26
XXVI – Surât Ash-Shu`arâ`
[Kabanata Ash-Shu`arâ` – Ang Mga Manunula]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Tã-Sĩn-Mĩm – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Suratul Baqarah.’
2. Ito ay mga talata ng Banal na Qur’ân na nililinaw ang lahat ng bagay at pinaghihiwalay ang Patnubay sa Pagkaligaw.
3. Maaari, O Muhammad (r), na maipahamak mo ang iyong sarili dahil sa tindi ng iyong pagsusumikap na gabayan sila; gayong sa katotohanan, hindi sila naniniwala sa iyo at hindi nila sinusunod ang iyong patnubay, na kung kaya, huwag mo itong gawin (huwag mong ipahamak ang iyong sarili).
4. Kung nanaisin Namin ay magbababa Kami ng himala mula sa kalangitan para sa mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan na tatakutin sila upang sila ay mapilitang maniwala, na kung kaya, iyuyuko nila ang kanilang mga leeg sa iyo bilang pagpapakumbaba, subali’t hindi Namin ito ninais; dahil walang pag-aalinlangan, ang kapaki-pakinabang na paniniwala ay ang paniniwala na taimtim sa di-nakikita na bukal sa kalooban.
5. At kailanman ay hindi nangyari na kapag may dumating na Paalaala sa kanila na mga walang pananampalataya at tumanggi, mula sa Pinakamahabaging Allâh (I), na ito ay ipinahayag mula sa Kanya nang paunti-unti na inuutusan sila na sumunod at umiwas sa pinagbabawal, at pinaaalalahanan sila hinggil sa Tunay na ‘Deen,’ kundi sila ay tumatalikod at tinatanggihan nila ito.
6. At katiyakan, tinanggihan nila ang Banal na Qur’ân at minaliit nila ito, na kung kaya, walang pag-aalinlangan, darating sa kanila ang hinggil sa kung ano ang kanilang kinukutya at minamaliit, at mangyayari sa kanila ang parusa bilang kabayaran sa kanilang paghihimagsik laban sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
7-9. Di ba nila napagmasdan ang kalupaan at ito ay kanilang pinasinungalingan, na kung saan pinasibol Namin doon ang lahat kapaki-pakinabang na mga pananim, na walang sinuman ang may kakayahan na magpasibol nito bukod sa ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang? Dahil ang pagpapasibol nito mula sa kalupaan ay malinaw na palatandaan sa ganap na kapangyarihan ng Allâh (I), subali’t hindi pa rin naniwala ang karamihan sa mga tao. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan at Ganap na Makapangyarihan sa anuman na Kanyang nilikha, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal at saklaw ng Kanyang awa ang lahat ng bagay.
10-11. At ipaalaala mo, Muhammad (r), sa iyong sambayanan, noong tinawag ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha si Mousâ (u), na Kanyang sinabi: “Tumungo ka sa mga tao na masasama at sa sambayanan ni Fir`âwn, at sabihin mo sa kanila, ‘Hindi ba sila natatakot sa parusa ng Allâh (I), at iwasan kung gayon ang anuman na kanilang paglabag at pagkaligaw?’”
12-14. Sinabi ni Mousâ (u): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, na ako ay nangangamba na tatanggihan nila ako sa aking mensahe, at maninikip ang aking dibdib sa pagdadalamhati dahil sa kanilang di-paniniwala sa akin, at hindi makapagsalita nang maayos ang aking dila para sa paghihikayat, na kung kaya, hinihiling ko na ipadala mo si Jibril na siyang tagapagdala ng ‘Wahee’ (o rebelasyon) tungo sa aking kapatid na si Hâroun; upang siya ay makatulong ko sa pagpaparating ng mensahe. At mayroon akong kasalanan sa kanila na ito ay ang pagpatay ng isang tao na mula sa kanila na siya ay isang Ehipsiyo, na kung kaya, natatakot ako na papatayin nila ako dahil dito.”
15-17. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ (u): “Hindi maaaring mangyari na papatayin ka nila, at walang pag-aalinlangan, tinugunan Ko ang iyong kahilingan hinggil kay Hâroun, na kung kaya, pumunta kayong dalawa na dala-dala ang Aking mga himala na nagpapatunay ng inyong pagiging totoo, at Ako ay kasama ninyo, sa pamamagitan ng Aking Ganap na Kaalaman, Pangangalaga at Pagtulong na Ganap na Nakaririnig sa inyo.” Na kung kaya, tumungo kayo kay Fir`âwn at sabihin ninyong dalawa sa kanya: “Katotohanan, kaming dalawa ay ipinadala sa iyo at sa iyong sambayanan mula sa ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha. Na kung kaya, pabayaan mo ang mga angkan ni Isrâ`îl; upang sila ay mapasama sa amin.”
18-19. Sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ (u) bilang panunumbat: “Hindi ba inalagaan ka namin noong maliit ka pa sa aming tahanan, at nanatili ka sa aming pangangalaga nang maraming taon sa iyong buhay, at nakagawa ka ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpatay ng isang tao mula sa aking lahi noong ito ay iyong pinalo at tinulak, at ikaw ay kabilang sa hindi pinahalagahan ang aking biyaya sa iyo at tinanggihan ang aking pagiging panginoon?”
20-22. Sinabi ni Mousâ (u) bilang pagtugon kay Fir`âwn: “Nagawa ko ang mga nabanggit noong hindi pa naibigay ng Allâh (I) ang kapahayagan sa akin at pinadala Niya bilang Sugo, at umalis ako sa inyong tahanan na tumatakas tungo sa Madyan noong ako ay natakot na papatayin ninyo dahil sa aking ginawa na hindi ko naman sinadya, at pinagkalooban ako ng aking ‘Rabb’ mula sa Kanyang Kagandahang-Loob ng pagiging Propeta at kaalaman at ginawa Niya ako na kabilang sa Kanyang mga Sugo. At yaong aking paglaki sa iyong tahanan na itinuring mo na kagandahang-loob mula sa iyo, subali’t sa katotohanan ay ginawa mo naman ang mga angkan ni Isrâ`îl na mga alipin na pinapatay mo ang kanilang mga anak na mga kalalakihan at inilalaan mong buhay ang kanilang mga kababaihan? ”
23. Sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ (u): “Ano ba ang sinasabi mong ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha na iyan na inaangkin mo na Siya ang nagsugo sa iyo?”
24. Sinabi ni Mousâ (u): “Siya ang Nagmamay-ari at Tagapangasiwa ng mga kalangitan at kalupaan at ang anuman ang nasa pagitan nito, kung kayo ay tiyak sa mga bagay na ito ay maniwala kayo.”
25. Sinabi ni Fir`âwn sa mga nakapalibot sa kanya na mga pinuno ng sambayanan: “Naririnig ba ninyo ang nakapagtataka na sinasabi ni Mousâ (u) na mayroong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bukod sa akin?”
26. Sinabi ni Mousâ (u): “Ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na tungo sa Kanya kayo ay aking hinihikayat, ay Siya ang lumikha sa inyo at lumikha noon ng inyong mga ninuno, kung gayon, paano ninyo sasambahin ang sinumang nilikha rin lamang na katulad ninyo, na mayroon din siyang mga yumaong ninuno na katulad din ng inyong mga ninuno?”
27. Sinabi ni Fir`âwn sa mga piling-piling tauhan niya upang pagalitin sila; dahil sa pagpapasinungaling ni Mousâ (u) sa kanya: “Katiyakan, ang Sugo na ipinadala sa inyo ay nasiraan ng bait, na nagsasabi ng mga salita na hindi naiintindihan.”
28. Sinabi ni Mousâ (u): “Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng silangan at kanluran, at ang anuman na nasa pagitan nito, at ang pagkakaroon ng liwanag at kadiliman na kung saan nagdudulot ng paniniwala sa Kanya na Bukod-Tangi, kung kayo ay nakaiintindi at nakauunawa.”
29. Sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ (u) bilang babala: “Kung sasamba ka ng ibang ‘ilâh’ – diyos na sinasamba – bukod sa akin ay ikukulong kita kasama ng aking mga ikinulong.”
30. Sinabi ni Mousâ (u): “Isasama mo ba ako sa mga nakakulong, kahit magpakita pa ako sa inyo ng matibay na katibayan na nagpapatunay ng aking pagiging totoo?”
31. Sinabi ni Fir`âwn: “Dalhin mo samakatuwid ang katibayan, kung ikaw ay kabilang sa mga nagsasabi ng katotohanan sa iyong pag-aangkin.”
32-33. Inihagis ni Mousâ (u) ang kanyang tungkod at naging ahas na tunay, na hindi panlilinlang lamang na katulad ng ginagawa ng mga salamangkero, at inilabas niya ang kanyang kamay mula sa kanyang bulsa at ito ay naging maputing-maputi na katulad ng kulay yelo na hindi naman ketong, na naging kamangha-mangha sa mga nakakita.
34-35. Sinabi ni Fir`âwn sa mga matataas mula sa kanyang sambayanan na nangangamba na baka sila ay maniwala: “Katiyakan, si Mousâ (u) ay dalubhasa na salamangkero, na nais niyang alisin kayo sa pamamagitan ng kanyang salamangka mula sa inyong bayan, na kung kaya, anuman ang inyong maipapayo sa akin hinggil sa kanya ay gagawin ko para sa inyo.”
36-37. Sinabi sa kanya ng kanyang sambayanan: “Ipagpaliban mo ang hinggil kay Mousâ (u) at saka kay Hâroun (u), at pansamantala na magpadala ka ng mga sundalo sa mga siyudad upang ipunin ang mga salamangkero, at dadalhin sa iyo ang lahat ng mga magagaling na salamangkero na dalubhasa sa ganitong larangan.”
38-39. Inipon ang mga salamangkero at nagtakda ng panahon, na ipinaalam na ito ay sa araw ng pagdiriwang (o pista) na batid ng lahat na ito ay umaga, na ang lahat ng tao ay walang trabaho sa araw na yaon, at sila ay magtitipun-tipon at magpapalamuti, at doon sila na mga salamangkero ay makikipagtagpo kay Mousâ (u). At inutusan ang mga tao na magtipun-tipon; sa pag-asa na ang mananalo ay ang mga salamangkero.
40. Katiyakan, kami ay umaasam na mananalo ang mga salamangkero upang kami ay manatili sa aming relihiyon.
41. At nang dumating ang mga salamang-kero kay Fir`âwn, kanilang sinabi sa kanya: “Kung gayon, mayroon ba kaming gantimpala na yaman man o posisyon kung matatalo namin si Mousâ (u)?”
42. Sinabi ni Fir`âwn: “Oo, nasa akin ang inyong hiniling na gantimpala, at walang pag-aalinlangan, kung gayon, sa pagkaka-taong yaon ay magiging kabilang kayo sa mga malalapit sa akin.”
43. Sinabi ni Mousâ (u) sa mga salamangkero, na ang nais niya sa kanila ay mawalan ng saysay ang kanilang mga salamangka at ipamumulat na ang kanilang dala-dala ay salamangka lamang: “Ihagis ninyo ang anumang nais ninyong ihagis na mga salamangka.”
44. Inihagis nila ang kanilang mga lubid at mga tungkod, na iisipin ng mga tao na nakakita bilang malikmata na ito ay mga ahas na gumagapang, at sila ay sumusumpa sa kadakilaan ni Fir`âwn na kanilang sinabi: “Walang pag-aalinlangan, na kami ay mananalo.”
45. Inihagis ni Mousâ (u) ang kanyang tungkod, at ito ay naging dambuhalang ahas, na tinuklaw nito ang anuman na kanilang ipinakita na mga kasinungalingan at panlilinlang.
46-48. At nang makita nila ito, napag-alaman nila na ito ay hindi pala panlilinlang na salamangka, na kung kaya, sila ay naniwala sa Allâh (I) at nagpatirapa sila para sa Kanya at kanilang sinabi: “Naniwala na kami sa ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha, na Siyang ‘Rabb’ ni Mousâ (u) at Hâroun (u).”
49. Sinabi ni Fir`âwn sa mga salamangkero bilang pagtataka sa kanilang ginawa: “Naniwala kayo kaagad kay Mousâ (u) nang hindi ko kayo pinahintulutan,” at kanyang sinabi bilang pagpapahiwatig pa rin na ang ginawa ni Mousâ (u) ay salamangka: “Katiyakan, siya pala ang pinuno ninyo na nagturo sa inyo ng salamangka, kung gayon, walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo ang anumang parusa na ipapataw ko sa inyo: walang pag-aalinlangan, puputulin ko ang inyong mga kamay at ang mga paa nang magkabila, na puputulin ang kanang kamay at ang kaliwang paa o ang kabaligtaran nito, at akin kayong ibibitin lahat sa puno.”
50-51. Sinabi ng mga salamangkero kay Fir`âwn: “Wala nang halaga sa amin kung anuman ang iyong gagawing parusa sa amin dito sa daigdig, dahil walang pag-aalinlangan, kami ay magbabalik sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pagkakalooban kami ng kasiyahan na walang-hanggan. At walang pag-aalinlangan, na kami ay umaasam na nawa’y mapatawad kami ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa ginawa naming pagsamba ng iba bukod sa Kanya at sa iba pa; dahil kami ay mga unang naniwala mula sa iyong sambayanan.”
52. At ipinahayag ng Allâh (I) kay Mousâ (u) ang utos: “Paalisin mo sa gabi ang sinumang naniwala sa iyo mula sa angkan ni Isrâ`îl; dahil si Fir`âwn at ang kanyang sundalo na susunod sa inyo ay hindi nila kayo maabutan bago makarating sa karagatan.”
53. Inutusan ni Fir`awn ang kanyang mga sundalo noong nalaman niya ang pag-alis ng mga angkan ni Isrâ`îl na ipunin ang mga sundalo mula sa iba’t ibang bayan sa kanyang kaharian.
54-56. Sinabi ni Fir`âwn: “Katiyakan, ang angkan ni Isrâ`îl na tumakas kasama si Mousâ (u) ay isang walang halaga at maliit lamang na grupo, at sila sa katotohanan ay ginalit tayo nang matinding galit; dahil sa nilabag nila ang ating relihiyon, at sila ay umalis na wala tayong pahintulot, at tayo namang lahat ay palaging nakahanda para labanan sila. ”
57-59. At pinaalis ng Allâh (I) si Fir`âwn at ang kanyang sambayanan mula sa bayan ng Ehipto na maraming mga hardin at mga ilog at imbakan ng mga kayamanan at bawa’t uri ng magagandang tahanan. At kung paano Namin sila pinaalis ay sinanhi naman Namin na maging tagapagmana ng kanilang mga tahanan pagkawala nila ang mga angkan ni Isrâ`îl.
60. At sinundan ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo si Mousâ (u) at ang sinuman na kasama niya at naabutan nila sila sa oras ng pagsikat ng araw.
61. At nang magkaharap ang dalawang grupo, sinabi ng mga kasama ni Mousâ (u): “Walang pag-aalinlangan, tayo ay maaabutan na ng mga kasama ni Fir`âwn at mapapahamak na tayo.”
62. Sinabi ni Mousâ (u) sa kanila: “Hindi maaari na mangyari ang inyong sinasabi dahil hindi maaaring maabutan kayo; dahil walang pag-aalinlangan, kasama ko ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang tumutulong sa akin, at walang pag-aalinlangan, gagabayan Niya ako sa kaparaanan na ako ay makaliligtas at gayundin kayo.”
63. At pagkatapos ay ipinahayag Namin kay Mousâ (u) na ihampas niya ang kanyang tungkod sa karagatan, na kung kaya, ito ay kanyang inihampas, at dahil doon ay nabiyak ang karagatan ng labingdalawang daan na kasing dami ng bilang ng tribo ng angkan ni Isrâ`îl, na ang bawa’t biyak nito ay kasinglaki ng malaking bundok.
64-66. At pagkatapos noon ay inilapit Namin si Fir`âwn at ang kanyang sambayanan doon hanggang sa sila ay nakapasok sa karagatan, at Aming iniligtas si Mousâ (u) at ang lahat ng kanyang mga kasamahan. At patuloy ang karagatan sa pagkakabiyak nito hanggang sa sila ay makatawid, pagkatapos ay nilunod Namin si Fir`âwn at ang kanyang mga kasama sa pamamagitan ng pagtiklop ng karagatan sa kanila pagkatapos nilang pumasok sa loob ng karagatan at sundan si Mousâ (u) at ang kanyang mga kasama.
67. Katotohanan, dito sa pangyayaring ito, ang kamangha-manghang aral na nagpapatunay sa kapangyarihan ng Allâh (I) at gayunpaman ay hindi pa rin maniwala ang karamihan sa mga tagasunod ni Fir`âwn kahit na ganito na kalinaw ang kamangha-manghang palatandaan.
68. At katiyakan, ang Allâh na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal, at dahil sa Kanyang kapangyarihan ay pinuksa Niya ang mga hindi naniwala na tumanggi at dahil sa Kanyang awa at pagmamahal ay iniligtas Niya si Mousâ (u) at ang lahat ng kanyang mga tagasunod.
69-70. At ikuwento mo sa mga walang pananampalataya, O Mousâ (u), ang kuwento ni Ibrâhim (u) noong kanyang sinabi sa kanyang ama at sa kanyang sambayanan: “Ano ba ang inyong sinasamba?”
71. Kanilang sinabi: “Ang sinasamba namin ay mga rebulto na kami ay taimtim sa pagsamba sa mga ito.”
72-73. Sinabi ni Ibrâhim (u) bilang pagpapaalaala sa mali nilang kinaaanibang relihiyon: “Naririnig ba nila ang inyong panalangin kapag kayo ay nanalangin sa kanila, o di kaya ay nagdudulot ba sila ng kapakinabangan sa inyo kapag sila ay sinasamba ninyo, o di kaya ay nakapagdudulot ba sila ng kapinsalaan sa inyo kung sakaling hindi kayo sasamba sa kanila?”
74. Kanilang sinabi: “Walang anuman ang nangyari sa mga nabanggit mo, subali’t natagpuan namin ang aming mga ninuno na sinasamba ang mga ito, na kung kaya, sinunod namin sila sa anuman na kanilang ginagawa.”
75-82. Sinabi ni Ibrâhim (u): “Pinagmamasdan ba ninyong mabuti ang sinasamba ninyo na mga rebulto na ang mga ito ay hindi nakaririnig, hindi nakapagbibigay ng kapakinabangan ni nakapipinsala, kayo at ang inyong mga ninuno na nauna sa inyo noon? Katiyakan, ang inyong mga sinasamba bukod sa Allâh (I) ay aking mga kalaban, dahil ang Nagmamay-ari nito ay Siyang Bukod-Tangi lamang na aking sinasamba. Siya ang Lumikha sa akin sa pinagkamagandang anyo, kaya Siya rin ang naggagabay sa akin tungo sa anumang aking ikabubuti rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at Siya rin ang nagbibigay sa akin ng biyaya na pagkain at inumin, at kapag may dumapo sa aking sakit ay Siya rin ang nagpapagaling sa akin mula sa sakit na ito, at Siya rin ang kukuha ng aking kaluluwa sa oras ng aking kamatayan dito sa daigdig, at pagkatapos ay bubuhayin Niya ako na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na walang sinuman na may kakayahan na gawin ito bukod sa Kanya, at sa Kanya ako’y umaasam na nawa’y mapatawad Niya sa akin ang aking mga pagkakasala sa Araw ng Pagbabayad.”
83. Sinabi ni Ibrâhim (u) bilang panalangin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Pagkalooban mo ako ng kaalaman at pagkakaunawa (sa mga bagay-bagay), at ibilang Mo ako sa antas ng mga mabubuti, at isama Mo ako sa kanila sa ‘Al-Jannah.’
84. “At ipagkaloob Mo sa akin ang pagpupuri at kagalang-galang na pag-alaala ng mga susunod na mga henerasyon na darating pagkatapos ko hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
85. “At gawin Mo ako na kabilang sa Iyong mga alipin na magmamana ng kaluguran sa ‘Al-Jannah.’
86. “At patawarin Mo ang aking ama sa kanyang pagsamba ng iba bukod sa Iyo, at huwag Mo siyang parusahan para rito, dahil siya ay napabilang sa mga naligaw mula sa Daan ng Patnubay kaya siya ay tumanggi sa Iyo.” Ito ay bago malaman ni Ibrâhim (u) na ang kanyang ama ay kalaban ng Allâh (I), subali’t noong malaman niya na siya ay kalaban ng Allâh (I) ay inialis na niya ang kanyang pananagutan sa kanya.
87-89. At huwag Mo akong ipahiya sa Araw ng Pagbangon na mag-uli ng mga tao mula sa kanilang mga libingan para sa paghuhukom at pagbabayad, sa Araw na wala nang pakinabang ang kayamanan at mga anak sa sinumang alipin ng Allâh (I), maliban sa kanya na dumating sa Allâh (I) na malinis ang kanyang kalooban, ligtas sa anumang di-paniniwala, pagkukunwari at sa mga karumal-dumal na gawain.
90. At dadalhin ang ‘Al-Jannah’ sa mga yaong naniwala at umiwas sa paggawa ng mga kasalanan, na sila ay humarap sa Allâh (I) bilang pagsunod.
91. At ilalantad ang Impiyerno sa mga walang pananampalataya na sila ay yaong mga naligaw mula sa patnubay, at naglakas-loob na gumawa ng ipinagbabawal ng Allâh (I) at pinasinungalingan ang Kanyang mga Sugo.
92-93. Sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Nasaan na ang inyong mga diyus-diyosan na inyong sinamba bukod sa Allâh (I) at inaangkin ninyo na sila ay mamamagitan sa inyo ngayon? Tutulong ba sila sa inyo at ililigtas kayo mula sa kaparusahan, o di kaya ay magtatagumpay ba sila upang mailigtas nila ang kanilang mga sarili sa kaparusahan? Walang anuman ang mangyayari sa mga ito.”
94-95. Titipunin silang lahat at itatapon sa Impiyerno, sila at ang kanilang mga iniligaw at maging ang mga sundalo ni Iblees (‘Shaytân’) na sila ang naghikayat sa kanila na gumawa ng masama, na walang sinuman sa kanilang lahat ang maliligtas.
96-99. Sasabihin nila bilang pag-amin sa kanilang kamalian, habang sila ay nasa Impiyerno na nakikipagtalo sa mga nagligaw sa kanila: “Sumusumpa kami sa Allâh (I), noong kami ay nasa daigdig ay katotohanang nasa malinaw na malinaw kaming pagkaligaw; noong ipinantay namin kayo sa ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha, na Siya lamang ang bukod-tangi na may karapatang sambahin. At walang sinuman ang nagpahamak sa amin dito sa masama naming kinalalagyang ito kundi ang mga makasalanan na sila ang naghikayat sa amin sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at sinunod namin sila.
100-101. “Na kung kaya, wala nang sinuman ang makapapamamagitan sa amin at magliligtas sa amin mula sa kaparusahan, at wala nang magmamahal at maawa sa amin.
102. “Na kung kaya, sana ay makabalik pa kami sa daigdig at maging kabilang kami sa mga mananampalataya na makaliligtas.”
103-104. Katiyakan, sa kuwento ni Ibrâhim ay may mga aral na makukuha sa sinumang may nais na makakuha ng aral, at hindi pa rin naniwala ang karamihan sa nakarinig sa kuwentong ito. Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na may kakayahang gumanti sa mga tumanggi, at ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Pinakamapagmahal sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.
105-110. Pinasinungalingan ng sambayanan ni Nûh (u) ang mensahe ng kanilang Propeta, at dahil sa ganitong ginawa nila ay tinanggihan nila ang mensahe ng mga Sugo; dahil sa bawa’t Sugo ay nag-uutos na paniwalaan ang lahat ng mga Sugo.
Nang sinabi sa kanila ng kanilang kapatid na si Nûh (u): “Hindi ba nararapat na matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagsamba ng iba bukod sa Kanya? Katiyakan, ako ay pinagkatiwalaang Sugo sa inyo at sa anumang aking ipararating sa inyo, na kung kaya, maniwala kayo, upang ang paniniwalang ito ay siyang magliligtas sa inyo mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at sundin ninyo ako sa anumang ipinag-utos ko sa inyo na pagsamba sa Kanya na bukod-tangi.
“At hindi ako humihingi sa inyo ng anumang kabayaran bilang kapalit ng pagpaparating ng aking mensahe, dahil ang paggagantimpala ay nagmumula lamang sa Kanya na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha, na Siya lamang ang Bukod-Tanging Tagapangasiwa ng Kanyang mga nilikha, kaya matakot kayo sa Kanyang parusa, at sumunod kayo sa akin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas ng Kanyang ipinagbabawal.”
111. Sinabi sa kanya ng kanyang sambayanan: “Paano kami maniniwala sa iyo at susunod, gayong ang sumunod lamang sa iyo ay mga mababang uri ng tao?”
112. Tinugon sila ni Nûh (u) at kanyang sinabi: “Hindi ako pinag-utusan na alamin kung ano ang kanilang ginagawa kundi ang ipinag-utos lamang sa akin ay hikayatin sila upang maniwala. At ang pinagbabatayan ay paniniwala at hindi posisyon, lahi, kakayahan o kagalingan sa anumang larangan.
113. “Ang huhukom sa kanila para sa pagbabayad sa kanilang gawain at sa anumang niloloob nila ay walang iba kundi ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang ganap na Nakababatid ng kanilang mga lihim, kung nauunawaan lamang ninyo ito ay hindi kayo magsasabi ng ganito.
114-115. “At kailanman ay hindi ko ipagtatabuyan ang mga yaong naniwala sa aking paanyaya, anuman ang kanilang katayuan sa buhay; para lamang tugunan ang inyong kagustuhan nang sa gayon ay maniwala kayo sa akin. Ako ay isang tagapagbabala lamang na malinaw ang aking ibinababala.”
116. Mula sa pagkikipag-usap ay binago ng sambayanan ni Nûh (u) ang paraan ng pakikipagharap tungo sa pakikipaghamon at kanilang sinabi sa kanya: “Kapag hindi mo itinigil, O Nûh, ang paghihikayat mo sa amin ay magiging kabilang ka sa mga papatayin sa pamamagitan ng pagbabato.”
117-118. At nang marinig ni Nûh ang kanilang sinabi, siya ay nanalangin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at kanyang sinabi: “O aking Rabb! Katiyakan, ang aking sambayanan ay nagpupumilit sa pagtanggi sa akin, na kung kaya, pagpasiyahan Mo na ang pagitan namin ng hatol na pupuksain Mo ang sinumang tumanggi sa Iyong Kaisahan at nagpasinungaling sa Iyong Sugo, at iligtas Mo ako at ang mga yaong naniwala sa anumang kaparusahang igagawad Mo sa mga walang pananampataya.”
119. Na kung kaya, iniligtas Namin siya at ang mga nanampalataya tungo sa Arka na kung saan isinakay doon ang lahat ng uri ng nilikha ng Allâh (I) na kasama niya.
120. Pagkatapos ay Aming nilunod ang mga walang pananampalataya mula sa kanyang sambayanan, at tinanggihan ang pagpapayo pagkatapos Naming iligtas si Nûh (u) at ang sinumang kanyang kasama na nanatili sa katotohanan.
121. Katiyakan, sa kuwento ni Nûh at sa sinumang nakaligtas na mga mananampalataya at sa pagkawasak ng mga tumanggi ay isang palatandaan at mga dakilang aral sa sinumang dumating pagkatapos nila, subali’t ang karamihan sa mga nakarinig ng kuwentong ito ay hindi naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sa Kanyang Batas.
122. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na may ganap na kakayahan na gantihan ang sinumang tumanggi at lumabag sa Kanyang kagustuhan, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang nagsisisi at nagbalik-loob sa Kanya na di na parurusahan pagkatapos niyang magsisi.
123. Pinasinungalingan ng sambayanan ni `Âd ang kanilang Sugo na si Hûd (u) na ang ganitong pagtanggi ay nangangahulugan na pagtanggi sa lahat ng mga Sugo; dahil sa ang pinakapundasyon ng kanilang mensahe ay iisa lamang.
124-127. Nang sinabi sa kanila ng kanilang kapatid na si Hûd (u): “Hindi ba kayo natatakot sa Allâh (I) upang maging taimtim ang inyong pagsamba lamang sa Kanya? Dahil walang pag-aalinlangan, ako ay ipinadala sa inyo upang patnubayan at gabayan kayo, at pangangalagaan ko ang mensahe ng Allâh (I) at ito ay ipararating ko sa inyo ayon sa kung paano ang ipinag-utos sa akin, na kung kaya, matakot sa parusa ng Allâh (I) at sumunod kayo sa akin sa anuman na mensahe na dala-dala ko sa inyo mula sa Allâh (I). At hindi ako humihingi ng kahit na anumang kapalit sa pagpatnubay ko sa inyo tungo sa Kaisahan ng Allâh (I), dahil ang aking gantimpala ay nagmumula lamang sa Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.
128-130. “Nagtatayo ba kayo sa bawa’t mataas o kilalang lugar ng matayog na gusali upang kayo ay mag-abang doon ng mga dumaraan para hamakin? At ito ay walang kabuluhan na gawain at pag-aaksaya lamang ng panahon na wala kayong anumang makakamtan na pakinabang sa inyong relihiyon o sa makamundo man, at gumagawa kayo ng mga matatatag na gusali at panangga na parang inaakala ninyo na wala kayong kamatayan dito sa daigdig, at kapag nakubkob ninyo ang iba sa mga lugar (na inyong nililusob) na pinatay man ninyo sila o sinaktan ay ginagawa ninyo ito na may pagmamalupit at may pang-aapi.
131-134. “Kung gayon ay matakot kayo sa Allâh (I) at sumunod kayo sa anumang panghikayat ko sa inyo dahil ito ang higit na pakikinabangan ninyo, matakot kayo sa Allâh (I) na Siyang nagkaloob sa inyo ng iba’t ibang uri ng biyaya na ito batid ninyo, at pinagkalooban kayo ng mga hayop: kamleyo, baka at kambing, at pinagkalooban (din) kayo ng mga anak, at pinagkalooban (din) kayo ng mga hardin na mga malalago at masagana, at mga bukal na umaagos.”
135. Sinabi ni Hûd (u) bilang babala sa kanila: “Katiyakan, ako ay natatakot na kapag kayo ay nagpumilit sa inyong pagtanggi, pang-aapi at pagbabalewala sa mga biyaya ng Allâh (I) na pabababain Niya sa inyo ang Kanyang parusa na matindi sa Dakilang Araw.”
136. Sinabi nila sa kanya: “Pareho lang sa amin kung takutin mo o pabayaan mo kami dahil kailanman ay hindi kami maniniwala at susunod sa iyo.”
137-138. At kanilang sinabi: “Ang aming kapaaranan ay kung ano rin ang paniniwala ng mga naunang henerasyon at kanilang kinagawian, na kung kaya, hindi kami parurusahan sa anumang ginagawa namin na siyang ibinababala mo sa amin na parusa.”
139-140. At sila’y nanatili sa kanilang pagtanggi, na kung kaya, winasak sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng hangin na napakalamig. Katiyakan, sa pagkawasak na ito sa kanila ay aral sa sinumang susunod pa sa kanila, subali’t ang karamihan sa nakarinig ng kuwento hinggil sa kanila ay hindi naniwala sa iyo. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, na nangingibabaw ang anuman na Kanyang nais na pagpuksa sa mga tumanggi, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa mga mananampalataya.
141. Pinasinungalingan ng angkan ni Thamoud ang kanilang kapatid na si Sâleh (u) sa kanyang mensahe at pag-aanyaya sa kanila tungo sa Kaisahan ng Allâh (I), na kung kaya, sa gayong kadahilanan ay pinasinungalingan din nila ang lahat ng mga Sugo; dahil silang lahat ay nag-anyaya tungo sa Kaisahan ng Allâh (I).
142-145. Noong sinabi sa kanila ng kanilang kapatid na si Sâleh (u): “Di ba nararapat na matakot kayo sa parusa ng Allâh (I), nang sa gayon ay Siya lamang ang inyong sasambahin? Katiyakan, ako ay Sugo na mula sa Allâh (I) para sa inyo, na pinangangalagaan ko ang mensaheng ito ayon sa kung paano ko ito tinanggap mula sa Allâh (I), na kung kaya, matakot kayo sa parusa ng Allâh (I), at tugunan ninyo ang aking paanyaya sa inyo. At wala akong hinihingi sa inyo na anuman na kapalit sa aking pagpapayo at pagpapatnubay sa inyo, dahil ang anuman na aking gantimpala ay nagmumula lamang sa Allâh (I), na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.
146-149. “Hahayaan kaya kayo ng inyong ‘Rabb’ sa inyong kinalalagyan na mga biyaya na kayo ay mananatili sa mundong ito na ligtas sa anumang parusa na pagkawasak at kamatayan? Na kayo ay nasa mga hardin na mamumunga nang masagana at mga ilog na umaagos at mga maraming pananim at mga puno ng palmera ng mga ‘Tamr’ (o datiles), na ang bunga nito ay malambot na kumpul-kumpol, at inuukit ninyo ang mga kabundukan bilang inyong mga tahanan na dalubhasa kayo sa pag-ukit nito na kayo ay magagaling sa ganitong larangan, na ito ay inyong pinagmamayabang.
150-152. “Na kung kaya, katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I), at tanggapin ninyo ang aking pagpapayo, at huwag kayong sumunod sa kagustuhan ng mga nagmamalabis sa kanilang mga sarili na sukdulan ang kanilang paglabag sa Allâh (I), na sila ay nagkalat ng kasamaan sa kalupaan bilang kapinsalaan na ayaw nilang baguhin ang kanilang mga sarili.”
153-154. Sinabi ng sambayanan ni Thamoud sa kanilang Propeta na si Sâleh (u): “Ikaw ay walang iba kundi kabilang sa mga yaong tinamaan ng matinding salamangka na ito na ang nanaig sa iyong kaisipan. At ikaw ay isang tao lamang na kabilang sa amin na tao rin mula sa angkan ni Âdam, na kung kaya, paano ka magiging lamang sa amin sa pagiging Sugo? Kung gayon, magpakita ka ng malinaw na palatandaan na nagpapatunay na totoo ang iyong mensahe, kung ikaw ay totoo sa iyong pag-aangkin na ang Allâh (I) ay ipinadala ka bilang Sugo sa amin.”
155-156. Sinabi sa kanila ni Sâleh – na sa katotohanan ay dala-dala niya sa kanila ang babaeng kamelyo na pinalitaw ng Allâh (I) mula sa malaking bato – : “Ito ay babaeng kamelyo ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa kanya ang kanyang bahagi o karapatan na inuming tubig sa itinakdang araw at mayroon naman nakatakdang araw para kayo ay magkamit ng iyong kabahagi na (iinuming) tubig. At hindi kayo maaaring sumalok sa araw na yaon na nakatakda para sa kamelyo, at hindi rin ito makaiinom ng tubig sa araw na nakatakda para sa inyo, na kung kaya, huwag ninyong ipahamak ang babaeng kamelyo na ito sa anumang kaparaanan na tulad ng pananakit o di kaya ay pagpatay o di kaya ay ang anumang katulad nito, dahil kayo kung gayon ay pupuksain ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang matinding kaparusahan sa dakilang araw; dahil sa anumang mangyayari sa Araw na yaon na kagimbal-gimbal.”
157. Subalit sinaksak nila ng patalim ang kamelyong babae, at pagkatapos ay pinagsisihan nila ito nang matinding pagdadalahamti dahil sa sila ay tiyak sa parusa ng Allâh (I), subali’t wala nang pakinabang pa sa kanila ang pagsisising ginawa nila.
158. At ibinaba sa kanila ang parusa ng Allâh (I) na ibinabala sa kanila ni Sâleh at nawasak sila nang lubusan. Katiyakan, sa pagkawasak na ito ng angkan ni Thamoud ay isang aral sa sinuman ang makauunawa nito, subali’t marami pa rin sa kanila na narating ng kuwento ang hindi naniwala.
159. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na gumaganti sa Kanyang mga kalaban na tumanggi, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang naniwala mula sa Kanyang mga nilikha.
160. Pinasinungalingan ng sambayanan ni Lût (u) ang kanyang pagiging Sugo, na kung kaya, ang ginawa nilang yaon ay nangangahulugan ng pagpapasinungaling sa lahat ng Sugo ng Allâh; dahil ang dala-dala nilang lahat ay mensahe ng Kaisahan ng Allâh (I) at ang pinakapundasyon ng mga alituntunin ng mga batas ay iisa lamang.
161-164. Noong sinabi sa kanila ng kanilang kapatid na si Lût (u): “Hindi ba kayo natatakot sa parusa ng Allâh (I)? Katiyakan, ako ay Sugo na mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na mapagka-katiwalaan sa aking pagpaparating ng mensahe sa inyo, na kung kaya, matakot kayo sa parusa ng Allâh (I) dahil sa inyong pagpapasinungaling sa Kanyang Sugo, at sumunod kayo sa akin tungo sa aking paanyaya sa inyo, at hindi ako humihingi ng anumang kabayaran bilang kapalit ng aking pag-anyaya at pag-akay sa inyo, dahil ang aking gantimpala ay nasa Allâh (I) lamang na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.
165-166. “Nagsisitungo ba kayo bilang pagnanasa sa mga kapwa ninyo kalalakihan at pinawawalang-halaga ninyo ang anumang nilikha ng Allâh (I), na inyong mga asawang kababaihan, upang lumigaya at dumami kayo? Samakatuwid sa ganoong kasalanan na inyong ginagawa ay lumabag kayo sa anumang ipinahintulot ng Allâh (I) tungo sa Kanyang mga ipinagbawal.”
167. Sinabi ng sambayanan ni Lût (u): “Kung hindi mo kami pababayaan sa pamamagitan ng pagbabawal mo sa amin, O Lût, sa mga isinasagawa ng aming pagnanasa sa kapwa namin kalalakihan at sa pagsabi mo na ang aming mga ginagawa ay karumal-dumal, ay magiging kabilang ka sa mga itinataboy mula sa bayan na ito.”
168. Sinabi ni Lût (u) sa kanila: “Katiyakan, ako sa anumang inyong ginagawang karumal-dumal na pagnanasa sa inyong kapwa kalalakihan, ay matindi ang aking galit.”
169. Pagkatapos, nanalangin si Lût (u) sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, noong mawalan na siya ng pag-asa na tugunan nila ang kanyang paanyaya at kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Iligtas mo ako at ang aking pamilya sa anumang karumal-dumal na gawain ng aking sambayanan, at sa parusa na Iyong igagawad sa kanila.”
170-171. Na kung kaya, iniligtas Namin siya at ang kanyang pamilya, at ang sinumang tumugon sa lahat ng kanyang paanyaya, maliban sa matandang babae na mula sa kanyang pamilya na ito ay ang kanyang asawa, dahil siya ay hindi naniwala sa Allâh (I) kasama sa kanila, na kung kaya, naging kabilang siya sa nanatili na pinarusahan at winasak.
172-173. Pagkatapos ay winasak Namin ang iba pa na mga hindi naniwala nang matinding pagkawasak at ibanaba Namin sa kanila mula sa kalangitan ang mga bato na parang ulan na siyang nagpuksa sa kanila, na kung kaya, napakasama ng ulan na ibinabala ng mga Sugo sa mga tao, na ito ay hindi nila pinaniwalaan; dahil walang pag-aalinlangan, ibinaba sa kanila ang pinakamatindi sa lahat ng pagpuksa at pagwasak!
174. Katiyakan, sa ganoong pagpaparusa na nangyari sa sambayanan ni Lût ay aral at payo na nararapat na maging aral sa mga tumanggi, subali’t magkagayunpaman ay hindi pa rin naniwala ang karamihan sa kanila.
175. At katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalang na Ganap na Makapangyarihan na nagagapi Niya ang mga walang pananampalataya, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.
176-180. Pinasinungalingan ng mga taga-‘Aykah’ – na sila ang mga yaong nanirahan sa lugar na maraming punong malalago – ang kanilang Sugo na si Shu`ayb (u) sa kanyang mensahe, na samakatuwid, sa gayong kaparaanan ay pinasinungalingang nila ang lahat ng mga mensahe ng mga Sugo. Noong sinabi sa kanila ni Shu`ayb (u): “Hindi ba kayo natatakot sa parusa ng Allâh (I) sa inyong mga kasalanan? Katiyakan, ako ay Sugo na mula sa Allâh (I) upang gabayan kayo, at pinangangalagaan ko ang ipinagkatiwala sa akin na ipinahayag ng Allâh (I) bilang mensahe, na kung kaya, matakot kayo sa parusa ng Allâh (I), at sundin ninyo ang aking paanyaya sa inyo tungo sa gabay ng Allâh (I); upang mapatnubayan kayo, at hindi ako humihiling sa inyo ng anumang kabayaran sa aking pag-anyaya sa inyo tungo sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), kundi ang aking gantimpala ay nasa Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”
181-183. Sinabi sa kanila ni Shu`ayb – na walang pag-aalinlangang dinaraya nila ang timbang at sukat – : “Kumpletuhin ninyo ang pagsukat ninyo sa inyong pagbebenta sa mga tao at buuin ninyo ang kanilang mga karapatan, at huwag kayong maging kabilang sa mga binabawasan nila ang karapatan ng mga tao sa pagsukat, at magtimbang kayo ng matuwid na timbangan, at huwag ninyong bawasan ng anuman ang karapatan ng mga tao sa sukat man o sa timbang at iba pa, at huwag kayong magkalat ng kapinsalaan sa kalupaan, sa pamamagitan ng pagsamba ng iba at pagtambal sa Allâh (I), pagpatay, pang-aagaw ng karapatan, pananakot sa mga tao at pagsagawa ng mga kasalanan.
184. “At katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I) na Siyang lumikha sa inyo at sa mga nauna sa inyo na mga henerasyong tao.”
185-187. Kanilang sinabi: “Ikaw, O Shu`ayb, ay kabilang lamang sa nasapian ng matinding salamangka, na kung kaya, nasiraan ka ng bait, at ikaw ay hindi kaiba sa amin kundi pareho rin namin na mga tao, na kung kaya, paano ka magiging kaiba sa amin sa pagbigay ng mensahe? At katiyakan, matindi ang aming hinala na ikaw ay kabilang sa mga sinungaling sa iyong pag-aangkin na ikaw ay Sugo. Kung gayon, kung ikaw ay totoo sa iyong pag-aangkin ng iyong pagiging Propeta, ay idalangin mo sa Allâh (I) na magpabagsak sa amin ng iba’t ibang uri ng parusa na mula sa kalangitan na magwawasak sa amin.”
188. Sinabi sa kanila ni Shu`ayb (u): “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na inyong ginagawa na pagsamba ng iba at pagtatambal, at sa inyong mga kasalanan, at ang anumang karapat-dapat na parusa sa inyo.”
189. Na samakatuwid ay nagpatuloy sila sa kanilang pagtanggi, kaya dumating sa kanila ang matinding init at sila ay naghahanap ng matatakasan para makasilong, at nililiman sila ng ulap, at nakatagpo sila ng lamig at magandang simoy ng hangin, at nang sila ay nagtitipun-tipon na sa ilalim ng lilim na ito ay bigla na lamang itong naglagablab na apoy at sinunog sila, na kung kaya, ito ang pagkawasak nilang lahat na Araw na Kagimbal-gimbal.
190. Katiyakan, sa pagpaparusang ito na nangyari sa kanila ay malinaw na palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I) bilang may kakayahang magparusa sa mga tumanggi at aral sa sinumang iintindi nito subali’t magkagayunpaman ay hindi naniwala ang karamihan sa kanila na hindi umintindi nito.
191. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa sinumang Kanyang ginagantihan mula sa Kanyang mga kalaban, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin na naniwala sa Kanyang Kaisahan.
192-195. At walang pag-aalinlangan, ang Qur’ân na ito, na kung saan, isinalaysay dito ang mga totoong kuwento ay kapahayagan mula sa ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilikha, na Nagmamay-ari ng lahat ng bagay, na dinala ng ‘Ruhul Ameen’ – ang Mapagkakatiwalaang Espiritu na si Anghel Jibril (u) at kanya itong binigkas sa iyo, O Muhammad (r), hanggang sa ito ay naunawaan ng iyong puso na naisaulo at naintindihan; upang maging kabilang ka sa mga Sugo ng Allâh na binabalaan nila ang kanilang sambayanan hinggil sa parusa ng Allâh (I) at binabalaan mo sa pamamagitan ng Rebelasyong ito ang lahat ng tao at ‘Jinn.’
Ipinahayag ito sa iyo ni Anghel Jibril sa wikang ‘Arabic’ na malinaw ang pakahulugan at malinaw ang tinutuloy na katibayan sa anumang kanilang pangangailangan sa pagtaguyod ng kanilang ‘Deen’ at makamundong buhay.
196. At walang pag-aalinlangan na ang pagkapahayag sa Banal na Qur’ân na ito ay naitala sa mga Aklat ng mga naunang mga Propeta, at naipamalita nila at pinatotohanan.
197. Hindi pa ba sapat sa kanila na ito ay katibayan na ikaw ay Sugo ng Allâh at ang Banal na Qur’ân ay katotohanan, na ito ay batid ng mga paham ng mga angkan ni Isrâ`îl sa pagiging totoo nito at ang sinuman na naniwala mula sa kanila na katulad ni `Abdullâh Ibn Salâm?
198-201. At kung ipinahayag Namin ang Banal na Qur’ân na ito sa alinman na mga hindi Arabo at binigkas niya sa kanila na mga walang pananampalataya na mga Quraysh nang tamang pagkabigkas na ‘Arabic’ ay hindi pa rin sila maniniwala, at mangangatwiran sila sa kanilang pagtanggi. Samakatuwid, ganoon Namin sinasanhi na makapasok sa mga puso ng mga masasama ang pagtanggi sa Banal na Qur’ân at ito ay kumapit na sa kanilang mga puso; at ito ay dahil sa kanilang pagiging masama at makasalanan, na kung kaya, wala nang kaparaanan pa upang sila ay magbago sa anumang kanilang katayuan na pagtanggi sa Banal na Qur’ân hanggang sa danasin nila ang hirap na matinding kaparusahan na ipinangako sa kanila.
202-203. Na kung kaya, darating sa kanila ang parusa nang biglaan na sila ay walang kaalam-alam bago ito mangyari, at kanilang sasabihin habang sila ay nabigla sa pagdating nito bilang pagsisisi sa anuman na sinayang nilang panahon na di-paniniwala: “Kami ba ay mapagbibigyan pa ng palugit upang makapagsisi sa Allâh (I) at humingi ng kapatawaran sa ginawa naming pagsamba ng iba, at mapagpunan pa namin ang anuman na aming pagkukulang?”
204. Nalinlang ba sila sa inaasahan nilang palugit, na kung kaya, ipinamadali nila ang pagbaba ng parusa Namin sa kanila mula sa kalangitan?
205-206. Ano sa pakiwari mo, O Muhammad (r), kung sakaling pinasaya Namin sila sa kanilang pamumuhay nang mahabang panahon at inantala ang kamatayan, subali’t pagkatapos nito ay dumating pa rin ang parusang ipinangako sa kanila?
207. Ano pa ba ang pakinabang nila sa lahat ng kanilang kinagawaian na kaligayahan sa haba ng kanilang buhay at marangyang pamumuhay gayong hindi naman sila humingi ng kapatawaran sa kanilang nagawang pagsamba ng iba? Katiyakan, ang kaparusahan ng Allâh (I) ay magaganap sa kanila di maglalaon.
208-209. At kailanman ay hindi Namin winawasak ang anumang bayan mula sa mga kabayanan ng mga naunang Nasyon kundi pagkatapos muna ng pagkakapadala Namin sa kanila ng Sugo na siyang magbibigay ng babala sa kanila, bilang paalaala at babala sa kanila sa anumang bagay na ikaliligtas nila, at kailanman ay hindi Namin inapi ang sinumang Nasyon sa pamamagitan ng parusa hanggang hindi Kami nakapagpapadala ng Sugo sa kanila.
210-212. At kailanman, ang Banal na Qur’ân ay hindi ibinaba kay Muhammad (r) sa pamamagitan ng mga ‘Shaytân’ na tulad ng pag-angkin ng mga walang pananampalataya, at ito ay hindi angkop sa kanila at hindi rin sila magkakaroon ng kakayahan para rito; dahil sa may nakaharang sa kanila upang hindi nila marinig ang Banal na Qur’ân mula sa kalangitan at sila ay binabato sa pamamagitan ng bulalakaw.
213. Na kung kaya, huwag kang sumamba sa Allâh (I) na may itinatambal pang iba na mga sinasamba, dahil katiyakang parurusahan ka ng parusa na katulad ng nangyari sa kanila na sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).
214. At balaan mo, O Muhammad (r), ang mga malalapit sa iyo na mga kamag-anak mula sa parusa ng Allâh (I) na maaaring mangyari sa kanila.
215. At maging malumanay ka sa iyong pakikitungo at pananalita, at maging mabuti ka bilang pagpapakumbaba at awa sa sinuman na nakikita mo na tinutugunan ang iyong paanyaya.
216. At kapag sila ay lumabag sa iyo at hindi sumunod, ay alisin mo ang pananagutan mo sa kanilang gawain at sa anuman na kanilang ginagawa na pagsamba ng iba at pagkaligaw.
217-220. At ipaubaya mo na ang sarili mo sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal na hindi Niya binibigo ang Kanyang mga ‘Awliyâ`’ – mga taong malalapit sa Kanya, na nakikita Ka niya habang ikaw ay nagsasagawa ng ‘Salâh’ nang nag-iisa sa kalaliman ng gabi, at nakikita Niya ang iyong mga galaw kasama ang mga nagpapatirapa sa kanilang mga ‘Salâh,’ na nakatayo, nakayuko, nakapatirapa at nakaupo. Katiyakan, ang Allâh (I), luwalhati sa Kanya, Bukod-Tangi na Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa pagbibigkas mo ng Banal na Qur’ân at sa pagpuri mo sa Kanya, at ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa iyong layunin at gawain.
221-223. Ipababatid ko ba sa inyo, O kayong mga tao, kung sino ang binababaan ng mga ‘Shaytân’ sa kanilang pambubuyo? Ang mga ‘Shaytân’ ay bumababa sa lahat ng mga sinungaling na maraming kasalanan at mga manghuhula, na itong mga ‘Shaytân’ na ito ay ninanakaw nila ang mga bagay (kaalaman) na naririnig sa itaas mula sa mga anghel, at ang anumang narinig nila ay ibinubulong nila sa mga manghuhula, at sa sinuman na mga katulad nilang masasama, at karamihan sa kanila ay mga sinungaling, na maaaring maging totoo ang isang salita at daragdagan na niya ng higit pa sa isang daang kasinungalingan, na kung kaya, sa pamamagitan noon ay dumarami ang kanilang kasinungalingan nang daan-daan.
224-226. Ang mga manunula ay ibinabatay nila ang kanilang mga tula sa mga kamalian at kasinungalingan, at sinasang-ayunan nila ang gawain ng mga ligaw at mga lihis na katulad din nila. Hindi mo ba nakikita, O Muhammad (r), na sila ay tumutungo sa kung saan-saang paksa sa kanilang panunula at sila ay nagpapaliwanag sa iba’t ibang larangan nang may kasinungalaingan, pagbibintang, paninira at pamimintas sa mga lahi, at sa mga kababaihan na mga mabubuti, at sa katunayan sinasabi nila (bilang pagmamayabang) ay hindi nila ginagawa sa kanilang mga sarili, at lubus-lubusan ang kanilang pagpuri sa mga kamalian at minamaliit nila ang mga nasa katotohanan.
227. Binukod-tangi ng Allâh (I) sa mga manunula ang mga yaong manunula na may pananampalataya at gumagawa ng mga mabubuting gawa, at palagi ang kanilang pagpuri sa Allâh (I) at nagsagawa sila ng mga tula patungkol sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagpuri sa Kanya, at pagtatanggol sa Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r), at nagpapaliwanag din sila ng karunungan, pagpapayo at mga kagandahang-asal, at pinagtatanggol nila ang Islâm, at sinasagot at ipinagtatanggol nila ang Islâm sa sinumang naninira rito at sa Kanyang Sugo, at sinasagot din nila ang mga manunula na walang pananampalataya hinggil sa kanilang pagbibintang at kasinungalingan.
At walang pag-aalinlangan, mababatid ng mga yaong dinaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I), at sa pagsagawa ng mga kasalanan, at sa pandaraya nila sa iba sa pamamagitan ng pangangamkam o pag-aangkin sa karapatan ng mga ito, o di kaya ay sa pagtapak sa kanilang karapatan, o di kaya ay sa pagbibintang ng kasinungalingan, o di kaya ay kung saan nagmumula ang kasamaan at nakapipinsala ay nandoroon din sila. Katiyakan, ito ang masamang patutunguhan, hinihiling natin sa Allâh (I) ang kaligtasan at kapanatagan mula rito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment