69
LXIX – Sûrat Al-Hâqqah
[Kabanata Al-Hâqqah – Ang Pangyayari Na Hindi Maaaring Pigilin]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-3. “Al-Hâqqah” – Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay walang pag-aalinlangang magaganap na roon ay maisasakatuparan ang anumang ipinangako at ibinigay na babala. Ano ba ang Pagkabuhay na Mag-uli na kung saan ang katangian at kalagayan nito ay katiyakang magaganap? Ano ba ang magpapabatid sa iyo, O Muhammad, ng katotohanan hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli at magsasalarawan sa iyo sa kagimbal-gimbal at matinding pangyayari roon?
4. Hindi naniwala ang mga lipi ni Thamoud na sambayanan ni Sâleh at ang mga lipi ni `Âd na sambayanan ni Hûd sa Pagkabuhay na Mag-uli na sa Araw na yaon ay kakalabog sa kanilang mga dibdib ang kagimbal-gimbal na pangyayari.
5-8. Hinggil sa sambayanan ni Thamûd, sila ay pinuksa sa pamamagitan ng ingay na lumampas sa pagiging hangganan ng tindi ng lakas nito, at sa sambayanan naman ni `Âd ay pinuksa sa pamamagitan ng malamig na hangin na napakalakas ang bugso nito, na pinanatili ito ng Allâh (I) sa kanila sa loob ng pitong gabi at walong araw na magkakasunod, na patuloy na walang tigil, na makikita mo ang mga tao sa mga gabi at mga araw na yaon na mga nakahandusay at mga patay na ang katulad nila ay mga puno ng palmera ng datiles na binunot sa pinakaugat. Kung gayon, mayroon ka pa bang nakikita sa kanila na nanatiling buhay na hindi napuksa?
9-10. At dumating ang pinakamasama na si Fir`âwn at ang mas nauna pa sa kanya na mga sambayanan na sila ay hindi naniwala sa kanilang mga Sugo, at ang mga nanirahan sa mga bayan ni Lût na binaligtad sa kanila ang kanilang bayan dahil sa kanilang kasuklam-suklam na gawain na di-paniniwala, pagsamba sa iba at mga kahalayan.
At lumabag ang bawa’t sambayanan mula sa kanilang Sugo na ipinadala sa kanila ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, pinuksa sila ng Allâh (I) nang matinding pagkapuksa.
11-12. Katiyakan, Kami, noong umapaw na ang tubig, hanggang sa natabunan na nito ang lahat ng bagay, ay dinala Namin ang mga ninuno ninyo na kasama ni Nûh sa pamamagitan ng pagsakay sa Arka (malaking sasakyang pantubig) na ito ay lumalayag sa tubig; upang gawin Namin ang pangyayaring ito na paraan ng pagligtas sa mga mananampalataya at paglunod sa mga walang pnananampalataya bilang aral at pagpapayo, na naitanim ng bawa’t pandinig kung ano ang dapat nilang itanim na aral at naintindihan ng bawa’t nakarinig na ito ay mula sa Allâh (I).
13-18. At kapag hinipan na ng anghel ang trumpeta ng isang ihip, na ito ay ang unang pag-ihip na magiging kawakasan ng lahat ng sandaigdigan, at aalisin ang kalupaan at ang kabundukan mula sa kinaroroonan nito, at wawasakin at yayanigin ito ng isang pagyanig na napakatindi. At sa mga oras na yaon ay mangyayari ang pagkagunaw ng daigdig, at mabibiyak ang kalangitan na sa pagkakataong yaon ay napakahina nito na nakalaylay, na hindi na magkakarugtong at wala na itong tibay, at ang mga anghel ay nandoroon sa mga dulo ng mga kalangitang yaon, at bubuhatin ang ‘`Arsh’ ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I), na nasa ibabaw nila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ng walong mga malalaki at dakilang anghel. At sa Araw na yaon ay ilalantad kayo sa Allâh (I), O kayong mga tao, para sa pagbabayad at pagtutumbas, na walang anumang naitatago sa Kanya sa inyong mga lihim.
19-24. At ang sinumang ipagkakaloob sa kanya ang kanyang talaan ng kanyang gawain sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay, kanyang sasabihin bilang matinding kagalakan at tuwa: “Narito! Kunin ninyo at basahin ninyo ang aking talaan! Katiyakang ako ay nakatiyak noong nasa daigdig pa ako, na walang pag-aalinlangang makakamit ko ang anumang karapat-dapat na pagtutumbas para sa akin sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung kaya, pinaghandaan ko ito kalakip ng tamang paniniwala at mabuting gawa,” na sa ganoong kadahilanan, siya ay nasa kalugud-lugod na pamumuhay, na nasa matataas na mga antas sa Hardin, na ang mga bunga nito ay kumpul-kumpol na napakalapit sa kanya na maaaring pitasin nang nakatayo, nakaupo at nakahiga, na sasabihin sa kanila: “Halinang kumain kayo at uminon na malayo sa anumang kapahamakan na ligtas sa anumang hindi kanais-nais; dahil sa inyong mga nagawang kabutihan sa mga nakaraan ninyong araw sa daigdig.”
25-29. At siya naman na ipinagkaloob sa kanya ang kanyang talaan ng kanyang mga gawain sa pamamagitan ng kanyang kaliwang kamay, ay kanyang sasabihin bilang pagsisisi at panghihinayang: “Sana ay hindi na ibinigay sa akin ang aking talaan nang sa gayon ay hindi ko na nalaman kung ano ang aking naging kabayaran! Sana, ang kamatayan na nangyari sa akin sa daigdig ay yaon na ang naging tunay kong katapusan at hindi na ako mabubuhay pa pagkatapos noon! Hindi ko napakinabangan ang aking kayamanan na aking nilikom sa daigdig! Naglaho na sa akin ang anuman na aking kakayahan at paninindigan, at wala na akong katibayan upang mangatwiran!”
30-34. Sasabihin sa mga tagapangasiwa ng Impiyernong-Apoy: “Dakmain ninyo ang masama na makasalanang ito, at pagsamahin ninyo ang kanyang dalawang kamay at leeg sa pagkakadena, pagkatapos ay ipasok ninyo siya sa Impiyerno upang malasap niya ang init nito, pagkatapos ay ilagay ninyo siya sa kadena na gawa sa bakal na ang haba nito ay pitumpong kyubit, [62] at doon ninyo siya ikadena.” Katotohanan, siya ay hindi naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang kadakilaan, at hindi sumunod sa Kanyang gabay at hindi niya hinikayat ang mga tao sa daigdig na pakanin ang mga nangangailangan na mga mahihirap at iba pa.
35-37. At sa Araw na ito (Araw ng Muling Pagkabuhay) walang sinuman mula sa mga malapit sa kanya na walang pananampalataya ang makapagliligtas sa kanya mula sa kaparusahan, at wala siyang anumang makakain sa Impiyerno kundi mula sa nana at maruming pinaghugasan ng mga sugat ng mga tao, na walang kumakain nito kundi yaong mga makasalanan na nagpumilit sa di-paniniwala sa Allâh (I).
38-43. At sumusumpa Ako sa pamamagitan ng anumang bagay na inyong nakikita at sa pamamagitan ng anumang bagay na hindi ninyo nakikita, na walang pag-aalinlangang ang Qur’ân ay salita ng Allâh (I), na binibigkas ng dakilang Sugo na mataas ang kanyang antas at karangalan, at hindi ito salita ng manunula na katulad ng inyong inaangkin, dahil kapag ito ay salita ng manunula ay kakaunti lamang ang inyong paniniwalaan sa Kasulatang ito, at hindi rin ito mga orasyon ng mga manghuhula, dahil kapag ito ay mga orasyon ng mga manghuhula ay kakaunti lamang sa inyo ang makaaalaala nito at makababatid, kundi ito ay salita ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng nilikha na Kanyang ipinahayag sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r).
44-48. At kung mag-iimbento si Muhammad ng anuman na hindi Namin sinabi, ay parurusahan Namin siya sa pamamagitan ng kanyang kamay o sa pamamagitan ng matinding kapangyarihan at lakas, pagkatapos ay puputulin Namin ang ugat sa kanyang leeg na may koneksiyon sa kanyang puso (upang siya ay mamatay), at walang sinuman mula sa inyo ang magkakaroon ng kakayahan na mailigtas siya mula sa Aming parusa. At ang Qur’ân na ito ay pagpapayo sa mga matatakutin sa Allâh (I) na sumusunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at umiiwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
49-52. At katiyakan, batid Namin na mayroon sa inyo ang hindi naniniwala sa Qur’ân na ito kahit gaano pa kalinaw ang mga talata nito. At katiyakan, ang hindi paniniwala rito ay pagsisisihan nang matindi ng mga walang pananampalataya sa oras na makikita na nila ang parusa na para sa kanila at ang biyaya na para sa mga mananampalataya. At katiyakan, ito ay katotohanang di mapag-aalinlangan at katiyakan na ganap na walang pag-aalinlangan ang hinggil dito. Na kung kaya, luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay malayo sa anumang hindi karapat-dapat sa Kanyang Kadakilaan, at luwalhatiin mo Siya sa pamamagitan ng Kanyang dakilang Pangalan, ang Pinakadakila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment