60
LX – Sûrat Al-Mumtahanah
[Kabanata Al-Mumtahanah – Ang Babae na Sinubok]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod ng Kanyang batas! Huwag ninyong ituring ang Aking kalaban at ang inyong kalaban bilang mga malalapit na kaibigan at pakamamahalin, na ipinakikita ninyo sa kanila ang inyong pagsang-ayon, na ibinabalita ninyo sa kanila ang hinggil sa Sugo ng Allâh (r) at sa lahat ng lihim ng mga Muslim, samantalang sila ay walang pag-aalinlangang tinanggihan ang anumang dala-dala ninyo na katotohanan, na paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at ang anuman na ipinahayag sa kanya na Banal na Qur’ân, na pinaaalis nila ang Sugo at kayo, O kayong mga mananampalataya, mula sa Makkah; dahil pinaniwalaan ninyo ang Allâh (I) bilang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sinamba ninyo Siya nang bukod-tangi.
Kung kayo, O mananampalataya, ay nangibang-bayan na nagpunyagi alang-alang sa Aking Daan, na hinahangad ninyo ang Aking pagmamahal sa inyo ay huwag ninyong pagtutuunan ng pagmamahal ang Aking mga kalaban at iyong mga kalaban, na itinutuun ninyo sa kanila ang pagmamahal nang lihim, gayong Ganap na Nababatid Ko kung anuman ang inyong inililihim at inilalantad, at sinuman ang gagawa nito mula sa inyo ay katiyakang siya ay nalihis sa Daan ng Katotohanan, at naligaw sa Tunay na Landas.
2. Kung natamo nila ang pangingibabaw laban sa inyo at nadaig nila kayo sa lakas, sila na mga minamahal ninyo nang lihim ay kakalabanin kayo at makikipagpatayan sila sa inyo o bibihagin nila kayo o di kaya ay lalaitin nila kayo, at hinahangad sa lahat ng pagkataon na sana ay matulad kayo sa kanila sa pagtanggi at di-paniniwala.
3. Wala kayong mapapalang anumang kapakinabangan sa inyong mga kamag-anak at maging sa inyong mga anak sa Araw ng Muling Pagkabuhay kung kayo ay makikipagsabwatan sa kanila na mga walang pananampalataya dahil paghihiwalayin kayo roon ng Allâh (I), at papapasukin Niya ang sinumang sumunod sa Kanya sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at ang hindi naman sumunod sa Kanya ay sa Impiyernong-Apoy, at ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa lahat ng inyong mga ginagawa, na walang anumang naililihim sa Kanya sa inyong mga sinasabi at ginagawa.
4. Katiyakan, para sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang napakagandang halimbawa kay Ibrâhim at sa mga naniwala sa Allâh (I) na kasama niya, noong sinabi nila sa kanilang sambayanan na mga hindi naniwala sa Allâh (I): “Katiyakan, kami ay walang pananagutan sa inyo at sa anuman na inyong sinasamba bukod sa Allâh (I), hindi namin kayo pinaniniwalaan, at tinatanggihan namin ang anumang ginawa ninyong di-paniniwala, at lumantad na sa pagitan namin at pagitan ninyo ang paglalaban-laban at pagkapoot magpakailanman hanggang kayo ay nananatili sa inyong pagtanggi sa Allâh (I), maliban na lamang kung kayo ay maniwala sa Kaisahan ng Allâh (I),” subali’t hindi rito kabilang sa pagiging halimbawa ni Ibrâhim ang kanyang ginawang paghingi ng kapatawaran sa kanyang ama; dahil ito ay nangyari bago mapatunayan ni Ibrâhim na ang kanyang ama pala ay kalaban ng Allâh (I), at nang mapatunayan niya na siya ay kalaban ng Allâh (I) ay inalis na niya ang kanyang pananagutan sa kanya: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Sa Iyo lamang kami nananalig, at sa Iyo lamang kami nagbabalik-loob, at sa Iyo lamang kami tutungo sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
5. “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Huwag mong hayaan na kami ay maging pagsubok para sa mga walang pananampalataya, na parurusahan Mo kami o di kaya ay magagapi kami ng mga walang pananampalataya, na sasabihin ng mga walang pananampalataya: ‘Kung sila ay nasa katotohanan ay hindi nangyari sa kanila ang kaparusahan, at mas lalong naragdagan ang kanilang di-paniniwala,’ at pagtakpan Mo ang aming mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong pagpapatawad sa amin! Walang pag-aalinlangan, Bukod-Tanging Ikaw lamang ang ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nahihigitan, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita at mga gawa.”
6. Katiyakan, mayroon para sa inyo, O kayong mga mananampalataya, mula kay Ibrâhim at sa kanyang mga kasamahan na napakagandang halimbawa sa sinumang naghahangad ng kabutihan mula sa Allâh (I), sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. At sinuman ang tatalikod sa anumang ipinag-utos ng Allâh (I) na pagsunod sa Kanyang mga Propeta, at mamahalin niya ang mga kalaban ng Allâh (I), samakatuwid walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Al-Ghanee’ – ang Bukod-Tangi at Ganap na Napakayaman na hindi nangangailangan sa alinman sa Kanyang mga alipin, na ‘Al-Hameed’ – Ganap na Kapuri-puri na pinupuri sa Kanyang Sarili at sa Kanyang katangian sa lahat ng pagkakataon.
7. Baka sakaling sanhiin ng Allâh (I) na magkaroon sa pagitan ninyo, O kayong mga mananampalataya, at ang mga itinuring ninyo na kalaban na inyong kamag-anak na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na magkaroon ng pagmamahalan pagkatapos ng alitan, at pag-uunawaan pagkatapos ng pag-aaway dahil sa pagbubukas ng kanilang kalooban sa Islâm. At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Ganap na Mapagmahal sa kanila at Napakamaawain.
8. Hindi kayo pinagbawalan ng Allâh (I), O kayong mga mananampalataya, na makitungo nang makatarungan sa kanila na mga walang pananampalataya na hindi nakipaglaban sa inyo dahil sa pagsaalang-alang sa inyong Relihiyong Islâm, at hindi nila kayo pinaalis mula sa inyong mga tahanan, at maging patas kayo sa kanila sa pamamagitan ng pagiging mabuti ninyo sa kanila. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga makatarungan sa kanilang mga salita at mga gawa.
9. Katiyakan, ang pinagbawalan lamang ng Allâh (I) na pakitunguhan ninyo ay sila na mga nakipaglaban sa inyo dahil sa ang inyong pananampalataya ay Islâm at pinaalis kayo mula sa inyong mga tahanan, at nakipagtulungan sila sa mga walang pananampalataya sa pagpapaalis sa inyo, na kayo ay pinagbabawalan na makitungo sa kanila na may pakikipagtulungan at pagmamagandang-loob.
At sinuman ang magturing sa kanila bilang kaagapay laban sa mga mananampalataya at sila ay mamahalin, samakatuwid, ang mga katulad nila na nagturing ang mga tunay na masasama na nagpahamak ng kanilang mga sarili at lumabag sa Batas ng Allâh (I).
10. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag dumating sa inyo ang mga kababaihan na mga mananampalataya na nangibang-bayan mula sa bayan ng walang pananampalataya tungo sa bayan ng Islâm ay subukin ninyo sila upang malaman ninyo kung gaano katotoo ang kanilang paniniwala; ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam ng katotohanan sa kanilang paniniwala, at kapag nalaman na ninyo na sila ay mga mananampalataya ayon sa mga nakita ninyo na malilinaw na mga palatandaan ay huwag na ninyo silang ibalik sa kanilang mga asawa na walang pananampalataya, dahil ang mga kababaihan na mga mananampalataya ay hindi na ipinahihintulot na mapangasawa ng mga walang pananampalataya, at hindi rin ipinahintulot sa mga walang pananampalataya na makapag-asawa ng mga mananampalatayang kababaihan, at ibigay ninyo sa mga dati nilang asawa (walang pananampalataya) ng mga nag-Muslim na mga kababaihan ang anumang nagasta nilang ‘Mahr,’ at wala kayong kasalanan kapag pinakasalan ninyo sila kung ibibigay ninyo sa kanila ang kanilang mga ‘Mahr.’
At huwag ninyong pigilin na mag-asawa ang mga inyong mga dating asawa na mga walang pananampalataya na mga kababaihan at hingin ninyo sa mga walang pananampalataya na mapapangasawa nila ang anuman na nagasta ninyo na ‘Mahr’ sa inyong mga dating naging asawa kung sila ay tumalikod sa Islâm at sumunod sa mga walang pananampalataya, at ganoon din hilingin din nila na mga walang pananampalataya ang nagasta nila na ‘Mahr’ sa kanilang mga dating naging asawa na mga nag-Muslim na sumunod sa inyo na mga mananampalataya.
Itong batas na nabanggit ay Batas ng Allâh (I) na ipinatutupad Niya sa pagitan ninyo, na kung kaya, huwag ninyong labagin. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam na walang anuman ang naililihim sa Kanya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga sinasabi at ginagawa.
11. At kapag sumunod ang ilan sa naging asawa ninyo na hindi nag-Muslim sa mga walang pananampalataya, at hindi ibinalik sa inyo ng mga walang pananampalataya ang mga ‘Mahr’ na ibinigay ninyo sa dati ninyong mga asawa na sumama sa kanila, pagkatapos ay nanalo kayo laban sa kanila na walang pananampalataya sa labanan ay ibigay ninyo sa kanila na mga walang pananampalataya na iniwan sila ng kanilang mga nag-Muslim na mga asawa, na nagtungo sa mga Muslim ang mga ‘Mahr’ ng kanilang dating asawa mula sa mga ‘Ghânimah’ o di kaya ay sa iba na katulad ng kanilang naibigay noon, at matakot kayo sa Allâh (I) kung kayo ay talagang tunay na naniniwala sa Kanya.
12. O ikaw na Propeta! Kapag dumating sa iyo ang mga kababaihan na mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na sila ay nangangako sa iyo na hindi sila sasamba ng iba bukod sa Allâh (I), at hindi sila magnanakaw, at hindi sila makikiapid, at hindi nila papatayin ang kanilang mga sanggol pagkatapos ng panganganak o bago ito isilang, at hindi sila magsisinungaling na ipapangalan nila sa kanilang mga asawa ang mga bata na hindi naman talaga mga anak ng kanilang asawa, at hindi sila lalabag sa iyo sa kabutihan na ipag-uutos mo sa kanila, ay makipagkasundo ka sa kanila, at hilingin mo sa Allâh (I) na patawarin sila sa kanilang pagkakasala. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin na nagsisisi, na ‘Raheem’ – Ganap na Mapagmahal sa kanila at Napakamawain.
13. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo! Huwag na ninyong ituring na mga malalapit na kaibigan ang mga taong kinapootan ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I). Katiyakan, wala na silang pag-asa pa sa gantimpala ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay na tulad ng mga walang pananampalataya, na mga nakalibing na wala na silang pag-asa pa sa awa ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay kapag nasaksihan na nila ang katotohanan na mangyayari, at natiyak na nila na sila ay walang anumang kabahagi na kabutihan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment