Sunday, May 16, 2010

Sûrat Yûsuf

12
XII – Sûrat Yûsuf
[Kabanata Yûsuf – (Si Propeta) Joseph]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Râ. Ang mga titik na ito ng Alpabeto ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Ito ay mga talata ng Banal na Kasulatan na malinaw sa pagiging kahulugan nito, at nililinaw ang hinggil sa mga ipinahihintulot at ipinagbabawal, at sa Kanyang patnubay.

2. Katiyakan, ipinahayag Namin ang Qur’ân na ito sa wikang ‘Arabic;’ upang kayo na mga Arabo ay pag-isipan ang mga kahulugan nito at maintindihan at isagawa at ipatupad ang Kanyang mga katuruan.

3. Aming isinasalaysay sa iyo, O Muhammad (r), ang mga pinakamabubuting kuwento sa pamamagitan ng pagpapahayag Namin sa iyo ng Banal na Qur’ân na ito, at bago ang pagkakapahayag na ito, ikaw ay kabilang sa mga walang kamuwang-muwang hinggil sa mga kuwentong ito at wala kang kaalam-alam sa Rebelasyong ito.

4. Ipaalaala mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan ang sinabi ni Yûsuf (u) sa kanyang ama: “O aking ama, katiyakang nakita ko sa panaginip ang labing-isang mga bituin, ang araw at ang buwan – na nakikita ko ang mga ito na nagpapatirapa sa akin.”

At ang panaginip na ito ay bilang pagbibigay ng magandang balita sa kahihinatnan ni Yûsuf na magiging mataas ang kanyang antas dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

5. Sinabi ni Ya`qub (u) sa kanyang anak na si Yûsuf (u): “O aking anak! Huwag mong sabihin ang panaginip na ito sa iyong mga kapatid, dahil kaiinggitan ka nila, at kakalabanin ka nila, at gagawa sila ng mga pakana upang ipahamak ka. Katiyakan, si ‘Shaytân’ ay lantarang kalaban ng tao.”
6. “At sa ganitong pagpapakita ng iyong ‘Rabb’ sa iyo ng panaginip ay ganoon ka rin Niya pinipili at tinuturuan ng pagbibigay ng kahulugan sa panaginip na nakikita ng tao sa kanilang pagtulog at sa kung ano ang kahihinatnan nito sa tunay na pangyayari, at binubuo Niya sa iyo ang Kanyang biyaya, at ganoon din sa pamilya ni Ya`qub na pinagkalooban Niya ng pagka-Propeta at Sugo, na katulad din ng pagkakabuo ng Kanyang biyaya noon sa iyong dalawang ninuno na si Ibrâhim at Ishâq na ginawa Niya silang Propeta at Sugo.

Katikayan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung sino ang Kanyang pipiliin mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa sa Kanyang nilikha.”

7. Katiyakan, sa kuwento ni Yûsuf at ng kanyang mga kapatid ay mayroong aral at mga tanda na nagpapatunay sa Kapangyarihan ng Allâh (I) at sa Kanyang Karunungan sa sinumang nagtatanong hinggil sa kasaysayan nila at nagnanais na ito ay malaman.

8. Noong sinabi ng mga kapatid-sa-ama ni Yûsuf (u) bilang pag-uusap-usap nilang magkakapatid: “Katotohanan, si Yûsuf at ang kanyang kapatid (sa ama’t ina) ay higit na mahal ng ating ama kaysa sa atin, lamang silang dalawa kaysa sa atin, subali’t tayo ay grupo na higit na marami, katiyakan, ang ating ama ay nasa malinaw na pagkakamali sa kanyang pakikitungo sa atin dahil pinahalagahan niya ang dalawa nang higit kaysa atin na wala naman tayong nakikitang sapat na kadahilanan.

9. “Patayin ninyo si Yûsuf o di kaya ay itapon ninyo sa malayong kalupaan na walang sinuman ang nakaaalam upang mapasainyo ang pagmamahal ng inyong ama at kayo lamang ang kanyang pagtutuunan ng pansin at hindi na niya pagbabalingan pa ng pansin ang iba kundi kayo lamang, at kayo pagkatapos ninyong patayin si Yusuf o ilayo ay magsisi at magbalik-loob sa Allâh (I), na humihingi ng Kanyang kapatawaran pagkatapos ng inyong pagkakasala.”

10. Sinabi noong isa sa kapatid ni Yûsuf: “Huwag ninyong patayin si Yûsuf, bagkus ay ihulog na lamang ninyo siya sa malalim na balon at doon ay makukuha siya ng mga manlalakbay na mga dumaraan doon, at para wala na kayong isipin pa hinggil sa kanya pagkatapos nito, at hindi na ninyo kinakailangan pa siyang patayin kung tiyak na isasagawa ninyo ang sinasabi ninyong pakana.”

11. Sinabi ng mga kapatid ni Yûsuf pagkatapos nilang magkasundo na siya ay ilalayo: “O aming ama! Bakit hindi mo ipagkatiwala sa amin si Yûsuf, na kami nama’y kanyang mga kapatid, at ang nais lang naman namin ay kabutihan, at naaawa kami sa kanya kaya siya ay pangangalagaan namin at ipagkakaloob namin sa kanya ang taos-pusong pagpapayo.

12. “Hayaan mong isama namin siya bukas sa amin paglabas tungo sa ating pastulan upang siya ay makapagsaya sa pamamagitan ng pagkain ng mga prutas at anumang mga masasarap na mga bunga roon at makipaglaro sa amin ng habulan at iba pa na mga laro, at katiyakan na pangangalagaan namin siya mula sa anumang panganib.”

13. Sinabi ni Ya`qub: “Katotohanan, ikinalulungkot kong mawalay siya sa akin sa pamamagitan ng pagsama niya sa inyo tungo sa pastulan at nangangamba ako na baka siya ay makain ng lobo, dahil sa kayo ay magiging abala at makakalimutan ninyo siya.”

14. Sinabi ng mga kapatid ni Yûsuf sa kanilang ama: “Kung kakainin siya ng lobo samantalang kami ay mga malalakas na grupo, kami sa katotohanan kung gayon ay magiging mga talunan na walang maidudulot na kabutihan at hindi maaasahan sa anumang kapakinabangan.”

15. Na kung kaya, siya ay pinasama na niya sa kanila. At noong sila ay nagtungo na roon, sila ay nagkasundo na siya ay itapon sa ilalim ng balon, at inihayag Namin kay Yûsuf ang katotohanan: “Katiyakan, balang-araw ay isasalaysay mo sa iyong mga kapatid ang ginawa nilang ito na pagpapahamak sa iyo, subali’t hindi nila ito nababatid.”
16. At nagtungo ang mga kapatid ni Yûsuf sa kanilang ama sa oras ng ‘`Isha’ sa unang bahagi ng gabi, na sila ay umiiyak at ipinakikita ang matinding pagkalungkot at pagdadalamhati.

17. Kanilang sinabi: “O aming ama! Katotohanan, kami ay nagtungo at naglaro ng habulan at panaan, at iniwan namin si Yûsuf doon sa pinaglagyan namin ng mga baon at mga damit, kailanman ay hindi kami nagkulang sa pangangalaga sa kanya, kundi iniwan namin siya na ligtas, at hindi kami napalayo sa kanya kundi maikling panahon lamang, subali’t kinain siya ng lobo, at maaaring hindi ka maniwala sa amin kahit kami ay totoo sa aming sinasabi; dahil sa labis mong pagmamahal kay Yûsuf.”

18. At dala-dala nila ang kamiseta ni Yûsuf na punung-puno ng dugo subali’t ito sa katotohanan ay hindi talagang dugo ni Yûsuf; na nais nilang patunayan sa pamamagitan nito na totoo ang kanilang sinasabi, magkagayunpaman, ito pa ay naging patunay ng kanilang kasinungalingan; dahil ang kamiseta ay hindi napunit. Na kung kaya, sinabi sa kanila ng kanilang ama na si Ya`qub: “Ang tunay na pangyayari ay hindi ang yaong inyong sinasabi, kundi nag-imbento lamang kayo sa inyong mga sarili na nag-utos sa inyo na gumawa ng masama bilang pagpapahamak kay Yûsuf, na ito ang nakikita ninyong nakabubuti kaya ginawa ninyo, na kung kaya, mas makabubuti para sa akin ang pagtitiis na hindi na ako magrereklamo pa sa kaninumang tao, at ipauubaya ko na lamang ang aking sarili sa Allâh (I) na ako ay tulungan Niya para makayanan ko ang mga sinasabi ninyong kasinungalingan, na hindi ko na gagamitin pa ang aking lakas at kapangyarihan hinggil dito.”
19. At dumating ang mga grupo ng mga manlalakbay at pagkatapos ay nag-utos sila sa kanilang tagaigib na kumuha ng tubig, at noong ibinaba niya ang kanyang pang-igib sa balon ay sumampay si Yûsuf doon, at sinabi ng kanilang tagaigib: “Anong napakagandang balita! Narito ang isang batang lalaki na mamahalin, at inilihim ng mga kapatid ni Yûsuf ang patungkol sa kanya – samantalang ang ilan sa kanila ay malapit lamang doon sa pinangyarihan – at inilihim nila na siya ay kapatid nila, gayundin si Yûsuf inilihim din niya ang patungkol sa kanyang sarili dahil sa pagkatakot na baka siya ay patayin ng kanyang mga kapatid,” at kanilang sinabi: “Katotohanan, ito ay isang alipin na aming ipinagbibili, subali’t ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kung ano ang ginagawa nila kay Yûsuf.”

20. At ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid doon sa mga dumaan na mga manlalakbay sa murang halaga ng dirham, na para bagang inayawan na nila si Yûsuf at gusto na nilang mailayo ito sa kanila; at ito ay sa kadahilanang hindi nila batid ang kahalagahan ni Yûsuf sa Allâh (I).

21. At noong dinala na ng mga manlalakbay si Yûsuf sa Ehipto ay binili siya sa kanila ni `Aziz na katiwala ng hari, at kanyang sinabi sa kanyang asawa: “Pagbutihin mo ang pangangalaga at pakikitungo sa kanya, at gawing mong maginhawa (o kumportable) ang kanyang pamamalagi sa atin, upang mapakinabangan natin ang kanyang serbisyo, o di kaya ay panatilihin natin siya sa atin na ituturing natin siya bilang isang anak.”

At kung paano Namin iniligtas si Yûsuf na ginawa Namin na mapamahal siya sa kanang kamay ng hari, ay ganoon din Namin siya pinanatili sa kalupaan ng Ehipto, at inilagay Namin siya bilang tagapangasiwa sa kabuhayan ng Ehipto, at upang ituro Namin sa kanya ang kahulugan ng panaginip na nalalaman sa pamamagitan noon ang anumang maaaring mangyari.

At ang Allâh (I) ay Siyang Nangingibabaw sa anumang Kanyang nais, at ang Kanyang pasiya ay tiyak na magaganap at walang sinuman ang maaaring makapigil nito, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila batid na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Allâh (I).

22. At nang dumating na si Yûsuf sa kanyang sapat na gulang ay ipinagkaloob Namin sa kanya ang kakayahan sa pagkaunawa at kaalaman (pagka-Propeta), na ang ganitong pagbibigay ng gantimpala ay Aming ipinagkaloob sa kanya dahil sa kanyang kabutihan, na samakatuwid, ganito Namin ginagantimpalaan ang mga mabubuti sa kanilang mga gawain, at ito ay bilang pampalubag-loob kay Propeta Muhammad (r).


23. At siya ay malumanay na inakit ng asawa ni `Aziz dahil sa siya ay nakatira sa kanyang pamamahay; napamahal siya (ang asawa ni `Aziz) nang matindi sa kanya dahil sa labis na kaamuan ng kanyang mukha, at isinara niya ang mga pinto para sa kanilang dalawa ni Yûsuf, at kanyang sinabi: “Halika sa akin, O ikaw!” At tumugon naman ni Yûsuf: “Hinihingi ko ang kalinga ng Allâh (I) at hinihiling ko na ilayo Niya ako sa anumang pang-aakit mo sa akin, na ito ay pagtataksil sa aking pinuno na siyang nagkaloob sa akin ng parangal, magandang pakikitungo na hindi ko siya kailanman ipagkakanulo sa kanyang pamilya! Katiyakan, di magtatagumpay ang sinumang gumagawa ng kasalanan, na hindi niya dapat gawin.”
24. At katiyakan, labis ang kanyang paghahangad sa kanya, at kinausap niya mismo si Yûsuf ng pakikiusap na tumugon sa kanyang pang-aakit, at matatangay na sana si Yûsuf ng kanyang pang-aakit, kung hindi lamang sa katotohanan na nakita niya ang tanda mula sa mga palatandaan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na siyang nagpalayo sa kanya sa anumang paghihikayat ng kanyang sarili, magkagayunpama’y ipinakita Namin ito sa kanya; upang ilayo Namin sa kanya ang kasalanan at kahalayan sa lahat ng pagkakataon, katiyakan, siya ay kabilang sa mga alipin Namin na mga malilinis na mga pinili para sa Mensahe ng Allâh (I), na sila ay dalisay at taos-puso sa kanilang pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I).

25. At nagmadali si Yûsuf na tumungo sa pintuan dahil sa nais niyang makalabas, at nagmadali naman siyang sinundan nito na pinilit siyang pigilin at hinila niya ang kanyang kamiseta mula sa likuran; upang siya ay pigilin niya na makalabas at ito ay napunit, at natagpuan nilang dalawa ang asawa ng babae sa harapan mismo ng pintuan at kanyang sinabi: “Ano ang magiging parusa sa sinumang naghangad ng kahalayan laban sa iyong asawa, kundi nararapat na siya ay ilagay sa kulungan o isang matinding pagpaparusa.”

26. At sinabi ni Yûsuf: “Siya ang nang-akit sa akin;” at tumestigo ang isang sanggol na nasa kuna (duyan) pa lamang mula sa pamilya nung babae at kanyang sinabi: “Kung ang kanyang kamiseta ay napunit sa harapan, totoo siya (babae) sa kanyang pagbibintang sa kanya, at siya (Yûsuf) naman kung gayon ay kabilang sa mga sinungaling.”

27. “At kung ang kanyang kamiseta naman ay napunit sa likuran, samakatuwid, siya (babae) ay nagsasabi ng kasinungalingan at si Yûsuf ay kabilang sa mga nagsasabi ng katotohanan.”

28. At noong nakita ng kanyang asawa ang kamiseta ni Yûsuf na napunit mula sa likuran ay natuklasan niyang inosente si Yûsuf, at kanyang sinabi sa kanyang asawa: “Katiyakan, ang kasinungalingang ibinintang mo sa binatang ito ay kabilang sa mga pakana ninyo, O kayong mga kababaihan, dahil ang mga pakana ninyo ay napakatindi.”

29. Sinabi ni `Aziz ng Ehipto: “O Yûsuf! Ilihim mo na lamang ang pangyayari at huwag mo nang banggitin kahit kanino, at ikaw naman, O babae, ay humingi ng kapatawaran sa pagkakasalang iyong nagawa; dahil katiyakan, ikaw ay kabilang sa mga makasalanan sa pag-akit na ginawa mo kay Yûsuf, at sa pagbibintang mo sa kanya.”

30. At nakarating ang kuwento sa mga kababaihan sa siyudad at ito ay pinag-usap-usapan nila, at kanilang sinabi bilang pagtataka sa nangyari sa asawa ni `Aziz: “Ang asawa ni `Aziz ay nagtangka na akitin ang kanyang utusan, at inakit niya na gumawa ng masama sa kanyang sarili, katotohanang labis-labis ang kanyang naramdaman na pagkakagusto sa kanya, at nakikita nating ito ay kabilang sa malinaw na pagkaligaw.”

31. At nang marinig ng asawa ni `Aziz ang pagbibintang at paninira sa kanya ng mga kababaihan, nag-isip siya ng pakana at nagpadala siya sa kanila ng paanyaya (imbitasyon) upang bumisita sa kanya, at naghanda siya para sa kanila ng mga magagarang upuan at anuman na makakain nila, at binigyan niya ang bawa’t isa sa kanila ng kutsilyo bilang panghiwa sa kanilang mga pagkain, at pagkatapos ay sinabi niya kay Yûsuf: “Magpakita ka sa harapan nila,” at noong siya ay makita nila, ay namangha sila sa kaamuan at ganda ng mukha nito at labis silang nabighani sa napakaamo niyang mukha, at nahiwa nila ang kanilang mga kamay habang hinihiwa nila ang pagkain dahil sa tindi ng kanilang pagkamangha o pagkagulat, at kanilang sinabi: “Pangalagaan nawa tayo ng Allâh (I)! Napakaganap Niya, dahil ito ay hindi lahi ng tao; dahil ang kanyang kagandahan ay hindi pangkaraniwan sa tao, kundi ito ay isang kagalang-galang na anghel na kabilang sa mga anghel.”

32. Sinabi ng asawa ni `Aziz sa mga kababaihan na nahiwa nila ang kanilang mga kamay: “Ang nangyaring ito sa inyo dahil sa pagkakita ninyo sa binatang ito ay siya rin ang binatang isinisisi ninyo sa akin na kung saan ako sa kanya ay nahumaling, at katiyakang ako ang nag-anyaya sa kanya at inakit ko siya; upang tugunan ang aking kahilingan subali’t siya ay tumanggi, at kung hindi niya talagang susundin ang ipinag-uutos ko, siya ay katiyakang parurusahan at ibibilanggo, at magiging kabilang siya sa hinamak.”

33. Sinabi ni Yûsuf bilang paghiling sa kalinga ng Allâh (I) na siya ay ilayo sa mga masamang balakin nila sa kanya: “O aking ‘Rabb,’ nanaisin ko pa ang kulungan kaysa sa anumang iniaakit nila sa akin na pagsagawa ng kahalayan, at kung sakaling hindi mo ilalayo sa akin ang kanilang masamang balakin ay mapapahalina ako sa kanila, at magiging kabilang ako sa mga mangmang na gumagawa ng kasalanan dahil sa kanilang kamangmangan.”

34. At tinugunan ng Allâh (I) ang panalangin ni Yûsuf at siya ay inilayo mula sa anumang masamang balakin ng asawa ni `Aziz at ng kanyang mga kasamahan upang siya ay hindi makagawa ng kasalanan sa Allâh (I). Katiyakan, Siya ay ‘As-Samee`’ – ang Ganap na Nakaririnig sa panalangin ni Yûsuf at sa panalangin ng sinumang nananalangin sa Kanya, na ‘Al-`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam sa pangangailangan niya at sa anumang makabubuti sa kanya, at sa pangangailangan ng mga nilikha at sa anumang makabubuti sa kanila.

35. Pagkatapos ay naisip ni `Aziz at ng kanyang mga kasamahan na ikulong na lamang siya nang matagal o maiksing panahon; upang maitago nila ang kahihiyan pagkatapos nilang makita ang lahat ng katibayan na siya ay walang pagkakasala.

36. At nakapasok sa kulungan kasama ni Yûsuf ang dalawang kabataan. Sinabi noong isa sa dalawa: “Katiyakan, nakita ko ang aking sarili sa panaginip na nagpipiga ng ubas upang gawing alak.” At sinabi naman noong isa: “Katiyakan, nakita ko naman ang aking sarili sa panaginip na may dala-dalang tinapay na nakapatong sa aking ulunan at kumakain mula rito ang mga ibon.” Kanilang sinabi: “Sabihin mo sa amin, O Yûsuf, ang kahulugan ng aming nakita, dahil walang pag-aalinlangan, nakikita naming ikaw ay kabilang sa mga mabubuti sa pagsamba sa Allâh (I) at sa pakikitungo sa Kanyang nilikha.”

37. Sinabi niya sa dalawa: “Walang pagkaing darating sa inyo bilang inyong kabuhayan, kundi maipaliliwanag ko muna sa inyo ang kahulugan ng inyong panaginip bago ito dumating sa inyo, at ang anumang maipaliwanag ko sa inyo na kahulugan ng panaginip ay nagmula sa katuruan ng aking ‘Rabb;’ dahil katiyakang naniniwala ako sa Kanya at taos-puso akong sumasamba sa Kanya at inilayo ko ang aking sarili sa anumang relihiyon ng mga taong hindi naniniwala sa Allâh (I) at hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.”

38. “At sinunod ko ang Relihiyon ng aking mga ninuno at mga magulang, na sina Ibrâhim, Ishâq at Ya`qub, at sinamba ko ang Allâh (I) nang bukod-tangi, at kailanman sa anumang kaparaanan ay hindi kami maaaring gumawa ng pagtatambal sa Kanya. At ang paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at bukod-tangi na pagsamba lamang sa Kanya ay kabilang sa kagandahang-loob ng Allâh (I), para sa amin at para sa lahat ng tao, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi sila tumatanaw ng utang na loob at hindi sila naniniwala at sumasamba sa Kaisahan ng Allâh (I).
39. At sinabi ni Yûsuf sa dalawang kabataan na kasama niya sa kulungan: “Ang pagsamba ba sa maraming diyus-diyosan na gawa lamang na tao ay mas nakabubuti kaysa sa Allâh (I) na ‘Al-Wâhid’ – Bukod-Tangi at Nag-iisa, na ‘Al-Qahhâr’ – ang Tagapagkuntrol (Tagapagpigil o Tagapagpuwersa) at Makapangyarihan?”

40. Ang sinasamba ninyo bukod sa Allâh (I) ay mga pangalan lamang na wala itong kahulugan, na ito ay inyong gawa-gawa lamang na mga sinasamba – kayo at ang inyong mga ninuno dahil sa inyong kamangmangan at pagkaligaw – at hindi nagpahayag ang Allâh (I) ng anumang kapahintulutan na ito ay sasambahin, na walang sinuman ang karapat-dapat na mag-atas nito kundi ang Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi na Siya ay walang katambal, na ipinag-utos Niya sa inyo na wala kayong susundin na sinuman bukod sa Kanya, na wala kayong karapat-dapat na sasambahin kundi Siya lamang; ito ang Matuwid na Landas – ang Tunay na Relihiyon – subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila ito batid, na kung kaya, hindi sila sumusunod sa katotohanang ito.

41. O kayong dalawa na nasa kulungan, pakinggan ninyo ang kahulugan ng inyong panaginip: “Ang isa sa inyo na nakita niya ang kanyang sarili na pumipiga ng ubas sa panaginip ay walang pag-aalinlangan na siya ay makalalabas mula sa kulungan, na siya ay magiging tagagawa ng alak at tagapaghain nito para sa hari; at ang isa naman na nakita niya ang kanyang sarili sa panaginip na may nakapatong na mga tinapay sa ibabaw ng kanyang ulunan ay walang pag-aalinlangan na siya ay ipapako at pananatilihin siya sa ganoong kalagayan hanggang sa ang mga ibon ay manginain sa kanyang ulunan. Ito ang itinakda ng Allâh (I) sa inyo hinggil sa inyong mga itinatanong na kahulugan ng panaginip.”

42. At sinabi ni Yûsuf doon sa isa na alam niya na ito ay makaliligtas: “Banggitin mo ako roon sa pinuno mong hari at sabihin mo sa kanya na ako ay inapi na nakakulong na walang pagkakasala,” subali’t pinalimot ni ‘Shaytân’ sa kanya na mabanggit sa hari ang katayuan ni Yûsuf, na kung kaya, nanatili pa siya sa kulungan pagkatapos noon ng marami pang karagdagang taon.

43. At sinabi ng hari: “Katiyakan, nakita ko sa aking panaginip ang pitong matatabang baka na kinakain ng pitong payat na baka, at nakakita ako ng pitong kulay berdeng uhay at panibagong pito nito na tuyot, O kayong mga namumuno, sabihin ninyo sa akin ang kahulugan ng panaginip na ito kung kayo ay may kagalingan sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng panaginip.”

44. Kanilang sinabi: “Ang panaginip ninyong ito ay magkakahalo na hindi totoong panaginip na wala itong pakahulugan na anupaman, at kami ay walang kaalaman sa pagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip.”
45. At ang isang lalaki na nakaligtas na siya ang isa sa dalawa na nakasama ni Yûsuf noon sa kulungan ay naalaala niya pagkatapos ng mahabang panahon na pagkalimot ang hinggil sa ipinababanggit ni Yûsuf sa kanya, na kanyang sinabi: “Ako ang magsasabi sa inyo ng kahulugan ng panaginip na ito, na kung kaya, ipadala ninyo ako kay Yûsuf at upang maibigay ko sa inyo ang kahulugan nito.”

46. At nang siya ay dumating kay Yûsuf, kanyang sinabi sa kanya: “Yûsuf, O ikaw na matapat na tao! Ipaliwanag mo sa amin ang nakita sa panaginip na pitong matatabang baka na kinakain ng pitong payat na baka, at kasama rin sa nakita ang pitong kulay berdeng uhay at panibagong pito nito na tuyot; upang ako ay makabalik sa hari at sa kanyang mga kasamahan at masabi ko sa kanila ang kahulugan nito; nang sa gayon ay malaman nila ang kapaliwanagan hinggil sa itinanong ko sa iyo at malaman din nila ang taas ng iyong antas at iyong katangian.”

47. Sinabi ni Yûsuf sa nagtanong sa kanya hinggil sa panaginip ng hari: “Ang kahulugan ng panaginip na ito ay magtatanim kayo sa loob ng magkakasunod na pitong taon nang masagana upang dumani ang inyong ani, at sa bawa’t maaani ninyo ay magbukod kayo ng inyong iiimbak at huwag ninyong alisin sa mga tangkay nito; upang mapangalagaan mula sa mga insekto at ito ay mapanatili, maliban sa mangilan-ngilan na inyong kakanin.”

48. “Pagkatapos ng pitong taon na masaganang anihan ay darating naman ang pitong taon na matinding tagtuyot, at ang ikabubuhay ng mga tao pagdating ng panahon na yaon ay mula roon sa inyong mga inimbak, maliban sa mangilan-ngilan na inyong itinabi upang ilaan ninyo bilang mga binhi.”

49. “At pagkatapos ng mga taong ito ay darating naman ang taon ng tag-ulan, at ililigtas sila ng Allâh (I) sa kahirapan at doon ay aani sila ng maraming mga bunga dahil sa taba ng kalupaan at masaganang pagsibol ng mga pananim.”

50. At sinabi ng hari sa kanyang mga kasama: “Palabasin ninyo ang tao na nagbigay ng kahulugan ng panaginip mula sa kulungan at dalhin ninyo sa akin!” Subali’t nang dumating ang sugo ng hari kay Yûsuf upang siya ay anyayahan, sinabi ni Yûsuf sa sugo: “Bumalik ka sa iyong pinuno na hari at hilingin mo sa kanya na tanungin ang mga kababaihan na nahiwa ang kanilang mga kamay hinggil sa katotohanan na nangyari sa kanila at sa katotohanan na alam nila hinggil sa akin; nang sa gayon ay lilitaw ang katotohanan para sa lahat, at upang mapatunayan ang aking pagiging walang sala, katiyakan na ang Allâh na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na kanilang pakana at mga ginawa nila, na walang anumang naililihim sa Kanya.’”

51. Sinabi ng hari sa mga kababaihan na nasugatan ang kanilang kamay: “Ano ang nangyari sa inyo noong kayo ay naghangad na akitin si Yûsuf sa araw ng pag-iimbita ng kainan? Mayroon ba kayong nakita na kahina-hinala mula sa kanya?” Sinabi nila: “Iligtas nawa kami ng Allâh (I), kailanman ay wala kaming alam na kahit ano na makasisira sa kanyang pagkatao.” At doon sinabi ng asawa ni `Aziz: “Ngayon ay naging malinaw na ang katotohanan sa lahat pagkatapos ng paglihim nito, katiyakang ako ang nang-akit at nanglinlang kay Yûsuf subali’t siya ay tumanggi, at katiyakang siya ay matapat at totoo sa lahat ng kanyang sinabi.”

52. “At itong aking pagpapahayag bilang pagpapawalang-sala sa kanya at pag-amin ko sa aking sarili ay upang malaman ng aking asawa na hindi ko siya dinaya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at walang nangyari sa akin na kahalayan, at katiyakan, ako ang nang-akit sa kanya na ito ay aking inaamin upang patunayan ang aking pagiging walang-sala at ganoon din sa kanya.” At katiyakan, ang Allâh (I), hindi Niya ginagabayan ang mga nagpapakana ng masama at nagkakanulo.

53. Sinabi ng asawa ni `Aziz: “At hindi ko pinupuri ang aking sarili at pinawawalan ng sala. Katiyakan, ang pagkatao ng tao ay madalas na nag-uutos na gumawa ng pagkakasala upang sundin ang sariling pagnanasa, maliban sa sinumang pinag-kalooban ng Allâh (I) ng awa at pinangalagaan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.”

54. At sinabi ng hari na namu-muno sa Ehipto, noong nalaman niya ang pagiging walang-sala ni Yûsuf: “Dalhin ninyo siya sa akin upang ibilang ko siya sa mga malalapit sa akin at maging tagapayo.” At nang dumating si Yûsuf at nakausap siya ng hari, at nalaman niya ang kanyang pagiging walang-sala at ang kanyang dakilang katapatan at napakabuti niyang pag-uugali, sinabi sa kanya: “Katiyakan, sa araw na ito ay binibigyan kita ng mataas na tungkulin at ganap na pagtitiwala upang pamahalaan ang lahat ng bagay na nasasakupan ng kaharian.”

55. At nagnais si Yûsuf na mapakinabangan siya ng tao at magiging pantay siya sa kanyang pamamahala sa kanila, na kung kaya, kanyang sinabi sa hari: “Gawin mo ako bilang tagapamahala sa lahat ng imbakan (o kayamanan) ng kanilang kaharian sa Ehipto, dahil katiyakang ako ay mapagkakatiwalaan sa pangangalaga at may sapat na kaalaman sa anumang ipinagkakatiwala sa akin.”

56. At sa ganito biniyayaan ng Allâh (I) si Yûsuf sa pamamagitan ng pagkakaligtas sa kanya at pagkakalabas mula sa kulungan, at ipinagkaloob sa kanya ang ganap na pamamahala sa mga kayamanan sa buong kalupaan ng Ehipto, na pangasiwaan ang mga ito, kailanman o saanman niya gusto, dahil ang Allâh (I) ay binibigyan Niya ng posisyon ang sinuman na Kanyang nais, pinagkakalooban Niya ng awa at biyaya ang sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga mabubuting alipin, at hindi Niya binabalewala ang gantimpala ng sinumang gumawa ng anumang kabutihan.

57. At ang gantimpala sa Kabilang-Buhay na inilaan ng Allâh (I) ay higit na dakila kaysa gantimpala rito sa daigdig para sa mga naniwala at natatakot sa Allâh (I), na sila ay ang mga yaong natatakot sa parusa ng Allâh (I) at sinusunod ang Allâh (I) sa Kanyang batas na pag-uutos at pagbabawal.

58. At dumating ang mga kapatid ni Yûsuf sa Ehipto pagkatapos na mangyari ang tagtuyot sa kanilang kalupaan; upang makakuha sila ng kanilang ikabubuhay doon, at sila ay pumasok sa kanyang silid-tanggapan at sila ay nakilala niya, subali’t hindi nila nakilala si Yûsuf dahil sa tagal ng panahon at pagbabago ng kanyang mukha.

59. At walang pag-aalinlangan na ipinag-utos ni Yûsuf na sila ay asikasuhin nang maaayos at pagkalooban ng anumang kanilang pangangailangan, at bago ito ay nasabi na nila kay Yûsuf na mayroon pa silang kapatid sa ama na hindi nila naisama, at kanyang sinabi sa kanila: “Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid sa ama, hindi ba ninyo nakikita na ibinigay ko sa inyo nang buung-buo ang inyong pangangailangan at inasikaso (inistima) ko kayo nang maayos, na ako ang pinakamabuti sa tagatanggap ng panauhin?

60. “At kapag hindi ninyo siya nadala sa akin ay wala na akong ibabahagi sa inyo na susukatin na kabuhayan, [46] ni huwag na kayong magpunta pa rito sa akin.”

61. Sinabi nila: “Walang pag-aalinlangan, gagawin namin ang anuman na aming makakayanan upang makumbinsi namin ang aming ama na maisama siya sa amin, at ito ay aming gagawin na hindi kami magkukulang sa pagsagawa nito.”

62. At sinabi ni Yûsuf sa kanyang mga tagapagsilbi: “Ilagay ninyo nang lihim sa kanilang mga lalagyan ang ibinayad nila; upang ito ay malaman nila kapag sila ay nakabalik na sa kanilang pamilya at mapagtanto nila ang pagpapahalaga ko sa kanila; upang sila ay bumalik sa paghahangad na magbibigay tayong muli.”

63. At nang sila ay nakabalik sa kanilang ama ay ikinuwento nila ang pangyayari hinggil sa napakarangal na pagtanggap sa kanila ng tagapamahala roon at kanilang sinabi: “Katiyakan, hindi na kami pagbibigyan pa sa susunod maliban na lamang kung maisasama namin ang aming kapatid dahil sa ito ay naikuwento namin sa kanya, na kung kaya, ipasama mo na siya sa amin, upang makapagdala kaming muli ng sapat na kabuhayan natin, at nangangako kami na siya ay aming pangangalagaan.”

64. Sinabi sa kanila ng kanilang ama: “Paano ko kayo pagkakatiwalaan ngayon kay Benyâmin, gayong walang pag-aalinlangan na ipinagkatiwala ko sa inyo noon ang kanyang kapatid na si Yûsuf, sa pangako ninyong pangangalagaan siya, subali’t hindi ninyo ito tinupad? Na kung kaya, hindi na ako nakatitiyak na tutuparin pa ninyong muli ang inyong pangako at mapangangalagaan ninyo siya, subali’t ang aking pagtitiwala ay sa Pangangalaga ng Allâh (I), na Siya ay Pinakamabuti sa lahat ng Tagapangalaga at Siya ay Pinakamaawain sa lahat ng Maawain, at ako ay umaasa na kaaawaan Niya ako at pangangalagaan siya at ibabalik sa akin.”
65. At nang mabuksan nila ang kanilang mga lalagyan ay nakita nila ang ipinangbayad nila, na ito ay ibinalik sa kanila. Kanilang sinabi: “O aming ama! Ano pa ba ang kailangan nating hangarin na higit pa kaysa rito? Ang ipinangbayad namin ay ibinalik sa amin ni `Aziz (tagapamahala), na kung kaya, magtiwala ka sa amin para sa aming kapatid, at pasamahin mo siya sa amin; upang makapagdala pa kaming muli ng masaganang kabuhayan para sa ating pamilya, at pangangalagaan namin ang aming kapatid, at madaragdagan pa ng isang sukat (na kabuhayan na madadala ng isang kamelyo) na siyang sasakyan ng aming kapatid; dahil katiyakan, ang pagbibigay ni `Aziz ng sukat ay sa kung ano ang makakayanang dalhin ng isang kamelyo, at ang ganitong pagbibigay ng sukat ay napakadali lamang para sa kanya.”

66. Sinabi sa kanila ni Ya`qub: “Kailanman ay hindi ko siya hahayaan na maisama sa inyo hanggang hindi kayo nangangako at kayo ay susumpa sa akin sa Pangalan ng Allâh (I) na siya ay inyong ibabalik sa akin, maliban na lamang kung kayo ay natalo ng kalaban at siya ay nabihag, na hindi na ninyo siya kayang iligtas,” at nang ibinigay nila ang kanilang pangako sa kanilang ama at panunumpa nila sa Allâh (I) ayon sa hinihiling ng kanilang ama, sinabi ni Ya`qub: “Ang Allâh (I) ay saksi sa ating mga pinagkasunduan,” na ang ibig sabihin ay sapat sa atin ang Kanyang pagsasaksi at Kanyang pangangalaga.

67. At sinabi sa kanila ng kanilang ama: “O aking mga anak, kapag kayo ay pumasok sa bayan ng Ehipto ay huwag kayong pumasok sa iisang pintuan lamang kundi maghiwa-hiwalay kayo sa pagpasok sa iba’t ibang pintuan, para hindi kayo mapansin ng mga may masasamang mata, at sa aking pagpapayo sa inyo ay hindi nangangahulugan na kaya kong ilayo sa inyo ang anumang bagay na itinakda na ng Allâh (I) sa inyo. Katiyakan, ang pagpapasiya ay bukod-tangi na sa Allâh (I) lamang, sa Kanya ko ipinagkakatiwala ang aking buong sarili dahil Siya ang Bukod-Tanging pinagkakatiwalaan ng mga mananampalataya.”

68. At nang sila ay pumasok sa iba’t ibang pintuan batay sa ipinag-utos ng kanilang ama, bagkus ito ay hindi makapagliligtas sa kanila mula sa itinakda ng Allâh (I) kundi isang awa sa kanila mula sa kalooban ni Ya`qub para hindi sila mapansin ng mga may masasamang mata, at katiyakan, si Ya`qub ay may dakilang kaalaman hinggil sa ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I) dahil siya ay pinagkalooban ng Allâh (I) ng kapahayagan, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila alam ang kahihinatnan ng anumang pangyayari at ang mga malalalim na kahulugan ng anumang bagay; na kung kaya, ang anumang itinuturo ni Ya`qub ay nagmula sa ‘Deen’ ng Allâh (I).

69. At nang pumasok ang mga kapatid ni Yusuf sa tanggapan ng panauhin na kasama nila ang kanyang kapatid sa ama’t ina, ay isinama ito ni Yûsuf nang ito ay kanyang nakita at kanyang sinabi nang lihim: “Katiyakan, ako ang iyong kapatid, na kung kaya, huwag kang mabahala at huwag mo nang alalahanin pa kung ano ang kanilang ginawa sa akin noon.” At inutusan niya na ito ay kanyang ilihim sa kanila.

70. Noong naihanda na ni Yûsuf ang kanilang pangangailangan at ito ay naipagkaloob na sa kanila at naisakay na sa kanilang mga kamelyo, inutusan niya ang kanyang mga manggagawa na ilagay ang (gintong) takalan na ginagamit niya sa pagsukat, na ilagay sa lalagyan ng kanyang kapatid na si Benyâmin nang walang sinuman ang nakaaalam, at nang sila ay sumakay na upang maglakbay ay nanawagan ang isang tagapanawagan na nagsabi: “O kayo na nagmamay-ari ng ‘Caravan,’ na may mga dala-dalang kabuhayan, [47] katiyakan na kayo ay nagnakaw.”
71. Sinabi ng mga anak ni Ya`qub habang sila ay humaharap sa kanila: “Ano ba ang nawawala sa inyo?”

72. Sinabi ng tagapanawagan at ng mga nandoroon: “Nawala sa amin ang (gintong) takalan na pagmamay-ari ng hari, at ang pabuya sa sinumang makakikita nito ay kabuhayan na kung ano ang madadala ng isang kamelyo;” at sinabi pa ng tagapagpanawagan: “At ako ang maggarantiya na ang pabuya na ito ay kasindami ng madadala ng isang kamelyo.”

73. Sinabi ng mga kapatid ni Yûsuf: “Sumusumpa kami sa Allâh (I)! Walang pag-aalinlangang nakatitiyak kayo sa anumang inyong nakikita sa amin na kami ay hindi pumunta sa bayan ng Ehipto para gumawa ng kapinsalaan, at hindi kami mga magnanakaw.”

74. Sinabi ng mga inutusan na hanapin ang takalan sa mga kapatid ni Yûsuf: “Ano ba ang kaparusahan sa inyong batas ng isang nakagawa ng pagnanakaw, kung kayo ay napatunayang nagsinungaling sa sinasabi ninyong, ‘Hindi kami magnanakaw?’”

75. Sinabi ng mga kapatid ni Yûsuf: “Ang kabayaran sa sinumang nagnakaw na makikita sa kanyang dala-dalahan ang kanyang ninakaw ay siya mismo. Na ang ibig sabihin ay isusuko siya kasama ang kanyang ninakaw sa sinuman na kanyang pinagnakawan hanggang sa siya ay maging alipin nito, na ang ganitong paghahatol ang kabayaran sa sinumang masama na nakagawa ng pagnanakaw, at ito ang aming ‘Deen,’ na ganito ang aming batas na sinusunod sa sinumang nagnakaw.”

76. At ibinalik nila ang mga kapatid ni Yûsuf sa kanya, at siya mismo ang tumingin at naghanap sa kanilang mga dala-dalahan, at inumpisahan niya ang paghahanap sa mga dala-dalahan ng kanyang mga kapatid sa ama; upang siya ay makatiyak na mangyayari ang kanyang plano na mapananatili niya ang kanyang kapatid kasama niya, pagkatapos ay tinapos niya ang paghahanap sa dala-dalahan ng kanyang kapatid sa ama’t ina at doon niya nakita ang takalan.

At sa ganoong paraan Namin ginawa na maging madali para kay Yûsuf ang kanyang plano upang marating (makamit) niya ang kanyang hinahangad na makuha niya ang kanyang kapatid, dahil sa batas ng kaharian sa Ehipto ay hindi niya maaaring makuha ang kanyang kapatid; dahil wala sa kanilang paniniwala na magiging alipin nila ang sinumang nagnakaw, maliban sa kagustuhan ng Allâh (I) na mangyari ang planong ito upang masunod ang batas na pinanghahawakan ng mga kapatid ni Yûsuf, na nagsasaad ng pagkaalipin sa sinumang nagkasala ng pagnanakaw.

Iniaangat Namin sa mga antas ang sinuman na Aming nais dito sa daigdig, na higit sa iba, na katulad ng pag-angat Namin sa antas ni Yûsuf. At sa bawa’t may kaalaman ay mayroong nakahihigit sa isa’t isa sa kaalaman, hanggang sa ito ay magtapos sa Pinakamaalam sa lahat, ang Allâh (I) na Siyang Nakaaalam ng anumang lihim at anumang lantad.

77. Sinabi ng mga kapatid ni Yûsuf: “Kung ito ay nagnakaw, katiyakang mayroon siyang kapatid na nagnakaw din noon (na ang tinutukoy ay si Yûsuf),” subali’t kinimkim na lamang ito ni Yûsuf sa kanyang sarili kung anuman ang kanyang narinig, at sinabi na niya lamang sa kanyang sarili: “Kayo ang higit na masama ang katayuan kaysa sa binabanggit ninyo dahil nagpakana kayo laban sa akin at ito ay inyong ginawa, at ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa inyong pag-uugali na pagsisinungaling at pagbibintang.”

78. Sinabi nila bilang pagmamakaawa upang maisakatuparan nila ang kanilang pangako sa kanilang ama: “O ikaw na namumuno! Katiyakan, mayroon siyang ama na matandang-matandang na, na nagmamahal sa kanya at hindi nito makakayanan na siya ay mapalayo sa kanya, na kung kaya, pumili ka sa sinuman sa amin upang maging kapalit ni Benyûmin, at nakikita naman namin na ikaw ay kabilang sa mga mabubuti dahil sa iyong magandang pakikintungo sa amin at sa iba.”

79. Sinabi ni Yûsuf: “Hinihiling namin sa Allâh (I) ang kalinga na ilayo kami sa kamalian, na parurusahan namin ang iba samantalang hindi naman namin sa kanya natagpuan ang aming hinahanap na katulad ng nasasaad sa inyong batas. Katiyakan, kapag yaon ay aming ginawa, magiging kabilang kami sa mga masasama.”
80. Na kung kaya, noong mawalan na sila ng pag-asa na tugunan sa kanilang kahilingan ay lumayo sila sa mga tao at nagsanggunian sa isa’t isa, at sinabi ng isa na nakatatanda sa kanila: “Hindi ba ninyo alam na gumawa kayo ng matibay na pangako sa iyong ama sa Pangalan ng Allâh (I), na ibabalik ninyo ang inyong kapatid maliban sa kung kayo ay natalo ng inyong kalaban, at noon bago ang pangyayaring ito ay nakagawa kayo ng pagkakakamali dahil sa pagpapahamak ninyo kay Yûsuf na kayo ay nagsinungaling sa inyong ama; na kung kaya, hindi na ako aalis pa sa bayan ng Ehipto hanggang sa ang ating ama ay pahintulutan ako na makaalis dito, o di kaya ay magpasiya ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ako ay paalisin Niya rito at magawan ko ng paraan na madala ko ang aking kapatid, at ang Allâh (I) ay Ganap na Tagapagpasiya at Pinakamatarungan sa Kanyang paghahatol sa mga tao.

81. “Bumalik na kayo sa inyong ama at ibalita ninyo sa kanya ang nangyari, at sabihin ninyo sa kanya, ‘O aming ama! Katiyakan, ang iyong anak ay nagnakaw, at hindi kami sumasaksi maliban sa kung ano ang aming nalalaman, at walang pag-aalinlangang nakita namin ang takalan (panukat) doon sa kanyang dala-dalahan, at wala kaming kaalaman sa bagay na di-nakikita (‘Al-Ghayb’) noong kami ay nangako sa iyo na siya ay ibabalik namin sa iyo, na kung kaya, hindi namin alam na siya pala ay nagnakaw.”

82. ‘At tanungin ninyo, O aming ama, ang mga taga-Ehipto, at ang mga ‘Caravan’ na mga nakasabay namin dahil tiyak na mapapatunayan ninyo na kami ay totoo sa mga ikinukuwento namin sa iyo.’”

83. At nang sila ay makabalik, ikinuwento nila sa kanilang ama ang pangyayari, sinabi sa kanila: “Ang totoo ay niloloko at nililinlang lamang kayo ng inyong mga sarili na siyang nag-uutos sa inyo na magpakana nang masama na katulad ng pakana na inyong ginawa noon kay Yûsuf, na kung kaya, pagtitiis na lamang ang siyang pinakaangkop sa akin. Nawa’y ibalik sa akin ng Allâh (I) ang aking tatlong anak: si Yûsuf, ang kanyang kapatid at ang kanilang matandang kapatid na nagpaiwan dahil sa kanyang kapatid na si Benyâmin. Katotohanan, Siya ay ‘Al-`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam sa aking kalagayan, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa.”

84. At tumalikod si Ya`qub sa kanila, na ang kanyang dibdib ay nanikip dahil sa kanilang sinabi at kanyang sinabi: “Kaawa-awa naman ako sa aking pagdadalamhati kay Yûsuf,” at namuti na ang kanyang mga mata, na nawala na ang mga itim nito dahil sa labis niyang kalungkutan na nag-umapaw sa kanyang kalooban, subali’t napakatindi ng pagkimkim niya nito.

85. Sinabi ng kanyang mga anak: “Sumusumpa kami sa Allâh (I)! Hanggang ngayon pa ba ay naaalaala mo pa rin si Yûsuf, na siyang naging sanhi ng iyong labis na kalungkutan hanggang sa ikaw ay humina o halos mamatay na, kaya pagpahingahin mo na ang iyong sarili.”

86. Sinabi ni Ya`qub bilang pagtugon sa kanila: “Hindi ko ihahayag ang aking matinding kalungkutan bukod sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na Siya lamang ang nagpapaginhawa sa anumang kahirapan at pagsubok, at ako ang higit na nakaaalam sa Awa ng Allâh (I) at ang kaginhawaan na Kanyang ipinagkakaloob samantalang kayo ay hindi ninyo ito nababatid.”

87. Sinabi ni Ya`qub: “O aking mga anak! Bumalik kayo sa Ehipto at alamin ninyo ang balita hinggil kay Yûsuf at sa kanyang kapatid, at huwag kayong mawalan ng pag-asa sa Awa ng Allâh (I); dahil katiyakan, hindi nawawalan ng pag-asa sa Awa ng Allâh (I) ang sinuman maliban lamang sa hindi naniwala sa Kanyang Kapangyarihan at lumabag sa Kanya.”
88. Samakatuwid, sila ay nagtungo sa Ehipto, at nang sila ay pumasok kay Yûsuf, kanilang sinabi: “O ikaw na pinuno! Sinalanta kami at ang aming pamilya ng taggutom at tagtuyot, at dala-dala namin sa iyo ang kaunting halaga, na kung kaya, pagkalooban mo kami ng anumang ipinagkakaloob mo sa sinumang may sapat na pambayad, at magkawanggawa ka sa amin, na tanggapin mo ang maliit na halaga ng dirham na ito, isaalang-alang mo na lamang ang aming ibibigay sa iyo. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagkakaloob ng gantimpala sa sinumang nagbibigay ng kawanggawa sa mga nangangailangan.”

89. At nang marinig niya ang kanilang mga sinabi ay naawa siya sa kanila at ipinakilala niya ang kanyang sarili, na kanyang sinabi: “Natatandaan ba ninyo ang ginawa ninyo kay Yûsuf at sa kanyang kapatid na pang-aapi noong kayo ay nasa kamangmangan pa, na walang kaalam-alam sa magiging bunga ng inyong mga ginagawa?”

90. Sinabi nila: “Ikaw ba sa katotohanan si Yûsuf?” Sinabi niya: “Oo, ako si Yûsuf at ito ay aking kapatid sa ama’t ina. Katiyakan, kami ay pinagpala ng Allâh (I) at pinagsama kami pagkatapos ng mahabang taon ng paghihiwalay. Katiyakan, ang sinumang natatakot sa Allâh (I) at may pagtitiis sa mga pagsubok ay walang pag-aalinlangan na ang Allâh (I) ay hindi Niya binabalewala ang gantimpala ng mga gumagawa ng kabutihan kundi pinagkakalooban Niya ito nang higit pang gantimpala.”
91. Sinabi nila: “Sumusumpa kami sa Allâh (I)! Katiyakan, higit na pinagpala ka ng Allâh (I) kaysa sa amin at iniangat ka dahil sa kaalaman at malawak na pang-unawa at ganoon din sa biyaya, kahit sa katotohanan, kami ay sadyang nagkamali sa aming ginawa sa iyo at sa iyong kapatid.”

92. Sinabi sa kanila ni Yûsuf: “Wala nang paninisi sa inyo sa ngayon, patawarin nawa kayo ng Allâh (I), dahil sa Siya ay Ganap na Maawain sa lahat ng maawain sa sinuman na pinagsisihan ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.”

93. At nang sila ay tinanong niya hinggil sa kanyang ama, ibinalita nila sa kanya ang pagkawala ng kanyang paningin dahil sa labis niyang pag-iyak sa kanya (Yûsuf), kanyang sinabi sa kanila, “Bumalik kayo sa inyong ama na dala-dala ninyo ang aking kamiseta at ihagis ninyo ito sa mukha ng aking ama upang siya ay magkaroong muli ng paningin, pagkatapos ay dalhin ninyo rito sa akin ang lahat ng inyong pamilya.”

94. At nang nakaalis na ang ‘Caravan’ mula sa bayan ng Ehipto ay dala-dala nila ang kamiseta ni Yûsuf, (samantala) sinabi ni Ya`qub [48] (sa kanyang mga anak na nandoroon na kasama niya): “Katiyakan, naaamoy ko ang amoy ni Yûsuf, kung hindi lamang ninyo iisipin na mahina ang aking memorya dahil sa aking katandaan at kukutyain ako, na iisipin ninyong ang mga ganitong salita na lumalabas sa aking bibig ay hindi nagmumula sa aking kaisipan.”

95. Sinabi ng ilan sa kanila na nandoroon: “Sumusumpa kami sa Allâh (I)! Katiyakan, ikaw ay nasa dati mo pa ring pagkakamali dahil sa labis mong pagmamahal kay Yûsuf na hindi mo siya makalimutan.”

96. At nang dumating ang tagapagdala ng magandang balita ay ipinaabot kay Ya`qub na walang pag-aalinlangang si Yûsuf ay buhay pa, at inihagis niya ang damit ni Yûsuf sa kanyang mukha at nanumbalik ang kanyang paningin, na siya ay nasa matinding kagalakan, na kanyang sinabi sa kanila: “Hindi ba sinasabi ko sa inyo, ‘Katiyakang ako ay higit na nakaaalam kaysa sa inyo hinggil sa Allâh (I), ng mga bagay na hindi ninyo alam na Kanyang Biyaya, Pagkaawa at Kagandahang-Loob?’”
97. Sinabi ng kanyang mga anak: “O aming ama! Ipanalangin mo sa Allâh na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na patawarin kami at pagtakpan ang aming mga pagkakasala, dahil katiyakang kami ay nagkamali sa aming ginawa kay Yûsuf at sa kanyang kapatid.”

98. Sinabi ni Ya`qub: “Walang pag-aalinlangan, idadalangin ko sa aking ‘Rabb’ na patawarin kayo sa inyong pagkakasala, dahil Siya ay katiyakang ‘Al-Ghafour’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng Kanyang mga alipin na nagsisisi, na ‘Ar-Raheem’ – ang Napakamaawain at Ganap Mapagmahal sa kanila.”

99. At umalis si Ya`qub at ang kanyang pamilya patungo kay Yûsuf sa Ehipto, at noong sila ay dumating doon ay isinama ni Yûsuf ang kanyang magulang at kanyang sinabi sa kanila, “Pumasok kayo sa Ehipto sa kapahintulutan ng Allâh (I) na ligtas sa anumang kahirapan at taggutom, at sa anumang di-kanais-nais na bagay.”

100. At pinaupo niya ang kanyang ama at ina sa trono na nasa kanyang tabihan; bilang parangal sa kanilang dalawa, at binati siya ng kanyang mga magulang at labing-isang kapatid sa pamamagitan ng pagpapatirapa sa kanya bilang pagbati at parangal at hindi bilang pagsamba at pagpapakumbaba, at ito ay ipinahintulot sa kanilang batas noon at ipinagbawal naman sa batas natin ngayon; upang pigilin ang daan patungo sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).

At sinabi ni Yûsuf sa kanyang ama: “Ang pagpapatirapa ninyong ito sa akin ay siyang kahulugan ng aking panaginip na ikinuwento ko sa iyo noong ako ay bata pa! Katiyakang tinupad ito ng aking ‘Rabb’ at walang pag-aalinlangang pinagpala Niya ako noong pinalabas Niya ako mula sa kulungan, at dinala Niya kayo sa akin mula sa disyertong pamumuhay, pagkatapos taniman ni Shaytân ng poot ang ugnayan naming magkakapatid sa pagitan nila at sa pagitan ko. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Lateef’ – Pinakadalubhasa sa Kanyang Pangangalaga at Pangangasiwa sa sinumang Kanyang nais, na walang pag-aalinlangang Siya ay ‘Al-`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam sa anumang nakabubuti sa Kanyang mga alipin, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa anumang Kanyang sinasabi at ginagawa.

101. Pagkatapos ay nanalangin si Yûsuf sa kanyang ‘Rabb’ na kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Walang pag-aalinlangang ipinagkaloob Mo sa akin ang pamumuno sa kaharian ng Ehipto, at itinuro Mo sa akin ang pagbibigay ng kahulugan sa panaginip at iba pang kaalaman – ‘Fâteeras Samâwâti wal Ardh’ – ang Tanging Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan sa pinakamagandang kaayusan! Ikaw ay aking ‘Walee’ – Ganap na Tagapangalaga sa lahat ng aking pangangailangan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. Na kung kaya, sanhiin Mo na mamatay ako bilang isang Muslim at ibilang Mo ako sa Iyong mga mabubuting alipin, mga Propeta, mga matutuwid at mga pinili Mo na mga dalisay at malilinis.”

102. Ang mga nabanggit na kuwentong ito hinggil kay Yûsuf ay kabilang sa mga ‘Al-Ghayb’ na kuwento na Aming isinasalaysay sa iyo, O Muhammad (r), bilang Rebelasyon; at wala ka roon, noong ginawa ng mga kapatid ni Yûsuf ang kanilang pakana na siya ay itatapon nila sa balon, na sila ay nagpakana sa kanya at sa kanyang ama; at ito ay tanda ng iyong pagiging totoo, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang nagpahayag ng Rebelasyon sa iyo.

103. At karamihan sa mga ‘Mushrikûn’ na nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, O Muhammad (r), ay hindi naniniwala sa iyo at hindi sumusunod, kahit na gustung-gusto mo na sila ay maniwala, na kung kaya, huwag mo itong ikabahala.


104. At hindi ka humihingi ng kapalit, O Muhammad (r), mula sa iyong sambayanan bilang kabayaran sa paggabay mo sa kanila tungo sa paniniwala, subali’t ikaw ay isinugo na dala-dala mo sa kanila ang Banal na Qur’ân at gabay bilang pagpapaalaala at payo sa lahat ng mga tao, upang sila ay makaalaala at mapatnubayan.
105. At karamihan sa mga palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I) at Kanyang Kapangyarihan na mga nasa kalangitan at kalupaan, na katulad ng araw, buwan, mga bundok at mga puno ay nakikita nila subali’t ito ay kanilang tinatanggihan, na hindi nila ito pinag-iisipan at pinag-aaralan.

106. At hindi naniwala ang mga yaong tumanggi sa mga palatandaan ng Allâh (I), na ang Allâh (I) sa katotohanan ay Siyang Lumikha sa kanila at nagbibigay ng kabuhayan at Lumikha ng lahat ng bagay, na Siya ay Bukod-Tangi na karapat-dapat na sambahin, sa halip ay nagtambal sila sa kanilang pagsamba ng mga rebulto, mga santo at mga diyus-diyosan. Ang Allâh (I) na Kataas-taasan ay ligtas sa anuman na kanilang mga kamaliang itinatangi sa Kanya.

107. Nakatitiyak ba sila sa kanilang ginagawa na sila ay maliligtas mula sa kagimbal-gimbal na pagsaklob ng masidhing kaparusahan ng Allâh (I), o di kaya, sila ba ay maliligtas sa biglaang pagdating ng pagkagunaw ng daigdig samantalang hindi nila ito namamalayan at wala silang kaalam-alam?

108. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ito ang aking pamamaraan, na ako ay nag-aanyaya tungo sa pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I), na ako ay nakatitiyak sa katibayan mula sa Allâh (I), ako at ang sinumang susunod sa akin, at Luwalhati sa Allâh (I) na Napakadakila na malayung-malayo mula sa anumang kanilang sinasamba na itinatambal sa Kanya, at ako ay hindi kabilang sa mga naglalagay ng katambal sa pagsamba sa Kanya.”
109. At hindi Kami nagpadala ng mga Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad (r), sa sangkatauhan kundi mga kalalakihan na mula sa kanila, na ibinaba Namin ang kapahayagan para sa kanila, at sila ay naninirahan sa kabayanan, na sila ay higit na may kakayahan na maintindihan ang pag-aanyaya tungo sa Allâh (I) at ang mensahe, naniniwala sa kanila ang sinumang ginabayan sa katotohanan at tinatanggihan sila ng mga ligaw, hindi ba sila naglakbay sa kalupaan upang masaksihan nila kung ano ang nangyari sa mga taong nauna sa kanila na hindi naniwala at kung paano sila winasak ng Allâh (I)? At ang gantimpala sa Kabilang-Buhay ay mas nakahihigit sa anuman na nasa daigdig at ang niloob nito para sa mga naniwala at may takot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Na kung kaya, hindi ba ninyo ito pinag-iisipang maigi upang mapagkunan ng aral?

110. Huwag mong madaliin, O Muhammad (r), ang pagkapanalo laban sa mga hindi naniwala sa iyo, dahil katiyakang ang mga Sugo na nauna sa iyo ay hindi kaagad dumating sa kanila ang tulong ng Allâh (I), dahil sa karunungan na ang Allâh (I) lamang ang Nakaaalam, hanggang kapag nawalan na ng pag-asa ang mga Sugo na maniwala sa kanila ang kanilang sambayanan, at nakatiyak na sila sa pagtanggi ng kanilang sambayanan na wala na silang pag-asa pang maniwala, ay saka pa darating sa kanila ang tulong Namin sa panahon ng kagipitan, at inililigtas Namin ang sinuman na Aming nais mula sa mga Sugo at kanilang mga tagasunod, at walang sinuman ang makapipigil sa Aming parusa sa sinumang nagkasala at naghimagsik laban sa Allâh (I). At ang pahayag na ito ay bilang pampalubag-loob kay Propeta Muhammad (r).

111. Walang pag-aalinlangan, sa mga kuwento ng mga Sugo na Aming ikinuwento sa iyo, O Muhammad (r), at sa anumang kaparusahan sa mga tumanggi ay bilang aral sa sinumang matitino ang kanilang mga kaisipan. Kailanman, ang Banal na Qur’ân na ito ay hindi kasinungalingan at haka-haka, kundi ito ay Aming ipinahayag bilang pagpapatotoo sa mga nauna rito na Kasulatan mula sa Allâh (I), at paglilinaw sa anumang kapaliwanagan na kailangan ng mga alipin ng Allâh (I) na katulad ng pagpapahintulot at pagbabawal, at anumang kanais-nais na mga bagay at hindi kanais-nais at iba pa, at gabay mula sa pagkaligaw, at awa sa mga naniwala upang sila’y gabayan sa kanilang mga puso, nang sa gayon ay maisagawa nila ang anumang mga niloloob nito na mga ipinag-uutos at maiwasan ang mga ipinagbabawal.

No comments: