Sunday, May 16, 2010

Sûrat Ar-Rahmân

55
LV – Sûrat Ar-Rahmân
Ang Pinakamahabagin

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-2. Ang Allâh (I) na Pinakamahabagin ay Siyang nagturo sa tao ng Banal na Qur’ân; upang madali niya itong mabigkas, isaulo at maintindihan ang kahulugan nito.

3-4. Nilikha Niya ang tao na tinuruan Niya ng napakahusay na pagpapahayag sa anumang nais niyang ipahayag at hinggil dito siya ay namumukod-tangi sa iba.

5. Ang araw at ang buwan ay tumatakbo na nagsasalitan ayon sa ganap na pagkasukat sa dinaraanan nito na hindi nagkakasalungatan at hindi nagagalaw (o hindi nawawala) sa kaayusan nito.

6. Ang mga bituin na nasa kalangitan at ang mga puno na nasa kalupaan ay nakikilala nito ang Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at ang mga ito ay nagpapatirapa para sa Allâh (I) at nagpapasailalim sa anumang kaparaanan na pagkalikha sa mga ito na ikinabubuti ng mga tao na alipin ng Allâh (I) at nasa kanilang kapakinabangan.

7. At ang kalangitan ay itinaas sa ibabaw ng kalupaan, at inilagay sa kalupaan ang makatarungang batas na ito ay Kanyang ipinag-utos at itinala upang sundin ng Kanyang mga alipin.

8-9. Upang hindi kayo lumampas sa inyong karapatan at di mandaya sa timbang sa mga taong pinakikitunguhan, na kung kaya, sundin ninyo ang makatarungang pagtitimbang at huwag ninyong dayain ang timbangan kapag nagtimbang kayo sa mga tao.

10-12. At ang kalupaan ay Kanyang inilagay at ginawang palatag; upang manatili rito ang Kanyang mga nilikha. Nandirito ang mga prutas, at puno ng palmera ng datiles na naglalabas ng ubod na pinagmumulan sa pamamagitan nito ng mga bunga, at mga butil na mga balat at dahon; bilang kabuhayan para sa inyo at sa inyong mga inaalagaang hayop, at mayroon ding mga tumutubong matatamis na mababangong pananim.

13. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao? At napakaganda ng sagot ng mga ‘jinn’ noong binigkas sa kanila ng Propeta ang kabanata at sa tuwing mabibigkas ang mga ganitong talata, kanilang sinabi: “Walang anuman sa mga biyaya ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang aming tinatanggihan, na kung kaya, sa Iyo lamang, O Allâh (I), ang aming papuri.” At nararapat na ganito ang sinumang alipin ng Allâh na kapag binigkas sa kanya ang mga biyaya ng Allâh (I) at Kanyang mga palatandaan ay kanyang aaminin at pasasalamatan niya ang Allâh (I) at pupurihin niya.

14-15. Nilikha ang ama ng sangkatauhan, na si Âdam mula sa may tunog na luwad na katulad ng palayok na gawa sa luwad, at nilikha naman si Iblees na siya ay kabilang sa mga ‘jinn,’ mula sa walang usok na lagablab ng apoy na pinaghalu-halo.

16. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?
17. Ang Allâh (I), Siya ay ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng dalawang sinisikatan ng araw sa taglamig at tag-init, na Tagapagmay-ari rin ng nilulubugan nito sa dalawang panahong yaon, at dahil lahat ng ito ay nasa ilalim ng Kanyang Pangangasiwa at Pangangalaga.

18. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

19-20. Pinaghalo ng Allâh (I) ang tubig ng dalawang karagatan – tabang at maalat – na ito ay nagtatagpo na mayroong itong harang na di-nakikita na ito ay hindi naghahalo sa isa’t isa na hindi nawawala ang katangian ng bawa’t isa nito, sa halip ay napanatili ang tabang bilang tabang at ang alat bilang alat kahit ito ay nagtatagpo sa isa’t isa.

21. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

22. Lumalabas mula sa dalawang karagatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Allâh (I) ang dalawang bagay, perlas at korales o ‘coral.’

23. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

24. Pagmamay-ari Niya ang mga malalaking sasakyang pandagat na kasinlaki ng mga bundok na naglalayag sa karagatan sa kapakinabangan ng tao na napakataas ang mga layag nito na mga bakal.

25. Kung gayon alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

26-27. Lahat ng nasa ibabaw ng kalupaan na nilikha ay mamamatay, at ang Mukha ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na punung-puno ng kadakilaan, kamaharlikaan, karangalan at kabaitan ay mananatili magpasawalang-hanggan. Dito sa talatang ito ang katibayan sa katangian ng Allâh (I) na Siya ay mayroong Mukha na angkop at karapat-dapat lamang sa Kanya na walang paghahambing sa Kanyang mga nilikha at pagtatanong kung paano ang pagiging gayon nito.

28. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

29. Nagsusumamo ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan hingil sa kanilang mga pangangailangan, na walang sinuman sa kanila ang hindi nangangailangan sa Allâh (I). Sa bawa’t araw, Siya ay nakikitungo sa mga ganitong bagay: pag-aangat o pagbababa ng sinuman, pagkakaloob o pagkakait, pagbibigay ng buhay o pagsasanhi ng kamatayan.

30. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

31. At walang pag-aalinlangan, Kami ay nakatuon sa pagkukuwenta at pagtutumbas sa inyong mga gawain na inyong ginawa sa daigdig, O kayong mga tao at mga ‘jinn,’ at parurusahan Namin ang mga masasama, at gagantimpalaan Namin ang mga sumunod.

32. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

33-34. O kayong grupo ng mga ‘jinn’ at mga tao! Kung may kakayahan kayo na takasan at lampasan ang hangganan at ang pinagpasiyan ng Allâh (I) na kayo ay hanggang doon lamang, na lalampasan ninyo ang lugar ng mga kalangitan at kalupaan ay gawin ninyo, subali’t wala kayong kakayahan hinggil dito maliban na lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan, katibayan at kautusan na mula sa Allâh (I). (Paano ito mangyayari sa inyo samantalang walang kayong kakayahan na makapagdulot ng kapinsalaan at kapakinabangan sa inyong mga sarili?) Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

35-36. Ipapadala laban sa inyong dalawa, ang walang usok na naglalagablab na apoy at tunay na tanso, na ibubuhos sa inyong mga ulunan, at hindi kayo magkakaroon ng kakayahan na mapangalagaan ang inyong mga sarili sa isa’t isa ni makapagtulungan, O kayo na mga ‘jinn’ at mga tao. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

37. At kapag nabiyak na ang kalangitan at nawarak na sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na ito ay magiging kulay pula na katulad ng rosas na magiging parang kumukulong mantika at lusaw na tanso; dahil sa kasidhian at sa kagimbal-bimbal na mangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

38. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

39. Na kung kaya, sa Araw na yaon ay hindi na tatanungin ng mga anghel ang mga masasama na mula sa tao at ‘jinn’ hinggil sa kanilang kasalanan.

40. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?
41. Na malalaman ng mga anghel ang mga masasama dahil sa kanilang mga tanda, kaya sila ay dadakmain sa kanilang mga ulunan at mga paa at itatapon sila sa Impiyerno.

42. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

43-44. Sasabihin sa kanila na mga masasama bilang pag-aalipusta sa kanila: “Ito ang Impiyerno na hindi pinaniwalaan ng mga masasama noong sila ay nasa daigdig na kanilang tinanggihan: sila ay magsasalit-salitan mula sa parusa sa pagitan ng naglalagablab na Apoy at sa pagpapainom sa kanila ng napakasidhing kumukulong inumin, na magkakaputul-putol ang kanilang mga bituka dahil sa sidhi ng init nito.”

45. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

46. At para naman sa natakot sa Allâh (I) mula sa Kanyang mga alipin na mga tao at mga ‘jinn,’ na natakot sa kanyang pakikipagharap sa Allâh (I), kaya siya ay naniwala at sumunod at iniwasan ang mga kasalanan, para sa kanya ay dalawang Hardin.

47. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

48. At ang dalawang Hardin ay may mga sanga na mga magaganda at malalawak na nakalatag ang pagkakasanga-sanga ng mga ito na may mga prutas.

49. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?
50. Nasa dalawang Hardin na yaon ang dalawang ilog na malayang umaagos sa pagitan nito.

51. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

52. At nasa dalawang Hardin ding yaon ang bawa’t uri ng prutas na magkaparis.

53. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

54. At para sa kanila na natakot sa kanilang pakikipagharap sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang dalawang Hardin na roon sila’y magpakasaya, na sila ay mga nakasandal sa higaan na may mga nakahelera na mga makakapal na sutla na may mga burda, at ang mga bunga ng dalawang Hardin ay malalapit sa kanila na abot-kamay.

55. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

56. At nandoroon sa mga higaan na yaon ang kanilang mga asawa, na ang kanilang paningin ay para lamang sa kanilang mga asawa, at hindi sila tumitingin sa iba, na sapat sa kanila ang kanilang kinalalagyan, na hindi sila nahipo (o nagalaw) ng kahit na sinumang tao o ‘jinn’ bago ang kanilang mga sariling asawa.

57. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

58. At katulad nila na mga asawa na mga dilag na kababaihan sa ‘Al-Jannah’ na mga ‘Hoor’ ay parang silang mga perlas at mga ‘coral’ dahil sa linis at ganda nila.

59. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

60-61. Hindi ba ang nararapat lamang na gantimpala sa sinumang gumawa ng kabutihan sa daigdig ay walang iba kundi mabuti rin ang karapat-dapat na para sa kanya, na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Kabilang-Buhay? Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

62-63. At bukod pa sa dalawang Hardin na nabanggit ay mayroon pang dalawang panibagong Hardin. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

64-65. Ang dalawang (panibagong) Hardin na ito ay luntian, at sa katunayan dahil sa tindi ng pagiging luntian nito ay halos mangitim na ito. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

66-67. At nandoroon sa dalawang Hardin na yaon ang bukal na bumubulwak ang tubig na walang patid. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?
68. Nasa dalawang Hardin ding yaon ang iba’t ibang uri ng prutas, mga puno ng palmera ng mga datiles at ‘Rommân’ (‘pomegranates’ o granada).

69. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

70. At nasa apat na Hardin na yaon ang mga asawang ubod ng bait at ganda at maamo ang kanilang mga mukha.

71. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

72. Mga ‘Hoor’ (mga magagandang dilag na mga kababaihan) – sila ay nakatago at pinangalagaan na nasa mga pabilyon o bahay-tolda.

73. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

74. Hindi kailanman nahipo (o nagalaw) ang mga ‘Hoor’ na ito ng kahit na sinumang tao at ‘jinn’ bago ang pagkatakda sa mga asawa nila na kalalakihan.

75. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?

76. Sila ay nakasandal sa mga unan na kulay berde at mga magagandang higaan.

77. Kung gayon, alin sa mga biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pangrelihiyon at makamundo ang inyong tinatanggihan, O kayong mga ‘jinn’ at mga tao?
78. Napakasagana na biyaya sa Pangalan ng Iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Napakasaganang kabutihan, na Siya ay Tagapagmay-ari ng Kadakilaan at Ganap na Karangalan at Ganap na Kabaitan sa Kanyang mga pinakamamahal at malalapit Niyang mga alipin.

No comments: