Sunday, May 16, 2010

Surât Al-Furqân

25
XXV – Surât Al-Furqân
[Kabanata Al-Furqân – Ang Pamantayan]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Dakila ang mga biyaya ng Allâh (I) at sagana ang Kanyang kabutihan, at ganap ang Kanyang katangian na Siya ang nagbaba ng Banal na Qur’ân na naghihiwalay sa pagitan ng tama at kamalian sa Kanyang alipin na si Muhammad (r); nang sa gayon siya ay maging Sugo sa sangkatauhan at sa mga ‘Jinn,’ at babalaan sila mula sa parusa ng Allâh (I).

2. Na Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, na hindi Siya nagkaroon ng anak at wala Siyang kabahagi sa Kanyang Kaharian. At Siya ang Lumikha ng lahat ng bagay, at Kanyang ginawang angkop ang pagkalikha ayon sa magiging bunga ng Kanyang karunungan na walang kakulangan at walang kalabisan.
3. At nagturing ang mga walang pananam-palataya na mga Arabo, ng mga sinasamba bukod sa Allâh (I), na kailanman ang mga ito ay walang kakayahan na lumikha ng kahit na ano, bagkus ang Allâh (I) ay Siyang Lumikha sa mga ito at Lumikha sa kanila. At walang kakayahan ang mga ito na pangalagaan ang kanilang mga sarili sa anumang kapahamakan ni magdulot ng anumang kapakinabangan, at hindi makakayanan nito na kunin ang buhay ng anumang may buhay o di kaya ay buhayin ang anumang namatay, o di kaya ay bubuhayin na mag-uli ang mga taong namatay mula sa kanilang mga libingan.
4. At sinabi ng mga di-naniniwala sa Allâh (I): “Ang Qur’ân na ito ay walang iba kundi kasinungalingan at pag-iimbento lamang ni Muhammad, na nakipagtulungan sa kanya ang ibang mga tao, na sa mga ganitong pag-aangkin ay nakagawa sila ng matinding kasamaan, at nakagawa sila ng napakasamang kasinungalingan; dahil ang Qur’ân kailanman ay hindi maaaring imbentuhin ng sinumang tao.”

5. At kanilang sinabi hinggil sa Banal na Qur’ân: “Ito ay mga haka-haka lamang ng mga tao na mga nauna na naitala sa kanilang mga aklat, na kinopya ni Muhammad, dahil sa ito ay binabasa o binibigkas sa kanya sa umaga at hapon.”

6. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga di-naniniwala: “Katiyakan, ang Siyang nagbaba ng Banal na Qur’ân ay ang Allâh (I) na saklaw ng Kanyang kaalaman ang anumang mga nasa kalangitan at kalupaan, na katiyakan, Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi sa kanyang mga kasalanan at mga kamalian, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.dahil hindi Niya minadali ang parusa sa kanila.”

7-8. At sinabi ng mga walang pananampalataya na nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I): “Paano mangyari na siya na nag-aangking Sugo ng Allâh (r) (na ang ibig nilang sabihin ay si Propeta Muhammad) ay kumakain ng pagkain na katulad natin at naglalakad sa mga pamilihan upang maghanap-buhay? Hindi ba dapat na nagpadala ang Allâh (I) ng anghel na kasama niya na titestigo para sa kanya, o di kaya ay bababa sa kanya mula sa kalangitan ang kayamanan, o di kaya ay sa malawak at masaganang hardin na siya ay kumakain mula sa mga bunga nito,” at sinabi nila na mga masasama na tumanggi: “Ang sinusunod ninyo, O kayong mga mananampalataya, ay walang iba kundi isang tao na tinamaan ng kulam.”

9. Tingnan mo, O Muhammad (r), kung ano ang sinabi ng mga tumanggi hinggil sa iyo na mga kamangha-mangha na mga salita, na ginagawan ka nila ng parabola; upang pasinungalingan ka? At dahil doon ay napalayo sila sa katotohanan at hindi na nila matagpuan ang daan tungo rito; upang ituwid ang kanilang mga sinabi hinggil sa iyo na mga kasinungalingan at pag-iimbento.

10. Napakadakila ang mga Biyaya ng Allâh (I) at napakasagana ang Kanyang mga kabutihan, na kung nanaisin Niya ay pagkalooban ka Niya ng kabutihan, O Muhammad, na higit pa sa kanilang hinahangad para sa iyo, dahil magkaroon ka ng mga hardin dito sa daigdig na ang nasa pagitan nito ay mga umaagos na ilog, at igagawa ka rito ng mga dakilang palasyo.

11. At hindi ka nila tinanggihan; dahil sa ikaw ay kumakain ng pagkain, naglalakad sa pamilihan, sa halip ang kanilang di-pinaniwalaan ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay at ang anumang mangyayari roon na pagbabayad; at inihanda Namin sa sinumang hindi naniwala rito ang lagablab ng Impiyerno na roon sila ay susunugin.

12. Kapag nakita ng Impiyerno ang mga tumanggi sa Araw ng Muling Pagkabuhay mula sa malayong lugar ay maririnig nila ang ingay na naghihimagsik at umaatungal sa tindi ng galit sa kanila nito.
13. At kapag sila ay itinapon doon sa matinding sikip ng Impiyerno – at pinagsama sa pagkakadena ang kanilang mga kamay at mga leeg – ay aasamin nila sa kanilang mga sarili na sana ay mamatay na sila upang makaligtas sa ganoong kahirapan.

14. At sasabihin sa kanila upang sila ay biguin: “Huwag na kayong manalangin ngayon ng pagkamatay sa inyong sa sarili nang minsanan lamang, sa halip ay manalangin kayo nang maraming beses, gayunpaman ay wala kayong mapapala na anuman kundi matinding pagda-dalamhati dahil wala na kayong kaligtasan.”

15. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Itong Impiyerno ba na isinalarawan sa inyo ay mas mabuti o ang Hardin ng ‘Al-Jannah’ na nandoroon ang patuloy na kaligayahan, na ipinangako sa kanila na mga natatakot mula sa parusa ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay gantimpala sa kanilang gawa, na ito ang kanilang patutunguhan sa Kabilang-Buhay?”

16. Para sa kanila na mga masunurin na nasa ‘Al-Jannah’ ay ang anuman na kanilang maiibigan na mga masasarap na kaligayahan, na ang kanilang kaligayahan doon ay patuloy, at ang kanilang pagpasok sa ‘Al-Jannah’ ay ipinangako ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), sa kanila bilang matibay na kasunduan, na ito ay itatanong ng mga alipin ng Allâh (I) na mga matatakutin, at ang Allâh (I) ay hindi Niya sisirain ang Kanyang pangako.

17. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay titipunin ng Allâh (I) ang mga sumasamba ng iba kasama ang kanilang mga sinamba bukod sa Allâh (I), at sasabihin sa kanilang mga sinamba: “Iniligaw ba ninyo ang Aking mga alipin na ito mula sa Daan ng Katotohanan, at inutusan ninyo sila na sambahin kayo, o sila ang nangaligaw ng landas, kaya nila kayo sinamba nang kusa mula sa kanilang kalooban?”

18. Sasabihin ng mga sinamba nila bukod sa Allâh (I): “Luwalhati sa Iyo, O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Ikaw ay ligtas sa anuman na kanilang ginawa, at hindi maaari na kami ay magtuturing ng mga sinasandalan na sinasamba bukod sa Iyo, subali’t pinasaya Mo sila na mga sumamba ng iba at ang kanilang mga ninuno rito sa daigdig ng kayamanan at kalusugan, hanggang sa nakalimutan Ka nila at sumamba sila ng iba, at sila ay mga tao na ligaw na nasa ganap na pagkaligaw at pagkaaba.”

19. At sasabihin sa mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Katiyakan, pinasinungalingan kayo ng inyong mga sinamba sa inyong pagbibintang sa kanila, na kung kaya, ngayon ay wala na kayong kakayahan na iligtas ang inyong mga sarili mula sa parusa at wala nang sinuman ang makatutulong sa inyo, at ang sinumang magtatambal o sasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay dinaya niya ang kanyang sarili, at siya na sumamba ng iba bukod Allâh (I) at doon siya namatay ay parurusahan ng Allâh (I) ng matinding parusa.

20. At hindi Kami nagpadala ng mga Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad, na sinuman kundi sila ay mga tao rin, na kumakain ng pagkain, naglalakad sa mga pamilihan. At ginawa Namin ang iba sa inyo, O kayong mga tao, na pagsubok sa iba upang subukin sila sa pamamagitan ng patnubay at pagkaligaw, kaginhawahan at kahirapan, kalusugan at karamdaman, kung kayo ay makatitiis, at isasagawa ninyo ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo, at tatanaw kayo ng utang na loob sa Kanya upang gantimpalaan kayo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, o di kaya ay hindi kayo magtitiis at maging karapat-dapat kayo sa parusa? At ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r) ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakakita sa sinumang dumaraing o di kaya ay nagtitiis, at sa sinumang di-maniniwala o di kaya ay tatanaw ng utang na loob.
21. At sinabi ng mga yaong hindi umaasam na makatagpo nila ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos ng kamatayan dahil hindi sila naniwala rito: “Ano kaya kung magpababa Siya sa amin ng mga anghel, na magsasabi sa amin na si Muhammad ay totoo, o di kaya ay makikita namin ang Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan mismo ng aming mga mata, na sasabihin sa amin na siya ay totoo sa kanyang mensahe.” Katiyakan, labis silang nagtiwala sa kanilang mga sarili at sila ay nagmataas kaya nagawa nila na magsabi ng ganito, at lumampas na sila sa hangganan sa pamamagitan ng kanilang pagmamalabis sa kasamaan at di-paniniwala.

22. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay makikita nila ang mga anghel na katulad ng kanilang hiniling, subali’t hindi upang ibigay sa kanila ang magandang balita hinggil sa ‘Al-Jannah,’ kundi upang sabihin sa kanila: “Ginawa ng Allâh (I) ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) bilang lugar na ipinagbabawal sa inyo.”

23. At iniharap Namin ang anuman na kanilang nagawa na kabutihan sa mga mata ng tao, at pagkatapos ay saka Namin pinawalan ng saysay, na hindi nila pakikinabangan na katulad ng mga nagkalat na mga pira-pirasong alikabok, na ito ay nakikita dahil sa liwanag ng araw na napakagaan na alikabok; sapagka’t ang anumang kabutihan ay hindi mapapakinabangan sa Kabilang-Buhay maliban sa kung ito ay nabuo ng sinumang gumawa nito: ang paniniwala sa Allâh (I) at ang pagiging dalisay nito, at pagsunod sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r).

24. Ang mga nasa ‘Al-Jannah’ sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay higit na napakabuti ang napuntahan kaysa mga nasa Impiyerno, at napakaganda ng kanilang mga tahanan sa ‘Al-Jannah,’ dahil sa kanilang ganap na kapanatagan, at ang kanilang kaligayahan ay ganap at buo na wala nang hanggan na hindi nahahaluan ng kahit na katiting na kalungkutan.

25. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), ang Araw ng Pagkagunaw ng Daigdig na roon ay mabibiyak ang mga kalangitan, at lilitaw mula sa pagkakabiyak-biyak na ito ang mga ulap, na mga mapuputi, na mga maninipis, at ibababa ng Allâh (I) ang mga anghel sa kalangitan sa Araw na yaon, at mapalilibutan nila ang lahat ng mga nilikha sa lugar na pagtitipunan, at darating [52] ang Allâh (I) na Luwalhati sa Kanya na Kataas-Taasan upang pagpasiyahan ang paghatol sa pagitan ng Kanyang mga alipin.

26. At ang tunay na kaharian sa Araw na yaon ay bukod-tangi na sa Allâh (I) lamang na Pinakamahabagin at wala na sa iba, at ang Araw na yaon ay napakatindi, napakahirap para sa mga walang pananampalataya, dahil sa kanilang makakamtan na mga parusa at matinding paghihirap sa Impiyerno.

27-29. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), ang Araw ng Muling Pagkabuhay na roon ay ngangatngatin ng sinumang masama ang kanyang mga kamay bilang pagsisisi at pagdadalamhtai, na kanyang sasabihin: “Sana ay sumama ako sa Sugo ng Allâh na si Muhammad (r), at sinunod ko siya upang sundin ang Islâm bilang daan tungo sa ‘Al-Jannah,’” na siya ay manghihinayang na kanyang sasabihin: “Kapighatian sa akin, sana ay hindi ko ginawang kaibigan at minamahal siya na hindi naniwala. Katiyakan, inilihis ako ng kaibigan na ito mula sa Banal na Qur’ân pagkatapos itong dumating sa akin. At si ‘Shaytân’ na isinumpa ay palagi niyang tinatakasan ang mga tao sa kanyang mga ipinapangako.”

Dito sa mga talatang ito ang babala mula sa pakikisama sa masamang kaibigan; dahil sinuman ang makikisama sa mga masamang kaibigan ay ito ang magiging sanhi sa pagpasok niya sa Impiyerno.

30. At sinabi ng Sugo bilang pagsusumbong sa ginawa ng kanyang sambayanan: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, ang aking sambayanan ay tinalikdan nila ang Qur’ân na ito at hindi nila pinahalagahan, na matindi ang kanilang pagtalikod dito, at pag-iwas sa pag-uunawa nito at pagsasapamuhay nito at pagpaparating ng mensahe nito.”

Dito sa talatang ito ang matinding babala sa sinumang tinalikuran ang Banal na Qur’ân at hindi na sinusunod.

31. At kung paano Namin ginawa sa iyo, O Muhammad (r), na ang iyong kalaban ay mula sa mga masasama sa iyong sambayanan ay ganoon din Namin ginawa ang kalaban ng sinumang Propeta na magmula sa kanilang sambayanan, na kung kaya, magtiiis ka na katulad ng pagtitiis nila. At sapat na ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang Tagapaggabay at Tagapagturo na naging tagatulong sa iyo laban sa iyong mga kalaban. At narito sa talatang ito ang pampalubag-loob sa Propeta ng Allâh na si Muhammad (r)?

32. At sinabi ng mga yaong di-naniniwala: “Bakit hindi na lang ipinahayag nang minsanan ang Banal na Qur’ân kay Muhammad na katulad ng ‘Tawrah,’ ‘Injeel’ at saka ‘Zabour?’” Sinabi ng Allâh (I): “Ganoon Namin ipinahayag sa iyo, O Muhammad, ang Banal na Qur’ân nang hindi minsanan (baha-bahagi); upang patibayin ang iyong puso at upang maragdagan ang iyong kapanatagan na maintindihan at makakayanan mong sundin, at ito ay Aming ipinahayag sa iyo nang pakaunti-kaunti, nang yugtu-yugto.”

33. At walang anumang dinala sa iyo, O Muhammad, ng mga di-naniniwala na katwiran o di kaya ay panlilinlang kundi naghayag rin Kami sa iyo, O Muhammad, ng kasagutan na makatotohanan at sa pinakamagandang kapaliwanagan.”
34. Sila na mga di-naniwala ay kakaladkarin mula sa kanilang mga noo tungo sa Impiyernong-Apoy, at sila ang pinakasama sa lahat ng tao na patutunguhan, at pinakamalayo sa Daan ng Katotohanan.

35-36. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang ‘Tawrah’ at ginawa Namin bilang kasama niya ang kanyang kapatid na si Hâroun (u) bilang kaagapay at sinabi Namin sa kanilang dalawa: “Magtungo kayo kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan, na hindi pinaniwalaan ang mga palatandaan ng Aking pagiging Tagapaglikha, Tagapagtustos ng pangangailangan at sa Aking pagiging karapatan at bukod-tanging sinasamba,” at nagtungo silang dalawa, at hinikayat nila sila tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya at di-pagsamba ng iba bukod sa Kanya, subali’t pinasinungalingan nila sila, na kung kaya pinuksa Namin sila nang matinding pagkapuksa.

37. At nilunod Namin sa pamamagitan ng dilubyo (o dakilang baha) ang sambayanan ni Nûh noong tinanggihan nila si Nûh. At sa sinumang hindi naniwala sa Sugo ng Allâh ay katiyakang hindi rin naniwala sa lahat ng mga Sugo. At ginawa Namin ang kanilang pagkalunod bilang aral sa sangkatauhan, at inihanda Namin sa kanila sa Kabilang-Buhay ang masidhing kaparusahan, at sa sinumang sumunod sa kanilang daan na pagtanggi at di-paniniwala.

38. At pinuksa Namin ang lahi ni `Âd na sambayanan ni Hûd, at lahi ni Thamoud sambayanan ni Sâleh, at sa sambayanan na nanirahan sa mga bukal ng ‘Ar-Rass,’ at ang marami pang sambayanan sa pagitan ng sambayanan ni Nûh, ni `Âd, ni Thamud at saka sa mga nanirahan sa mga bukal ng ‘Ar-Rass’ na walang sinuman ang nakaaalam sa kanila bukod sa Allâh (I).

39. At lahat ng mga sambayanan ay nilinaw Namin sa kanila ang mga katibayan at ipinakita Namin sa kanila ang mga palatandaan, inalis Namin sa kanila ang anuman na maaari nilang ikakatwiran para tumanggi, gayunpaman ay hindi pa rin sila naniwala, na kung kaya, pinuksa Namin sila ng parusa na matinding pagkapuksa.

40. Katiyakan, ang mga walang pananampalataya na taga-Makkah ay dumaraan sila sa kanilang paglalakbay sa bayan ng sambayanan ni Lut na ito ay bayan ng Sadom (Sodom), na kung saan, pinuksa Namin sila sa pamamagitan ng pag-ulan ng mga bato mula sa kalangitan, subali’t ito ay hindi nagiging aral sa kanila, sa halip ay hindi pa rin sila naniniwala na mayroong Muling Pagkabuhay na kung saan sila ay pagbabayarin doon.

41-42. At kapag nakita ka nila na mga walang pananampalataya, O Muhammad (r), ay kukutyain ka nila na kanilang sinasabi: “Siya ba ang nag-aangkin na ang Allâh (I) ay ipinadala siya sa atin bilang Sugo? Na sa katunayan, ay halos maialis niya tayo mula sa pagsamba sa mga rebulto dahil sa tindi ng kanyang katibayan at kanyang paglilinaw, kung hindi lang tayo naging matatag sa pagsamba rito,” subali’t walang pag-aalinlangan, mababatid nila sa oras na makita nila ang parusa kung sino ang karapat-dapat para rito; kung sino ang naligaw sa kanyang ‘Deen’ (o Relihiyon), sila ba o si Muhammad?

43. Napagmasdan mo ba, O Muhammad (r), na may pagkamangha, siya na itinuring niya ang kanyang sarili bilang ‘ilâh’ – diyos na sinasamba – dahil sa sinunod niya ang kanyang sariling kagustuhan na katulad ng pagsunod sa Allâh, na sa ganitong kaparaanan ay ipinantay niya ang kanyang sarili sa Allâh? Kaya mo ba siyang pangalagaan hanggang sa maibabalik mo siya sa tunay na paniniwala?

44. O di kaya ay iniisip mo ba na karamihan sa kanila ay pinakikinggan ang mga talata ng Allâh (I) upang intindihin, o di kaya ay naiintindihan ba nila ang niloloob nito? Sila ay walang katulad kundi mga hayop na wala silang pakinabang sa anuman na kanilang naririnig o di kaya ay mas ligaw pa sila kaysa sa mga hayop.
45-46. Hindi mo ba nakiita kung paano pinahahaba ng Allâh (I) ang lilim mula sa pagkasikat ng ‘fajr’ hanggang sa pagsikat ng araw? Kung ninais Niya na mangyari ay ginawa na Niyang nanatili na hindi na mawawala dahil sa pagsikat ng araw, pagkatapos ay ginawa Niya ang araw bilang tanda sa kalagayan ng lilim na ito, pagkatapos ito ay paunti-unting nawawala sa tuwing tumataas ang araw. At ito ay mga palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I) at sa Kanyang Kadakilaan na Siya lamang ang may karapatang sambahin.

47. At ang Allâh (I) ay Siya ang gumawa sa inyo ng gabi upang pantakip sa inyo ang kadiliman nito na katulad ng damit, at ginawa Niya ang inyong pagtulog bilang pamamahinga ng inyong katawan, at ginawa Niya sa inyo ang araw upang kayo ay kumalat sa kalupaan at hanapin ang inyong kabuhayan.

48-49. At Siya ang nagpadala ng hangin na dala-dala nito ang ulap, na ibinabalita nito ang magandang balita hinggil sa ulan bilang Awa mula sa Allâh (I), at ibinaba Namin mula sa kalangitan ang dalisay na tubig bilang paglilinis; upang sumibol sa pamamagitan nito ang mga pananim sa lugar na walang mga pananim, at binubuhay nito ang kalupaan na tuyot, at ibinubuhos Namin ang tubig at pinaiinom Namin ang maraming mga hayop at mga tao.

50. At katiyakan, ibinaba Namin ang ulan sa kalupaan at pinagbabaha-bahagi; upang makaalaala ang yaong pinadalhan ng ulan sa Biyaya ng Allâh (I) sa kanila at tatanaw sila ng utang na loob, at makaalaala rin ang yaong hindi inabutan ng ulan at kaagad na humingi ng kapatawaran sa Allâh (I) upang sila ay kaawaan at pagkalooban ng ulan. Subali’t tumanggi ang karamihan sa mga tao at binalewala ang Aming mga biyaya sa kanila na katulad ng pagsasabi ng iba: “Nagkaroon ng ulan sa amin dahil sa ganito’t ganoong bituin.”

51-52. At kung gugustuhin Namin ay magpapadala Kami sa bawa’t bayan ng tagababala, upang hikayatin sila tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at babalaan sila sa parusa ng Allâh (I), subali’t ginawa ka Namin, O Muhammad (r), na Sugo para sa lahat ng sangkatauhan sa daigdig, at inutusan ka Namin na iparating ang Banal na Qur’ân na ito sa kanila, na kung kaya, huwag mong sundin ang mga walang pananampalataya para iwan ang kahit na anumang ipinag-utos sa iyo, sa halip ay magpunyagi ka sa pagpaparating ng mensahe, at ganap mong iparating ang mensahe ng Banal na Qur’ân na ito sa mga walang pananampalataya bilang malaking ‘Jihâd,’ na walang anumang kapaguran.

53. At ang Allâh (I), pinagsanga Niya ang dalawang karagatan: ang tabang na maaaring inumin at ang maalat na matindi ang pagkaalat nito, at gumawa rin siya ng harang sa pagitan ng bawa’t isa nito na hindi masisira ang isa’t-isa, at hindi ito maghahalo sa isa’t-isa.

54. At Siya ang Lumikha mula sa semilya ng lalaki at babae ng kanilang lahi na mga kalalakihan at mga kababaihan, at lumago sa pamamagitan nito ang kanilang lahi na magkakaanak at sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isa’t isa. At ang Allâh na iyong ‘Rabb’ ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa paglikha ng anumang Kanyang nais.

55. At kahit na ganito na kalinaw ang mga palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I) at sa Kanyang Biyaya sa Kanyang nilikha ay sumasamba pa rin ang mga di-naniniwala ng iba bukod sa Allâh (I) na walang anuman silang mapapakinabangan kapag ito ay kanilang sinamba, at hindi sila mapapahamak kapag iniwasan nila ang pagsamba sa mga ito, na kung kaya, ang tumatanggi ay tumutulong kay ‘Shaytân’ laban sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagsamba niya ng iba bukod sa Allâh (I), at paglantad niya ng kanyang paglabag.

56. At hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), kundi bilang magandang balita sa mga mananampalataya hinggil sa Hardin (‘Al-Jannah’) at babala sa mga hindi naniwala hinggil sa Impiyerno.
57. Sabihin mo sa kanila: “Hindi ako humihingi ng anumang kabayaran bilang kapalit ng aking pagpaparating ng mensahe, subali’t ang sinuman ang nagnais na mapatnubayan at sumunod sa Daan ng Katotohanan tungo sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at siya ay gumasta alang-alang sa kaluguran ng Allâh (I), ay hindi ko siya pipilitin, subali’t ito ay higit na nakabubuti sa inyong mga sarili.”

58. At ipaubaya mo ang iyong sarili sa Allâh (I) na Tunay at Walang-Hanggang Buhay na hindi namamatay, at purihin mo at ilayo mo sa anumang mga katangian na may kakulangan at hindi angkop sa Kanyang Kamaharlikaan. At sapat na ang Allâh (I) bilang ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa kasalanan ng Kanyang nilikha at walang anuman ang naililihim sa Kanya, at ayon dito sila ay huhukuman at pagbabayarin.

59. Ang Allâh (I) ay Siyang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at ang anuman na nasa pagitan nito sa loob ng anim na araw, pagkatapos ay pumaroon sa ibabaw ng Kanyang ‘`Arsh’ sa pamamaraan na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan, na Siya ay ‘Ar-Rahmân’ – Pinakamahabagin!

Na kung kaya, magtanong ka sa Kanya, O Muhammad, dahil Siya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Pinakadalubhasa na Ganap na Nababatid Niya ang Kanyang mga Katangian, Kadakilaan, Kamaharlikaan at Kataas-Taasan.

60. Kapag sinabi sa mga walang pananampalataya: “Magpatirapa kayo sa Kanya na Pinakamahabaging Allâh (I) at sambahin ninyo Siya,” kanilang sasabihin: “Hindi namin kilala ang Pinakamahabagin, magpapatirapa ba kami dahil sa inutusan mo lamang kaming magpatirapa sa Kanya upang sundin ang inyong nais?” At walang naidagdag sa kanila ang pag-utos na pagpatirapa sa Pinakamahabaging Allâh (I), kundi higit pa na paglayo sa paniniwala at higit na pagtanggi rito.

61. Napakadakila ang mga Biyaya ng Allâh (I) na Pinakamahabagin, Napakasagana ng Kanyang Kabutihan, na ginawa Niya sa kalangitan ang mga dakilang bituin na nasa mga lugar nito, at ginawa Niya roon ang araw na nagbibigay ng liwanag at ang buwan na nagniningning.

62. Siya at Siya lamang ang gumawa ng gabi at araw na nagpapalitan sa isa’t isa, na ito ay para sa sinumang magnais na magkaroon ng aral mula rito bilang paniniwala sa Tagapangisawa na lumikha nito, o di kaya sa sinumang magnais na tatanaw ng utang na loob sa Allâh (I) sa Kanyang mga Biyaya at mga palatandaan.

63. Ang mga alipin ng Pinakamahabaging Allâh (I) na mga mabubuti ay naglalakad sila sa kalupaan nang malumanay at mga nagpapakumbaba, at kapag nakipag-usap sa kanila ang mga mangmang bilang pangungutya ay tutugunan nila sila ng mabuting salita, at makikipag-usap sila sa kanila ng pakikipag-usap na ligtas sila sa anumang kasalanan, at sa pagtugon ng kamangmangan ng isa pang kamangmangan.

64. At yaong nagsasagawa ng pagsamba sa gabi na dalisay ang kanilang layunin na para lamang sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang kanilang ginagawa, na sila ay mga nagpapakumbaba sa Allâh (I) sa pagpapatirapa at pagtatayo.

65-66. At yaong bukod sa kanilang pagpupunyaging ginagawa sa pagsamba ay natatakot sila sa Allâh (I) at nananalangin sila na iligtas mula sa parusa sa Impiyerno, dahil walang pag-aalinlangan, ang parusa rito ay wala nang katapusan sa sinumang parurusahan. Katiyakan, ang Impiyerno ay napakasama na patutunguhan at pamamalagian.

67. At yaong kapag sila ay gumasta mula sa kanilang mga kayamanan ay hindi nila nilalampasan ang hangganan sa paggasta at hindi nila pinipigilan ang paggasta, at ang kanilang paggasta ay katamtaman lamang na hindi bulagsak at hindi naman may paghihigpit.
68-71. At yaong bukod-tangi lamang ang Allâh (I) ang kanilang sinasamba, at hindi sila nananalangin at sumasamba ng sinumang ‘ilâh’ bukod sa Kanya, at hindi sila pumapatay ng sinumang may buhay (tao) na ipinagbabawal ng Allâh (I) maliban sa sinumang karapat-dapat o makatarungang gawaran ng kaparusahan na kamatayan: Na katulad ng sinumang tumanggi sa paniniwala (o lumabas sa katotohanan) pagkatapos niyang tanggapin ang Tamang Pananampalataya, o di kaya ay nangalunya o nakiapid pagkatapos niyang makapag-asawa o di kaya ay nakapatay nang sinadya; at hindi sila nakikiapaid, sa halip inaalagaan nila ang kanilang mga pribadong bahagi, maliban sa kanilang mga asawa o di kaya ay sa kanilang mga alipin, – at sinuman ang gagawa sa alinman sa mga malalaking kasalanan na ito ay matatagpuan niya ang kanyang parusa sa Kabilang-Buhay.

Dodoblihin sa kanya ang parusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, siya ay mananatili roon na abang-aba, maliban sa sinumang nagsisi ng dalisay na pagsisisi sa paggawa niya ng mga ganitong kasalanan at siya ay naniwala ng tunay na paniniwala sa Allâh (I) na kasama ang pagsagawa ng mabuting gawa dahil buburahin sa kanila ng Allâh (I) ang kanilang masamang gawain at papalitan ito ng mga kabutihan; dahil sa kanilang pagbabalik-loob at pagsisisi.

At ang Allâh (I) ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi, at Ganap na Mahabagin sa Kanyang mga alipin dahil Siya ang naghikayat sa kanila tungo sa pagsisisi pagkatapos nilang labagin ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga malalaking kasalanan. At ang sinumang nagsisi pagkatapos mangyari sa kanya ang malaking kasalanan, at gumawa siya ng mabuting gawa, katotohanan, sa pamamagitan nito siya ay bumabalik sa Allâh (I) ng tamang pagbabalik-loob, at tatanggapin ng Allâh (I) sa kanya ang kanyang pagbabalik-loob at buburahin sa kanya ang kanyang mga kasalanan.

72. At yaong hindi tumitestigo ng kasinungalingan at hindi dumadalo sa umpukan ng mga hindi makatotohanang usapin, at kapag sila ay napadaan sa mga makasalanan o sa mga umpukan ng walang kabuluhang usapin na hindi sinasadya ay dadaan lamang sila at tatalikuran nila ang mga ganitong umpukan, at hindi rin nila nais na ito ay isagawa ng iba.

73. At yaong kapag pinagpayuhan sa mga talata ng Banal na Qur’ân at sa mga palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I) ay hindi nila binabalewala na katulad ng nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan, sa halip ito ay taos-puso nilang tinatanggap at iniintindi ng kanilang mga kalooban, at dahil dito sila ay nagpapakumbaba na nagpapatirapa bilang pagsunod.

74. At yaong nananalangin sa Allâh (I) na kanilang sinasabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pagkalooban Mo kami ng kapanatagan sa aming mga asawa at mga pamilya, na kapanatagan ng aming mga mata at kasiyahan, at gawin Mo kami na mga halimbawa na tinutularan tungo sa kabutihan.”

75-76. Sila na mga yaong nagtatangan ng mga ganitong katangian mula sa mga alipin ng Pinakamahabaging Allâh (I) ay gagantimpalaan sila ng mga matataas na antas ng ‘Al-Jannah;’ bilang Awa ng Allâh (I), at dahil sa kanilang pagtitiis sa pagsagawa ng mga ipinag-uutos, at isasalubong sa kanila sa ‘Al-Jannah’ ay pagbabati ng kapayapaan mula sa mga anghel, at mabuting pamumuhay na ligtas sa anumang karamdaman, na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan na wala nang kamatayan, na napakaganda ng kanilang patutunguhan na kung saan doon sila ay maninirahan at mananatili, na kailanman ay hindi sila magnanais na umalis pa sa lugar na yaon.

77. Ipabatid mo, O Muhammad (r), na ang Allâh (I) ay hindi Niya pinagtutuunan ng pansin ang mga tao, kung hindi lang sa kanilang panalangin bilang pagsamba at kahilingan, na walang pag-aalinlangan, na tumanggi kayo, O kayong mga walang pananampalataya, at walang pag-aalinlangan na ang inyong pagtanggi ang magtutulak sa inyo sa parusa na kung saan doon kayo ay mananatili, at wawasakin kayo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

No comments: