Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Ahzâb

33
XXXIII – Sûrat Al-Ahzâb
[Kabanata Al-Ahzâb – Ang Mga Nagtulung-tulong Na Grupo]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O Propeta! Panatilihin mo ang iyong sarili sa pagkatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal, at nararapat na sumunod sa iyo ang mga mananampalataya; dahil higit na sila ang nangangailangan nito kaysa sa iyo, at huwag mong sundin ang mga walang pananampalataya at ang mga mapag-kunwari. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang nilikha, pag-aatas at pangangasiwa.

2. At sundin mo ang anumang ipinahayag sa iyo, mula sa Allâh na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Qur’ân at ‘Sunnah,’ katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Tagapagmasid sa lahat ng inyong ginagawa at kayo ay tutumbasan ayon dito, na walang anumang naililihim sa Kanya.

3. At magtiwala ka sa Allâh (I) at ipaubaya mo ang lahat ng bagay sa Kanya, at sapat na Siya bilang Tagapangalaga ng sinumanang nagtiwala at nagbalik-loob sa Kanya.

4. Hindi ginawan ng Allâh (I) ang sinumang tao ng dalawang puso sa kanyang dibdib, at hindi rin ginawa ng Allâh (I) ang inyong mga asawa na kapag ayaw na ninyo sa kanila ay sasabihin ninyong sila ay katulad ng likuran ng inyong mga ina, na ipinagbabawal sa inyo na tulad ng pagbabawal sa inyo sa mga sarili ninyong ina – ang ‘Zihar’ ay sasabihin ng lalaki sa kanyang asawa: ikaw para sa akin ay katulad ng likuran ng aking ina at ito ay isang uri ng ‘diborsiyo’ o paghihiwalay sa kapanahunan ng kamangmangan, na kung kaya, nilinaw ng Allâh (I) na ang asawang babae ay hindi kailanman maaaring maging katulad ng sarili niyang ina sa anumang kaparaanan, at hindi ginawa ng Allâh (I) ang inyong mga inampon na anak na lalaki na ituring ninyong mga tunay na anak sa batas ng Islâm, sa halip ang ‘Zihar’ at ang pag-aampon ay hindi nagpapatunay ng pagbabawal sa pag-aasawa, na kung kaya, hindi magiging katulad ng ina sa pagbabawal sa pag-aasawa ang asawa na inihambing sa likuran ng ina, at hindi rin pinagtitibay ng pag-aampon na pagiging mag-amang tunay na katulad ng sinasabi ng taong nag-aampon: “Ito ay anak ko,” dahil ito ay salita lamang sa bibig na wala sa katotohanan, na kung kaya, hindi dapat na susundin, at ang Allâh (I) ay nagsasabi ng katotohanan at nililinaw Niya sa Kanyang mga alipin ang Kanyang Daan at ginagabayan Niya sila tungo sa Matuwid na Landas.

5. Tawagin ninyo ang inyong mga inampon sa pangalan ng kanilang ama, at ito ay mas makatarungan at matuwid sa paningin ng Allâh (I), at kapag hindi ninyo kilala ang kanilang mga tunay na ama ay tawagin ninyo sila bilang mga kapatid sa Islâm na kung saan dito kayo nagkaisa dahil sila ay kapatid ninyo sa ‘Deen’ at katulad ng inyong pinalayang alipin, at wala kayong kasalanan sa anumang nagawa ninyong pagkakamali kung ito ay hindi ninyo sinasadya, pinarurusahan lamang kayo sa mga bagay na inyong sinasadyang gawin. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagkamali, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang nagsisi sa kanyang kasalanan.

6. Ang Propeta Muhammad ay mas malapit sa mga mananampalataya kaysa sa kanilang mga sarili sa anumang bagay na hinggil sa ‘Deen’ (o Relihiyon) o makamundo man, at ang pagbabawal na mapangasawa ang mga asawa ng Propeta na sinuman mula sa kanyang sambayanan sapagka’t sila ay tulad ng kanilang mga sariling ina, na kung kaya, hindi maaaring pakasalan ang mga asawa ng Sugo ng Allâh (I) pagkatapos niya silang mapangasawa. At ang magkakamag-anak na mga Muslim ang mas may karapatan sa isa’t-isa sa pagmamana ayon sa batas ng Allâh (I) kaysa kapatid sa pananampalataya o sa nangibang-bayan – dahil ang mga Muslim sa unang pagkakataon noon ay nagmamanahan sila sa isa’t isa sa kanilang mga yaman dahil sa pangingibang-bayan o pananampalataya at hindi dahil sa kanilang relasyong magkakamag-anak, pagkatapos ay pinawalang-bisa ito sa pamamagitan ng pagkakapahayag ng talata ng Banal ng Qur’ân hinggil sa pagmamana – maliban na lamang kung gumagawa kayo, O kayong mga Muslim, ng kabutihan sa mga hindi tagapagmana bilang tulong, kabutihan, pagpapatibay ng ugnayan, pagiging makatao at pagpapatupad sa iniwang habilin ng yumao, at itong nabanggit na batas ay nakatala at naitakda sa ‘Lawh Al-Mahfouz’ (Aklat ng Talaan), na kung kaya, karapat-dapat na ito ay inyong isagawa. At dito sa talatang ito ang pagiging obligado sa sinumang Muslim na higit pa ang kanyang pagmamahal sa Propeta kaysa sa kanyang sarili, at ito ang kabuuan ng tunay na pagsunod sa kanya at nandito rin ang paggalang sa mga ina ng mga mananampalataya na sila ay mga asawa ng Propeta, na kung kaya, sinuman ang maninira o magmumura sa kanila ay ituturing itong malaking kawalan sa kanila (na mga gumawa nito).

7. At alalahanin mo, O Muhammad, noong gumawa Kami ng Kasunduan sa mga Propeta na pagpaparating ng mensahe, at gumawa rin Kami ng Kasunduan sa iyo, kay Nûh (u), kay Ibrâhim (u), kay Mousâ (u) at kay `Îsã Ibn Maryam (u), at gumawa Kami sa inyo ng matibay na kasunduan, na ipararating ang mensahe at ipatutupad ang ipinagkatiwala, at nang sa gayon ay patutunayan ninyo ang isa’t isa.
8. (Isinagawa ng Allâh (I) ang pangako na yaon sa kanila na mga Sugo) upang tanungin ang mga Sugo kung paano nila tinugunan ang mga katanungan ng kanilang mga sambayanan, nang sa gayon ay pagkalooban ng gantimpalang ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang mga mananampalataya, at inihanda Namin sa mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang matinding kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.

9. O kayong mga mananampalataya! Alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa inyo sa Madinah sa araw ng labanan sa mga ‘Ahzâb’ – na ito ay labanan sa ‘Khandaq’ – noong nagsama-sama laban sa inyo ang mga walang pananampalataya mula sa labas ng Madinah, mga Hudyo at mga Mapagkunwari na taga-Madinah at sa mga karatig-pook sa Madinah, at napalibutan nila kayo, na kung kaya, nagpadala Kami sa mga grupong yaon ng matinding hangin na tinanggal ang kanilang mga tolda at naitapon ang kanilang mga dala-dalahan, at nagpadala pa Kami ng mga anghel mula sa kalangitan na hindi ninyo nakita, na kung kaya, nagkaroon ng matinding takot ang kanilang mga puso. At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa inyong ginagawa at walang anumang naililihim sa Kanya.

10. Alalahanin ninyo noong sila ay dumating sa inyo mula sa itaas ninyo na nagmula sa taas ng lambak sa gawing silangan, at mula sa ibaba naman ninyo na nagmula sa ibaba ng lambak sa gawing kanluran, at sa panahong yaon ay dilat na dilat ang inyong mga mata dahil sa tindi ng pagkalito at pagkagulat, at ang inyong mga puso ay umabot sa inyong mga lalamunan sa tindi ng inyong takot, at nangibabaw ang kawalan ng pag-asa sa mga mapagkunwari at dumami ang mga sabi-sabi at nag-isip na kayo ng masama laban sa Allâh (I) na hindi na Niya kayo tutulungan at hindi na mangingibabaw ang Kanyang batas.

11. Dito sa matinding pangyayaring ito ay sinubok ang paniniwala ng mga mananampalataya at sinala ang mga tao, at inihiwalay ang mga mananampalataya sa mapagkunwari, at nanginig sila nang matinding panginginig dahil sa takot at kaba; upang mapatunayan ang paniniwala nila at maragdagan ang kanilang katiyakan.

12. At doon ay sinabi ng mga mapagkunwari at ng mga yaong may pag-aalinlangan sa kanilang mga puso na sila ang mga mahihina sa pananampalataya: “Walang ipinangako sa amin ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo na tagumpay at pangingibabaw kundi pawang kasinungalingan na mga salita at panlilinlang lamang, na kung kaya, huwag ninyo siyang paniwalaan.”

13. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang sinabi ng isang grupo na mga mapagkunwari habang tinatawag nila ang mga mananampalataya na mga taga-Madinah: “O kayong mga taga-Yatrib – ito ang lumang pangalan ng Madinah – wala na kayong magagawa sa labanang ito, magiging talunan na kayo, na kung kaya, magbalik na kayo sa inyong mga tahanan sa Madinah!” At ang ibang grupo naman na mga mapagkunwari ay humihingi ng pahintulot sa Propeta na bumalik na lamang sa kanilang tahanan sa kadahilanang hindi raw nila mapangangalagaan ang kanilang tahanan at nangangamba sila hingil dito, samantalang ang katotohanan ay hindi gayon, at wala silang hinahangad kundi tumakas sa labanan.

14. Dahil kung pinasok ng mga sundalo na binubuo ng iba’t ibang grupo ang lahat ng dako ng Madinah at pagkatapos ay hiniling sa kanila na mga mapagkunwari na sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) at talikuran ang Islâm ay tiyak na sila ay tutugon nang mabilisan, at hindi nila iaantala ang pagtanggap ng maling pagsambang ito kundi mangilan-ngilan lamang sa kanila.

15. At katotohanang nangako ang mga mapagkuwaring ito sa Allâh (I) sa kamay ng Kanyang Sugo bago mangyari ang labanan sa ‘Khandaq,’ na sila ay hindi tatakas kapag napaharap sila sa labanan at hindi sila mag-aatubili kapag sila ay inanyayahan tungo sa ‘Jihâd,’ subali’t sinira nila ang kanilang kasunduan, at walang pag-aalinlangang sisingilin sila ng Allâh (I) at tatanungin sila hinggil dito, at ang Pangako nila sa Allâh (I) ay tiyak na Kanyang itatanong at isisingil.

16. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na mga mapagkunwari: “Kailanman ay wala kayong mapapalang kapakinabangan sa pagtakas sa labanan dahil sa natatakot kayong mamatay o di kaya ay mapatay; dahil hindi ninyo maiaantala ang anuman na itinakda Niyang kamatayan para sa inyo, at kahit tumakas pa kayo ay hindi ninyo maisasagawa ang kasiyahan dito sa daigdig maliban sa kung ano ang itinakda sa inyo na limitadong buhay, na ito ay napakaikling panahon lamang kung ihahambing sa buhay sa Kabilang-Buhay.”
17. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sino pa kaya ang maka-pangangalaga sa inyo mula sa Allâh (I) o di kaya ay sino ang makapagliligtas sa inyo mula sa Kanyang kaparusahan kung nanaisin ng Allâh (I) ang kapinsalaan sa inyo, o kung nanaisin Niya ang habag sa inyo, dahil ang nagkakaloob, pumipigil, nagsanhi ng kapinsalaan o nagdudulot ng kapakinabangan ay bukod-tanging Siya lamang?” At wala nang matatagpuan sila na mga mapagkunwari bukod sa Allâh (I), para sa kanilang mga sarili bilang ‘Walee’ – Tagapangalaga o makatutulong.

18. Katiyakan, batid ng Allâh (I) ang sinumang umaatras sa ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) at ang mga nagsasabi sa kanilang mga kapatid: “Halina sumama kayo sa amin at pabayaan ninyo si Muhammad, at huwag kayong makipaglaban kasama niya; dahil natatakot kami na mamatay kayo pagkamatay niya.” At sa ganitong pag-aalinlangan at karuwagan ay walang nagsitungo sa kanila sa pakikipaglaban kundi kakaunti lamang; bilang ‘Riyâ`’ (pagpapakitang-tao) para mapamalita lamang na sila ay sumama at pagkatakot sa kahihiyan.

19. Sila ay mga maramot sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ng kanilang kayamanan, sarili, pagtitiyaga at pagmamahal, dahil ang nasa kanilang mga puso ay galit at pagkainggit; at pagmamahal ng buhay sa daigdig at pagkatakot mamatay, at kapag nangyari ang labanan ay natatakot silang mamatay at nakikita mo sila na nakatingin sa iyo na umiikot ang kanilang paningin sa pagkawala nila sa kanilang sarili dahil sa takot mamatay at paghahangad na tumakas, na parang pag-ikot ng paningin ng isang naghihingalo, at kapag natapos na ang labanan at nawala na sa kanila ang takot ay pagsasalitaan nila kayo ng mga masasamang salita na nakasasakit ng kalooban at makikita mo sila habang hinahati-hati ang ‘Ghanâim’ na mga maramot at mapag-imbot, na kung kaya, sila ang mga yaong walang pananampalataya sa kanilang mga puso, na inalis ng Allâh (I) ang gantimpala ng kanilang mga gawain (nawalan ng kabuluhan) at ito ay napakadali para sa Allâh (I).

20. Iniisip ng mga mapagkunwari na ang mga ‘Al-Ahzâb’ (grupo na nagsama-sama upang kubkubin at ubusin ang mga mananampalataya) na tinalo ng Allâh (I) nang masamang pagkatalo ay hindi pa nakaalis; dahil sa tindi ng kanilang takot at karuwagan, na kahit na bumalik pa ang mga grupong ito na mga sundalo sa Madinah ay aasamin pa rin ng mga mapagkunwari na sana ay nakaalis sila ng Madinah at nandoroon na sila sa mga malalayong lugar ng mga Bedouin na gumagala-gala na sumasagap na lamang ng mga balita hinggil sa inyo, at kahit na kasama pa ninyo sila ay walang makikipaglaban sa kanila na kasama ninyo kundi kakaunti lamang; dahil sa tindi ng kanilang karuwagan at hina ng kanilang kalooban.

21. Katiyakan, para sa inyo, O kayong mga mananampalataya, sa mga sinasabi ng Sugo ng Allâh (r), sa kanyang mga ginagawa at kaugalian ay mabuting halimbawa na dapat ninyong pamarisan, na kung kaya, magpakatatag kayo sa kanyang ‘Sunnah’ dahil ang sumusunod lamang at gumagaya nito ay ang sinumang naghahangad na makatagpo ang Allâh (I) at ang mabuting gantimpala sa Kabilang-Buhay, at palaging pumupuri sa Allâh (I) at humihingi ng kapatawaran at nagpapasalamat sa Kanya sa lahat ng pagkakataon.

22. At nang masaksihan ng mga mananampalataya ang pagtitipun-tipon ng maraming grupo sa paligid ng Madinah at nakapalibot sila roon, ay napagtanto nila na ang pangako ng Allâh (I) na tagumpay ay malapit na at sinabi nila: “Ito ang ipinangako ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo na pagsubok, paghihirap at tagumpay, at tinupad na ng Allâh (I) ang Kanyang Pangako at totoo ang Kanyang Sugo sa Kanyang magandang balita.” At walang nairagdag sa kanila sa pagkakita nila ng mga grupong ito kundi karagdagang paniniwala sa Allâh (I) at pagsuko sa Kanyang pinagpasiyahan at pagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan.

23. Mayroon sa mga mananampalataya ang mga kalalakihan na tinupad nila ang kanilang pangako sa Allâh (I) at nagtiis sila sa mga pagsubok na nangyari sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga kayamanan sa oras ng pagsubok: mayroon sa kanila na natupad ang kanyang pangako at siya ay namatay sa Daan ng Allâh (I), at mayroon sa kanila ang nag-aabang ng isa sa dalawang kabutihan: tagumpay o di kaya ay pagkamatay sa labanan sa Daan ng Allâh (I), at hindi nila binago ang pangako nila sa Allâh (I) at hindi nila ito sinira ni pinalitan man na tulad ng ginawa ng mga mapagkunwari.
24. Nang sa gayon ay gantimpalaan ng Allâh (I) ang mga matatapat dahil sa kanilang katapatan at sa mga pagsubok sa kanila na sila ay ang mga yaong mananamapalataya, at parusahan ang mga mapagkunwari kung nais Niya na sila ay parusahan sa pamamagitan ng hindi paggabay sa kanila tungo sa totoong pagsisisi bago sila mamatay at sila ay mamamatay na walang pananampalataya na karapat-dapat sa Impiyernong-Apoy, o di kaya ay patatawarin sila na sila ay gagabayan tungo sa pagsisisi at pagbabalik-loob. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng mga nagmalabis laban sa kanilang mga sarili kapag sila ay nagsipagsisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila; dahil sila ay ginabayan sa makatotohanang pagsisisi.

25. At itinaboy ng Allâh (I) ang maraming grupo ng mga walang pananampalataya mula sa Madinah na mga hamak, talunan at poot sa kanilang mga sarili, dahil wala silang nakamtan na kabutihan dito sa daigdig at gayon din sa Kabilang-Buhay. At naging sapat na ang Allâh (I) para sa mga mananampalataya sa kanilang labanan dahil sa Kanyang pagkaloob sa kanila ng mga kaparaanan para magwagi. At ang Allâh (I) ay ‘Qawee’ – Pinakamalakas na hindi nagagapi, na ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagmamay-ari at kaharian.

26. At pinababa ng Allâh (I) ang mga Hudyo na mula sa Banu Quraydah sa kanilang mga kuta; na siyang nakipagtulungan sa mga grupo ng mga walang pananampalataya sa pakikipaglaban sa mga Muslim at inilagay ng Allâh (I) ang pagkatakot sa kanilang mga puso at natalo sila; pinatay ninyo ang ilan mula sa grupo nila at binihag naman ninyo ang iba.

27. At sinanhi ng Allâh (I) na manahin ninyo ang kanilang mga lupain at mga tahanan, at gayon din ang kanilang mga yaman na tulad ng mga alahas, sandata at mga hayop, at gayon din ang mga nakatigil na kayamanan na tulad ng kanilang sakahan, mga tahanan at mga matitibay na mga kuta, at ipinamana rin sa inyo ang lugar na di pa ninyo nayapakan (o nararating) noon; dahil sa ito ay guwardyado, nakabakod at napakahalaga sa nagmamay-ari nito. At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay na Siya ay May Kakayahang gawin ang lahat ng bagay na walang sinuman ang makagagapi sa Kanya.

28. O Propeta! Sabihin mo sa mga asawa mo na sila ay nagtipun-tipon sa iyong harapan, na humihingi ng karagdagang panustos: “Kung kayo ay nagnanais ng karangyaan ng buhay sa daigdig at ng kinang nito ay humarap kayo sa akin at pasisiyahin ko kayo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kakaunting makamundong bagay na mayroon ako at bibigyan ko kayo ng laya (o makikipaghiwalay) ako sa inyo sa kaparaanan na napakahusay.

29. “At kung nais naman ninyo ang pagmamahal ng Allâh (I) at pagmamahal ng Kanyang Sugo at ang anumang inihanda ng Allâh (I) sa inyo sa Kabilang-Buhay ay pagtiisan ninyo ang anuman na mayroon kayo, at sumunod kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo dahil sa ang Allâh (I) ay inihanda Niya para sa mga mabubuti mula sa inyo ang dakilang gantimpala – at sa katunayan ay pinili nila ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo, at ang anumang inihanda para sa kanila sa Kabilang-Buhay.”

30. O kayong mga asawa ng Propeta! Sino man sa inyo ang makagawa ng malinaw na kasalanan ay dodoblehin sa kanya ang kaparusahan. Na dahil sa inyong mataas na antas sa paningin ng Allâh (I) ay ipinantay din Niya ang pagbibigay ng matinding parusa sa sinumang nakagawa ng kasalanan sa inyo; bilang proteksiyon sa inyong karangalan at karangalan ng Sugo ng Allâh (I). At ang pagpaparusang ito ay napakadali lamang para sa Allâh (I).
31. At sinuman sa inyo ang susunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng anumang ipinag-utos ng Allâh (I) na kabutihan ay pagkakalooban Namin siya ng dobleng gantimpala sa kanyang gawa na higit kaysa sa ibang kababaihan, at inihanda Namin sa kanya ang marangal na kabuhayan na ito ay ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).

32. O mga asawa ng Propeta! Hindi kayo katulad ng ibang mga kababaihan sa antas at karangalan. Kapag pinanatili ninyo ang takot sa Allâh (I), samakatuwid ay huwag kayong makipag-usap nang malumanay na pananalita sa mga kalalakihan (na hindi ninyo ‘Mahram’) upang hindi mahumaling ang puso ng inyong mga kausap sa inyo, at ito ay obligadong pag-uugali sa lahat ng kababaihan na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, at magsalita kayo sa marangal na kaparaanan na pakikipag-usap na malayo mula sa anumang masamang paghihinala, na hindi ipinagbabawal ng batas.

33. At manatili kayo sa inyong mga tahanan at huwag kayong lumabas mula rito kung hindi kinakailangan, at huwag ninyong ilantad ang inyong mga kagandahan na tulad ng mga kababaihan noong una na kapanahunan ng kamangmangan bago dumating [55] ang Islâm na dala-dala ni Propeta Muhammad (r), na katulad din ng ginagawa sa kapanahunan ngayon ng mga kababaihan: mga nakadamit subali’t parang nakahubad dahil nababakas ang hugis ng katawan na naglalantad ng kanilang kagandahan.

At isagawa ninyo ang ‘Salâh’ sa tamang oras sa ganap na kabuuan nito, at ibigay ninyo ang ‘Zakâh’ – obligadong kawanggawa na katulad ng pag-uutos ng Allâh (I), at sumunod kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa anumang pag-uutos at pagbabawal, na samakatuwid, pinapayuhan kayo ng Allâh (I) ng ganito; upang linisin kayo at ilayo kayo mula sa kapahamakan, kasamaan, at pagiging masama, O kayong pamilya ng Propeta – na kabilang sa kanila ay ang mga asawa ng Propeta at kanyang mga anak – at lilinisin ang inyong mga kalooban ng paglilinis na pinakadalisay.

34. At alalahanin ninyo ang anuman na binibigkas sa inyong mga tahanan na mga Talata ng Allâh (I) na Qur’ân, at ‘Hikmah’ – mga katuruan at kaparaanan ng Sugo ng Allâh (I), at isagawa ninyo at ibigay ninyo ang tamang karapatan para rito, dahil sa ito ay kabilang sa mga biyaya ng Allâh (I) sa inyo, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Lateef ’ – Pinakadalubhasa na may kakayahan na gawin ang lahat ng bagay para sa inyo dahil inilagay sa inyong mga tahanan ang binibigkas na mga talata ng Allâh (I) at ang ‘Sunnah,’ na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Tagapagmasid sa inyo na pinili Niya kayo bilang mga asawa ng Kanyang Sugo.

35. Katiyakan, ang mga kalalakihan at mga kababaihan na ‘Muslim’ (nagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh), at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na mananampalataya, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na masunurin sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na mga matatapat sa kanilang mga salita, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na matiisin sa pamamagitan ng paglayo sa kanilang mga sariling pagnanasa at pagsunod sa kanilang mga sariling kagustuhan at matiisin sa anumang kahirapan na kanilang nararanasan, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na may takot sa Allâh (I), at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na nagbibigay ng kawanggawa, obligado man o hindi, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na nagsasagawa ng pag-aayuno, obligado man o hindi, at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na inaalagaan nila ang kanilang mga pribadong bahagi na hindi makagawa ng kahalayan at pakikiapid at kahit na ang umpisa lamang nito at hindi sila nagpapakita ng kanilang mga ‘`Awrah,’ at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na mga pumupuri nang labis sa Allâh (I) sa pamamagitan ng kanilang mga puso at mga dila – ang Allâh (I) ay naghanda para sa kanila ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at dakilang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).
36. At hindi marapat sa sinumang mananampalataya, lalaki man o babae, na kapag nagpasiya ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo para sa kanila ng isang kapasiyahan bilang batas ay lalabag sila, na pipiliin nila ang anumang hindi pinagpasiyahan para sa kanila. At ang sinumang lalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay walang pag-aalinlangang lumayo sa Tamang Landas nang malinaw na pagkakalayo.

37. At tandaan noong sinabi mo, O Muhammad (r), sa kanya – na biniyayaan ng Allâh (I) ng Islâm, na siya ay si Zayd Ibnu Harithah na pinalayang-alipin at inampon ng Propeta – at biniyayaan siya sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanya: “Panatilihin mo ang iyong asawa na si Zainab Bint (anak ni) Jahsh na huwag mong hiwalayan, at katakutan mo ang Allâh (I), O Zayd!” Subali’t kinikimkim mo sa iyong sarili, O Muhammad, ang anumang ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo, na paghiwalay ni Zayd sa kanyang asawa at pagkatapos ay ibibigay Niya siya sa iyo bilang iyong asawa, at ang Allâh (I) ay inilantad Niya ang anumang kinimkim mo, at natatakot ka sa mga taong mapagkunwari na sasabihin nila: “Pinakasalan ni Muhammad ang hiniwalayan ng kanyang inampon,” gayong ang Allâh (I) ay Siyang higit na may karapatan na dapat mong katakutan.

At nang naisakatuparan na ni Zayd ang kanyang pangangailagan sa kanya bilang asawa, at hiniwalayan na niya at natapos na ang panahon na dapat na makalipas pagkatapos ng paghihiwalay ay ipinakasal Namin siya sa iyo, upang ipakita ang katotohanan na sila ay walang ugnayang magkamag-anak (hindi sila mag-ama); nang sa gayon, ikaw ay maging halimbawa sa pag-alis ng kinaugalian na pagbabawal ng pag-aasawa sa asawa ng inampon pagkatapos niya itong hiwalayan, at ito ay hindi magiging kasalanan sa mga mananamapalataya na pakakasalan nila ang mga napangasawa ng sinuman na kanilang inampon na mga kalalakihan pagkatapos nila itong hiwalayan, kapag naisakatuparan na nila sa kanilang mga asawa ang kanilang pangangailangan bilang asawa.

At ang kagustuhan ng Allâh (I) ay katiyakang magaganap, na walang sinuman ang makahaharang at makapipigil sa Kanya.

38. Hindi kasalanan sa Propeta na si Muhammad (r) sa ipinahintulot ng Allâh (I) sa kanya na mapangasawa niya ang naging asawa ng kanyang inampon pagkatapos itong hiwalayan, na katulad ng pagpapahintulot sa mga naunang Propeta bago ang pagkakapadala sa kanya, na ito ay batas ng Allâh (I) noon pa man sa mga naunang tao, at ang pag-aatas ng Allâh (I) ay itinakda na karapat-dapat na maisakatuparan.

39. Ang mga yaong ipinarating ang mensahe ng Allâh (I) sa sangkatauhan at natakot sila sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na wala silang kinakatakutan na sinuman bukod sa Kanya. At sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapaghukom sa Kanyang mga alipin sa lahat ng kanilang mga gawain at Tagapagmasid sa kanila.

40. Si Muhammad (r) ay hindi ama ng kahit na sinuman sa inyo na mga kalalakihan, kundi siya ay Sugo ng Allâh at ang pinakaselyado o pinakahuli sa lahat ng mga Propeta, kaya wala nang Propetang isusugo pagkatapos niya hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay na inyong ginagawa at walang anuman ang naililihim sa Kanya.

41-42. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, purihin ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng inyong puso at mga dila at buo ninyong pangangatawan nang maraming papuri, maging abala kayo sa mga oras ninyo sa pagpuri sa Allâh (I) sa umaga at hapon, at pagkatapos ng inyong mga obligadong ‘Salâh,’ at sa mga pagbabago ng mga pangyayari at mga kadahilanan, dahil ito ay ipinag-uutos bilang pagsamba sa Allâh, na nag-aakay tungo sa pagmamahal ng Allâh (I), at pagpigil sa dila sa anumang pagsasabi ng mga kasalanan at nag-aakay tungo sa paggawa ng lahat ng kabutihan.

43. Siya ang Allâh (I) na nagmamahal at pumupuri at nagpaparangal sa inyo, at nanalangin din para sa inyo ang Kanyang mga anghel; upang alisin kayo mula sa kadiliman ng kamangmangan at pagkaligaw tungo sa Liwanag ng Islâm, at ang Allâh (I) ay Pinakamapagmahal sa mga mananampalataya sa daigdig at Kabilang-Buhay, at hindi Niya sila pinarurusahan hanggang sila ay sumusunod na dalisay ang kanilang mga layunin.

44. Ang pagbabatian para sa kanila na mga mananampalataya mula sa Allâh (I) sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Araw na makatatagpo nila ang Allâh (I) ay ‘Salâm’ (kapayapaan), at kaligtasan para sa kanila mula sa kaparusahan ng Allâh (I). At walang pag-aalinlangang inihanda ng Allâh (I) sa kanila ang masaganang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah’ – Hardin.
45-46. O Propeta! Katiyakan, ipinadala ka Namin bilang testigo sa iyong sambayanan na naiparating mo sa kanila ang mensahe, at isang tagapagdala ng magandang balita sa mga mananampalataya hinggil sa Habag ng Allâh (I) at Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin), at isang Tagapagbabala sa mga masasama at walang pananampalataya hinggil sa Impiyernong-Apoy, at nag-aanyaya tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya bilang pag-uutos Niya nito sa iyo, at bilang isang ilawan na kumakalat na liwanag sa sinumang nagnanais na maliwanagan nito, na kung kaya, ang gawain mo ay malinaw sa anumang dala-dala mong katotohanan na kasingliwanag ng sikat ng araw, na walang sinumang tatanggi nito maliban sa isang nagmamatigas.

47. At ipahayag mo, O Muhammad, ang magandang balita para sa mga mananampalataya na ang para sa kanila mula sa Allâh (I) ay Dakilang Gantimpala na ito ay mga Hardin sa parang sa ‘Al-Jannah.’

48. At huwag mong sundin, O Muhammad (r), ang mga walang pananampalataya at mga mapagkunwari sa kanilang sinasabi at huwag mo silang pagtuunan ng pansin, at hindi sila makahahadlang sa pagpaparating mo ng mensahe, at magtiwala ka nang buung-buo sa Allâh (I) sa lahat ng iyong gawain at ipaubaya mo ang iyong sarili sa Kanya; dahil Siya sa katunayan ay sapat na sa iyo bilang ‘Wakeel’ – Tagapangalaga sa anumang iyong pasanin hinggil sa mga bagay na makamundo at sa Kabilang-Buhay.

49. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas! Kapag kayo ay nagpakasal sa mga mananampalatayang kababaihan at hindi nangyari ang pagtatalik sa kanila pagkatapos at hiniwalayan ninyo sila nang hindi ito nangyari, ay wala na kayong karapatan sa kanila na magkaroon pa ng ‘Iddah’ (nakatakdang panahon ng paghihintay) bago sila maaaring makapag-asawang muli. Na kung kaya, bigyan ninyo sila mula sa inyong mga yaman bilang pagpapasaya sa kanila na nababatay sa inyong kakayahan, na bilang pampalubag-loob din sa kanila, at bigyan ninyo sila ng kalayaan sa napakahusay na kaparaanan at ilihim ninyo ang pangyayari hanggang maaari, na sila ay hindi mapapahiya o mapapahamak man.

50. O Propeta! Katiyakan, ipinahintulot Namin sa iyo ang iyong mga asawa, na kung saan naibigay mo sa kanila ang kanilang mga ‘Mahr,’ at ganoon din ipinahintulot din Namin sa iyo ang sinumang babae na naging alipin mo mula sa mga ipinagkaloob ng Allâh (I) na biyaya sa iyo, at ipinahintulot din Namin sa iyo na mapangasawa ang mga anak na babae ng iyong tiyuhin sa ama at ang mga anak na babae ng iyong tiyahin sa ama, at ang mga anak na babae ng iyong tiyuhin sa ina at ang mga anak na babae ng iyong tiyahin sa ina na nangibang-bayan kasama ka, at ipinahintulot din Namin sa iyo na mapangasawa ang sinumang mananampalatayang babae na inialok niya bilang mapapangasawa ang kanyang sarili sa iyo nang walang anumang ‘Mahr’ kung nais mo na siya ay iyong mapangasawa, at ang ganitong panuntunan ay para lamang sa iyo, subali’t hindi maaari sa iba na pakakasalan nila nang walang ‘Mahr’ ang babaeng nag-alok ng kanyang sarili bilang mapapangasawa.

Katiyakan, batid Namin kung ano ang Aming ipinag-utos sa mga mananampalataya hinggil sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga alipin, na sila ay hindi maaaring makapag-asawa nang higit sa apat na mga kababaihan, at bukod dito ay sa sinuman na kanilang nais mula sa kanilang mga alipin at bilang itinala na panuntunan ay ang ‘Walee’ (tagapangalaga ng babae), ‘Mahr’ at saksi, subali’t ikaw sa bagay na ito ay pinahintulutan ka Namin, na ipinahintulot Namin sa iyo ang hindi Namin ipinahintulot sa iba; upang hindi ka magdamdam hinggil sa pag-aasawa sa sinumang nais mong pakasalan mula sa mga ganitong uri ng mga kababaihan. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang mga alipin na mga mananampalataya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang pagiging mapagbigay sa kanila at pagiging napakamaawain.
51. Maaari mong iantala ang sinuman na iyong nais mula sa iyong asawa hinggil sa kanyang karapatan na bahagi ng panahon na para sa kanya na ikaw ay makikitulog sa kanya, at isinasama mo sa iyong paglalakbay ang sinuman na iyong nais sa kanila, at sinuman ang nais mo na iyong inantala mula sa kanila ang kanyang karapatan na panahon, ay wala kang kasalanan hinggil sa bagay na ito, dahil itong ginawa mong pagpili ay mas malapit doon sa kanilang kasiyahan at hindi sila nagdalamhati, na masiyahan silang lahat sa anumang pagbaha-bahagi ng panahon na ginawa mo sa kanila. At ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam sa mga puso ng mga kalalakihan kung sino ang mas malapit sa kanila mula sa kanilang mga asawa na higit kaysa sa iba. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa niloloob ng mga puso, na ‘Haleem’ – Ganap Maunawain na hindi Niya minamadali ang parusa sa sinumang lumabag sa Kanya.

52. Hindi na ipinahintulot sa iyo na mapangasawa ang ibang mga kababaihan pagkatapos nito (ang mga napakasalan mo na nasa ilalim ng iyong pangangalaga bilang asawa) at maging ang mga yaong ipinahintulot Namin sa iyo – na sila ay ang mga yaong nabanggit sa ika-50 talata ng parehong kabanata – at ang sinumang nasa ilalim ng iyong pangangalaga na mga asawa mo mula sa mga kababaihan na nabanggit ay hindi mo maaaring hiwalayan at mag-asawa ka ng iba bilang kapalit nila, kahit na ang ganda pa nito ay kaakit-akit sa iyo, subali’t ang pag-aasawa bilang karagdagan sa mga asawa mo na hindi ka gagawa ng paghiwalay ng kahit na isa sa kanila ay walang kasalanan para sa iyo, at sinumang nasa ilalim ng iyong pangangalaga na pagmamay-ari mong alipin ay ipinahintulot sila sa iyo na mapangasawa kung ito ay nais mo. At ang Allâh (I) ay ‘Raqeeb’ – Ganap na Tagapagmasid sa lahat ng bagay nang sabay-sabay na walang anuman ang naililihim sa Kanyang Kaalaman.

53. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanya! Huwag kayong pumasok sa mga tahanan ng Propeta, maliban sa kung ibinigay sa inyo ang pahintulot para sumalo kayo sa pagkain, at hindi masyadong maaga na matatagalan pa kayo sa paghihintay para sa paghahanda nito.

Na kung kaya, kapag inanyayahan kayo ay pumasok kayo, at kapag natapos na kayong kumain ay umalis na kayo kaagad na hindi na kayo kinakailangan pang makihalubilo na mag-uusap-usap kayo sa isa’t isa; dahil ang inyong karagdagang pananatili ay hindi kaiga-igaya sa Propeta, subali’t siya ay nahihiya na paalisin kayo mula sa kanyang mga tahanan kahit na ito ay kanya pang karapatan, at ang Allâh (I) ay hindi nahihiya na linawin ang katotohanan at ilantad ito.

At kapag tinanong ninyo ang mga asawa ng Propeta hinggil sa anumang pangangailangan mula sa mga kagamitan sa bahay at iba pa ay magtanong kayo mula sa kabila ng tabing (kayo ay nasa kabila ng tabing); dahil ito ang mas nakalilinis sa inyong mga puso at sa kanilang mga puso mula sa anumang sumasagi sa mga kalalakihan na patungkol sa kababaihan at gayundin sa mga kababaihan na patungkol sa mga kalalakihan; dahil ang pagkikita ay nagiging dahilan ng ‘Fitnah’ (kasalanan o kapahamakan). At hindi makatarungan na masaktan ninyo ang kalooban ng Propeta at kailanman ay hindi rin ninyo maaaring mapangasawa ang kanyang mga asawa pagkatapos ng kanyang pagkamatay, dahil sila ay inyong mga ina (sila ay itinuring ng Allâh na mga Ina ng mga Mananampalataya) at hindi maaari sa lalaki na mapangasawa niya ang kanyang ina, at ang anumang ikinasasama sa kalooban ng Propeta na mula sa inyo at pagpapakasal sa kanyang mga asawa pagkatapos niya silang mga naging asawa ay itinuturing na malaking kasalanan sa paningin ng Allâh (I). (Walang pag-aalinlangan, sumunod ang ‘Ummah’ na ito sa pag-uutos at umiwas sa anumang ipinagbabawal ng Allâh).

54. Kung ilalantad ninyo ang anumang bagay sa pamamagitan ng inyong pananalita, O kayong mga tao, na nakasasakit sa Sugo ng Allâh mula sa ipinagbabawal sa inyo, o di kaya ay ilihim na lamang ninyo ang mga ito sa inyong mga sarili, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam kung ano ang nasa sa inyong mga puso at kung ano ang inyong mga inilalantad, at ayon dito kayo ay Kanyang tutumbasan.

55. Walang kasalanan ang mga kababaihan kung sakaling hindi na sila mag-‘Hijab’ (magtalukbong ng kanilang mga ulo na bahagi lamang ng mukha ang nakalantad) sa pakikipagharap nila sa kanilang mga ama, mga anak, mga kapatid na kalalakihan, mga anak ng mga kapatid na kalalakihan, mga anak ng kapatid ng mga kababaihan, mga kababaihan na mga mananampalataya, at ang mga alipin na mga kalalakihan na sila ang nagmamay-ari dahil sa tindi ng pangangailangan nila sa mga ito para manilbihan sa kanila. At matakot kayo sa Allâh (I), O kayo na mga kababaihan, nang sa gayon ay makaiwas kayo sa paglabag sa hangganang itinakda Niya para sa inyo sa pamamagitan ng paglalantad ng inyong kagandahan doon sa mga ipinagbabawal sa inyo, o di kaya ay hindi kayo magsusuot ng ‘Hijab’ sa harapan ng mga tao na dapat naka-‘Hijab’ kayo kapag sila ay inyong kaharap. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Shaheed’ – Ganap na Tagapagmasid sa lahat ng bagay, na Siya ay Saksi sa mga gawain ng Kanyang mga alipin, lantad at saka lihim, at ayon dito sila ay tutumbasan.

56. Katiyakan, ang Allâh (I) ay pinarangalan Niya ang Kanyang Propeta sa Kanyang mga malalapit na mga anghel, at ganoon din ang Kanyang mga anghel ay pinupuri nila ang Propeta at nananalangin sila para sa kanya. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at sumunod sa Kanyang Batas, pumuri rin kayo at manalangin para sa Sugo ng Allâh, at magsagawa ng tunay na pagbati ng ‘Salâm’ (kapayapaan) bilang pagbati at pagdakila sa kanya.

Ang pamamaraan ng ganitong pagpupuri, pananalangin para sa Propeta ay naitala sa ‘Sunnah’ sa iba’t ibang kalagayan at kaparaanan at kabilang rito; “Al-la-hum-ma sal-li `a-lâ Muhammad wa `a-lâ â-li Muhammad ka-mâ sal-lay-ta `â-lâ Ibrâhim wa `a-lâ â-li Ibrâhim in-na-ka ha-mi-don ma-jîd, Al-la-hum-ma bâ-rik `a-lâ Muhammad wa `a-lâ â-li Muhammad kamâ bâ-rak-ta `a-lâ Ibrâhim wa `a-lâ â-li Ibrâhim in-na-ka hamidun majîd.”

Ang pagkakasalin ng kahulugan: “O Allah! Padalhan mo ng ‘Salât’ (mga biyaya, mga karangalan at mga kagandahang-loob) si Muhammad at ang mga pamilya ni Muhammad, na tulad ng pagpadala Mo ng ‘Salât’ kay Ibrâhim at sa mga pamilya ni Ibrâhim sapagka’t Ikaw ay ‘Hameedum Majeed:’ ‘Hameed’ – Karapat-dapat sa lahat ng papuri na Ganap na Pinupuri sa Kanyang mga katangian at mga gawa sa lahat ng pagkakataon, na ‘Majeed’ – Karapat-dapat sa lahat ng papuri na Ganap na Pinupuri sa Kanyang Kataas-Taasan at Karangalan sa lahat ng pagkakataon. O Allah! Padalhan mo ng mga biyaya si Muhammad at ang mga pamilya ni Muhammad, na tulad ng pagpapadala Mo kay Ibrâhim at sa mga pamilya ni Ibrâhim, sapagkat Ikaw ay ‘Hameedum Majeed.’”

57. Katiyakan, yaong mga niyayamot nila ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pasagawa nila ng ‘Shirk’ – pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) o pagtatambal sa pagsamba, o di kaya ay sa pagsagawa nila ng iba pang mga kasalanan, at ganoon din niyayamot nila ang Sugo ng Allâh sa pamamagitan ng kanilang mga salita o di kaya ay sa mga gawa, inilayo sila ng Allâh (I) at itinaboy mula sa anumang kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at inihanda para sa kanila sa Kabilang-Buhay ang masidhing kaparusahan na siyang magpapahamak sa kanila.

58. At ganoon din, niyayamot nila ang mga mananampalatayang kalalakihan at kababaihan sa salita o sa gawa na wala naman silang nagawang kasalanan sa kanila, katiyakan, sinuman ang nakagawa nito ay nagkasala nang matinding pagsisinungaling at paninira at nakagawa sila ng malinaw na kasalanan na magiging dahilan ng pagpaparusa sa kanila sa Kabilang-Buhay.

59. O Propeta! Sabihin mo sa iyong mga asawa, sa iyong mga anak na kababaihan, at sa mga kababaihan na mga mananampalataya na takpan nila ang kanilang mga ulo at kanilang mga mukha hanggang sa bahagi na kanilang mga kasuotan; upang matakpan ang kanilang mga mukha, mga dibdib at mga ulo; ito ang pinakamalapit upang sila ay maiba sa pamamagitan ng pagtakip at pangangalaga, upang hindi nila mailagay sa kapahamakan ang kanilang mga sarili o di kaya ay sa pagkayamot. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal na pinatatawad Niya kayo sa anuman na dati ninyong nagawa at kinaawaan kayo sa paglilinaw sa inyo ng ipinahintulot at ipinagbawal.

60-61. Kapag hindi tumigil ang mga yaong mapagkunwari na kinikimkim nila ang pagtanggi at inilalantad nila ang paniniwala at may mga pag-aalinlangan sa kanilang mga puso, at ang mga yaong nagkakalat ng kasinungalingan at maling balita sa siyudad ng Sugo ng Allâh – Madinah – mula sa kanilang pagiging masama at pamiminsala, ay gagapiin Namin sila, pagkatapos ay hindi na sila magkakaroon ng kakayahan na manatili nang matagal na kasama mo bilang iyong kapitbahay. Na sila ay ipagtatabuyan mula sa Awa ng Allâh (I), at kung saan man sila matagpuan na lugar ay bihagin at patayin sila hangga’t sa sila ay nananatili sa kanilang pagkukunwari at pagkalat ng mga paninira sa pagitan ng mga Muslim upang sirain at ipahamak sila.

62. Ito ang pamamaraan ng Allâh (I) at ang Kanyang pakikitungo sa mga mapagkunwari na mga naunang tao na sila ay binibihag at pinapatay kahit saan man sila naroroon, at hindi ka na makatatagpo ng anumang pagbabago, O Muhammad (r), sa batas ng Allâh (I).


63. Tinatanong ka ng mga tao, O Muhammad (r), patungkol sa pagkagunaw ng daigdig bilang pag-iinsulto at pagpapasinungaling, sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, ang kaalaman hinggil sa pagkagunaw ng daigdig ay nasa Allâh (I) lamang. Ano ba ang alam mo, O Muhammad, hinggil sa bagay na ito kung ito ba ay malapit nang mangyari? At ang lahat ng tiyak na darating ay katiyakang malapit na!”
64-66. Katiyakan, ang Allâh (I) ay inilayo Niya sa Kanyang Awa rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ang mga walang pananampalataya, at inihanda Niya para sa kanila ang Apoy na matindi ang init sa pagkakalagablab nito, na manatili sila roon magpasawalang-hanggan, at hindi na sila makatatagpo pa roon ng sinumang masasandalan at magtatanggol sa kanila, at hindi na rin sila makatatagpo ng tutulong sa kanila, upang sila ay ilabas sa Impiyerno. Sa Araw na pagbabaling-balingin ang mga mukha ng mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy at kanilang sasabihin bilang pagsisisi at kalituhan: “Sana ay sinunod namin ang Allâh (I) at sinunod namin ang Kanyang Sugo sa daigdig, upang kami ay maging kabilang sa mga makapapasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).”

67-68. At sasabihin ng mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, sinunod namin ang aming mga pinuno sa pagkaligaw at ang mga nakatataas mula sa amin sa pagsamba ng iba, na kung kaya, inilihis nila kami mula sa Daan ng Gabay at Paniniwala. O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Parusahan Mo sila nang doble sa parusa na ipinaparusa Mo sa amin, at isumpa Mo sila at ilayo Mo sila mula sa Iyong Awa nang matinding pagkakalayo.”

Narito sa talatang ito ang patunay na ang pagsunod sa iba bukod sa Allâh (I) ay nangangahulugan ng paglabag sa Kanyang kautusan at sa kautusan ng Kanyang Sugo, na siyang tunay na dahilan ng pagkapoot at parusa ng Allâh (I), na kung kaya, ang sumunod at saka ang yaong sinunod ay magkasama sa parusa, na kung kaya, mag-ingat ka bilang isang Muslim sa pagsunud-sunod.

69. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sundin ninyo ang Kanyang Sugo at huwag yamutin ang Sugo ng Allâh sa salita man o sa gawa, at huwag ninyong gayahin ang ginawa na pagyamot ng mga tao sa Propeta ng Allâh na si Mousã (u) at iniligtas siya ng Allâh (I) at nilinis mula sa anuman na kanilang sinabi na paninira at pagsisinungaling, at dakila ang kanyang antas sa Allâh (I) at ang kanyang katayuan.

70. O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sundin ninyo ang Kanyang Sugo at matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng di-paglabag sa Kanya, dahil kapag ito ay inyong ginawa ay magiging karapat-dapat kayo sa parusa, at magsalita kayo sa lahat ng inyong kalagayan at situwasyon nang matuwid na pananalita na walang anumang pagsisinungaling at kamalian.

71. Kapag kayo ay natakot sa Allâh (I) at naging tapat sa inyong pananalita ay itutuwid ng Allâh (I) para sa inyo ang inyong gawain, at patatawarin ang inyong mga kasalanan. At ang sinumang susunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa anuman na Kanyang pag-uutos at pagbabawal ay katiyakang magkakamit siya ng dakilang parangal dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

72. Katiyakan, inialok Namin ang ‘Amânah’ – na ito ay pananagutan na ipinagkatiwala ng Allâh (I) sa mga may hustong gulang at talino, ang pagsagawa ng ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal – sa mga kalangitan, sa kalupaan at kabundukan, subali’t tinanggihan nila itong pasanin at natakot sila na baka hindi nila ito maisagawa. Subali’t tinanggap at pinasan ng tao ang pananagutan na ito at ito ay kanyang sinunod kahit na siya pa ay mahina, dahil walang pag-aalinlangan, matindi siya sa pang-aapi sa kanyang sarili at kamangmangan.

73. (At pinasan ng tao ang ipinagkatiwalang ito) upang parusahan ng Allâh (I) ang mga mapagkunwari na mga kalalakihan at mga kababaihan na inilalantd nila ang pagiging Muslim bilang pakitang-tao at inililihim nila ang pagtanggi sa Allâh (I), at ang mga kalalakihan at mga kababaihan na mga nagtambal ng iba sa kanilang pagsamba sa Allâh (I), at patatawarin ng Allâh (I) ang mga kalalakihan at mga kababaihan na mga mananampalataya sa pamamagitan ng paglihim sa kanilang mga kasalanan at hindi na sila parurusahan pa. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga nagsisi mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

No comments: