38
XXXVIII – Sûrat Sãd
[Kabanata Sãd – (Ang Titik) Sãd]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-2. Sãd – Ang katulad nitong titik ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Suratul Baqarah.’ Sumusumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân na punung-puno ng pagpapaalaala sa mga tao sa kanilang pagkalimot subali’t ang mga walang pananampalataya ay nagmamataas sa katotohanan at nilalabag ito.
3. Marami sa mga sambayanan na Aming pinuksa bago ang mga walang pananampalataya na ito sa Allâh (I), na sila ay humingi ng saklolo nang dumating sa kanila ang parusa at nanawagan sila na sila ay magsisipagsisi, subali’t ang panahon ay hindi na panahon ng pagtanggap ng pagsisisi, at hindi na panahon ng kaligtasan mula sa anumang dumating sa kanila na kaparusahan.
4-5. At namangha sila na mga walang pananampalataya kung paano nagpadala ang Allâh (I) ng Sugo na tao na mula sa kanila; upang sila ay hikayatin tungo sa Allâh (I) at balaan mula sa Kanyang parusa, at kanilang sinabi: “Katiyakan, siya ay hindi Sugo kundi siya ay sinungaling sa kanyang sinasabi, at sinasalamangka niya lamang ang kanyang sambayanan, dahil paano niya gagawin ang maraming diyus-diyosan na iisang diyos na lamang? Katiyakan, ang kanyang dala-dalang mensahe at paghikayat ng iba tungo rito ay isang bagay na nakapagtataka.”
6-7. Nagpunta ang mga pinuno ng mga tao na siyang matataas mula sa kanila upang hikayatin ang kanilang sambayanan na (sinasabi): “Hayaang manatili kayo sa inyong pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at magtiis kayo sa rami ng inyong diyus-diyosan! Katiyakan, ang dala-dala ng Sugong ito ay isang bagay na binalak lamang na ang hangarin ay pamumuno at pangunguntrol, na hindi namin narinig sa relihiyon ng aming mga ninuno na mga Quraysh at gayundin sa mga Kristiyano ang katulad ng kanyang paanyaya, dahil ito ay walang iba kundi pagsisinungaling lamang!
8. “Bukod-tangi lamang ba na si Muhammad ang binigyan ng kapahayagan ng Banal na Qur’ân mula sa atin?” Hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan kundi sila ay may pag-aalinlangan hinggil sa pagpapahayag sa iyo, O Muhammad, at pagkapadala sa iyo bilang Sugo, at katiyakan, sinabi nila ito; dahil sa hindi pa nila natikman ang kaparusahan ng Allâh (I), dahil kung natikman lamang nila ang kaparusahan ng Allâh (I) ay hindi sila magkakaroon ng lakas ng loob sa kanilang mga nasabi.
9. O sila ba ay nagmamay-ari ng imbakan ng Biyaya ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Dakila sa Kanyang Kaharian, na nagbibigay ng anuman na Kanyang nais na kabuhayan at kagandahang-loob sa sinuman na Kanyang nais sa Kanyang nilikha?
10. O di kaya ay pagmamay-ari ba nila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan at ang anumang nasa pagitan nito, na sila ay tagapagkaloob o tagapagpigil? Kung totoo na sila nga ay magsagawa sila kung gayon ng hagdanan sa anumang kaparaanan para sila ay makarating sa kalangitan at pigilan nila ang anghel sa pagpababa ng Rebelasyon kay Muhammad.
11-14. Sila na mga sundalo ng mga walang pananampalataya ay mga sundalo na matatalo, dahil kung paano natalo ang iba na mga grupo ng mga sundalo na nauna sa kanila ay ganoon din sila, hindi naniwala ang mga nauna na sambayanan ni Nûh, ni `Âd, ni Fir`âwn na mga nagtatangan ng dakilang lakas, ganoon din ang sambayanan ni Thamoud, ni Lût at ang mga nanirahan sa mga puno at mga hardin na sila ay ang sambayanan ni Shu`ayb. Sila ay mga nasyon na nag-umpuk-umpukan sa di-paniniwala at pagtanggi at bawa’t isa sa kanila ay nagsama-sama rito. At walang sinuman sa kanila kundi tinanggihan ang mga Sugo, na kung kaya, sila ay naging karapat-dapat sa parusa ng Allâh (I) at ito ay nangyari sa kanila.
15. At walang hinihintay ang mga walang pananampalataya habang sila ay nananatili sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) kundi ang pagdating sa kanila ng parusa sa pamamagitan ng isang ihip lamang ng trumpeta na ito ay tuluy-tuloy at walang patid.
16. At sinabi nila: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Madiliin Mo na ang aming bahagi mula sa Iyong parusa rito sa daigdig bago dumating ang Araw ng Muling Pagkabuhay,” at ito ay bilang pang-iinsulto mula sa kanila.
17. Tiisin mo, O Muhammad (r), ang anuman na kanilang sinasabi na hindi mo gusto, at alalahanin mo ang Aming alipin na si Dâwood (u) na nagtatangan ng lakas laban sa mga kalaban ng Allâh (I) at pagtitiis sa pagsunod sa Allâh (I), dahil siya sa katunayan ay palaging nagbabalik-loob sa Allâh (I) hanggang sa ang Allâh (I) ay nasiyahan sa kanya. (Ito ay bilang pagpapagaan sa kalooban ni Propeta Muhammad).
18-19. Katiyakan, ginawa Namin na magpasailalim sa kanya ang mga kabundukan na pumupuri at niluluwalhati ang Allâh (I) sa umpisa ng araw at sa dulunan nito na kasama si Dâwood, at ganoon din ang mga ibon na nagsasama-sama kasama niya na sumusunod sa kanya.
20. At pinalakas Namin ang kanyang kaharian dahil sa kanyang katatagan, pagiging kagalang-galang, kapangyarihan at pangingibabaw, at pinagkalooban Namin siya ng pagiging Propeta, at makatarungang paghahatol sa pananalita at pagpapasiya.
21-22. At dumating ba sa iyo, O Muhammad, ang kuwento ng dalawang may hindi pinagkasunduan (‘litigant’ – may usapin) na nilukso nila ang bakod ng bahay-dalanginan ni Dâwood, at nagulat siya sa pagpasok nilang dalawa? Sinabi nila sa kanya: “Huwag kang matakot, dahil kaming dalawa ay may hindi pinagkasunduan (may usapin) dahil inapi ng isa sa amin ang isa, na kung kaya, hatulan mo ang pagitan namin ng makatarungang paghatol at huwag kang papanig sa alinmang dalawa sa amin sa iyong paghatol, at gabayan mo kami tungo sa Matuwid na Daan.”
23. Sinabi ng isa sa dalawa: “Katotohanan, itong aking kapatid (sa pananampalataya) ay mayroon siyang siyamnapu’t-siyam na kambing, at ang pagmamay-ari ko lamang ay isang kambing at binalak pa niya na makuha ito, at kanyang sinabi: ‘Ibigay mo sa akin, at mahigpit ang kanyang pananalita sa akin, at nadaig niya ako.’”
24. Sinabi ni Dâwood: “Katiyakan, nilamangan ka ng iyong kapatid sa pamamagitan ng sapilitang pagsabi niya sa iyo na isama ang iyong kambing sa kanyang mga kambing, at katiyakan, karamihan sa mga magkakasosyo ay hinahamak nila ang isa’t isa, at nilalamangan sa pamamagitan ng pagkuha ng kanyang karapatan at hindi siya nagiging pantay sa kanyang sarili maliban sa mga mananampalataya na mga mabubuti dahil hindi nilalamangan ng iba sa kanila ang iba at sila ay mangilan-ngilan lamang.” At natiyak ni Dâwood na sinubok Namin siya sa pamamagitan nitong dalawa na may di napagkasunduan, at humingi siya ng kapatawaran sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at nagpatirapa siya bilang pagbaling sa Allâh (I) na may pagsisisi.
25. Na kung kaya, pinatawad Namin siya at ibinilang Namin siya sa mga malalapit sa Amin, at inihanda Namin para sa kanya ang mabubuting patutunguhan sa Kabilang-Buhay.
26. O Dâwood! Katiyakan, pinili ka Namin na mangasiwa rito sa kalupaan at ginawa ka Namin na hari rito, na kung kaya, magpasiya ka nang makatarungan at maging pantay sa paghatol sa pagitan ng mga tao, at huwag mong sundin ang iyong kagustuhan sa paghahatol, dahil ikaw ay maliligaw mula sa ‘Deen’ (o Relihyon) ng Allâh (I) at Kanyang batas.
Katiyakan, ang mga naligaw mula sa Daan ng Allâh (I) ay para sa kanila ang masidhing kaparusahan sa Impiyerno, dahil sa kanilang pagkalimot hinggil sa Araw ng Pagtutumbas at Paghuhukom. Naririto sa talatang ito ang pagpapayo sa mga namumuno na sila ay maging makatarungan sa paghatol at pamumuno sa pamamagitan ng pagpapatupad sa Rebelasyon mula sa Allâh (I), at huwag silang lumihis mula rito dahil sila ay maliligaw mula sa Daan ng Allâh (I).
27. At hindi Namin nilikha ang kalangitan at kalupaan at ang anuman na nasa pagitan nito nang walang kadahilanan at hindi bilang paglalaro lamang, ito ang paniniwala ng mga walang pananampalataya, na kung kaya, kapighatian sa kanila sa parusa sa Impiyerno sa Araw ng Muling Pagkabuhay; dahil sa kanilang maling paniniwala at di nila paniniwala sa Allâh (I).
28. Ituturing ba Namin ang mga naniwala at gumawa ng mga kabutihan na katulad ng mga naminsala rito sa kalupaan, o di kaya ay gagawin ba Namin ang mga matatakutin na mga mananampalataya sa Allâh (I) na katulad ng mga masasama na di-naniniwala? Itong pagpapantay sa ganitong mga katangian ay hindi tugma sa karunungan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas, na kung kaya, hindi sila magkakatulad sa paningin ng Allâh (I), sa halip, ginagantimpalaan ng Allâh (I) ang mga naniwala na mga matatakutin, at pinarurusahan Niya ang mga namiminsala na mga masasama.
29. Ang Aklat na ito, O Muhammad, na Aming ibinaba sa iyo ay punung-puno ng biyaya; upang suriin nila ang mga talata nito at sundin ang mga patnubay nito at paniwalaan ang mga katibayan nito, at upang maalaala ng mga nagtatangan ng matitinong pag-iisip ang anuman na ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila.
30. At ipinagkaloob Namin kay Dâwood ang kanyang anak na si Sulaymân, at biniyayaan Namin siya at pinatatag Namin ang kanyang kalooban sa pamamagitan niya. Napakabuting alipin si Sulaymân! Katiyakan, palagi niyang ibinabaling ang kanyang sarili sa Allâh (I) sa pamamagitan ng kanyang pagbabalik-loob sa Kanya at paghihingi ng kapatawaran.
31. Alalahanin mo, noong iniharap sa kanya sa oras ng ‘`Asr’ (dapit-hapon) ang sinanay at mga mabibilis na mga kabayo, na tumatayo sa pamamagitan ng tatlong paa at naiaangat nito ang pang-apat; dahil sa galing at gaan nito, at patuloy na ito ay nagpapamalas sa kanyang harapan hanggang sa sapitin ang paglubog ng araw.
32-33. Kanyang sinabi: “Katotohanan, mas minahal ko ang kayamanan kaysa pag-alaala sa Allâh (I),” hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin dahil sa kadiliman ng gabi. Pagkatapos ay kanyang sinabi: “Ibalik ninyo sa akin ang inyong ipinakitang kabayo.” Pagkatapos ay sinumulan niyang haplusin ang mga paa at leeg nito.
34-36. At katiyakan, sinubok Namin si Sulaymân at pinaupo Namin sa kanyang trono ang ‘Jasad’ – kalahating katawan na bata, na ito ay ipinanganak noong siya ay sumumpa sa Allâh (I) na iikutan niya ang lahat ng kanyang asawa at lahat sila ay magkakaroon ng anak na gagawin niyang mangangabayo na magaling sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I), subali’t hindi niya sinabi: “Insha`Allâh (I) – kapag ninais ng Allâh (I)!” at ginawa niyang ikutan ang lahat ng kanyang asawa at walang sinuman ang nagdalang-tao kundi isang babae lamang na ang kanyang naging anak ay kalahating katawan lamang, pagkatapos ay nanumbalik si Sulaymân sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at humingi ng kapatawaran.
Kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Patawarin Mo ako sa aking kasalanan, at ipagkaloob Mo sa akin ang bukod-tanging dakilang kaharian na hindi tataglayin ng sinumang tao pagkatapos ko, dahil walang pag-aalinlangan, Ikaw, O Allâh (I) ay ‘Al-Wahhab’ – sagana ang Kabutihan at bilang Tagapagkaloob.”
Na kung kaya, dininig Namin siya, at ginawa Namin na magpasailalim sa kanya ang hangin na gumagalaw na sumusunod sa kanyang kagustuhan, kahit gaano kalakas ito ay sumusunod sa kanyang kagustuhan.
37-39. At pinasunod din Namin sa kanya ang mga ‘Shaytân’ na ginagamit niya sa kanyang mga gawain: mayroon sa kanila ang tagapagtayo ng mga gusali, at mga tagasisid sa karagatan, at ang iba naman sa kanila ay mga masasamang ‘Shaytân’ na sila ay mga nakakadena.
Itong dakilang kaharian at bukod-tanging pagpapasailalim ng mga bagay sa iyo, O Sulaymân, ay isang kagandahang-loob mula sa Amin, na kung kaya, pagkalooban mo ang sinuman na iyong nais o pagkaitan mo man ang sinuman na iyong nais ay wala kang pananagutan hinggil dito.
40. At katiyakan, si Sulaymân para sa Amin sa Kabilang-Buhay ay kabilang sa mga malalapit at mabuti ang kanyang patutunguhan.
41. At alalahanin mo, O Muhammad, ang Aming alipin na si Ayyûb (u), noong siya ay nanalangin sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Katiyakan, si ‘Shaytân’ ay nagpakana sa akin ng pagpapahirap, pasakit at pagdadalamhati; na nasira ang aking katawan, kayamanan at pamilya.”
42. Sinabi Namin sa kanya: “Isikad mo ang iyong paa sa kalupaan at bubukal mula roon ang malamig na tubig, na kung kaya, uminom ka mula roon at maligo ka at mawawala sa iyo ang sakit at ang anuman na iyong pasakit.”
43. At pinagaling Namin ang kanyang sakit at pinarangalan Namin siya, at ipinagkaloob Namin sa kanya ang kanyang pamilya na asawa’t anak, at dinagdagan pa namin ng katulad pa nila ng mga anak at mga apo, lahat ng mga ito ay biyaya at awa mula sa Amin bilang parangal sa kanya dahil sa kanyang pagtitiis, at aral, paalaala sa mga nagtatangan ng matinong pag-iisip; upang mabatid nila na ang kapalit ng pagtitiis ay kaginhawahan at kaligtasan sa anumang kapighatian.
44. At sinabi Namin sa kanya: “Kunin mo sa pamamagitan ng iyong kamay ang isang bungkos ng maninipis na dahon at ipalo mo sa iyong asawa bilang pagpapatupad ng iyong panumpaan, at huwag mong sirain ang iyong sinumpaan; dahil siya noon ay sumumpa na papaluin niya ng isang daang palo ang kanyang asawa dahil sa kanyang nagawang kasalanan.” Katiyakan, natagpuaan Namin si Ayyûb na matiisin sa mga pagsubok, napakabuti niyang alipin dahil siya ay palaging nagbabalik-loob sa Allâh (I) at sumusunod.
45. At alalahanin mo, O Muhammad, ang Aming mga alipin at mga Propeta: na si Ibrâhim (u), si Ishâq (u) at si Ya`qûb (u); dahil sila ay walang pag-aalinlangang matatatag sa pagsunod sa Allâh (I) at matutuwid sa kanilang pagsunod sa ‘Deen’ ng Allâh (I).
46-47. Katiyakan, binukod-tangi Namin sila ng dakilang pagtatangi, dahil inilagay Namin sa kanilang mga puso ang pag-alaala sa Kabilang-Buhay, na kung kaya, sumunod sila sa Allâh (I), at inaanyayahan nila ang mga tao tungo rito, at pinaalalahanan nila ang mga tao hinggil dito. Katiyakan, sila para sa Amin ay kabilang sa Aming mga pinili upang sumunod, at pinili Namin sila sa Aming mensahe.
48. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), ang Aming mga alipin: si Ismâ`il (u), Alyasa` (u) at si Dhul-Kifl (u), nang magandang pag-alaala; dahil katiyakang bawa’t isa sa kanila ay kabilang sa mga mabubuti na pinili ng Allâh (I) mula sa Kanyang mga nilikha, at pinili ng Allâh (I) para sa kanila ang ganap na kalagayan at katangian.
49-51. Itong Qur’ân ay paalaala at karangalan para sa iyo, O Muhammad, at sa iyong sambayanan na mga tagasunod. At katiyakan, para sa mga matatakutin sa Allâh (I) at sumusunod sa Kanya ang mabuting patutunguhan sa Amin sa mga Hardin na kanilang tutuluyan, na kung saan, nakabukas para sa kanila ang mga pintuan nito, na sila ay mga nakasandal sa mga upuan na pinalamutian, hihingin nila ang anuman na nais nila na iba’t ibang uri ng mga prutas na napakasagana at maraming uri ng inumin, na mula sa anumang kagustuhan ng kanilang mga sarili, na naiibigan ng kanilang mga paningin.
52. At para rin sa kanila ang mga kababaihan na bukod-tanging nakatuon lamang ang kanilang paningin sa kanilang mga asawa (na mga kalalakihan), na pare-pareho ang kanilang mga edad.
53-54. Itong kasiyahan ang mga ipinangako sa inyo, O kayong mga matatakutin sa Allâh (I), sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at katiyakan, ito ay Aming ipagkakaloob sa inyo na kabuhayan na walang katapusan at walang pagkaubos.
55-56. Itong nabanggit na mga katangian ay para lamang sa mga matatakutin sa Allâh (I). Subali’t ang mga lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I) sa pamamagitan ng di-paniniwala at mga pagkakasala, ay para sa kanila ang pinakamasamang patutunguhan, na ito ay Impiyerno na roon sila ay parurusahan na napalilibutan sila ng apoy sa lahat ng dako, na kung kaya, napakasamang higaan ang kanilang pahingahan.
57-58. Itong parusa ay tubig na napakainit, at nana na tumatagas mula sa katawan ng mga nasa Impiyerno, na kung kaya, inumin nila at lasapin nila ito, at mayroon pang iba’t ibang uri ng parusa para sa kanila na kahawig din nito.
59. At kapag dumating na ang mga masasama sa Impiyerno ay mumurahin nila ang isa’t isa, at sasabhin nila sa isa’t isa: “Ito ay grupo na kabilang sa makapapasok sa Impiyerno na kasama sa inyo na papasok,” at tutugon sila: “Hindi namin sila tinatanggap dito, at wala na silang lugar na patutunguhan sa Impiyerno! Katiyakang sila ay susunugin sa mainit na Impiyerno na katulad ng aming paghihirap.”
60. Sasabihin naman ng kasunod na grupo na tagasunod ng mga masasama: “Hindi ang inyong inaakala ang katotohanan kundi kayo ang talagang hindi katanggap-tanggap dito; dahil kayo ang nagdala sa amin dito sa tirahan sa Impiyerno dahil iniligaw ninyo kami sa daigdig, at napakasamang patutunguhan ang Impiyernong-Apoy.”
61. At nananalangin sila na sinabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ang sinumang nanligaw sa amin sa daigdig na inilayo kami sa patnubay ay doblehin mo para sa kanya ang parusa sa Impiyerno.”
62-63. At sasabihin ng mga masasama: “Bakit hindi natin nakikita rito sa Impiyerno ang mga kalalakihan na ibinilang natin sila na kabilang sa mga masasama sa daigdig? Ang pagmamaliit ba natin sa kanila at pag-aalipusta ay isang kamalian o sila ba ay talagang kasama pa rin natin sa Impiyerno subali’t hindi lamang natin sila nakikita?”
64. Katiyakan, ito ay pagtatalo ng mga nasa Impiyernong-Apoy, at itong pagtatalo ng mga nasa Impiyernong-Apoy at pag-aaway-away nila ay katotohanan na tiyak na magaganap.
65. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan: “Katiyakan, binabalaan ko lamang kayo mula sa parusa ng Allâh (I) na ito ay katiyakang mangyayari sa inyo; dahil sa inyong pagtanggi at di-paniniwala, at walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na Siya ay Bukod-Tangi at Nag-iisa sa Kanyang paglikha, na ‘Al-Qahhâr’ – ang Tagapagkuntrol na kuntrolado Niya ang lahat ng bagay na nagagapi Niya ang lahat.
66. “Siya ay Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan at ang anumang nasa pagitan nitong dalawa, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang paghihiganti, na ‘Al-Ghaffâr’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng sinumang nagsipagsisi at nagbabalik-loob tungo sa Kanyang pagmamahal.”
67-68. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan, “Katiyakan, itong Banal na Qur’ân ay magandang balita na dakila ang kapakinabangan nito, subali’t kayo ay nakaliligtaan ninyo ito na nilalayuan ninyo na hindi ninyo sinusunod!
69. “Walang akong kaalaman sa marangal na pagtatalo ng mga anghel sa kalangitan hinggil sa paglikha kay Âdam, kung hindi ito itinuro ng Allâh (I) sa akin at binigyan Niya ako ng kapahayagan.
70. “Hindi ako pinagpayahagan ng Allâh (I) ng kaaalaman na hindi ko alam kundi upang balaan ko kayo sa Kanyang kaparusahan at linawin sa inyo ang Kanyang batas.”
71-72. Ipaalaala mo sa kanila, O Muhammad (r): “Noong sinabi ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga anghel, ‘Katiyakan, Ako ay lilikha ng isang tao mula sa alabok. At kapag naihugis Ko na ang kanyang katawan at nalikha Ko na siya, at naihinga Ko na sa kanya ang kanyang kaluluwa, at nagkaroon na siya ng buhay ay magpatirapa kayo sa kanya ng pagpapatirapa bilang pagbati at parangal, at hindi bilang pagsamba at pagdakila; dahil ang pagsamba ay hindi maaari kundi sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi. Subali’t sa batas ng huling kapayahagan ang pagpapatirapa bilang pagbati at parangal ay ipinagbawal na.’”.
73-74. Nagpatirapa ang lahat ng mga anghel bilang pagsunod at pagpapatupad sa kagustuhan ng Allâh (I) maliban kay Iblees, dahil walang pag-aalinlangan, hindi siya nagpatirapa bilang pagmamataas at siya ay kabilang sa mga walang pananampalataya na nauna na sa kaalaman ng Allâh (I).
75. Sinabi ng Allâh (I) kay Iblees: “Ano ang nagpigil sa iyo na magpatirapa sa kanya na pinarangalan Ko at nilikha Ko siya sa pamamagitan ng Aking dalawang kamay? Nagmataas ka ba kay Âdam o ikaw ay kabilang sa mga mapagmataas sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha?” Nasa talatang ito ang katibayan hinggil sa katangian ng Allâh (I) na dalawang kamay ayon sa pagtatangi na angkop sa Kanyang kadakilaan.
76. Sinabi ni Iblees bilang pagsalungat sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Hindi ako nagpatirapa sa kanya, dahil ako ay mas higit na mabuti kaysa sa kanya, dahil sa nilikha Mo ako mula sa apoy at siya ay nilikha Mo mula sa alabok.” (At ang apoy ay mas mabuti kaysa sa alabok batay sa pananaw ni Iblees).
77-78. Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Umalis ka sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), dahil ikaw ay isinumpa, at ikaw ay inilayo, at katiyakang para sa iyo ay pagtataboy at patuloy na paglalayo mula sa Awa ng Allâh (I) hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”
79. Sinabi ni Iblees: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Iantala mo ang aking buhay, at huwag Mo akong patayin hanggang sa Araw na bubuhayin Mo na mag-uli ang mga tao mula sa kanilang mga libingan.”
80-81. Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Katiyakan, ikaw ay kabilang sa inantala hanggang sa panahon na nakatakda, na ito ay Araw ng unang pag-ihip ng trumpeta na roon ay mamamatay ang lahat ng mga nilikha.”
82-83. Sinabi ni Iblees: “Sumusumpa ako sa Kataas-taasan Mo at Kadakilaan Mo, O aking ‘Rabb!’ Ililigaw ko ang lahat ng angkan ni Âdam, maliban sa sinumang taos-puso, dalisay sa pagsamba sa Iyo mula sa kanila at pinangalagaan Mo mula sa aking pagligaw at hindi Mo ako binigyan ng daan tungo sa kanila.”
84-85. Sinabi ng Allâh (I): “Ang katotohanan ay mula sa Akin, at wala Akong sinasabi maliban sa katotohanan, walang pag-aalinlangan, pupunuin Ko ang Impiyerno magmula sa iyo at sa iyong mga angkan, ganoon din ang sinumang susunod sa iyo mula sa angkan ni Âdam, lahat-lahat.”
86. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga hindi naniniwala mula sa iyong sambayanan: “Hindi ako humihingi sa inyo ng kabayaran o kapalit sa aking paanyaya sa inyo at paggagabay, at hindi ko inaangkin ang anuman na wala akong karapatan, kundi ang sinusunod ko lamang ay ang anuman na ipinahayag sa akin, hindi ako nagkukunwari, nagmamaang-maangan at hindi ako nag-iimbento.”
87. Ang Banal na Qur’ân na ito ay walang iba kundi paalala sa lahat ng mga nilalang, ‘jinn’ man o tao, na matutunan nila rito ang anumang kapaki-pakinabang sa kanila na makabubuti sa kanilang paniniwala at sa makamundong buhay.
88. Walang pag-aalinlangan, malalaman ninyo, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), ang kuwento ng Qur’ân na ito at ang pagiging totoo nito, kapag nangibabaw na ang Islâm, at papasok na ang mga tao rito nang magkakasunod na mga grupo, at ganoon din kapag nangyari na sa inyo ang kaparusahan, at wala na kayong magagawa na anumang kaparaanan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment