87
LXXXVII – Sûrat Al-A`lã [Ang Kataas-Taasan]
بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-5. Luwalhatiin mo ang Pangalan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Kataas-taasan, at ilayo mo sa pagtatambal at kakulangan ng pagluwalhati na angkop sa Kanyang Kadakilaan, na Siya ang lumikha ng lahat ng nilalang, at ginawa Niyang ganap ang Kanyang paglikha, at ginawa Niya ito sa pinakamabuting paggawa, at Siya ang nagtakda ng lahat ng pagtatakda, at ginabayan Niya ang bawa’t nilikha tungo sa kung ano ang karapat-dapat at angkop para sa kanya, at Siya ang nagpatubo ng mga pananim na luntian, na pagkatapos ay ginawa Niya ito na matuyo at mangitim na mag-iba ang kulay nito.
6-7. Walang pag-aalinlangan, O Muhammad, na bibigkasin Namin sa iyo, ang Banal na Qur’ân na ito, ng pagbibigkas na hindi mo na makalilimutan, maliban sa kung anuman ang nais ng Allâh (I) na ayon sa pinagpasiyahan ng Kanyang karunungan, na ito ay makalilimutan mo dahil sa kabutihan na Siya lamang ang Nakaaalam. Katiyakan, Siya – luwalhati sa Kanya – ay batid Niya ang anumang lantad na salita o gawa man, at ang anumang lihim mula rito.
8. At walang pag-aalinlangan, ipagkakaloob Namin sa iyo, ang pagiging madali ng lahat ng bagay hinggil sa buhay, at kabilang dito ang pagiging madali sa pagkatanggap ng tungkulin sa pagpaparating ng mensahe, at ginawa para sa iyo ang iyong ‘Deen’ (o Relihiyon) bilang pamamaraan ng pamumuhay na madali na walang anumang kahirap-hirap.
9. Na kung kaya, pangaralan mo, O Muhammad, ang iyong sambayanan sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân, na ang pangangaral na ito ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila. Gayunpaman, ang pagpapaalaala ay ipinag-uutos kahit walang makikinabang nito, dahil ang gabay ay nasa pagtatangan ng Kamay ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, at wala kang tungkulin kundi iparating lamang ito.
10-13. Makikinabang ng aral na ito ang sinumang natatakot sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at lalayo naman sa paalaalang ito ang sinumang masama na hindi natatakot sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na siya ay katiyakang papasok sa matinding parusa ng Impiyernong-Apoy na malalasap niya ang lagablab nito, pagkatapos ay wala na siyang kamatayan doon upang siya ay hindi na makapagpahinga, at hindi rin siya mabubuhay ng buhay na may kapakinabangan.
14-15. Katiyakan, magtatagumpay ang sinumang nililinis niya ang kanyang sarili mula sa mga masasamang pag-uugali, at inalaala niya ang Pangalan ng Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha – Allâh (I), at pinaniwalaan niya ang Kanyang Kaisahan at nanalangin sa Kanya at gumawa ng anumang kalugud-lugod sa Kanya, at isinagawa niya ang pagsa-‘Salâh’ sa tamang oras nito; bilang paghahangad ng pagmamahal ng Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang batas.
16. Katiyakan, hindi ang inyong inaakala ang katotohanan, kundi walang pag-aalinlangan, kayo – O kayong mga tao – ay mas inuuna pa ninyo ang kinang ng makamundong buhay sa daigdig kaysa walang hanggang kaligayahan sa Kabilang-Buhay.
17. At ang buhay sa Kabilang-Buhay at ang anuman na naroroon na patuloy na kaligayahan, ay mas higit na mabuti kaysa daigdig na ito, at nananatili magpasawalang-hanggan.
18-19. Katiyakan, ang anumang inihayag Ko sa inyo sa kabanatang ito ay naitala rin ang kahulugan nito sa mga naunang Kasulatang ipinahayag bago pa ang Qur’ân, na ito ay sa Kasulatan nina Ibrâhim (u) at Mousã (u).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment