8
VIII – Sûrat Al-Anfâl
[Ang mga nakuha sa labanan na mga yaman]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Tinatanong ka ng iyong mga ‘Sahâbah,’ O Muhammad (r), hinggil sa ‘Ghanâim’ sa Labanan sa Badr, kung papaano mo ito hahatiin sa kanila? Sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, ang may karapatan lamang hinggil sa bagay na ito ay ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo, na kung kaya, ang Sugo ang mamamahagi nito ayon sa utos ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha,” na kung kaya, katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I), huwag kayong gumawa ng kasalanan sa Kanya, at iwasan ninyo ang pagtatalu-talo at pagkaka-salungatan dahil sa kayamanan na ito, at ayusin ninyo ang hidwaan sa mga pagitan ninyo, at ipatupad ninyo ang pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, kung kayo ay tunay na nananampalataya sa Kanya; dahil ang tunay na paniniwala ay nag-aakay sa inyo tungo sa pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.
2. Katiyakan, ang tunay lamang na mananampalataya sa Allâh (I) ay ang mga yaong kapag binanggit ang patungkol sa Allâh (I) ay nakadarama ng takot sa kanilang mga puso, at kapag binigkas sa kanila ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay nadaragdagan ang kanilang paniniwala, at sa Allâh (I) lamang nila ipinauubaya ang kanilang mga sarili, na kung kaya, hindi sila naghahangad ng anuman at wala silang kinakatakutan na iba.
3. Ang mga yaong patuloy ang kanilang pagsagawa ng mga obligadong ‘Salâh’ sa nakatakdang oras nito, at gumagasta mula sa anumang ipinagkaloob Namin sa kanila ayon sa Aming ipinag-utos sa kanila.
4. Sila na mga yaong nagsasagawa nito ang tunay na mananampalataya, na naniniwala sa kung ano ang ipinahayag ng Allâh (I) sa kanila, nakalantad man o lihim, na para sa kanila ang matataas na antas sa Allâh (I), at pagpapatawad sa kanilang mga pagkakasala at masaganang kabuhayan na ito ay ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).
5. Na katulad noong kayo ay nagkakasalungatan hinggil sa ‘ghanâim,’ kaya inalis ng Allâh (I) ang karapatan sa inyo, at ginawa Niya na para lamang sa Kanya at sa Kanyang Sugo ang pagbabaha-bahagi nito, ay ganoon din na inutusan ka rin ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), na umalis sa Madinah upang harangin ang ‘Caravan’ ng mga Quraysh, na yaon ay utos sa pamamagitan ng rebelasyon na dala-dala ni Anghel Jibril (u), samantalang may grupo ng mga mananampalataya na ayaw nilang lumabas sa Madinah.
6. Nakikipagtalo sa iyo, O Muhammad (r), ang isa sa grupo ng mga mananampalataya hinggil sa pakikipaglaban pagkatapos mapatunayan sa kanila na ito ay walang pag-aalinlangan na mangyayari, para bagang sila ay hinihila tungo sa kamatayan, na ito ay nakikita mismo ng kanilang mga sariling mata.
7. At alalahanin ninyo, O kayo na nakikipagtalo, ang pangako ng Allâh (I) sa inyo na makamtan ang isa sa dalawang tagumpay: ang ‘Caravan’ at ang dala-dala nitong kabuhayan, o di kaya ay ang grupo ng mga kawal, na ito ay pakikipaglaban sa mga kalaban at panalo laban sa kanila, samantalang kayo ay gusto ninyo na mapasainyo ang ‘Caravan’ nang walang labanan, subali’t nais ng Allâh (I) na mapangatwiranan ang Islâm at ito ay mangingibabaw sa pamamagitan ng pag-uutos Niya sa inyo na makipaglaban sa mga walang pananampalataya at upang maputol ang ugat ng kasamaan ng mga walang pananampalataya sa pamamagitan ng pagwasak sa kanila.
8. Upang pangibabawin ng Allâh (I) ang Islâm at ang mga tagasunod nito at puksain ang ‘Shirk’ at ang mga tagasunod nito, na kahit ito ay kamuhian ng mga ‘Mujrimûn’ – mga masasama na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I).
9. Alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo noong Labanan sa Badr noong kayo ay humihiling sa Allâh (I) na papanalunin laban sa inyong mga kalaban, at dininig ng Allâh (I) ang inyong panalangin na Kanyang sinabi: “Katiyakan, Ako ay tutulong sa inyo sa pamamagitan ng pagpa-padala ng isang libong anghel mula sa kalangitan na magkaka-sunud-sunod.”
10. At hindi ginawa ng Allâh (I) ang pagtulong na ito kundi bilang isang magandang balita para sa inyo ng pagkapanalo, at upang mapanatag ang inyong mga kalooban, at makatiyak sa tulong ng Allâh (I) sa inyo, at walang anumang tulong kundi nagmumula lamang sa Allâh (I), na ito ang nagpapanalo at hindi ang inyong tapang at lakas. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’– Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga Kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pagpaplano at panukala.
11. Noong tinakluban Namin kayo ng antok bilang kapanatagan mula sa Kanya para sa inyo, mula sa inyong takot na matalo kayo ng inyong mga kalaban, at ibinaba para sa inyo ang tubig-ulan mula sa ulap; upang linisin kayo mula sa pisikal na karumihan, at upang alisin sa inyo ang mga maling pag-aakala sa inyong mga kalooban na panlilinlang ni ‘Shaytân,’ at upang mapatibay ang inyong mga puso na maging matiisin sa pakikipaglaban, at upang patatagin ang mga paa ng mga mananampalataya sa pinasiksik na kalupaan dahil sa ulan, upang hindi madulas ang mga paa.
12. Noong nagpahayag ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), sa mga anghel na ipinadala ng Allâh (I) sa inyo bilang tulong sa Labanan sa Badr na katunayan na Ako kasama ninyo ay tinutulungan Ko kayo, na kung kaya patatagin ninyo ang kalooban ng mga naniwala sa Akin, at walang pag-aalinlangan itatanim Ko sa mga puso ng mga walang pananampalataya ang matinding takot at pagkahamak, na kung kaya, hampasin ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang mga ulo ng mga walang pananampalataya, at ihampas sa kanilang mga daliri at mga pulso o ‘wrist.’
13. Ang yaong nangyari sa mga walang pananampalataya na paghampas sa kanilang mga ulo at pagputol ng kanilang mga leeg at mga daliri; dahil sa kanilang paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, at ang sinumang lalabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at ng Sugo, ay walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Shadeedul `Iqâb’ – Matindi ang Kanyang pagpaparusa dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
14. Ito ang parusa na inuna Ko sa inyo, O kayo na mga walang pananampalataya na lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, dito sa daigdig; na kung kaya, lasapin ninyo ito dito sa daigdig, at para sa inyo sa Kabilang-Buhay ay parusa sa Impiyernong-Apoy.
15. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kapag nakatagpo ninyo ang mga walang pananampalataya sa pakikipaglaban na sila ay lumulusob sa inyo ay huwag kayong tatalikod, dahil matatalo kayo sa kanila, subali’t magpakatatag kayo, dahil ang Allâh (I) ay kasama ninyo at tumutulong sa inyo.
16. At sinumang tumalikod mula sa inyo sa oras ng labanan ay katotohanang siya ay karapat-dapat sa sumpa ng Allâh (I), at ang kanyang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy na napakasamang huling hantungan, maliban kung ito ay bilang isang uri ng ‘strategy’ o kaparaanan lamang upang malupig ang mga walang pananampalataya, o di kaya ay lumipat lamang sa ibang grupo ng mga Muslim na nakikipaglaban at siya ay nakipaglaban na kasama nila.
17. Hindi ninyo napatay, O kayong mga mananam-palataya ang mga walang pananampalataya sa Labanan sa Badr kundi ang Allâh (I) ang pumatay sa kanila, noong kayo ay tinulungan Niya, at hindi ikaw ang naghagis sa oras ng iyong paghahagis, O Muhammad (r), kundi ang Allâh (I) ang Siyang naghagis, dahil Siya ang nagpatama ng paghahagis mo sa mga mukha ng mga walang pananampalataya; upang subukin ang mga naniwala sa Allâh (I) at ang Kanyang Sugo, at upang sila ay iangat sa pamamagitan ng ‘Jihâd’ sa mga matataas na antas, at upang ipadama sa kanila ang biyaya ng Allâh (I), nang sa gayon ay pasalamatan nila ang Allâh (I) para rito. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa inyong mga panalangin at inyong mga sinasabi, lantad man ito o hindi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang nakabubuti sa Kanyang mga alipin.
18. Ang pangyayaring ito, ang pagkamatay ng mga walang pananampalataya (‘Mushrikun’) at pagtama sa kanila noong mga buhangin na inihagis ng Propeta (r) noong sila ay natalo, at ang magandang pagsubok na pagkapanalo ng mga mananampalataya laban sa kanilang mga kalaban, ito ay mula sa Allâh (I) para sa mga mananampalataya, at katiyakan, ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang pahihinain at pawawalaing-bisa ang pakana ng mga walang pananampalataya, hanggang sila ay mapahamak at manliit at magpasailalim sa katotohanan o di kaya ay mamatay.
19. O mga walang pananampalataya, kung hinihiling ninyo sa Allâh (I) na puksain o parusahan ang mga lumalabag at naghimagsik ay walang pag-aalinlangang dininig ng Allâh (I) ang inyong panalangin, noong pinarusahan kayo bilang pagbabayad ninyo at bilang aral naman sa mga matatakutin sa Allâh (I), at kung itigil ninyo ang inyong paglabag at pagtanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at pakikipaglaban sa Kanyang Propeta na si Muhammad (r), ay ito ang higit na nakabubuti sa inyo dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at kung kayo ay babalik sa pakikipaglaban kay Muhammad (r) at sa kanyang mga tagasunod na mga mananampalataya ay babalik din Kami sa inyo upang kayo ay gapiin, na tulad ng pagkatalo ninyo sa Badr, at kailanman ay wala kayong pakinabang kahit na anong dami ninyo na katulad din ng di ninyo pakikinabang nito sa Labanan sa Badr, marami ang bilang ninyo at ang inyong mga sandata at kakaunti naman ang bilang ng mga mananampalataya at ang kanilang sandata, katiyakan ang Allâh (I) ay kasama sa mga mananamapalataya sa pamamagitan ng Kanyang pagtaguyod at pagtulong.
20. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, sundin ninyo ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo sa ipinag-utos Niya at ipinagbawal, at huwag suwayin ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo, samantalang naririnig ninyo ang mga binibigkas sa inyo sa Qur’ân na mga katibayan at mga palatandaan.
21. Huwag ninyong ibilang ang inyong mga sarili, O kayong mga mananampalataya, sa lumalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r), na katulad ng mga ‘Mushrikin’ at mga ‘Munâfiqin,’ na kapag narinig nila ang Aklat ng Allâh (I) na binibigkas sa kanila, sinasabi nila: “Narinig ng aming mga tainga,” subali’t sila sa katotohanan ay hindi nila iniintindi ang anuman na kanilang naririnig, at ito ay hindi nila pinag-iisipan.
22. Katiyakan, ang pinakamasama na mga gumagapang sa ibabaw ng kalupaan na nilikha ng Allâh (I), sa paningin ng Allâh (I) ay yaong mga bingi na natatakpan ang kanilang mga tainga na di nakaririnig ng katotohanan, at mga pipi na hindi nakabibigkas ang kanilang mga dila ng katotohanan, na sila ay yaong hindi iniisip ang patungkol sa ipinag-uutos ng Allâh (I) at ng Kanyang ipinagbabawal.
23. At batid ng Allâh (I) na kung may kabutihan sa mga yaon ay ipaparinig Niya sa kanila ang mga payo ng Banal na Qur’ân at ang mga aral nito hanggang sa maintindihan nila ang mga katibayan at mga palatandaan ng Allâh (I), subali’t ang Allâh (I) ay Batid Niya na walang kabutihan na maaasahan sa kanila, at sila sa katotohanan ay hindi na maniniwala pa, at kahit na iparinig pa sa kanila kung sakali man ay sadyang tatalikuran pa rin nila ang paniniwala bilang pagmamatigas pagkatapos nila itong maintindihan, at sila habang tinatalikuran nila ito ay hindi na sila lilingon pa sa katotohanan sa anumang kaparaanan.
24. O kayong naniwala sa Allâh (I), bilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at kay Muhammad (r) bilang Propeta at Sugo! Tugunan ninyo ang panawagan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, ng pagsunod, kapag Siya [Allâh (I)] ay nanawagan sa inyo tungo sa katotohanan na ikabubuhay ninyo, dahil ang pagtugon sa panawagan ng Allâh (I) ay pagtutuwid ng pamumuhay ninyo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at dapat ninyong mabatid, O kayong mga mananampalataya, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang nangangasiwa sa lahat ng bagay, na Ganap na Makapangyarihan na kaya Niyang harangan ang tao at sa anumang bugso ng kanyang kalooban, na Siya ay ganap na may karapatan na tugunan ang Kanyang paanyaya kapag inanyayahan kayo; dahil nasa Kanyang pagtatangan ang lahat ng bagay, at dapat ninyong mabatid na kayo ay titipunin sa Araw na walang pag-aalinlangan na darating at pagbabayarin ang sinuman ng anumang karapat-dapat na kabayaran.
25. At ingatan ninyo, O kayong mga mananampalataya ang pagsubok at kahirapan na tinatamaan ang sinumang masama at iba, na hindi lang sa sinumang gumagawa ng masama, o hindi lang ang mga makasalanan ang pinarurusahan, o ang sinumang tuwiran na gumawa ng pagkakasala, kundi napapahamak kahit ang mga mabubuting tao na kasama nila, kung may kakayahan ang mga mabubuti na pigilan ang kasalanan subali’t hindi nila ito ginawa, at dapat na mabatid na ang Allâh (I), sa katotohanan ay ‘Shadeedul `Iqâb’ – Matindi ang Kanyang parusa sa sinumang lumabag sa Kanya, sa ipinag-utos Niya at sa Kanyang ipinagbawal.
26. At alalahanin ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang mga biyaya ng Allâh (I) sa inyo, noong kayo ay nasa Makkah na kakaunti lang ang inyong bilang at inaapi, na kinakatakutan ninyo na baka kayo ay biglang lupigin ng mga walang pananampalataya, na kung kaya, pinagkalooban kayo ng matatakbuhan na ligtas na lugar na ito ay sa Madinah, at pinalakas kayo sa pamamagitan ng Kanyang tulong na inyong pagkapanalo sa Badr at binigyan kayo ng kabuhayan na ‘ghanimah’ na ipinahintulot sa inyo; upang tumanaw kayo ng utang na loob sa anumang ipinagkaloob Niyang kabuhayan at biyaya para sa inyo.
27. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, huwag ipagkanulo ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo sa pamamagitan ng pag-iwas sa Kanyang ipinag-utos sa inyo at pagsagawa ng Kanyang ipinagbawal sa inyo, at huwag ninyong ipagkanulo ang ipinagkatiwala ng Allâh (I) sa inyo, dahil batid ninyo na itong ipinagkatiwala ay nararapat na pag-ingatan at isakatuparan.
28. At dapat ninyong mabatid, O kayong mga mananampalataya, na ang inyong mga kayamanan ay ipinagkatiwala ng Allâh (I) sa inyo, at ganoon din ang inyong mga anak ay ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo bilang pagsubok na mula sa Allâh (I) sa Kanyang mga alipin; upang mapatunayan kung sila ay pasasalamatan ito at susundin ang Allâh (I) para rito, o ang mga ito ang magiging sanhi ng pagkalimot ninyo sa Allâh (I). At dapat ninyong mabatid, ang Allâh (I) sa katotohanan ay nasa Kanya ang ganap at dakilang gantimpala sa sinumang natakot at sumunod sa Kanya.
29. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung kayo ay natatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal ay gagawa ang Allâh (I) ng kaparaanan para sa inyo na kayo ay makalabas sa anumang pagsubok at kahirapan dito sa daigdig, at patatawarin sa inyo ang anumang nagawa ninyong kasalanan at pagtatakpan ito para sa inyo, na hindi na kayo parurusahan pa. Ang Allâh (I) ay Siyang ‘Dhul Fadhlil Adzeem’ – Nagmamay-ari ng Dakilang Kagandahang-Loob.
30. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong nagpakana laban sa iyo ang mga walang pananampalataya sa Makkah upang ikulong ka, o di kaya ay patayin, o di kaya ay ilayo sa iyong bayan; at sila ay gumagawa ng pakana at ang Allâh (I) ay ginagantihan ang kanilang mga pakana ng katumbas nito para sa kanila, at nagpapanukala ang Allâh (I), at ang Allâh (I) ay ‘Khayrul Mâkireen’ – Pinakamagaling na Tagapagpanukala na ganap ang Kanyang panukala sa anuman na kanilang mga pakana at masamang balakin.
31. At kapag binigkas sa kanila na mga lumalabag sa Allâh (I), ang mga talata ng Banal na Qur’ân, sasabihin nila bilang kamangmangan at pagmamatigas laban sa katotohanan: “Katunayan, narinig na namin ito noon pa, at kung nanaisin namin ay kaya rin naming magsalita ng katulad ng Banal na Qur’ân, at ito na Qur’ân na binibigkas mo sa amin, O Muhammad (r), ay mga haka-kaha na nagmula ng mga naunang tao.”
32. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang sinabi ng mga walang pananampalataya, mula sa iyong sambayanan na bilang panalangin sa Allâh (I): “Kung ang dala-dala ni Muhammad ay katotohanan na mula sa Iyo ay paulanan Mo kami ng mga bato mula sa kalangitan, o di kaya ay magpadala Ka sa amin ng matinding parusa.”
33. At ang Allâh (I), kailanman ay hindi Niya sila parurusahan habang ikaw, O Muhammad (r) ay kasama nila, at hindi sila parurusahan ng Allâh (I) hangga’t sila ay humihingi ng kapatawaran sa Allâh (I) sa kanilang pagkakasala.
34. Subali’t paano sila hindi magiging karapat-dapat sa parusa ng Allâh (I), samantalang pinipigilan nila ang ‘awliyâ`’ ng Allâh (I) na mga mananampalataya sa pagsa-gawa ng ‘tawâf’ sa ‘Ka`abah’ at pagsa-‘salâh’ sa ‘Masjid Al-Harâm’? At sila ay hindi kabilang sa ‘awliyâ`’ ng Allâh (I), kaya sa katunayan, ang mga ‘awliyâ`’ ng Allâh (I) ay ang mga yaong kinakatakutan nila ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal, subali’t ang karamihan sa mga walang pananampalataya ay hindi nila ito batid; na kung kaya, inaangkin nila sa kanilang mga sarili ang bagay na hindi karapat-dapat sa kanila.
35. Ang kanilang dasal sa ‘Masjid Al-Harâm’ ay walang iba kundi pagpipituhan at pagpapalakpakan ng mga kamay. Na kung kaya, lasapin ninyo ang parusang kamatayan o pagkabihag sa Labanan sa Badr; dahil sa inyong pagtanggi at sa inyong mga gawain na walang sinuman ang gumagawa nito kundi ang mga walang pananampalataya na tumatanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) at mensahe ng kanilang Propeta.
36. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala sa Allâh (I) at nilabag ang Kanyang Sugo ay ginagasta nila ang kanilang mga salapi sa mga katulad nila na mga walang pananampalataya at mga ligaw; upang harangan ang Daan ng Allâh (I) at pigilan ang mga mananampalataya sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na kung gayon, patuloy na nilang gastahin ang kanilang mga kayamanan, pagkatapos sa bandang huli ito ay pagsisisihan nila at panghihinayangan nila ang kanilang ginasta, dahil masasayang lamang ang kanilang kayamanan, at hindi nila makakamtan ang kanilang hinahangad na pagpigil sa Liwanag ng Allâh (I) at pagharang sa Kanyang Daan, at malulupig din sila ng mga mananampalataya sa dakong huli. At yaong mga walang pananampalataya ay pagsasama-samahin sa Impiyernong-Apoy at doon sila ay parurusahan.
37. Pagsasama-samahin ng Allâh (I) at ipapahamak ang mga yaong walang pananampalataya sa kanilang ‘Rabb,’ at gumasta ng kanilang kayamanan upang pigilin ang mga tao sa paniniwala sa Allâh (I) at harangan ang Kanyang Daan, upang paghiwalayin ng Allâh (I) ang masama sa mabuti, at sasanhiin ng Allâh (I) ang masamang kayamanan na ginasta para harangan ang ‘Deen’ ng Allâh (I), na ito ay pagpapatung-patungin at itatapon sa Impiyernong-Apoy, at sila na mga walang pananampalataya ay mga talunan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
38. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga tumanggi at di naniwala, mula sa mga walang pananampalataya sa iyong sambayanan: “Kapag sila ay tumigil mula sa ‘Kufr’ (pagtanggi) at pakikipaglaban sa Propeta, at sila ay magbalik-loob sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at hindi na makipaglaban sa Sugo ng Allâh (I) at sa mga mananampalataya, ay patatawarin ng Allâh (I) sa kanila ang anuman na nagawa nilang mga kasalanan, dahil ang Islâm ay nabubura nito ang dating kasalanan ng sinumang naniwala.
“At kung babalik ang mga yaong walang pananampalataya sa pakikipaglaban sa iyo, O Muhammad, pagkatapos ng nangyaring Labanan sa Badr ay walang pag-aalinlangang nakalipas na ang pamamaraan ng mga naunang tao, na sila ay tumanggi at nagpatuloy sila sa kanilang pagtanggi o paglabag, na kung kaya, kaagad Namin silang pinarusahan.”
39. At makipaglaban kayo, O kayong mga mananampalataya sa mga ‘Mushrikin,’ hanggang wala nang manatiling ‘shirk’ at pagpigil sa Daan ng Allâh (I), at wala nang sasambahin kundi ang Allâh (I) na Bukod-Tangi at walang katambal, na kung kaya, mawawala na rin ang mga paghihirap sa mga alipin ng Allâh (I) dito sa kalupaan, hanggang sa manatili lamang ang ‘Deen,’ pagsunod at pagsamba; na lahat ng ito ay para lamang sa Allâh (I) at hindi sa iba, at kapag sila ay tumigil sa pagpapahirap sa mga mananampalataya at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at sila ay naging kabilang na sa inyo sa ‘Deen’ ng Allâh (I), samakatuwid, ang Allâh (I) ay walang naililihim sa anuman na kanilang ginagawa na pagtalikod sa maling paniniwala at pagpasok sa Islâm.
40. At kapag tinanggihan ng mga walang pananampalataya ang inyong paanyaya tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at pagtigil sa pakikipaglaban sa inyo, at tinanggihan nila ang anuman maliban sa pananatili sa maling paniniwala at pakikipaglaban sa inyo, na kung gayon, dapat ninyong matiyak na ang Allâh (I) ay inyong ‘Mawlâ’ – Tagapagtaguyod, Tagapangalaga. Siya ay ‘Ni`mal Mawlâ’ – Ganap at Walang-Hanggang Tagapagtaguyod, at ‘Ni`man Naseer’ – Ganap at Walang-Hanggang Tagatulong sa inyo at sa mga malalapit sa Kanya laban sa inyong mga kalaban.
41. At dapat ninyong mabatid, O kayong mga mananampalataya, na anumang inyong nakamtan (‘Ghânimah’) mula sa inyong pakikipaglaban sa inyong mga kalaban bilang (‘Jihâd’) (pakikipagpunyagi) sa Daan ng Allâh (I), ang apat na kalima (4/5) nito ay para sa mga nakipaglaban na kasama sa labanan at ang panlimang bahagi na natitira ay hahatiin sa lima: una sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na kung kaya, ito ay para sa kapakinabangan ng mga Muslim bilang pang-kalahatan; ang pangalawa ay sa mga kamag-anak ng Sugo ng Allâh (I), na sila ay Banu Hâshim at Banu Abdul-mutallib, na ito ay ginawa bilang kapalit ng ‘Sadaqah’ (kawanggawa) dahil hindi ipinahihintulot sa kanila ang ‘Sadaqah;’ at ang pangatlo ay para sa mga ulila, at ang pang-apat ay para sa mga mahihirap, at ang panglima naman ay para sa mga manlalakbay na pansamantalang natigil sa isang lugar (o na-‘stranded’), kung kayo ay tunay na naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sumusunod sa Kanya at naniniwala sa anumang Kanyang ipinahayag sa Kanyang alipin na si Propeta Muhammad (r) na mga talata ng Banal na Qur’ân at pagbaba ng mga tulong sa araw na pinaghiwalay ang katotohanan sa kamalian sa (labanan sa) Badr, sa araw ng pagtagpo ng grupo ng mga mananamapalataya at grupo ng mga ‘Mushrikin’ na mga walang pananampalataya. At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay na walang anumang makapipigil sa Kanya.
42. At alalahanin ninyo noong kayo ay nasa kabilang dako ng bundok sa gawing Madinah at ang kalaban ninyo naman ay nasa kabilang dako ng malayong bundok, at ang ‘Caravan’ ng pangangalakal ay nasa gawing ibaba ninyo sa gilid na malapit sa tabing dagat (ng Dagat na Pula), na kung gumawa lang kayo ng paraan na magkaroon ng pakikipagtipan upang magkatagpo kayo ay hindi kayo magkakasundo sa isa’t isa, subali’t ang Allâh (I) ay pinagtagpo kayo nang walang kasunduan; upang itadhana ng Allâh (I) ang pangyayari na tiyak na magaganap para itaguyod ang mga malalapit sa Kanya at ipahamak ang Kanyang mga kalaban sa pamamagitan ng kanilang pagkamatay o pagkabihag; at yaon ay upang mawasak ang sinumang karapat-dapat na mawasak, na ito ay katibayan na mula sa Allâh (I), upang patatagin ang matibay na katibayan mula sa Allâh (I) at wala na silang idadahilan pa, at upang mabuhay ang karapat-dapat na mabuhay sa pamamagitan ng paglitaw ng matibay na katibayan mula sa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa dalawang grupo, na walang anumang naililihim sa Kanya, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nababatid Niya ang kanilang layunin.
43. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong ipinakita ng Allâh (I) sa iyo, sa pagtulog mo na ang bilang ng kalaban ay kaunti, ito ay ikinuwento mo sa mga mananampalataya, kaya lumakas ang kanilang kalooban, at naging magiting sila sa pakikipaglaban, at kung ang ipinakita lamang sa iyo ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang dami ng bilang ng kalaban ay magdadalawang-isip ang iyong mga tagasunod sa kanilang pakikipagharap, at matatakot kayo at hindi kayo magkakasundo sa pakikipaglaban, subali’t ang Allâh (I) ay iniligtas kayo sa pagkasawi at sa anumang magiging bunga nito na masama. Katiyakan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na kinikimkim ng inyong mga puso at sa likas na katangian ng inyong mga kalooban.
44. At alalahanin mo pa rin, noong lumitaw ang mga kalaban sa lugar ng labanan ay nakita ninyo sila na kakaunti kaya naging malakas ang inyong loob na lumaban at maliit ang tingin nila sa inyo kaya hindi na sila naghanda ng pakikipaglaban sa inyo; upang itadhana ng Allâh (I) ang bagay na tiyak na mangyayari, nang sa gayon ay matutupad ang pangako ng Allâh (I) sa inyo na tulong at pagkapanalo, dahil ang salita ng Allâh (I) ay mangingibabaw at ang salita naman ng mga walang pananampalataya ay hahamakin. At sa Allâh (I) ang Katapusan ng lahat ng bagay, at tinutumbasan Niya ang sinuman sa anumang karapat-dapat na para sa kanya.
45. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kapag nakatagpo ninyo ang mga grupo ng mga walang pananampalataya na nakahanda na sa pakikipaglaban sa inyo, ay magpakatatag kayo, huwag kayong magpatalo sa kanila at alalahanin ninyo ang Allâh (I) at purihin ng marami bilang panalangin at pagsusumamo upang ibaba Niya ang Kanyang tulong sa inyo at pagpanalo laban sa inyong mga kalaban, nang sa gayon ay magtagumpay kayo.
46. At ipagpatuloy ninyo ang pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa lahat ng pagkakataon, at huwag kayong magkasalungatan upang hindi kayo magkahiwa-hiwalay at magkaiba-iba ang inyong mga kalooban, dahil hihina kayo at mawawalan kayo ng lakas at tulong, at magtiis kayo sa inyong pagpapakatatag sa inyong pakikipagharap sa inyong mga kalaban, dahil walang pag-aalinlangan na ang Allâh (I) ay kasama ng mga matiisin sa pamamagitan ng Kanyang tulong at pagtataguyod, at hindi Niya sila bibiguin.
47. At huwag kayong maging katulad ng mga ‘Mushrikin’ na lumabas mula sa kanilang bayan bilang pagmamataas at para makita lamang ng tao: upang pigilin ang mga tao sa pagpasok sa ‘Deen’ ng Allâh (I). At ang Allâh (I) ay ‘Muheet’ – Kubkob na Kubkob sila at Ganap na Nakaaalam sa kanila at wala anumang naililihim o naitatago sa Kanya.
48. At alalahanin ninyo noong pinaganda ni ‘Shaytân’ sa mga ‘Mushrikin’ ang kanilang mga gawain at ang kanilang balakin, at sinabi sa kanila: “Kailanman ay hindi na kayo magagapi ngayon ng sinuman, at ako ay kaagapay ninyo.” Subali’t nang nagtagpo ang dalawang grupo: ang mga walang pananampalataya kasama nila si ‘shaytân,’ at ang mga Muslim kasama nila ang mga anghel, siya ay tumalilis (‘shaytân’) at kanyang sinabi sa mga ‘Mushrikin,’ “Katiyakan, wala akong kinalaman sa inyo, dahil nakikita ko ang hindi ninyo nakikita na mga anghel na sila ay dumating bilang tulong sa mga Muslim, katiyakang ako ay natatakot sa Allâh (I), kaya ipinagkanulo niya sila at tinanggihan. At ang Allâh (I) ay Matindi ang Kanyang parusa sa sinumang lumabag sa Kanya at hindi nagsisisi nang taimtim na pagsisisi.”
49. At alalahanin ninyo, noong sinabi ng mga mapagkunwari at saka yaong may sakit ang puso mula sa pagtanggi, dahil sa nakikita nilang kakaunti ang mga Muslim at marami ang kanilang mga kalaban: “Ang mga Muslim na ito ay nalinlang ng kanilang ‘Deen,’ na kung kaya sila ay napasubo sa ganitong kalagayan.” Subali’t hindi batid ng mga mapagkunwari na yaon na katotohanang ang sinumang nagtitiwala sa Allâh (I) at nakatitiyak sa Kanyang pangako, katiyakang hindi siya bibiguin ng Allâh (I), dahil ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makatatalo sa Kanya, ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at gawain.
50. At kung makikita mo lang, O Muhammad (r), ang kalagayan sa pagkuha ng mga Anghel sa mga kaluluwa ng mga walang pananampalataya at sa paghablot nito, at hinahampas ang kanilang mga mukha kapag sila ay nakaharap at kapag sila naman ay tumatakas ay hinahampas ang kanilang mga likod, at sinasabi ng mga anghel sa kanila: “Lasapin ninyo ang kaparusahang nakasusunog na lagabgab ng apoy. Na kung kaya, makikita mo ang mga matinding pangyayari.”
51. “Kung ano man ang nangyari sa mga walang pananampalataya sa Badr ay dahil din lamang sa kanilang mga masasamang gawain. At walang pag-aalinlangang hindi dinaraya ng Allâh (I) ang sinuman sa kanyang mga nilikha na kahit na katiting, kundi Siya ay Pantay sa Kanyang paghatol at hindi nandaraya.”
52. Katiyakan, ang anumang nangyari sa mga walang pananampalataya sa araw na yaon ay pamamaraan ng Allâh (I) sa pagpaparusa sa mga masasama sa mga yaong naunang mga tao na katulad ni Fir`âwn at saka sa mga nauna pa kaysa sa kanya, noong pinasinungalingan nila ang mga Sugo ng Allâh (r) at tinanggihan nila ang Kanyang mga talata at mga palatandaan, na kung kaya, katiyakang ang Allâh (I) ay inilunsad ang parusa sa kanila dahil sa kanilang mga kasalanan. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Qaweeyun Shadeedul `Iqâb’ – Pinakamalakas na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, Matindi ang Kanyang parusa sa sinumang lumabag sa Kanya at hindi pinagsisihan ang kanyang kasalanan.
53. Na itong masamang kabayaran ay dahil sa ang Allâh (I) kapag biniyayaan ang mga tao ng biyaya ay hindi Niya ito babawiin sa kanila hangga’t hindi nila binabago ang kanilang mabuting kalagayan tungo sa masama, at katiyakan ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa mga sinasabi ng Kanyang nilikha, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang karapat-dapat na parusahan.
54. Ang katulad ng mga walang pananampalataya na ito ay katulad ng mga tauhan ni Fir`âwn na pinasinunga-lingan nila si Mousâ, at ang katulad nila ay yaong mga pinasinungalingan ang mga Sugo mula sa naunang mga tao, na kung kaya, sila’y pinuksa ng Allâh (I) dahil sa kanilang mga kasalanan, at nilunod Niya si Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod sa karagatan, at lahat sila ay nakagawa ng hindi karapat-dapat na gawain na katulad ng pagtanggi sa mga Sugo ng Allâh (I) at sa Kanyang mga palatandaan, at sa kanilang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).
55. Katiyakan, ang pinakamasama na gumagapang sa ibabaw ng kalupaan sa paningin ng Allâh (I) ay ang mga walang pananampalataya na patuloy sa kanilang pagtanggi, dahil sila ay hindi naniniwala sa mga Sugo ng Allâh (I), at hindi nila pinaniniwalaan ang Kaisahan ng Allâh (I) at hindi sinusunod ang Kanyang batas
56. Kabilang sa kanila na mga masasama ay ang mga Hudyo na pumasok sa pakikipagkasundo sa iyo na sila ay hindi makikipaglaban sa iyo at hindi sila tutulong sa sinuman laban sa iyo, O Muhammad (r), pagkatapos ay nilabag nila ang kasunduan nang paulit-ulit, at sila ay hindi natatakot sa Allâh (I).
57. At kapag nakaharap mo sila, na mga sumira sa kasunduan sa pakikipaglaban, ay parusahan mo sila upang magkaroon ng takot ang iba sa kanilang mga puso, at upang magkawatak-watak sila sa kanilang samahan; baka sakaling sila ay makaalaala, at hindi na maglakas-loob na gumawa ng katulad ng ginawa ng nauna sa kanila.
58. At kapag nangamba ka, O Muhammad (r), na baka ipagkanulo ka ng mga tao ay ibalik mo sa kanila ang kasunduan; upang malaman ng dalawang panig na wala nang kasunduan sa isa’t isa mula ngayon. Katiyakan, ang Allâh (I), hindi Niya nais ang mga taksil sa kanilang kasunduan at sumisira ng mga kasunduan.
59. At huwag isipin ng mga yaong tinanggihan ang mga talata at palatandaan ng Allâh (I) na nakalipas na ang pangyayari sa kanila kaya sila ay ligtas na, at inaakala nila na sila ay hindi na magagapi ng Allâh (I), samakatuwid sila ay hindi makaliligtas sa parusa ng Allâh (I)
60. At maghanda, O kayong mga Muslim, sa pakikipagharap sa inyong mga kalaban na anumang makakayanan ninyo na bilang at sandata, upang takutin ang mga puso ng mga kumakalaban sa Allâh (I) at ang inyong mga kalaban na nag-aabang sa inyo, at takutin din ang iba na hindi ipinakikita ang kanilang pakikipaglaban sa inyo sa ngayon, subali’t ang Allâh (I) ay kilala sila at alam Niya kung ano ang kinikimkim nila.
At kung anuman ang inyong ginagasta na kayamanan at iba pa sa Daan ng Allâh (I) upang ipagtanggol ang Islâm ay papalitan ito ng Allâh (I) sa inyo, dito sa daigdig, at ilalaan sa inyo ang gantimpala sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at kailanman ay hindi ito mababawasan nang kahit na kaunti.
61. At kapag sila ay kumiling sa pag-iwas sa labanan at nais na nila na makipagpayapa sa inyo ay sumang-ayon ka, O Muhammad (r), at ipagkatiwala mo na ang sarili mo sa Allâh (I), at magtiwala ka sa Kanya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa kanilang mga sinasabi, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanilang mga layunin.
62-63. At kung nais ng mga yaong nakipagkasundo sa iyo, na pag-taksilan ka ay walang pag-aalinlangang sapat na sa iyo ang Allâh (I) na gaganti sa kanila; dahil sa Siya ang nagbaba ng tulong para sa iyo at pinatibay ka sa pamamagitan ng mga mananam-palataya, na mga ‘Muhâjireen’ at mga ‘Ansar,’ at pinagkaisa ang kanilang mga puso pagkatapos ng kanilang di pagkakasundu-sundo, na kahit gastahin mo pa ang buong kayamanan ng daigdig para pag-isahin mo ang mga puso nila ay hindi mo ito makakayanan, kundi ang Allâh (I) ang nagpaisa nito sa paniniwala sa Kanya, na kung kaya, sila ay naging magkakapatid na mga nagmamahalan. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang nasasakupan, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa pangangasiwa nito.
64. O Propeta! Katiyakan, ang Allâh (I) ay Sapat na para sa iyo at sa mga mananampalataya na kasama mo bilang Tagapagtanggol na nagtatanggol laban sa kasamaan ng inyong mga kalaban.
65. O Propeta! Utusan mo ang mga naniwala sa iyo ng pakikipagpalaban, na kung mayroon sa kanilang dalawampung matiisin, mga matatag sa pakikipagharap sa mga kalaban ay matatalo nila ang dalawang daan, at kung mayroon sa kanila ang isang daan na mga matiisin na mga matatag na mga ‘Mujâhideen’ (nagpunyagi o nakipaglaban sa mga yaong kumakalaban sa Islâm nang alang-alang sa Allâh [I]) ay matatalo nila ang isang libo na mga walang pananampalataya; dahil sa sila ay mga tao na walang kaalaman sa anumang inihanda ng Allâh (I) sa mga nakikipaglaban alang-alang sa Kanya, samantalang sila ay nakipaglaban upang umangat dito sa kalupaan at upang maminsala.
66. Ngayon ay pinagaan ng Allâh (I) sa inyo ang utos, O kayong mga mananampalataya dahil sa alam Niya na kayo ay mayroong kahinaan, na kung kaya, kung mayroon sa inyo na isang daan na mga matatag at matiisin ay matatalo nila ang dalawang daan mula sa mga walang pananampalataya, at kung mayroon naman sa inyo na isang libo ay matatalo nila ang dalawang libo dahil sa kapahintulutan ng Allâh (I). At ang Allâh (I) ay kasama ng mga matatapat at mga matiisin sa pamamagitan ng Kanyang tulong at pagtaguyod.
67. Hindi maaari sa isang Propeta na magkaroon ng mga bihag mula sa kanyang mga kalaban at palayain ang mga ito sa pamamagitan ng pagtutubos sa kanila, hangga’t hindi siya nakapapatay ng marami mula sa kanyang mga kalaban; upang magkaroon ng takot ang kanilang mga puso at mapatatag ang haligi ng Relihiyon ng Islâm, nais ba ninyo, O kayong mga Muslim, ng makamundong kaligayahan sa pamamagitan ng pagtanggap ninyo ng pantubos mula sa mga bihag sa Badr, subali’t ang Allâh (I) ay nais Niyang mangibabaw ang Kanyang Relihiyon upang marating ninyo ang buhay sa Kabilang-Buhay. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang batas.
68. Kung hindi lamang nauna na ang pagkatakda mula sa Allâh (I) at pagtatala ng kapahintulutan sa sambayanang ito sa pagkuha ng ‘Ghânimah’ at pagpapatubos ng mga bihag, ay nangyari na sa inyo ang matinding kaparusahan dahil sa pagkuha ninyo ng ‘Ghânimah’ at pagtanggap ng pantubos bago ipinahayag ang batas hinggil dito.
69. Na kung kaya, pakinabangan ninyo ang mga ‘Ghanâim’ at mga pantubos sa mga bihag dahil ito ay ipinahintulot sa inyo, at pangalagaan ninyo ang mga batas at mga alituntunin ng Relihiyon ng Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
70. O Propeta! Sabihin mo sa sinuman na nabihag ninyo sa Labanan sa Badr: “Huwag kayong mangamba sa pantubos na kinuha sa inyo, dahil batid ng Allâh (I) na kung mabuti ang inyong mga puso ay pagkakalooban kayo ng kabutihan na higit pa kaysa sa nakuha sa inyo, na ito ay bubuksan ang inyong mga kalooban para sa Islâm at patatawarin ang inyong mga pagkakasala. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang mga alipin kapag sila ay nagsisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.”
71. At kung nais ng mga pinaka-walaan ninyo, O Muhammad (r), na mga bihag, na pagtaksilan kang muli ay huwag kang mawalan ng pag-asa dahil walang pag-aalinlangang pinagtaksilan na nila noon ang Allâh (I) at nakipaglaban sila sa iyo, subali’t tinulungan ka ng Allâh (I) laban sa kanila. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang niloloob ng sinuman, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.
72. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I), sumunod sa Kanyang Sugo, nangibang-bayan tungo sa Tahanan ng Islâm at nakipaglaban sa Daan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng mga kayamanan at buhay (sarili), at ang mga yaong pinatuloy nila ang mga ‘Muhâjireen’ sa kanilang mga tahanan at tinulungan sila sa pamamagitan ng kanilang mga kayamanan, at itinaguyod nila ang Relihiyon ng Allâh (I), sila ang tunay na nakipagtulungan sa isa’t isa.
Subali’t ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at hindi nangibang-bayan para iwanan ang Tahanan ng ‘Kufr’ (pagtanggi) sa Allâh (I) ay hindi na kayo inuubliga na pangalagaan sila at tulungan hanggang sila ay mangibang-bayan, at kung nangyari sa kanila ang pang-aapi mula sa mga walang pananampalataya at hiniling nila ang tulong ninyo ay tugunan ninyo ang kanilang kahilingan, maliban lang kung ang magiging kalaban ninyo ay ang mga taong nakipagkasundo sa inyo nang matibay na kasunduan at hindi nila ito nilabag; at ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita na Nababatid Niya ang inyong mga ginagawa at gagantihan Niya ang sinuman ayon sa kanyang layunin at gawain.
73. Ang mga yaong walang pananampalataya ay nagtutulungan sila sa isa’t isa, at kung hindi kayo magtutulungan sa isa’t isa, O kayong mga mananampalataya ay mangyayari ang malaking ‘Fitnah’ (kasiraan) sa mga mananampalataya para layuan ang ‘Deen’ ng Allâh (I) at malaking kapinsalaan dahil sa pagpigil sa Daan ng Allâh (I) at pagpapakatatag ng pundasyon ng walang pananampalataya.
74. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at iniwan nila ang kanilang bayan upang tumungo sa bayan ng Islâm at pamahalaan ng mga Muslim, at nagpunyagi o nakipaglaban sa mga kumakalaban sa Islâm nang alang-alang sa Allâh (I) upang mangibabaw ang salita ng Allâh (I), at ang mga yaong tinulungan ang kanilang mga kapatid na nangibang-bayan na nagtungo sa kanila at pinatuloy nila sa kanila at tinulungan sa pamamagitan ng kayamanan at moral na pakikipagtulong, sila ang mga tunay na mga mananampalataya na para sa kanila ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at ‘Rizqun Kareem’ – masaganang kabuhayan sa mga Hardin ng walang-hanggang kasiyahan sa ‘Al-Jannah.’
75. At ang mga yaong naniwala pagkatapos na nangyari ang pangingibang-bayan at pagtutulungan ng mga ‘Muhâjiroun’ at ‘Al-Ansâr;’ at sila ay nangibang-bayan at nakipaglaban sa Daan ng Allâh (I) kasama sa inyo, at sila ay kabilang sa inyo, O kayong mga mananamapalataya, karapatan nila ang anuman na mayroon kayo at tungkulin nila ang anumang tungkulin ninyo, at ang mga magkakamag-anak ay higit na may karapatan sa isat isa sa pagmamana ayon sa batas ng Allâh (I) higit sa sinumang mga Muslim.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, na batid Niya ang anumang nakabubuti sa Kanyang alipin na katulad ng pagmamana ng mga magkakamag-anak sa isa’t isa dahil sa kanilang relasyon sa dugo (magkakamag-anak) at hindi yaong pagmamana dahil sa sinumpaang pagkakapatiran, at ang iba pa na mga nangyari sa umpisa ng kanilang pagiging Muslim.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment