74
LXXIV – Sûrat Al-Muddaththir
[Kabanata Al-Muddaththir – Ang Nagbalabal (o Nagtakip Ng Katawan)]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-7. O ikaw Muhammad na nagbalabal (o nagtakip ng buong katawan) sa pamamagitan ng iyong kasuotan! Tumayo ka mula sa iyong higaan at balaan mo ang mga tao mula sa parusa ng Allâh (I)! At dakilain mo ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Bukod-Tangi na Nag-iisa at sambahin mo Siya sa Kanyang Kaisahan! At linisin mo ang iyong kasuotan mula sa mga maruruming bagay at manatili ka sa paglayo sa mga diyus-diyosan, mga santo at lahat ng gawain na may kinalaman sa pagsamba sa iba bukod sa Allâh (I) at huwag na huwag mong lapitan ang mga ito! At huwag kang magbigay ng kahit na anumang bagay na ang hangarin ng iyong pamimigay ay may kapalit (na suklian o tumbasan) ito ng higit pa kaysa rito, at alang-alang sa pagmamahal ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay maging matiisin ka habang isinasagawa mo ang Kanyang mga ipinag-uutos at iniiwasan ang Kanyang mga pagbabawal.
8-10. At kapag hinipan na ang Trumpeta sa ikalawang pag-ihip nito upang buhayin at palabasin ang mga namatay mula sa kanilang mga libingan, walang pag-aalinlangang napakatindi ang hirap na mararanasan sa Araw na ito ng mga walang pananampalataya. At malayo sa pagiging madali na inaakalang mawawala sila kaagad sa anuman na kanilang kinaroroonang napakahirap na kalagayan at matatapos kaagad sa pakikipagkuwenta sa kanilang mga gawain at sa iba pang mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari.
11-17. Hayaan mo na Ako, O Muhammad, Ako at siya na nilikha Ko sa sinapupunan ng kanyang ina na nag-iisa na wala siyang anumang yaman ni anak sa kanyang tabi noon, at pagkatapos ay pinagkalooban ko siya ng banayad at marangyang pamumuhay para sa kanya at mga anak na naging kasa-kasama niya kahit saan man siya naroroon sa Makkah na ang mga ito ay hindi humihiwalay sa kanya. At ginawa Kong madali para sa kanya ang daan ng pamumuhay, pagkatapos ng lahat ng ito ay naghahangad pa rin siya na dagdagan Ko ang kanyang yaman at anak, gayong katiyakang hindi naman siya naniwala sa Akin.
Ang katotohanan ay hindi tulad ng inaangkin niya na masama at makasalanan, bagkus ay hindi Ko siya pagkakalooban ng karagdagan; dahil siya ay walang pag-aalinlangang nagmamatigas at tinatanggihan ang Qur’ân at ang mga katibayan ng Allâh (I) (sa Qur’ân) na ito para sa Kanyang mga nilikha. Sapilitan Ko siyang kakaladkarin sa matinding kaparusahan at sa kapaguran na wala na siyang kapahingahan pa. [Ang tinutukoy dito ay si Al-Walid Ibn Mughirah na tumanggi sa katotohanan at lantad ang kanyang pakikipaglaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo].
18-25. Katiyakan, siya ay nag-isip at nagbalak ng masama, at pinaghandaan niya ang kanyang sasabihin na paninira kay Muhammad at sa Qur’ân, at siya ay nahirapan dahil sa sobrang kaiisip at kababalak ng kasamaan, at napiga (nadiin) at nadaig ang kanyang kaisipan, na kung kaya, sa ganitong kadahilanan ay karapat-dapat siya sa pagkawasak, samakatuwid paano niya pinaghandaan sa kanyang sarili ang ganitong pag-aalipusta?
At pagkatapos ay muli pa ring napiga at nadaig ang kanyang kaisipan dahil sa kaiisip at pagbabalak ng kasamaan at paghahanda kung paano aalipustain ang Qur’ân. Pagkatapos ay kumunot ang kanyang noo at tumindi ang pagkakunot nito at pagdilim ng kanyang mukha dahil sa inabot niyang matinding pag-iisip, at wala siyang natagpuan na gagamitin bilang pag-aalipusta sa Qur’ân; pagkatapos siya ay umatras bilang pagtalikod sa katotohanan, at nagmataas mula sa pag-amin, kaya sinabi (na lamang) niya hinggil sa Banal na Qur’ân: “Walang anumang sinasabi si Muhammad kundi salamangka na ginaya niya mula sa mga naunang tao, at ang Qur’ân na ito ay walang iba kundi salita ng mga tao na natutunan ni Muhammad sa kanila pagkatapos ay inangkin niyang ito ay nagmula sa Allâh (I).”
26-30. Walang pag-aalinlangan, ipapasok ko siya sa ‘Saqar’ – Impiyerno – upang siya ay masunog sa pamamagitan ng init at apoy nito, at ano ba ang nagawa mong paraan para malaman mo kung ano ang ‘Saqar’ o Impiyernong-Apoy na ito, na walang itinitira na kahit na ano kundi sinusunog nito ang bawa’t laman at buto, at binabago nito ang kaanyuan ng balat at pinaiitim ito, na sinusunog at tinutuklap ito! At ang mga tagapangansiwa sa Impiyernong ito at kumukuntrol sa pagpaparusa sa mga nasa loob nito ay labimsiyam na mga anghel na mga matitindi.
31. At hindi Kami naglikha ng mga tagapagbantay ng Impiyerno kundi ng matitindi at mga mababalasik na mga anghel, at hindi Namin ginawa ang ganitong hustong bilang kundi upang subukin ang mga di-naniwala sa Allâh (I); at upang ang mga yaong pinagkalooban ng Kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano ay umabot sa kapasiyahan na pagtitiyak na ang sinasabi ng Banal na Qur’ân hinggil sa mga tagapangasiwa ng Impiyerno ay walang iba kundi katotohanan na mula sa Allâh (I), dahil ito ay sumang-ayon sa anumang nasa kanila na mga kasulatan; at mas lalong titibay at madaragdagan ang mga mananampalataya sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at pagsagawa ng Kanyang batas; at upang walang maiwan na anumang pag-aalinlangan sa mga yaong pinagkalooban ng kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano, at gayundin sa mga mananampalataya na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo; at upang masabi ng mga yaong may pagkukunwari sa kanilang mga puso at mga walang pananampalataya: “Ano ba ang layunin ng Allâh (I) sa ganitong kamangha-manghang bilang?” At sa ganito na pagkabanggit na bilang ay inililigaw ng Allâh (I) ang sinumang nais Niyang iligaw at ginagabayan Niya ang sinumang nais Niyang gabayan, at walang nakaaalam ng bilang ng mga anghel ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Kanyang nilikha kundi Siya lamang, ang Allâh (I) na Bukod-Tangi. At ang Impiyernong-Apoy ay walang iba kundi bilang paalaala at pagpapayo sa sangkatauhan.
32-37. Ang katotohanan ay hindi yaong tulad ng nabanggit na pagtanggi sa anumang dala-dala ng Sugo, sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng buwan, at sa gabi kapag ito ay naglaho, at sa umaga kapag ito ay lumiwanag na. Katiyakan, ang Impiyerno ay isa sa mga dakilang palatandaan; bilang babala at panakot sa mga tao, sa sinumang nagnais mula sa inyo na mapalapit sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga ipinag-uutos, o di kaya ay manatili sa pagtanggi sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga ipinagbabawal.
38-47. Ang bawa’t tao ay mananagot sa bawa’t kanyang ginawa, na ito ay nakatala sa Allâh (I) na kanyang makakamtan ang katumbas nito, at hindi siya makakawala hanggang hindi niya maisakatuparan ang anuman na nararapat na kabayaran sa kanyang ginawa at mga kaparusahan, maliban sa mga Muslim na mga taimtim ang kanilang mga layunin na sila ang mga taong nasa gawing Kanan na iniligtas nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsunod, na sila ay nasa mga Hardin na hindi kayang arukin ang dakilang katangian nito, na tinatanong nila ang isa’t isa hinggil sa mga walang pananampalataya na gumawa ng pang-aapi mismo sa karapatan ng kanilang mga sarili: “Ano ba ang naging sanhi ng inyong pagpasok sa Impiyerno, na sinanhi na malasap ninyo ang init nito?” Sasabihin ng mga masasama: “Hindi kami kabilang sa mga yaong nagsasagawa ng pagsa-‘Salâh’ sa daigdig, at hindi kami nagbibigay ng kawanggawa at nagmamagandang-loob sa mga mahihirap at dukha, na kung kaya, kami ay nalulong sa pagkukuwentuhan ng mga walang kabuluhang bagay kasama sa mga nalinlang at naligaw, at kami ay hindi naniwala sa Araw ng Paghuhukom at Pagbabayad, hanggang sa dumating sa amin ang kamatayan na kami ay nasa ganoong pagkaligaw at kamalian.”
48. Na kung kaya, hindi na magiging kapaki-pakinabang para sa kanila ang pamamagitan ng lahat ng mga tagapagpamagitan na mga anghel, mga propeta at iba pa; dahil ang pamamagitan ay para lamang sa sinumang kinalugdan ng Allâh (I) at nagpahintulot na pamamagitanan siya.
49-51. Samakatuwid, ano ba ang nangyari sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na kanilang nilayuan ang Qur’ân at ang anumang nakapaloob dito na mga aral? Ang mga katulad nila ay parang maiilap na mga asno na matindi sa pagiging mailap nito, na tumakas mula sa mangangaso, o sa leon o sa mabangis na hayop na lumalapa ng mga laman.
52-53. Subali’t naghahangad pa rin ang bawa’t isa sa kanila na sumasamba sa iba bukod sa Allâh (I), na magpahayag sa kanila ang Allâh (I) ng aklat na bukas na mga pahina mula sa kalangitan, na katulad ng ipinahayag kay Muhammad. Ang katotohanan ay hindi ang yaong kanilang inangkin, sa halip ang katotohanan ay hindi talaga sila natatakot sa Kabilang-Buhay at hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad.
54-56. Hindi ang kanilang inaangkin ang siyang katotohanan, kundi walang pag-aalinlangang ang Qur’ân ay naglalaman ng malalim na pagpapayo na sapat na upang sila ay pagpayuhan. Na kung kaya, sinuman ang magnanais ng pagpapayo ay alamin niya ang kung anuman ang nasa loob nito at sundin ang gabay nito, at walang sinuman ang makatatanggap ng payo mula rito maliban sa sinumang nais ng Allâh (I) na magabayan. Siya, ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi at Nag-iisang ‘Ilâh,’ karapat-dapat na katakutan at sundin, at Siya lamang ang may karapatang magpatawad sa sinumang naniwala at sumunod sa Kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment