89
LXXXIX – Sûrat Al-Fajr [Ang Pamimitak ng Liwanag]
بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-5. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng ‘Fajr,’ at sa pamamagitan ng sampung gabi na ito ay ang unang sampung araw ng ‘Dhul Hijjah’ at sa anuman na pinarangalan nito, at sa lahat ng ‘Shaf`a’ [65] at sa ‘witr,’ [66] at sa pamamagitan ng gabi habang lumalaganap ang kadiliman nito, hindi ba sa mga panunumpang nabanggit ay mga matibay na katibayan sa sinumang ginagamit niya ang kanyang pang-unawa!
6-8. Hindi mo ba nakita, O Muhammad, kung ano ginawa ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa sambayanan ni `Âd, na sila ay mula sa tribo ng ‘Iram’ na nagtatangan ng pambihirang lakas at mga nagmamay-ari ng mga matataas na gusali na may matitibay na mga haligi sa mga matatag na pader, na walang nilikha na ganito sa kalupaan sa pagiging katulad ng kanilang higanteng pangangatawan at pambihirang lakas?
9. At kung paano ang ginawa sa mga angkan ni Thamoud na sila ang sambayanan ni Sâleh, na tinatabas at inuukit nila ang mga matatayog na bato na nasa kalagitnaan ng mga maliliit na lambak at ginawa nila ito bilang mga tahanan?
10. At kay Fir`âwn na hari ng Ehipto na nagmamay-ari ng mga sundalo na nagpapatatag ng kanyang kaharian at nagpapalakas ng kanyang pag-aatas?
11-14. Sila ay lumampas sa hangganan at nagmalabis sa kalupaan, at napakarami na ang kanilang nagawang pang-aapi at pamiminsala sa kalupaan, na kung kaya, pinuksa sila ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ng matinding pagkapuksa. Walang pag-aalinlangan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, ay walang hanggang Nakamasid sa kanila na Batid Niya kung sinuman ang lumabag sa Kanya, na pansamantalang pinagbibigyan sila, at pagkatapos ay pupuksain sila bilang pagpupuksa ng Makapangyarihan at Tagapagkuntrol.
15. Sa sinumang tao na kapag siya ay sinubok ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng biyaya, at pinaluwag sa kanya ang kanyang kabuhayan, at siya ay inilagay sa marangyang pamumuhay, na iniisip niya na ito ay parangal sa kanya mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kanyang sasabihin: “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay pinarangalan ako.”
16. Subali’t siya naman na sinubok, at pinasikip sa kanya ang kanyang kabuhayan, at iniisip na ito ay kawalang-halaga sa paningin ng Allâh (I), ay sasabihin niya: “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hinamak ako.”
17-20. Ang katotohanan ay hindi ang iniisip ng taong ito, dahil ang pagpaparangal ay dahil sa pagsunod sa Allâh (I) at ang pagpapahamak ay dahil sa paglabag sa Kanya, at kayo ay hindi ninyo inaalagaan at pinahahalagahan ang mga ulila, at hindi kayo nakikitungo nang mabuti sa mga katulad niya, at hindi ninyo ipinag-utos sa isa’t isa na pakanin ang mga mahihirap, at kinakain ninyo (kinukuha ninyo nang di-makatarungan) ang karapatan ng iba sa pamamagitan ng pagiging gahaman (o sakim) ninyo sa mana ng iba, at talamak ninyong minamahal ang kayamanan.
21-23. Na hindi nararapat na ganito ang inyong kalagayan (pagkatao). Na kung kaya, kapag niyanig na ang kalupaan at nagkabiyak-biyak na ang mga ito, at dumating ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, upang pagpapasiyahan ang Kanyang paghuhukom sa pagitan ng Kanyang mga nilikha, at ang mga anghel ay nakahanay, at dadalhin ang Impiyerong-Apoy sa kagimbal-gimbal na Araw na yaon, na roon ay mapagtatanto ng walang pananampalataya ang katotohanan at siya ay magsisisi, subali’t ano pa ba ang makukuha niyang pakinabang kapag siya ay nagsisi, gayong walang pag-aalinlangang hindi niya pinahalagahan ang katotohanan at pagsisisi noong siya ay nasa daigdig pa, kaya huli na ang lahat para sa kanya?
24. Sasabihin niya: “Sayang! Sana, ang nagawa ko sa daigdig na mga gawain ay ang anumang mapapakinabangan ko sa aking buhay sa Kabilang-Buhay.”
25-26. Na kung kaya, sa matinding Araw na yaon ay walang sinuman ang may kakayahan na magparusa na katulad ng pagpaparusa ng Allâh (I) sa sinumang lumabag sa Kanya, at walang sinuman ang may kakayahan na gapusan o magkadena na katulad ng paggagapos o pagkakadena ng Allâh (I), at walang sinuman ang makaaabot sa anumang kakayahan ng Allâh (I) sa Araw na yaon.
27-30. Sasabihin sa isang matapat na mananampalataya: “O ikaw na may panatag na kalooban tungo sa pagpuri sa Allâh (I) at paniniwala, at sa anumang kaligayahan na inihanda sa mga mananampalataya, bumalik ka na sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa Kanyang pangangalaga na kalugud-lugod sa iyo ang Kanyang pagpaparangal, at ang Allâh (I) ay katiyakang nasiyahan sa iyo, na kung kaya, pumasok ka na kabilang sa mga ikinarangal at mabubuti mula sa Aking mga alipin, at pumasok ka na kasama nila sa Aking ‘Al-Jannah!’”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment