49
XLIX – Sûrat Al-Hujurât
[Kabanata Al-Hujurât – Mga Tirahan]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo! Huwag kayong magpasiya ng isang bagay maliban sa pinagpasiyahan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo na nasa mga batas ng inyong ‘Deen’ dahil makagagawa kayo ng ‘bid`ah’ (pagbabago sa katuruan), at katakutan ninyo ang Allâh (I) sa inyong mga salita at gawa na malabag ninyo ang utos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa inyong mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong mga layunin at mga gawain.
Ito ay babala sa mga mananampalataya na huwag silang gagawa ng pagbabago sa katuruan ng ‘Deen’ ng Islâm o magtala sila ng batas na hindi ipinahintulot ng Allâh (I).
2. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag kayong magtaas ng inyong boses na higit pa kaysa sa boses ng Propeta kapag kayo ay nakipag-usap sa kanya, at huwag ninyong lakasan ang inyong boses sa panawagan ninyo sa kanya na katulad ng paglalakas ng boses ninyo sa isa’t isa, at ibukod-tangi ninyo siya sa pakikipag-usap na katulad ng pagbukod-tangi sa kanya sa pamamagitan ng pagpili sa kanya upang gampanan ang mensahe ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at ang pagiging obligado ng paniniwala sa kanya, pagmamahal sa kanya, pagsunod sa kanya at pagturing sa kanya bilang magandang halimbawa; upang di mawalan ng saysay ang inyong mga gawain, na hindi ninyo namamamalayan ang pagkasira ng inyong mga gawain.
3. Katiyakan, ang mga yaong hinihinaan nila ang kanilang mga boses habang sila ay kasa-kasama ng Sugo ng Allâh ay sila ang mga yaong sinubok ng Allâh (I) ang kanilang mga puso at ginawa Niyang dalisay para sa pagkatakot sa Kanya, ang para sa kanila mula sa Allâh (I) ay kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at ang masaganang gantimpala, na ito ay ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).
4. Katiyakan, ang mga yaong tumatawag sa iyo, O Muhammad, mula sa likuran ng iyong mga tirahan na malakas ang boses, ay karamihan sa kanila ay hindi nakauunawa ng tamang kagandahang-asal sa pakikitungo sa Sugo ng Allâh at paggalang sa kanya.
5. At kung nakapagtiis lamang sila na maghintay hanggang sa ikaw ay lalabas sa kanila, ay mas nakakabuti ito sa kanila sa paningin ng Allâh (I); dahil ang Allâh (I) ay inutusan sila na igalang ka. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa nangyari sa kanila bilang kamangmangan nila na hindi nila alam ang mga kasalanan at paglabag sa tamang asal; na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila dahil sa hindi sila kaagad pinarusahan.
6. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag dumating sa inyo ang masamang tao na may dalang balita ay seguruhin muna ninyo ang kanyang balita bago ninyo ito paniwalaan at ipaalam sa iba hanggang sa matiyak ninyo ang katotohanan hinggil dito, dahil nakatatakot na mapinsala ninyo ang mga tao na walang kasalanan dahil sa kagagawan ninyo at ito ay inyong pagsisihan sa bandang huli.
7. At dapat ninyong mabatid na mayroong Sugo ng Allâh na kabilang sa inyo upang maging angkop ang inyong pakikitungo sa kanya; dahil siya ang higit na nakababatid sa anumang ikabubuti ninyo, na ang nais niya ay kabutihan para sa inyo, at maaaring ang nais ninyo sa inyong mga sarili ay kasamaan at kapahamakan na hindi kayo sasang-ayunan ng Sugo ng Allâh para rito, at kung siya ay susunod sa inyo sa maraming bagay na inyong nais mangyari ay katiyakang malalagay kayo sa kaguluhan. Subali’t ninais ng Allâh (I) na mapamahal sa inyo ang tamang pananampalataya at pinaganda ito sa inyong mga puso, na kung kaya, naniwala kayo, at ipinamuhi Niya sa inyo ang pagtanggi at paglabag sa Kanyang kagustuhan at pagsuway sa Kanya. Walang pag-aalinlangang sila na nagtatangan ng mga ganitong katangian ang mga nagabayan na tumatahak sa Daan ng Katotohanan.
8. At itong kabutihan na nangyari sa kanila ay kagandahang-loob na mula sa Allâh (I) para sa kanila at Kanyang biyaya. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang tumatanaw ng utang na loob sa Kanyang mga biyaya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa sa Kanyang nilikha.
9. At kapag ang dalawang grupo ng mga mananampalataya ay nagpatayan, pag-ayusin ninyo, O kayong mga mananamapalataya, ang pagitan ng dalawang grupong ito upang isangguni nila ito sa Aklat ng Allâh at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Sugo, at maging katanggap-tanggap sa kanila ang batas na ito, at kapag ang isa sa dalawang grupo ay gumanti at hindi tumugon sa pagpasiya na ito, ay makipaglaban kayo sa grupong yaon hanggang sa ito ay bumalik sa Batas ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, at kapag ito ay bumalik sa dating kasunduan ay pag-ayusin ninyo ang pagitan ng dalawang grupong ito nang patas, at maging makatarungan kayo sa inyong paghatol, na huwag ninyong lalampasan ang Batas ng Allâh (I) at ang Batas ng Kanyang Sugo.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga naghahatol nang makatarungan, nagpapasiya sa pagitan ng Kanyang mga alipin nang makatarungan. Dito sa talatang ito ang patunay sa katangian ng Allâh (I) na pagmamahal ayon sa kung anuman ang angkop sa Kanyang Kamaharlikaan.
10. Katiyakan, ang mga manamampalataya ang tunay na magkakapatid sa ‘Deen,’ na kung kaya, ayusin ninyo ang pagitan ng inyong dalawang grupo kapag sila ay nag-away o nagpatayan, at katakutan ninyo ang Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon, bilang paghahangad na kaawaan kayo.
11. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at nagpapatupad ng Kanyang Batas! Huwag hayaang kutyain ng isang grupo ng mananampalataya sa inyo ang ibang grupo ng mananampalataya; baka sakaling ang huli ay mas mabuti kaysa sa una. Ni hayaang kutyain ng mananampalatayang kababaihan ang ibang mananampalatayang kababaihan; dahil maaaring ang kinukutya ay mas mabuti kaysa sa nangungutya, at huwag pintasan ng iba sa inyo ang iba, at huwag libakin (insultuhin) ng iba sa inyo ang iba sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng kinamumuhian niyang palayaw o katawagan. Dahil napakasamang katangian ang ganito at maging ang pagtawag ng masamang pangalan, na pinagkukutya at pinaglalait, at pagtatawagan ng mga palayaw na hindi magaganda, pagkatapos ninyong pumasok sa Islâm at ito ay inyong naintindihan, at sinumang hindi nagsisi mula sa pangungutya, panlalait at pagpupukulan ng mga masamang palayaw ay sila ang mga yaong masasama na inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa nila ng mga ganitong ipinagbabawal.
12. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod ng Kanyang gabay! Iwasan ninyo ang karamihan sa mga haka-haka na masasama laban sa mga mananampalataya; dahil ang ibang haka-haka ay kasalanan. At huwag magmanman, at huwag ninyong matahin ang dangal ng mga Muslim o magsiraan sa isa’t-isa, at huwag banggitin ng iba sa inyo sa iba nang palihim ang anuman na hindi niya nagugustuhan. Dahil nais ba ng isa sa inyo na pakainin siya ng kanyang kapatid ng patay na laman ng kanyang kapatid? At kayo mismo ay kinamumuhian ninyo ito, na kung kaya, kamuhian ninyo ang paninirang-puri sa kanya at matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Tawwâb’ – Tagapagtanggap at Tagapagpatawad sa sinumang nagsisisi at nagbabalik-loob mula sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
13. O sangkatauhan! Katiyakang nilikha Namin kayo mula sa isang ama lamang na ito ay si Âdam, at sa isang ina lamang na ito ay si Hawwa`, na kung kaya, walang pagtatangi-tangi sa pagitan ninyo sa lahi, at ginawa Namin kayo dahil sa pagpaparami ng lahi na mga sambayanan at iba’t ibang tribo, upang makilala ninyo ang isa’t isa, at dapat ninyong mabatid na ang pinakamataas sa inyo sa paningin ng Allâh (I) ay ang sinumang pinakamatakutin sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga matatakutin sa Kanya, na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang kagalingan na Nakababatid nang ganap sa kanila.
14. Sinabi ng mga Bedouin: “Naniwala na kami sa Allâh (I) at sa Kanayng Sugo nang buong paniniwala,” sabihin mo sa kanila O Muhammad: “Huwag angkinin ng inyong mga sarili ang kabuuan ng paniniwala, bagkus ay sabihin ninyo, ‘Isinuko namin ang aming mga sarili sa kagustuhan ng Allâh (I) bilang mga Muslim,’” dahil hindi pa nakapapasok ang paniniwala sa inyong mga puso. Subali’t kapag kayo ay sumunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, ay hindi Niya babawasan sa inyo ang gantimpala ng inyong mga gawain ng kahit na katiting. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi sa kanyang mga kasalanan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanya. Nasa talatang ito ang babala sa sinumang naglalantad ng paniniwala at pagsunod sa ‘Sunnah’ ng Propeta, samantalang ang kanyang mga gawain ay sumasalungat naman hinggil dito.
15. Katiyakan, ang mga mananampalataya lamang ang tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas, pagkatapos ay wala sila ni anumang pag-aalinlangan sa kanilang mga paniniwala, at ginasta nila ang mga mahahalaga nilang kayamanan at nagpunyagi ang kanilang mga sarili sa Daan ng Allâh (I), pagsunod sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal. Ang mga ganito, sila ang mga yaong matatapat sa kanilang paniniwala.
16. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga Bedouin: “Nais ba ninyong pagsabihan ang Allâh (I) hinggil sa inyong ‘Deen’ (o Relihiyon) at sa anuman na kinikimkim ninyo sa inyong sarili, samantalang ang Allâh (I) ang Nakaaalam ng anumang nasa mga kalangitan at ang anumang nasa kalupaan? At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay na walang anumang naililihim sa Kanya na anumang nasa inyong mga puso na paniniwala o di kaya ay pagtanggi, at ang pagiging mabuti o di kaya ay pagiging masama.”
17. Isinusumbat nila na mga Bedouin sa iyo, O Muhammad, ang kanilang pagmu-Muslim, ang pagsunod nila sa iyo at pagtulong nila sa iyo, sabihin mo sa kanila: “Huwag ninyo ituring ang pagpasok ninyo sa Islâm bilang isang pabor (o kagandahang-loob) para sa akin; sapagka’t ang kapakinabangan para rito ay para rin lamang sa inyo. Hindi ang inyong inaakala ang katotohanan, kundi pagmamay-ari ng Allâh (I) ang anumang kabutihang nasa sa inyo dahil sa pagyakap ninyo ng Islâm na ginabayan kayo sa paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo kung kayo ay totoo sa paniniwala.
18. “Katiyakang ang Allâh (I), Siya ay Ganap na Nakaaalam sa anumang lihim sa mga kalangitan at sa kalupaan at walang anumang bagay na maaaring ilihim sa Kanya, na ang Allâh (I) ay Ganap na Nakakikita sa inyong mga gawain at ayon dito kayo ay tutumbasan, na kung mabuti ay mabuti rin at kung masama ay masama rin.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment