Sunday, May 16, 2010

Sûrat Maryam

19
XIX – Sûrat Maryam
[Kabanata Maryam – (Si Birheng) Maria]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh (I) ang Pinakamaawain, ang Pinakamapagmahal
1. Kãf-Ha-Ya-`Ãyn-Sãd. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Ito ay pagpapaalaala sa Awa at Biyaya ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kanyang alipin na si Zakariyyâ (u), na Aming isasalaysay sa iyo, dahil sa may aral na nakapaloob sa kuwentong ito sa mga nag-iisip nang malalim na nagnanais na makakuha ng aral.

3. Nang siya ay nanalangin nang palihim sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; upang ganap na mabuo ang kanyang taos-puso na panalangin at higit itong maging katanggap-tanggap.

4. Kanyang sinabi: “Aking ‘Rabb!’ Ako ay tumanda na at uugud-ugod na, na mahina na ang aking mga buto, at kumalat na ang mga puting buhok sa aking ulunan, at kailanman ay hindi Mo tinanggihan ang aking mga panalangin noon sa Iyo, O aking ‘Rabb!’

5. “At katiyakan na ako ay nangangamba, na ang aking mga kamag-anak ay hindi nila maipagpapatuloy ang pagpapatupad ng Iyong ‘Deen’ sa pinakatamang kaparaanan nito pagkatapos ng aking kamatayan, at hindi nila hihikayatin ang Iyong mga alipin tungo sa Iyo, at ang aking asawa naman ay isa nang baog na hindi na nanganganak, na kung kaya, pagkalooban Mo ako ng anak mula sa Iyo na magmamana sa aking tungkulin at aking magiging kaagapay.

6. “Na mamanahin niya ang aking pagiging Propeta, ako at ang mga Propeta mula sa angkan ni Ya`qub (u), at gawin Mo siyang anak na kalugud-lugod sa Iyo at ibilang sa mga alipin Mo na sumusunod!”

7. (Sinabi ng Allâh [I]:) “O Zakariyyâ! Katiyakan, ipinagkakaloob Namin sa iyo ang magandang balita bilang katugunan sa iyong panalangin, na walang pag-aalinlangang ipagkakaloob Namin sa iyo ang bata na ang kanyang magiging pangalan ay si Yahyâ (u), na hindi pa Kami nagbigay ng ganitong pangalan sa sinuman na nauna sa kanya.”

8. Sinabi ni Zakariyyâ bilang pagkamangha: “O aking ‘Rabb!’ Paano ako magkakaroon ng anak, samantalang ang aking asawa ay isa nang baog na hindi na nanganganak, at ako ay umabot na sa matinding katandaan?”

9. Sinabi ng anghel bilang pagtugon sa pagkamangha ni Zakariyyâ: “Ganoon ang tunay na pangyayari na tulad ng iyong sinasabi na pagiging baog ng iyong asawa at pag-abot mo sa matinding katandaan, subali’t ang iyong ‘Rabb’ ay nagsabi: “Ang paglikha kay Yahyâ sa ganitong pamamaraan ay napakadali para sa Allâh (I),” pagkatapos ipinaalaala ng Allâh (I) kay Zakariyyâ ang mas nakagugulat kaysa sa kanyang tinatanong, na Kanyang sinabi: “Katiyakan, nilikha kita noon bago pa kay Yahyâ, samantalang ikaw ay wala.”

10. Sinabi ni Zakariyyâ bilang karagdagan na pagkakatiyak: “O aking ‘Rabb!’ Pagkalooban Mo ako ng tanda na magkakatotoo ang magandang balita na ibinalita sa akin ng mga anghel.” Kanyang sinabi: “Ang palatandaan ay hindi mo kayang makipag-usap sa mga tao sa loob ng tatlong gabi at tatlong araw samantalang ikaw ay walang sakit.”

11. Lumabas si Zakariyyâ mula sa ‘Mihrâb’ – na ito ang lugar na kanyang pinagdarasalan na kung saan sa lugar na ito ipinagkaloob sa kanya ang balita na siya ay magkakaroon ng anak – na humarap sa kanyang sambayanan at kanyang isinenyas sa kanila, na purihin nila ang Allâh (I) sa umaga at sa hapon bilang pagpapasalamat sa Kanya.

12. (Sinabi niya sa kanyang anak): “O Yahyâ! Panghawakan mo ang ‘Tawrah’ nang mahigpit at magsumigasig ka sa pagpapatupad nito, pagsasaulo at pag-iintindi ng mga talata nito.” At pinagkalooban Namin siya ng karunungan at tamang pagkakaunawa habang siya ay maliit pa lamang.

13. At pinagkalooban Namin siya ng awa at pagmamahal mula sa Amin, at kadalisayan na malayo mula sa mga pagkakasala, at siya ay may takot na sumusunod sa Allâh (I), na isinasagawa ang mga ipinag-uutos at iniiwasan ang Kanyang ipinagbabawal.

14. At siya ay mabuti at magalang sa kanyang mga magulang at sumusunod sa kanila, at hindi siya nagmamataas sa pagsunod niya sa kanyang ‘Rabb’ at ganoon din sa kanyang mga magulang, na siya ay ganap na sumusunod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa kanyang mga magulang.

15. At kapayapaan mula sa Allâh (I) para kay Yahyâ (u) at kaligtasan para sa kanya mula sa araw na siya ay ipinanganak, at sa araw na siya ay mamamatay at sa araw na siya ay bubuhayin na mag-uli mula sa libingan.

16. At ipahayag mo, O Muhammad (r), ang kuwento hinggil kay Maryam (‘`alayhas salâm’) na nasa Banal na Qur’ân noong siya ay lumayo sa kanyang pamilya, na siya ay nagtungo sa karatig na lugar sa gawing silangan.

17. At siya ay naglagay ng harang (dumistansiya o lumayo) sa pagitan ng kanyang pamilya at sa mga tao, at ipinadala Namin sa kanya si anghel Jibril (u), na nag-anyong tao na kapita-pitagan para sa kanyang paningin.

18. Sinabi niya: “Katiyakan, hinihiling ko ang kalinga ng Pinakamahabaging Allâh (I) mula sa iyo, upang hindi ka makagawa ng masama laban sa akin kung ikaw ay tunay na may takot sa Allâh (I).”

19. Sinabi ng anghel sa kanya: “Katiyakan, ako ay Sugo ng iyong ‘Rabb’ na ipinadala sa iyo; upang ipagkaloob sa iyo ang malinis na sanggol mula sa anumang dungis ng kasalanan.”

20. Sinabi niya sa anghel: “Paano ako magkakaroon ng sanggol gayong walang sinuman ang nakahipo sa akin sa legal na pamamaraan bilang asawa at hindi ako mahalay na babae?”

21. Sinabi sa kanya ng anghel: “Ganoon ang tunay na pangyayari na katulad ng iyong sinasabi na walang sinumang lalaki ang humipo sa iyo at hindi ka mahalay, subali’t ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay nagsabi: ‘Ang pangyayari ay napakadali para sa Akin; upang magkaroon ng ganitong uri ng sanggol bilang tanda ng katibayan para sa mga tao na nagpapatunay sa kapangyarihan ng Allâh (I), at siya (sanggol) ay Awa mula sa Amin, at magiging masunurin sa kanyang ina at mabuti sa sangkatauhan, na ang paglikha kay `Îsã (Hesus u) sa ganitong pamamaraan ay naitakda na, naitala na sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ na kung kaya, ito ay walang pag-aalinlangang magaganap.”

22. At nagdalang-tao si Maryam pagkatapos hipan ni Jibril (u) ang kanyang kasuotan sa gawing dibdib na bahagi, hanggang sa ang pag-ihip na ito ay umabot sa kanyang sinapupunan at nangyari ang pagdadalang-tao dahil doon, at siya ay umalis at nagtungo sa lugar na malayo sa mga tao.

23. At dumating sa kanya ang paghilab ng tiyan sa ilalim ng puno ng palmera ng ‘Tamr’ (o datiles), bilang tanda na malapit na siyang manganak, at kanyang sinabi: “Kaawa-awa naman ako, sana ay namatay na ako bago pa ito nangyari, at ako ay limot na ng mga tao na hindi na nila maalaala at malayo na sa kanilang pananaw.”

24. At tinawag siya ni anghel Jibril, na sinasabing, “Huwag kang magdalamhati, dahil katiyakang pinagkalooban ka ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng tubig na dumadaloy sa iyong paanan.”

25. “At yugyugin mo ang puno ng palmera ng ‘Tamr’ na nasa iyong harapan, na sasanhiin na malalaglag sa iyo nang kusa ang mga sariwang bunga ng ‘Tamr’ na kalalaglag pa lamang mula sa puno.

26. “Pagkatapos ay kumain ka mula sa sariwang ‘Tamr’ na ito at uminom mula sa tubig at magalak ka sa iyong sarili dahil sa iyong bagong silang na sanggol. At kapag may nakatagpo ka na sinumang tao na nagtanong hinggil sa iyo, na kung ano ang nangyari sa iyo, tugunan mo siya sa pamamagitan ng senyas, na sabihin mo, ‘Katiyakan, ipinangako ko sa aking sarili na ako ay hindi magsasalita; na kung kaya, mula ngayon ay hindi muna ako makikipag-usap sa mga tao.’” Ang hindi pagsasalita sa batas nila noon ay ibinibilang na pagsamba at ito ay wala na sa batas na ibinigay kay Propeta Muhammad (r) sa ngayon.
27. At si Maryam ay nagtungo sa kanyang sambayanan na dala-dala niya ang sanggol mula sa lugar na kanyang pinagmulan, at noong siya ay kanilang nakita sa ganoong kalagayan, kanilang sinabi sa kanya: “O Maryam! Katiyakang nagdala ka ng isang kasindak-sindak na pangyayari.”

28. “O kapatid na babae ng mabuting tao na si Haroun! Kailanman ang iyong ama ay hindi naging masamang tao na gumawa ng kahalayan at gayon din ang iyong ina na hindi masamang babae na nakiapid.”

29. Pagkatapos ay itinuro niya ang bagong sanggol na si `Îsã upang siya ang kanilang tanungin at pagsalitain, at kanilang sinabi nang may pagkamangha at di pagsang-ayon: “Paano kami makikipag-usap sa isang sanggol na nasa kuna (duyan) at sumususo pa lamang?”

30. Tumugon ang sanggol na si `Îsã na nasa kuna pa lamang na sumususo: “Katiyakan, ako ay alipin ng Allâh, na Siyang nagpasiya na ako ay pagkalooban ng Aklat na ‘Injeel,’ at ginawa Niya akong Propeta.

31. “At ginawa Niya akong mapagpala at kapaki-pakinabang kahit saan man ako naroroon, at inutusan Niya ako na pangalagaan ang pagsasagawa ng ‘Salâh’ at magbigay ng obligadong kawanggawa habang ako ay nabubuhay.

32. “At ginawa Niya akong mabuti at masunurin sa aking ina, at hindi Niya ako ginawa na mapagmataas na masama na hindi sumusunod sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha.”
33. “At ang kapayapaan at kaligtasan ay sumaakin mula sa Allâh (I) sa araw na ako ay ipinanganak, at sa araw na ako ay mamamatay, at sa araw na ako ay bubuhayin na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”

34. Ganito ang kuwento hinggil kay `Îsã, na ikinukwento Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang kanyang katangian at buhay, na siya, si `Îsã na anak ni Maryam ay walang pag-aalinlangan na makatotohanan na siyang pinag-aalinlanganan ng mga Hudyo at mga Kristiyano.

35. At hindi maaari sa Allâh (I) at hindi angkop sa Kanyang Kadakilaan na Siya ay magkaroon mula sa Kanyang alipin at nilikha ng anak, Luwalhati at Kadalisayan sa Kanya, na kapag Siya ay nagpasiya at nagnais ng anumang bagay na maliit o malaki man ay walang anuman ang makapipigil sa Kanya, kundi sinasabi Niya lamang dito: “Kun fayakun!” – “Mangyari at ito ay mangyayari,” ayon sa Kanyang pinagpasiyahan at kagustuhan!

36. At sinabi ni `Îsã sa kanyang sambayanan: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, sambahin ninyo Siya nang bukod-tangi na walang katambal, at ito ang Matuwid na Landas.”

37. At pagkatapos ay nagkasalungatan ang iba’t ibang grupo ng mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) hinggil kay `Îsã, mayroon sa kanilang nagmalabis at ito ay ang mga Kristiyano dahil mayroon sa kanila ang nagsasabi na siya ang Allâh (I), at mayroon namang nagsabi na siya ay anak ng Allâh (I), at mayroon namang nagsasabi na siya ay isa sa tatlong persona. Ligtas ang Allâh (I) at Napakadakila hinggil sa anumang kanilang itinatanging kasinungalingan. At mayroon naman sa mga ‘Ahlul Kitâb’ na mas mababa ang pagturing sa kanya at siya ay hinamak, na ito ay ang mga Hudyo dahil sa kanilang sinabi na: “Siya ay nagsasagawa ng ‘Sihr’ o salamangka.” At mayroon naman sa kanila na nagsasabi na siya ay anak ni Yûsuf na karpentero.

Na kung kaya, kapahamakan para sa mga yaong lumabag kapag sila ay humarap sa kalagim-lagim na dakilang Araw, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay.

38. Napakalinaw ang kanilang pandinig at paningin sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na sa Araw na yaon ay haharap sila sa Amin, sa panahon na wala nang pakinabang ito sa kanila subali’t ang mga masasama ngayon dito sa daigdig ay nasa malayo at malinaw na kamalian na pagkalayu-layo mula sa katotohanan.

39. At balaan mo ang mga tao, O Muhammad (r), hinggil sa pagdating ng Araw ng pagsisisi at pagdadalamhati, kapag pinagpasiyahan na ang isang bagay, at ihaharap sa kanila ang kamatayan sa kaanyuan ng isang tupa na ito ay kakatayin, at pagpapasiyahan na ang katotohanan. At ang mga mananampalataya ay patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at ang mga walang pananampalataya naman ay sa Impiyerno, samantalang sila sa kasalukuyang buhay dito sa daigdig ay nasa kapabayaan at kinalimutan nila kung ano ang ibinigay na babala sa kanila, na kung kaya, sila ay hindi naniwala at hindi gumagawa ng kabutihan.
40. Katiyakan, Kami ang magmamana ng buong kalupaan at ang anuman na niloloob nito pagkatapos nila at Kami ang magpapasiya sa kanila, at sa Amin silang lahat ay magbabalik at huhukuman at gagantihan Namin sila ayon sa kung ano ang kanilang nagawa.

41. At ipahayag mo sa iyong sambayanan, O Muhammad (r), mula sa Banal na Qur’ân ang kuwento hinggil kay Ibrâhim (u), na walang pag-aalinlangan na napakadakila ang kanyang katapatan, at siya ay kabilang sa mga Propeta ng Allâh (I) na matataas ang kanilang antas.

42. Noong sinabi niya sa kanyang ama na si ‘Âzar: “O aking ama! Paano mo sinasamba ang mga diyus-diyosan na hindi nakaririnig at hindi nakakikita, at hindi ka mapapangalagaan ng sinasamba mo bukod sa Allâh (I) sa anumang bagay na di-kanais-nais?

43. “O aking ama! Katiyakan, pinagkalooban ako ng Allâh (I) ng kaalaman na hindi ipinagkaloob sa iyo, na kung kaya, tanggapin mo ito mula sa akin, at sundin mo ako tungo sa aking paanyaya sa iyo, dahil ginagabayan kita tungo sa Matuwid na Landas na ikaw ay di-maliligaw.

44. “O aking ama! Huwag mong sundin si ‘Shaytân,’ na dahil sa kanya ay sinamba mo ang mga rebultong ito na diyus-diyosan; dahil katiyakang si ‘Shaytân’ ay nilabag niya ang Allâh (I) na Pinakamahabagin at hindi niya sinunod ang Allâh (I) bilang pagmamataas.
45. “O aking ama! Katiyakan, ako ay nangangamba na kayo ay mamamatay na walang pananampalataya, at mangyayari sa iyo ang parusa na mula sa Allâh (I) na Pinakamahabagin, at ikaw ay maging kasama ni ‘Shaytân’ sa Impiyerno.”

46. Sinabi ng ama ni Ibrâhim sa kanyang anak: “Tinatanggahin mo ba ang pagsamba sa aming mga diyus-diyosan, O Ibrâhim? Kung hindi ka titigil sa iyong pag-aalipusta sa aming mga diyus-diyosan ay papatayin kita sa pamamagitan ng pagbabato, na kung kaya, lumayo ka sa akin na ligtas at huwag mo na akong diktahan, at huwag kang mag-aksaya ng panahon sa pakikipag-usap sa akin.”

47. Sinabi ni Ibrâhim sa kanyang ama: “Kapayapaan ay sumaiyo mula sa akin! Na walang anumang bagay na maaaring mangyari sa iyo na hindi kanais-nais mula sa akin, at walang pag-aalinlangang idadalangin ko sa Allâh (I) ang iyong gabay at kapatawaran. Katiyakan, ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa akin na ipinagkakaloob Niya sa akin ang anuman na aking panalangin.

48. “At ako ay lalayo mula sa inyo at sa inyong mga diyus-diyosan na sinasamba bukod sa Allâh (I), at ako ay mananalangin sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang taimtim, na sana ay hindi ako biguin ng aking ‘Rabb’ sa aking panalangin at ipagkakaloob Niya ito sa akin.”

49. At nang siya ay lumayo na sa kanila at sa kanilang mga diyus-diyosan na mga sinasamba ay pinagkalooban Namin siya ng sanggol na anak na si Ishâq (u), at mula kay Ishâq ay ang kanyang anak na si Ya`qub (u) at ginawa Namin sila na mga Propeta.

50. At ipinagkaloob Namin sa kanilang lahat ang Awa mula sa Amin bilang kagandahang-loob na walang hangganan, at ipinagkaloob Namin sa kanila ang karangalan na sila ay mananatiling pupurihin ng mga tao.

51. At ipahayag mo pa rin, O Muhammad (r), mula sa Banal na Qur’ân, ang kuwento ni Mousâ (u) dahil siya ay walang pag-aalinlangang pinili ng Allâh (I) bilang Sugo at Propeta na kabilang sa mga matatag na mga Sugo.

52. At tinawag Namin si Mousâ mula sa gawing kanan ng bundok ng Tûr sa lugar ng Sinai at inilapit Namin siya sa Amin at pinarangalan sa pamamagitan ng mahinang pakikipag-usap. Sa talatang ito ang pagpapatunay sa katangian ng Allâh (I) na pagsasalita ayon sa Kanyang Kadakilaan at Kaganapan.
53. At ipinagkaloob Namin kay Mousâ sa pamamagitan ng Aming Awa at Biyaya ang kanyang kapatid na si Hâroun (u) na pinili Namin bilang Propeta upang maging katulong niya.

54. At ipahayag mo, O Muhammad (r), mula sa Banal na Qur’ân, ang kuwento ni Ismâ`il, dahil katiyakan, siya ay tapat sa kanyang pangako, na wala siyang ipinangako na di niya tinupad, na siya ay Sugo at Propeta

55. At ipinag-utos niya sa kanyang pamilya na magsagawa ng ‘Salâh’ at magbigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) at siya ay kalugud-lugod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Pinakadakila at Kataas-taasan.

56. At ipahayag mo rin, O Muhammad (r), mula sa Banal na Qur’ân, ang kuwento ni Idrîs (Enoch u), dahil katiyakan, siya ay napakadakila sa kanyang katapatan, sa kanyang salita at gawa, na siya ay Propeta na pinagkalooban ng rebelasyon.

57. At iniangat Namin ang kanyang karangalan mula sa sangkatauhan at kabilang sa mga matataas na antas mula sa mga malalapit sa Allâh (I).

58. Sila ang mga yaong ikinuwento Ko sa iyo ang hinggil sa kanila, O Muhammad (r), na mga biniyayaan ng Allâh (I) mula sa Kanyang Kagandahang-Loob at Gabay, na kung kaya, hinirang sila bilang mga Propeta mula sa angkan ni Âdam (u), at ang iba sa kanila ay nagmula sa lahi ng mga isinakay Namin sa Arka na kasama ni Nûh (u). At ang iba naman sa kanila ay nagmula sa lahi ni Ibrâhim (u) at ang iba naman sa kanila ay nagmula sa lahi ni Ya`qub (u), at sila ay nagmulang lahat sa mga yaong ginabayan Namin sa Tamang Paniniwala at pinili Namin para sa Mensahe ng Allâh (I) at pagiging Propeta, na kung kaya, kapag binigkas sa kanila ang mga Talata mula sa ipinahayag ng Allâh (I) na Pinakamahabagin na nagsasaad ng Kanyang Kaisahan at mga Katibayan, ay nagpapatirapa sila bilang pagpapakumbaba sa Allâh (I) at nagsisiluha bilang takot sa Allâh (I).

59. At dumating pagkatapos nila na mga biniyayaan ang mga masasama na hindi na nagsasagawa ng ‘Salâh’ o kung isinasagawa man nila ito ay wala na sa tamang oras, o di kaya ay nawala na ang mga yaong haligi o pundasyon ng ‘Salâh’ at mga obligasyon nito na gawain, at ang sinunod lamang nila ay ang kanilang sariling kagustuhan. Na kung kaya, walang pag-aalinlangang matatamo nila ang napakasama at karima-rimarim na bagay, at pagkaligaw at pagkasawi sa Impiyerno.

60. Subali’t sinuman ang nagsisisi mula sa kanila sa kanyang nagawang kasalanan at naniwala sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na gumawa ng kabutihan bilang patunay sa kanyang pagsisisi, ay walang pag-aalinlangang tatanggapin ng Allâh (I) sa kanila ang kanilang pagsisisi, at papapasukin sila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) kasama ang mga mananampalataya na hindi mababawasan nang kahit kaunti ang anumang nagawa nilang kabutihan.

61. Na ito ay mga Hardin na walang hanggan na roon sila ay mananatili, na ito ang ipinangako ng Pinakamahabaging Allâh (I) sa Kanyang mga alipin, na pangakong di nila nakikita subali’t pinaniwalaan nila kahit di pa nila ito nakita. Katiyakan, ang ipinangako ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin na ‘Al-Jannah’ ay walang pag-aalinlangan na tiyak na magaganap.

62. Na hindi makaririnig ang mga nasa Hardin ng kahit na anumang salita na hindi makabuluhan, kundi ang maririnig lamang nila ay ‘Salâm’ bilang pagbati sa kanila, at para sa kanilang kabuhayan doon ay patuloy na walang katapusang mga pagkain at inumin, sa kung kailan nila ito naisin, umaga man o hapon.

63. Ganito ang Hardin sa pagiging mga katangian nito, na Aming ipamamana at ipagkakaloob sa Aming mga mabubuti at matatakutin na mga alipin dahil sa kanilang pagsunod sa Aming mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Aming mga ipinagbabawal.

64. At sabihin mo, O Jibril (u) kay Muhammad (r): Hindi kami bumababa, maging ang mga anghel mula sa kalangitan tungo sa kalupaan, kundi ito ay Kautusan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa amin, na Siyang nagmamay-ari ng anumang nasa harapan na kabilang doon ang anumang mangyayari sa amin sa hinaharap sa Kabilang-Buhay at ang anumang nakalipas nang makamundong buhay, at gayon din ang anuman na nasa pagitan ng dalawang ito, na kung kaya, Pagmamay-ari Niyang lahat ang nasa panahon at lugar; kailanman ay walang anumang bagay ang Kanyang makaliligtaan.

65. Na Siya ang Allâh (I), ang ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan at ng anuman na nasa pagitan ng mga ito, na Siya ang Nagmamay-ari nitong lahat, Tagapaglikha at Tagapangasiwa, na kung kaya, sambahin mo Siya, O Muhammad (r), nang bukod-tangi at magtiis ka sa pagsunod mo sa Kanya, gayon din ang sinumang susunod sa iyo, Siya ay walang anumang katulad sa Kanyang Sarili, sa Kanyang mga Pangalan, sa Kanyang mga Katangian at sa Kanyang mga Gawain.
66. At sasabihin ng mga taong walang pananamapalataya bilang pagtanggi sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan: “Kapag ako ba ay namatay at naglaho na, ay mabubuhay pa ba akong muli at lilitaw mula sa aking libingan?”

67. Paano nakaligtaan ng taong walang pananampalatayang ito ang kanya mismong sarili? Hindi niya ba naaalaala na nilikha Namin siya sa unang pagkakataon, samantalang siya ay nagmula sa wala?

68. Samakatuwid sumusumpa Ako sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), na titipunin Namin ang lahat ng mga hindi naniwala sa pagkabuhay na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay at kasama ang mga ‘Shaytân’ (Satanas) at dadalhin Namin silang lahat sa palibot ng Impiyerno na sila ay maninikluhod, dahil sa kagimbal-gimbal na kanilang nasaksihan ay hindi na nila makakayanan pang tumayo.

69. Pagkatapos ay kakaladkarin Namin mula sa bawa’t grupo ang sinumang pinakamatindi ang kanyang paghihimagsik at paglabag sa Allâh (I) at siya ang uunahin Naming parurusahan.

70. Pagkatapos, walang pag-aalinlangan, Kami ay Ganap na Nakaaalam sa mga yaong karapat-dapat na makapasok ng Impiyerno at magdusa sa lagablab nito.

71. At walang sinuman sa inyo, O kayong mga tao, kundi makararaan dito sa Impiyerno sa pamamagitan ng pagdaan sa tulay na inilagay sa ibabaw nito, na ang bawa’t isa ay makakaraan dito batay sa kanyang gawa, at ito ay Itinakda ng Allâh (I) at pinagpasiyahan na walang pag-aalinlangang magaganap.
72. Pagkatapos ay iniligtas Namin ang mga yaong may takot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kagustuhan at paglayo sa anumang labag sa Kanya, at pababayaan Namin sa Impiyerno ang mga mapang-api sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang paglabag na sila ay magmamakaawa na naninikluhod.

73. Na kapag ang Aming mga malilinaw na talata ay binibigkas sa mga tao ay sasabihin na mga walang pananampalataya sa mga mananampalataya: “Sino ba sa dalawang grupo mula sa amin o mula sa inyo ang may pinakamabuting patutunguhan at may pinakamabuting kaluluklukan?”

74. At gaano karami ang henerasyon na Aming winasak na nauna sa iyong sambayanan na mga walang pananampalataya, O Muhammad (r), na sila ay nabibilang sa mga sambayanan na mas higit ang kanilang naging katayuan sa yaman, kabutihan at panlabas na kaanyuan kaysa sa iyong sambayanan, O Muhammad (r)?

75. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): Sinuman ang nasa pagkaligaw na hindi sumusunod sa daan ng patnubay ay pagbibigyan siya ng Pinakamahabaging Allâh (I) sa kanyang kalagayan at luluwagan siya sa pagkaligaw na ito bilang dahan-dahang pagparusa sa kanya nang hindi niya namamalayan, hanggang kapag nakita na nila ang ipinangako sa kanilang kaparusahan, na alinman sa dalawa: maaaring ang parusang ito ay maagang igawad sa kanila rito sa daigdig o maaari ring sa Araw ng Pagkagunaw ng sandaigdigan, walang pag-aalinlangang mababatid ng sinuman doon kung sino ang may pinakamasamang kalalagyan, at kung sino ang may pinakamahina sa puwersa.

76. At daragdagan ng Allâh (I) ng patnubay ang mga yaong nagpakatuwid sa Kanyang ‘Deen’ (o Relihiyon) nang higit pa kaysa sa kanilang natamo na mga patnubay sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kanilang pananampalataya sa pagsunod sa ipinag-utos ng Allâh (I) at pagsagawa nito. At ang mabubuting gawa ang nananatili, na higit na mabuti ang gantimpala nito sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay at higit na mabuti ang ibubunga nito.
77. Nakita mo ba, O Muhammad (r), na may pagkamangha, siya na walang pananampalataya na tulad ni Al-`As Ibn Wa`il at ang mga katulad niya, noong nilabag niya ang mga ‘Âyât’ ng Allâh (I), at di niya pinaniwalaan na kanyang sinabi: “Katiyakan, na pagkakalooban ako sa Kabilang-Buhay ng mga kayamanan at mga anak.”

78. Batid niya ba ang ‘Al-Ghayb’ (mga kaalaman hinggil sa mga bagay na di-nakikita), na nakita niya na mayroon siyang yaman at anak doon, o di kaya ay mayroon ba siyang pinagkasunduan hinggil dito sa Allâh (I)?

79. Ang katotohanan ay hindi ang katulad ng kanyang inangkin, dahil wala siyang alam at wala siyang ginawang kasunduan sa Allâh (I), na kung kaya, walang pag-aalinlangan, itatala Namin ang anuman na kanyang sinabing pagsisinungaling at pag-aangkin laban sa Allâh (I), at daragdagan Namin siya sa Kabilang-Buhay ng iba’t iba pang mga kaparusahan, na katulad ng pagkakaragdag sa kanya sa pagkaligaw.

80. At mapapasa-Amin ang kanyang kayamanan at mga anak, at darating siya sa Araw ng Muling Pagkabuhay na nag-iisa, na wala siyang dalang anumang kayamanan at anak.

81. At nagturing ang mga walang pananampalataya ng mga diyus-diyosan na kanilang sinasamba bukod sa Allâh (I); upang ito ang maging kaagapay nila at maipagmamalaki.

82. Subali’t ang mangyayari ay hindi ang yaong kanilang inaasahan dahil hindi naging karangalan ang pagmamalaki nila sa kanilang mga diyus-diyosan, kundi tatanggihan sila ng mga diyus-diyosan na ito sa Kabilang-Buhay hinggil sa ginawang pagsamba nila sa kanila, at ito ay magiging katibayan laban sa kanila dahil sa kanilang pagtanggi at pagsisinungaling, na ito ay naging salungat sa kanilang inaasahan.

83. Hindi mo ba nakita, O Muhammad (r), na Kami ay nagpadala ng mga Satanas laban sa mga walang pananampalataya sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo upang sila ang kumuntrol sa kanila at ilalayo sila sa pagsunod sa Allâh (I) tungo sa paglabag?

84. Na kung kaya, huwag mong madaliin, O Muhammad (r), ang paghingi na parusahan sila na mga walang pananampalataya, dahil katiyakang binibilang Namin ang kanilang mga araw at kanilang mga gawain, nang walang pagkukulang at walang pag-aantala.

85-86. Sa Araw na titipunin Namin ang mga ‘Al-Muttaqin’ – may takot sa Allâh (I) dito sa daigdig – tungo sa ‘Rabb’ na Pinakamahabagin bilang kagalang-galang na panauhin, at kakaladkarin (naman) Namin ang mga walang pananampalataya na may kalupitan tungo sa Impiyerno, na sila ay nasa masidhing pagkauhaw.

87. At walang kapangyarihan ang mga walang pananampalataya na mamagitan kaninuman, subali’t ang may kapangyarihan lamang na mamagitan ay ang mga yaong tumanggap ng kapahintulutan o pinangakuan ng Pinakamahabaging Allâh (I), at sila ay ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.

88. At sinabi nila na mga walang pananampalataya: “Ang Allâh (I) na Pinakamahabagin ay nagkaroon ng anak na lalaki!”

89. Katiyakan, nakagawa kayo, O kayo na mga nagsasabi nito, ng napakalaking kalapastanganan.

90-91. Na halos mawarak ang mga kalangitan dahil sa napakasidhing kalapastanganang ito, at ang kalupaan ay magkabiyak-biyak, at gumuho nang lubusan ang mga kabundukan dahil sa galit ng mga ito nang alang-alang sa Allâh (I), dahil sa pagtatangi nila ng anak para sa Allâh (I). Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay ganap na ligtas sa mga ganitong paratang.

92. At hindi angkop sa kaganapan ng Allâh (I) na Pinakamahagin at hindi karapat-dapat sa Kanyang Kamaharlikaan ang pagkakaroon ng anak, dahil ang pagkakaroon ng anak ay nangangahulugan ng kakulangan at pangangailangan, at ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan ng sinuman, Siya ay kapuri-puri na malayung-malayo sa anumang kakulangan.

93. Walang sinuman mula sa mga kalangitan na mga anghel at sa kalupaan na mga tao at mga ‘Jinn’ kundi sila ay haharap sa kanilang ‘Rabb’ sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang alipin, nagpapakumbaba na pinatutunayan ang pagiging alipin niya sa Allâh (I) na Pinakamahabagin.

94. Katiyakan, batid Niya ang lahat ng Kanyang nilikha at alam Niya ang bilang ng mga ito nang ganap at walang sinuman ang naililihim sa Kanya.

95. At walang pag-aalinlangan, ang bawa’t isa na nilikha ay haharap sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay na siya ay nag-iisa, walang kayamanang dala-dala at walang anak.
96. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa mga Sugo at gumawa ng mga kabutihan ayon sa Kanyang batas, walang pag-aalinlangang sila ay pagkakalooban ng Allâh (I) ng pagmamahal na sila ay mamahalin ng Kanyang mga alipin.

97. Na kung kaya, ginawa Namin ang Qur’ân na ito na madali sa pamamagitan ng iyong salita, O Muhammad (r), na ‘Arabic;’ upang maipamalita mo ito sa mga may takot sa Allâh (I) mula sa iyong mga tagasunod, at babalaan mo sa pamamagitan nito ang mga walang pananampalataya na matitindi ang kanilang pakikipagtalo sa kamalian.

98. At gaano karami, O Muhammad (r), ang winasak Namin na mga sambayanan na nauna kaysa sa iyong sambayanan, na wala ka nang sinumang nakikita sa kanila at hindi mo na naririnig pa ang kanilang mga ugong o hinaing, na kung kaya, ang mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan ay Amin ding wawasakin na tulad ng ginawa Naming pagwasak sa mga nauna sa kanila?

Dito sa talatang ito ay matinding babala sa pagkawasak ng mga walang pananampalataya na nagmamatigas.

No comments: