Sunday, May 16, 2010

Sûrat At-Taghâbun

64
LXIV – Sûrat At-Taghâbun
[Kabanata At-Taghâbun – Ang Pagiging Talunan (ng mga papasok sa Impiyerno)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Pumupuri sa Allâh (I) at inilalayo sa anumang bagay na hindi karapat-dapat sa Kanyang Kamaharlikaan ang lahat ng mga nasa kalangitan at mga nasa kalupaan, at Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang walang hanggang pangangasiwa sa lahat ng bagay, at sa Kanya rin ang pinakamabuting pagpupuri, at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na may Kakayahang gawin ang lahat ng bagay (na Kanyang naisin).

2. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa inyo mula sa wala, subali’t ang iba sa inyo ay tinatanggihan ang Kanyang karapatan na Bukod-Tanging karapat-dapat lamang na sambahin, at ang iba naman sa inyo ay naniniwala sa Kanya at sumusunod sa Kanyang Batas, at Siya ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa inyong ginagawa at walang anumang naililihim sa Kanya hinggil ditto, at ayon dito kayo ay Kanyang tutumbasan.

3. Nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at ang kalupaan sa pinakaganap na karunungan, at nilikha kayo sa pinakamagandang hugis, at sa Kanya kayo magbabalik sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at tutumbasan Niya ang bawa’t isa ayon sa kanyang ginawa.

4. Batid ng Allâh (I) ang lahat ng mga nasa kalangitan at mga kalupaan, at batid Niya ang anumang inililihim ninyo sa mga pagitan ninyo, O kayong mga tao, at ang anuman na inyong inilalantad. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang ikinukubli ng mga dibdib at kinikimkim ng mga sarili.

5. Hindi ba dumating sa inyo, O kayong mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), ang kuwento ng mga yaong hindi naniwala sa Allâh (I) na mga naunang sambayanan kaysa sa inyo, na dumating sa kanila ang kaparusahan dahil sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at sa kanilang masamang gawain dito sa daigdig, at para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay masidhing parusa?

6. Itong dumating sa kanila na parusa sa daigdig, at anumang mangyayari pa sa kanila na parusa sa Kabilang-Buhay; ay dahil sa noong dumating sa kanila ang mga Sugo ng Allâh, na dala-dala nila ang mga malilinaw na talata at ang mga malilinaw na himala, ay kanilang sinabi bilang pagtanggi: “Tao lamang ba na katulad namin ang gagabay sa amin?” Na kung kaya, tinanggihan nila ang paniniwala sa Allâh (I) at tinanggihan nila ang mensahe ng mga Sugo, at tinalikuran nila ang katotohanan at hindi nila tinanggap, subali’t ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan sa kanila, na Siya ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na malayung-malayo sa lahat ng pangangailangan na ganap ang Kanyang kalayaan at di-pangangailangan sa kahit na kaninupaman, na Siya ay ‘Hameed’ – pinupuri sa Kanyang mga salita, mga gawa at mga katangian sa lahat ng pagkakataon, na Siya ay hindi nangangailangan sa kanila, at walang anumang mawawala sa Kanya sa kanilang pagkaligaw.

7. Inangkin ng mga hindi naniwala sa Allâh (I) bilang maling pag-aangkin na kailanman sila ay hindi na palalabasing pang muli mula sa kanilang mga libingan pagkatapos ng kanilang kamatayan, sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi sumusumpa ako sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na palalabasin Niya kayo mula sa inyong mga libingan na buhay, pagkatapos ay ipababatid sa inyo kung ano ang inyong ginawa sa daigdig, at ito ay napakadali lamang para sa Allâh (I).”

8. Na kung kaya, maniwala kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, O kayong mga sumasamba ng iba, at sumunod kayo sa gabay ng Banal na Qur’ân na ipinahayag Niya sa Kanyang Sugo. At ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang anumang inyong ginagawa at walang anumang naililihim sa Kanya sa inyong mga gawain at sinasabi, at ayon dito kayo ay tutumbasan sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

9. Alalahanin ninyo, ang Araw ng Pagtitipun-tipon na kung saan kayo ay titipunin ng Allâh (I) sa Araw na yaon, ang lahat ng mga nauna at ang lahat ng mga huli pang dumating, na itong Araw na ito ay lilitaw ang pagkatalo ng mga tao ng Impiyerno; dahil sa kanilang ginawang pagtanggi sa pagsunod sa Allâh (I). At ang sinumang naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang kagustuhan ay buburahin sa kanya ang kanyang mga kasalanan, at papapasukin siya sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga palasyo nito, na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at itong pagpanatili sa mga Hardin na ito ang pinakadakilang tagumpay na wala nang hihigit pa.
10. At ang mga yaong tumanggi sa paniniwala sa Allâh (I) at di-pinaniwalaan ang Kanyang mga kapahayagan at mga katibayan na Kanyang ipinagkaloob sa Kanyang mga ipinadalang Sugo, sila ang mga maninirahan sa Apoy, na sila ay mananatili roon magpasawalang hanggan, at napakasama ng kanilang patutunguhan na Impiyernong-Apoy.

11. Anuman ang nangyaring sakuna sa sinuman ay hindi ito mangyari kundi sa kapahinutulutan ng Allâh (I) mula sa Kanyang pagpapasiya at pagtatakda. At sinumang naniwala sa Allâh (I) ay gagabayan ng Allâh (I) ang kanyang puso upang maging katanggap-tanggap sa kanya ang Kanyang kagustuhan at upang siya ay mapamahal sa anuman na Kanyang pinagpasiyahan. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay na walang anuman ang naililihim sa Kanya.

12. At sumunod kayo sa Allâh (I), O kayong mga tao at magpasailalim kayo sa Kanyang kagustuhan na pag-uutos at pagbabawal, at sumunod kayo sa Kanyang Sugo sa anuman na kanyang ipinarating sa inyo mula sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kapag kayo ay tumalikod mula sa pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, ay hindi makaaapekto sa Kanyang Sugo ang inyong pagtalikod, kundi ang tungkulin lamang niya ay iparating sa inyo ang anumang mensahe na dala-dala niya at iparating nang malinaw na pagpaparating.

13. Ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na walang sinuman ang Diyos na sinasamba o may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, at sa Kanya lamang ipinauubaya ng mga mananampalataya ang kanilang mga sarili sa lahat ng larangan ng kanilang pamumuhay dahil sa kanilang paniniwala sa Kanyang Kaisahan.

14. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo! Katotohanan, mayroon sa inyong mga asawa at sa inyong mga anak ang kalaban ninyo, na pinipigilan kayo mula sa Daan ng Allâh (I) at hinaharangan kayo sa pagsunod sa Kanya, na kung kaya, maging maingat kayo sa kanila at huwag ninyo silang sundin, subali’t kapag pinalampas ninyo ang kanilang kamalian at pinabayaan na ninyo sila, at pinatawad na ninyo sila, samakatuwid walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Ganap na Mapagmahal at Napakamaawain, na pinatatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan; dahil Siya ay Napakadakila sa Kanyang Kapatawaran at malawak ang Kanyang Habag.

15. Ang inyong mga yaman at ang inyong mga anak ay walang iba kundi mga pagsubok lamang sa inyo, samantalang nasa Allâh (I) ang dakilang gantimpala sa sinumang pinili niya ang pagsunod sa Kanya kaysa sa pagsunod sa iba, at tinupad niya ang karapatan ng Allâh (I) sa kanyang kayamanan.

16. Na kung kaya, lubusin ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang inyong kakayahan sa pagkatakot sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon, at makinig kayo sa Sugo ng Allâh ng tunay na pakikinig at lubos na pag-uunawa, at sundin ninyo ang Kanyang ipinag-uutos at iwasan ninyo ang Kanyang ipinagbabawal, at gumasta kayo mula sa ipinagkaloob sa inyo ng Allâh (I) na kabuhayan; ito ang makabubuti para sa inyo. At sinuman ang ligtas sa kanyang pagiging maramot at mula sa pagpigil sa pagbibigay ng kawanggawa mula sa kanyang kayamanan, ay sila ang tunay na magkakamit ng tagumpay at magkakamit ng karangalan na kanilang minimithi.

17. Kung gagastahin ninyo ang inyong kayamanan sa Daan ng Allâh (I) na taimtim na bukal sa kalooban, ay dodoblehin ng Allâh (I) ang gantimpala sa inyong ginasta, at patatawarin Niya sa inyo ang inyong mga kasalanan. At walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Shakûr’ – Ganap na Tagapagtangkilik sa sinumang gumasta ng yaman sa pamamagitan ng Kanyang pagkakaloob nang masaganang gantimpala mula sa kanilang ginasta, na Siya ay ‘Haleem’ – Ganap na Napakalawak ng Pagpapasensiya at Pang-unawa na hindi Niya kaagad pinarurusahan ang sinumang lumabag sa Kanya.

18. At Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay na di-nakikita at nakikita, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nadadaig, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita at mga gawa.

No comments: