pamamagitan ng magandang pamamaraan at maayos na pakikisama pagkatapos nilang magkabalikan o di kaya ay hayaan na lamang niyang magpatuloy ang kanilang paghihiwalay sa maayos na paraang may kasamang kabutihang-loob at bilang pagbibigay (na rin) sa kanyang karapatan (bilang babae). At hindi siya maaaring bumanggit ng anumang masama laban sa kanyang asawa.
At hindi rin pinahihintulutan sa inyong mga kalalakihan, na angkinin ang kahit na anumang bagay mula sa ibinigay ninyong ‘Mahr’ at iba pa, maliban na lamang kung nangangamba ang magkabilang panig, na hindi nila magagampanan ang kanilang tungkulin bilang mag-asawa. Sa ganitong pangyayari, nararapat na isangguni nilang pareho sa kanilang mga magulang ang bagay na ito at kung nangangamba ang kanilang mga magulang na hindi na nila kapwa makakayanan bilang mag-asawa na gampanan ang mga batas ng Allâh (I), walang kasalanan sa dalawa kung magbibigay ang babae ng kaukulang halaga bilang kapalit ng kanyang paghihiwalay.
Iyan ang batas ng Allâh (I) bilang panuntunan sa pagitan ng ‘Halâl’ (ipinahihintulot) at ‘Harâm’ (ipinagbabawal), na kung kaya huwag ninyo itong labagin. Sinuman ang lalabag sa hangganang itinakda ng Allâh (I), sila samakatuwid ang naghimagsik – itinulak nila ang kanilang sarili sa kaparusahan ng Allâh (I).
230. At kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawang babae sa ikatlong pagkakataon, hindi na siya magiging ‘Halâl’ pa sa kanya, [19] hanggang hindi siya (babae) nakapag-aasawa ng ibang lalaki – tamang pamamaraan na pag-aasawa, na sila ay nagsama at nagtalik nang walang sapilitan – wala sa kanilang layunin na ito ay gagawin lamang nila upang siya (babae) ay maging ‘Halâl’ (o maging karapat-dapat muli) sa kanyang unang asawa. Subali’t kung siya (babae) ay hiniwalayan ng kanyang pangalawang napangasawa o di kaya ay namatay ito at matapos ang ‘iddah,’ ay wala nang kasalanan sa babae at sa kanyang unang naging asawa kung sila ay muling magpakasal nang may panibagong ‘Mahr,’ kung naniniwala sila sa isa’t isa na kaya nilang panindigan ang batas ng Allâh (I) para sa kanilang dalawang mag-asawa.
At ito ang mga batas at hangganang itinakda ng Allâh (I), na ginawa Niyang malinaw para sa mga taong mayroong kaalaman hinggil dito, sapagka’t sila rin naman ang makikinabang sa mga bagay na ito.
231. At kapag hiniwalayan ninyo ang inyong mga asawa at patapos na ang kanilang ‘iddah,’ makipagbalikan kayo sa kanila, na ang layunin ay gagampanan ninyo ang inyong tungkulin sa kanila sa maayos at legal na pamamaraan, o di kaya ay hayaan na lamang ninyo sila hanggang sa matapos ang kanilang ‘iddah.’
At ingatan ninyo na ang inyong layunin sa pakikipagbalikan sa kanila ay para ipahamak sila. At sinuman ang gagawa nito, katiyakan, sinira niya ang kanyang sarili at itinulak niya patungo sa kaparusahan.
At huwag ninyong paglaruan o gawing laruan ang mga talata ng Allâh (I) at ang Kanyang mga batas. At alalahanin ninyo ang mga biyaya at kagandahang-loob sa inyo ng Allâh (I) sa pamamagitan ng inyong pagiging Muslim at sa pagkaka-pahayag ng Kanyang batas. At alalahanin ninyo ang anumang ipinahayag ng Allâh (I) sa inyo na Qur’ân at ‘Sunnah,’ at magpasalamat kayo sa Kanya dahil sa Kanyang mga dakilang biyaya.
Pinapaalalahanan kayo ng Allâh (I) sa pamamagitan nito at binabalaan kayong huwag lumabag. Katakutan ninyo Siya at maging maingat sa inyong mga gawain. At nararapat na mabatid ninyo na ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay at walang anuman ang maililihim sa Kanya. At pagbabayarin Niya ang bawa’t isa ng karapat-dapat na para sa kanya.
232. At kapag hiniwalayan ninyo ang inyong mga asawa nang hindi pa umabot ng tatlong beses at natapos na ang kanilang ‘iddah’ nang hindi sila binabalikan, huwag maging malupit sa kanila, O kayong mga tagapag-alaga (magulang) sa pamamagitan ng pagbabawal sa kanilang magpakasal muli sa kanilang dating asawa kung ito ay nais nila, at kung nagkasundo ang dalawang panig ayon sa legal at kinaugalian ng nakararami na hindi salungat sa batas ng Islâm.
Ito ang payo sa sinuman sa inyo na totoo ang kanyang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay. Katiyakan, ang hindi pagmamalupit at pagbibigay ng pagkakataong magkabalikan ang mga mag-asawa ay higit na nagpapalago ng magandang samahan at nakalilinis ng kapurihan, at higit na kapaki-pakinabang, at gantimpala para sa inyo.
At ang Allâh (I) ay Ganap na Nababatid Niya kung ano ang nakabubuti sa inyo, gayong kayo ay hindi ninyo ito nababatid.
233. At tungkulin ng mga ina na pasusuhin ang kanilang mga anak sa loob ng dalawang taon sa sinumang nagnanais na buuin ang pagpapasuso. At tungkulin (naman) ng mga ama ng sanggol na tustusan ang mga hiniwalayang mga nagpapasusong ina, sa kanilang pagkain at pananamit ayon sa maganda, legal at kinaugalian ng nakararami; sapagka’t ang Allâh (I) ay hindi nag-uutos nang anuman maliban sa bagay na nakakayanan nila at hindi ipinahihintulot sa mga magulang na gamitin nila ang kanilang mga anak upang pahirapan ang isa’t isa.
At tungkulin din ng sinumang tagapagmana ng ama, na gampanan ang pananagutan ng ama na tulad ng pagtustos at pagpadamit kung (sakaling) siya (ama) ay namatay.
At kapag ninais ng magulang (ama at ina) na awatin (patigilin sa pagpapasuso) ang bata bago sumapit ang dalawang taon ay wala silang kasalanan kung ito ang kanilang napagkasunduan at kung ito ay magdudulot ng kabutihan sa bata.
At kung napagkasunduan ng dalawa (ama at ina) na pasusuhin ang sanggol sa pamamagitan ng ibang babaing nagpapasuso maliban sa kanyang ina, ay wala rin silang kasalanan kung maibibigay ng bawa’t isa ang tungkulin (o pananagutan) nilang dalawa ayon sa kinaugalian ng nakararami.
Samakatuwid, katakutan ninyo ang Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon at nararapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa na walang anuman ang naililihim sa Kanya at pagbabayarin Niya kayo batay sa inyong ginawa.
234. At sa mga yaong namatay mula sa inyo at naiwanan nila ang kanilang mga asawa, nararapat sa mga nabiyuda na maghintay para sa kanilang mga sarili ng apat na buwan at sampung araw nang hindi sila lumalabas mula sa kanilang mga tahanan, maliban na lamang kung kailangan na kailangan.
Hindi rin sila maaaring magpaganda at hindi rin sila maaaring mag-asawa sa loob ng itinakdang panahong yaon.
At kapag natapos na ang nakatakdang panahong yaon bilang kanilang ‘iddah’ ay wala na kayong kasalanan, O kayong mga tagapag-alaga (‘guardians’) ng babae, kung anuman ang nais gawin ng nabiyuda sa kanilang mga sarili nang hindi lumalabas sa panuntunang itinakda ng Allâh (I); na tulad ng paglabas-labas, pagpapaganda at pag-aasawa sa legal na pamamaraan. At batid ng Allâh (I) ang lahat ng inyong ginagawa, maging ito man ay lantad o lihim at sa mga ito (na inyong mga ginawa) kayo ay Kanyang pagbabayarin.
235. At walang kasalanan sa inyong mga kalalakihan kung magpapakita kayo ng hangarin na gusto ninyong pakasalan ang mga nabiyuda sa panahon ng kanilang ‘iddah’ at wala rin kayong kasalanan kung inyong ililihim sa inyong mga sarili ang layunin na magpakasal sa kanila pagkatapos ng kanilang ‘iddah.’
Batid ng Allâh (I) kung kayo ay bumabanggit ng hinggil sa mga babaing nasa kalagayan ng ‘iddah’ at hindi ninyo matiis na tumahimik dahil sa inyong kahinaan, kung kaya ipinahihintulot sa inyong magsalita o bumanggit sa kanila sa hindi tuwirang pamamaraan o di kaya ay sarilinin na lamang ninyo ito sa inyong mga sarili. Magkagayunpaman, ingatan ninyong makipagkasundo ng pagpapakasal sa kanila nang lihim bilang paraan ng pakikiapid o nagkasundo kayong magpakasal habang sila ay nasa panahon pa ng ‘iddah’ maliban na lamang sa pamamagitan ng magagandang pananalitang naaayon sa Islâmikong pamamaraan, na nagpapahiwatig ng inyong layuning pag-aasawa.
At huwag ninyong idaos ang kasal sa panahon ng ‘iddah’ hanggang hindi pa ito natatapos. At dapat ninyong malaman na batid ng Allâh (I) kung ano ang nasa inyong kaisipan, kung kaya’t matakot kayo sa Kanya. At dapat din ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang pinagsisihan ang kanyang pagkakasala, na ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa sa Kanyang mga alipin at hindi Siya kaagad nagpaparusa.
236. Hindi kasalanan sa panig ninyong mga kalalakihan kung hiniwalayan ninyo ang inyong mga asawa pagkatapos ng inyong kasal bago kayo nakasiping (o nakipagtalik) sa kanila o di kaya ay bago naitakda ang pagbibigay ng ‘Mahr,’ subali’t paligayahin ninyo sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang bagay na may halaga bilang pampalubag-loob, nang sa gayon ay maiwasan ang sama ng loob na naging sanhi ng paghihiwalay. Ang pagpapaligaya o pagbibigay ng regalo sa kanya ay nababatay sa kakayahan ng lalaking nakipaghiwalay bilang mabuting pamamaraang naaayon sa batas: kung ang lalaki ay mayaman, ito ay nababatay sa kanyang kakayahan at kung ang lalaki naman ay mahirap ay gayundin, nababatay rin sa kanyang kakayahan – bilang pagpapaligaya sa tamang pamamaraang legal. At ito ang karapatan ng mga gumagawa ng kabutihan para sa kanilang hiniwalayang asawa at para na rin sa kanilang sarili bilang pagsunod sa kagustuhan ng Allâh (I).
237. At kapag hiniwalayan o diniborsiyo ninyo ang kababaihan pagkatapos ninyo silang pakasalan, nang hindi pa ninyo sila nahihipo (– hindi pa kayo nakipagtalik sa kanila), subali’t naitakda na ninyo sa inyong mga sarili ang kaukulang halaga bilang ‘Mahr’ nila, magiging obligado sa inyo kung gayon, na ibigay sa kanila ang kalahati nito na inyong napagkasunduan, maliban na lamang kung pagbibigyan kayo ng mga hiniwalayan ninyo at ibibigay nila ang kalahating ito sa inyo na sa halip ay para sa kanila; o di kaya ay ibibigay (na lamang) ng lalaki ang kabuuang ‘Mahr’ sa babaing hiniwalayan.
At ang pagpapasensiya ninyo, kayong mga kalalakihan at kababaihan, ang mas malapit sa ‘At-Taqwâ’ – pagkatakot at pagsunod sa Allâh (I). At huwag ninyong kalimutan, O kayong mga tao, ang karapatan ng inyong ugnayan at ang pagiging mabuti sa isa’t isa sa kabila ng lahat ng ito, at sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang bagay na hindi naman obligado sa inyo at bilang pag-unawa (o pagbigay ng pasensiya) sa mga karapatan ng isa’t isa.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa na walang anuman ang naililihim sa Kanya, kung kaya’t hinihikayat Niya kayo sa paggawa ng mabubuti at inuutusan Niya kayong maging mapagbigay.
238. At pangalagaan ninyo, O kayong mga Muslim, ang limang obligadong ‘Salâh’ sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa nito sa tamang oras, kalakip ang mga saligan (‘shurût’) nito, ang mga pundasyon (‘arkân’) at ang mga obligadong gawain (‘wâjibat’) nito.
At pangalagaan ninyo ang kalagitnaang ‘Salâh,’ na ‘Salâtul `Asr’ (‘Salâh’ sa hapon). At itatag (isagawa) ninyo ang mga pagsa-‘Salâh’ na ito, na may pagkamasunurin sa Allâh (I), pagkatakot at pagpapakumbaba.
239. At kung kayo ay natakot sa inyong mga kalaban (halimbawa ay may mga labanan o ibang situwasyon), mag-‘Salâh’ kayo ng ‘Salâtul Khawf,’ naglalakad man o di kaya ay nakasakay; sa kahit na anong posisyong makakayanan ninyo, kahit na sa pamamagitan (halimbawa) ng senyas o kahit na hindi kayo nakaharap sa ‘Qiblah.’ Subali’t kapag nawala na ang inyong pagkatakot, ay mag-‘Salâh’ na kayo nang normal na walang pinangangambahan.
At alalahanin ninyo ang Allâh (I) habang ito ay inyong isinasagawa at huwag ninyong babaguhin ang tamang pamamaraan na mga orihinal nitong posisyon. At magpasalamat kayo sa Allâh (I) sa lahat ng itinuro Niya sa inyo na pamamaraan ng pagsamba at sa mga alituntunin na hindi ninyo batid.
240. Sa mga yaong namatay at naiwan nila ang kanilang mga asawa, naghabilin ang Allâh (I) sa inyo para sa kanilang mga nabiyudang asawa ng isang taon na panggastos mula sa araw ng kanilang pagkamatay, at matitirhang bahay ng kanilang asawa nang hindi sila maaaring paalisin ng tagapagmana sa loob ng isang taon. Isang taon bilang pampalubag-loob sa mga nabiyuda at pagiging mabuti sa namatay. At kapag umalis sila sa tinitirhan nilang tahanan batay sa kanilang kagustuhan bago natapos ang isang taon, wala kayong kasalanan na mga tagapagmana hinggil dito at wala ring kasalanan sa panig ng mga nabiyuda, kung anuman ang kanilang gagawin sa kanilang sarili na naaayon sa Kanyang mga ipinahihintulot. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga Kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pag-uutos at pagbabawal.
241. Para sa mga hiniwalayan o diborsiyada, ang para sa kanila ay ang anuman na kanilang pangangailangan sa kasuotan at mga panggastos na nasa makatarungan at tamang pamamaraan. Ito ay tungkulin ng sinumang may takot sa Allâh (I), sa Kanyang ipinag-utos at ipinagbawal.
242. Ganito kalinaw ang pamamahayag ng batas hinggil sa mga anak at asawa. Maliwanag na inihayag ng Allâh (I) ang Kanyang mga talata at mga batas hinggil sa lahat ng inyong mga pangangailangan sa buhay ninyo rito at sa Kabilang-Buhay, nang sa gayon ay maunawaan ninyo ito at pagkatapos ay isagawa.
243. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang hinggil sa kuwento ng mga taong tumakas sa kanilang bayan at mga tahanan, sila ay libu-libo sa bilang, dahil sa natatakot silang mamatay sa salot o sa pakikipaglaban, kaya sinabi ng Allâh (I) sa kanila: “Mamatay kayo,” at namatay sila nang sabay-sabay bilang parusa sa kanila sa ginawa nilang pagtakas mula sa itinakda ng Allâh (I)? At hindi nagtagal pagkatapos niyaon ay binuhay silang muli ng Allâh (I) upang mabuo nila ang nakatakdang buhay na para sa kanila (rito sa daigdig), para maging aral (na rin) sa kanila at upang sila ay magsisi.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay punung-puno ng kagandahang-loob para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga masasaganang biyaya, subali’t karamihan sa mga tao ay hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa mga biyayang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila.
244. Makipaglaban kayo, O kayong mga Muslim, sa mga walang pananampalataya na kumakalaban sa Allâh (I) upang maitaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh. At dapat na mabatid ninyo, na ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa lahat ng inyong mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng anuman na inyong layunin at mga ginagawa.
245. Sino ba sa inyo ang gagasta sa Daan ng Allâh (I) sa tamang pamamaraan bilang paghahangad ng gantimpala, upang ito ay paramihin para sa kanya nang maraming beses at walang sinuman ang maaaring makabilang ng gantimpalang ito, isang napakabuting kapalit o panumbas? At ang Allâh (I), hinihigpitan Niya ang kabuhayan ng sinuman na Kanyang nais sa Kanyang mga alipin at niluluwagan naman Niya ang iba. Kaya’t gumasta kayo nang wala kayong inaalaalang anupaman sapagka’t Siya ang nagbibigay ng kabuhayan.
Nasa Kanya ang buong karunungan hinggil dito at sa Kanya lamang kayo magbabalik pagkatapos ng inyong kamatayan upang pagbayarin sa inyong mga nagawa.
246. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang kuwento hinggil sa mga matataas na angkan at kilalang grupo mula sa angkan ni Isrâ`il, pagkatapos ng kapanahunan ni Mousã (u)? Noong hiniling nila sa kanilang Propeta na magtalaga sa kanila ng hari, at makikiisa sila sa ilalim ng kanyang pamumuno, at lalabanan nila ang kanilang kalaban sa Daan ng Allâh (I).
Sinabi sa kanila ng kanilang Propeta: “Ang mangyayari ba ay katulad ng aking inaasahan, na kapag ipinag-utos sa inyo ang pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) ay hindi kayo makikipaglaban? Sapagka’t sa katunayan, inaasahan ko na ang pagiging duwag ninyo at pag-iwas sa pakikipaglaban.”
Sinabi nila, bilang pagtanggi sa inaasahan ng kanilang Propeta: “Ano ang makapipigil sa amin sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) gayong pinaalis kami ng aming mga kalaban mula sa aming mga tahanan at inilayo kami sa aming mga pamilya sa pamamagitan ng pagpatay sa iba at pagbihag naman sa iba?”
Subali’t nang iniutos na sa kanila ng Allâh (I) ang pakikipaglaban kasama ang haring pinili Niya para sa kanila, naging duwag sila at umiwas sa pakikipaglaban, maliban na lamang sa mangilan-ngilan sa kanila, na naging matatag dahil sa kagustuhan ng Allâh (I). At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam sa mga gumagawa ng kasamaan at di-tumutupad sa pangako.
247. At sinabi sa kanila ng kanilang Propeta: “Katiyakan, ipinadala ng Allâh (I) sa inyo si Tâlût upang maging inyong hari, bilang pagtugon sa inyong kahilingan. Siya ang mamumuno sa inyo sa inyong pakikipaglaban sa inyong kaaway na tulad ng pagkakahiling ninyo.” Sinabi ng matataas mula sa mga angkan ni Isrâ`il: “Paano siya magiging hari para sa amin gayong hindi naman siya karapat-dapat, dahil hindi siya nagmula sa lahi ng mga hari at hindi (rin) siya nanggaling sa tahanan ng pagiging Propeta at hindi (rin) siya binigyan ng maraming kayamanan upang maitaguyod niya ang kaharian? Samakatuwid, kami ang mas karapat-dapat na maging hari kaysa sa kanya dahil galing kami sa angkan ng mga hari at mula sa tahanan ng pagiging Propeta.”
Sinabi sa kanila ng kanilang Propeta: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang pumili sa kanya para sa inyo sapagka’t Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam ng kalagayan ng Kanyang mga alipin. Pinagkalooban siya ng malawak na kaalaman at malakas na pangangatawan upang mag-‘Jihâd’ sa kalaban.
At ang Allâh (I) ay Siyang Nagmamay-ari ng pagka-Hari. Ito ay Kanyang ipinagkakaloob sa sinumang Kanyang nais sa Kanyang mga alipin. At ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Sapat at Ganap na Tagapagtustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha na Ganap at Napakalawak ang Kanyang awa at kagandahang-loob, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng katotohanan hinggil sa lahat ng bagay at walang anuman ang maililihim sa Kanya.
248. At sinabi sa kanila ng kanilang Propeta: “Katiyakan, ang tanda ng kanyang pagiging hari ay dadalhin sa inyo ang ‘Tâbût’ (kahong gawa sa kahoy) na ang nasa loob ay ang ‘Tawrah,’ at ito ay inagaw sa inyo ng inyong mga kalaban at ito ay nagtatangan ng kapanatagan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang maging panatag ang kalooban ng mga dalisay ang kanilang layunin. At napapaloob din sa kahong yaon ang ilan sa mga bagay na naiwanan ng mga pamilya ni Mousã (u) at ni Hâroun (u), katulad ng tungkod at mga putul-putol na Lapida (Tableta) na dinala ng mga anghel. Samakatuwid, ito ang matibay na palatandaan ng pagpili kay Tâlût bilang hari para sa inyo sa kagustuhan ng Allâh (I), kung kayo ay naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.”
249. Noong inilabas ni Tâlût ang kanyang mga sundalo upang makipaglaban sa mga higanteng tao, sinabi sa kanila: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay susubukin kayo ng pagtitiis sa pamamagitan ng pagka-katagpo ninyo sa ilog na inyong tatawirin, (na sa pamamagitan nito) ay makikilala kung sino ang may paniniwala at kung sino ang mapag-kunwari. Samakatuwid, sinuman sa inyo ang iinom sa ilog na yaon ay hindi (nabibilang) sa aking (grupo) at hindi siya karapat-dapat na mag-‘Jihâd’ na kasama ko. At sino naman ang hindi titikim ng tubig (mula sa ilog) na yaon ay nabibilang sa aking (grupo), sapagka’t yaon ang sumusunod sa aking kagustuhan, at siya ay karapat-dapat na mag-‘Jihâd;’ maliban sa sinumang pinahintulutang sumahod ng isang salok sa kanyang kamay, ang ganito (na ginawa niya) ay hindi isisisi sa kanya.”
At noong sila ay nakarating sa ilog na yaon ay nagdagsaan sila sa tubig at naging labis-labis ang ginawa nilang pag-inom, maliban sa mangilan-ngilan na bilang sa kanila, na nakatiis sa uhaw at init; at naging sapat na lamang sa kanila ang isang salok sa kamay; at doon nagpaiwan ang mga lumabag.
At noong tumawid si Tâlût sa ilog kasama ang kaunting bilang ng mga mananampalataya para makipagsagupaan sa mga kalaban, at nakita nila ang dami at matitinding sandata ng kanilang mga kalaban. Sinabi nila: “Wala tayo sa kakayahan ngayon kay Jâlût at sa kanyang malalakas na mga sundalo.” Subali’t yaong naniniwala sa Allâh (I) at nakatitiyak na makahaharap nila ang Allâh (I) ay sumagot at pinaalalahanan nila ang kanilang mga kapatid hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang kapangyarihan, at kanilang sinabi: “Kadalasang ang maliliit na grupong naniniwala sa Allâh (I) at nagtitiis ay nagagapi nila ang malalaking grupong mga masasamang walang pananampalataya, sa kapahintulutan ng Allâh (I) at sa Kanyang kagustuhan. At ang Allâh (I) ay nasa panig ng mga matiisin sa pamamagitan ng Kanyang gabay, tulong at mabuting gantimpala.”
250. At noong lumitaw sa kanila si Jâlût at ang kanyang mga sundalo at nakita ang panganib ng kanilang mga mata, agad-agad silang humarap sa Allâh (I) at nanalangin nang taimtim na may pagsusumamo at sinabi nila: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipagkaloob Mo sa aming mga puso ang dakilang pagtitiis, patatagin Mo ang aming mga paa, at gawin Mong matatag sa pakikipaglaban sa mga kalaban, nang hindi uurong kahit na matindi ang labanan, at tulungan Mo kami at suportahan upang malupig namin ang mga walang pananampalataya.”
251. Samakatuwid, natalo sina Jâlût (Goliath) sa kagustuhan ng Allâh (I) at napatay ni Dâwood (David u) si Jâlût na pinuno ng mga matatapang na kaaway. At ipinagkaloob ng Allâh (I) kay Dâwood (u) pagkatapos nito ang kaharian, at pagiging Propeta sa mga angkan ni Isrâ`il, at itinuro sa kanya ng Allâh (I) ang mga kaalamang Kanyang ninais.
At kung hindi lamang sinanhi ng Allâh (I) na pangibabawin ang ilang mga tao [20] sa iba [21] ay masisira ang mundo, dahil sa ang magwawagi ay ang mga walang pananampalataya, at mangingibabaw ang mga naghimagsik sa Allâh (I) at masasama, subali’t ang Allâh (I) ay mahaba ang pasensiya sa lahat ng Kanyang mga nilikha.
252. Ito ang mga katibayang mula sa Allâh (I) at ng Kanyang mga palatandaang ikinukuwento sa iyo, O Muhammad (r), nang makatotohanan at katiyakang ikaw ay kabilang sa tunay na mga Sugo ng Allâh.
253. Sila ang mga yaong iginagalang na Sugo – ang ilan sa kanila ay pinagkalooban Namin ng katangian na higit sa iba, ayon sa kung anumang biyaya na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila: mayroon sa kanilang kinausap ng Allâh (I), na tulad nina Mousã (u) at Muhammad (r), na ito ay patunay para sa Allâh (I) ng Kanyang katangian ng pagsasalita, na nababatay sa Kanyang Kamaharlikaan.
At mayroon din sa kanila ang iniangat ng Allâh (I) sa mataas na antas, na katulad ni Propeta Muhammad (r), dahil sa kanyang pangkalahatang mensahe, at sa pagiging pangwakas ng kanyang pagka-Propeta, at sa pagiging bukod-tangi ng kanyang sambayanan sa lahat ng mga sambayanan at iba pa.
At ipinagkaloob ng Allâh (I) kay `Îsã (Hesus u) na anak ni Maryam (Maria) ang mga malilinaw na palatandaan at kamangha-manghang kapangyarihan na tulad ng pagpapagaling sa ipinanganak na mga bulag at sa mga ketongin sa kapahintulutan ng Allâh (I), at pagbuhay ng mga patay sa kapahintulutan ng Allâh (I) at sa pagtataguyod sa kanya ng ‘Rûhul Qudus’ – Banal na Espiritu, – na si Anghel Jibril (u).
At kung nanaisin lamang ng Allâh (I) na hindi magpatayan yaong mga dumating pagkatapos ng mga Sugo, pagkatapos dumating sa kanila ang mga malinaw na palatandaan, ay hindi sila magpapatayan. Subali’t sila ay nagkaiba at hindi nagkakasundo sa isa’t isa. Mayroon sa kanila na nananatili sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at mayroon naman sa kanilang nagpupumilit na labagin ang Allâh (I) o hindi naniwala.
At kung nanaisin lamang ng Allâh (I) na hindi sila magpatayan pagkatapos ng kanilang pagkakasalungatan ay hindi sila magpapatayan. Subali’t ginagabayan ng Allâh (I) ang sinumang Kanyang nais upang sumunod at maniwala sa Kanya. At ibinababa Niya ang sinumang Kanyang nais; na kung kaya, ito ay lalabag at hindi maniniwala sa Kanya.
254. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at naniwala sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang patnubay! Ibigay ninyo ang inyong mga ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) at gumasta mula sa ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo bago dumating ang Araw ng Muling Pagkabuhay.
(Sa Araw na yaon ay) walang bentahang maaaring mapagkakakitaan at walang kayamanang maaaring ipanubos sa inyong mga sarili mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at wala ring kai-kaibigan sa Araw na yaon na maaaring magligtas sa inyo, at tagapamagitan na mamamagitan sa inyo upang mapagaan ang inyong kaparusahan. At ang mga walang pananampalataya sa Araw na yaon ay ang mga ‘Dzâlimûn’ (gumawa ng kasamaan, lumabag at lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh I).
255. Ang Allâh (I)! Walang sinuman ang ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) o bukod-tangi na karapat-dapat at may karapatang sambahin kundi Siya at walang karapat-dapat na dulutan ng pagpapakumbaba ng sinuman kundi Siya lamang; ‘Al-Hay’ – ang Walang-Hanggang Buhay, nasa sa Kanya ang buong kahulugan ng pagkabuhay na angkop na angkop sa kanyang Kamaharlikaan. ‘Al-Qayyum’ – Siya ay Tagapagtaguyod, Tagapagkaloob at Tagapangalaga sa lahat ng bagay.
Hindi Siya maaaring antukin at hindi rin Siya maaaring matulog. Ang lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan ay Siya ang Nagmamay-ari. Walang sinuman ang maglalakas-loob na mamagitan sa Kanya maliban sa Kanyang kapahintulutan. Saklaw ng Kanyang kaalaman ang lahat ng mga nilikha – ang mga nangyari, saka ang nangyayari, at pati na rin ang mga mangyayari pa lamang. Batid Niya ang lahat ng bagay sa Kanyang mga nilikha – ang mangyayari sa hinaharap nila at sa kung ano ang mga pangyayari ng nakalipas.
At walang sinuman sa Kanyang mga nilikha ang nakababatid ng anuman mula sa Kanyang kaalaman maliban na lamang sa kung ano ang Kanyang itinuro at ipinabatid sa kanila. Sakop ng Kanyang ‘Kursi’ ang mga kalangitan at ang buong kalupaan, na ang ‘Al-Kursi’ ay lalagyan ng Kanyang dalawang paa [22] at walang sinumang Nakaaalam kung paano ang mga katangiang ito bukod sa Kanya. At walang kahirap-hirap para sa Kanya ang pangangalaga ng mga ito (ng mga kalangitan at kalupaan). At Siya ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-taasan sa Kanyang sarili at sa Kanyang mga katangian; na Siya ay nasa ibabaw ng lahat ng Kanyang mga nilikha. At ‘Al-`Adheem’ – nasa Kanya ang kabuuan ng lahat ng pinakadakilang Katangian at pagiging ganap at buong Kataas-taasan.
Ang talatang ito ang pinakadakilang ‘Âyah’ sa Banal na Qur'ân na tinatawag na ‘Âyatul Kursi.’
256. Dahil sa kaganapan ng ‘Deen’ at sa mga malinaw na kapahayagan ay hindi na kinakailangan pang pilitin ang iba upang ito ay kanyang tanggapin. Dahil ang mga palatandaan nito ay malinaw na inihihiwalay ang katotohanan sa kamalian, patnubay mula sa pagkaligaw. Kung kaya, sinuman ang hindi naniwala sa lahat ng sinasamba bukod sa Allâh (I), na samakatuwid ay naniwala sa Allâh (I), siya ay mananatiling matuwid sa Tamang Landas, at pinanghahawakan niya ang ‘Deen’ sa mahigpit na kaparaanan at hindi na siya maihihiwalay pa (sa ‘Deen’ na) ito.
At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa lahat ng mga sinasabi ng Kanyang mga alipin, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid sa lahat ng kanilang mga gawa at layunin, at sila ay pagbabayarin ayon dito.
257. Ang Allâh (I) ay Tagapag-taguyod ng mga naniwala sa pamamagitan ng Kanyang tulong, gabay at pangangalaga. Iniaalis sila mula sa kadiliman ng pagtanggi sa katotohanan patungo sa liwanag ng pananampalataya sa Allâh (I). Subali’t sa mga hindi naniwala, ang kanilang tagapagtaguyod at katulong ay ang kanilang mga iniidolo at mga sinasamba bukod sa Allâh (I). Inilalabas sila mula sa liwanag ng ‘Eemân’ (Pananampalataya) patungo sa kadiliman ng paglabag sa Kanya. Sila ay maninirahan sa Apoy at mananatili roon magpasawalang-hanggan.
258. Nakita mo ba, O Muhammad (r), ang mga kataka-takang kaugalian ng nakipagtalo kay Ibrâhim (u) hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha? Dahil sa pinagka-looban siya ng Allâh (I) ng kaharian ay nagmataas na siya. Tinanong niya si Ibrâhim (u): “Sino ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha?” Ang sagot ni Ibrâhim (u): “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Siyang nagkakaloob ng buhay sa Kanyang mga nilikha nang sa gayon ay mabuhay ito, at nagsasanhi rin ng pagkawala ng buhay upang ito ay mamatay; na samakatuwid, Siya lamang ang Bukod-Tanging nagkakaloob ng buhay at kamatayan.” Sabi niya: “Ako rin ay bumubuhay at pumapatay, pinapatay ko ang sinumang aking nais at pinananatili kong buhay ang sinumang aking nais.”
Sinabi naman sa kanya ni Ibrâhim (u): “Katiyakan, ang Allâh (I) na aking sinasamba ay Siyang nagpapasikat ng araw mula sa silangan, kung gayon, kaya mo bang baguhin ang likas na nilikha ng Allâh (I), na ito ay iyong pasikatin mula sa kanluran?”
Samakatuwid, nagapi nang ganap ang walang pananampalataya, wala man lamang siyang maibigay na katibayan. Ang kagaya niya ay katulad ng mga lumalabag sa kagustuhan ng Allâh (I), na hindi sila pinapatnubayan ng Allâh (I) tungo sa katotohanan.
259. O di kaya ay nakita mo ba, O Muhammad (r) ang katulad ng isang taong dumaan sa isang bayan, na giba-giba na ang kanilang mga tahanan at wala nang katau-tao? Sabi ng tao: “Paano kaya bubuhayin ng Allâh (I) ang buong bayan pagkatapos mamatay ang mga tao rito?”
Na kung kaya, sinanhi ng Allâh (I) na siya ay mamatay sa loob ng isang daang taon, pagkatapos ay ibinalik ng Allâh (I) ang kanyang kaluluwa sa kanya at nagpadala ang Allâh (I) ng magtatanong sa kanya at nagsabi: “Gaano ka katagal na namatay sa lugar na ito?” Sinabi niya: “Nanatili ako ritong patay sa loob ng isang araw o bahagi lamang nito.” Sinabi sa kanya: “Hindi (isang araw o bahagi lamang nito), kundi ikaw ay nanatili (ritong) patay sa loob ng isang daang taon.” At dito ay inutusan siyang pagmasdan ang kanyang pagkain at inumin, kung paano itong pinangalagaan ng Allâh (I) nang hindi nasira sa loob nang ganito katagal na panahon, at inutusan (din) siyang tingnan ang kanyang asno, kung paano ito bubuhayin ng Allâh (I) pagkatapos magkahiwa-hiwalay ang mga buto nito? At sinabi sa kanya: “Gagawin ka Namin bilang tanda sa mga tao – malinaw na palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I) at ng Kanyang kakayahang buhayin ang sinuman pagkatapos nitong mamatay.”
At inutusan (din) siyang pagmasdan ang mga buto ng kanyang hayop, kung paano ito pagdudugtung-dugtungin hanggang sa ito ay mabuo at pagkatapos nito ay dadamitan ang mga buto ng laman at pagkatapos ay ibabalik sa (hayop na) ito ang buhay.
Nang maging malinaw na sa kanyang paningin ang lahat, saka pa lamang siya naniwala sa Kadakilaan ng Allâh (I) at sa Kanyang pagiging Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay. Pagkatapos siya ay naging tanda sa mga tao.
260. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang ginawang paghiling ni Ibrâhim (u) mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ipakita sa kanya kung papaano nangyayari ang Pagkabuhay na Mag-uli.
Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Bakit, hindi ka ba naniniwala?” Sinabi ni Ibrâhim (u): “Naniniwala ako, subali’t nais ko lamang maragdagan ang kapanatagan ng aking kalooban.”
Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Kumuha ka ng apat na uri ng ibon at dalhin mo ang mga ito sa iyo, pagkatapos ay katayin mo ang mga ito at tadtarin. Pagkatapos ay paghiwa-hiwalayin mo ang mga bahagi nito sa (pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa) iba’t ibang bundok at pagkatapos ay tawagin mo ang mga ito at mabilis itong darating sa iyo.” Kaya’t tinawag ang mga ito ni Ibrâhim (u) at biglang nagsaulian ang bawa’t piraso ng mga ito at dumating sa kanya nang mabilisan. At dapat na mabatid mo na ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan at walang sinumang maaaring makagapi sa Kanya; na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang salita, gawa, batas at pagtatakda.
261. At ang kabilang sa pinakamalaking kapakinabangan ng mga sumasampa-lataya sa Allâh (I) ay ang paggasta sa Kanyang Daan. At ang katulad ng mga mananampalataya na ginagasta ang kanilang yaman sa Daan ng Allâh (I) ay katulad ng isang butil na itinanim sa matabang kalupaan, pagkatapos sumibol ng tangkay ay nagkaroon ng pitong sanga at ang bawa’t sanga ay nagbunga ng isang daang butil.
Ang Allâh (I), pinararami Niya ang Kanyang gantimpala sa sinumang Kanyang nais ayon sa paniniwala ng gumagasta at sa kalinisan ng kanyang kalooban. At sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapagkaloob sa mga pangangailangan ng Kanyang mga nilikha at Siya ay ‘Wâsee`’ – Sapat at Ganap na Tagapagtustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha na Ganap at Napakalawak ang Kanyang awa at kagandahang-loob na ipinagkakaloob Niya sa sinumang may karapatan nito, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga layunin ng Kanyang mga alipin.
262. Yaong mga gumagasta ng kanilang mga kayamanan sa ‘Jihâd’ nang alang-alang sa Daan ng Allâh (I), at sa lahat ng uri ng kabutihan, pagkatapos ay hindi nila sinusundan ng panunumbat at pananakit sa salita at sa gawa ang kanilang paggasta, na makapagpapahiwatig na sila ay nakaaangat sa kanilang tinulungan – ang para sa kanila ay dakilang gantimpala mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At wala silang dapat na ipangamba sa kanilang kahihinatnan sa Allâh (I) at wala (rin) silang dapat na ikalungkot sa anumang kanilang naiwan dito sa mundo.
263. Ang mabuting salita at pagpapatawad sa taong nagpumilit na humingi ng limos sa kanya ay higit na nakabubuti kaysa sa pagbibigay ng ‘Sadaqah’ (kawanggawa) na may kasamang panunumbat at panlalait.
At ang Allâh (I) ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na hindi nangangailangan ng anumang kawanggawa ng Kanyang alipin, na Siya ay ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa at hindi kaagad nagpaparusa.
264. O kayong naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay! Huwag ninyong sirain ang gantimpala ng mga ginasta ninyo sa pamamagitan ng panunumbat at anumang bagay na nakasasakit (ã–dhã ), na katulad ng pagbibigay ng yaman o salapi para lamang makita ng mga tao, nang sa gayon ay mapuri siya ng tao, gayong sa katotohanan ay hindi talaga siya naniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, ang kagaya niya ay isang makinis na batong nabuhusan ng ulan, na kung kaya naalis ang mga alikabok na nasa ibabaw nito at ito ay bumalik sa pagiging makinis na walang nadikit dito.
Ito ang halimbawa ng nagbibigay ng mga kawanggawa para makita lamang ng tao – walang halaga ang kanilang ginawa sa paningin ng Allâh (I), at wala silang maaasahang gantimpala sa kanilang ginasta. At ang Allâh (I), hindi Niya ginagabayan ang mga walang pananampalataya sa pagtutuwid o pagwawasto ng kanilang kawanggawa at iba pa.
265. At ang katulad ng mga gumasta ng kanilang salapi, na ang tanging hangarin ay makamit ang pagmamahal ng Allâh (I), at sa kanilang mga sarili ay may katiyakang paniniwala na tutuparin ng Allâh (I) ang Kanyang pangako, ang katulad nila ay isang malawak na harding nasa isang mataas at matabang lugar na lupain at ito ay binuhusan ng malakas na ulan upang mas lalo pang dumami ang mga bunga nito. Gayunpaman, kahit na ito ay hindi mabuhusan ng masaganang ulan ay magiging sapat pa rin ang mga patak ng ulan upang dumami ang mga bunga nito, at ganoon gumagasta ang mga malilinis ang kalooban.
Ito ay tinatanggap ng Allâh (I) at pinararami, maging ito man ay marami o kaunti, sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggang Nakaaalam at Ganap na Nakababatid ng anumang bagay na kinikimkim ng mga kalooban, na ‘Baseer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa lahat ng bagay, nakalantad man o lihim. At ginagantimpalaan Niya ang bawa’t isa ayon sa kalinisan ng kanyang kalooban.
266. Naghahangad ba ang isa sa inyo na magkaroon ng hardin na may mga prutas ng palmera ng datiles (‘tamr’ o ‘dates’) at ubasan, na may umaagos na tubig-tabang (ilog) sa ilalim ng mga puno nito, at ang lahat ng iba’t ibang uri ng prutas na naroroon ay para sa kanya, pagkatapos ay dumating sa kanya ang katandaan at hindi na niya nakayanang magtanim; samantalang ang kanyang mga anak ay maliliit at mahihina pa, na nangangailangan sa harding yaon, at sa ganitong pagkakataon ay inabot ng malakas na hangin na may kasamang apoy at ito ay nasunog?
At ganito ang nangyayari sa mga nagkakawanggawa na hindi malinis ang layunin – hindi taos-puso ang kanilang ginagawa. Sila ay darating sa Araw ng Muling Pagkabuhay na wala man lamang ni kaunting kabutihan.
At sa ganitong pagpapahayag ay ipinaliliwanag ng Allâh (I) ang anumang bagay na kapaki-pakinabang sa inyo, upang ito ay inyong mapag-isipan at nang sa gayon ay maging taos-puso ang pagbibigay ninyo ng kawanggawa.
267. O kayong mga naniwala sa Akin at sumunod sa Aking mga Sugo, gumasta kayo mula sa malinis na inyong pinagkakitaan at mula sa mga inani o sa mga bagay na ipinagkaloob Namin sa inyo na nasa kalupaan.
At huwag piliin yaong mga mababang uri mula rito, upang ito ang inyong ipamigay sa mga mahihirap, dahil kapag ito ang ibibigay sa inyo ay hindi rin naman ninyo ito tatanggapin, maliban na lamang kung ipipikit ninyo ang inyong mga mata habang tinatanggap ninyo ito, dahil sa ito ay mababang uri.
Paano ninyo naiibigan ang isang bagay na para sa Allâh (I), samantalang hindi ninyo naman ito naiibigan sa inyong mga sarili? At dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay Siyang ‘Ghanee’ – Tagapagkaloob ng kabuhayan para sa inyo at Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na hindi nangangailangan ng anumang kawanggawa, na ‘Hameed’ – karapat-dapat sa lahat ng papuri na Ganap na Pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.
268. Ang pagiging maramot at pinipili ang mga hindi na niya nagugustuhan (na mga bagay), na siyang ibinibigay sa kawanggawa, ay kabilang kay ‘Shaytân’ na siyang tumatakot sa inyo ng kahirapan (kapag kayo ay nagbigay), inaakit kayo sa pagiging maramot, inuutusan kayong gumawa ng pagkakasala at labagin ang Allâh (I); subali’t ang Allâh (I) ay nangako sa inyo dahil sa inyong kawanggawa ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan, at masaganang kabuhayan. At ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Sapat at Ganap na Tagapagtustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha na Ganap at Napakalawak ang Kanyang awa at kagandahang-loob; na Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng inyong mga gawa at layunin.
269. Ipinagkakaloob ng Allâh ang gabay sa pamamagitan ng salita at gawa sa sinumang Kanyang nais sa Kanyang mga alipin. Kung kaya, sinuman ang biniyayaan ng Allâh (I) ng ganitong gabay, ay napagkalooban siya nang masaganang kabutihan. At walang makakaalaala at makikinabang nito maliban sa mga nagmamay-ari ng kaisipan na binigyan ng liwanag ng Allâh (I) at patnubay mula sa Kanya.
270. At anumang inyong ginasta mula sa inyong salapi o anumang bagay, maging ito man ay marami o kakaunti bilang inyong kawanggawa sa paghahangad ng kaluguran ng Allâh (I), o inuubliga ninyo ang inyong mga sarili sa isang matapat na pangako, mapasalapi man ito o hindi, ang Allâh (I) ay Siyang Nakaaalam nito, dahil Siya ay Ganap na Nakababatid ng inyong mga layunin at katiyakan na kayo ay gagantimpalaan para rito. At sinuman ang pipigil sa karapatan ng Allâh (I), siya ay ‘Dzâlim’ (masama); at ang masasama, samakatuwid, ay walang makakakampi upang pigilin ang kaparusahan ng Allâh (I).
271. Kung ilalantad man ninyo ang inyong mga kawanggawa ay mabuti rin, subali’t higit na napakaganda kung ito ay maililihim ninyo at ibibigay sa mga mahihirap, nang sa gayon ay mailayo kayo sa pagiging mapagkunwari o pagpapakitang-tao (‘Ar-Riya`’). Ang pagbibigay ng kawanggawa nang taimtim ay nakabubura ng inyong kasalanan.
At ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang inyong mga ginagawa, kahit na katiting na bagay, na walang anuman ang maililihim sa Kanya sa mga nangyayari sa inyo. At pagbabayarin Niya ang bawa’t isa ayon sa kanyang nagawa.
272. Hindi mo pananagutan, O Muhammad (r), ang pagpapatnubay sa mga walang pananampalataya, subali’t ang Allâh (I), binubuksan Niya ang kalooban ng sinumang Kanyang nais para sa Kanyang ‘Deen’ at ginagabayan.
Kung ano man ang inyong ginasta mula sa inyong salapi, darating sa inyo ang gantimpala nito mula sa Allâh (I), at ang mga mananampalataya ay hindi gumagasta o nagkakawanggawa kundi sa pag-aasam na makita ang Mukha ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay at paghahangad sa kaluguran ng Allâh (I). At walang anuman na inyong ginagasta nang taimtim mula sa inyong kayamanan kundi ipagkakaloob sa inyo ang gantimpala nito nang buung-buo at walang labis.
At sa talatang ito, nagpapatunay na ang Allâh (I) ay mayroong Mukha na angkop sa Kanyang Kadakilaan at Kamaharlikaan.
273. Ipagkaloob ninyo ang inyong mga kawanggawa sa mga mahihirap na mga Muslim na hindi kayang maglakbay para maghanap-buhay dahil sa pagiging abala nila sa ‘Jihâd’ o pagpupunyagi sa Daan ng Allâh (I).
Iniisip ng sinumang hindi nakakikilala sa kanila, na sila ay hindi nangangailangan ng ‘Sadaqah’ (kawanggawa) dahil sila ay hindi namamalimos. Subali’t mababakas mo sa kanila ang kahirapan, gayong hindi sila nanghihingi sa mga tao kailanman. At kung sakaling sila ay gipit na gipit na, ay saka pa lamang sila manghihingi at kapag sila ay nanghingi, hindi sila nagpupumilit.
At anuman ang inyong ginugol mula sa inyong yaman sa Daan ng Allâh, ay hindi maililihim sa Allâh (I) ang kahit na anuman mula rito. At walang pag-aalinlangan, gagantihan Niya kayo nang ganap na gantimpala at ito ay makakamit ninyo nang buung-buo sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
274. Ang mga yaong gumagasta ng kanilang mga kayamanan, sa gabi at araw, sa paghahangad ng kaluguran ng Allâh (I), palihim man o lantaran, ang para sa kanila ay gantimpala mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
At wala silang dapat na ipangamba sa pakikipagharap nila sa Allâh (I) at sa paglisan nila sa mundong ito. At wala rin silang dapat na ikalungkot sa kung anuman ang hindi nila nakamtan sa makamundong buhay.
Ito ang batas ng Allâh (I) na Ganap na Maalam, na siyang mga alituntunin ng Islâm hinggil sa paggasta upang tugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap sa marangal at mataas na pamamaraan; at para linisin ang yaman ng mga mayayaman; at nang sa gayon ay maisakatuparan ang pagtutulung-tulungan sa kabutihan, at pagkatakot sa Allâh (I) bilang paghahangad na makita ang Mukha ng Allâh (I). (Sa paksang) ito na pagbibigay ng kawanggawa ay walang sapilitan.
275. Yaong mga nakikipagkalakalan sa pamamagitan ng ‘Ribâ’ (patubuan o interes), hindi sila makatatayo sa Araw ng Muling Pagkabuhay mula sa kanilang mga libingan, kundi katulad sila ng tao na nasaniban ng ‘Shaytân’ sa pagkabaliw, ito ay sa kadahilanang sinabi nila, na ang pangangalakal ay katulad ng ‘Ribâ’ na parehong legal (at ipinahihintulot), sapagka’t ito ay nagpapalago (rin naman) ng salapi o kayamanan, subali’t ito ay pinasinungalingan ng Allâh (I) at Kanyang ipinaliliwanag na Siya: “Ipinahintulot Niya ang panganga-lakal at ipinagbawal Niya ang Ribâ;” dahil sa ang pangangalakal ay napapakinabangan ng bawa’t isa at nang maramihan, gayong ang ‘Ribâ’ ay pagsasamantala at pagkawasak.
Na kung kaya, sinuman ang inabutan ng (kapahayagan hinggil sa) pagba-bawal ng ‘Ribâ’ (at pagkatapos ay itinigil niya ito), hindi siya parurusahan sa kanyang nakaraang nagawa – noong hindi pa dumating sa kanya ang pagbabawal, at ang Allâh (I) ay Siyang bahala sa kanya at sa kanyang hinaharap kapag siya ay tuluyang nagsisi, dahil hindi binabalewala ng Allâh (I) ang pagbibigay ng gantimpala sa mga mabubuti; gayunpaman, sinuman ang bumalik sa ganitong paraan (Ribâ) at pinagpatuloy pa rin niya (ang patubuan) kahit na dumating na sa kanya ang (kapahayagan hinggil sa) pagbabawal ng ‘Ribâ’ o interes; samakatuwid, siya ay karapat-dapat na parusahan at wala na siyang dapat pang ikatwiran. Na kung kaya, sila ang mga tao para sa Impiyerno, doon ay mananatili sila magpasawalang-hanggan.
276. Wawasakin ng Allâh (I) ang ‘Ribâ’ at aalisan Niya ito ng biyaya, samantalang ang mga nagbibigay ng kawanggawa ay ginagantimpalaan Niya nang patung-patong at binibiyayaan Niya ang kanilang mga kayamanan. At ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa sinumang nagpupumilit sa kanyang pagtanggi, na ipinahihintulot ang pagkain ng ‘Ribâ,’ at patuloy na nalululong sa kasalanan, sa ipinagbabawal at sa mga paglabag sa Allâh (I).
277. Katiyakan, yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay at gumawa ng mga mabubuting gawa, ginagampanan ang pagsa-‘Salâh’ ayon sa pagkakautos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, at ibinibigay nila ang ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) mula sa kanilang mga yaman, ang para sa kanila ay dakilang gantimpala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Siyang nagkakaloob ng kabuhayan sa kanila. Wala silang dapat ipangamba sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at wala silang dapat ikalungkot sa anumang hindi nila nakamtan sa makamundong buhay.
278. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sinunod ninyo ang Kanyang Sugo! Katakutan ninyo ang Allâh (I) at huwag na ninyong galawin ang anumang natira mula sa kapital na inyong kinita sa ‘Ribâ,’ na ito ay ginagawa ninyo bago dumating ang pagbabawal hinggil sa patubuan. (Huwag na ninyo itong galawin), kung kayo ay makatotohanan sa inyong paniniwala sa salita at sa gawa.
279. Kung hindi ninyo ititigil ang ipinagbabawal ng Allâh (I) sa inyo, tiyakin ninyo ang pakikipaglaban ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo sa inyo, maliban sa kung kayo ay manumbalik sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at iniwasan ang pagkain ng ‘Ribâ,’ gayong para sa inyo pa rin (naman) ang anuman na inyong ipinautang na salapi, kaya nga lamang ay wala na itong tubo. Nang sa gayon ay wala kayong madayang sinuman, sa pamamagitan ng pagkuha nang labis kaysa sa inyong ipinautang (– wala kayong maaagrabyadong sinuman sa pamamagitan ng pagsingil na may patong [interes] sa kanilang mga inutang) at hindi (rin) kayo maaagrabyado sa pamamagitan ng pagbawas sa inyong ipinautang.
280. Kung hindi pa kayang magbayad ang nakautang sa inyo, pagbigyan ninyo sila hanggang sa sila ay makaluwag-luwag at hanggang sa pagkalooban sila ng Allâh (I) ng kabuhayan nang sa gayon ay mabayaran kayo.
Subali’t kapag hindi na ninyo pinagbayad ang nagkautang sa inyo, mas makabubuti ito para sa inyo, kung batid lamang ninyo kung gaano ito kaganda, sapagka’t ito ay higit na nakabubuti sa inyo rito (sa daigdig) at sa Kabilang-Buhay.
281. O kayong mga tao! Katakutan ninyo ang Araw na kayo ay ibabalik sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay. At kayo ay haharap sa Kanya para sa Paghuhukom at pagbabayaran ng bawa’t isa sa inyo kung ano ang kanyang nagawa – mabuti man ito o masama, nang walang anumang pandaraya.
Ang talatang ito ay nagpapahiwatig hinggil sa pag-iwas sa lahat ng mga ipinagbabawal ng Allâh (I) na tulad ng pagpapautang na may tubo, hinihimok ang taong magpakatatag at gawin niyang buo at ganap ang kanyang ‘Eemân’ (pananampalataya) at isagawa ang mga panuntunan nito, na tulad ng pagsa-‘Salâh,’ pagbibigay ng ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) at pagsasagawa ng mga mabubuting gawa.
282. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r), kapag kayo ay nakipagkasundo hinggil sa pagpapautang at itatakda ang bayaran, magkaroon kayo ng kasulatan, nang sa gayon ay mapangalagaan ang kayamanan at nang walang mapag-aawayan. Ang nararapat na gumawa ng kasulatan ay isang taong mapagkakatiwalaan at may malakas na memorya. Na kung kaya, sino man ang pinagkalooban ng kagalingan sa pagsusulat ay hindi maaaring tanggihan ang bagay na ito. At sa nagkautang naman, ididikta niya ang halaga ng kanyang nautang sa tagasulat at nararapat na magkaroon siya ng takot sa Allâh (I) na hindi siya maaaring mandaya nang kahit na kaunti.
Kung ang nagkautang ay hindi na pinahihintulutang mangasiwa sa kanyang mga kayamanan dahil (halimbawa) sa kanyang pagiging bulagsak o labis na pag-aaksaya (o hindi na niya ginagamit sa tamang pamamaraan ang kanyang kayamanan dahil sa nagkaroon siya ng kakulangan sa pang-unawa); o di kaya ay wala pa siya sa wastong gulang; o di kaya ay nasiraan siya ng bait; o di kaya ay hindi na niya kayang magsalita dahil sa siya ay napipi; ang magdidikta para sa kanya kung gayon ay ang kanyang ‘Wali’ (tagapag-alaga), at kumuha kayo ng dalawang saksing lalaking Muslim na nasa wastong gulang at wastong kaisipan mula sa mga makatarungang tao.
Kung hindi kayo makakukuha ng dalawang lalaki na sasaksi sa inyo, maaari ring isang lalaki lamang at dalawang babae na katanggap-tanggap ang kanilang pagsaksi para sa inyo, dahil sa kapag nakalimutan ng isa sa dalawang babae, ay mapapaalalahanan siya ng pangalawa, at hindi nararapat na tumanggi ang mga saksi kapag sila ay tinawag upang magpatotoo. Ito ay tungkulin nilang dapat isagawa lalung-lalo na kapag kinakailangan sila bilang tagapagpatibay.
Hindi kayo dapat na mabahala sa pagsusulat ng kontratang ito, maging ito man ay maliit o malaki, para sa itinakdang panahong bayaran nito. Sapagka’t ito ang pinakamakatarungan bilang batas ng Allâh (I) at ng Kanyang patnubay. Isang dakilang pagtataguyod para maisagawa ang pagtestigo at nang sa gayon ay mailayo sa pag-aalinlangan ang lahat ng uri ng pagkakautang, sa laki (man ng halaga nito) at sa panahong itinakda nito. Magkagayunpaman, kung ito ay nauukol sa pang-araw-araw na bilihan, tulad ng mga kalakal o paninda at pagkatapos ay magbabayaran kaagad, hindi na ito kinakailangan pang isulat.
Subali’t kanais-nais na magpatestigo kapag ito ay kinakailangan, nang sa gayon ay maiwasan ang hindi pagkakasundo (sa isa’t isa). Tungkulin (naman) ng saksi at tagasulat na isagawa ito sa tamang pamamaraan at isulat na tulad ng ipinag-utos ng Allâh (I), at hindi rin maaari sa nagpautang at saka sa pinautang na ipahamak ang testigo at tagasulat.
At kapag ginawa ninyo ang ipinagbabawal na ito sa inyo, samakatuwid, ito ay paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at ang kaparusahan nito ay tiyak na darating sa inyo. Katakutan ninyo ang Allâh (I) sa lahat ng ipinag-uutos Niya sa inyo at sa lahat ng Kanyang mga ipinagbabawal. At tuturuan kayo ng Allâh (I) hinggil sa lahat ng makabubuti sa inyo, dito sa mundo at sa Kabilang-Buhay. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay, at walang maililihim sa Kanya na anuman sa inyong ginagawa at sa pamamagitan nito kayo tutumbasan.
283. Kung kayo ay nasa paglalakbay at wala kayong makitang tagasulat, magbigay kayo sa uutangan ninyo ng anumang bagay bilang garantiya (‘collateral’), nang sa gayon ay mapangalagaan ang kanyang karapatan hanggang sa (dumating na) makabayad kayo ng pagkakautang sa kanya. Subali’t kung may tiwala naman (kayo) sa isa’t isa ay wala kayong kasalanan kung hindi na ninyo ito ipasulat, ipatestigo at wala nang garantiya. Ang uutanging salapi ay ipagkakatiwala na lamang ninyo sa taong uutang nito --- buung-buo itong ipagkakatiwala sa umutang, na samakatuwid ay tungkulin naman niya ang magbayad.
Maging maingat at matakot sa Allâh (I) na hindi niya dadayain ang kanyang inutangan, at kapag itinanggi ng umutang ang kanyang inutang at may nakasaksi sa kanilang usapan, nararapat na lumantad siya (ang nakasaksi) upang tumestigo at kung sinuman ang maglilihim nito, ituturing na marumi ang kanyang budhi at mandaraya. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang niloloob ng sinuman, Ganap na Nakababatid ng lahat ng inyong mga ginagawa at Siya ang makikipagtuos para rito.
284. Ang Allâh (I) ay Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan at ang anumang mga nilalaman nito, Tagapangasiwa at Tagapangalaga. Walang anuman ang naililihim sa Kanya ---- isiwalat man ninyo kung ano ang nasa inyong mga sarili o itago man ito, ang lahat ng ito ay Nababatid ng Allâh (I), at tatawagin (huhukuman) kayo upang ito ay inyong panagutan sa Kanya. Pinatatawad Niya ang sinumang Kanyang nais at pinarurusahan Niya ang sinumang Kanyang nais. At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay. Binubukod-tangi Niya ang mga Muslim at pagkatapos nito ay pinatatawad Niya ang kanilang mga maling naiisip at mga balakin mula sa kanilang kalooban. Ito ay ayon sa pagkakapahayag ni Propeta Muhammad (r).
285. Pinaniniwalaan nang buong katiyakan ng Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r) ang anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; ganoon din ang mga mananampalataya, nakatitiyak din sila at gumagawa sila ayon sa Banal na Qur’ân. Ang bawa’t isa sa kanila ay naniwala sa Allâh (I) bilang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya ay sinasamba nila --- na nagtatangan ng dakila at ganap na mga katangian ayon sa Kanyang Kadakilaan at Kaganapan. Ang Allâh (I) ay may mararangal na mga anghel at nagpahayag ng mga Aklat, nagpadala (rin Siya) ng mga Sugo sa bawa’t henerasyon ng sangkatauhan.
Kaming mga sumasampalataya, wala kaming ginagawang pagtatangi sa pagitan ng isa at iba pa mula sa Kanyang mga Sugo, sa halip ay pinaniniwalaan namin silang lahat. Sinabi ng Sugo at mga mananampalataya: “Narinig namin, O aming ‘Rabb,’ ang anumang ipinahayag Mo at ito ay aming sinusunod. Hinahangad namin sa pamamagitan ng Iyong kagandahang-loob ang Iyong pagpapatawad mula sa aming mga kasalanan, dahil Ikaw ang Nangangasiwa sa amin sa pamamagitan ng Iyong pagbibiyaya sa amin. At sa Iyo lamang kami patutungo at magbabalik.”
286. Ang ‘Deen’ ng Allâh (I) ay madali at walang kahirap-hirap. Na kung kaya, hindi ipinag-utos ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na hindi nila makakayanan. Samakatuwid, sinuman ang gagawa ng mabuti ay magkakamit ng kabutihan; at sinuman ang gagawa ng masama, ay masama rin ang kanyang makakamit na kabayaran. “O aming ‘Rabb!’ Huwag Mo kaming parusahan sa anumang aming nakalimutan mula sa mga ipinag-utos Mo sa amin o sa mga pagkakamaling nagawa namin sa anumang Iyong ipinagbawal. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang mahirap na gawain, na tulad ng ipinapasan Mo sa mga masasamang tao na nauna sa amin bilang kaparusahan sa kanila. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang bagay na hindi namin kaya mula sa Iyong mga ipinag-utos at (huwag Mo ring ipapasan sa amin ang anumang) pagsubok (na hindi namin kaya). Burahin Mo ang aming mga kasalanan at ilihim Mo ang aming mga pagkakamali. Ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong kabutihan bilang Iyong awa at habag, dahil Ikaw ang Nagmamay-ari, Nagtatangan at Nangangasiwa sa amin. Tulungan Mo kami sa pakikipaglaban sa sinumang hindi naniwala sa iyong ‘Deen’ at tumanggi sa Iyong Kaisahan at hindi naniwala sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r) at ipagkaloob Mo sa amin ang tagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment