56
LVI – Sûrat Al-Wâqi`ah
[Kabanata Al-Wâqi`ah – Ang Matinding Pangyayari]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-3. Kapag naganap na ang Araw ng Muling Pagkabuhay ay wala nang sinupaman ang maaaring makapagpasinungaling sa pangyayaring ito, at ang pangyayaring ito ay magpapahamak sa mga kumalaban sa Allâh (I) sa Impiyerno, at mag-aangat sa Kanyang pinakamamahal at malalapit na alipin sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).
4-6. At kapag niyanig ang kalupaan ng matinding pagkayanig, at dinurog ang mga kabundukan ng tunay na pagkadurog at ang mga ito ay magiging mga pulbos na parang alikabok na lamang na lumulutang sa kalawakan na ikinakalat ng hangin.
7. At kayong lahat, O sangkatauhan, ay nasa tatlong grupo:
8-9. Ang mga yaong nasa Kanang Bahagi – sila ang mga taong matataas ang antas at napakadakila ang kanilang kinalalagyan, at ang mga yaong nasa Kaliwang Bahagi – sila ay yaong mga abang-aba at napakababa ng kanilang antas at napakasama ng kanilang kalagayan.
10-12. At ang mga nangunguna tungo sa kabutihan sa daigdig ay sila rin ang mangunguna tungo sa matataas na antas sa Kabilang-Buhay, at sila ang tunay na mga malalapit sa Allâh (I) na mga ‘Al-Muqarrabun’ ay papapasukin sila ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga Hardin ng Kaligayahan.
13-16. Na papasok doon ang maraming grupo na mula sa unang henerasyon na nanguna sa kabutihan mula sa sambayanan ni Muhammad, at ang iba pa sa kanila ay mula sa ibang sambayanan ng mga Propeta at Sugo, at ang ilan pa sa kanila ay magmumula sa dulo ng henerasyon na sambayanan ni Muhammad, na silang lahat ay nasa mga trono na pinalamutian ng ginto na sila ay mga nakasandal doon na nakaharap sila sa isa’t isa.
17-19. Nakapalibot sa kanila ang mga kabataan na tagapagsilbi na hindi tumatanda at hindi namamatay, na dala-dala nila ang mga kopita at mga pitsel (‘jug’) at mga baso na mayroong umaapaw na alak na nagmula sa ilog sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na hindi nakalalasing at hindi nakalalango (nakahihilo).
20-24. At nakapalibot pa rin sa kanila ang mga tagapagsilbing kabataan na dala-dala nila ang kanilang pagpipilian na mga prutas, karne ng mga ibon na kalugud-lugod sa kanilang mga sarili. At para pa rin sa kanila ang mga dilag na kababaihan na malalawak at kaibig-ibig ang kanilang mga mata na katulad ng perlas na pinangalagaan sa loob ng lagayan o kabibi (‘clam’) nito, dahil sa linis at ganda nito; bilang gantimpala sa kanila sa kanilang nagawang kabutihan sa daigdig.
25-26. Wala silang maririnig sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na anumang walang kabuluhan at masasamang mga salita at mga bagay na di-maganda sa pandinig maliban sa mapayapang mga salita na hindi nasasamahan ng anumang kamalian at mga makasalanang salita, at magbabatian ng ‘Salâm’ sa kanila ang isa’t isa.
27-34. At ang mga yaong ‘As-hâ-bul Ya-meen’ naman ay napakadakila ng kanilang kinalalagyan at gantimpala na sila ay nasa ‘Puno ng Sidr’ na walang tinik, at mga puno ng saging na magkakakumpul-kumpol, at nasa lilim na patuloy na walang katapusan, at sa tubig na patuloy na dumadaloy na walang tigil, at masaganang mga prutas na walang pagkaubos at walang sinuman ang makapipigil sa kanila mula rito na abutin o kunin, at nasa ibabaw ng mga trono ang kumpletong gamit pampahingahan.
35-38. Katiyakan, nilikha Namin sila na mga dilag na kababaihan ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) bilang natatanging pagkalikha na hindi katulad ng pagkalikha sa mga kababaihan sa daigdig dahil ganap ang pagkalikha sa kanila na wala nang hanggan, at ginawa Namin sila na mga dalaga at birhen na walang bata at matanda sa kanila kundi nasa katamtaman at pare-parehong edad na kaakit-akit sa kanilang mga asawa, na ginawa sila para sa mga ‘Ashâbul Yameen.’
39-40. At ang maraming grupo sa kanila ay mula sa mga naunang henerasyon, at ganoon din, ang ilan pang maraming grupo sa kanila ay mula sa mga nahuling henerasyon.
41-44. At ang mga nasa gawing kaliwa (‘As-hâ-bush Shi-mâl’) naman ay napakasama ng kanilang kalagayan at ng kanilang kaparusahan, na sila ay nasa napakainit na hangin na mula sa init ng Impiyernong-Apoy na halos nalalagutan sila ng hininga dahil sa dala ng hangin, at nasa mainit na tubig na kumukulo sa pinakasukdulang init nito at nasa lilim ng usok na napakaitim na wala kang matatamo na kahit na anumang lamig ni ginhawa.
45. Dahil walang pag-aalinlangan, sila sa daigdig ay nagpakasarap sa mga ipinagbabawal at tinalikuran nila ang dala-dala ng mga Sugo na mensahe.
46. At sila ay nanatili sa di-paniniwala sa Allâh (I) at pagsamba ng iba bukod sa Kanya at sa pagsagawa ng kasalanan, at hindi sila naghangad na magbalik-loob sa Allâh (I).
47. At sinasabi nila noon bilang pagtanggi nila sa pagkabuhay na mag-uli: “Bubuhayin ba tayong mag-uli kapag namatay na tayo at naging alikabok na at ang ating mga buto ay nagkandadurug-durog na?” At ito ay dahil sa hindi sila naniniwala na mayroong pagkabuhay na mag-uli.
48. “Bubuhayin ba tayo na mag-uli, tayo at ang ating mga ninuno na nauna kaysa sa atin na naging alikabok na at sumama na ito sa kalupaan?”
49-50. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Oo, ang mga yaong nauna at mga nahuling henerasyon mula sa angkan ni Âdam ay walang pag-aalinlangang titipunin silang lahat sa isang araw na nakatakda nang magkakasabay, na ito ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay.”
51-55. Pagkatapos, katiyakan, kayo na mga ligaw mula sa tamang landas na hindi pinaniwalaan ang babala ng Allâh (I) at ang Kanyang pangako ay walang pag-aalinlangan na kakain kayo mula sa puno ng ‘Zaqqum’ na ito ay napakaruming puno, na pupunuin ninyo mula rito ang inyong mga tiyan; dahil sa tindi ng gutom, at iinom kayo ng tubig na napakatindi ng init na hindi nakapapawi ng uhaw, at iinom kayo mula rito nang maraming-marami na katulad ng pag-inom ng kamelyong uhaw na uhaw subali’t hindi napapawi ang kanyang uhaw dahil sa sidhi ng sakit na idinudulot nito.
56. Itong matatamo nila na parusa ang inihanda bilang paglalait sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay at ito ay pag-aalipusta at paghamak sa kanila.
57. Kami ang lumikha sa inyo, O kayong mga tao, gayong kayo noon ay di man lamang nag-e-‘exist’ o umiiral (di pa buhay o wala ni anumang palatandaan sa inyo), kung gayon, hindi ba karapat-dapat na maniwala kayo sa Muling Pagkabuhay?
58-59. Nakikita ba ninyo ang semilya na inilalabas ninyo patungo sa sinapupunan ng inyong mga asawa, kayo ba ang lumikha nito para maging tao o Kami na Tagapaglikha?
60-61. Kami ang nagtakda sa inyo ng kamatayan at hindi Kami mawawalan ni katiting ng kakayahan upang hindi Namin makayanan ang paglikha sa inyong muli sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang panibagong paglikha at bubuuin Namin kayong muli sa kaanyuan at kalagayan na hindi ninyo batid.
62. Katiyakan, batid ninyo na ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa inyo noong unang anyo ng paglikha sa inyo mula sa wala, na kung kaya, hindi ba dapat na alalahanin ninyo ang kapangyarihang tinataglay ng Allâh (I) upang mabatid ninyo na kaya Niyang likhain kayong muli?
63-67. Sabihin nga ninyo sa Akin ang hinggil sa buto na itinatanim ninyo sa kalupaan, kayo ba ang nagpapatubo nito sa kalupaan, o Kami ang Tagapagpatubo nito? Walang pag-aalinlangan, Kami ang naglalagay nito sa angkop na lagayan nito at nagpapatubo nito sa kalupaan. Kung nanaisin Namin ay kaya Naming gawin na tuyot ang pananim na hindi pakikinabangan upang kainin, at kayo ay mamamangha sa anumang mangyayari sa inyong pananim at sasabihin ninyo: “Katiyakan, kami ay talunan na pinarusahan,” o di kaya ay sasabihin ninyo: “Kami ay pinagkaitan ng biyaya.”
68-69. Sabihin nga ninyo ang hinggil sa tubig na inyong iniinom upang kayo ay mabuhay, kayo ba ang nagsasanhi na pababain ito mula sa ulap hanggang sa makarating sa kalupaan, o Kami ang Nagsasanhi na pababain ito bilang awa sa inyo?
70. Kung ninais Namin ay gagawin Namin itong tubig na napakaalat, na hindi mapakikinabangan sa pag-inom at pagtanim, na kung kaya, hindi ba nararapat na magpasalamat kayo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Siyang nagbaba ng tubig tabang na ito para sa inyong kapakinabangan?
71-72. Sabihin nga ninyo sa Akin ang hinggil sa apoy na inyong pinangdiringas, kayo ba ang nagsanhi ng pagsibol ng puno na pinagmulan nito na sa pamamagitan nito ay napapalitaw ang apoy, o Kami ang Tagapagpasibol nito?
73. Kami ang naglikha ng apoy na inyong pinandiringas bilang Paalaala sa inyo sa Apoy ng Impiyerno at mapakinabangan ninyo ito sa inyong paglalakbay.
74. Na kung kaya, Luwalhatiin mo, O Muhammad, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Pinakadakila na Ganap sa Kanyang mga Pangalan at Katangian, na sagana ang Kanyang Kagandahang-loob at Kabutihan.
75-76. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga nilulubugan ng mga bituin sa kalangitan, at katiyakang ito ay isang napakadakilang panunumpa kung ito ay batid lamang ninyo.
77-79. Katiyakan, ang Banal na Qur’ân na ito, na ipinahayag kay Muhammad ay Banal na Qur’ân na dakila ang kapakinabangan nito, sagana sa kabutihan, sagana sa kaalaman na naitala sa Aklat na hindi maabot ng paningin ng mga nilikha na ito ay ang ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh.’ At walang nakahahawak nito maliban sa mga kagalang-galang na mga anghel na nilinis sila ng Allâh (I) mula sa anumang sakit at kasalanan, at wala ding makahahawak mula sa mga tao nito maliban sa mga malilinis mula sa pagtatambal, ‘Janabah’ at ‘Hadath.’
80. At itong Banal na Qur’ân na ipinahayag mula sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang ay makatotohanan na walang pag-aalinlangan hinggil sa mga nasa loob nito.
81. Kung gayon, ang napakamaluwalhati at dakilang Qur’ân bang ito ay inyong tinatanggihan at di-pinaniniwalaan, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I)?
82. At ang itinumbas ba ninyo na ang dapat ay pagpapasalamat sa mga biyaya ng Allâh (I) ay pagtanggi at di-paniniwala? Dito sa paliwanag na ito ang patibay na isinumpa ang mga tao na pinababayaan nila ang Banal na Qur’ân at walang silang pakialam sa paanyaya nito.
83-85. Samakatuwid, kaya ba ninyo, kapag umabot na ang kaluluwa ng isa sa inyo sa lalamunan nito sa oras ng kanyang kamatayan at kayo sa pagkakataong yaon ay nandoroon na nakikita ninyo, ay kaya ba ninyong pigilin ito sa kanyang katawan? Kailanma’y hindi ninyo ito makakayanan, at Kami ay mas malapit sa kanya kaysa sa inyo bukod sa Aming mga anghel na nandoroon, subali’t hindi ninyo nakikita.
86-87. Samakatuwid, bakit hindi ninyo gawin, kung kayo ay talagang ligtas mula sa paghuhukom at pagbabayad dahil sa inyong mga gawain, na ibalik ang kaluluwa sa kanyang katawan kung kayo ay makatotohanan sa inyong mga sinasabi? Kailanman ay hindi ninyo makakayanan itong ibalik.
88-89. Samakatuwid, kapag ang namatay ay kabilang sa mga ‘Muqarrabûn’ – nangunguna sa kabutihan na mga malalapit sa Allâh (I) ay para sa kanya sa kanyang kamatayan ang malawak na pagkaawa, kasiyahan at kalugud-lugod sa kanyang sarili, at para (rin) sa kanya ang Hardin ng Kaligayahan sa Kabilang-Buhay.
90-91. At kapag ang namatay naman ay kabilang sa mga ‘As-hâ-bul Ya-meen’ – ang mga nasa Kanang Bahagi, sasabihin sa kanya: “Kapayapaan at kaligtasan ay sumaiyo; dahil sa ikaw ay kabilang sa mga ‘As-hâ-bul Ya-meen.’”
92-94. Subali’t kapag ang namatay naman ay kabilang sa mga hindi naniwala sa Kabilang-Buhay na ligaw mula sa Tamang Landas, ang ipangsasalubong sa kanya ay inunim ng Impiyernong-Apoy na kumukulo na napakatindi ang init at Apoy na susunog sa kanya, na malalasap niya ang sidhi ng parusa nito.
95-96. Katiyakan, ang salaysay na ito na Aming isinalaysay sa iyo, O Muhammad, ay makatotohanan na tiyak ang pagkakasalaysay nito na walang pag-aalinlangan, kung gayon, luwalhatiin mo na may pagpupuri ang Pangalan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Pinakadakila, at ilayo mo Siya sa anumang sinasabi ng mga masasama na walang pananampalataya, luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay Pinakadakila na malayung-malayo sa anuman na kanilang sinasabing kasinungalingan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment