24
XXIV – Surât An-Nûr
[Kabanata An-Nûr – Ang Liwanag]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagm
1. Ang dakilang kabanatang ito ng Banal na Qur’ân ay Aming ipinahayag, at ipinag-utos Namin ang pagpapatupad ng batas nito, at ipinahayag Namin kalakip nito ang mga malilinaw na palatandaan; upang makaalaala kayo, O kayong mga mananampalataya, sa pamamagitan ng mga malilinaw na mga talatang ito at ipatutupad ninyo.
2. Ang nakiapid na babae at lalaki, na silang dalawa ay hindi pa nakaranas ng pag-aasawa, ang parusa sa bawa’t isa sa kanila ay isang daang palo sa pamamagitan ng yantok, at naitala sa ‘Sunnah’ na kasama sa isang daang palo nito ay ang paglayo ng isang taon mula sa kanyang bayan. At huwag ninyong pahintulutan na padadala kayo sa inyong awa sa dalawa, nang sa gayon ay hindi ninyo sila maparusahan o di kaya ay gaanan ninyo ang parusa, kung kayo ay naniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, na talagang nagpapatupad ng batas ng Islâm; at hayaang saksihan ang pagpaparusang ito ng maraming mananampalataya upang mamalas nila ang tindi ng gawaing ito at upang mapagkunan ng aral at pagpapayo.
3. Ang nakikiapid na lalaki ay para lamang sa mga nakikiapid (din) na babae o di kaya ay sa sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na hindi naniniwala sa pagbabawal sa pakikiapid, at ang nakikiapid naman na babae ay karapat-dapat lamang na mapangasawa ng katulad (din) lamang niya na lalaki o di kaya ay yaong sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na hindi naniniwala sa pagbabawal; at ang ganitong bagay ay ipinagbabawal sa mga mananampalataya. At ito ang malinaw na katibayan hinggil sa pagbabawal ng pag-aasawa ng nakikiapid na babae hanggang siya ay hindi nagbabalik-loob at gayon din sa lalaking nakikiapid hanggang siya ay hindi pa nagsisisi.
4. At ang mga yaong nagbibintang ng salang pakikiapid sa mga matutuwid na mga kababaihan at mga kalalakihan na wala silang apat na testigo na mga matutuwid na mga kalalakihan, ay parusahan ninyo sila ng pagpalo ng walampu, at huwag na ninyong tanggapin ang anumang pagsasaksi nila magpakailanman, at sila ay mga yaong lumabag sa pagsunod sa Allâh (I).
5. Subali’t ang sinumang nagbalik-loob at nagsisi at binawi ang kanyang pagbibintang at nagpakabuti siya sa kanyang gawain, katiyakan, ang Allâh (I) ay pinatatawad Niya ang kanyang kasalanan at kinaaawaan siya, at tinatanggap ang kanyang pagbabalik-loob, sapagkat Siya ay ‘Ghafourur Raheem.’
6-7. At ang mga yaong pinagbintangan nila ng pakikiapid ang kanilang mga asawa na mga kababaihan, at wala silang testigo sa kanilang pagbibintang maliban sa kanilang mga sarili, ay nararapat ang isa sa kanila ay tumestigo sa harapan ng hukom ng apat na beses sa pagsasabi niya ng: “Tumitestigo ako sa Allâh (I), na tunay na ako ay totoo sa aking pagbibintang sa kanya na pakikiapid,” sa panglima na pagtestigo ay idaragdag niya ang panalangin laban sa kanyang sarili na siya ay magiging karapat-dapat sa sumpa ng Allâh (I) kung siya ay nagsabi ng kasinungalingan.
8-9. At sa ganitong pagtestigo niya ay nararapat na parusahan ang kanyang asawang babae ng parusang pakikiapid na siya ay babatuhin hanggang sa siya ay mamatay, at hindi mapapawalang-bisa ang parusang ito sa asawang babae maliban na lamang kung siya ay tetestigo rin nang katumbas ng pagtestigo ng lalaki ng apat na beses na pagtestigo sa Allâh (I), na siya, ang lalaki ay sinungaling sa kanyang ibinibintang sa kanyang asawang babae na pakikiapid, at panlima na pagtitestigo ay idaragdag niya ang panalangin laban sa kanyang sarili, na siya ay karapat-dapat sa poot at galit ng Allâh (I) kung ang kanyang asawang lalaki ay nagsasabi ng katotohanan hinggil sa ibinibintang sa kanya, at sa ganitong pangyayari ay paghihiwalayin na silang dalawang mag-asawa.
10. At kung hindi lamang sa Kagandahang-Loob ng Allâh (I) at ng Kanyang Awa sa inyo na mga mananampalataya sa pamamagitan ng ganitong batas ng mga mag-aasawang kalalakihan at kababaihan, ay tiyak na mangyayari sa sinumang nagsisinungaling sa dalawang nagsusumpaan ang anumang kanyang ipinanalangin laban sa kanyang sarili, at walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Tawwâb’ – Tagapagtanggap sa sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran mula sa Kanyang alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Batas at Pangangasiwa.
11. Katiyakan, ang mga yaong nagdala ng napakatinding kasinungalingan at pagbibintang ay grupo na kabilang sa inyo – O kayo na mga Muslim – na ito ay pagbibintang ng kahalayan sa ina ng mga mananampalataya na si `Â`ishah na kinalugdan ng Allâh (I). Huwag ninyong ituring na ang kanilang sinabi ay nakasama sa inyo, kundi ito ay nakabuti sa inyo, dahil sa naging bunga na idinulot nito na pagtatanggol sa ina ng mga mananampalataya at paglilinis sa kanyang pagkatao at pagtatangi sa kanya.
Sa bawa’t isa na nagsalita ng kasinungalingan ay parurusahan dahil sa kanyang nagawang kasalanan, at mananagot nang napakalaki sa kasalanang ito ay si `Abdullâh Ibnu `Ubay Ibnu Salul na pinuno ng mga mapagkunwari, na isinumpa ng Allâh (I) dahil para sa kanya ang masihding kaparusahan sa Kabilang-Buhay, na ito ay pananatili sa kaila-ilaliman ng Impiyerno.
12. Di ba karapat-dapat na mag-isip lamang ng mabuti ang sinumang mananampalataya na mga kalalakihan at mga kababaihan sa kanilang kapwa mananampalataya, kapag sila ay nakarinig ng anumang kasinungalingan na pagbibintang, na ang ibig sabihin, ang kanilang kapwa mananampalataya ay malayo sa anumang ibinibintang sa kanila, at kanilang sasabihin: “Ito ay malinaw na kasinungalingan laban kay `Â`ishah, na siya ay kinalugdan ng Allâh (I)?”
13. Di ba dapat na magdala ng apat na mabubuting testigo ang mga nagbibintang sa anumang kanilang sinasabi? Kapag ito ay hindi nila nagawa, samakatuwid, ibibilang sila na mga sinungaling sa paningin ng Allâh (I).
14. Kung hindi lamang dahil sa kagandahang-loob ng Allâh (I) sa inyo at sa Kanyang Awa na saklaw Niya ang inyong pagiging matuwid sa inyong Relihiyon at ang kabutihan sa inyong makamundo, na kung kaya, hindi Niya minadali ang Kanyang parusa sa inyo at pinatawad ang sinumang nagsisi, kung hindi lamang sa ganitong kadahilanan ay magaganap sa inyo ang matinding parusa dahil sa inyong ginawa.
15. Sa panahon na ipinamamalita ninyo ang mga maling pagbibintang na ito sa pamamagitan ng inyong mga dila at pagbibigkas ng inyong mga bibig, na ito ay isang kamalian, at bukod dito ay wala kayong kaalaman hinggil sa bagay na ito, na ang dalawang ito ay ipinagbabawal: ang pagsasabi ng kamalian at ang pagsasabi ng bagay na wala namang kaalaman, na iniisip ninyo na ito ay pangkaraniwan lamang, samantalang sa paningin ng Allâh (I) ito ay isang mabigat na bagay. Dito ay matinding pagbababala hinggil sa hindi pag-iingat sa pagkalat ng kasamaan o kamalian.
16. At di ba dapat sabihin ninyo kapag nakarining kayo ng ganitong kasinungalingan: “Hindi nararapat sa amin na magsalita ng ganitong kasinungalingan, luwalhati sa Iyo, O aming ‘Rabb’ na tagapaglikha, na Ikaw ay malaya sa ganitong salita laban sa asawa ng Iyong Sugo na si Muhammad (r), dahil ito ay matinding kasinungalingan na kasalanan na karapat-dapat sa parusa.”
17. Pinaaalalahanan kayo ng Allâh (I) at pinagbabawalan kayo na kailanman ay huwag na kayong bumalik sa ganitong gawain magpakailanamn na pagbibintang ng kasinungalingan kung kayo ay mananampalataya sa Allâh (I).
18. At nililinaw ng Allâh (I) sa inyo ang Kanyang mga talata na tumutugon sa mga alintuntunin ng batas at pagpapayo, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong mga gawain, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang batas at pangangasiwa.
19. Katiyakan, ang mga yaong nais nila na lumaganap ang kahalayan sa mga Muslim ay para sa kanila ang parusa ng pagbibintang dito sa daigdig, bukod pa sa mga makamundong pagsubok, at sa Kabilang-Buhay ay para sa kanila ang parusa sa Impiyerno kung sila ay hindi nagsisi, at ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay Ganap na Nakaaalam sa kanilang kasinungalingan at ito ay hindi ninyo batid.
20. At kung hindi lamang sa Kagandahang-Loob ng Allâh (I) at ng Kanyang Awa, sa sinumang nasangkot sa maling pagbibintang na ito, at ang Allâh (I) sa katotohanan ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kagandahang-Loob, na ‘Raheem’– Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal, ay hindi Niya lilinawin ang ganitong mga batas at pagpapayo, at padaliin Niya ang parusa ng sinumang lumabag sa Kanya.
21. O kayo na mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong sundin ang mga daan ni ‘Shaytân,’ at ang sinumang susunod sa mga daan ni ‘Shaytân,’ samakatuwid, walang pag-aalinlangan, siya ay nag-uutos ng mahalay na gawain at mga masasama, at kung hindi lamang sa Kagandahang-Loob ng Allâh (I) sa mga mananampalataya at Kanyang Awa sa kanila ay walang sinuman ang magiging malinis mula sa dungis ng kasalanan, kailanman mula sa kanila, subali’t ang Allâh (I) nililinis Niya ang sinuman na Kanyang nais. At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa inyong mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong mga layunin at gawain.
22. At huwag sumumpa ang sinumang mabubuti sa kanilang Relihiyon at maluwag sa kanyang pananalapi na iwasan ang pakikipag-ugnayan sa kanyang mga kamag-anak na mga mahihirap, mga nangangailangan at ng mga nangibang-bayan, at itigil niya ang paggasta sa kanila; dahil sa kasalanan na kanilang nagawa, at patawarin niya ang anuman na mali na kanilang nagawa, at huwag niya silang parusahan. Hindi ba ninyo nais na patawarin kayo ng Allâh (I)? Na kung gayon, patawarin ninyo sila. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila. At nandito ang pag-uutos na magpatawad kahit masama pa rin ang pakikitungo sa kanya.
23. Katiyakan, ang mga yaong nagbibintang ng pakikiapid sa mga malilinis, matutuwid na mga mananampalatayang kababaihan na mga walang kamuwang-muwang, na kailanman ay hindi sumagi sa kaisipan nila ang mga ganitong bagay, sila na gumagawa nito ay ipinagtabuyan mula sa Awa ng Allâh (I) dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at para sa kanila ang matinding parusa sa Impiyernong-Apoy. Naririto sa talatang ito ang katibayan sa pagiging di-mananampalataya ng sinumang nagmumura at nagbibintang ng masama sa mga asawa ni Propeta Muhammad (r).
24. Itong pagpaparusa ay sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay tetestigo laban sa kanila ang kanilang mga dila sa anuman na nasabi nito, at magsasalita ang kanilang mga kamay at ang kanilang mga paa na sasabihin kung anuman ang kanilang nagawa.
25. Dito sa Araw na ito ay ipagkakaloob ng Allâh (I) ang kabuuan ng kanilang kabayaran sa kanilang nagawa nang makatarungan, at malalaman nila sa dakilang pangyayaring ito na ang Allâh (I) ay ‘Al-Haqqul Mubeen’ – Malinaw na Katotohanan, na hindi dadayain ang sinuman ng kahit na katiting na katiting.
26. Lahat ng mga masasama na mga kalalakihan, mga kababaihan, mga salita at mga gawa ay para rin sa mga masasama na katulad din nito, at para sa lahat ng mabubuti na mga kalalakihan, mga kababaihan, mga salita at ang mga gawa ay ang anumang katumbas na mabuti, at ang mga mabubuti na mga kalalakihan at ang mga mabubuti na mga kababaihan ay pinawalang-sala sa anumang masamang ibinintang sa kanila ng mga masamang tao, at para sa kanila ang kapatawaran sa mga kasalanan mula sa Allâh (I) at marangal na kabuhayan sa ‘Al-Jannah.’
27. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag kayong pumasok sa mga tahanan na hindi ninyo pagmamay-ari hanggang hindi kayo makahingi ng pahintulot sa mga nagmamay-ari nito na pumasok at makabati kayo ng ‘Salâm’ – kapayapaan sa kanila. At ang pamamaraan nito sa ‘Sunnah’ ni Propeta Muhammad ay ganito: “As-salâmu `alaykum, papasok na ba ako?” Ganoon ang pagpapaalam na nakabubuti sa inyo; upang maalaala ninyo sa pamamagitan ng ganitong gawain ang mga ipinag-utos ng Allâh (I) at susunod kayo sa Kanya.
28. At kapag wala kayong natagpuan na sinuman sa mga tahanan ng iba ay huwag kayong pumasok hanggang kayo ay makatagpo ng magpapapahintulot sa inyo, at kapag kayo ay hindi pinahintulutan, at sa halip ay sinabi sa inyo na: Bumalik kayo, ay bumalik kayo, at huwag kayong magpumilit, dahil ang pagbabalik sa gayong pagkakataon ang higit na nakalilinis sa inyo; dahil may pagkakataon sa tao na mayroong mga pangyayari sa kanya na ayaw niyang mabatid ng iba. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakababatid sa inyong mga ginagawa at ginagantimpalaan Niya ang sinuman ayon sa kanyang nagawa.
29. Subali’t hindi bawal sa inyo na pumasok na hindi na kinakailangan pa ang paghingi ng pahintulot sa mga tahanan na hindi tinitirahan ng mga tao, kundi ito ay itinayo para sa pangkalahatang kapakinabangan na itinayo para sa kapakinabangan ng sinumang nangangailangan na katulad ng mga tahanan na itinayo bilang kawanggawa sa mga naglalakbay na nasa mga daanan at iba pa na mga lugar, at nandoroon ang kapakinabangan at pangangailangan ng sinumang papasok doon, at mahirap sa ganoong situwasyon ang pagpapaalam. At ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa anumang kalagayan ninyo, lantad man ito o lihim.
30. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga pananampalatayang kalalakihan na ibaba nila ang kanilang mga paningin mula sa anumang hindi ipinahintulot sa kanila na makita na mga kababaihan at mga pribagong bahagi, at pangalagaan nila ang kanilang pribadong bahagi mula sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) na katulad ng pakikiapid at ‘sodomy,’ at paglantad ng mga maseselang bagay at anuman na katulad nito, at ito ang mas nakalilinis sa kanilang katauhan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Ganap na Nakababatid sa anumang kanilang ginagawa sa mga ipinag-utos ng Allâh (I) o sa kanilang pag-iwas sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I).
31. At sabihin mo rin sa mga mananampalatayang kababaihan na ibaba nila ang kanilang mga paningin sa anumang hindi ipinahintulot sa kanila na mga pribadong bahagi ng katawan, at pangalagaan nila ang kanilang mga pribadong bahagi mula sa anumang mga ipinagbawal ng Allâh (I), at huwag nilang ilantad ang kanilang kagandahan sa mga kalalakihan, kundi pagsumikapan nila na ito ay maitago maliban sa mga nakalantad na pananamit na nakasanayan na ito ay nakalantad na kasuotan, kung ito ay hindi nagdudulot ng anumang ‘fitnah’ (o panghahalina na makagawa ng kasamaan), at ibababa nila ang panakip ng kanilang ulo hanggang sa matakpan ang kanilang mga dibdib na natatakpan nito ang kanilang mga mukha; upang mabuo ang kanilang panakip, at huwag nilang ilantad ang anumang kagandahan na nakatago maliban lamang sa kanilang mga asawa na mga kalalakihan; dahil maaari nilang makita mula sa kanila na mga asawa ang hindi maaaring makita ng iba. At kabilang dito ay ang mukha, leeg, dalawang kamay, dalawang braso at ito ay ipinahintulot na makita rin ng kanilang mga ama o di kaya ay ama ng kanilang mga asawa o di kaya ay kanilang anak na mga kalalakihan, o di kaya ay anak na mga kalalakihan ng kanilang mga asawa, o di kaya ay kanilang mga kapatid na mga kalalakihan, o di kaya ay mga anak na lalaki ng kanilang mga kapatid na kalalakihan, o di kaya ay mga anak na kalalakihan ng kanilang mga kapatid na mga kababaihan, o di kaya ay kanilang mga alipin na kababaihan, o di kaya ay mga kapatid na kababaihan sa pananampalataya, o di kaya ay ang anumang pagmamay-ari nila na mga alipin na mga kalalakihan, o di kaya ay mga matatanda na kalalakihan na wala nang pagnanasa sa mga kababaihan na katulad ng ulyanin na sunud-sunuran na lamang sa iba para makakain o makainom, o di kaya ay mga bata na kalalakihan na wala silang kamuwang-muwang sa mga pribadong bahagi ng mga kababaihan, at wala pa silang pagnanasa, at huwag itapak nang malakas ng mga kababaihan ang kanilang mga paa habang sila ay naglalakad upang marinig ang anumang palamuti sa paa na tulad ng singkil (nakasabit na mga palamuti sa paa) at iba pa, at magbalik kayo, O kayong mga naniniwala tungo sa pagsunod sa Allâh (I) sa anuman na Kanyang ipinag-uutos mula sa mga ganitong magagandang pag-uugali at mabubuting asal, at iwasan na ninyo ang anumang pag-uugali ng kamangmangan na mga masasamang pag-uugali; upang kayo ay magtagumpay ng kabutihan dito sa daigdig at ganoon din sa Kabilang-Buhay.
32. At hanapan ninyo ng mga mapapangasawa, O kayong mga mananampalataya, ang sinuman na walang asawa na mga malalaya na mga kalalakihan at mga kababaihan at mga mabubuti na sila ay mula sa inyong mga alipin ng mga kalalakihan at alipin na mga kababaihan, at kung sinuman ang nagnais na mag-asawa upang pangalagaan ang kanyang sarili na siya ay mahirap ay pagyayamin siya ng Allâh (I) mula sa Kanyang masaganang kabuhayan. At ang Allâh (I) ay masagana ang Kanyang Kabutihan at dakila ang Kanyang Kagandahang-Loob, na higit na Nakaaalam sa kalagayan ng Kanyang mga alipin.
33. At ang mga yaong hindi nila kayang mag-asawa dahil sa kanilang kahirapan o di kaya sa ibang kadahilanan ay panatilihin nila ang kanilang kalinisan mula sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) hanggang sila ay pagyamanin ng Allâh (I) mula sa Kanyang Kagandahang-Loob, at gawing madali sa kanila ang pag-aasawa. At ang mga yaong nagnanais na palayain ang kanilang mga alipin na mga kalalakihan at mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasunduan na nakatakda ang kanyang panahon upang tubusin nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagbabayad sa nagmamay-ari sa kanila, ay nararapat sa mga nagmamay-ari sa kanila na sumang-ayon sa pagtatakda ng ganitong kasunduan kung alam na sila (mga alipin) ay mabubuti. Na ang tinutukoy na mabubuti rito: ay kanilang talino, at kakayahan na kumita, at nararapat sa kanila at sa nagmamay-ari at ganoon din sa iba na sila ay tulungan sa pamamagitan ng salapi para rito. At hindi maaari sa inyo na sila ay pilitin na gumawa ng pakikiapid para lamang magkaroon ng salaping pantubos, at paano ninyo ito gagawin sa kanila samantalang sila na mga alipin na mga kababaihan ay nagnanais na maging malinis, ayaw ninyo rin ba silang maging malinis?
At dito sa talatang ito ay ipinakikita kung gaano kasama ang gayong gawain. Subali’t ang sinumang pumilit sa kanila ng pakikiapid ay walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) pagkatapos ng pagpilit sa kanila ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kanila, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal, at ang kasalanan ay para lamang sa sinuman na pumilit sa kanila.
34. At katiyakan, ibinaba Namin sa inyo ang kapahayagan, O kayong mga tao, na mga talata ng Banal na Qur’ân na mga malilinaw na katibayan ng katotohanan, at halimbawa mula sa kuwento ng mga naunang tao, at pagpapayo sa sinumang nakauunawa nito na natatakot sa Allâh (I) at nag-iingat mula sa Kanyang kaparusahan.
35. Ang Allâh (I) ay Siyang Liwanag ng mga kalangitan at kalupaan at Tagapangasiwa sa dalawang ito at gumagabay sa mga naninirahan dito dahil Siya ay Liwanag, ang Kanyang harang ay liwanag, na sa pamamagitan nito nagkaroon ng liwanag ang mga kalangitan, kalupaan at ang anuman na mga niloloob nito, at ang Aklat ng Allâh (I), at ang Kanyang Gabay ay liwanag na mula sa Kanya, na kung hindi dahil lamang sa Kanyang liwanag ay magkakapatung-patong na ang mga kadiliman sa ibabaw ng mga kadiliman.
At ang halimbawa ng Kanyang Liwanag na rito Niya ginagabayan ang sinuman, ay ang paniniwala at ang Banal na Qur’ân na nasa puso ng mga mananampalataya na katulad ng ‘Miskât,’ na ang ‘Miskât’ na ito ay maliit na bintana na nandoroon ang lampara, at naiipon doon sa maliit na bintanang yaon ang liwanag na napakatindi (na nananatili lamang doon ang liwanag ng lampara iyon, at itong lampara ay nasa ilalim ng salamin o ‘glass’), at dahil sa napakalinaw ng salamin na ito ay para itong nagniningning na bituin, na ang nagpaparingas nito ay mula sa langis ng mabibiyang puno, na ito ay puno ng ‘Zaytûn’ (Oliba – ‘olives’), na ito ay hindi nagmumula sa gawing silangan, na kung kaya, hindi ito tinatamaan ng liwanag ng araw sa dulo ng araw (dapit-hapon), at hindi rin nagmumula lamang sa kanluran dahil hindi ito tinatamaan ng sinag ng araw sa umpisa ng umaga, kundi ito ay nasa gitna ng kalupaan na hindi sa gawing silangan at hindi rin sa gawing kanluran, at dahil sa linis nito ay halos nagniningning ang langis bago pa umabot doon sa apoy, kapag ito ay inabot na ng apoy ay saka pa ito liliwanag nang matinding liwanag, na ito ay Liwanag sa ibabaw ng Liwanag, na kung saan, liwanag ng pagsinag ng langis at liwanag ng pagdingas ng apoy, katulad nito ang gabay na kung saan lumiliwanag sa puso ng mga mananampalataya. At ang Allâh (I) ay ginagabayan at pinapatnubayan sa pagsunod sa Banal na Qur’ân ang sinuman na Kanyang nais, at nagbibigay Siya ng parabola sa sangkatauhan; upang maunawaan nila ang Kanyang mga parabola at ang Kanyang mga karunungan, at ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay at walang anuman ang naililihim sa Kanya.
36. Ang liwanag na ito ay nagbibigay liwanag sa mga Tahanan ng Allâh (I) (‘Masjid’) na ipinag-utos Niya na itayo ang mga ito, igalang, linisin at ikarangal; na inaalaala at pinupuri rito ang Kanyang Pangalan sa pamamagitan ng pagbibigkas o pagbabasa ng Kanyang Aklat at pagpuri at pagluwalhati, at iba pang pamamaraan ng papuri, na rito nagsasagawa ng ‘Salâh’ ang sinuman sa Allâh (I), sa umaga at hapon.
37. Mga kalalakihan na hindi naabala ng negosyo at pagbebenta mula sa pag-alaala nila sa Allâh (I), at pagsagawa ng ‘Salâh,’ pagbibigay ng ‘Zakâh’ o Obligadong kawanggawa sa mga may karapatan, natatakot sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay babaling ang mga puso sa pagitan ng pag-asa na maligtas at pagkatakot na mapahamak, ganoon din ang kanilang mga paningin na nakaabang tungo sa kung saan sila patutungo?
38. Upang ipagkaloob ng Allâh (I) sa kanila ang gantimpala ng kanilang pinakamabuting gawa, karagdagan pang pagkakaloob mula sa Kanyang Kagandahang-Loob upang dodoblehin ang kanilang kabutihan. At ang Allâh (I) ay nagkakaloob sa sinuman na Kanyang nais ng walang limitasyon, sa halip ibinibigay Niya ang gantimpala na hindi maaaring mapantayan ng kanyang gawa, na wala nang bilang at timbang.
39. At ang mga yaong hindi naniwala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at tinanggihan ang Kanyang mga Sugo, ang kanilang gawain na inaasahan nila na mapakikinabangan nila sa Kabilang-Buhay, na katulad ng kanilang pagiging mabuti sa mga kamag-anak at pagpapalaya ng mga bihag at iba pa ay magiging isang malikmata lamang, na katulad ng nakikita nila na parang tubig sa patag na kalupaan sa tanghaling-tapat, na iisipin ng nauuhaw na ito ay tubig, subali’t kapag ito ay kanyang narating ay wala siyang makikitang tubig.
Ang walang pananampalataya ay iniisip niya na ang kanyang gawain ay kapaki-pakinabang sa kanya, subali’t pagdating ng Araw ng Muling Pagkabuhay ay wala siyang matatagpuan na gantimpala, at matatagpuan niya ang Allâh (I) na nakamasid, na nakaabang sa kanya na ipagkakaloob sa kanya ang kabuuan ng kabayaran ng kanyang gawain na naglalagablab na Impiyernong-Apoy. At ang Allâh (I) ay ‘Saree`ul Hisâb’ – Ganap at Napakabilis Niyang Tumuos, na kung kaya, huwag mainip ang mga mangmang sa pagdating ng Kanyang ipinangako, dahil ito ay walang pag-aalinlangang magaganap.
40. O di kaya, ang kanilang mga gawain ay magiging katulad ng mga kadiliman sa ilalim ng malalim na karagatan na ang nasa ibabaw nito ay alon, na ang alon na ito ay napangingibabawang muli ng panibagong mga alon, at nasa ibabaw nito ang mga makapal na ulap, na matitinding kadiliman na magkakapatung-patong sa isa’t-isa, kung sakali na ang isang tao na nasa ganoong kalagayan, na kapag iniunat niya ang kanyang kamay ay talagang hindi niya ito maaninag sa tindi ng kadiliman, na kung kaya, ang mga walang pananampalataya ay nagkakapatung-patong na sa kanila ang mga kadiliman ng pagsamba ng iba, pagkaligaw at mga masasamang gawain. At ang sinumang hindi pagkalooban ng Allâh (I) ng liwanag mula sa Kanyang Aklat at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Propeta (r) na igagabay sa kanya ay wala na siyang anupamang patnubay.
41. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), na ang Allâh (I) sa katotohanan ay lumuluwalhati sa Kanya ang lahat ng mga nasa kalangitan at ang lahat ng mga nasa kalupaan na mga nilikha, at ang mga ibon na nakadipa ang kanilang mga pakpak sa himpapawid ay lumuluwalhati rin sa Kanya? Lahat ng nilikha ay ginabayan ng Allâh (I) kung paano sumamba sa Kanya at pumuri. At Siya ang Allâh (I), luwalhati sa Kanya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam, na batid Niya ang anumang ginagawa ng sinumang sumasamba at lumuluwalhati, na walang anuman ang naililihim sa Kanya, at sa pamamagitan nito sila ay Kanyang tutumbasan.
42. Bukod-Tangi na Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan na Siya lamang ang kumukuntrol nito, at sa Kanya magbabalik sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
43. Hindi mo ba nakita na ang Allâh (I) ay nagpapalakad ng mga ulap nang marahan sa kung saan na Kanyang nais, pagkatapos ito ay pagsasama-samahin Niya pagkatapos ng paghihiwala-hiwalay nito, pagkatapos ay pagpapatung-patungin Niya, at mula roon ay ibababa Niya ang ulan? At bumababa mula sa ulap ang kasinglaki ng bundok na yelo dahil sa laki nito na malamig, at ibinababa Niya ito sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin at inilalayo Niya sa sinuman na Kanyang nais sa kanila ayon sa Kanyang karunungan at pagtatakda, na halos sa tindi ng liwanag ng kidlat nito sa ulap ay matatangay nito ang paningin ng mga may paningin.
44. At kabilang sa tanda ng kapangyarihan ng Allâh (I) ay pinagpapalit-palit Niya ang gabi sa araw na dumarating ang isa rito pagkalipas ng isa, nagsasalit-salitan ito sa haba at iksi, katotohanan, nandirito sa ganitong pangyayari ang katibayan na nauunawaan ng sinumang pinagkalooban ng kaisipan.
45. Ang Allâh (I) ay nilikha Niya ang lahat ng gumagapang sa kalupaan mula sa tubig, na kung kaya, ang tubig ang pinagmulan ng lahat ng Kanyang nilikha, mayroon sa mga gumagapang na ito, na naglalakad sa pamamagitan ng tiyan nito na katulad ng mga ahas at iba pa, at mayroon namang naglalakad sa pamamagitan ng dalawang paa na katulad ng tao at mayroong naglalakad sa pamamagitan ng apat na paa na katulad ng maraming hayop at iba pa, at ang Allâh (I) ay Lumikha ng anuman na Kanyang nais, at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.
46. Katiyakan, ibinaba Namin na nasa niloloob ng Qur’ân ang mga malilinaw na palatandaan na naggagabay tungo sa katotohanan. At ang Allâh (I) ay ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin tungo sa Matuwid na Landas na ito ay ang Islâm.
47. At sinasabi ng mga mapagkunwari: “Naniwala kami sa Allâh (I) at sa anumang dala-dala ng Sugo, at sinunod namin ang ipinag-uutos ng dalawa,” pagkatapos ay tatalikod ang ilang grupo mula sa kanila pagkatapos nito at tinatanggihan ang pagpasiya ng Sugo ng Allâh (r), na kung kaya, hindi sila ibinibilang sa mga mananampalataya.
48. At kapag sila ay inanyayahan tungo sa pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo hinggil sa kanilang hindi pinagkakasunduan; upang hukuman ang pagitan nila, ay ang ibang grupo sa kanila ay tatalikod na tatanggihan ang batas ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, samantalang sa katunayan, ito ay katotohanan na walang pag-aalinlangan.
49. Subali’t kapag ang katwiran ay nasa panig nila, walang pag-aalinlangan, na sila ay tutungo sa Propeta (r) na sumusunod, nagpapasailalim sa kanyang batas na pinagpasiyahan; dahil batid nila na ang kanyang pagpasiya ay katotohanan.
50. Ang dahilan ba ng kanilang pagtalikod ay dahil sa sakit ng pagkamapagkunwari na nasa kanilang mga puso, o di kaya ay may pagdududa sila sa pagka-Propeta ni Propeta Muhammad (r), o di kaya ang dahilan ba ay nangangamba sila na ang batas ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo ay hindi makatarungan? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan na sila ay natatakot na dadayain, kundi walang pag-aalinlangan na sila ay masasama at marurumi ang budhi.
51. Subali’t ang mga tunay na mananampalataya, ang kanilang pag-uugali kapag sila ay inaanyayahan tungo sa hukom ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo hinggil sa kanilang di-pinagkakasunduan, ay tatanggapin nila ang batas at kanilang sasabihin: “Pinakinggan namin ang anuman na sinabi sa amin at sinunod namin ang anuman ng ipinag-utos sa amin,” at sila ang mga yaong magtatagumpay na pagkakalooban ng anuman na kanilang hinahangad sa mga Hardin ng kaligayahan.
52. At ang sinuman ang susunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo hinggil sa ipinag-uutos at ipinagbabawal, at natakot sa magiging bunga ng paglabag, at natakot sa parusa ng Allâh (I), sila ang mga magtatagumpay na magkakamit ng kaligayahan sa ‘Al-Jannah.’
53. At sumusumpa ang mga mapagkunwari sa Allâh (I) ng napakatinding pagsumpa na sinasabi nila: “Kapag inutusan mo kami, O Muhammad, na tumungo sa ‘Jihâd’ na kasama ka ay tiyak na kami ay sasama,” sabihin mo sa kanila: “Huwag na kayong manumpa ng kasinungalingan, dahil sa ang inyong pagsunod ay batid Namin na ito ay hanggang salita lamang, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa lahat ng inyong ginagawa, at hinggil dito kayo ay papagbabayarin.”
54. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga tao: “Sumunod kayo sa Allâh (I) at sumunod kayo sa Sugo, subali’t kapag sila ay tumalikod, walang pag-aalinlangan na ang tungkulin lamang ng Sugo ay gawin kung anuman ang ipinag-utos sa kanya na pagpaparating ng mensahe, na kung kaya, nararapat sa lahat na gawin ang anumang ipinag-uutos sa kanila na pagsunod, at kapag kayo ay sumunod sa kanya ay gagabayan kayo sa katotohanan, at ang tungkulin lamang ng Sugo ay iparating ang mensahe ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng malinaw na pagpaparating.”
55. Ipinangako ng Allâh (I) na magtatagumpay ang mga yaong naniwala mula sa inyo at gumawa ng mga mabubuting gawa, na kung saan, ipapamana sa kanila ang kalupaan ng mga walang pananampalataya, at gagawin silang mga kahalili, na katulad ng nangyari sa mga nauna sa kanila na mga mananampalataya na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo, at ipagkakaloob sa kanila ang kapangyarihan na pangingibabawin ang ‘Deen’ (Relihiyon) na pinili ng Allâh (I) para sa kanila na ito ay Islâm, at katiyakan na papalitan Namin ang kanilang pangamba ng kapanatagan, na sasambahin nila ang Allâh (I) nang bukod-tangi, at magpanatili sila sa pagsunod sa Kanya, na hindi na sila sasamba ng anuman bukod sa Kanya, at sinuman hindi maniniwala pagkatapos ipagkaloob sa kanila ang paghahalili, kapanatagan, katatagan at pangingibabaw, at tanggihan ang mga Biyaya ng Allâh (I), sila ay ituturing na lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I).
56. At isagawa ninyo nang ganap ang pagsa-‘Salâh,’ at ibigay ninyo ang obligadong kawanggawa (‘zakâh’) sa mga may karapatan, at sumunod kayo sa Sugo ng Allâh (r); nang sa gayon ay kaawaan kayo ng Allâh (I).
57. Huwag isipin ng mga walang pananampalataya na magagapi nila ang Allâh (I) dito sa daigdig, bagkus Siya ay Ganap na Makapangyarihan na kaya silang wasakin, at sa Kabilang-Buhay ang kanilang patutunguhan ay Impiyerno, na napakasamang patutunguhan.
58. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Utusan ninyo ang inyong mga alipin na kalalakihan at mga kababaihan, at ang inyong mga anak na wala pa sa hustong gulang na humingi sila ng pahintulot kapag pumasok sila sa inyong silid-tulugan sa tatlong pagkakataon na oras ng ‘`awrah’ (maseselan na oras): bago mag-‘Salâh’ ng ‘fajr,’ dahil ito ay pag-aalis ng damit-pantulog at pagsusuot ng damit na panggising; at ang oras ng pagpapalit ng damit upang makapagpahinga pagkatapos ng ‘Dhuhr,’ at pagkatapos ng ‘`Ishâ’ dahil ito ay oras ng pagtulog.
Itong tatlong oras ay mga oras ng inyong mga ‘`awrah’ na bibihira rito ang nakapagtakip nang buo niyang katawan, subali’t sa ibang oras ay walang problema kung sila ay papasok sa inyo nang walang paalam; dahil sa kanilang pangangailangan, dahil sa sila ay iniikutan kayo upang pagsilbihan, at kung paano nilinaw ng Allâh (I) sa inyo ang batas ng pagpapaalam ay nilinaw din sa inyo ang Kanyang mga talata, mga batas, mga katibayan at mga alintuntunin ng Kanyang ‘Deen.’ At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang nakabubuti sa Kanyang mga nilikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa kanila.
59. At kapag umabot na ang mga kabataan sa hustong gulang na sila ay inuutusan na sumunod sa mga alintuntunin ng Islâm, kinakailangang sila ay humingi ng pahintulot kapag sila ay pumasok sa inyo sa lahat ng pagkakataon na katulad ng paghingi ng pahintulot ng mga matatanda, at kung paano nilinaw ng Allâh (I) ang pag-uugali hinggil sa pagpapaalam ay nilinaw din Niya sa inyo ang Kanyang mga talata. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kung ano ang ikabubuti ng Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang panukala.
60. At ang mga matatandang kababaihan na hindi na nangangailangan ng anumang pagnanasa dahil sa kanilang katandaan, at wala na silang hilig sa mga kalalakihan upang mapangasawa, at wala na ring pagnanasa sa kanila ang mga kalalakihan, sa katulad nila ay hindi na kasalanan na alisin ang anumang damit na ipinapatong sa kanilang kasuotan na hindi naman nila inilalantad ang kanilang mga kagandahan, magkagayunpaman ang pagsuot nila ng ganitong kasuotan upang pantakip at maging malayo sa anumang hindi kanais-nais ay higit na nakabubuti sa kanila. At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa anuman na kanilang sinasabi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanilang layunin at mga gawain.
61. Hindi na ipinagbabawal sa sinumang may kapansanan na katulad ng bulag, pilay at mga maysakit ang pag-iwas sa mga ipinag-uutos na gawain, na katulad ng ‘Jihâd’ at iba pa, na kailangan ang sapat na paningin at kumpletong pangangatawan o di kaya ay walang sakit, at hindi rin ipinagbabawal sa inyo, O kayong mananampalataya, na kumain sa tahanan ng inyong mga anak o di kaya ay sa tahanan ng inyong mga ama, o di kaya ay sa tahanan ng inyong ina, o di kaya ay sa inyong mga kapatid na kalalakihan, o di kaya ay sa inyong mga kapatid na kababaihan, o di kaya ay sa inyong mga tiyuhin sa inyong mga ama, o di kaya ay sa inyong mga tiyahin sa inyong ama, o di kaya ay sa inyong mga tiyuhin sa inyong mga ina, o di kaya ay sa inyong mga tiyahin sa inyong mga ina, o di kaya ay sa mga tahanan na ipinagkatiwala sa inyo habang wala ang mga nagmamay-ari nito, o di kaya ay sa mga tahanan ng inyong mga kaibigan, at hindi rin ipinagbabawal sa inyo ang kumain ng magkakasama o di kaya ay magkakahiwalay.
At kapag kayo ay pumasok sa mga tahanan na may naninirahan o di kaya ay walang naninirahan ay magbatian kayo sa isa’t-isa ng pagbabati ng Islâm, na ito ay ang: “As-salâmu `alaykum wa rahmatullâhi wa barakâtuh,” o di kaya ay “As-salâmu `a-lay-na wa `a-la iba-dil-lâ-his sâ-li-heen” (na ang ibig sabihin ay ang kapayapaan ay para sa amin at para sa mga alipin ng Allâh na mga mabubuti) kapag walang natagpuan na sinuman sa tahanan.
At ito ang pagbati na ipinag-utos ng Allâh (I), na ito ang binibiyayaan na pamamaraan na nagbubunga ng pagmamahalan, na mabuti na kalugud-lugod sa nakaririnig, at sa katulad nitong paglilinaw ay nililinaw ng Allâh (I) sa inyo ang mga palatandaan ng Kanyang ‘Deen’ at ng Kanyang mga talata; upang ito ay inyong maunawaan at maisakatuparan.
62. Katiyakan, ang tunay na mga mananampalataya ay yaong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at ipinatupad ang Kanyang batas, at kapag kasama nila ang Propeta (r), na sila ay nagsasama-sama dahil sa kapakanan ng mga Muslim, ay hindi aalis ang sinuman sa kanila hangga’t hindi siya makapagpaalam sa kanya (Propeta).
Katiyakan, ang mga yaong nagpapaalam sa iyo, O Muhammad (r), ay sila ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ng tunay na paniniwala, at kapag sila nagpaalam sa iyo dahil sa kanilang pangangailangan ay pahintulutan mo ang sinuman na iyong nais na makaalis dahil sa kanyang tamang katwiran, at ihiling mo sila ng kapatawaran sa Allâh (I). Dahil katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang mga alipin na nagbalik-loob sa Kanya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
63. Huwag ninyong sabihin, O kayong mga mananampalataya, kapag tinawag ninyo ang Sugo ng Allâh (r) na: “O Muhammad, at ganoon din ang, O Muhammad na anak ni `Abdullâh,” na katulad ng pagtawag ninyo ng sinuman sa inyo sa iba, ibukod-tangi ninyo siya at sabihin ninyo: “O Propeta ng Allâh (r), o di kaya ay, O Sugo ng Allâh (r).” Katiyakan, batid ng Allâh (I) ang mga mapagkunwari na umaalis nang palihim mula sa pagpupulong na kasama ang Propeta, na walang paalam sa kanya, na nagtatago ang iba sa kanila sa iba, at mag-ingat ang mga yaong lumalabag sa utos ng Sugo ng Allâh (r) na dumating sa kanila ang sakuna o di kaya ay dumating sa kanila ang matinding parusa sa Kabilang-Buhay.
64. Dapat ninyong mabatid na walang pag-aalinlangan, na pagmamay-ari ng Allâh (I) ang anuman na nasa mga kalangitan at kalupaan, na ito ay Kanyang nilikha, Pagmamay-ari at Kanyang mga alipin, na katiyakan, saklaw ng Kanyang kaalaman ang lahat ng mayroon kayo at inyong mga kalagayan, at sa Araw ng pagbabalik ng Kanyang mga alipin sa Kanya sa Kabilang-Buhay ay sasabihin Niya sa kanila ang anuman na kanilang ginawa, at sila ay tutumbasan, at ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, na walang anuman ang nailillihim sa Kanya sa anuman na kanilang ginagawa at kalagayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment