Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Infitâr

82
LXXXII – Sûrat Al-Infitâr [Ang Pagkakabiyak (Ng Mga Kalangitan)]

بسم الله الرحمان الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-5. Kapag nagkabiyak-biyak na ang kalangitan at nasira na ang sistema nito, at kapag nagbagsakan na ang mga bituin, at kapag ang mga karagatan ay nag-umapaw na at sumabog at kumalat na, at kapag ang mga libingan ay ibinaligtad na at binuhay nang mag-uli ang sinumang nandoroon, sa pagkakataong yaon ay mababatid ng lahat ng tao ang lahat ng kanilang ginawa, mula sa kauna-unahan hanggang sa kahuli-hulihang nagawa, at sila ay pagbabayarin para rito

6-8. O ikaw na tao, na hindi naniwala sa Muling Pagkabuhay, ano baga ang nakalinlang sa iyo, upang masamba mo ang iba bukod sa Allâh (I), na ito ang ipinantay mo sa Allâh (I) na Siyang Lumikha sa iyo, na Mapagbigay ng masagana, na karapat-dapat na pasalamatan at sundin? Na Siyang lumikha sa iyo, at ginawa Niyang ganap at matuwid ang pagkalikha sa iyo, at binuo ka Niya upang maisakatuparan mo ang iyong tungkulin, at sa anumang hugis na Kanyang ninais ay hinubog ka Niya.

9-12. Ang katotohanan ay hindi ang yaong sinasabi ninyo, na kayo sa pagsamba ninyo ng iba bukod sa Allâh (I) ay nasa tamang katwiran, kundi kayo ay hindi naniniwala sa Araw ng Paghuhukom at Pagbabayad. Subali’t walang pag-aalinlangan, nasa inyo ang mga anghel na nagmamanman sa inyo na kagalang-galang sa paningin ng Allâh (I) na tagasulat sa anumang ipinagkatiwala sa kanila upang itala ang mga ito sa talaan, at walang anuman silang nakaliligtaan sa anuman na inyong gawain at sa anuman na inyong inilihim, batid nila kung anuman ang inyong ginagawa mabuti man ito o masama.

13. Katiyakan, ang mga nagpapatupad ng karapatan ng Allâh (I) at karapatan ng Kanyang mga nilikha ang siyang nasa tunay na kasiyahan.

14-16. At katiyakan, ang mga masasama na sila ang mga yaong nagkulang sa kanilang pagpapatupad sa karapatan ng Allâh (I) at karapatan ng Kanyang mga alipin ang siyang nasa Impiyernong-Apoy, na sinusunog sila ng lagablab nito sa Araw ng Pagbabayad, at kailanman ay hindi sila maaaring lumiban mula sa parusa sa Impiyernong-Apoy, at hindi sila makakawala rito, at hindi rin sila mamamatay.

17-19. At ano ba ang makapagpapabatid sa iyo hinggil sa kadakilaan ng Araw ng Paghuhukom, at muli, ano ba ang makapagpapabatid sa iyo hinggil sa kadakilaan ng Araw ng Paghuhukom? Sa Araw ng Paghuhukom ay wala nang magagawa ang sinuman para sa kapakinabangan ng sinuman, at ang Pangunguntrol sa Araw na yaon ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi na hindi nagagapi ng kahit na sino, at hindi mapipigil at hindi madaraig ng sinuman.

No comments: