Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Mursalât

77
LXXVII – Sûrat Al-Mursalât
[Kabanata Al-Mursalât – Yaong Mga Ipinapadala (Na Mga Hangin O Mga Anghel)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-7. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga hangin kapag ito umiihip nang tuluy-tuloy at nag-uunahan sa isa’t isa, at sa pamamagitan ng mga hangin na matindi ang pagdaluyong na nakapipinsala at sa mga anghel na pinagkatiwalaan sa pagkalat ng mga hangin tungo sa kung saan nais ng Allâh (I). At sa mga anghel na bumababa mula sa Allâh (I) na dala-dala nila ang mensahe na nagpapahiwalay ng katotohanan sa kamalian, at ang ipinahintulot sa ipinagbawal, at sa mga anghel na tumatanggap ng mga kapahayagan mula sa Allâh (I) at ibinaba sa Kanyang mga Propeta; na ito ang padala ng Allâh (I) upang walang anumang ikakatwiran ang Kanyang mga nilikha at bilang babala mula sa Kanya para sa kanila; upang wala na silang anumang katibayan. Katiyakan, ang anumang ipinangako sa inyo hinggil sa Kabilang-Buhay at anumang naroroon na paghuhukom at pagbabayad ay katiyakan na magaganap na walang pag-aalinlangan.

8-15. Kapag nawalan na ng liwanag ang mga bituin, at kapag nagkabiyak-biyak na ang kalangitan, at kapag nagliparan na ang mga kabundukan at kumalat nang parang alikabok na ikinalat ng hangin, at kapag itinakda na sa mga Sugo ang Oras upang hukuman ang pagitan nila at ang mga tao, na sa kanila sila ay ipinadala, sasabihin: “Gaano ba kadakila ang Araw na ito na kung saan inantala ang mga Sugo?” Inantala hanggang dumating ang Araw ng Pagpasiya at Paghuhukom sa pagitan ng mga nilikha. At ano ang makapagpapabatid sa iyo, O ikaw na tao, kung ano ang Araw ng Paghuhukom na ito at kung gaano ang kagimbal-gimbal na mangyayari roon? Matinding kapighatian sa Araw na yaon sa mga di-naniwala sa ipinangakong Araw na ito!

16-18. Hindi ba pinuksa Namin ang mga naunang sambayanan; dahil sa kanilang di-paniniwala sa mga Sugo na tulad ng sambayanan ni Nûh, ni `Âd at ni Thamoud? Pagkatapos ay isusunod Namin ang mga huli pang dumating na mga sambayanan na mga katulad din nila sa di-paniniwala at paglabag. Ang katulad nitong matinding pagpupuksa ay gagawin din Namin sa mga masasama mula sa mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah; dahil sa kanilang di-paniniwala sa Sugong si Propeta Muhammad. Ganito Kami makitungo sa mga kriminal at mga tumanggi sa katotohanan.

19. Kapighatian at pagkawasak sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa sinumang hindi naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), sa pagka-Propeta ni Propeta Muhammad, sa Muling Pagkabuhay at Paghuhukom!


20-23. Hindi ba nilikha Namin kayo, O kayong mga walang pananampalataya mula sa walang halaga na lusaw na bagay na ito ay ‘Nutfah,’ at pagkatapos inilagay Namin itong lusaw na bagay na ito sa matatag at ligtas na lugar na ito ay sinapupunan ng kababaihan, hanggang sa dumating ang itinakdang oras na ito ay mabuo, na bukod-tanging ang Allâh (I) lamang ang Siyang Nakaaalam? At itinakda Namin ang paglikha nito, paghugis nito at pagluluwal nito, at Kami ang pinakamabuting Tagapagtakda.

24. Kapighatian at pagkawasak sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga hindi naniwala sa Aming kapangyarihan!

25-27. Di ba nilikha Namin ang kalupaang ito na kung saan sa ibabaw nito kayo ay namumuhay, na nagsasama-sama sa ibabaw nito ang lahat ng may buhay na hindi kayang bilangin, at ganoon din sa ilalim nito ang mga walang buhay na hindi rin kayang bilangin, at naglagay Kami rito ng mga matatag at mga mataas na mga kabundukan; upang hindi kayo basta-bastang mayayanig nito, at pinainom Namin kayo sa tabang ng napakasarap na inumin?

28. Kapighatian at pagkawasak sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga yaong hindi naniwala sa mga biyayang ito!

29-33. Sasabihin sa mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “Maglakad kayo tungo sa Impiyernong-Apoy na kinagawian ninyong hindi paniwalaan sa daigdig, na patuloy kayong maglakad! At magpalilim kayo sa usok ng Impiyernong-Apoy na nahahati sa tatlong bahagi, na hindi nakapagbibigay ng lilim upang magpaginhawa sa inyo mula sa init sa Araw na yaon, at hindi kayo aalisin sa init ng naglalagablab na apoy na ito.” Katiyakan, ang Impiyerno ay mayroong ibinubugang malalaking apoy na ang bawa’t tumutilampon mula rito na apoy ay kasing laki ng malalaki at matataas na gusali, na ang mga tilamsik ng Apoy na ito na nagliliparan o nagtatalsikan ay tulad ng mga kamelyo na mga maiitim na maladilaw ang kulay nito.

34. Kapighatian at pagkawasak sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa sinumang hindi naniwala sa babalang ito ng Allâh (I)!

35-36. Ito ang Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay hindi sila makapagbibigkas ng anumang salita na mapakikinabangan nila, at hindi rin sila pahihintulutan na magsalita upang mangatwiran dahil wala silang dapat na ikatwiran.
37. Kapighatian at kapahamakan sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga hindi naniwala sa pagdating ng Araw na ito at sa anumang mangyayari rito!

38-39. Ito ang Araw na huhukuman ng Allâh (I) ang pagitan ng Kanyang mga nilikha, at mananaig sa Araw na yaon ang katotohanan mula sa kamalian, na titipunin Namin kayo ritong lahat – O kayong mga hindi naniwala mula sa sambayanan na ito – kasama ang mga walang pananampalataya mula sa mga naunang sambayanan, at kung kayo ay mayroong pakana upang makaligtas mula sa parusang ito ay gawin ninyo, at iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa galit at parusa ng Allâh (I)!

40. Kapighatian at kapahamakan sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa sinumang hindi naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay na ito!

41-45. Katiyakan, sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ang mga yaong natakot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha noong sila ay nasa daigdig pa at kinatakutan nila ang Kanyang parusa kaya sinunod nila ang Kanyang mga ipinag-utos at iniwasan nila ang Kanyang mga ipinagbawal, na sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay nasa kalagitnaan ng mga lilim ng mga puno at mga ilog na umaagos, at masasaganang prutas na mula sa anuman na kanilang nais sa kanilang sarili na sila ay nagpapakasiya. Sasabihin sa kanila: “Kumain na kayo ng masasarap na pagkain at uminom nang kaigaya-igayang pag-inom; dahil sa inyong nagawa sa daigdig na mga mabubuting gawa.” Katiyakan, Kami sa pamamagitan nitong dakilang gantimpala ay ginagantimpalaan Namin ang mga mabubuti sa kanilang mga gawain at sumunod sa Aming mga ipinag-utos. Kapighatian at kapahamakan sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga yaong hindi naniwala sa anumang kasiyahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin)!

46. Sasabihin sa mga walang pananampalataya: “Kumain na kayo mula sa anumang masasarap na pagkain na mayroon sa makamundong buhay, at magpakasaya na kayo sa mga pansamantalang pagnanasa rito nang maiksing panahon; dahil kayo sa katotohanan ay mga masasama dahil sa inyong pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).”

47. Kapighatian at kapahamakan sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga yaong hindi naniwala sa Paghuhukom at Pagbabayad!

48. At kapag sinabi sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Magsagawa kayo ng ‘Salâh’ nang alang-alang sa Allâh (I) at matakot kayo sa Kanya!” Hindi sila matatakot at hindi sila magsasagawa ng ‘Salâh,’ sa halip ay magpupumilit sila sa kanilang pagmamataas at pagmamatigas.

49-50. Kapighatian at kapahamakan sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga hindi naniwala sa mga talata ng Allâh (I)! Na kung kaya, ano pa bang Aklat at Salita pagkatapos ng Banal na Qur’ân na malinaw na himala ang kanilang paniniwalaan kung hindi sila maniwala sa Banal na Qur’ân?

No comments: